Tanging ang Pagkakilala sa Sarili ang Makakatulong sa Paghahangad ng Katotohanan (Unang Bahagi)
May ilang tao, na matapos manalig sa Diyos sa loob ng maraming taon at makinig sa maraming sermon, ay nakinabang na nang kaunti sa mga ito. Kahit papaano, nakapagbibigkas sila ng ilang salita at doktrina na kung pakikinggan ay pawang tila umaayon sa katotohanan. Sa kabila nito, kapag may nangyayari sa kanila, hindi nila maisagawa ang katotohanan, hindi sila makagawa ng kahit man lang isang bagay na naaayon sa katotohanan. Masasabi rin na sa pananalig nila sa Diyos sa loob ng maraming taon, wala silang nagawang anuman upang protektahan ang gawain ng iglesia, o kahit isang gawi lang. Paano ito maipapaliwanag? Nakakapagbigkas man sila ng ilang salita at doktrina, hinding-hindi nila nauunawaan ang katotohanan, kaya hindi nila ito maisagawa. Kapag pinagbabahaginan ng ilang tao ang pagkakilala nila sa kanilang sarili, ang unang lumalabas sa kanilang mga bibig ay, “Isa akong diyablo, isang buhay na Satanas, isang taong lumalaban sa Diyos. Naghihimagsik ako laban sa Kanya at pinagtataksilan Siya; isa akong ulupong, isang masamang tao na dapat sumpain.” Tunay ba itong pagkakilala sa sarili? Pangkalahatang ideya lang ang sinasabi nila. Bakit hindi sila nagbibigay ng mga halimbawa? Bakit hindi nila inilalantad ang mga nakakahiyang bagay na ginawa nila para himayin ang mga ito? Naririnig sila ng ilang taong hindi marunong kumilatis at iniisip, “Aba, tunay na pagkakilala iyon sa sarili! Ang makilala ang kanilang sarili bilang isang diyablo, si Satanas, at sumpain pa ang kanilang sarili—napakataas naman ng naabot nila!” Madaling malihis ng ganitong pananalita ang maraming tao, lalo na ang mga bagong mananampalataya. Akala nila dalisay at may espirituwal na pang-unawa ang taong nagsasalita, na isa itong taong nagmamahal sa katotohanan, at kwalipikadong maging lider. Subalit, sa sandaling makasalamuha na nila siya nang ilang panahon, nalalaman nilang hindi pala ganoon, na hindi pala gaya ng inisip nila ang taong iyon, kundi ubod ng huwad at mapanlinlang, mahusay sa pagkukunwari at pagpapanggap, na talaga namang nakakadismaya. Sa anong batayan kaya masasabi na talagang kilala ng mga tao ang kanilang sarili? Hindi mo pwedeng isaalang-alang lang ang sinasabi nila—ang susi ay tukuyin kung naisasagawa at natatanggap nila ang katotohanan. Para sa mga tunay na nakauunawa sa katotohanan, hindi lamang sila may tunay na kaalaman tungkol sa kanilang sarili, ang pinakamahalaga, naisasagawa nila ang katotohanan. Hindi lamang nila sinasabi ang kanilang tunay na pagkaunawa, kundi nagagawa rin talaga nila ang sinasabi nila. Ibig sabihin, ganap na magkaayon ang kanilang mga salita at kilos. Kung maliwanag at kaaya-ayang pakinggan ang sinasabi nila, pero hindi nila ito ginagawa, hindi ito isinasabuhay, kung gayon sa bagay na ito ay naging mga Pariseo sila, mapagpaimbabaw sila, at tiyak na hindi mga taong tunay na nakakikilala sa kanilang sarili. Napakaliwanag pakinggan ng maraming tao kapag ibinabahagi nila ang katotohanan, pero hindi nila napapansin kapag nagkakaroon sila ng mga pagbubunyag ng tiwaling disposisyon. Kilala ba ng mga taong ito ang kanilang sarili? Kung hindi kilala ng mga tao ang kanilang sarili, sila ba ay mga taong nakakaunawa sa katotohanan? Ang lahat ng hindi nakakikilala sa sarili ay mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan, at lahat ng nagsasalita ng mga walang kabuluhang salita ng pagkakilala sa sarili ay may huwad na espirituwalidad, sila ay mga sinungaling. Kung pakikinggan ay mahusay magsalita ang ilang tao ng mga salita at doktrina, pero ang kalagayan sa kanilang mga espiritu ay manhid at hangal, hindi matalas ang kanilang pakiramdam, at hindi sila tumutugon sa anumang isyu. Masasabi na manhid sila, pero minsan, kapag napapakinggan silang magsalita, tila medyo matalas ang kanilang mga espiritu. Halimbawa, pagkatapos na pagkatapos ng isang insidente, nagagawa nilang makilala kaagad ang kanilang sarili: “Ngayon-ngayon lang naging malinaw sa akin ang isang ideya. Pinag-isipan ko ito at napagtanto ko na ito ay mapanlinlang, na nililinlang ko ang Diyos.” Naiinggit ang ilang taong hindi marunong kumilatis kapag naririnig nila ito, sinasabing: “Napagtatanto kaagad ng taong ito kapag mayroon siyang pagbubunyag ng katiwalian, at nagagawa rin niyang ipagtapat at ibahagi ang tungkol dito. Napakabilis ng reaksyon niya, matalas ang kanyang espiritu, mas mahusay siya kaysa sa atin. Tunay ngang isa itong taong naghahangad ng katotohanan.” Tumpak na paraan ba ito ng pagsukat sa mga tao? (Hindi.) Kaya ano ba ang dapat na maging batayan sa pagsusuri kung talaga bang kilala ng mga tao ang kanilang sarili? Hindi lang ito dapat kung ano ang lumalabas sa kanilang mga bibig. Dapat mo ring tingnan kung ano talaga ang naipapamalas sa kanila. Ang pinakasimpleng paraan ay ang tingnan kung naisasagawa ba nila ang katotohanan—ito ang pinakamahalaga. Pinatutunayan ng abilidad nilang isagawa ang katotohanan na tunay nilang kilala ang kanilang sarili, dahil ang mga tunay na nakakikilala sa kanilang sarili ay nagpapamalas ng pagsisisi, at kapag nagpapamalas ng pagsisisi ang mga tao saka lamang nila tunay na nakikilala ang kanilang sarili. Halimbawa, maaaring alam ng isang tao na siya ay mapanlinlang, na marami siyang mga walang kapararakang pakana at balak, at maaari din niyang mahalata kapag naghahayag ng panlilinlang ang iba. Kaya dapat mong suriin kung tunay niyang pinagsisisihan at iwinawaksi ang kanyang panlilinlang matapos niyang aminin na siya ay mapanlinlang. At kung muli siyang maghayag ng panlilinlang, suriin kung makararamdam ba siya ng pagsisisi at kahihiyan sa paggawa nito, kung taimtim ba siyang nagsisisi. Kung wala siyang kahihiyan, lalo nang walang pagsisisi, ang kanyang kamalayan sa sarili ay pahapyaw at basta-basta lang. Iniraraos lang niya ang mga bagay-bagay; wala siyang tunay na kamalayan. Hindi niya nararamdaman na ang panlilinlang ay napakasamang bagay o na ito ay malademonyo, at tiyak na hindi niya nararamdaman kung gaano kawalanghiya at kahindik-hindik na pag-uugali ang panlilinlang. Iniisip niya, “Mapanlinlang ang lahat ng tao. Tanging ang mga hangal ang hindi mapanlinlang. Hindi ka magiging masamang tao sa kaunting panlilinlang. Wala akong ginawang masama; hindi ako ang pinakamapanlinlang na tao.” Kaya bang tunay na makilala ng gayong tao ang sarili niya? Tiyak na hindi. Ito ay dahil wala siyang kamalayan sa mapanlinlang niyang disposisyon, hindi niya kinamumuhian ang panlilinlang, at lahat ng sinasabi niya tungkol sa pagkakilala sa sarili ay mapagkunwari at hungkag. Ang hindi pagkilala sa sariling tiwaling disposisyon ay hindi tunay na pagkakilala sa sarili. Hindi tunay na nakikilala ng mga mapanlinlang na tao ang mga sarili nila, dahil para sa kanila, hindi madaling tanggapin ang katotohanan. Kaya, gaano man karaming mga salita at doktrina ang nasasabi nila, hindi talaga sila magbabago.
Paano matutukoy ng isang tao kung mahal ng isang tao ang katotohanan? Sa isang banda, dapat tingnan kung kayang kilalanin ng taong ito ang kanyang sarili batay sa salita ng Diyos, kung kaya niyang pagnilayan ang kanyang sarili at makadama ng tunay na pagsisisi; sa kabilang banda, dapat tingnan kung natatanggap at naisasagawa nito ang katotohanan. Kung natatanggap at naisasagawa nito ang katotohanan, isang tao ito na nagmamahal sa katotohanan at na nakapagpapasakop sa gawain ng Diyos. Kung kinikilala lang niya ang katotohanan, ngunit hindi niya ito tinatanggap o isinasagawa kailanman, tulad ng sinasabi ng ilang tao, “Nauunawaan ko ang lahat ng katotohanan, pero hindi ko ito kayang isagawa,” nagpapatunay ito na hindi siya isang taong nagmamahal sa katotohanan. Inaamin ng ilang tao na ang salita ng Diyos ay ang katotohanan at na mayroon silang mga tiwaling disposisyon, at sinasabi rin nila na handa silang magsisi at panibaguhin ang kanilang sarili, pero pagkatapos niyon, wala namang anumang pagbabago. Pareho pa rin ng dati ang mga salita at kilos nila. Kapag tinatalakay nila ang pagkilala sa kanilang sarili, para silang nagbibiro o bumubulalas ng isang salawikain. Hindi nila talaga pinagninilayan o kinikilala ang sarili nila sa kaibuturan ng puso nila; ang pangunahing isyu ay wala silang saloobin ng pagsisisi. Lalong hindi sila bukás na nagtatapat tungkol sa katiwalian nila para tunay nilang mapagnilayan ang sarili nila. Sa halip, nagkukunwari sila na kilala nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na nagpapakita na may pagkakakilanlan nga sila. Hindi sila mga taong tunay na kilala ang kanilang sarili o tumatanggap sa katotohanan. Kapag nagsalita ang gayong mga tao tungkol sa pagkakilala sa kanilang sarili, nakikiayon lang sila; nagbabalatkayo sila at nanloloko, at huwad ang kanilang espirituwalidad. Ang ilang tao ay mapanlinlang, at kapag nakikita nila na ibinabahagi ng iba ang pagkaalam ng mga ito sa kanilang sarili, iniisip nila, “Lahat ng iba pa ay nagtatapat at hinihimay ang sarili nilang panlilinlang. Kung wala akong sasabihin, iisipin ng iba na hindi ko kilala ang sarili ko. Kung gayon, kailangan kong makiayon!” Pagkatapos niyon, inilalarawan nila na napakalubha ng sarili nilang panlilinlang, ipinapaliwanag iyon nang madamdamin, at ang kanilang pagkakilala sa sarili ay tila napakalalim. Pakiramdam ng lahat ng nakaririnig ay talagang kilala nila ang kanilang sarili, at kaya naman naiinggit ang mga ito sa kanila, at dahil dito pakiramdam ng mga ito ay para bang maluwalhati sila, na para bang pinalamutian nila ng sinag ang sarili nilang ulo. Ang ganitong pagkakilala sa sarili na nakamtan sa pamamagitan ng wala sa loob na pagsasabi nang gayon, na may kasamang pagkukunwari at panlilinlang, ay lubos na naililihis ang iba. Napapanatag ba ang konsensiya nila kapag ginagawa nila ito? Hindi ba lantarang panlilinlang lang ito? Kung nagsasalita lamang ang mga tao ng walang kabuluhan tungkol sa pagkakilala sa sarili nila, gaano man katayog o kabuti ang kaalamang iyon, at kung pagkatapos ay patuloy pa rin silang naglalantad ng isang tiwaling disposisyon tulad ng ginawa nila dati, nang walang anumang pagbabago, kung gayon ay hindi iyon tunay na pagkakilala sa sarili. Kung sadyang magkukunwari at makapanlilinlang ang mga tao sa ganitong paraan, pinapatunayan nito na hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, at katulad lang sila ng mga walang pananampalataya. Sa pamamagitan ng pagtalakay nila sa kanilang pagkakilala sa sarili sa ganitong paraan, sinusunod lang nila ang kalakaran at sinasabi ang anumang akma sa panlasa ng lahat. Hindi ba’t nakalilinlang ang kanilang kaalaman at paghihimay sa kanilang sarili? Tunay bang pagkakilala ito sa sarili? Hinding-hindi. Ito ay dahil hindi sila nagtatapat at naghihimay ng kanilang sarili nang mula sa puso, at bahagya lang silang nagtatalakay tungkol sa kanilang sarili sa isang huwad, mapanlinlang na paraan para lang makiayon. Ang mas malala pa, para hangaan at kainggitan sila ng iba, sadya silang nagpapalabis upang magmukhang mas mabigat ang kanilang mga problema kapag tinatalakay nila ang pagkakilala sa sarili, inihahalo ang personal nilang mga layunin at mithiin sa kanilang pagtatapat. Kapag ginagawa nila ito, hindi nila nararamdamang may pagkakautang sila, hindi inuusig ang kanilang konsensiya matapos silang magbalatkayo at manlinlang, wala silang nadarama matapos suwayin at linlangin ang Diyos, at hindi sila nagdarasal sa Diyos para aminin ang kanilang pagkakamali. Hindi ba’t matigas ang ulo ng ganitong mga tao? Kung hindi sila nakakaramdam ng pagkakautang, maaari ba silang makadama ng pagsisisi? Maaari bang maghimagsik laban sa laman at magsagawa ng katotohanan ang isang taong walang tunay na pagsisisi? Maaari bang tunay na magsisi ang isang taong walang tunay na pagsisisi? Hinding-hindi. Kung hindi man lang siya nagsisisi, hindi ba’t kakatwa lang na talakayin ang pagkakilala sa sarili? Hindi ba’t pagbabalatkayo at panlilinlang lamang ito? May ilang tao, na matapos magsinungaling at manlinlang, ay napagtatanto ito at nakakaramdam ng pagsisisi. Dahil may kahihiyan sila, nahihiya silang aminin ang katiwalian nila sa iba, pero nagagawa nilang manalangin at buksan ang sarili nila sa Diyos. Handa silang magsisi, at pagkatapos ay tunay silang nagbabago. Ito ay isa ring taong kilala ang sarili niya at tunay na nagsisisi. Sinumang may lakas ng loob na aminin sa iba na siya ay nagsinungaling at nanlinlang, at nagagawa ring manalangin sa Diyos at magtapat, na kinikilala ang mga pagbubunyag ng katiwalian niya, ay isang taong kayang kilalanin ang sarili niya at tunay na magsisi. Matapos ang isang panahon ng pananalangin at paghahanap sa katotohanan, nahahanap niya ang landas ng pagsasagawa at sumasailalim siya sa ilang pagbabago. Bagamat ang lahat ay may parehong kalikasang diwa, at ang lahat ay may tiwaling disposisyon, ang mga kayang tumanggap sa katotohanan ang may pag-asang sila ay maliligtas. May ilang tao, matapos manalig sa Diyos, ay nasisiyahan sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at tumutuon sa pagninilay-nilay ng sarili. Kapag nakikita nila ang mga pagbubunyag ng katiwalian nila, nararamdaman nilang may pagkakautang sila sa Diyos at kadalasan ay gumagamit ng mga pamamaraan ng pagpipigil para malutas nila ang problema ng kanilang kasinungalingan at pandaraya. Gayunman, dahil hindi nila nakokontrol ang sarili nila, madalas pa rin silang magsinungaling at mandaya. Sa sandaling iyon, napagtatanto nila na ang problema ng satanikong disposisyon ay hindi malulutas ng pagpipigil. Kaya, nananalangin sila sa Diyos, ipinapaliwanag ang mga paghihirap nila sa Kanya, nagmamakaawa sa Kanya na iligtas sila mula sa pagkontrol ng makasalanang kalikasan at impluwensiya ni Satanas, upang makamit ang pagliligtas ng Diyos. Makalipas ang ilang panahon, magkakaroon ng ilang resulta, ngunit walang pangunahing solusyon sa problema ng kanilang kasinungalingan at panlilinlang. Kaya, sa wakas ay napagtatanto nila na ang satanikong disposisyon ay matagal nang nag-ugat sa puso nila at tumagos na sa kalooban nila. Ang kalikasan ng tao ay sataniko. Sa pagtanggap lamang ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at sa pagkamit ng gawain ng Banal na Espiritu makakawala ang isang tao mula sa gapos ng pagkaalipin at pagpigil ng satanikong disposisyon. Sa liwanag at gabay lamang ng mga salita ng Diyos nila makikita ang lalim ng katiwalian nila, at makikilala na ang tiwaling sangkatauhan ay mula nga kay Satanas, at kung hindi dahil sa gawain ng pagliligtas ng Diyos, ang lahat ay mapapahamak at mawawasak. Dito lamang nila makikita kung gaano kahusay ang pagliligtas ng Diyos sa mga tao sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo. Pagkatapos maranasan ito, matatanggap nila ang paghatol at pagkastigo ng Diyos nang buong puso, at magsisimulang lumago ang tunay na pagsisisi mula sa loob nila. Ngayon, mayroon na silang tunay na kamalayan at nagsisimula na silang makilala ang sarili nila. Para naman sa mga walang kamalayan sa puso nila, maaari din silang matutong magsabi ng ilang espirituwal na salita, ng ilang salita ng katwiran. Magaling silang bumigkas ng mga pariralang madalas ulit-ulitin ng mga diumano’y “banal na tao,” at kung pakikinggan ay mistula silang matatapat, nililinlang ang kanilang mga tagapakinig hanggang sa mapaluha ang mga ito. Dahil dito, sila ay gusto at pinapahalagahan ng lahat. Marami bang taong ganito? Anong uri ng tao ito? Hindi ba’t ito ay isang Pariseo? Ang mga taong ganito ay ang mga pinakamapanlinlang. Maaaring isipin ng mga hindi nakakaunawa sa katotohanan na ang ganitong tao, sa unang beses nilang pagharap sa kanya, ay napaka-espirituwal, kaya’t pipiliin nila siyang bilang kanilang lider. Bunga nito, hindi lalampas sa isang taon at naakit na niya sa panig niya ang lahat ng mga taong ito na hindi marunong kumilatis. Nagkukumpulan sila sa paligid niya, sinasang-ayunan at pinahahalagahan siya, hinihingi ang patnubay niya kapag may nangyayari, at minsan ay ginagaya pa nga ang tono ng pagsasalita niya. Ang mga sumusunod sa kanya ay natututo kung paano bumigkas ng mga salita at doktrina at kung paano linlangin ang mga tao at ang Diyos, ngunit dahil dito, nagiging negatibo at mahina silang lahat pagdating ng mga pagsubok. Sa mga puso nila, nagrereklamo sila sa at pinagdududahan ang Diyos, at hindi sila nagpapakita ng kahit kaunting pananalig. Bunga ito ng pagsamba at pagsunod sa isang tao. Sa kabila ng maraming taon nilang pananalig sa Diyos at kakayahang magsalita ng napakaraming espirituwal na doktrina, hindi nila taglay ang anuman sa katotohanang realidad. Lahat sila ay naligaw at nabighani ng mapagpaimbabaw na Pariseo. Hindi ba’t madali para sa mga hindi kayang kumilatis na malinlang at tumahak sa maling landas? Ang mga taong hindi kayang kumilatis ay magugulo ang isipan, at napakadali nilang mailigaw!
Upang matuto ng pagkilatis, dapat munang matutunan ng isang tao kung paano pagnilayan at kilatisin ang sarili niyang mga problema. Ang lahat ng tao ay may pagmamataas at pagmamatuwid sa sarili, at ang kahit kaunting kapangyarihan ay maaaring humantong sa walang pakundangang kilos. Ito ay isang bagay na madalas na nangyayari, at mabilis itong nakikita, ngunit ano iyong mga tiwaling disposisyon na hindi masyadong madaling mapansin, o hindi masyadong sensitibo rito ang mga tao, at mahirap itong makita sa sarili o sa iba? (Hindi ako sensitibo sa panlilinlang.) Pagiging hindi sensitibo sa panlilinlang, at ano pa? (Pagiging makasarili at kasuklam-suklam.) Pagiging makasarili at kasuklam-suklam. Halimbawa, may ilang taong nagsasabing ginagawa nila ang isang bagay nang alang-alang sa ibang tao, ginagamit nila ito bilang palusot upang purihin sila ng lahat. Ngunit ang totoo ay ginagawa nila ito upang makaiwas sila sa abala, isang motibo na hindi alam ng iba, at mahirap makita. Ano pang ibang tiwaling disposisyon ang pinakamahirap na makita? (Ang pagiging mapagpaimbabaw.) Ito ay pagpapakitang-tao bilang mabuti, paggawa ng ilang bagay na ayon sa mga kuru-kuro ng tao upang mapuri, ngunit sa kalooban ay nagtatago ng satanikong pilosopiya at lihim na mga motibo. Ito ay mapanlinlang na disposisyon. Ito ba ay madaling makilatis? Ang mga taong mababa ang kakayahan at hindi nakakaunawa sa katotohanan ay hindi malinaw na nakikita ang mga bagay-bagay; lalo nilang hindi nakikilatis ang ganitong uri ng tao. May mga lider at manggagawa na, kapag lumulutas ng isang problema, ay malinaw at lohikal kung magsalita, na tila malinaw na nilang nakita ang isyu, ngunit matapos nilang magsalita ay hindi pa rin nalulutas ang problema. Pinapaniwala ka nila na nalutas na ang problema kahit hindi pa naman talaga; hindi ba’t ito ay panlilihis at panlilinlang sa mga tao? Ang mga hindi gumagawa ng tunay na hakbang sa pagganap ng tungkulin nila, at puro walang katuturan at mabulaklak kung magsalita, ay pawang mga mapagpaimbabaw. Labis silang tuso at mapanlinlang. Matapos matagal na makasama ang ganitong uri ng tao, nakikilatis na ba ninyo sila? Bakit hindi sila nagbabago matapos manalig sa Diyos sa loob ng maraming taon? Ano ang ugat ng problema? Sa tumpak na pananalita, silang lahat ay mga taong tutol na sa katotohanan, kaya’t ayaw nila itong tanggapin. Mas pinipili nilang mamuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, sa pag-aakalang dito ay hindi sila ang nasa disbentahe, bagkus ay nagmumukha silang kahanga-hanga, magara, at kagalang-galang dito. Hindi ba’t tuso at mapanlinlang ang ganitong mga tao? Mas gugustuhin nilang mamatay kaysa tanggapin ang katotohanan; maliligtas ba ang ganitong tao? May ilang tao, kapag nahaharap sa pagpupungos, ay naaamin sa salita ang pagkakamali nila, ngunit sa puso nila ay tumututol sila: “Kahit pa tama ang sinasabi ninyo, hindi ko ito tatanggapin. Lalabanan kita hanggang sa dulo!” Magaling silang magbalatkayo, sinasabing tinatanggap nila ito, ngunit sa puso nila ay hindi nila ito tinatanggap. Ito rin ay isang disposisyon na tutol na sa katotohanan. Ano pa bang mga tiwaling disposisyon ang mahirap makita at mapansin? Hindi ba’t mahirap matukoy ang katigasan ng kalooban? Ang matigas na kalooban ay isang uri ng disposisyon na lubos ding nakatago. Madalas itong nagpapamalas bilang matigas na pagpupumilit sa sariling mga pananaw, at hirap sa pagtanggap sa katotohanan. Paano man magsalita ang iba nang ayon sa katotohanan, ang taong mapagmatigas ay patuloy na kakapit sa sarili niyang mga nakagawian. Ang taong may mapagmatigas na disposisyon ang pinakahuling tatanggap sa katotohanan. Kadalasan, ang mga taong hindi tinatanggap ang katotohanan ay nagtatago ng ganitong uri ng mapagmatigas na disposisyon sa loob nila. Kapag matigas na kumakapit ang mga tao sa isang bagay sa loob nila, o mayroon silang saloobin ng pagpupursige para sa pansarili nilang mga nais, mahirap itong makita. Ano pa? Ang hindi pagmamahal at pagtutol sa katotohanan ay mahirap makita. Ang kalupitan ay mahirap makita. Pinakamadaling makita ang kayabangan at panlilinlang, ngunit ang iba—pagiging mapagmatigas, pagtutol sa katotohanan, kalupitan, kasamaan—ay pawang mahirap makita. Pinakamahirap makita ang kasamaan, sapagkat ito ay naging kalikasan na ng tao at nagsimula na silang luwalhatiin ito, at maging ang higit pang kasamaan ay hindi na masama sa paningin nila. Kaya, mas mahirap makita ang masamang disposisyon kaysa sa mapagmatigas na disposisyon. May mga taong nagsasabi: “Paanong hindi ito madaling makita? Ang lahat ng tao ay may masasamang pagnanasa. Hindi ba’t iyon ay kasamaan?” Mababaw na pananaw iyon. Ano ang tunay na kasamaan? Aling mga kalagayan ang masama kapag namamalas ang mga iyon? Masamang disposisyon ba kapag gumagamit ang mga tao ng tila mahahalagang pahayag para itago ang masasama at kahiya-hiyang layon na nasa kaibuturan ng kanilang puso, at pagkatapos ay paniwalain ang iba na napakabuti, walang kapintasan, at lehitimo ang mga pahayag na ito, at sa huli ay makamtan ang kanilang mga lihim na motibo? Bakit ito tinatawag na pagiging masama at hindi pagiging mapanlinlang? Pagdating sa disposisyon at diwa, hindi ganoon kasama ang pagkamapanlinlang. Ang pagiging masama ay mas mabigat kaysa pagiging mapanlinlang, ito ay isang pag-uugaling mas tuso at masama kaysa pagiging mapanlinlang, at mahirap para sa karaniwang tao na mahalata ito. Halimbawa, anong klaseng mga salita ang ginamit ng ahas para akitin si Eba? Paimbabaw na mga salita, na tama sa pandinig at tila sinambit para sa kabutihan mo. Wala kang malay na may anumang mali sa mga salitang ito o anumang masamang layon sa likod ng mga ito, at kasabay nito, hindi mo malimutan ang mga mungkahing ito ni Satanas. Ito ay tukso. Kapag natutukso ka at nakikinig sa ganitong klaseng mga salita, hindi mo mapipigilang maakit at malamang na mahulog ka sa bitag, sa gayon ay makakamtan ni Satanas ang kanyang mithiin. Ang tawag dito ay kasamaan. Ginamit ng ahas ang pamamaraang ito para akitin si Eba. Ito ba ay isang uri ng disposisyon? (Oo.) Saan nanggagaling ang ganitong uri ng disposisyon? Nanggagaling ito sa ahas, kay Satanas. Ang uring ito ng masamang disposisyon ay umiiral sa kalikasan ng tao. Hindi ba’t iba ang kasamaan na ito sa masasamang pagnanasa ng mga tao? Paano nagsisimula ang masasamang pagnanasa? Ito ay may kaugnayan sa laman. Ang tunay na kasamaan ay isang uri ng disposisyong malalim na nakatago, na talagang hindi nakikilatis ng mga taong walang karanasan o pag-unawa sa katotohanan. Dahil dito, ito ang pinakamahirap makita sa lahat ng disposisyon ng tao. Sa aling uri ng tao pinakamalubha ang masamang disposisyon? Sa mga taong mahilig magsamantala ng iba. Napakagaling nilang magmanipula na hindi man lang nalalaman ng mga namanipula nila kung ano ang nangyari pagkatapos. Ang ganitong uri ng tao ay may masamang disposisyon. Gamit ang panlilinlang, gumagamit ang masasamang tao ng ibang paraan upang pagtakpan ang panlilinlang nila, ikubli ang mga kasalanan nila, at itago ang mga lihim nilang intensiyon, mithiin, at makasariling pagnanais. Ito ay kasamaan. Higit pa rito, iba’t ibang paraan ang gagamitin nila upang mang-udyok, manukso, at mang-akit, pasusunurin ka sa mga nais nila at ipapatugon sa iyo ang mga makasariling hangarin nila upang makamit ang mga mithiin nila. Lahat ito ay masama. Ito ay tunay na satanikong disposisyon. Nagpakita na ba kayo ng anuman sa mga pag-uugaling ito? Sa mga aspekto ng masamang disposisyon, alin ang mas ipinapakita ninyo: panunukso, pang-uudyok, o pagsisinungaling upang pagtakpan ang iba pang kasinungalingan? (Tingin ko ay ipinapakita ko ang kaunti sa lahat ng ito.) Tingin mo ay ipinapakita mo ang kaunti sa lahat ng ito. Ibig sabihin, sa antas ng emosyon, nararamdaman mong pareho mo nang ipinakita at hindi pa ipinakita ang mga kilos na ito. Wala kang mahanap na anumang ebidensya. Sa pang-araw-araw mong buhay, napagtatanto mo ba kung nagpapakita ka ng masamang disposisyon kapag may kinakaharap kang bagay? Sa totoo lang, ang mga bagay na ito ay umiiral sa loob ng disposisyon ng lahat ng tao. Halimbawa, may isang bagay na hindi mo nauunawaan, pero ayaw mong malaman ng iba na hindi mo ito nauunawaan, kaya’t kung anu-ano ang ginagawa mo upang isipin nilang nauunawaan mo ito. Ito ay pandaraya. Ang ganitong uri ng pandaraya ay pagpapamalas ng kasamaan. Nariyan din ang panunukso at pang-uudyok, lahat ito ay pagpapamalas ng kasamaan. Madalas mo bang tinutukso ang iba? Kung talagang nagsisikap kang maunawaan ang isang tao, na nais mong makipagbahaginan sa kanya, at kailangan ito para sa iyong trabaho at ito ay wastong pakikisalamuha, hindi ito maituturing na panunukso. Ngunit kung may personal kang layunin at mithiin, at hindi mo talaga nais maunawaan ang disposisyon, mga paghahangad, at kaalaman ng taong ito, at sa halip ay nais mong ilabas ang kanyang mga iniisip sa kanyang kaloob-looban at ang tunay niyang mga damdamin, ito ay tinatawag na kasamaan, panunukso, at pang-uudyok. Kung ginagawa mo ito, may masama kang disposisyon; hindi ba’t ito ay isang bagay na nakatago? Madali bang baguhin ang ganitong disposisyon? Kung makikilatis mo ang mga pagpapamalas ng bawat aspekto ng disposisyon mo, kung anong mga kalagayan ang kadalasang sinasanhi ng bawat aspekto, at maitutugma mo ang mga ito sa sarili mo, na nararamdaman mo kung gaano kasama at kamapanganib ang ganitong disposisyon, makadarama ka ng pasanin na magbago, at mauuhaw ka sa mga salita ng Diyos at matatanggap mo ang katotohanan. Sa sandaling iyon ka makapagbabago at makatatanggap ng kaligtasan. Gayunman, kung matapos mong itugma ang mga ito ay hindi ka pa rin nauuhaw sa katotohanan, walang nararamdamang pagkakautang o paratang—o kahit kaunting pagsisisi—at hindi mo minamahal ang katotohanan, magiging mahirap para sa iyo na magbago. At hindi makatutulong ang pag-unawa, sapagkat doktrina lamang ang mauunawaan mo. Anumang aspekto ng katotohanan ito, kung ang pag-unawa mo ay natitigil sa antas ng doktrina at hindi konektado sa pagsasagawa at pagpasok mo, walang silbi ang doktrinang nauunawaan mo. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo makikilala ang tiwali mong disposisyon, at hindi ka makapagsisisi at makapagtatapat sa Diyos, at hindi ka makararamdam ng pagkakautang sa Diyos, at hindi mo kamumuhian ang sarili mo, kaya’t hinding hindi ka maliligtas. Kung alam mo kung gaano kalubha ang mga problema mo, pero wala kang pakialam at hindi mo kinamumuhian ang sarili mo, manhid at pasibo pa rin ang kalooban mo, hindi mo tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at hindi ka nananalangin sa Kanya o umaasa sa Kanya upang malutas ang tiwaling disposisyon mo, kung gayon ay lubhang nanganganib ka, at hindi ka makatatanggap ng kaligtasan.