Mga Salita sa Paghahanap at Pagsasagawa ng Katotohanan (Sipi 18)

Maraming tao ang nagbanggit ng parehong problema: Pagkatapos makinig sa pagbabahagi mula sa Itaas, naliliwanagan sila at sumisigla ang kanilang pakiramdam at hindi na sila negatibo. Gayunman, nagtatagal lamang ang kondisyong ito nang may sampung araw at nagiging abnormal muli, at nawawalan sila ng lakas. Hindi nila alam kung paano magpapatuloy at ano ang gagawin. Ano ang problemang ito? Ano ang ugat nito? Kahit kailan ba ay napag-isipan na ninyo ang tungkol dito? Sabi ng ilan, ang ugat ay ang hindi pagtuon ng mga tao sa katotohanan. Kung gayon, paanong nangyayari na nasa normal kang kalagayan pagkatapos mong makinig sa pagbabahagi? Bakit ka napakasaya at napakalaya pagkatapos mong marinig ang katotohanan? Sabi ng ilan, ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung gayon, bakit hindi na gumagawa ang Banal na Espiritu matapos ang may sampung araw? Sabi ng ilan, ito ay dahil hindi na sila nagpupursiging bumuti at naging tamad na sila. Kung gayon, bakit hindi pa rin gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga taong nagpupursiging bumuti? Hindi ba’t nagpupursigi ka ring bumuti? Bakit hindi gumagawa ang Banal na Espiritu? Ang mga dahilang ibinibigay ng mga tao ay hindi tugma sa realidad. Ang problema ay gumagawa man o hindi ang Banal na Espiritu, hindi maaaring balewalain ang kooperasyon ng tao. Kapag ang isang taong nagmamahal sa katotohanan ay nagagawang maunawaan ito nang malinaw, lagi niyang mapananatili ang normal na kalagayan, ito man ay isang yugto kung saan gumagawa ang Banal na Espiritu o hindi. Sa kabilang banda, kapag hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan, kahit pa lubos niya itong nauunawaan at kahit pa labis na gumagawa ang Banal na Espiritu, ang katotohanang kanyang maisasagawa ay limitado pa rin. Maisasagawa lamang niya ang kaunting katotohanan sa maikling panahon na siya ay masaya. Kadalasan, kikilos pa rin siya ayon sa kanyang mga sariling kagustuhan, at madalas niyang maihahayag ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Kaya, kung ang kondisyon ng isang tao ay normal ba at kung kaya ba niyang maisagawa ang katotohanan ay hindi ganap na nakasalalay sa gawain ng Banal na Espiritu. Hindi rin ito ganap na nakasalalay sa kung malinaw ba ang katotohanan sa taong iyon. Nakasalalay ito sa kung minamahal ba niya ang katotohanan at kung handa ba siyang isagawa ito. Karaniwan, nakikinig ang isang tao sa mga sermon at pagbabahagi at, sa loob ng ilang panahon, ay masasabing normal ang kanyang kalagayan. Resulta ito ng pagkaunawa sa katotohanan; binibigyan ka ng katotohanan ng kamalayan sa sarili mong tiwaling kalikasan, nagiging masaya at malaya ang iyong puso, at napabubuti ang iyong mga kondisyon. Subalit matapos ang ilang panahon, maaaring bigla ka na lamang maharap sa isang bagay na hindi mo alam kung paano danasin, mas magdidilim ang iyong puso kaysa sa dati, at hindi mo mamamalayang naisantabi mo na pala ang katotohanan sa iyong isipan; hindi mo sinusubukang hanapin ang kalooban ng Diyos sa iyong mga pagkilos, ginagawa mo ang lahat nang ayon sa iyong kagustuhan, at hindi mo man lamang nilalayong isagawa ang katotohanan. Sa paglipas ng panahon, nawawala sa iyo ang katotohanang minsan mo nang naunawaan. Lagi mong ipinakikita ang tiwali mong disposisyon, hindi mo hinahanap ang kalooban ng Diyos kapag may mga bagay kang kinahaharap, at kahit kapag lumalapit ka sa Kanya, ginagawa mo lamang ito nang pabasta-basta. Sa sandaling mapagtanto mo iyon, napalayo na ang iyong puso sa Diyos, at nilabanan mo na Siya sa maraming bagay at nagwika ka na ng mga kalapastanganan laban sa Kanya. Ito ay labis na nakababahala. Matutubos pa rin ang mga taong hindi pa malayong nakapaglalakbay sa landas na ito, subalit ang mga nagawa nang lapastanganin ang Diyos at kalabanin Siya, makipagkompetensiya para sa posisyon, at para sa pagkain at damit, hindi na sila matutubos. Ang layon ng malinaw na pagbabahagi ng katotohanan ay upang mabigyang-kakayahan ang mga tao na maunawaan at maisagawa ang katotohanan at magkaroon ng mga pagbabago sa kanilang mga disposisyon. Hindi lamang ito para maghatid ng liwanag at ng kaunting kaligayahan sa kanilang mga puso kapag naunawaan na nila ang katotohanan. Kung nauunawaan mo ang katotohanan ngunit hindi mo isinasagawa ang katotohanan, walang saysay ang pagbabahaginan at pag-unawa sa katotohanan. Ano ang problema kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan pero hindi ito isinasagawa? Patunay ito na hindi nila iniibig ang katotohanan, na sa kanilang mga puso, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, kung magkagayon ay mapalalampas nila ang mga pagpapala ng Diyos at ang pagkakataong maligtas. Patungkol sa kung matatamo ba ng mga tao ang kaligtasan o hindi, ang mahalaga ay kung matatanggap at maisasagawa nila ang katotohanan. Kung naisagawa mo ang lahat ng katotohanang nauunawaan mo, matatanggap mo ang kaliwanagan, pagtanglaw at paggabay ng Banal na Espiritu, at magagawa mong pumasok sa katotohanang realidad, at makakamtan ang mas malalim na pagkaunawa sa katotohanan, at matatamo ang katotohanan, at makakamit ang pagliligtas ng Diyos. Ang ilang tao ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan, palagi silang nagrereklamo na hindi sila nabibigyan ng kaliwanagan o natatanglawan ng Banal na Espiritu, na hindi sila binibigyan ng lakas ng Diyos. Ito ay mali; ito ay maling pagkaunawa sa Diyos. Ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu ay nabubuo sa pundasyon ng pakikipagtulungan ng mga tao. Ang mga tao ay dapat maging matapat, at handang magsagawa ng katotohanan, at malalim man o mababaw ang kanilang pagkaunawa, dapat nilang maisagawa ang katotohanan. Saka lamang sila mabibigyang-liwanag at matatanglawan ng Banal na Espiritu. Kung nauunawaan ng mga tao ang katotohanan ngunit hindi ito isinasagawa—kung hinihintay lamang nila ang Banal na Espiritu na kumilos at puwersahin sila na isagawa ito—hindi ba’t sukdulan ang kanilang pagiging pasibo? Hindi kailanman pinupuwersa ng Diyos ang mga tao na gumawa ng kahit ano. Kung nauunawaan ng mga tao ang katotohanan ngunit hindi sila handang isagawa ito, ipinapakita nito na hindi nila iniibig ang katotohanan, o na ang kanilang kalagayan ay hindi normal at tila ba mayroong hadlang. Ngunit kung nagagawa ng mga tao na manalangin sa Diyos, kikilos din ang Diyos; mawawalan lamang ng paraan na gumawa sa kanila ang Banal na Espiritu kung ayaw nilang isagawa ang katotohanan at hindi rin sila nagdarasal sa Diyos. Sa katunayan, anumang uri ng paghihirap ang mayroon ang mga tao, palagi itong maaaring malutas; ang susi ay kung nakapagsasagawa ba sila nang naaayon sa katotohanan o hindi. Sa kasalukuyan, ang mga problema ng katiwalian na nasa inyo ay hindi isang kanser, hindi ito isang sakit na walang lunas. Kung makapagpapasya kayong magsagawa ng katotohanan, matatanggap ninyo ang gawain ng Banal na Espiritu, at magiging posible na magbago ang mga tiwaling disposisyong ito. Ang lahat ng ito ay nakadepende sa kung makapagpapasya kang isagawa ang katotohanan, ito ang susi. Kung isinasagawa mo ang katotohanan, kung tinatahak mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan, magagawa mong matanggap ang gawain ng Banal na Espiritu, at tiyak na maaari kang maligtas. Kung ang landas na tinatahak mo ay ang maling landas, maiwawala mo ang gawain ng Banal na Espiritu, ang isang maling hakbang ay hahantong sa isa pa, at magiging katapusan na ng lahat para sa iyo, at gaano man karaming taon kang magpatuloy na maniwala, hindi ka magkakamit ng kaligtasan. Halimbawa, kapag sila ay gumagawa, hindi kailanman iniisip ng ilang tao kung paano gawin ang gawain sa paraan na kapaki-pakinabang sa sambahayan ng Diyos at naaayon sa kalooban ng Diyos—ang resulta nito ay marami silang ginagawa na makasarili at ubod ng sama, na kasuklam-suklam at nakapopoot sa Diyos; at sa paggawa nito, sila ay nabunyag at natiwalag. Kung sa lahat ng bagay ay nagagawa ng mga tao na hanapin ang katotohanan at magsagawa ayon sa katotohanan, nakapasok na sila sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at kaya mayroon silang pag-asa na maging isang tao na nakaayon sa kalooban ng Diyos. Nauunawaan ng ilang tao ang katotohanan ngunit hindi ito isinasagawa. Sa halip, naniniwala sila na ang katotohanan ay wala nang iba pa kundi ito, at wala silang kakayahang lutasin ang sarili nilang mga gawi at mga tiwaling disposisyon. Hindi ba’t katawa-tawa ang ganitong mga tao? Hindi ba’t kakatwa sila? Hindi ba’t umaasta silang alam na nila ang lahat? Kung nagagawa ng mga tao na kumilos ayon sa katotohanan, maaaring magbago ang mga tiwaling disposisyon nila. Kung ang paniniwala at paglilingkod nila sa Diyos ay ayon sa sarili nilang likas na personalidad, wala ni isa sa kanila ang magkakaroon ng mga pagbabago sa kanilang mga disposisyon. Mayroong ilang tao na ginugugol ang buong araw na inaalala ang mga problemang dulot ng mga maling pagpili nila. Kahit nariyan na ang katotohanan, hindi nila ito pinag-iisipan man lang o sinusubukang isagawa, kundi ipinipilit nilang piliin ang sarili nilang landas. Napakakakatwang paraan ng pagkilos ito; tunay ngang ni hindi sila masiyahan sa mga pagpapala kapag taglay nila ang mga ito, at nakatakda silang magkaroon ng mahirap na kalagayan sa buhay. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay ganyan lang kasimple; ang mahalaga lang dito ay kung isinasagawa mo ang katotohanan o hindi. Kung isa kang tao na nagpasyang isagawa ang katotohanan, ang iyong pagiging negatibo, kahinaan, at tiwaling disposisyon ay unti-unting malulutas at mababago; depende ito kung iniibig ba ng puso mo ang katotohanan o hindi, kung nagagawa mo bang tanggapin ang katotohanan o hindi, kung kaya mo bang magdusa at magbayad ng halaga para matamo ang katotohanan o hindi. Kung talagang iniibig mo ang katotohanan, magagawa mong tiisin ang lahat ng uri ng sakit upang matamo ang katotohanan, maging ito man ay paninirang-puri, panghuhusga, o pagtanggi ng mga tao. Dapat mong tiisin ang lahat ng ito nang may pasensya at pagpapaubaya; at pagpapalain at poprotektahan ka ng Diyos, hindi ka Niya iiwan o pababayaan—sigurado ito. Kung nagdarasal ka sa Diyos nang may-takot-sa-Diyos na puso, umaasa sa Diyos at nagtitiwala sa Diyos, walang bagay na hindi mo malalampasan. Maaaring mayroon kang tiwaling disposisyon, at maaaring lumalabag ka, ngunit kung mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, at maingat mong tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, walang dudang makakapanindigan ka, at walang dudang maaakay at mapoprotektahan ka ng Diyos.

May ilang taong sinasangkapan ang kanilang sarili ng mga katotohanan para lamang gumawa at mangaral, matustusan ang iba, hindi para lutasin ang kanilang sariling mga problema, lalong hindi para isagawa ang mga iyon. Ang kanilang pagbabahagi ay maaaring may dalisay na pagkaunawa at naaayon sa katotohanan, ngunit hindi nila inihahambing ang kanilang sarili roon, ni hindi nila isinasagawa o dinaranas iyon. Ano ang problema rito? Talaga bang natanggap na nila ang katotohanan bilang kanilang buhay? Hindi, hindi pa. Ang doktrinang ipinangangaral ng isang tao, gaano man iyon kadalisay, ay hindi nangangahulugan na taglay niya ang katotohanang realidad. Para masangkapan ng katotohanan, dapat munang mapasok niya iyon mismo, at isagawa iyon kapag nauunawaan niya iyon. Kung hindi siya magtutuon sa sarili niyang pagpasok, bagkus ay naroon lamang para magpasikat sa pamamagitan ng pangangaral ng katotohanan sa iba, mali ang kanyang layunin. Maraming huwad na lider na ganito kung magtrabaho, walang tigil na nakikipagbahaginan sa iba tungkol sa mga katotohanang nauunawaan nila, nagtutustos sa mga bagong mananampalataya, nagtuturo sa mga tao na isagawa ang katotohanan, na gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, na huwag maging negatibo. Ang mga salitang ito ay pawang maayos at mabuti—mapagmahal pa nga—ngunit bakit hindi isinasagawa ng mga tagapagsalita nito ang katotohanan? Bakit wala silang pagpasok sa buhay? Ano ba talaga ang nangyayari rito? Talaga bang mahal ng ganitong tao ang katotohanan? Mahirap sabihin. Ganito ipinaliwanag ng mga Pariseo ng Israel ang Bibliya sa iba, subalit hindi nila nagawang sundin mismo ang mga utos ng Diyos. Nang magpakita at gumawa ang Panginoong Jesus, narinig nila ang tinig ng Diyos ngunit nilabanan ang Panginoon. Ipinako nila ang Panginoong Jesus sa krus at isinumpa sila ng Diyos. Samakatuwid, lahat ng taong hindi tumatanggap o nagsasagawa ng katotohanan ay kokondenahin ng Diyos. Napakakahabag-habag nila! Kung ang mga salita at doktrinang ipinangangaral nila ay nakatutulong sa iba, bakit hindi ito nakatutulong sa kanila? Mabuti pang tawagin natin ang gayong tao na isang mapagpaimbabaw na walang realidad. Tinutustusan niya ang iba ng literal na kahulugan ng katotohanan, inuutusan ang iba na isagawa iyon, ngunit hindi niya ito isinasagawa mismo kahit kaunti. Hindi ba walang kahihiyan ang gayong tao? Wala siyang katotohanang realidad, subalit sa pangangaral ng mga salita at doktrina sa iba, nagkukunwari siyang mayroon siya niyon. Hindi ba’t sadyang panlilihis at pamiminsala ito ng mga tao? Kung ibubunyag at ititiwalag ang gayong tao, sarili lang niya ang masisisi niya. Hindi siya nararapat kaawaan. Kaya bang makamit ng isang taong nangangaral lamang ng mga salita at doktrina, ngunit hindi nagsasagawa ng katotohanan, ang tunay na pagbabago? Hindi ba nila dinaraya ang iba at pinipinsala ang kanilang sarili? Ang paghahangad sa katotohanan ay ganap na tungkol sa paggawa. Ang layunin ng pagsasagawa sa katotohanan ay ang lutasin ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao at isabuhay ang tunay na wangis ng tao, subalit hindi nila nakikilala ang kanilang mga tiwaling disposisyon o ginagamit ang katotohanan upang lutasin ang kanilang mga paghihirap. Kahit gaano nila diligan, tustusan, o suportahan ang iba, hindi nila kailanman makakamit ang mga aktuwal na resulta dahil wala silang landas sa buhay pagpasok o mabago ang kanilang disposisyon. Kung hindi nalulutas ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan ang mga paghihirap o mga problema ng mga tao, hindi ba’t nagwiwika lamang sila ng mga salita at doktrina na kaaya-aya sa tainga subalit walang pakinabang? Kung gusto ninyong magkamit ng pagbabago sa inyong disposisyon, dapat ay pagtuunan muna ninyo ang pagsasagawa at pagdanas sa mga salita ng Diyos. Kahit ano pang mga aspekto ng katotohanan ang inyong nauunawaan, dapat pagtuunan ninyo ang pagsasagawa ng mga ito. Sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa sa katotohanan na matutuklasan ninyo ang mga problema, at sa partikular, na mapapansin ninyo kapag naipapakita ang inyong mga tiwaling disposisyon. Kung kaya ninyong hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problemang ito, makapapasok kayo sa katotohanang realidad, at magbabago ang inyong buhay disposisyon. Pagkatapos ay magkakaroon ka na ng isang landas kapag tinatalakay ninyo ang pagsasagawa sa katotohanan, at magagawa mong lutasin ang mga problema kapag nagbabahaginan kayo tungkol sa katotohanan. Ipinakikita nito na kapag handa kang isagawa ang katotohanan, tataglayin mo ang katotohanang realidad. Kapag handa kang isagawa ang katotohanan, magiging kuwalipikado kang magtustos sa iba. Bilang kapalit, pupurihin ka ng Diyos, at sasang-ayunan ka ng mga tao.