Mga Salita sa Paghahanap at Pagsasagawa ng Katotohanan (Sipi 13)

Marami na ngayong tao na nakatutok sa paghahangad sa katotohanan at na nagagawang hanapin ang katotohanan kapag may nangyayari sa kanila. Kung gusto mong lutasin ang mga maling motibo at hindi normal na kalagayan sa loob mo, dapat mong hanapin ang katotohanan para magawa iyon. Bilang panimula, dapat mong matutunang maging bukas sa pagbabahaginan batay sa mga salita ng Diyos. Siyempre, dapat kang pumili ng tamang tatanggap ng bukas na pagbabahaginan—kahit papaano man lang, dapat kang pumili ng taong nagmamahal at tumatanggap sa katotohanan, isang taong mas mabuti ang pagkatao kaysa sa karamihan, na kahit papaano ay matapat at matuwid. Mas mabuti siyempre kung makapipili ka ng isang taong nakauunawa sa katotohanan, na matutulungan ka sa kanyang pagbabahagi. Maaaring maging epektibo ang paghahanap ng ganitong tao na mapagtatapatan mo at makakasama mo sa paglutas ng mga paghihirap mo. Kung pipili ka ng maling tao, ng isang taong hindi nagmamahal sa katotohanan, kundi may kaloob o talento lamang, kukutyain at hahamakin ka niya, at lilibakin ka niya. Hindi ito para sa kapakinabangan mo. Sa isang banda, ang pagtatapat at paglalahad ng sarili ang dapat maging paraan ng isang tao sa pagharap sa Diyos at pagdarasal sa Kanya; ganito rin dapat makipagbahaginan sa iba ang isang tao tungkol sa katotohanan. Huwag mong kimkimin ang mga bagay-bagay, at isipin na, “Mayroon akong mga motibo at paghihirap. Hindi mabuti ang kalagayan ng kalooban ko—negatibo ito. Hindi ko sasabihin kahit kanino. Sasarilinin ko na lamang ito.” Kung palagi mong sinasarili ang mga bagay nang hindi nilulutas ang mga ito, lalo ka lang magiging negatibo, at lalo lang malulugmok ang kalagayan mo. Hindi mo gugustuhing manalangin sa Diyos. Ito ay isang bagay na mahirap ayusin. Kaya’t kung anuman ang iyong kalagayan, negatibo ka man o naghihirap, anuman ang iyong personal na mga motibasyon o mga plano, anuman ang nabatid mo na o napagtanto sa pamamagitan ng pagsusuri, dapat kang matutong magtapat at makipagbahaginan, at habang nakikipagbahaginan ka, gumagawa ang Banal na Espiritu. At paano gumagawa ang Banal na Espiritu? Binibigyan ka Niya ng kaliwanagan at pagtanglaw at pinahihintulutan kang makita ang kalubhaan ng suliranin, ipinapaalam Niya sa iyo ang ugat at diwa ng suliranin, pagkatapos ay unti-unti Niyang ipinauunawa sa iyo ang katotohanan at ang Kanyang kalooban, at hinahayaan ka Niyang makita ang landas ng pagsasagawa at makapasok sa katotohanang realidad. Kapag ang isang tao ay hayagang nakapagbabahaginan, nangangahulugan ito na mayroon siyang tapat na saloobin sa katotohanan. Ang katapatan ng tao ay nasusukat sa kanyang saloobin sa katotohanan. Kapag nakararanas ng mga paghihirap ang isang tapat na tao, gaano man siya kanegatibo o kahina, palagi siyang mananalangin sa Diyos at maghahanap ng ibang makakabahaginan, susubukan niyang makahanap ng solusyon, at aalamin niya kung paano maaayos ang kanyang problema o paghihirap, upang maisakatuparan ang kalooban ng Diyos. Ang hinahanap niya ay hindi taong masasabihan ng mga reklamo dahil sa anumang pagkabalisa ng kalooban: Ang hinahanap niya ay solusyon sa hirap ng pagpasok at paglabas sa katotohanang realidad. Ang pagkikimkim ng hindi pa nalulutas na mga negatibo at masasamang bagay sa puso ng isang tao ay direktang makaaapekto sa pagganap niya sa tungkulin at sa kanyang buhay pagpasok. Ang pagiging hindi dalisay at bukas sa Diyos at sa halip ay palaging pagkikimkim ng panlilinlang sa puso ay lubhang mapanganib. Magaling magpanggap ang mga mapanlinlang na tao, anuman ang mangyari sa kanila, at hindi sila makikipagbahaginan anumang mga kuru-kuro o pagkadismaya ang maramdaman nila. Mukha silang normal sa panlabas pero ang totoo ay umaapaw ang pagkanegatibo sa puso nila na halos hindi na sila makabangon, at hindi mo ito mapapansin. Kahit pa makipagbahaginan ka sa kanila, hindi nila sasabihin sa iyo ang totoo. Hindi nila sasabihin kaninuman kung gaano na sila kapuno ng mga reklamo, maling pagkaunawa, at kuru-kuro; palagi nilang itinatago ang mga bagay-bagay dahil takot silang bumaba ang tingin ng iba sa kanila at na tanggihan sila ng mga ito kapag naayos na nila ang mga bagay na ito. Bagamat ginagawa nila ang mga tungkulin nila, wala silang buhay pagpasok at hindi nila hinahanap ang katotohanang prinsipyo sa anumang ginagawa nila; sa panlabas, tila maligamgam sila, walang lakas upang sumulong pero hindi naman napag-iiwanan, at pahiwatig ito ng isang krisis. Mayroong karamdaman sa puso ng mga hindi naghahangad sa katotohanan; ang karamdaman ay nasa puso nila, at takot silang malantad sa liwanag. Mahigpit nilang kinikimkim ang lahat ng bagay, hindi kailanman nangangahas na maging bukas sa iba; walang sirkulasyon ng buhay, na humahantong sa pagiging mapanirang tumor ng karamdaman sa kanilang puso, at sa gayon, sila ay nalalagay sa panganib. Kung hindi kaya ng mga tao na maging dalisay at bukas sa pagtanggap ng katotohanan, at kung hindi nila malulutas ang mga problema nila sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa katotohanan, ang gayong mga tao ay hindi maayos na magagampanan ang mga tungkulin nila, at dapat silang ilantad at itiwalag sa malao’t madali.