Mga Salita sa Paghahanap at Pagsasagawa ng Katotohanan (Sipi 12)
Kapag nahaharap sa mga bagay-bagay, lubhang mahalaga na hanapin ang katotohanan. Kung hahanapin mo ang katotohanan, hindi mo lamang malulutas ang problema, kundi maisasagawa at makakamit mo pa ang katotohanan. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan at sa halip ay ipipilit mo ang sarili mong katwiran at palagi kang kikilos ayon sa sarili mong opinyon, hindi mo lamang hindi malulutas ang problema ng sarili mong katiwalian, kundi sadya ka ring magkakasala, at ito ay ang landas sa paglaban sa Diyos. Halimbawa, ipagpalagay na pinungusan ka sa pagganap sa mga tungkulin mo, at hindi mo hinahanap ang katotohanan kundi sutil mong binibigyang-diin ang sarili mong katwiran. Maaari mong isipin, “Nagawa ko na ang gawain ko, at wala akong ginawang lantarang masama, pero hindi lamang ako pinungusan dahil sa ilan kong pagkakamali, kundi ako rin ay inilalantad at hindi nirerespeto, na nagpapakita na hindi ako gusto. Nasaan ang pag-ibig ng Diyos? Bakit hindi ko ito makita? Sinasabing mahal ng Diyos ang mga tao, kaya’t paanong ang iba ay minamahal ng Diyos pero ako ay hindi?” Bubuhos ang lahat ng reklamo. Makakamit ba ng mga taong nasa gayong kalagayan ang katotohanan? Hindi. Kapag nagkakaproblema sa relasyon mo sa Diyos, at sa halip na lutasin mo ang mga ito, baguhin mo ang iyong sarili, at isantabi mo ang iyong mga nakalilinlang na pananaw at may pagkiling na ideya ay sutil kang lumalaban sa Diyos, hahantong lamang ito sa pag-abandona sa iyo ng Diyos, at sa pagtalikod mo sa Kanya. Mapupuno ka ng mga reklamo laban sa Diyos, pagdududahan at tatanggihan mo ang kataas-taasang kapangyarihan Niya, at tatanggi kang magpasakop sa mga pagsasaayos Niya. Ang mas malala pa, itatanggi mo na ang Diyos ay katotohanan at ang Kanyang pagiging matuwid, at ito ang pinakamatinding paraan ng paglaban sa Diyos. Pero kung hahanapin mo ang katotohanan sa lahat ng bagay, mauunawaan mo ang kalooban ng Diyos, at magtatamo ka ng landas na matatahak mo. Sa paggawa nito, hindi mo lamang mapatutunayan na ang Diyos na pinananaligan mo ay ang katotohanan, ang daan, ang buhay, at pag-ibig; matitiyak mo rin na tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos, na ang pagsubok at pagpipino Niya sa tao ay tama at para sa layunin ng pagliligtas at pagdadalisay sa tao. Makakamit mo ang kaalaman sa pagiging matuwid at pagiging banal ng Diyos, at kasabay nito ay malalaman mo ang gawain ng Diyos at makikita ang kadakilaan ng pag-ibig Niya. Napakalaking gantimpala! Maaani mo ba ang gayong gantimpala nang hindi hinahanap ang katotohanan, nang palaging lumalapit sa Diyos at sa gawain Niya batay sa sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon? Siguradong hindi. Dahil lubhang ginawang tiwali ni Satanas ang tao, lahat ng kanyang kilos at gawa at lahat ng kanyang ibinubunyag ay disposisyon ni Satanas, at lahat ng iyon ay salungat sa katotohanan at paglaban sa Diyos. Hindi akmang tamasahin ng tao ang dakilang pagmamahal ng Diyos. Subalit nag-aalala pa rin nang husto ang Diyos sa tao, binibiyayaan Niya ito bawat araw, at isinasaayos para dito ang lahat ng uri ng mga tao, kaganapan, at bagay para subukin at pinuhin ito, upang magkaroon ito ng pagbabago. Ibinubunyag ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng lahat ng uri ng sitwasyon, at hinihikayat itong magnilay-nilay at kilalanin ang kanyang sarili at maunawaan ang katotohanan at magtamo ng buhay. Mahal na mahal ng Diyos ang tao, at totoong-totoo ang Kanyang pagmamahal na anupa’t nakikita at nararamdaman ito ng tao. Kung naranasan mo na ang lahat ng ito, madarama mo na lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa kapakanan ng kaligtasan ng tao, at na ito ang pinakatunay na pagmamahal. Kung hindi pa ginawa ng Diyos ang gayong praktikal na gawain, walang makapagsasabi kung gaano kalalim ang bagsak ng tao! Subalit maraming taong hindi nakakakita sa tunay na pagmamahal ng Diyos, na naghahangad pa rin ng kasikatan, pakinabang at katayuan, na nagsusumikap na maging angat kaysa iba, na laging nagnanais na linlangin at kontrolin ang iba. Hindi ba sila nakikipagkumpitensya sa Diyos? Kung magpapatuloy sila pababa sa landas na iyon, hindi madadalumat ang mga kahihinatnan nito! Ang Diyos, sa Kanyang gawain ng paghatol, ay inilalantad ang katiwalian ng tao upang malaman niya iyon. Pinipigilan Niya ang mga maling hangarin ng tao. Magaling ang ginagawa ng Diyos! Bagama’t ang ginagawa ng Diyos ay ibinubunyag at hinahatulan ang tao, inililigtas din siya nito. Ito ang tunay na pagmamahal. Kapag napagtanto mo ito para sa iyong sarili, hindi mo ba matatamo ang aspektong ito ng katotohanan? Kapag napagtanto na ito ng tao para sa kanyang sarili at sumapit sa pag-unawang ito, at kapag naunawaan na nila ang mga katotohanang ito, may reklamo pa rin ba sila tungkol sa Diyos? Wala—wala na ang lahat ng ito. Pagkatapos, kusang-loob at walang pag-aalinlangan na silang makapagpapasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Sa susunod na mangyari ang isang pagsubok o pagpipino, o sila ay pungusan, agad nilang mapagtatanto na tama ang ginagawa ng Diyos, at na ibinubunyag at inililigtas sila ng Diyos. Hindi magtatagal ay magagawa na nilang tumanggap at magpasakop, makapagpapasakop sa Diyos nang hindi binibigyang-diin ang sarili nilang katwiran, nang walang mga kuru-kuro at reklamo. Kung makapagpapasakop ang mga tao hanggang sa puntong ito, ito ay sa pagdanas nila ng maraming pagpipino, sa paggawa sa kanilang perpekto ng gawain ng Banal na Espiritu.