Mga Salita sa Paghahanap at Pagsasagawa ng Katotohanan (Sipi 10)
Maraming tao na sa sandaling naging abala sa kanilang tungkulin, ay nawawalan ng kakayahang makaranas, at hindi nagagawang manatili sa isang normal na kalagayan, at dahil dito, palagi silang humihiling ng pagtitipon, at na maibahagi sa kanila ang katotohanan. Ano ang nangyayari dito? Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, wala silang pundasyon sa tunay na daan, kasigasigan ang nagtutulak sa gayong mga tao kapag gumaganap sila sa kanilang tungkulin, at hindi nakakatiis nang matagal. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, walang prinsipyo sa anumang ginagawa nila. Kung isinaayos na gumawa sila ng isang bagay, nagugulo nila iyon, wala silang ingat sa ginagawa nila, hindi sila naghahanap ng mga prinsipyo, at walang pagpapasakop sa kanilang puso—na nagpapatunay na hindi nila minamahal ang katotohanan at wala silang kakayahang danasin ang gawain ng Diyos. Anuman ang ginagawa mo, dapat mo munang unawain kung bakit mo iyon ginagawa, ano ang intensyong nagtutulak sa iyo na gawin iyon, ano ang kabuluhan ng paggawa mo nito, ano ang kalikasan ng bagay na ito, at kung positibo o negatibong bagay ba ang ginagawa mo. Kailangan mong magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa lahat ng bagay na ito; lubhang kinakailangan ito para makakilos ka nang may prinsipyo. Kung may ginagawa ka na makaklasipika bilang paggawa sa tungkulin mo, dapat mong pagnilayan ito: Paano ko dapat tuparin nang maayos ang tungkulin ko para hindi ko lang iyon ginagawa nang basta-basta? Dapat kang magdasal at lumapit sa Diyos sa bagay na ito. Ang pagdarasal sa Diyos ay upang hanapin ang katotohanan, ang paraan ng pagsasagawa, ang layunin ng Diyos, at kung paano bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ang pagdarasal ay upang makamit ang mga epektong ito. Ang pagdarasal sa Diyos, paglapit sa Diyos, at pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay hindi mga seremonyang panrelihiyon o pagpapakita na kumikilos ka. Ginagawa ito para makapagsagawa alinsunod sa katotohanan matapos hanapin ang kalooban ng Diyos. Kung lagi mong sinasabing “salamat sa Diyos” kahit na wala ka pa namang nagagawa, at maaaring mukha kang napakaespirituwal at may kabatiran, ngunit kung, pagdating ng oras para kumilos, ginagawa mo pa rin ang gusto mo, nang hindi man lang hinahanap ang katotohanan, ang “salamat sa Diyos” na ito ay wala nang iba kundi isang mantra, ito ay huwad na espirituwalidad. Kapag ginagawa mo ang tungkulin mo, dapat mong isipin palagi: “Paano ko dapat gawin ang tungkuling ito? Ano ang kalooban ng Diyos?” Nagdarasal sa Diyos at lumalapit sa Diyos upang mahanap ang mga prinsipyo at katotohanan para sa iyong mga kilos, hinahangad ang kalooban ng Diyos sa puso mo, at hindi lumalayo sa mga salita ng Diyos o sa mga katotohanang prinsipyo sa anumang ginagawa mo—ang taong ito lamang ang tunay na nananalig sa Diyos; ang lahat ng ito ay hindi kayang matamo ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Maraming tao ang sinusunod ang sarili nilang mga ideya anuman ang ginagawa nila, at isinasaalang-alang ang mga bagay-bagay sa napakasimpleng paraan, at hindi rin hinahanap ang katotohanan. Ganap na walang prinsipyo, at hindi nila iniisip sa puso nila kung paano kumilos ayon sa hinihingi ng Diyos, o sa isang paraan na nakalulugod sa Diyos, at ang alam lamang nila ay magmatigas na sundin ang sarili nilang kagustuhan. Walang puwang ang Diyos sa puso ng mga ganoong tao. Sinasabi ng ilang tao, “Nagdarasal lang ako sa Diyos kapag nakakaharap ako ng hirap, pero pakiramdam ko ay wala pa ring anumang epekto ito—kaya karaniwan kapag may nangyayari sa akin ngayon hindi ako nagdarasal sa Diyos, dahil walang silbi ang pagdarasal sa Diyos.” Lubos na wala ang Diyos sa puso ng gayong mga tao. Hindi nila hinahanap ang katotohanan anuman ang kanilang ginagawa sa mga ordinaryong panahon; sinusunod lamang nila ang sarili nilang mga ideya. May mga prinsipyo ba ang kanilang mga kilos? Talagang wala. Ang tingin nila ay simple lang ang lahat. Kahit kapag nagbabahagi sa kanila ang mga tao tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila matanggap ang mga iyon, dahil kailanman ay hindi nagkaroon ng mga prinsipyo ang kanilang mga kilos, walang puwang ang Diyos sa puso nila, at walang sinuman sa puso nila kundi ang kanilang mga sarili. Pakiramdam nila ay maganda ang kanilang mga layunin, na wala silang ginagawang kasamaan, na hindi maaaring ituring na labag sa katotohanan ang mga iyon, iniisip nila na ang pagkilos ayon sa kanilang sariling mga layunin ay tiyak na pagsasagawa ng katotohanan, na ang pagkilos nang gayon ay pagpapasakop sa Diyos. Sa katunayan, hindi sila tunay na naghahanap o nagdarasal sa Diyos tungkol sa bagay na ito, kundi kumikilos nang hindi pinag-iisipan, nang ayon sa kanilang sariling masugid na mga layunin, hindi nila ginagampanan ang kanilang tungkulin na gaya ng hinihingi ng Diyos, wala silang pusong nagpapasakop sa Diyos, wala silang ganitong hangarin. Ito ang pinakamalaking pagkakamali sa pagsasagawa ng mga tao. Kung naniniwala ka sa Diyos subalit wala Siya sa puso mo, hindi mo ba sinusubukang linlangin ang Diyos? At ano ang maaaring maging epekto ng gayong pananampalataya sa Diyos? Ano ba talaga ang mapapala mo? At ano ang katuturan ng gayong pananampalataya sa Diyos?
Paano mo ba dapat pagnilayan ang iyong sarili, at subukang kilalanin ang iyong sarili, kapag may nagawa kang isang bagay na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo at hindi nakalulugod sa Diyos? Nang gagawin mo na ang bagay na iyon, nanalangin ka ba sa Kanya? Kahit kailan ba ay inisip mong, “Naaayon ba sa katotohanan ang paggawa sa mga bagay na ito sa ganitong paraan? Paano titingnan ng Diyos ang bagay na ito kung iniharap ito sa Kanya? Masisiyahan ba Siya o maiinis kung malaman Niya ang tungkol dito? Kamumuhian o kasusuklaman ba Niya ito?” Hindi mo hinanap iyon, hindi ba? Kahit pinaalalahanan ka ng iba, iisipin mo pa rin na ang usapin ay hindi malaking bagay, at na hindi iyon labag sa anumang mga prinsipyo at hindi iyon kasalanan. Dahil dito, nalabag mo ang disposisyon ng Diyos at ginalit mo Siya, hanggang sa puntong kamumuhian ka Niya. Ito ay dulot ng pagrerebelde ng mga tao. Samakatuwid, dapat mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Ito ang dapat mong sundin. Kung taimtim kang makakalapit sa Diyos para manalangin muna, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ka magkakamali. Maaaring mayroon kang ilang paglihis sa iyong pagsasagawa ng katotohanan, ngunit mahirap itong maiwasan, at magagawa mong magsagawa nang wasto matapos kang magtamo ng kaunting karanasan. Gayunman, kung alam mo kung paano kumilos alinsunod sa katotohanan, subalit hindi mo ito isinasagawa, ang problema ay ang pag-ayaw mo sa katotohanan. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hinding-hindi ito hahanapin, anuman ang mangyari sa kanila. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang may-takot-sa-Diyos na puso, at kapag may mga nangyayaring bagay-bagay na hindi nila nauunawaan, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan. Kung hindi mo maintindihan ang kalooban ng Diyos at hindi mo alam kung paano magsagawa, dapat kang makipagbahaginan sa ilang taong nakakaunawa sa katotohanan. Kung hindi mo mahanap yaong mga nakauunawa sa katotohanan, dapat kang humanap ng ilang tao na may dalisay na pagkaunawa na makakasama mong manalangin sa Diyos nang may iisang isipan at iisang puso, maghanap sa Diyos, maghintay sa takdang oras ng Diyos, at hintaying magbukas ng daan ang Diyos para sa iyo. Basta’t nananabik kayong lahat sa katotohanan, naghahanap ng katotohanan, at sama-samang nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, maaaring dumating ang oras na makakaisip ng magandang solusyon ang isa sa inyo. Kung sa tingin ninyong lahat ay angkop at magandang paraan ang solusyon, maaaring dahil ito sa kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Pagkatapos kung magpapatuloy kayo na sama-samang magbahaginan para makaisip ng isang mas tumpak na landas ng pagsasagawa, tiyak na aayon iyon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa iyong pagsasagawa, kung matuklasan mo na hindi pa rin gaanong angkop ang paraan ng iyong pagsasagawa, kailangan mong itama iyon kaagad. Kung magkamali ka nang kaunti, hindi ka kokondenahin ng Diyos, dahil tama ang mga layunin mo sa iyong ginagawa, at nagsasagawa ka ayon sa katotohanan. Medyo nalilito ka lang tungkol sa mga prinsipyo at nakagawa ng pagkakamali sa iyong pagsasagawa, na maaaring mapatawad. Ngunit kapag gumagawa ng mga bagay-bagay ang karamihan sa mga tao, ginagawa nila ang mga iyon batay sa kung paano nila naiisip na dapat gawin ang mga iyon. Hindi nila ginagamit ang mga salita ng Diyos bilang batayan ng pagninilay-nilay kung paano magsagawa ayon sa katotohanan o paano matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa halip, iniisip lang nila kung paano sila makikinabang, paano sila titingalain ng iba, at paano sila hahangaan ng iba. Ginagawa nila ang mga bagay-bagay na ganap na nakabatay sa kanilang sariling mga ideya at para lang mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili, na kaligaligalig. Hinding-hindi gagawin ng gayong mga tao ang mga bagay-bagay alinsunod sa katotohanan, at palagi silang kinasusuklaman ng Diyos. Kung talagang ikaw ay isang taong may konsensya at katwiran, anuman ang mangyari, dapat lumalapit ka sa Diyos para manalangin at maghanap, magawang seryosong suriin ang mga motibo at karumihan sa iyong mga kilos, magawang tukuyin kung ano ang tamang gawin ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos, at paulit-ulit na timbangin at pagnilayan kung anong mga kilos ang nakasisiya sa Diyos, anong mga kilos ang nakasusuklam sa Diyos, at anong mga kilos ang nagkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos. Dapat mong pag-aralan nang paulit-ulit ang mga bagay na ito sa iyong isipan hanggang sa malinaw mong maunawaan ang mga ito. Kung alam mo na mayroon kang sariling mga motibo sa paggawa ng isang bagay, dapat mong pagnilayan kung ano ang iyong mga motibo, kung iyon ba ay para mapalugod ang sarili mo o mapalugod ang Diyos, kung kapaki-pakinabang ba iyon sa sarili mo o sa hinirang na mga tao ng Diyos, at kung ano ang mga kahihinatnan nito…. Kung mas maghahanap ka at magninilay nang ganito sa iyong mga panalangin, at magtatanong sa sarili mo ng mas maraming tanong para hanapin ang katotohanan, liliit nang liliit ang mga paglihis sa iyong mga kilos. Tanging ang mga kayang maghanap ng katotohanan sa ganitong paraan ang mga taong nagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos at may takot sa Diyos, dahil naghahanap ka alinsunod sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos at nang may pusong nagpapasakop, at ang mga konklusyon na naaabot mo sa paghahanap sa ganitong paraan ay aayon sa mga katotohanang prinsipyo.
Kung malayo sa katotohanan ang mga pagkilos ng isang mananampalataya, kung gayon kapareho siya ng isang hindi mananampalataya. Ito ang uri ng taong wala ang Diyos sa kanyang puso, at lumilihis palayo sa Diyos, at ang gayong tao ay katulad ng isang bayarang manggagawa sa sambahayan ng Diyos na gumagawa ng maliliit na trabaho para sa kanyang amo, tumatanggap ng maliit na sahod, at pagkatapos ay umaalis. Hindi talaga ganito ang taong naniniwala sa Diyos. Ang unang bagay na dapat mong suriin at pagsikapan kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay ay kung ano ang gagawin upang makuha ang pagsang-ayon ng Diyos; ito dapat ang prinsipyo at saklaw ng iyong mga kilos. Dapat mong tukuyin kung ang iyong ginagawa ay naaayon sa katotohanan dahil kung naaayon ito sa katotohanan, tiyak na naaayon ito sa kalooban ng Diyos. Hindi naman sa dapat mong masukat kung tama o mali ang bagay na ito, o kung naaayon ito sa mga panlasa ng lahat ng iba pa, o kung naaayon ito sa sarili mong mga kagustuhan; sa halip, dapat mong tukuyin kung alinsunod ito sa katotohanan, at kung may pakinabang man ito sa gawain at mga interes ng iglesia o wala. Kung isasaalang-alang mo ang mga bagay na ito, mas lalo kang makakaayon sa kalooban ng Diyos kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay. Kung hindi mo isasaalang-alang ang mga aspetong ito, at aasa ka lamang sa sarili mong kalooban kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay, kung gayon garantisadong gagawin mo ang mga ito nang mali, dahil ang kalooban ng tao ay hindi ang katotohanan at, mangyari pa, hindi kaayon ng Diyos. Kung nais mong masang-ayunan ng Diyos, kailangan mong magsagawa ayon sa katotohanan sa halip na ayon sa sarili mong kalooban. Ang ilang tao ay abala sa ilang pribadong mga bagay alang-alang sa paggawa sa kanilang mga tungkulin. Ang tingin ng kanilang mga kapatid kung gayon ay hindi ito angkop, at sinusumbatan sila dahil dito, ngunit hindi tinatanggap ng mga taong ito ang paninisi. Ipinapalagay nila na ito ay isang personal na bagay na walang kinalaman sa gawain, pananalapi, o mga tao ng iglesia, at hindi ito paggawa ng masama, kaya naman hindi dapat makialam ang mga tao. Ang ilang bagay ay tila mga pribadong bagay para sa iyo na walang kinalaman sa anumang prinsipyo o katotohanan. Gayunman, kung titingnan ang ginawa mo, napakamakasarili mo. Hindi mo isinaalang-alang ang gawain ng iglesia o ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ni kung magiging kasiya-siya ba ito sa Diyos; isinaalang-alang mo lamang ang sarili mong kapakinabangan. May kinalaman na ito sa kagandahang-asal ng mga banal, gayundin sa pagkatao ng isang tao. Kahit walang kinalaman ang ginagawa mo sa mga interes ng iglesia, ni wala itong kinalaman sa katotohanan, ang pagiging abala sa isang pribadong bagay habang sinasabi na isinasagawa mo ang iyong tungkulin ay hindi naaayon sa katotohanan. Anuman ang iyong ginagawa, gaano man kalaki o kaliit ang isang bagay, at kung tungkulin mo man ito sa pamilya ng Diyos o sarili mong pribadong gawain, kailangan mong isipin kung naaayon ang ginagawa mo sa kalooban ng Diyos, at kung ito ba ay isang bagay na dapat gawin ng isang taong makatao. Kung ganito ang paghahanap mo ng katotohanan sa lahat ng ginagawa mo, isa kang taong tunay na nananalig sa Diyos. Kung sineseryoso mo ang bawat bagay at bawat katotohanan sa ganitong paraan, magkakamit ka ng mga pagbabago sa iyong disposisyon. May mga taong nag-iisip na, “Makatarungan namang ipasagawa sa akin ang katotohanan kapag ginagampanan ko ang aking tungkulin, pero kapag inaasikaso ko ang aking mga pribadong gawain, wala akong pakialam sa sinasabi ng katotohanan—gagawin ko ang gusto ko, anuman ang kailangang gawin para makinabang ako.” Sa mga salitang ito, nakikita mo na hindi nila minamahal ang katotohanan. Walang mga prinsipyo sa ginagawa nila. Gagawin nila ang anumang may pakinabang sa kanila, nang hindi man lang iniisip ang magiging epekto nito sa sambahayan ng Diyos. Dahil dito, kapag mayroon silang nagawang ilang bagay, wala ang presensya ng Diyos sa kanila, at nakadarama sila ng kadiliman at kalungkutan, at hindi nila alam kung ano ang nangyayari. Hindi ba ito ang parusang nararapat sa kanila? Kung hindi mo isinasagawa ang katotohanan sa iyong mga kilos at binibigyan mo ng kahihiyan ang Diyos, nagkakasala ka sa Kanya. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan at madalas na kumikilos nang ayon sa sarili niyang kagustuhan, madalas siyang magkakasala sa Diyos. Itataboy siya ng Diyos, at isasantabi siya. Ang ginagawa ng gayong tao ay kadalasang nabibigong matamo ang pagsang-ayon ng Diyos, at kung hindi siya magsisisi, nalalapit na ang parusa sa kanya.