Sa Paghahanap Lamang ng mga Katotohanang Prinsipyo Magagampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin (Unang Bahagi)

Nakasalalay kung makakamit ba ng isang tao ang katotohanan sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya sa Diyos sa kung kaya ba niyang tumanggap o hindi ng pagpupungos habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, kung kaya ba niyang gawin ang mga bagay alinsunod sa prinsipyo, at kung kaya ba niya laging magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos—ito ang pinakamahalaga. Ano ba ang ibig sabihin ng magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos? Ibig sabihin nito, anuman ang isaayos ng sambahayan ng Diyos na gawin mo, o saanman nito isaayos na gampanan mo ang iyong mga tungkulin, nagagawa mo itong tanggapin mula sa Diyos. Ang pagtanggap dito mula sa Diyos ay tunay na pananampalataya, at isa itong aspeto ng pagsasagawa. At paano ba ito tatanggapin ng isang tao mula sa Diyos? Sasabihin mo: “Bagaman mga tao ang nagsaayos ng bagay na ito, ito ay tungkulin ko. Ang anumang tungkuling isinasaayos ng iglesia para gampanan ko ay may kalakip na pahintulot ng Diyos. Dapat akong tumanggap at magpasakop. Kung gayon ay paano ko dapat tratuhin ang aking tungkulin?” Mayroon bang anumang hinihingi ang Diyos sa kung paano mo tatratuhin ang iyong tungkulin? Ano ang katotohanang hinihingi ng Diyos na isagawa ng mga tao? (Ang ilaan ang puso, isipan, at pagsisikap ng isang tao sa pagganap ng kanyang tungkulin nang mabuti.) Sa pagsunod sa prinsipyong ito, kapag tinatamad ka at ayaw mong gampanan ang iyong tungkulin, o kapag mayroon kang mga reklamo, dapat kang maghanap: “Saan ba rito umiiral ang problema? Hindi ako nagsasagawa gaya ng hinihingi ng Diyos! Kailangan kong bitiwan ang aking mga ideya, isuko ang aking mga hinihingi at ninanasa. Kailangan kong baguhin ang maling kalagayan ng aking kalooban.” Kailangan mong mabitiwan ang mga ito. Ngunit kung minsan, may ilang bagay na pumipigil sa mga tao sa pagbitiw. Anong uri ng mga bagay? Halimbawa, may ilang taong laging naiinggit na mas magarbo ang mga tungkulin ng ibang tao, na tinutulutan ng mga iyon ang iba na makisalamuha sa maraming tao. Lagi nilang iniisip na hindi mahalaga ang sarili nilang tungkulin, na masyadong kakaunti lang ang taong nakikilala nila habang ginagampanan nila ito, at hindi sila kontento dahil dito. Dagdag pa rito, dahil sa maliit na saklaw ng responsabilidad ng kanilang tungkulin at dahil kaunting tao lang ang kailangan nilang pamahalaan, pakiramdam nila ay wala silang katayuan. Anong uri ng mga kaisipan ang mga ito? Ano ang pinagmumulan ng mga ideyang ito? (Mga tiwaling disposisyon.) Nagmumula ang lahat ng iyon sa mga tiwaling disposisyon. Ano ang mga bagay na ibinubunga ng mga tiwaling disposisyon? Ang mga iyon ay mga personal na intensyon, plano, ninanasa, at ambisyon. Paano dapat lutasin ang mga bagay na ito? Una, kailangan mong bumitiw, at pagkatapos, sa pamamagitan ng pagsusuri, ay mapagtanto mo sa puso mo na naghahangad ka pa rin ng katayuan sa halip na masigasig na tumutupad sa iyong tungkulin upang mapalugod ang Diyos; mayroon ka pa ring mga ambisyon at ninanais, nagnanasa ka ng mga pakinabang ng katayuan, labis-labis ang mga hinihingi mo, at hindi ka pa nakapagpapasakop sa Diyos. Kaya lalapit ka sa Diyos at magdarasal: “Diyos ko, hindi tama ang kalagayan ko. Pakiusap, disiplinahin at ituwid Mo ako, pakiusap, tulutan Mong sumapit sa akin ang Iyong paghatol at pagkastigo nang sa gayon ay makilala ko ang aking sarili at makapagsisi ako.” Kung mayroon kang pusong nagsisisi, kapag humarap ka sa Diyos at humiling sa Kanya na pagsabihan at disiplinahin ka, tutugon Siya ayon sa iyong tayog. Maaari ka Niyang disiplinahin, o marahil ay gabayan nang paunti-unti. Kung didisiplinahin ka Niya, ito ay dahil mayroon kang kaunting tayog. Ngunit maaaring hindi ka Niya disiplinahin, at iyon ay dahil sa mahina ka, at kung magkagayon ay maaari ka Niyang suportahan at gabayan nang paunti-unti upang makapagpasakop ka habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ano-ano muna ang mga kinakailangan para gawin ito ng Diyos? Kapag mayroon kang pusong nagsisisi, pusong nagpapasakop at nakikipagtulungan sa Diyos, at pusong nananabik at naghahangad sa katotohanan, saka ka lamang hahatulan, kakastiguhin, at lilinisin ng Diyos. Kung wala kang determinasyon para dito at hindi ka nagdarasal, bagkus ay sumusunod ka sa iyong laman at hindi ka bumibitiw sa iyong mga intensyon, ambisyon, at ninanasa, gagawin pa rin ba ito ng Diyos para sa iyo? Hindi gagawa sa iyo ang Diyos. Ikukubli ng Diyos ang Kanyang sarili sa iyo, itatago Niya ang Kanyang mukha sa iyo. Sa mga pagtitipon, ang lahat ng iba ay mabibigyang-inspirasyon ng mga sermon ngunit lagi kang aantukin, nang walang paraan para mapasigla ang iyong sarili. Anuman ang mangyari, wala kang anumang matututuhan dito, at magpapatuloy ang kalagayang ito nang walang katapusan, magtatagal pa nga nang isa o dalawang taon, o tatlo hanggang limang taon pa nga. Nangangahulugan itong itinaboy ka na ng Diyos, itinago na Niya ang Kanyang mukha sa iyo, at lubha itong mapanganib. Sasabihin ng ilang tao: “Paano iyon naging mapanganib? Ginagampanan ko naman ang aking tungkulin. Hindi ko iniwanan ang Diyos. Nagbabasa pa rin ako ng mga salita ng Diyos, nakikinig ako sa mga himno, at may espirituwal akong buhay. Isa pa rin akong miyembro ng sambahayan ng Diyos.” Ang mga ito ay mga panlabas na representasyon lamang na walang anumang ipinapasya. Sa kabilang banda, ano ang may tiyak na epekto? Ito ay kung binabantayan at ginagabayan ka ba ng Diyos; kung gumagawa at dumidisiplina ba sa iyo ang Banal na Espiritu. Ito ang pinakapunto. At saan nakasalalay ang gabay ng Diyos at ang gawain ng Banal na Espiritu? (Nakasalalay ang mga iyon sa puso ng mga tao.) Tama iyan. Nakasalalay ang mga iyon sa saloobin ng mga tao sa Diyos, sa kanilang mga puso, sa kanilang mga pinananabikan at hinahangad, at sa kung ano ang kanilang hinahanap. Nakasalalay ang mga iyon sa landas na tinatahak ng mga tao. Ang mga ito ang mga pinakakritikal na aspeto, at ibinabatay ng Diyos sa mga ito ang Kanyang pagtrato sa mga tao.

Ang pinakamahalagang usaping dapat lutasin ngayon ay kung paano dapat tratuhin ang tungkulin ng isang tao. Dahil ang pagganap sa tungkulin ang pinakanaghahayag kung tunay ba o huwad ang pananampalataya ng isang tao, kung minamahal niya ba o hindi ang katotohanan, kung tama ba o maling landas ang pinipili niya, at kung nagtataglay ba siya o hindi ng konsiyensiya at katwiran. Mabubunyag ang lahat ng isyung ito sa pagganap sa tungkulin. Upang matugunan ang tanong na kung paano dapat tratuhin ang tungkulin ng isang tao, una sa lahat ay kailangan mong maunawaan kung ano ba ang tungkulin, pati na kung paano ito gagampanan nang maayos at kung ano ang gagawin kapag naharap ka sa paghihirap habang ginagampanan mo ito—kung ano-anong mga prinsipyo ang dapat sundin at isagawa alinsunod sa kung aling mga katotohanan. Kailangan mong maunawaan kung ano ang gagawin kapag mali ang naging pagkaunawa mo sa Diyos at kapag hindi mo mabitiwan ang iyong mga intensyon. Dagdag pa rito, habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin, kailangan ay madalas mong pagnilayan ang mga maling kaisipan sa iyong puso na mga kaisipan at pananaw na nabibilang kay Satanas, na nakaiimpluwensiya at nakahahadlang sa pagtupad mo ng iyong tungkulin; na makapagdudulot sa iyong maghimagsik laban sa Diyos at ipagkanulo Siya habang gumagawa ka ng iyong tungkulin; at na nagdudulot sa iyong mabigo sa kung ano ang ipinagkakatiwala sa iyo ng Diyos—kailangan mong malaman ang lahat ng ito. Mahalaga ba ang tungkulin sa isang tao? Napakahalaga nito. Ngayon ay kailangang malinaw na sa inyo ang pangitaing ito: Napakahalaga sa pananampalataya sa Diyos ang paggampan sa inyong tungkulin. Ang pinakamahalagang aspeto ng pananampalataya sa Diyos ngayon ay ang pagganap sa tungkulin. Kung hindi magagampanan nang mabuti ang inyong tungkulin, hindi magkakaroon ng realidad. Sa pamamagitan ng pagganap sa tungkulin, nauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, at unti-unti silang magkakaroon ng normal na kaugnayan sa Kanya. Sa pamamagitan ng pagganap sa tungkulin, unti-unting natutukoy ng mga tao ang kanilang mga problema, at nakikilala ang kanilang tiwaling disposisyon at diwa. Kasabay niyon, sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa kanilang sarili, unti-unting matutuklasan ng mga tao kung ano talaga ang hinihingi sa kanila ng Diyos. Nauunawaan na ba ninyo ngayon kung ano talaga ang sinasampalatayaan ninyo kapag sumasampalataya kayo sa Diyos? Sa katunayan, isa itong pananampalataya sa katotohanan, isang pagtatamo ng katotohanan. Tinutulutan ng pagganap sa tungkulin ang pagtatamo ng katotohanan at buhay. Hindi matatamo ang katotohanan at buhay kung wala ang pagganap sa tungkulin. Magkakaroon ba ng realidad kung sumasampalataya ang isang tao sa Diyos nang hindi gumaganap ng tungkulin? (Hindi.) Hindi magkakaroon ng realidad. Kaya, kung hindi mo ginagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, hindi mo matatamo ang katotohanan. Sa sandaling ikaw ay matiwalag, ipakikita nitong nabigo kang sumampalataya sa Diyos. Kahit pa sinasabi mong sumasampalataya ka sa Kanya, nawalan na ng kabuluhan ang iyong pananampalataya. Isa itong bagay na kailangang lubus-lubusang maintindihan.

Magkapareho ang mga prinsipyong kailangan mong maunawaan at ang mga katotohanang kailangan mong isagawa anuman ang tungkuling iyong ginagampanan. Hinilingan ka mang maging isang lider o manggagawa, o nagluluto ka man ng mga putahe bilang punong-abala, o kung hinilingan ka mang asikasuhin ang ilang panlabas na usapin o gumawa ng pisikal na gawain, ang mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin sa pagganap ng iba’t ibang tungkuling ito ay magkakapareho, dahil kailangang nakabatay ang mga ito sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Ano kung gayon ang pinakamalaki at pangunahin sa mga prinsipyong ito? Ito ay ang ilaan ang puso, isipan, at pagsisikap ng isang tao sa pagganap ng kanyang tungkulin nang mabuti, at gampanan ito nang abot sa kinakailangang pamantayan. Upang magampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin at magampanan mo ito nang katanggap-tanggap, kailangan mong malaman kung ano ba ang tungkulin. Ano nga ba talaga ang tungkulin? Sarili mo bang karera ang tungkulin? (Hindi.) Kung tatratuhin mo ang tungkulin bilang sarili mong karera, magiging handang igugol ang lahat ng iyong pagsisikap upang magawa ito nang mabuti, upang makita ng iba kung gaano ka katagumpay at katanyag, sa pag-iisip na binibigyan nito ng kabuluhan ang iyong buhay, iyon ba ang tamang pananaw? (Hindi.) Saan nagkakamali ang pananaw na ito? Nagkakamali ito sa pagturing sa atas ng Diyos bilang sariling proyekto ng isang tao. Bagaman mukhang katanggap-tanggap ito para sa mga tao, para sa Diyos, ito ay pagtahak sa maling landas, paglabag sa mga katotohanang prinsipyo, at kinokondena Niya ito. Ang tungkulin ay kailangang magampanan alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo upang makaayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagsalungat sa mga katotohanang prinsipyo at sa halip ay pagkilos ayon sa mga kagustuhan ng tao ay makasalanan. Lumalaban ito sa Diyos at humihingi ng kaparusahan. Ito ang kapalaran ng mga hangal at walang-alam na taong hindi tumatanggap sa katotohanan. Dapat na maging malinaw sa mga taong sumasampalataya sa Diyos kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kailangang maging malinaw ang pangitaing ito. Pag-usapan muna natin kung ano ang tungkulin. Hindi mo sariling operasyon, sariling karera, o sariling gawain ang isang tungkulin; gawain ito ng Diyos. Hinihingi ang iyong pakikipagtulungan sa gawain ng Diyos, na siyang humahantong sa iyong tungkulin. Ang bahagi ng gawain ng Diyos na dapat makipagtulungan ng tao ay ang kanyang tungkulin. Bahagi ng gawain ng Diyos ang tungkulin—hindi mo ito karera, hindi mo mga gawaing bahay at hindi mo rin pansariling alalahanin sa buhay. Ang iyong tungkulin ay paghawak man sa panlabas o panloob na gawain, kailanganin man itong pag-isipan o pagtrabahuhan, ito ang tungkuling nararapat mong gampanan, ito ang gawain ng iglesia, bumubuo ito sa isang bahagi ng plano ng pamamahala ng Diyos, at ito ay tagubiling ibinigay sa iyo ng Diyos. Hindi mo ito pansariling gawain. Kung gayon, paano mo dapat tratuhin ang iyong tungkulin? Kahit paano, hindi mo dapat gampanan ang iyong tungkulin ayon sa anumang paraang gusto mo, hindi ka dapat kumilos nang walang ingat. Halimbawa, kung ikaw ang nangangasiwa sa paghahanda ng pagkain para sa iyong mga kapatid, iyon ay ang tungkulin mo. Paano mo dapat tratuhin ang trabahong ito? (Dapat kong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo.) Paano mo hahanapin ang mga katotohanang prinsipyo? May kinalaman ito sa realidad at sa katotohanan. Kailangan mong pag-isipan kung paano isasagawa ang katotohanan, kung paano gagampanan nang mabuti ang tungkuling ito, at kung aling mga aspeto ng katotohanan ang nakapaloob sa tungkuling ito. Ang unang hakbang, una sa lahat, ay kailangan mong malaman na, “Hindi ako nagluluto para sa sarili ko. Tungkulin ko ang ginagawa kong ito.” Ang aspektong nakapaloob dito ay pangitain. Paano naman ang ikalawang hakbang? (Kailangan kong pag-isipan kung paano lulutuin nang maayos ang pagkain.) Ano ang pamantayan para sa pagluluto nang maayos? (Kailangan kong hanapin ang mga hinihingi ng Diyos.) Tama iyan. Tanging ang mga hinihingi ng Diyos ang katotohanan, ang pamantayan, at ang prinsipyo. Ang pagluluto alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos ay isang aspeto ng katotohanan. Una sa lahat ay kailangan mong isaalang-alang ang aspetong ito ng katotohanan, at pagkatapos ay pag-isipan na, “Ibinigay sa akin ng Diyos ang tungkuling ito upang gampanan ko. Ano ang pamantayang hinihingi ng Diyos?” Ang saligang ito ay kinakailangan. Kung gayon ay paano ka dapat magluto upang maabot mo ang pamantayan ng Diyos? Ang pagkaing lulutuin mo ay dapat na masustansya, masarap, malinis, at hindi nakasasama sa katawan—ang mga ito ang mga detalyeng nakapaloob. Basta’t magluluto ka alinsunod sa prinsipyong ito, ang pagkaing lulutuin mo ay maihahanda alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil hinanap mo ang mga prinsipyo ng tungkuling ito at hindi ka lumagpas sa saklaw na itinakda ng Diyos. Ito ang tamang paraan ng pagluluto. Nagawa mo na nang mabuti ang iyong tungkulin, at nagawa mo ito nang katanggap-tanggap.

Anumang tungkulin ang iyong ginagampanan, kailangan mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, unawain ang mga layunin ng Diyos, alamin kung ano ang Kanyang mga hinihingi sa tungkuling iyon at unawain kung ano ang dapat mong maisakatuparan sa pamamagitan ng tungkuling iyon. Sa paggawa lamang niyon mo maisasagawa ang iyong trabaho ayon sa prinsipyo. Sa pagganap sa iyong tungkulin, hindi ka talaga maaaring sumunod sa iyong personal na mga kagustuhan, ginagawa ang anumang gusto mong gawin, anuman na magiging masaya kang gawin, o anumang makakaganda sa iyo. Ito ay pagkilos alinsunod sa sariling kagustuhan ng isang tao. Kung umaasa ka sa sarili mong personal na mga kagustuhan sa pagganap sa iyong tungkulin, na iniisip na ito ang hinihingi ng Diyos, at na ito ang magpapasaya sa Diyos, at kung sapilitan mong iginigiit ang iyong personal na mga kagustuhan sa Diyos o isinasagawa ang mga iyon na para bang ang mga iyon ang katotohanan, na inoobserbahan ang mga ito na para bang ang mga ito ang mga katotohanang prinsipyo, hindi ba ito isang pagkakamali? Hindi ito paggampan sa iyong tungkulin, at ang pagganap sa iyong tungkulin sa ganitong paraan ay hindi maaalala ng Diyos. Hindi nauunawaan ng ibang tao ang katotohanan, at hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng tuparin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Sa tingin nila, nagsikap na sila at ibinigay na nila rito ang kanilang puso, naghimagsik na sila laban sa kanilang laman at nagdusa na sila, kaya bakit kung gayon, hindi nila kailanman matupad nang katanggap-tanggap ang kanilang tungkulin? Bakit palaging hindi nasisiyahan ang Diyos? Saan nagkamali ang mga taong ito? Ang pagkakamali nila ay na hindi nila hinahanap ang mga hinihingi ng Diyos, at sa halip ay kumikilos sila ayon sa mga sarili nilang ideya—ito ang dahilan. Itinuring nilang katotohanan ang mga sarili nilang hangarin, kagustuhan, at mga makasariling motibo, at itinuring nila ang mga ito na para bang ang mga ito ang gustung-gusto ng Diyos, na para bang ang mga ito ang Kanyang mga pamantayan at hinihingi. Itinuring nilang katotohanan ang pinaniwalaan nilang tama, mabuti, at maganda; mali ito. Ang totoo, kahit maaaring iniisip minsan ng mga tao na tama ang isang bagay at na umaayon ito sa katotohanan, hindi ito agad nangangahulugan na umaayon ito sa mga layunin ng Diyos. Habang mas iniisip ng mga tao na tama ang isang bagay, lalo dapat silang maging maingat at lalo nilang dapat hanapin ang katotohanan upang makita kung natutugunan ng iniisip nila ang mga hinihingi ng Diyos. Kung sumasalungat ito mismo sa Kanyang mga hinihingi at sa Kanyang mga salita, hindi ito katanggap-tanggap, kahit pa iniisip mong tama ito, isa lamang itong kaisipan ng tao, at hindi ito aayon sa katotohanan gaano mo man naiisip na tama ito. Kung tama ba o mali ang isang bagay ay kailangang tukuyin batay sa mga salita ng Diyos. Gaano mo man naiisip na tama ang isang bagay, mali ito at kailangan mo itong iwaksi, maliban na lang kung may basehan ito sa mga salita ng Diyos. Katanggap-tanggap lamang ito kapag nakaayon ito sa katotohanan, at magiging katanggap-tanggap lamang ang pagganap mo sa iyong tungkulin kung itataguyod mo nang ganito ang mga katotohanang prinsipyo. Ano nga ba ang tungkulin? Isa itong atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao, bahagi ito ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at isa itong responsabilidad at obligasyon na dapat pasanin ng bawat isa sa mga taong hinirang ng Diyos. Karera mo ba ang tungkulin? Isa ba itong personal na usaping pampamilya? Tama bang sabihin na sa sandaling mabigyan ka ng tungkulin, nagiging personal mong gawain ang tungkuling ito? Talagang hindi iyon ganoon. Kaya paano mo dapat tuparin ang iyong tungkulin? Sa pamamagitan ng pagkilos alinsunod sa mga hinihingi, salita, at pamantayan ng Diyos, at sa pagbabatay ng iyong pag-uugali sa mga katotohanang prinsipyo sa halip na sa pansariling pagnanais ng tao. Sinasabi ng ilang tao, “Sa sandaling ibigay sa akin ang isang tungkulin, hindi ko ba ito sariling gawain? Ang tungkulin ko ay pananagutan ko, at hindi ko ba sariling gawain kung ano ang pinananagutan ko? Kung gagampanan ko ang aking tungkulin bilang sarili kong gawain, hindi ba’t nangangahulugan ito na gagawin ko ito nang maayos? Gagawin ko kaya ito nang maigi kung hindi ko ito itinuring na sarili kong gawain?” Tama ba ang mga salitang ito o mali? Mali ang mga ito; salungat ang mga ito sa katotohanan. Ang tungkulin ay hindi mo personal na gawain, gawain ito ng Diyos, bahagi ito ng gawain ng Diyos, at dapat mong gawin kung ano ang ipinagagawa ng Diyos; maaari ka lamang maging pasado sa pamantayan sa pamamagitan ng pagganap sa iyong tungkulin nang may pusong nagpapasakop sa Diyos. Kung palagi mong ginagampanan ang iyong tungkulin ayon sa iyong sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, at ayon sa iyong sariling mga kagustuhan, hindi mo kailanman maaabot ang pamantayan. Ang pagganap sa iyong tungkulin nang ayon lamang sa gusto mo ay hindi pagganap ng iyong tungkulin, dahil ang ginagawa mo ay hindi saklaw ng pamamahala ng Diyos, hindi ito ang gawain ng sambahayan ng Diyos; sa halip, nagpapatakbo ka ng sarili mong operasyon, isinasakatuparan ang sarili mong mga gawain, kung kaya’t hindi ito ginugunita ng Diyos. Ngayon ay malinaw na ba sa inyo ang konsepto ng tungkulin? Ano ang pinakapangunahin at pinakasaligang katotohanang dapat maisagawa sa paggampan ng tungkulin? Ito ay ang ilaan ang inyong puso, isipan, at pagsisikap sa pagganap nang mabuti sa inyong mga tungkulin. Bakit ba napakaraming tao, sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, ang gumagawa pa rin ng lahat ng uri ng masasamang gawa, at nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, kung kaya’t natitiwalag sila sa huli? Dahil ang mga taong ito ay hindi masigasig na gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos. Lagi nilang sinusubukang makipagtawaran sa Diyos at hindi sila tumatanggap ng kahit na kaunting katotohanan. Kahit gaano pa kalaki sa kanilang katiwalian ang kanilang inihahayag o gaano pa karaming kasamaan ang kanilang ginagawa, kailanman ay hindi sila naghahanap ng kalutasan sa pamamagitan ng katotohanan. Hindi sila tunay na nagsisisi kahit pagkatapos mapungusan nang maraming beses, bagkus ay nagpapatuloy sila sa paggawa ng mga kamalian nang walang pag-aalinlangan at sa paggawa ng lahat ng uri ng masasamang gawa, na lubusang inilalantad ang kanilang masamang diwa. Nakikita ng mga hinirang ng Diyos ang totoo ukol dito, at nalalantad at natitiwalag sila. Napakahirap panoorin ang paraan ng pagsasakatuparan ng mga taong ito sa kanilang mga tungkulin. Bukod sa hindi na sila katanggap-tanggap, kulang na kulang pa sila. Ni hindi sila makapaghugas ng pinggan nang hindi nakababasag ng mangkok. Mas nakasasama kaysa nakatutulong ang kanilang serbisyo. Kahit gaano ka pa magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila ito matanggap, at hindi sila nagsisisi kahit pagkatapos mapungusan. Sa patuloy na paggamit sa isang taong tulad nito, magiging isa siyang hadlang sa landas, isang balakid na makasasagabal at makagagambala sa lahat ng gawain ng iglesia. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t dapat na mapalitan at matiwalag ang mga taong ito? (Dapat.) Basta’t may kahit kaunting konsiyensiya at katwiran ang isang tao, maaasikaso niya ang mga angkop na trabaho niya, magagawa niya ang mga angkop na aktibidad niya, at mapagninilayan niya ang kanyang sarili habang ginagampanan niya ang kanyang mga tungkulin. Sa sandaling mapansin niya ang kanyang mga pagkakamali, at matukoy ang kanyang mga problema, agad niyang maitatama ang mga iyon. Matapos ang tatlo o limang taon ng pagdanas dito, magkakaroon ng mga pagbabago. Sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng isang pundasyon at medyo magiging matatag; maliban sa mga pambihirang pangyayari, imposibleng matiwalag ang taong ito. Ngunit ang mga taong ilang taon nang sumasampalataya sa Diyos nang hindi tumatanggap sa ni kaunting katotohanan ay imposibleng makaganap nang maayos sa kanilang mga tungkulin, at baka makagawa pa nga sila ng mga bagay na magdudulot ng mga paggambala at pagkakagulo. Natural na matitiwalag ang ganitong uri ng tao, dahil mas gugustuhin pa ng mga taong ito na mamatay kaysa sa magsisi. Maraming taon na silang sumasampalataya sa Diyos ngunit wala silang masyadong ipinagkaiba sa mga walang pananampalataya. Lahat sila ay mga hindi mananampalataya.

Ang pagkakaroon ng masyadong maraming personal na kagustuhan ang pinakamalaking sagabal sa pagganap sa tungkulin ng isang tao. Ano, kung gayon, ang paunang kondisyon sa pagganap nang mabuti sa tungkulin ng isang tao? Ito ay na kailangan mong bitiwan ang iba’t ibang intensyon mo. Halimbawa, kapag may nangyari na talagang nakasama sa loob mo, pero may tungkulin ka ring kailangang gampanan, nahaharap ka sa isang desisyon. Isa itong kritikal na sandali, isang napakahalagang sandali. Kahit na maaaring masama ang loob mo at emosyonal ka, o maaaring may ilang personal na bagay na nangyayari sa iyo, kailangan mong maisantabi ang lahat ng bagay na ito at magampanan muna nang mabuti ang iyong tungkulin. Kapag nasa mga kalagayang hindi nakaaapekto sa iyong tungkulin, saka mo lamang dapat isaalang-alang ang sarili mong mga suliranin. Ano ang tawag kapag lagi mong inuuna ang iyong tungkulin? Ang tawag dito ay paggalang sa iyong tungkulin, at pagiging tapat ito sa Diyos. Ang pagbitiw sa iyong mga kagustuhan at pagnanais, pagbitiw sa iyong mga emosyon at personal na aktibidad, paggawa nang mabuti sa iyong tungkulin nang hindi napipigilan, at pagtapos sa atas ng Diyos—ito ang kahulugan ng pagbitiw, ito ang kahulugan ng paghihimagsik laban sa laman. Kapag hindi pa nakagaganap ng tungkulin ang ilang tao, iniisip nilang, “Hindi ako binigyan ng Diyos ng tungkuling gagampanan, pero talagang taimtim ang puso ko. Bakit kahit kailan ay hindi ito nakikita ng Diyos?” Pero kapag nagsasaayos naman ang iglesia ng tungkuling gagampanan nila, nais nilang mamili lamang ng gusto nila. May ilang taong hindi kayang gumanap sa papel ng lider o manggagawa, o magpalaganap ng ebanghelyo, at walang ibang espesyal na kasanayan. Kaya, isinasaayos ng iglesia na gampanan nila ang mga tungkulin ng pagpapatuloy sa kanilang tahanan, at iniisip nila, “Siyempre, kaya kong gawin ang pagpapatuloy, pero kung isasaalang-alang ang kakayahan at mga kaloob ko, hindi ba’t minamaliit ako ng iglesia sa pagtatalaga sa akin dito? Hindi ba’t medyo sobra ang kwalipikasyon ko para sa tungkuling ito?” Sa panlabas, tinatanggap nila ang mga pagsasaayos ng iglesia, pero pinipigilan sila ng mga mapanlaban nilang damdamin na magsikap sa kanilang mga tungkulin. Ginagawa lang nila ang kaunti sa kanilang mga tungkulin kapag maganda ang timpla nila, at hindi nila ginagampanan ang mga iyon kapag masama ang timpla nila, binabalewala ang kanilang mga kapatid. Bakit nagkakaroon sila ng ganitong mga emosyon at reaksyon? Ito ba ang saloobing dapat taglayin ng isang tao sa kanyang tungkulin? Hindi kontento ang mga taong ito sa kanilang mga tungkulin. Ano ang pinagmumulan ng pagiging di-kontentong ito? (Hindi nabibigyang-lugod ng tungkuling ibinigay sa kanila ang mga kagustuhan ng kanilang laman.) At kung mabibigyang-lugod sila, magiging masaya na ba sila? Hindi tiyak iyon. Maaaring hindi sila maging masaya kahit pa mabigyang-lugod sila, dahil kailanman ay hindi marunong makontento ang puso ng mga taong ito. Ganito tratuhin ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ang kanilang mga tungkulin. Laging gusto ng mga taong gumanap sa mga tungkuling kagalang-galang at nagpapaganda sa imahe nila, at gusto rin nilang maging madali at maginhawa sa katawan ang mga iyon. Hindi sila handang magtiis ng hangin at araw o magtiis ng anumang pagdurusa sa kanilang mga tungkulin. Bukod pa rito, gusto pa rin nilang maunawaan ang katotohanan at matanggap ang biyaya at pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga tungkulin. Ninanais nila ang lahat ng bagay na ito. Sa huli, gusto pa nga nilang sabihin sa kanila ng Diyos na nagampanan nila nang mabuti ang kanilang mga tungkulin. Hindi ba’t pagpapantasya ito sa panig nila? Kung hindi mo mabibitiwan ang pantasyang ito, hindi mo magagawa nang mabuti ang iyong tungkulin. Noon, madalas Ko lang sabihing hindi hinahangad ng ganitong uri ng tao ang katotohanan, pero ngayon, sa mas tumpak na pananalita, sinasabi Kong masyado siyang sakim at mapaghimagsik, kahit kaunti ay hindi siya tapat sa kanyang tungkulin, at hindi siya tunay na nagpapasakop sa atas ng Diyos. Kaya, paano mo ba talaga dapat isagawa ang pagbitiw sa iyong mga kagustuhan? Sa isang banda, kailangan mong magpigil at maghimagsik laban sa mga iyon. Sa kabilang banda, kailangan mong magdasal at magkaroon ng pagnanais na magpasakop. Kailangan mong sabihin: “Diyos ko, Ikaw ang namatnugot at nagsaayos sa tungkuling ito para sa akin. Bagaman mayroon akong pasya na panglaman, at ayaw kong gampanan ang tungkuling ito, sa aking personal na kalooban, nais kong magpasakop sa Iyo. Masyado lang akong tiwali at mapaghimagsik, at hindi maganda ang kalidad ng aking pagkatao. Pakiusap, disiplinahin Mo ako!” Hindi ba’t tutulutan ka nitong gumanap sa iyong tungkulin nang may higit na kadalisayan? Kung magpapatuloy ang isang tao sa pagkapit sa sarili niyang mga pagnanais at tatangging bumitiw sa mga iyon, kung lagi niyang titingnan ang kaluwalhatian ng mga taong napiling maging mga lider, at kung paanong nakakikilala ng maraming tao at nagkakaroon ng kaalaman at karanasan ang mga taong napiling magpalaganap ng ebanghelyo, at pagkatapos ay ayaw na niyang gawin ang sarili niyang tungkulin, isa ba itong saloobin ng pagpapasakop? Isa ba itong saloobin ng pagtanggap sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos? (Hindi.) Pumupunta ka sa kanluran kapag sinasabi sa iyo ng Diyos na pumunta sa silangan, at nagrereklamo ka at hindi nauunawaan ang Diyos dahil hindi ka Niya tinulutang pumunta sa kanluran. Lagi kang lumalaban sa Diyos, kaya gagawa pa rin ba sa iyo ang Banal na Espiritu? Talagang hindi Siya gagawa sa iyo. Ano ang mga kalagayan at pagpapamalas na lumilitaw kapag hindi gumagawa ang Banal na Espiritu sa isang tao? Hindi maiintindihan ng gayong tao ang mga salita ng Diyos kapag binasa niya ang mga iyon. Kapag nakikinig sa pagbabahagi at mga sermon, wala siyang maiintindihan, at lagi pa nga siyang maiidlip. Hindi niya makikita ang totoo sa anumang nangyayari sa kanya. Lagi siyang maghahaka-haka at mag-aalinlangan: “Naiintindihan nang mabuti ng ibang tao ang mga salita ng Diyos; bakit hindi ako nagkakamit ng anumang liwanag sa pagbabasa ng mga iyon? Palaging dalisay na dalisay at malayang-malaya ang kanilang mga kalagayan; bakit lagi akong naghihinanakit, emosyonal, at hindi mapalagay? Maayos na umuusad ang lahat ng bagay para sa kanila. Mayroon silang patnubay ng Diyos. Bakit ako, wala?” Hindi niya nakikita ang sanhi ng lahat ng ito. Wala siyang saloobin ng pagpapasakop sa Diyos. Lagi siyang humihiling na tuparin ng Diyos ang kanyang mga pagnanais bago niya pagsikapan ang kanyang tungkulin. Kapag hindi niya nakukuha ang gusto niya, nagiging negatibo at mapanlaban siya, at hindi niya ginagampanan ang kanyang tungkulin. Gagawa ba ang Diyos sa isang taong tulad nito? Wala siyang tunay na pananampalataya, at puno siya ng pagrerebelde at paglaban. Maisasantabi na lamang siya ng Diyos.

Paano ba dapat tratuhin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin? Dapat silang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at dapat nilang bitiwan ang lahat ng sarili nilang mga kagustuhan. Ano-ano ba ang mga kagustuhan ng mga tao? (Ang kanilang mga layunin, plano, at naisin ng laman.) Halimbawa, sabihin nating may nagpapatuloy na pamilya na masayang-masaya kang bisitahin. Naghahanda sila ng masarap na pagkain, maganda ang kanilang bahay, at may air conditioning at heater sila. Iniisip mo, “Kung puwede lang akong tumira dito!” At pagkatapos ay magdarasal ka sa Diyos, “Diyos ko, puwede Mo ba akong tulutang tumira sa nagpapatuloy na pamilyang iyon? Alam kong nagnanasa ako ng kaalwanan at kaginhawahan, pero hindi ko mapaghimagsikan ang pagnanais na ito. Bigyan Mo ng konsiderasyon ang mababa kong tayog at tulutan Mo akong tumira doon! Pangako ko, magsisikap ako sa aking tungkulin, magiging tapat ako, at hindi Kita ipagkakanulo o palulungkutin.” Magdarasal ka nang ganito sa loob ng mga dalawang linggo, at pagkatapos ay maisasaayos na mapunta ka sa ibang lugar na masama ang kalagayan, at sasama ang loob mo. Magrereklamo ka sa loob mo, “Hindi ba’t dapat ay sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng ating puso? Walang kahit na kaunting ideya ang Diyos sa laman ng aking puso. Humiling ako ng magandang bagay pero binigyan Niya ako ng masamang bagay. Para bang sadya Niya akong kinakalaban.” At pagkatapos ay nabubuhay sa loob mo ang paglaban at sinasabi mo, “Kung hindi Mo ako bibigyang-lugod, Diyos ko, hindi ako magbibigay-lugod sa Iyo. Hindi ko pagsisikapan ang aking tungkulin. At hindi ko ito pagsisikapan hangga’t hindi ko nakukuha ang gusto ko.” Pananampalataya ba ito sa Diyos? Pagganap ba ito sa iyong tungkulin? Paghihimagsik ito laban sa Diyos, isa itong mapagmatigas na disposisyon. Sasabihin mo: “Kung hindi ako bibigyang-lugod ng Diyos, hindi ko Siya bibigyang-lugod. Ito ang magiging saloobin ko sa pagganap sa aking tungkulin. Kung gagawin ko ang aking tungkulin, kailangan akong bigyan ng Diyos ng kaunting kasiyahan. Bakit nakatitira ang ibang tao sa magagandang bahay, pero ako, hindi? Bakit nakagaganap ang ibang tao ng kanilang mga tungkulin sa magagandang kapaligiran, pero kailangan kong gampanan ang sa akin sa hamak na kapaligiran? Bakit hindi tinutupad ng Diyos ang mga hinihingi ko kahit na ginagampanan ko ang aking tungkulin?” Ang mga ito ang uri ng mga pangangatwirang inuulit-ulit mo sa sarili mo. May saloobin ba rito ng pagpapasakop sa Diyos? Pagganap ba ito sa iyong tungkulin nang may konsensiya at katwiran? Binigkas Ko na ang mga salitang ito noon: “Hinding-hindi ka dapat makipagkompetensiya sa Diyos.” Pakikipagkompetensya ito sa Diyos. Kapag nakipagkompetensya ka sa Diyos, ano ang magiging saloobin ng Diyos sa iyo? (Hindi gagawa ang Diyos. Isasantabi Niya ako.) Isasantabi at babalewalain ka ng Diyos. Seseryosohin ka ba ng Diyos? Hindi. Kung maliit lamang na kasamaan ang nagawa mo, at hindi ito matindi, pananatilihin ka Niya at pagtatrabahuhin pa nang kaunting panahon. Pero kung nakagawa ka ng napakaraming masasamang gawa, at lubha mong nagambala at nagulo ang gawain ng iglesia, mapaaalis ka. Kapag napanatili ka upang magtrabaho, kung balang araw ay magsisi ka, bibigyang-liwanag ka ng Diyos. Kung kailanman ay hindi ka magsisisi at lagi kang makikipagkompetensya sa Diyos, kung gayon ay masyado ka ngang masama at matigas ang ulo—at sino ang mawawalan sa huli? Ikaw. Kailangan mo itong makita nang malinaw: Ang pakikipagkompetensya sa Diyos ang pinakanakababahalang bagay, at ito ang pinakamalaking problema. Kapag maayos ang takbo ng lahat, iniisip ng mga tao na mabuti ang pananampalataya sa Diyos, at wala silang anumang kuru-kuro tungkol sa Diyos. Pero kapag may kaunting sakuna o kasawiang nangyari sa kanila, nagsisimula silang magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, hanggang sa puntong nagrereklamo pa nga sila tungkol sa Kanya at nangangahas na magtaas ng boses sa Kanya: “Umiiral man lang ba ang diyos? Nasaan siya? Ako ang kataas-taasang tagapamahala. Ako ang pinakadakila. At nangangahas akong makipagkompetensiya sa diyos. Ano nga naman ba ang magagawa ng diyos sa akin?” Walang anumang gagawin sa iyo ang Diyos. Ngunit nahayag nang kasuklam-suklam, mapagmatigas, at nakaaabala ka. Ano ba ang tinutukoy ng pagiging nakaaabala mo? Ibig sabihin nito ay hindi mo minamahal ang mga positibong bagay. Hindi ka handang magpasakop sa Diyos, at kahit na alam mong Siya ay Diyos, hindi ka makapagpasakop sa Kanya. Napakahirap para sa iyong tanggapin ang katotohanan. Mapagmatigas ka, wala kang alam, at matigas ang ulo mo. Lubhang kinaaayawan ng Diyos ang mga taong ganito. Magiging napakahirap para sa iyong ipagpatuloy ang pagganap sa iyong tungkulin, at maaari kang mabunyag at matiwalag bago ka makapagtrabaho hanggang sa huli. Ito ang kalalabasan. Kitang-kita na ito. Hindi ba’t mapanganib ito? (Oo.) Matapos malamang mapanganib ito, ano ang dapat gawin ng mga tao? Una sa lahat, kailangan nilang makilala kung sino sila. Kailangan nilang malaman ang lugar nila at malaman din kung ano sila. Ang mga tao ay mga nilikha, na hinding-hindi dapat makipagkompetensiya sa Diyos, ang paggawa niyon ay hindi magbubunga ng anumang resulta. Kung may gustong ibigay ang Diyos sa iyo, kahit pa ayaw mo nito at hindi mo ito hiningi, ibibigay pa rin Niya ito sa iyo—ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Kung walang plano ang Diyos na bigyan ka ng isang bagay, kung hindi ka Niya tinitingnan nang may pagsang-ayon, walang saysay na hilingin ito sa Kanya. Kung plano nga Niyang bigyan ka ng isang bagay, kung nakikita Niyang dapat kang magabayan, matulungan, at mapagpala, ibibigay Niya ito sa iyo kahit hindi ka humihiling. Kung plano ka Niyang subukin o ibunyag, sadya Niya iyong gagawin, at walang saysay na magmakaawa sa Kanya. Ito ang disposisyon ng Diyos. Hindi dapat pagpasyahan ng mga tao kung paano nila tatratuhin ang Diyos batay sa saloobin ng Diyos. Kung gayon ay ano ang dapat nilang gawin? (Magpasakop sa Diyos sa lahat ng bagay.) Tama iyan; dapat silang magpasakop. Ang pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ang pinakamataas na karunungan at ang isang taong gumagawa nito ang pinakanagtataglay ng katwiran. Iniisip ng mga taong mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba na napakatalino at napakamapagpakana nila. Maaari mo ngang subukang mandaya ng ibang tao—isa itong pagpapakita ng iyong katiwalian—pero hinding-hindi mo dapat kalabanin ang Diyos gamit ang kaunting pandaraya. Hindi ka dapat magpakana laban sa Diyos. Dahil sa sandaling mapukaw mo ang Kanyang poot, sasapit sa iyo ang kamatayan.