Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 2 (Ikalawang Bahagi)
Katatalakay Ko lang ngayon sa isang aspekto ng mga disposisyon ng mga tao—ang pagiging mapagmatigas. Dahil sa pagiging mapagmatigas ng mga tao, kapag naharap sila sa masasakit na kalagayan at suliranin na pinaglalagyan sa kanila ng Lumikha, ang saloobin nila ay hindi ang magpasakop, kundi, ang kumapit nang mahigpit sa anumang pinakikinabangan nila at ang huwag itong abandonahin. Paano iwinawasto ng Diyos ang gayong pag-uugali? Hindi naaapektuhan ng kalooban ng tao ang gawain ng Diyos, kaya paano iwinawasto ng Diyos ang mga ganitong pagkilos ng mga tao? Siguradong hindi sasabihin ng Diyos na, “Nabigo ka sa pagkakataong ito, kaya katapusan mo na. Ang mga taong tulad mo ay walang silbi at ayaw Ko na sa iyo.” Hindi pa sinukuan ng Diyos ang mga tao. Patuloy Niyang ginagamit ang parehong paraan, patuloy Siyang nagsasaayos ng iba’t ibang kapaligiran at iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, para maranasan ng mga tao ang parehong pasakit at maharap sila sa parehong mga suliranin. Ano ang layunin nito? (Iminumulat nito ang mga tao.) Nagsasanhi ito sa mga tao na magnilay, mamulat, at maabandona ang matitibay nilang pananaw. Muli’t muli, ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga natatanging pamamaraan upang makipag-usap sa mga tao sa ganitong paraan, at upang makipag-ugnayan sa mga tao sa ganitong paraan. Sa huli, ano ang resulta na gustong makamit ng Diyos sa pamamagitan ng kaparaanang ito ng paggawa? Ginagabayan ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagpaparanas sa kanila ng iba’t ibang suliranin, dalamhati, at maging karamdaman at kasawian sa pamilya sa buong buhay nila. Ang layunin ng pagpaparanas sa mga tao ng pagdurusang ito ay ang magawa silang palagiang magnilay at makaunawa sa kanilang kaluluwa, at matiyak sa kaibuturan nila na: “Pagsasaayos ba ito ng Diyos? Paano ko dapat tahakin ang aking landas sa hinaharap? Dapat ba akong magbago ng direksyon? Dapat ko bang hanapin ang daan ng katotohanan? Dapat ko bang baguhin ang paraan ko ng pamumuhay?” Ipinaparanas ng Diyos sa mga tao ang lahat ng uri ng pasakit, kapighatian, kasawian, at suliranin, upang pagkatapos niyon ay makumpirma nila sa kaibuturan ng mga puso nila na mayroong May Kataas-taasang Kapangyarihan na namamahala sa kapalaran ng mga tao, at na ang mga tao ay hindi puwedeng maging sutil, mapagmataas, o matigas ang ulo, kundi dapat ay matuto silang magpasakop—magpasakop sa mga kapaligiran, magpasakop sa kapalaran, at magpasakop sa lahat ng nangyayari sa paligid nila. Bago mo marinig ang malinaw na mga salita ng Diyos, ginagamit ng Diyos ang mga paraan at katunayang ito upang iparanas sa iyo ang lahat ng uri ng kapaligiran, tao, pangyayari, at bagay, at upang palagiang ipakumpirma sa iyo sa kaibuturan ng puso mo na ang kapalaran ng mga tao ay isinasaayos ng Diyos, na walang sinumang taong may kataas-taasang kapangyarihan dito, at na hindi maaaring magkaroon ang mga tao ng kataas-taasang kapangyarihan sa sarili nilang kapalaran. Palagi kang mayroong ganitong uri ng pagkaunawa o tinig sa kaibuturan ng puso mo, at palagi mong kinukumpirma na lahat ng nararanasan mo ay hindi dulot ng sinumang tao, ni nagkataon lamang, ni dulot ng mga obhetibong kadahilanan o sitwasyon, kundi ang Diyos ang hindi kapansin-pansing may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Hindi nagkataon lang na nakilala ng isang tao ang isa pang tao at may nangyari, o na naharap siya sa isang kapaligirang bumabago sa buhay niya. Hindi nagkataon lamang na dinapuan ng sakit ang isang tao at pagkatapos ay nagtamo siya ng malalaking pagpapala. Ito ay pagsasabi ng Diyos sa bawat tao sa natatanging paraan na: Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng mga tao, binabantayan at ginagabayan ng Diyos ang mga tao bawat araw, at ginagabayan Niya ang lahat sa bawat araw at sa buong buhay nila. Bukod sa pagpapaalam sa mga tao na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan, sa lahat ng bagay na may kinalaman sa buhay ng mga tao, sa kahahantungan ng sangkatauhan, at sa lahat-lahat ng may kinalaman sa sangkatauhan, ano pa ang gustong maisakatuparan ng Diyos? Ito ay ang unti-unting mapaglaho, maalis, at maiwaksi ang ilang impraktikal na kuru-kuro, imahinasyon, at hinihingi ng mga tao sa Diyos na Lumikha, at pagkatapos ay ang unti-unting maabot ng mga tao ang punto kung saan malinaw nilang nakikilala at nauunawaan ang mga paraan kung paano ginagabayan ng Lumikha ang sangkatauhan, at ang mga paraan kung paano isinasaayos ng Lumikha ang kapalaran ng buong buhay ng mga tao. Mula sa mga bagay na ito, makikita na ng mga tao na ang Diyos ay may disposisyon at na ang Diyos ay malinaw na malinaw at buhay na buhay. Hindi Siya isang estatuwang gawa sa luwad, ni isang robot, ni isang walang buhay na nilalang na nabuo sa imahinasyon ng mga tao, kundi, Siya ay may buhay at mga disposisyon. Sa isang banda, dahil dito ay nauunawaan ng mga tao ang mga paraan kung paano gumagawa ang Lumikha at nabibitiwan nila ang lahat ng uri ng mga kuru-kuro, imahinasyon, at ilang hungkag na katwiran at lohika na hindi umaayon sa realidad. Sa madaling salita, dahil dito ay nabibitiwan ng mga tao ang lahat ng hungkag na kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Sa kabilang banda, kapag binitiwan na nila ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito, matatanggap na ng mga tao ang gawain ng Diyos at makakapagpasakop na sila sa gawain at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sa isang banda ay isa itong maliit na resulta, ngunit sa kabilang banda ay mayroong isang resulta na hindi pa ninyo nakikita, at ito ang pinakamalaki at pinakamalalim. Ano ang resultang ito? Ito ay na ginagamit ng Diyos ang mga paraang ito upang sabihin sa mga tao na ang lahat ng ginagawa at isinasakatuparan Niya sa mga tao, ay ginagawa Niya sa isang napakapraktikal at tunay na kalagayan. Kapag naunawaan na ito ng mga tao, iwawaksi na nila ang ilang hungkag at ilusyong bagay, talagang susunod at magpapasakop na sila sa mga pagsasaayos ng Lumikha, at pagkatapos ay talagang haharapin na nila ang lahat ng bagay na isinaayos ng Lumikha sa tunay na buhay, sa halip na gumamit ng ilang hungkag na teorya o konsepto ng relihiyon o teolohikal na kaalaman upang gunigunihin ang Lumikha, o harapin ang ilang bagay sa buhay. Ito ang kalalabasang gustong makita ng Diyos, at ang nais Niyang makamit sa mga tao. Samakatwid, sa unang yugto, bago mo marinig ang tinig ng Lumikha at maunawaan ang malilinaw na salita ng Lumikha tungkol sa iba’t ibang katotohanan, ang paraan ng paggawa ng Diyos sa tao ay ang magsaayos ng iba’t ibang kapaligiran para maranasan mo iyon at malantad ka doon. Kapag mayroon kang kaunting kumpirmasyon, at mayroon kang ilang damdamin tungkol sa mga bagay na ito sa kaibuturan ng iyong puso, at naaantig ka ng mga iyon at nauunawaan mo ang mga iyon, sasabihin sa iyo ng Diyos sa malinaw na pananalita kung tungkol saan ang buhay, kung tungkol saan ang Diyos, kung paano nagkaroon ng mga tao, at kung anong uri ng landas ang dapat tahakin ng mga tao. Sa ganitong paraan, batay sa paniniwala na nagmula ang mga tao sa Diyos at na nilikha sila ng Diyos, at sa paniniwala na mayroong May Kataas-taasang Kapangyarihan sa langit at lupa at lahat ng bagay, tatahakin na ng mga tao ang landas ng pananalig sa Diyos, at kasunod nito ay tatanggapin nila ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at tatanggapin nila ang pagliligtas at pagpeperpekto ng Diyos—mas maganda pa nga ang bisa nito. Ngayon, sino ang lahat ng taong tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw? Sa pinakamababa, kinikilala nila ang pag-iral ng Diyos at naniniwala silang ang buong daigdig ng sansinukob ay napapailalim sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Naniniwala rin sila sa kapalaran at na ang buhay ng tao ay paunang inorden ng Diyos, at higit pa rito, naniniwala sila sa pagkakaroon ng espirituwal na mundo at sa pagkakaroon ng langit at impiyerno, at na ang kapalaran ng mga tao ay pauna nang itinakda. Mula sa mga taong ito, pinili ng Diyos ang Kanyang mga hinirang na tao, na nagmamahal sa katotohanan at kayang tanggapin ang katotohanan. Nauunawaan nila ang tinig ng Diyos at kaya nilang tanggapin ang gawain ng Diyos. Ito ay isang paraan at isang prinsipyo kung paano gumagawa ang Diyos.
Katatalakay lamang natin ngayon sa kung paano gumagawa ang Diyos sa mga tao, at sa mga paraan na gumagawa ang Diyos. Ang mga bagay na ito lamang ang tinalakay natin, at wala tayong sinabing anuman tungkol sa kung ano ang mga kuru-kuro ng mga tao o kung ano ang mga hinihingi ng mga tao sa Diyos. Pagbahaginan natin ngayon ang mga isyung may kinalaman dito. Dahil binanggit naman natin sa pagbabahaginang ito na ang mga tao ay may ilang hungkag at malalabong ideya at pagkaunawa tungkol sa gawain ng Diyos, humanap tayo ng ilang halimbawa upang patunayan ito, at pag-usapan natin nang kaunti ang kapwa mga positibo at mga negatibong halimbawa. Sa pamamagitan ng pundasyong ito, hindi ba’t mauunawaan na ng mga tao kung aling mga imahinasyon ang medyo hungkag at medyo malabo, at ang mga kuru-kuro lang tungkol sa gawain ng Diyos? Simulan natin sa istoryang ikinuwento Ko sa inyo kanina, kung saan dumanas ang bida ng kuwento ng ilang masasakit na karanasan sa buhay. Pagkatapos ng bawat masakit na karanasan, nagpatuloy ang Diyos na isaayos at patnugutan ang kapalaran ng bida at gabayan siya sa daan pasulong, gamit ang mga sariling pamamaraan ng Diyos. Bagama’t hindi niya naunawaan, hindi niya alam, at hindi siya nagnilay-nilay, ginawa pa rin ito ng Diyos, tulad ng palaging ginagawa noon ng Diyos. Sa yugtong ito, nagpakita ba siya ng ilang kaisipan tungkol sa paraang ito kung paano gumagawa ang Lumikha? Masasabi bang ang mga kaisipang iyon ay isang uri ng kuru-kuro? Ano ba mismo ang mga kaisipang ito at ang ganitong uri ng kuru-kuro? Una sa lahat, pagdating sa bida mismo, mayroon lamang siyang isang kahilingan. Hindi siya umaasang yumaman o maging marangya sa buhay, gusto lang niya ng isang taong maaasahan. Sa pamamagitan ng pagsusuri at pag-aanalisa, makikita natin na mali ang kahilingang ito. Sa isang banda, salungat ito sa tadhanang pinamamatnugutan at isinasaayos ng Diyos para sa mga tao, at sa isa pang banda, hindi rin ito praktikal. Kung gayon, nagbigay ba ang Diyos ng kahulugan o pahayag tungkol sa kahilingang ito ng bida? Ayon sa mga imahinasyon ng mga tao, magiging napakadali para sa Diyos na ipaunawa sa isang tao ang kaunting doktrina, hindi ba? Kung gusto Niyang ipaunawa sa kanila, hindi ba’t mauunawaan naman nila? May pagnanais ang babaeng ito na magkaroon ng isang taong maaasahan—maaaring gawin ng Diyos na hindi magkaroon ang babaeng ito ng pagnanais na iyon, o na ipabago sa babae ang pagnanais na iyon—ginawa ba iyon ng Diyos? (Hindi.) Hindi, hindi iyon ginawa ng Diyos. Isang uri ba ng kuru-kuro ang pagnanais noong babae? Ito ba ay kahima-himala? Hungkag ba ito? Likas na pangyayari na magkaroon ang mga tao ng gayong mga kaisipan. Bakit Ko sinasabing isa itong likas na pangyayari? Nilikha ng Diyos ang tao na may malayang pagpapasya. May utak, mga kaisipan, at mga ideya ang tao. Matapos gawing tiwali ni Satanas ang tao, nalugmok na ang tao sa mga tunog at tanawin ng mundo, at, pagkatapos turuan ng mga magulang, ikondisyon ng mga pamilya, at turuan ng lipunan, marami nang umuusbong sa mga pag-iisip ng tao—mga bagay na nabubuo sa puso ng tao, na lahat ay lumalabas nang natural. Paano nabuo ang mga bagay na ito na natural na lumalabas sa tao? Una, dapat magkaroon ng kakayahan ang isang tao na pag-isipan ang mga problema—ito ang pundasyong dapat taglayin ng tao para mabuo ang mga ito. Pagkatapos, sa pamamagitan ng pagkondisyon ng kapaligiran—gaya ng pagtuturo ng pamilya at ng lipunan ng isang tao—pati na rin ng pag-uudyok ng mga tiwaling disposisyon at ambisyon at pagnanais mismo ng tao, unti-unting nahuhubog ang mga kaisipang ito. Pagdating sa gayong mga nabuong kaisipan at ideya, umaayon man ang mga ito sa realidad o hungkag man ang mga ito, o maging ano pa man ang mga ito, hindi muna natin hahatulan ang mga ito ngayon. Sa halip, pag-uusapan lamang natin kung paano pinangangasiwaan ng Diyos ang ganitong uri ng mga kaisipan. Kinokondena ba ng Diyos ang mga iyon? Hindi kinokondena ng Diyos ang mga iyon. Kung gayon, paano Niya hinaharap ang mga iyon? Hindi Niya inaalis ang gayong mga kaisipan sa mga tao. Mayroong kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao, inaakala nilang sa pamamagitan ng banayad na paghaplos ng dakila at walang anyong kamay ng Diyos, ay mababago ang kanilang iniisip. Hindi ba’t malabo, kahima-himala, at hungkag ang kuru-kurong ito? (Ganoon nga.) Isa itong kuru-kurong taglay ng mga tao tungkol sa kung paano gumagawa ang Diyos. Sa kaibuturan ng kanilang mga puso, ang mga tao ay kadalasang may mga pantasya tungkol sa gawain ng Diyos at sa mga pamamaraan ng Kanyang gawain, bagaman hindi nila binibigkas ang mga iyon. Iniisip ng mga tao na marahang lumalapit ang Lumikha sa tabi ng tao at, sa isang kumpas ng Kanyang dakilang kamay at pag-ihip Niya o sa pag-iba ng pag-iisip, mawawala na sa isang iglap ang mga negatibong bagay na nasa loob ng tao, na para bang tahimik na tinangay ng malakas na hangin ang isang ulap. Paano tinatrato ng Diyos ang mga ideyang ito ng tao, ang mga bagay na ito na umuusbong sa isip ng tao? Hindi nilulutas ng Diyos ang mga iyon gamit ang mga kahima-himala at hungkag na pamamaraan, kundi sa pamamagitan ng paglalatag ng kapaligiran para sa tao. Anong uri ng kapaligiran ang Kanyang inilalatag? Hindi ito hungkag—hindi gumagawa ang Diyos ng anumang kahima-himala, na nilalabag ang lahat ng kautusan. Sa halip, naglalatag Siya ng kapaligiran na pumipilit sa isang tao na maunawaan ang usapin at magnilay-nilay nang walang patid, pagkatapos niyon ay ginagamit ng Diyos ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay upang liwanagan ang daan ng taong iyon, kung saan ang taong iyon ay makakaunawa na. Hindi binabago ng Diyos ang tadhana nito; nagdadagdag lamang Siya ng ilang pangyayari sa takbo ng kapalaran ng taong iyon, sa gayon ay binibigyang-kakayahan itong maunawaan ang mga bagay na ito. Ang mga kuru-kuro ng tao ay pawang kahima-himala, hungkag, malabo, at salungat sa realidad—hindi tugma ang mga iyon sa realidad. Sabihin natin, halimbawa, na may nagugutom at gustong kumain. May mga magsasabing, “Makapangyarihan sa lahat ang Diyos, ang kailangan lang Niyang gawin ay hingahan ako at mabubusog na ako. Kailangan ba talagang magluto ako? Napakaganda sana kung maghihimala nang kaunti ang Diyos para hindi na ako makaramdam ng gutom.” Hindi ba’t hindi ito makatotohanan? (Hindi nga.) Kung sinabi mo sa Diyos na nagugutom ka, ano ang sasabihin ng Diyos? Sasabihin sa iyo ng Diyos na maghanap ka ng pagkain at lutuin mo ito. Kung sasabihin mong wala kang pagkain at hindi ka marunong magluto, ano ang gagawin ng Diyos? Sasabihin Niya sa iyo na matuto kang magluto. Ito ang praktikal na panig ng gawain ng Diyos. Kapag may nakaharap kayong isang bagay na malabo sa inyo, at hindi na kayo umuusal ng mga hungkag na panalangin o malabong umaasa sa Diyos nang may pagtitiwala sa sarili, o ipinagkakatiwala ang iyong mga inaasam sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito na taglay mo tungkol sa Diyos, malalaman mo kung ano ang dapat mong gawin—malalaman mo ang iyong tungkulin, ang iyong responsabilidad, at ang iyong obligasyon.
Isang aspekto lang ang tinalakay Ko, na kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang mga kapaligiran na inilalatag ng Diyos, ano ang ginagawa ng Diyos? Patuloy na naglalatag ang Diyos ng mga kapaligiran. Ginagawa Niya ito para patuloy na maunawaan ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at maunawaan kung ano ang kanilang tadhana sa pamamagitan ng karanasan sa buhay, at upang malaman ng mga tao sa kaibuturan nila na ang kanilang mga kagustuhan ay naiiba sa kanilang tadhana, at naiiba sa mga pagsasaayos ng Lumikha. Ginagawa Niya ito upang pagkatapos nito ay matutuhan ng mga tao na unti-unting bitawan ang kanilang mga kagustuhan at magpasakop sa lahat ng bagay na pinapatnugot ng Lumikha. Medyo madali itong maunawaan. Ang isa pang aspekto ay kapag dumarating sa mga tao ang mga malinaw na salita ng Diyos, bumubuo sila ng ilan pang kuru-kuro at imahinasyon. Anong mga kuru-kuro? “Ang mga salita ng Diyos ay ang tinapay ng buhay at ang katotohanan. Ang mga salita ng Diyos ay ang Diyos Mismo. Kapag naririnig ko ang mga salita ng Diyos, gaano man ako kaestupido, nagiging matalino agad ako. Basta’t nagbabasa ako ng mas marami pang mga salita ng Diyos, bubuti ang aking kakayahan at madadagdagan ang aking mga kasanayan.” Ano ang mga kaisipang ito na taglay ng mga tao? Ang mga iyon ay ang kanilang mga kuru-kuro. Kung gayon, ganito ba gumagawa ang Diyos? (Hindi.) Dahil mga kuru-kuro ito ng mga tao, tiyak na hindi tugma ang mga ito sa gawain ng Diyos at salungat ang mga ito sa gawain. Naririto ang isang katunayan. Nakikipag-usap ang Diyos sa tao nang harapan at sinasabi Niya rito kung ano ang dapat at hindi dapat nitong gawin, kung anong daan ang dapat nitong tahakin, kung paano ito dapat magpasakop sa Diyos, at ang mga prinsipyong dapat nitong pasukin sa iba’t ibang aspekto ng gawain. Malinaw na sinasabi ng Diyos sa tao ang lahat ng bagay na ito, gayumpaman madalas ay naghihintay at umaasa pa rin ang tao na sasabihin sa kanya ng Diyos kung ano ba talaga ang mga layunin ng Diyos sa pamamagitan ng iba pang pamamaraan maliban sa mga salita ng Diyos, umaasang makakamit ang dating di-lubos maisip na mga resulta at umaasang makasasaksi ng mga himala. Hindi ba’t ito ay kuru-kuro ng tao? (Oo.) Sa katunayan, ano ba ang ginagawa ng Diyos? (Naglalatag ang Diyos ng mga praktikal na kapaligiran para pagdaanan ng mga tao at maranasan nila ang mga salita ng Diyos.) Ano ang ginagawa ng Diyos kung hindi pa rin nauunawaan ng mga tao ang Kanyang mga layunin pagkatapos Niyang ilatag ang mga praktikal na kapaligirang iyon para sa kanila? (Binibigyang-liwanag at ginagabayan Niya ang mga tao.) Anong dapat mong gawin kung hindi ka Niya binibigyang-liwanag at ginagabayan? (Ang magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos at gawin ang sinasabi ng Diyos.) Tama iyan. Mula nang simulan ng Diyos ang Kanyang gawain hanggang sa kasalukuyan, ilang salita na ba ang sinabi ng Diyos sa mga tao nang harapan? Napakarami na na kahit gumugol ka pa ng ilang taon para basahin ang mga ito ay hindi ka pa rin makakarating sa dulo. Ngunit gaano karaming mga salita ang nakakamit ng mga tao? Kung napakakaunti ang nakakamit ng isang tao sa mga iyon, ano ang pinatutunayan niyon? Pinatutunayan niyon na hindi sapat ang pagsisikap ng taong iyon sa mga salita ng Diyos at hindi siya nakinig sa mga iyon. May ilang nagsasabing, “Nakinig ako”—ngunit tinanggap mo ba ang mga salita ng Diyos? Naunawaan mo ba ang mga iyon? Pinagtuunan mo ba ang mga iyon? Hindi mo pinagtuunan ang mga iyon, kaya nalampasan ka na ng mga salita ng Diyos. Samakatwid, kapag gumagamit ang Diyos ng malinaw na pananalita para sabihin sa tao kung paano kumilos, kung paano mamuhay, kung paano magpasakop sa Kanya, at kung paano maranasan ang bawat pangyayari, kung hindi pa rin nakakaunawa ang tao, wala nang ibang gagawin ang Diyos maliban sa paglalatag ng mga kapaligiran para sa tao, pagbibigay sa tao ng espesyal na kaliwanagan, o pagpaparanas sa tao ng ilang espesyal na karanasan. Iyan ang katapusan ng kung ano ang kaya, dapat, at handang gawin ng Diyos. May mga nagtatanong, “Hindi ba’t nais ng Diyos na maligtas ang bawat tao at hindi Niya nais na masadlak sa perdisyon ang sinuman? Kung gumamit ang Diyos ng gayong paraan upang kumilos, gaano karaming tao ang maliligtas?” Bilang tugon, itatanong ng Diyos, “Ilang tao ang nakikinig sa Aking mga salita at sumusunod sa Aking daan?” Kasingdami lang ng kung ilan ang naroroon—ito ang pananaw ng Diyos at ang pamamaraan ng Kanyang gawain. Wala nang higit pang ginagawa ang Diyos. Ano ang kuru-kuro ng tao sa bagay na ito? “Naaawa ang Diyos sa sangkatauhang ito, nag-aalala Siya sa sangkatauhang ito, kaya kailangan Niyang pasanin ang responsabilidad hanggang sa wakas. Kung susundin Siya ng tao hanggang wakas, tiyak na maliligtas ito.” Tama ba o mali ang kuru-kurong ito? Naaayon ba ito sa mga layunin ng Diyos? Noong Kapanahunan ng Biyaya, normal para sa mga tao na magkaroon ng ganitong mga kuru-kuro, dahil hindi nila kilala ang Diyos. Sa mga huling araw, sinabi na ng Diyos sa mga tao ang lahat ng katotohanang ito, at nilinaw na rin ng Diyos sa kanila ang mga prinsipyo ng Kanyang gawain ng pagliligtas sa mga tao, kaya napakawalang-saysay kung nasa puso pa rin ng mga tao ang mga kuru-kurong ito. Sinabi na sa iyo ng Diyos ang lahat ng katotohanang ito, kaya kung, sa huli, sasabihin mo pa rin na hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos at hindi mo alam kung paano magsagawa, at magsasabi ka pa rin ng gayong mga mapaghimagsik at mapagkanulong mga salita, maliligtas ba ng Diyos ang gayong tao? May ilan na palaging iniisip na, “Ginagawa ng Diyos ang gayon kadakilang gawain, dapat Niyang makamit ang mahigit sa kalahati ng mga tao sa mundo, at dapat Siyang gumamit ng malaking bilang ng mga tao, malakas na puwersa, at malaking bilang ng mga personalidad na may mataas na ranggo upang magpatotoo sa kaluwalhatian ng Diyos! Magiging kahanga-hanga iyon!” Ito ang kuru-kuro ng tao. Sa Bibliya, kapwa sa Luma at Bagong Tipan, ilan sa naroon, sa kabuuan, ang naligtas at ginawang perpekto? Sino ang nagawang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan sa huli? (Sina Job at Pedro.) Silang dalawa lang. Sa pananaw ng Diyos, sa katunayan, ang matakot sa Kanya at lumayo sa kasamaan ay ang tumugon sa pamantayan ng pagkilala sa Kanya, ng pagkilala sa Lumikha. Ang mga taong tulad nina Abraham at Noe ay matuwid sa mga mata ng Diyos, ngunit mas mababa pa rin sila kina Job at Pedro. Siyempre, hindi gaanong gumawa ang Diyos noon. Hindi Siya naglaan para sa mga tao tulad ng ginagawa Niya ngayon, ni nagsalita ng napakaraming malinaw na salita, ni gumawa ng gawain ng pagliligtas sa gayon kalaking antas. Maaaring hindi Siya nakapagkamit ng maraming tao, ngunit ito ay nasa loob pa rin ng Kanyang paunang pagtatakda. Anong aspekto ng disposisyon ng Lumikha ang makikita rito? Inaasam ng Diyos na makapagkamit ng maraming tao, ngunit kung sa katunayan ay hindi makakamit ang maraming tao—kung ang sangkatauhang ito ay hindi makakamit ng Diyos habang ginagawa Niya ang Kanyang gawain ng pagliligtas—mas gugustuhin ng Diyos na abandonahin sila at iwaksi sila. Ito ang tinig sa kalooban at pananaw ng Lumikha. Pagdating sa bagay na ito, ano ang mga hinihingi o mga kuru-kuro ng tao sa Diyos? “Dahil gusto Mo akong iligtas, Ikaw dapat ang maging responsable hanggang sa wakas, at pinangakuan Mo ako ng mga pagpapala, kaya dapat Mo akong bigyan ng mga iyon at hayaan na makamit ang mga iyon.” Sa loob ng tao, maraming “dapat”—maraming hinihingi—at isa ito sa kanyang mga kuru-kuro. Sinasabi ng iba, “Gumagawa ang Diyos ng gayon kadakilang gawain—isang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala—kung sa huli ay dalawang tao lamang ang makakamit Niya, iyan ay magiging isang kahihiyan. Hindi ba’t magiging walang saysay ang Kanyang mga pagkilos kung magkagayon?” Iniisip ng tao na hindi dapat ganoon, ngunit masaya ang Diyos na magkamit ng kahit na dalawang tao. Ang tunay na layunin ng Diyos ay hindi lamang ang makamit ang dalawang iyon, kundi ang magkamit ng higit pa roon, ngunit kung hindi gigising at makauunawa ang mga tao, at lahat sila ay may maling pagkaunawa at lumalaban sa Diyos, at lahat sila ay walang pag-asa at walang halaga, mas gugustuhin pa ng Diyos na huwag na silang matamo. Iyan ang disposisyon ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi pupuwede iyon. Hindi ba’t matatawa si Satanas kung ganoon?” Maaaring tumatawa si Satanas, ngunit hindi ba’t pare-pareho lang ang natalong kaaway ng Diyos? Nakamit pa rin ng Diyos ang sangkatauhan—ang ilan sa kanila na kayang maghimagsik laban kay Satanas at hindi makokontrol nito. Nakamit ng Diyos ang mga tunay na nilalang. Ang mga hindi ba nakamit ng Diyos ay binihag ni Satanas pagkatapos noon? Hindi pa kayo ginawang perpekto—masusunod ba ninyo si Satanas? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao: “Kahit pa ayaw sa akin ng Diyos, hindi ko pa rin susundin si Satanas. Kahit pa mag-alok ito sa akin ng mga pagpapala, hindi ko tatanggapin ang mga iyon.” Walang sinuman sa mga hindi nakamit ng Diyos ang sumusunod kay Satanas—hindi ba’t nagkakamit ang Diyos ng kaluwalhatian kung gayon? May kuru-kuro ang mga tao tungkol sa dami ng mga taong nakakamit ng Diyos o sa antas ng pagkakamit Niya sa kanila; naniniwala sila na hindi dapat makamit ng Diyos ang iilan lamang. Nagkakaroon ng gayong kuru-kuro ang tao dahil, sa isang panig, hindi maarok ng tao ang isipan ng Diyos at hindi nito maunawaan kung anong uri ng tao ang nais makamit ng Diyos—palaging may distansya sa pagitan ng tao at ng Diyos; sa kabilang panig, ang pagkakaroon ng gayong kuru-kuro ay isang paraan para aliwin ng tao ang kanyang sarili at palayain niya ang kanyang sarili kapag ang kanyang tadhana at kinabukasan ang pinag-uusapan. Naniniwala ang tao, “Napakakaunting tao ang nakamit ng Diyos—napakaluwalhati sana na makamit Niya tayong lahat! Kung hindi nagwaksi ang Diyos ng kahit isang tao, bagkus nilupig Niya ang lahat, at sa huli ay ginawang perpekto ang lahat, at ang paksa tungkol sa pagpili at pagliligtas ng Diyos sa mga tao, ni ang Kanyang gawain ng pamamahala, ay hindi nauwi sa wala, kung nagkagayon, hindi ba’t lalo pang mapapahiya si Satanas? Hindi ba’t magkakamit ang Diyos ng higit na kaluwalhatian?” Kaya masasabi niya ito ay dahil sa isang banda hindi niya kilala ang Lumikha at sa isa pang banda ay dahil mayroon siyang pansariling makasariling motibo: Nag-aalala siya sa kanyang kinabukasan, kaya’t iniuugnay niya ito sa kaluwalhatian ng Lumikha, at dahil doon ang kanyang puso ay nakadarama ng ginhawa, iniisip na maaari niyang makuha itong pareho. Karagdagan pa rito, sa tingin din niya ay “Ang pagkakamit ng Diyos sa mga tao at pagpapahiya kay Satanas ay matibay na katibayan ng pagkatalo ni Satanas. Sabay-sabay na nakakamit ang tatlong ito!” Talagang mahusay ang mga tao sa pag-iisip ng kung paano sila makikinabang. Medyo tuso ang kuru-kurong ito, hindi ba? May mga makasariling motibo ang mga tao, at hindi ba’t mayroong paghihimagsik sa mga motibong ito? Hindi ba’t mayroon ditong paghingi sa Diyos? Mayroon ditong hindi binibigkas na paglaban sa Diyos na nagsasabing, “Kami ay Iyong hinirang, pinamunuan, pinaghirapan nang husto, pinagkalooban ng Iyong buhay at ng Iyong kabuuan, pinagkalooban ng Iyong mga salita at katotohanan, at pinasunod sa Iyo sa loob ng maraming taon. Magiging malaking kawalan kung hindi Mo kami makakamit sa bandang huli.” Ang gayong dahilan ay isang pagtatangkang kikilan ang Diyos, na obligahin Siya na kamtin sila. Ito ay pagsasabi na kung hindi sila makakamit ng Diyos, hindi iyon kawalan sa kanila, at na ang Diyos ang siyang magdurusa ng kawalan—tama ba ang pahayag na ito? Sa loob nito, kapwa naroroon ang mga hinihingi ng tao, at ang kanyang mga imahinasyon at kuru-kuro: Gumagawa ang Diyos ng gayon kadakilang gawain, kaya’t kailangan Niyang magkamit ng gaano man karaming tao. Saan nagmumula ang “kailangan” na ito? Nagmumula ito sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, sa kanyang di-makatwirang mga hinihingi, at sa kanyang banidad, na may kaunting pagkakahalo ng kanyang mapagmatigas at mabangis na disposisyon.
Dapat pagbahaginan mula sa ibang perspektiba ang gayong mga kuru-kuro ng tao. May ilan na nag-iisip, “Dahil walang pakialam ang Lumikha kung gaano karaming tao ang Kanyang nakakamit, at iniisip Niya na kakamtin Niya ang kung ilang tao lang ang makakamit Niya, dahil ito ang saloobin ng Lumikha, paano tayo dapat makipagtulungan sa Kanya? Ayos bang kaswal lang na maniwala at hindi ito gaanong seryosohin? Sa anumang kaso, hindi rin naman ito sineseryoso ng Diyos, kaya hindi natin kailangang maging sobrang seryoso sa pagtupad sa mga hinihingi ng Diyos, at hindi rin natin kailangang ituring ito bilang ating pangunahing trabaho, o bilang ating panghabambuhay na hangarin. Ngayong alam na natin ang mga kaisipan ng Diyos, hindi ba natin dapat baguhin ang ating paraan ng pamumuhay?” Tama ba o mali ang pananaw na ito? (Ito ay mali.) Dahil ang saloobin ng Diyos ay nilinaw na sa mga tao, at nauunawaan na nila ito, dapat nilang bitiwan ang kanilang mga kuru-kuro. Matapos bitiwan ang kanilang mga kuru-kuro, ano na ang dapat gawin ng mga tao at paano na sila dapat pumili, at paano na nila dapat unawain at harapin ang bagay na ito upang magkaroon sila ng pananaw at saloobin na dapat nilang pinakapanghawakan? Una sa lahat, tungkol sa kanilang mga pananaw, dapat subukan ng mga tao na pag-isipan ang mga iyon. Kapag nananampalataya na sa Diyos ang isang tao, mayroon na itong malabong imahinasyon ng paggalang at pagpapahalaga sa Kanya. Iniisip nito na “Ang Diyos ay makapangyarihan, makapangyarihan sa lahat, at, dahil pumili na Siya ng isang grupo ng tao mula sa tiwaling sangkatauhang ito, tiyak na magagawa Niya silang ganap. Samakatwid, nakatalaga na kaming pagpalain, at tiyak na iyon.” Hindi ba’t may mentalidad ito ng pag-asa sa suwerte sa likod ng gayong “katiyakan”? Ang humiling na magkamit ng mga pagpapala at ng pagsang-ayon ng Diyos nang hindi hinahangad ang katotohanan o sumasailalim sa paghatol at pagkastigo ng Diyos ay ang saloobing hinding-hindi dapat taglayin ng tao. Huwag kang magkaroon ng mentalidad na umaasa sa suwerte—ang suwerte ay matinding kalaban. Anong uri ng pag-iisip ang pag-asa sa suwerte? Alin sa iyong mga kalagayan, kaisipan, ideya, saloobin, kuru-kuro, at pananaw ang may mentalidad ng pag-asa sa suwerte sa likod ng mga iyon? Matutukoy mo ba ito? Kung matukoy mo nga ito at makita mo ang pagkakaroon ng pag-iisip na umasa sa suwerte para magkamit ng mga pagpapala, paano mo ito dapat baguhin? Paano mo ito dapat lutasin? Ito ay mga praktikal na isyu. Dapat mong malinaw na maunawaan ang mentalidad ng pag-asa sa suwerte. Dapat mo itong lutasin. Kung hindi mo ito lulutasin, malamang na mapapahamak ka nito at magdurusa ka. Kung gayon, anong mga bagay ang kinasasangkutan ng mentalidad ng pag-asa sa suwerte? May ilan na nag-iisip, “Nananampalataya ako sa Diyos at iniwan ko pa nga ang aking pamilya at nagbitiw na ako sa aking trabaho. Kahit anuman, kahit pa hindi ako kapuri-puring nakapaglingkod, nagsumikap naman ako, at kahit pa hindi ako nagsumikap, pinagod ko naman ang sarili ko, kaya hangga’t sumusunod ako sa Diyos hanggang wakas, maaari akong maging isa sa mga mananagumpay, isa sa mga naligtas, isa sa mga pinagpala, isa sa mga tao ng kaharian ng Diyos.” Ito ay isang mentalidad ng pag-asa sa suwerte. Hindi ba’t may ganitong mentalidad ang lahat? Kahit papaano man lang, ang karamihan ng taong iniiwan ang lahat upang sumunod sa Diyos at buong-araw na ginagampanan ang kanilang mga tungkulin ay may ganitong uri ng mentalidad. Hindi ba’t ang mentalidad ng pag-asa sa suwerte ay isang uri ng kuru-kuro? (Ganoon nga.) Bakit Ko sinasabing isa itong uri ng kuru-kuro? Dahil, kapag hindi mo naunawaan o naintindihan ang layunin at ang saloobin ng Lumikha sa bagay na ito, subhetibo ka lang na nag-aasam ng isang magandang kalalabasan at subhetibo kang naghahangad, at sa ganoong paraan mo ito hinaharap. Isa itong uri ng kuru-kuro. Para sa Lumikha, hindi ba’t isang uri ng pangingikil ang gayong kuru-kuro? Hindi ba’t isa itong hindi makatwirang paghingi? Na para bang sinasabing, “Dahil sinundan Kita, at dahil iniwan ko na ang lahat at pumunta ako sa sambahayan ng Diyos para buong-araw na gampanan ang aking tungkulin, dapat akong ituring na isang taong nagpasakop sa mga pagsasaayos ng Lumikha, tama? Kaya, maaari na ba akong magkaroon ngayon ng isang magandang hinaharap? Hindi dapat malabo ang aking hinaharap—dapat malinaw itong makita.” Isa itong takbo ng pag-iisip na pag-asa sa suwerte. Paano lulutasin ang gayong pag-iisip? Dapat malaman ng isang tao ang disposisyon ng Diyos. Ngayong nagbahagi na Ako nang ganito, dapat na pangunahing maunawaan ito ng lahat: “Ganoon pala ang iniisip ng Diyos. Iyon ang pananaw ng Diyos at ang Kanyang saloobin. Ano na ang dapat naming gawin?” Dapat isantabi ng mga tao ang kanilang mentalidad ng pag-asa sa suwerte. Para maisantabi ang mentalidad na ito, sapat na bang sabihing, “Isinantabi ko na ito at hindi na ako magkakaroon ng ganoong mga iniisip. Seseryosohin ko ang aking tungkulin, aako ako ng responsabilidad, at lalo akong magsisikap”? Hindi iyon ganoon kasimple—kapag nagkakaroon ang isang tao ng mentalidad ng pag-asa sa suwerte, umuusbong sa kanya ang ilang pag-iisip at pagsasagawa, at, higit pa roon, mahahayag ang ilang disposisyon. Dapat lutasin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Sinasabi ng ilan, “Kung naunawaan ko na ang mga layunin at saloobin ng Diyos, hindi ba’t wala na akong mentalidad ng pag-asa sa suwerte?” Anong klaseng pagsasalita iyan? Iyan ay kawalan ng espirituwal na pang-unawa; iyan ay hungkag na pananalita. Kung gayon, paano lulutasin ang problemang ito? Dapat mong pag-isipan, “Ano ang dapat kong gawin kung kunin ng Diyos ang lahat sa akin? Ang lahat ba ng aking iniaalay sa Diyos at ginugugol para sa Kanya ay ibinigay ko nang kusang-loob, o ang mga iyon ba ay mga pagtatangkang makipagbarter sa Kanya? Kung may balak akong makipagbarter sa Kanya, hindi iyon maganda. Kailangan kong manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan para malutas iyon.” Dagdag pa rito, habang nagsasagawa ka at habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, dapat mong maunawaan kung aling mga katotohanang prinsipyo ang hindi mo nauunawaan, kung anong ginagawa mo ang sumasalungat sa mga hinihingi ng Diyos at sa Kanyang mga layunin, kung anong uri ng landas ang mali at ang landas ng sakuna, at kung anong uri ng landas ang makatatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos. Ano ang iba pang mga bagay na kinasasangkutan ng pag-iisip ng pag-asa sa suwerte? May mga tao, na matapos tamaan ng malubhang karamdaman, ay iniligtas ng Diyos at wala nang sakit. Iniisip nila, “Lahat kayo ay nananampalataya sa Diyos para maghabol ng mga pagpapala. Iba ako. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos ang nagdala sa akin dito; binigyan Niya ako ng mga espesyal na sitwasyon at mga espesyal na karanasan na nagtulak sa akin na manampalataya sa Kanya, kaya mas mahal Niya ako kaysa sa inyo, tinatrato Niya ako nang may natatanging biyaya at, sa huli, magkakaroon ako ng mas malaking pagkakataon na makaligtas kaysa sa inyo.” Iniisip nila na mayroon silang isang pambihira at espesyal na relasyon sa Diyos—na ang kanilang relasyon sa Kanya ay naiiba sa mga karaniwang tao. Dahil sa kanilang espesyal na karanasan, pakiramdam nila na sila ay pambihira at hindi karaniwan, at kaya mayroon silang isang uri ng katiyakan na sila ay magtatagumpay. Ang tingin nila sa sarili nila ay siguradong naiiba sila sa iba, at nakatitiyak sila sa kanilang kakayahang makaligtas—ito rin ay isang mentalidad ng pag-asa sa suwerte. May iba na umako ng ilang mahalagang gawain at na mataas ang katayuan. Medyo mas nagdurusa sila kaysa sa iba, medyo mas pinupungusan sila kaysa sa iba, medyo mas nagpapakaabala sila kaysa sa iba, at medyo mas nagsasalita sila kaysa sa iba. Iniisip nila, “Inilagay ako ng Diyos at ng Kanyang sambahayan sa isang mahalagang posisyon at nalulugod sa akin ang aking mga kapatid. Malaking karangalan ito. Hindi ba’t ibig sabihin nito ay pagpapalain muna ako bago ang iba?” Ito rin ay isang mentalidad ng pag-asa sa suwerte, at ito ay isang uri ng kuru-kuro.
Katatalakay Ko lang sa ilang praktikal na pagpapamalas at mga kalagayan ng pag-asa sa suwerte. Anong iba pang mga kalagayan, pagpapamalas, o bagay na madalas umuusbong at karaniwang umiiral sa isipan ng mga tao ang nabibilang sa pag-asa sa suwerte ng isang tao? Bukod sa mga taong may espesyal na karanasan, mataas na katayuan, at iniwan ang lahat upang buong-araw na gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, mayroon ding mga taong kwalipikado, gumagawa ng ilang espesyal na tungkulin, at may ilang espesyal na talento—ang lahat ng taong ito ay may pag-iisip ng pag-asa sa suwerte. Ano ang tinutukoy ng “kwalipikado”? Halimbawa, ang ilang nangangaral ng ebanghelyo ay naniniwala na kung makakakuha sila ng 10 tao ay magkakaroon sila ng 10 bunga at magkakaroon sila ng 10 porsiyentong pagkakataon na pagpalain, at na kung magkakaroon sila ng 50 bunga ay magkakaroon sila ng 50 porsiyentong pagkakataon, at na kung magkakaroon sila ng 100 bunga ay magkakaroon sila ng 100 porsiyentong pagkakataon. Isang uri ito ng kuru-kuro, isang uri ng pakikipagbarter, at higit sa lahat, ito ay pag-asa sa suwerte. Kung masusukat nila ang gawain ng Diyos habang nakakapit sa mga kuru-kurong ito at sa mentalidad na ito ng pag-asa sa suwerte, pananampalataya ba ito sa Diyos? Anong landas ang kanilang tinatahak? Wala bang anumang mali sa kanilang paghahangad? Bakit umuusbong ang mga bagay na ito sa kanila? Bakit sila kumakapit sa mga iyon at tumatangging bumitiw? Sinasabi ng ilan na ito ay dahil hindi nila kilala ang Diyos. Tama ba ito? Hungkag na pananalita ito. Kung gayon, ano ang eksaktong dahilan? Ang mga taong laging kumakapit sa gayong mga pananaw at saloobin, at may ganitong mga kuru-kuro at napakatigas ang ulo pagdating sa pagkapit sa mga ito—seryoso ba nilang pinagsisikapan ang mga salita ng Diyos? (Hindi.) Palagi silang may pabasta-bastang saloobin sa mga salita ng Diyos, na ibig sabihin, ang saloobin at pananaw ng isang taong hindi malinaw na nakakakita. Iniisip nila na sa kanilang pananampalataya sa Diyos, kailangan lang nilang malaman kung gaano na sila nagdusa para sa Diyos at kung gaano na kalaki ang kanilang ibinayad na halaga, kung gaano kalaking gantimpala na ang kanilang natamo, kung anong mga espesyal na talento ang mayroon sila, kung gaano sila kahusay, kung gaano kataas ang kanilang katayuan, kung anong uri ng “mga sandali ng pagkakaibigan sa kahirapan” ang naranasan nila kasama ang Diyos, kung anong mga espesyal na karanasan ang kanilang naranasan, at kung anong mga espesyal na bagay ang ibinigay sa kanila ng Diyos, o kung anong biyaya at mga pagpapala na ibinigay Niya sa kanila ang naiiba sa naibigay sa ibang tao—sa tingin nila ay sapat na ito. Gaano kahigpit man silang kumapit sa mga pananaw na ito, hindi nila kailanman pinagnilayan kung tama ba ang kanilang mga pananaw na ito, o kung alin sa mga salita ng Diyos at kung aling mga prinsipyo ng Kanyang gawain ang hindi katugma ng mga pananaw na ito, o kung ang mga pananaw bang ito ay pinagtibay ng Diyos, o kung ang Diyos ba ay gumagawa sa ganitong paraan, o tumutupad ng mga bagay sa ganitong paraan. Wala silang naging pakialam kailanman sa mga isyung ito. Hanggang ngayon, nagninilay-nilay, nag-isip-isip, at nangarap lang sila sa sarili nilang isipan. Kaya, ano na ang naging halaga ng katotohanan para sa kanila? Ito ay naging isang dekorasyon. Bagama’t ang mga taong ito ay nananampalataya sa Diyos, ang kanilang pananampalataya ay walang kinalaman sa Diyos o sa katotohanan. Kung gayon, saan may kinalaman ang kanilang pananampalataya? Ito ay may kinalaman lamang sa mga kuru-kuro, imahinasyon, at kanilang sariling mga hangarin, gayundin sa kanilang mga pagpapala at destinasyon sa hinaharap. Hindi nila pinagsikapan ang katotohanan, kaya nauwi sila sa mga resultang ito.
Sa pamamagitan ng pagbabahagi ngayong araw, ngayong nakapagkamit na kayo ng kaunting pagkaunawa sa paraan ng paggawa ng Diyos o sa mga pananaw at saloobin ng Diyos, maaari ba itong magkaroon ng kaunting epekto at makapagkamit ng ilang resulta pagdating sa paghahangad ninyong makilala ang Diyos, sa inyong paghahangad sa katotohanan, at sa inyong paghahangad ng buhay pagpasok? Mababago ba nito ang inyong mga maling pananaw, nang sa gayon ay mabitawan na ninyo ang inyong sariling mga kuru-kuro? (Oo.) Ano ang hinihingi nitong gawin ng mga tao? (Ang bitiwan ang kanilang mga kuru-kuro at kumilos ayon sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos.) Dapat mong maunawaan na dahil gumawa ang Diyos ng gayong mga hinihingi at pagpapasya, tiyak na tutuparin Niya ang mga ito. Sa huli, ang katunayan ay na hindi mauuwi sa wala ang mga salita ng Diyos—ang lahat ng iyon ay isasakatuparan at tutuparin. Kung sa tingin mo ay hindi naman tiyak na isasakatuparan ng Diyos ang mga bagay na Kanyang sinasabi, ito ay kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at pagdududa at panghuhusga rin ito sa Diyos. May ilan na nagsasabing, “Paanong nagawa ng Diyos iyon? Paanong nakuntento na Siya na iligtas kung gaano karami lamang ang Kanyang inililigtas? Hindi ba’t dakila at walang katapusan ang pag-ibig ng Diyos? Ang pasensya ng Diyos ay walang katapusan, at ang pagpaparaya at ang awa ng Diyos ay wala ring katapusan.” Gumagawa sila ng lahat ng uri ng palusot para sa hindi nila paghahangad sa katotohanan, naglalaan sila ng isang daan kung saan madali silang makalalabas upang matahak nila ang kanilang sariling landas, at binabalewala nila ang mga salita at gawain ng Diyos, at ang pagpapakita ng Lumikha. Alam na alam nila sa kanilang mga puso na ito ang katotohanan, ngunit inaasam nila na hindi ito ang katotohanan. May elemento ng kawalang pananampalataya sa ginagawa nila, pati na rin elemento ng pakikipagkompitensiya laban sa Lumikha, at pagsalungat at pangingikil sa Lumikha. Ano ang layunin Ko sa pagsasabi ng mga salitang ito? May ilan na nagsasabing, “Ito ay para gisingin kami, para takutin kami, o para ipaunawa sa amin na ang mga gustong umatras ay puwedeng umatras na lang, na ang mga nagiging mahina o negatibo ay maaaring manatili na lang na mahina o negatibo, at na ang mga nagnanais na ipamuhay ang sarili nilang buhay ay maaaring ipamuhay na lang ang kanilang sariling buhay. Ang gawain ng Diyos ay hindi magtatagal, at bukod pa rito, hindi kailangan ng Diyos ng ganoon karaming tao, kaya maghiwalay na lang tayo ng landas!” Ganito ba ang mga bagay-bagay? (Hindi.) Anuman ang sabihin ng Diyos, o paano man Niya ito sabihin, ang ipinauunawa ng Diyos sa mga tao ay ang Kanyang mga layunin at ang pinaiintindi Niya sa kanila ay ang katotohanan. Kung gayon, anong landas ang dapat sundan ng mga tao? Dapat nilang sundan ang daan ng Diyos. Ano ang dapat pagnilayan at hangaring malutas ng mga tao? Ang lahat ng kuru-kuro, imahinasyon at hinihingi na salungat sa Diyos. Ang lahat ng ito ay salungat sa katotohanan. Dapat mong bitiwan ang mga bagay na ito, dapat mong iwaksi ang mga bagay na ito sa iyong puso, at hindi ka na dapat maapektuhan o makontrol pa ng mga ito. Kailangan mong tunay na lumapit sa Diyos at matanggap ang paghatol, pagkastigo, pagpupungos ng mga salita ng Diyos, dapat na malinis sa iyo ang iyong tiwaling disposisyon, at dapat mong matamo ang pagpapasakop sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos. Dagdag pa rito, dapat mong palaging pagnilayan ang mga bagay sa iyong sarili na hindi tugma sa Diyos at na salungat sa katotohanan, at pagnilayan ang iyong mga tiwaling disposisyon, ang iyong mga maling pananaw sa iba’t ibang bagay, at ang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Kapag pinagninilayan at nauunawaan mo na nang malinaw ang mga bagay na ito, at hinahangad mo na ang katotohanan upang sa wakas ay malutas na ang mga ito, tumatahak ka na sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, at saka mo lang magagawang sundin ang Diyos at magpasakop sa Kanyang pamamatnugot at mga pagsasaayos.