Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 2 (Unang Bahagi)

Tungkol sa isyu ng mga kuru-kuro, napagbahaginan na natin noong nakaraan ang tungkol sa tatlong punto: Ang una ay ang mga kuru-kuro tungkol sa pananampalataya sa Diyos, ang ikalawa ay ang mga kuru-kuro tungkol sa pagkakatawang-tao, at ang ikatlo ay ang mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos. Natapos na nating talakayin ang unang dalawang punto, at napag-usapan na natin ang tungkol sa ilang medyo pangunahing nilalamang konsepto na may kaugnayan sa ikatlong punto. Tungkol naman sa mga kuru-kurong may kinalaman sa puntong ito, o sa nilalamang may kaugnayan sa mga kuru-kurong ito, pagkatapos ba noon ay pinag-isipan ninyong mabuti kung ano ang iba pang nilalaman na may kaugnayan sa mga kuru-kurong ito at may kaugnayan sa katotohanang ito? Walang mga katotohanan na kasingsimple lang ng literal na kahulugan ng mga iyon; lahat ng katotohanan ay naglalaman ng kanya-kanyang tunay na kahulugan, at lahat ng iyon ay may kinalaman sa buhay pagpasok ng mga tao, pati na rin sa lahat ng aspekto ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at pananampalataya sa Diyos. Kaya, nakahanap na ba kayo sa inyong mga pang-araw-araw na buhay ng anumang nilalaman na may kaugnayan sa aspektong ito ng katotohanan? Kapag nakikinig kayo sa mga pagbabahaginan tungkol sa aspektong ito ng katotohanan, kaunti lang nito ang naiintindihan ninyo, nang literal, at may kaunti kayong pagkakilatis sa mga lantad na kuru-kuro. Kalaunan, sa pamamagitan ng higit pang pagninilay-nilay, pananalangin at paghahanap, at pakikipagbahaginan sa inyong mga kapatid batay sa inyong karanasan, dapat ay makapagkakamit na kayo ng medyo mas malalim at mas praktikal na pagkaunawa. Kung titingnan nang literal ang tatlong katotohanang ito, alin dito ang pinaka-may-kinalaman sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, sa kanilang pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos, at sa kanilang praktikal na pagpasok? Aling katotohanan ang pinakamasusi at pinakamalalim? (Ang ikatlong katotohanan.) Bahagyang mas masusi ang ikatlong katotohanan. Ang una ay mga kuru-kuro tungkol sa pananampalataya sa Diyos, at ang mga kuru-kurong ito ay medyo lantad at mabababaw na bagay; ang ikalawa ay mga kuru-kuro tungkol sa pagkakatawang-tao, na kinapapalooban ng ilang nilalaman na maaaring makita at maunawaan ng mga tao, at maaari nilang makaugnay at mapagnilayan sa buhay; ang ikatlo ay mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos, na may kinalaman sa mga tiwaling disposisyon ng tao—ang panghuling katotohanang ito ay medyo mas malalim. Kung gayon ano nga ba ang mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos? Ano ba ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos? Paano nila dapat intindihin at iwasto ang mga kuru-kurong ito, at paano nila dapat lutasin ang mga ito? Ito ang nilalaman ng pagbabahagi ngayon.

Kapag ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos ay lumala mula sa paggamit ng pangangatwiran at panghuhusga at naging paghiling nila sa Diyos, pagkakaroon ng magagarbong ninanais mula sa Diyos, pagsalungat sa Kanya, at paggawa ng ilang pagsusuri o panghuhusga tungkol sa Kanyang gawain, ang mga kuru-kurong ito ay hindi na isang pananaw o paniniwala lang, kundi may kinalaman na rin sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kapag may kinalaman na ang mga iyon sa mga tiwaling disposisyon, sapat na iyon para magtulak sa mga taong lumaban sa Diyos, husgahan Siya, at ipagkanulo pa nga Siya. Kaya naman, hindi malaking problema kung ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos ay hanggang sa mga imahinasyon at haka-haka lang. Samantala, kung lalala ang mga ito at magiging isang pananaw at isang saloobin sa gawain ng Diyos, kung magiging mga hindi na makatwirang hinihingi sa Diyos o panghuhusga at pagkondena sa Diyos ang mga ito, o kung mapupuno na ang mga ito ng ambisyon, mga ninanasa, o layunin, hindi na ito mga ordinaryong kuru-kuro lamang. Bakit Ko sinasabing hindi na ito mga ordinaryong kuru-kuro lamang? Dahil ang mga kuru-kuro at kaisipang ito ay may kinalaman sa iyong buhay pagpasok, at sa iyong pagkaunawa sa gawain ng Diyos, at sa kung matatanggap at makapagpapasakop ka ba sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at sa kung kikilalanin mo ba Siya bilang ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa iyo at bilang ang Lumikha, at lahat ito ay may direktang kaugnayan sa iyong pananaw at saloobin sa Diyos. Kung titingnan sa ganitong paraan, seryoso bang problema na magkaroon ang mga tao ng ganitong mga kuru-kuro? (Oo.) Para masuri ang mga kuru-kurong ito, kung gagawin natin ito mula sa isang teoretikal na pananaw, maaaring parang medyo abstrakto ito, o mukhang walang kaugnayan sa inyong pang-araw-araw na buhay. Kaya pag-usapan pa natin nang kaunti ang tungkol sa iba’t ibang uri ng lagay ng pamumuhay ng mga tao, na maaari nating makita sa pang-araw-araw na buhay, o sa sangkatauhan, o ang tungkol sa kanilang kapalaran, o ang tungkol sa iba’t iba nilang mga pananaw at saloobin sa buhay at sa kataas-taasang kapangyarihan at pamamatnugot ng Diyos, para masuri natin ang mga kuru-kuro ng mga tao at mahayaan silang makita kung paano pinamamahalaan at pinamamatnugutan ng Diyos ang sangkatauhan, at kung ano ang mga aktuwal na kalagayan ng gawain ng Diyos. Ito ay isang paksang hindi ganoon kadaling pagbahaginan. Kung ang pagbabahagi ay napakateoretikal, madarama ng mga tao na ito ay walang laman, samantalang kung sobra naman itong nauugnay sa mga walang kabuluhang bagay o napakalapit sa mga totoong buhay ng mga tao, iisipin nilang napakababaw nito, at magkakaroon ng problema sa ganitong uri ng pagbabahagi. Magkagayon man, pagbahaginan pa rin natin ito sa paraan na medyo diretso at madaling maunawaan, na para pa ring nagsasalaysay ng kuwento. Sa pamamagitan ng pagkakasunod-sunod ng pangyayari at mga tauhan sa kuwento, pati na rin ng pilosopiya ng pamumuhay na nasasalamin sa kuwento mismo at sa pangyayaring nakikita ng mga tao, mauunawaan nila ang ilan sa mga paraan at diskarte kung paano ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, gayundin ang mga nakalilinlang na pananaw na taglay ng mga tao sa tunay na buhay tungkol sa gawain ng Diyos, sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at pamamatnugot sa lahat ng bagay, o ilang maling bagay na kinakapitan ng mga tao—medyo mas madaling mauunawaan ng mga tao kapag nagbahagi sa ganitong paraan.

Kaya narito ang kuwento. Noon ay may isang batang babae na ipinanganak sa isang hindi gaanong mayamang pamilya. Mula pa noong bata siya ay may kahilingan na siya: Hindi niya hiniling na maging mayaman o marangya sa buhay, ang gusto niya lang ay isang taong maaasahan. Napakagarbo ba ng kahilingang ito? Sobra-sobra ba ang hinihingi niya? (Hindi.) Subalit sa kasawiang-palad, bago pa man siya umabot sa hustong gulang ay pumanaw na ang kanyang ama, kaya dahil doon ay wala siyang naasahan sa buhay. Nawalan siya ng pangunahing taong maaasahan niya sa buhay, ng tanging taong inisip niya sa kanyang murang edad na maaasahan niya. Hindi ba’t nagdusa nang napakatindi ang mura niyang isipan? Ang mangyari ang ganitong bagay, tiyak na nagdulot ito ng matinding pagdurusa sa kanya. Na-trauma ba ang puso niya? Siguradong na-trauma ito. Paano nangyari ang gayong trauma? Ito ay dahil sa kanyang murang isipan, hindi pa siya handa, at nagsasabing, “Kaya ko nang magsarili, kaya ko nang tustusan ang sarili ko, hindi ko na kailangan pang umasa sa mga magulang ko.” Hindi pa niya kayang magsarili, gaya nga ng sinasabi ng iba. Sa kanyang murang isipan, hindi pa niya naisip kung ano ang gagawin niya para sa kinabukasan niya o kung paano siya mabubuhay nang wala ang kanyang mga magulang. Bago pa man siya magkamalay sa gayong mga bagay, sa ganitong sitwasyon pumanaw ang kanyang ama, na nangangahulugan na ang tutustos sana sa buhay niya ay nawala na, at mas hihirap pa ang mga araw kaysa dati. Maiisip na ninyo kung anong klaseng buhay ang mayroon siya pagkatapos noon. Mahirap ang naging buhay niya kasama ng kanyang ina at batang kapatid na lalake, halos hindi makaraos. Subalit gaano man siya namimighati, kailangan pa ring magpatuloy ang buhay, kaya nagpatuloy na lang siya kasama ang kanyang ina at kapatid. Makalipas ang ilang taon ay lumaki na siya, at kaya na niyang kumita ng kaunting sarili niyang pera para tustusan ang mga gastusin sa buhay ng kanyang ina at kapatid, subalit hindi pa rin marangya ang buhay nila. Sa hinaba-haba ng panahong ito, hindi nagbago ang pinakatatagong kahilingan niya. Kailangan niya ng isang taong maaasahan, subalit anong klaseng tao? Ano nga ba talaga ang hinihiling niyang taong maaasahan niya? Ilarawan nga ninyo sa Akin ang taong iyon. Sa pinakasimpleng salita, ano ba ang ibig sabihin ng “isang taong maaasahan”? Nangangahulugan ito na may isang taong kayang bumuhay sa kanya, na makatutustos pati na rin ng pagkain at damit, para hindi na niya mismo kailanganin pang maghanapbuhay, o magdusa ng anumang hirap. Kahit papaano man lang ay isang taong masasandigan niya tuwing may hindi magagandang nangyayari, isang taong masasandalan niya, gaya nga ng sinasabi nila—iyon ang klase ng taong inaasam niya na maaasahan niya. Kahit pa hindi siya niyon matulungan o matustusan nang pampinansyal sa buhay, tuwing may hindi magandang mangyayari o tuwing siya ay mamimighati, kahit papaano man lang ay mayroon siyang masasandigan, isang taong makakatulong sa kanyang makaalpas sa mahihirap na panahon at malampasan ang unos—ito ang hinihiling niya. Sobra-sobra ba ang hinihinging ito? Hindi ba makatotohanan ang kahilingang ito? Hindi naman sobra-sobra na hingin ito, at hindi ito di-makatotohanang kahilingan. Hindi ba’t humihiling din ang maraming tao ng isang bagay na kasingsimple nito? Iilang tao lang ang makakapagsabi na ipinanganak silang hindi umaasa sa sinuman maliban sa sarili nila mismo. Inaasam ng karamihan sa mga taong nabubuhay sa mundong ito at sa isang komunidad na magkaroon ng kaibigan, o isang taong maaasahan, at walang pinagkaiba ang batang babaeng ito.

Sa isang kisap-mata ay naabot na niya ang edad na maaari na siyang magpakasal, at hinihiling pa rin niyang makakilala ng isang taong maaasahan niya, isang taong masasandalan niya. Hindi naman kailangang maging mayaman ang taong iyon, o na panatilihin siya niyon sa sobrang kaginhawahan, at hindi nito kailangang maging mahusay sa pakikipag-usap. Kailangan lang ay naroroon ito para suportahan siya tuwing siya ay may problema, o ginigipit ng hirap o karamdaman, kahit pa para bigyan lang siya ng ilang nakapang-aalong salita at wala nang iba. Madali bang magkatotoo ang kahilingang ito? Hindi ito tiyak. Walang nakakaalam kung ang mga kahilingan ba ng mga tao ay ang binalak na ibigay o tuparin ng Diyos sa kanila, o kung sa huli ba, ang kanilang mga kahilingan ay pauna nang itinakda ng Diyos sa kapalaran nila. Kaya, walang nakaaalam kung matutupad ba ang hiling ng babaeng ito, at hindi niya rin mismo alam ito. Gayunman, patuloy niyang pinanghawakan ang kahilingang ito habang siya ay nagpapatuloy sa susunod na yugto ng buhay. Sa panahong ito, nakaramdam din siya ng labis na pangamba at pagkabalisa, subalit maging ganoon man, dumating pa rin naman ang araw. Hindi niya alam kung ang taong pinaplano niyang pakasalan ay isa ngang taong maaasahan niya nang panghabambuhay, subalit taos-puso pa rin siyang umaasa sa puso niya na: “Ang taong ito ay dapat na isang taong masasandigan ko. Ang lumipas na dalawampu o higit pang taon ng buhay ko ay naging mahirap na. Kung mapupunta ako sa isang taong hindi maaasahan, magiging mas mahirap pa ang nalalabing bahagi ng buhay ko. Sino pa ba ang maaasahan ko?” Nahirapan siya, subalit wala na siyang magagawa, kaya patuloy lang siyang umasa. Para mabuhay, kapag hindi alam ng mga tao kung bakit sila naririto sa buhay na ito at kung paano nila tatahakin ang buhay, patuloy silang nangangapa nang may ganitong uri ng kahilingan at hindi nababatid na pag-asa. Nang dumating ang sandaling ito, hindi niya alam kung ano ang magiging hinaharap niya. Hindi alam ang hinaharap. Nagpatuloy pa rin siyang sumulong. Gayumpaman, maraming katunayan ang madalas na sumasalungat sa mga hinihiling ng mga tao. Sa ngayon, huwag muna tayong magkomento sa kung bakit isinasaayos ng Diyos ang kapalaran ng mga tao sa ganitong paraan—kung ito ba ay intensyonal na pagsasaayos ng Diyos, o kung ito ba ay dahil isinanhi ng katiwalian at kamangmangan ng mga tao na ang kanilang mga ninanasa at hinihingi ay maging lubhang salungat sa kapalarang isinaayos ng Diyos para sa kanila, kaya madalas ang mga hinihiling nila ay hindi nagkakatotoo, at kaya madalas hindi nangyayari ang mga bagay nang ayon sa inaasahan nila—huwag muna nating talakayin ang lahat ng ito sa ngayon. Una, ituloy muna natin ang kuwento.

Pagkatapos mag-asawa ng babae, pumasok na siya sa kasunod na yugto ng buhay, habang nakakapit sa kanyang kahilingan. Ano ba ang naghihintay sa kanya sa yugtong ito ng buhay? Hindi niya alam, subalit hindi niya ito maiiwasan dahil lang takot siya sa bagay na hindi niya nalalaman. Kailangan niyang patibayin ang kanyang sarili at sumulong, at kailangan pa rin niyang mabuhay sa bawat araw. Sa malaking pagbabagong ito sa kanyang buhay, dumating na sa wakas ang kapalarang isinaayos ng Diyos para sa kanya—at kabaligtaran ito ng kung ano ang inaasam-asam niya. Ang payak na buhay-pamilyang inaasam-asam niya, na may simpleng kama, may maliit na sulatang mesa, na may simple at malinis na silid, asawa, at mga anak—hindi kailanman mangyayari ang simpleng buhay na ito na ninanais niya. Pagkatapos niyang mag-asawa, dahil sa trabaho ay gugugulin ng asawa niya ang buong taon nang malayo sa pamilya, kaya kailangan nilang mabuhay nang magkahiwalay. Anong mga aasahan ng isang babae sa gayong buhay? Iyon ay isang buhay na inaapi at may diskriminasyon. Ang maharap sa gayong kapaligirang pinamumuhayan ay isa na namang dagok sa kanyang buhay at kapalaran. Ito ay isang bagay na hindi niya kailanman naisip, at isang bagay rin na hindi niya kailanman ginustong makita o kaharapin. Subalit ngayon, ang mga katunayan ay ganap na hindi naaayon sa kanyang mga kagustuhan at imahinasyon. Ang hindi niya gustong makita o maranasan ay totoong nangyari na sa kanya. Malayo ang asawa niya na nasa trabaho nang buong taon. Kailangan niyang hindi umasa sa iba, kapwa sa buhay at pampinansyal. Kailangan niyang lumabas at kumita para bayaran ang mga bayarin nang mag-isa. Wala siyang katuwang sa buhay, at kailangan niyang umasa sa sarili niya sa lahat ng bagay. Sa gayong kapaligirang pinamumuhayan niya, nagkaroon ba ang babaeng ito ng isang taong maaasahan niya, o talagang hindi? (Talagang hindi.) Natupad ba o nawasak ang kahilingan niya pagkatapos niyang mag-asawa? (Nawasak ito.) Kitang-kita naman, sa ikalawang mahalagang yugto ng kanyang buhay, muli na namang nasira ang kanyang pag-asa, at wala na siyang maaasahan. Ang taong akala niya ay maaasahan niya sa buhay ay wala sa tabi niya, at hindi talaga maaasahan. Ang taong itinuring niyang haligi ng lakas niya, na kanyang sandigan, at isang taong maaasahan ay hindi man lang maaasahan. Kailangan niyang gawin ang lahat ng bagay nang mag-isa, at pangasiwaan at harapin ang lahat ng bagay nang siya lang. Sa mga panahong pinakanahirapan siya, ang magagawa niya lang ay ang magtago sa kama at umiyak sa ilalim ng mga kumot, nang walang sinumang dumaramay sa kanyang problema. Alang-alang sa kanyang imahe, kakayahang makipagkompetensiya, at pagpapahalaga sa sarili, madalas siyang nagpapakita ng matibay na panlabas, at tila ba isa siyang matatag na babae, ngunit sa kaibuturan niya ay talagang napakarupok niya. Kailangan niya ng suporta, at nag-aasam siya ng isang taong maaasahan, pero hindi pa nagkakatotoo ang kahilingang ito.

Lumipas ang ilan pang taon at palipat-lipat siya kasama ang kanyang ilang maliliit na anak, nangungupahan at namumuhay nang walang permanenteng tirahan. Sa ganitong paraan, ang isa sa kanyang pinakapangunahing hinihingi sa buhay ay unti-unti at dahan-dahang gumuguho, habang lumilipas ang mga taon. Ang gusto niya lang naman ay ang magkaroon ng isang maliit na silid na may kama, isang maliit na mesa para sa pagsusulat, at isang kalan na malulutuan, at na makakain ang pamilya niya sa mesa, mag-alaga ng ilang manok, at mamuhay ng isang simpleng buhay. Hindi siya umaasang maging mayaman o marangya. Basta’t simple lang ang buhay, payapa, at sama-sama ang pamilya, sapat na iyon. Gayunman, ang magagawa niya lang sa ngayon ay mabuhay nang isang kahig at isang tuka kasama ng kanyang mga anak. Hindi lamang siya walang maaasahan, kundi ang malala pa rito, kailangan niyang maging ang taong maaasahan ng kanyang sariling mga anak. Naisip niya rin na, dahil napakahirap ng pamumuhay sa mortal na mundong ito, marahil ay makakahanap siya ng paraan para lutasin ang paghihirap na ito, tulad ng pagiging isang Budistang mongha, o paghahanap ng isang lugar upang linangin ang kanyang mga espirituwal na katangian, nang malayo sa lipunan ng mga tao at malayo sa pagdurusang ito, nang hindi umaasa kaninuman, at walang sinumang umaasa sa kanya, dahil ang pamumuhay nang ganito ay sobrang nakakapagod at napakahirap. Subalit ano ang nag-iisang bagay na nagpalakas sa kanya at nagpanatili sa kanyang magpatuloy? (Ang mga anak niya.) Tama iyan. Kung wala siyang mga anak, marahil bawat araw na nabubuhay siya ay mas lalong napakahirap, subalit nang magkaanak na siya, umako siya ng mga responsabilidad at naging ang taong maaasahan ng mga anak niya. Nang tumawag ang kanyang mga anak ng “Nanay,” naramdaman niyang napakabigat ng pasaning nakaatang sa kanya, na hindi niya kayang talikuran ang kanyang mga responsabilidad nang ganoon na lamang, at na hindi siya maaaring umasa sa iba, kundi siya ay maaaring maging ang taong maaasahan ng iba—naisip niya, na ito ay maituturing din na pinagmumulan ng kagalakan sa buhay, ng isang saloobin sa buhay, at ng isang motibasyon para mabuhay. Sa ganitong paraan, nagtiis siya ng sampung taon o higit pa para sa kapakanan ng kanyang mga anak. Para bang mahaba ang mga araw? (Oo, mahaba nga.) Bakit parang mahaba ang mga iyon? (Dahil mahirap ang buhay niya, kaya parang mahaba ang mga araw.) Alam ninyo mula sa karanasan, ang mga iyon ay parang mga salita ng isang taong dinaanan na iyon at nagawa na iyon. Ang mga araw ay mahirap at sobrang nakakapagod, kaya tila napakahaba ng mga iyon. Lahat ng naranasan niya ay parang isang uri ng pagpapahirap sa kaibuturan ng kanyang puso, kaya kinailangan niyang mabuhay nang nagbibilang ng mga araw, at ang ganitong uri ng buhay ay hindi madaling pagdaanan. Kahit noong nagsilaki na ang mga bata, hindi pa rin nagbago ang kahilingan niya. Nasa kaibuturan pa rin ng puso niya ang kahilingang ito: “Malalaki na ang mga bata at hindi na kailangan ng gaanong pagsisikap para alagaan sila. Kung makakasama namin ang aking asawa at magkakasamang muli ang pamilya, mas magiging maganda na ang buhay namin.” Bumalik na ang kanyang magagandang imahinasyon at, gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, nagbigay inspirasyon at lakas ito sa kanya. Sa tuwing hindi siya makatulog sa gabi, iniisip niya ang mga kaisipan tulad ng: “Ngayong malalaki na ang mga bata, kung makakapagkolehiyo sila, at kalaunan ay makakahanap ng magandang trabaho at kikita na, magiging mas madali na ang buhay, at magiging mas maayos na ang sitwasyon ng pagkain, damit, at tirahan kaysa sa ngayon. At kung babalik na ang aking asawa, magiging mas maganda pa ang buhay, at may maaasahan na ako! Binigo ako ng dalawang taong inasahan ko dati, pero ngayon mas marami na akong taong maaasahan. Naging mabait ang langit sa akin! Mukhang mas maganda na ang mga susunod na araw.” Naniwala siyang maganda na ang mga darating na araw. Mabuting bagay ba ito o masama? Walang nakakaalam. Walang nakakaalam kung ano ang kapalaran sa buhay ng isang tao, o kung ano ang naghihintay sa hinaharap. Ang lahat ng tao ay natitisod sa buhay nang tulad nito, nakakapit sa kanilang magagandang kahilingan.

Makalipas ang sampung taon, lumipat sa ibang trabaho ang asawa niya, at nagkasama na sa wakas ang pamilya, na isang mabuting bagay. Kaya sa huli, magiging isang taong maaasahan na ba niya ang asawa niya? Makakaramay na kaya ang asawa niya sa mga hirap niya sa buhay? Dahil hindi pa sila nagsama kailanman, ni nag-ugnayan nang malalim, hindi niya lubos na kilala ang asawa niya. Sa sumunod na mga araw, nagsimula silang mag-asawa na matutong mamuhay nang magkasama at nagkaroon sila ng mas malalim na pagkaunawa sa isa’t isa. Pero hindi pa rin nagbago ang kahilingan niya. Inaasahan niya na ang lalaking ito ang siyang maaasahan niya, ang mag-aalo sa kanya at magpapaginhawa sa kanyang paghihirap, anuman ang mangyari. Gayumpaman, hindi pa rin nangyari ang mga bagay-bagay ayon sa gusto niya. Ang asawang ito na hindi pa niya nakakaugnayan nang malalim, ang lalaking ito na hindi niya man lang maintindihan, ay sadyang hindi maaaring maging isang taong maaasahan niya. Ito ay dahil magkaibang-magkaiba ang dalawang taong ito pagdating sa kanilang mga kakayahang mabuhay, mga pantaong katangian, mga pananaw sa buhay, mga pinahahalagahan, at mga saloobin sa kanilang mga anak, pamilya at kamag-anak. Laging nag-aaway ang mag-asawa, at patuloy na nagtatalo sa maliliit na bagay. Inasam ng babaeng ito sa kaibuturan niya na patuloy siyang makapagtiis para maunawaan ng kanyang asawa ang kanyang kabaitan, ang kanyang pasensiya, at ang kanyang paghihirap, at pagkatapos ay maantig niya ang damdamin nito at muli itong makipag-ugnayan sa kanya, subalit ang kanyang kahilingan ay hindi pa rin nagkatotoo. Para sa babaeng ito, sa kaibuturan niya, ang asawa ba niya ay isang taong maaasahan niya? Maaari ba itong maging isang taong kanyang maaasahan? (Hindi, hindi ito maaari.) Tuwing nahaharap siya sa mga paghihirap, hindi lamang nabibigo ang asawa niya na aluin siya at pagaanin ang paghihirap niya, kundi dinadagdagan pa nito ang kanyang paghihirap, kaya lalo pa siyang nadidismaya at walang magawa. Sa pagkakataong ito, ano ang mga pinakatatagong damdamin at pagkaunawa niya sa buhay? Ang mga iyon ay pagkadismaya at paghihirap, kaya napatanong siya, “May Diyos ba talaga? Bakit ang hirap ng buhay ko? Ang gusto ko lang naman ay isang taong maaasahan, sobra na ba ang hingin iyon? Ito lang naman ang munting kahilingan ko. Bakit hindi pa rin ito nagkakatotoo sa maraming taon na nabubuhay ako? Hindi naman labis-labis ang hinihingi ko at wala akong mga ambisyon. Gusto ko lang ng isang taong masasandalan tuwing may mga mangyayaring hindi maganda, iyon lang naman. Bakit kahit ang gayong maliit na kahilingan ay hindi matupad?” Tumagal pa ang sitwasyong ito nang ilan pang taon. Malinaw naman, na ang buhay ng pamilyang ito ay hindi masyadong maayos; may mga madalas na pagtatalo. Malungkot at hindi masaya ang mga bata, pati na rin ang mga magulang nila. Walang kapayapaan o kagalakan sa pamilya, at ang nararamdaman lang ng bawat tao ay takot, kaba, at sindak, pati na rin paghihirap at pagkabalisa sa kaibuturan ng puso nila.

Pagkalipas ng ilang taon, nagbago na sa wakas ang mga bagay-bagay at dumating sa kanya ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus. Pakiramdam niya ay baka magkakatotoo na sa wakas ang kahilingan niya. Naisip niya, “Hindi ko kailangang umasa sa aking ama, sa aking asawa, o sa sinumang nakapaligid sa akin. Hangga’t umaasa ako sa Panginoong Jesus, maaari akong maging payapa, at magkaroon ng talagang maaasahan ko, at makasumpong ng tunay na kapayapaan at kasiyahan, at pagkatapos ay gagaan na ang buhay.” Matapos tanggapin ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus, naging mas masaya na ang babaeng ito, at siyempre, naging mas maayos na ang kanyang buhay. Bagamat hindi nagbago ang saloobin ng asawa niya sa kanya, at malupit pa rin ito gaya ng dati, binabalewala siya at walang pagsasaalang-alang, malasakit o pag-aalala sa kanya, maski pasensiya, pagpapasalamat o pagpaparaya man lang, gayumpaman, dahil taglay niya sa puso niya ang pagliligtas ng Panginoong Jesus, nagbago na ang saloobin niya sa lahat ng ito. Hindi na siya nakipagtalo o nagtangkang mangatwiran sa asawa niya, dahil naunawaan na niya na walang mapapala ang mga tao sa pakikipagtalo tungkol sa lahat ng ito. Tuwing nagugulo ang mga bagay-bagay, kinakausap niya ang Panginoong Jesus at mas nagiging bukas ang puso niya. Sa ganitong paraan, nagmukhang medyo maayos na ang kanyang buhay pamilya. Subalit hindi nagtagal ang magagandang panahong ito, at nagbago na naman ang buhay niya. Noong nagsimula siyang sumampalataya sa Panginoong Jesus, ipinangaral niya ang ebanghelyo nang may sigasig, niyakap niya ang buhay iglesia, at sinuportahan ang kanyang mga kapatid. Gayumpaman, hindi sumang-ayon ang asawa niya. Sinimulan siya nitong usigin at madalas siya nitong pinagagalitan sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga bagay tulad ng: “Gusto mo pa bang makisama sa akin? Kung ayaw mo talaga, maghiwalay na tayo!” Wala siyang ibang pagpipilian kundi ang manalangin na lang sa Panginoon at tiisin ito. Bagaman mahirap at napakasakit ang mga araw na tulad nito, ang trauma sa puso niya ay talagang hindi na kasinglala ng dati, at nakakakuha rin siya ng kaunting ginhawa sa pananalangin. Sa tuwing nahihirapan siya, nananalangin siya sa Panginoon. Kaya may naaasahan ang puso niya at nagkamit ito ng pansamantalang kasiyahan, at nadama niyang labis nang mas mabuti ang buhay niya.

Unti-unti, lumaki na ang mga bata. Dahil nakatira ang mga bata sa kanya mula pagkabata at medyo mas malakas ang kanilang pagmamahal sa kanya, nadama ng babaeng ito, “Ngayong malalaki na ang mga anak ko, hindi ko na kailangan pang umasa sa asawa ko, maaasahan ko na ang mga anak ko.” Sa panlabas, para bang umaasa na siya sa Panginoong Jesus at ipinagkatiwala na niya sa mga kamay ng Panginoong Jesus ang puso niya, ang pamilya niya, at maging ang hinaharap at kinabukasan niya. Pero kung tutuusin, sa kaibuturan niya, kumakapit pa rin siya sa kahilingang ito sa mga tao na nakikita niya at may kaugnayan sa kanya, at umaasa siyang magkakatotoo ang kahilingang ito balang araw. Dahil hindi nakikita ng mga tao kung nasaan ang Panginoong Jesus, sinasabi nila na nasa tabi nila at nasa puso nila ang Panginoong Jesus, pero naisip niya na hindi mahahawakan o makikita ang Diyos, kaya hindi siya napalagay. Naisip niya na sapat na ang umasa na lang sa Panginoong Jesus para malampasan niya ang mahahalagang pangyayari at malalaking isyu, subalit sa totoong buhay ay kailangan pa rin niyang umasa sa kanyang mga anak. Sa buong panahong ito ay hindi nagbago ang kahilingan niya, at hindi niya ito binitawan. Nananampalataya na siya ngayon sa Panginoong Jesus, subalit bakit hindi pa rin nagbabago ang kahilingang ito? Maraming dahilan ito. Ang isa ay hindi niya nauunawaan ang katotohanan at wala pa siyang gaanong nalalaman o naiintindihan tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan at pamamatnugot ng Diyos; ito ang obhetibong dahilan. Ang personal na dahilan ay isa siyang duwag na tao. Bagamat nananampalataya siya sa Diyos, pagkatapos makaranas ng labis na pasakit, wala pa rin siyang malinaw na pananaw tungkol sa kabuluhan ng pananampalataya sa Diyos, o tungkol sa kapalaran ng mga tao, sa pamamatnugot ng Diyos, at kung paano gumagawa ang Lumikha. Aling mga bagay ang nagpapakita na wala siyang malinaw na pananaw tungkol sa mga bagay na ito? Una sa lahat, palagi niyang iniaasa sa iba ang kanyang sariling kaligayahan at malalim na pagnanais para sa isang mas maayos na buhay, umaasang matutupad ang kahilingan niya dahil sa pagsuporta o pagtulong ng iba. Maling pananaw ba ito tungkol sa buhay at kapalaran? (Oo.) Mali ang pananaw na ito. Bilang isang magulang, mali ba na umasa ka sa iyong mga anak, sa pamamagitan ng pag-asa na magiging masunurin sila sa iyo at masusuportahan ka nila paglaki nila? Hindi ito mali, at hindi ito paghingi nang sobra. Kung gayon ano ang problema rito? Palagi niyang ninanais na umasa sa kanyang mga anak, at mamuhay ng isang masayang buhay sa pamamagitan ng pag-asa sa kanyang mga anak, at gugulin ang nalalabing buhay niya na umaasa sa mga anak niya, at tamasahin ang ganito at ganyan sa pamamagitan ng pag-asa sa mga anak niya. Ano ang maling pananaw niya sa paggawa nito? Bakit siya may ganitong ideya? Ano ang pinagmulan ng pananaw na ito na pinanghahawakan niya? Palaging labis na inaasam ng mga tao ang isang partikular na paraan ng pamumuhay at partikular na antas ng pamumuhay. Ang ibig sabihin, bago pa man malaman ng mga tao kung paano paunang itinakda ng Diyos ang mga buhay nila o kung ano ang kapalaran nila, naplano na nila kung ano ba dapat ang antas ng pamumuhay nila, na dapat ay maging masaya sila, at magkaroon ng kapayapaan at kagalakan sa kanilang mga buhay, at maging mayaman at marangya, at magkaroon ng mga taong tutulong sa kanila at maaasahan nila—naplano na ng mga tao ang kanilang landas sa buhay, ang mga layon nila sa buhay, ang kahahantungan nila sa buhay, at lahat ng iba pa. Mayroon bang kahit na anong pananampalataya sa Diyos sa lahat ng ito? (Wala.) Wala, walang kahit na ano. Palaging may pananaw ang babaeng ito sa buhay: Kung aasa ako kay ganito at ganyan, magiging mas payapa, mas masaya, at mas marangya ang buhay ko; kung aasa ako kay ganito at ganyan, magiging mas maayos, mas panatag, at mas masaya ang buhay ko. Tama ba o mali ang pananaw na ito? (Mali ito.) Pagkaraan ng napakaraming taon, naabot na niya ang yugto ng pagsampalataya sa Panginoong Jesus, subalit hindi pa rin niya nakikita nang malinaw kung tungkol ba saan ang buhay ng tao. Mayroon pa rin siyang mga pansariling layunin at plano, at kinakalkula niya ang kanyang landas sa hinaharap at pinaplano ang kanyang buhay sa hinaharap. Kung titingnan ito ngayon, tama ba o mali ang saloobing ito sa buhay at ang ganitong uri ng pagpaplano? (Mali ito.) Bakit? (Dahil hinahangad niya ang mga pansarili niyang mithiin at kagustuhan, sa halip na kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao.) Ang hinahangad niya ay walang kinalaman sa paunang itinakda ng Diyos. Bago pa man niya nalaman kung ano ang gagawin ng Diyos, nagpasya na muna siyang humanap ng taong maaasahan niya. Aasa siya sa taong ito sa yugtong ito at sa taong iyon sa susunod na yugto. Sa ganitong paraan, hindi na siya umaasa sa Diyos at umaasa na lamang siya sa tao, sa halip na sa Diyos. Dahil palagi siyang may ganitong kahilingan at ganitong mga plano, nasa puso ba niya ang Diyos? (Wala.) Kaya, sa isang panig, ano ang nagdulot ng kirot na nagmula sa lahat ng kanyang paghihirap? (Dulot ito ng kanyang kahilingan.) Totoong-totoo iyan. Kaya paano umusbong ang kahilingan niya? (Sa hindi niya pananampalataya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos o sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos.) Tama iyan. Hindi niya naunawaan kung paano nangyayari ang kapalaran ng tao, at hindi rin niya naunawaan kung paano kumikilos ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ito ang ugat ng problema.

Ituloy natin ang kuwento. Nang nagsilaki na ang mga anak ng babaeng ito, ang ilan ay nagtrabaho at ang iba naman ay lumagay sa tahimik at nagsipag-asawa, at siyempre, kailangan nilang iwan ang kanilang mga magulang at magsarili, at hindi na nila madalas makasama ang kanilang mga magulang. Dahil doon, ano ang sumunod na problemang kinaharap ng babaeng ito? Ang kahilingan niyang umasa sa kanyang mga anak ay tila nasa bingit ng muling pagkawasak. Isa na namang masakit na trahedya ito, panibagong dagok sa kanyang karanasan sa buhay. Dahil sa lahat ng uri ng kadahilanan, hindi maaaring manirahan sa tabi niya ang kanyang mga anak at hindi siya masamahan ng mga ito, o madalas na madalaw at maalagaan. Kaya naman, ang inaasam niya na sana ay nasa tabi niya ang kanyang mga anak upang maging mabuting anak ang mga ito at alagaan siya, at ang kanyang kahilingang makaasa sa kanyang mga anak upang maging mas madali sa kanya ang mga bagay-bagay, at mamuhay siya ng mas komportable at mas masayang buhay—unti-unting lumalayo ang lahat ng ito sa kanya. Kaya, tumindi nang tumindi ang kanyang pagkabahala, pag-aalala, at pananabik sa kanyang mga anak. Hindi ba’t isa na naman itong uri ng pasakit? Habang nagkaka-edad na siya at unti-unti na siyang tumatanda, palalim nang palalim ang kanyang paghihirap, pati na rin ang pananabik niya sa kanyang mga anak. Lumipas ang maraming taon, at bagamat iba-iba ang mga taong inasahan ng babaeng ito sa bawat yugto ng kanyang buhay, siya ay iniwan nilang lahat sa itinakdang panahon, na lubusang sumira sa kanyang mga kagustuhan o kahibangan, at iniwan siya nitong labis na naghihirap at nagdadalamhati sa kaloob-looban niya. Ano ang idinulot nito sa kanya? Naging dahilan ba ito para pagnilayan niya ang buhay? O pag-isipan kung paano isinasaayos ng Lumikha ang kapalaran ng mga tao? Kung isasaalang-alang ng isang tao ang normal na pag-iisip ng mga tao, pagkatapos makinig sa ilang sermon at makaunawa ng ilang katotohanan, dapat ay alam na nila ang ilang bagay tungkol sa Lumikha, tungkol sa buhay, at tungkol sa kapalaran ng mga tao. Gayumpaman, dahil sa iba’t ibang kadahilanan, at dahil sa problema ng mismong bida sa kuwentong ito, hanggang sa puntong ito ay hindi pa rin niya maintindihan at wala siyang ideya tungkol sa kanyang naranasan at nakaharap sa bawat yugto ng kanyang buhay, o kung ano ba ang kanyang problema, at sa kaibuturan ng kanyang puso ay naghangad pa rin siya ng isang taong maaasahan. Kaya kanino ba talaga siya dapat umasa? Totoong ang Diyos ang Siyang inaasahan ng mga tao, ngunit ang Diyos ay hindi lang para asahan ng mga tao, hindi lang Siya para dito. Mas mahalaga na malaman ng mga tao kung paano makasundo ang Lumikha, kung paano makilala ang Diyos at magpasakop sa Kanya—hindi lang ito relasyon ng pag-asa at pagiging inaasahan.

Matapos mawalan ang babaeng ito ng maaasahan sa kanyang mga anak at nang tumanda na siya, inilipat niya ang pag-asa niya sa kanyang asawa, na siyang naging huli niyang pag-asa. Kailangan niyang umasa sa kanyang asawa para sa kanyang mga pangunahing pangangailangan, at upang patuloy siyang mabuhay. Kinailangan niyang humanap ng mga paraan upang mabuhay ang kanyang asawa nang ilang taon pa, para makakuha siya ng kaunting pakinabang para sa kanyang sarili. Iyon ang kanyang inasahan. Nabuhay siya nang ganito katagal, kaya puro uban na ang matandang babae, kulubot na ang kanyang mukha, at natanggal na halos ang lahat ng ngipin niya. Bagamat nagbago na ang kanyang hitsura, ang nanatiling pareho pa rin ay na sa bawat yugto ng kanyang buhay, nakaramdam siya na hindi na niya kayang magpatuloy pa dahil sa sobrang hirap, at kahit na maraming beses niya iyong naramdaman, naging pareho pa rin ang kanyang kahilingan—ang magkaroon siya ng taong maaasahan. Ang isa pang bagay na hindi nagbago ay ang kanyang maling akala tungkol sa mga pangako ng Diyos sa mga tao, gayundin ang ilang maling akala niya tungkol sa kanyang sarili, sa sangkatauhan, at sa kanyang kapalaran at mga pagkakataon. Bagamat sa kaibuturan niya ay nagiging mas malabo at malayo na ang mga maling akalang ito, marahil ay may kinakapitan pa rin siyang kaunting pag-asa sa kaibuturan ng puso niya: “Kung, sa nalalabing mga taon ko, ay mabubuhay akong masaya kasama ang isang taong maaasahan ko, o makikita ko ang araw kung kailan magtatapos ang gawain ng Diyos at Siya ay luluwalhatiin, hindi nawalan ng saysay ang buhay na ito.” Iyon ang buhay ng babaeng ito. At doon nagtatapos ang kuwento. Ano ang dapat na pamagat ng kuwentong ito? (“Kanino Ako Aasa?”) Iyan ay isang pamagat na maganda at nakakapukaw ng isipan.

Bumalik tayo sa paksa ng ating pagbabahagi, ano ang kinalaman ng kuwentong ito sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos? Aling bahagi ang may kaugnayan sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos? Sa anong mga kuru-kuro ito nauugnay? Ibahagi ninyo ang mga naiisip ninyo. (Sa tingin ng mga tao ay dapat tuparin ng Diyos ang mga bagay nang ayon sa mga ekspektasyon at plano nila. Ito ang uri ng kuru-kurong mayroon ang mga tao.) Sa mga kuru-kuro ng mga tao, iniisip nila na hangga’t mabuti, positibo, at maagap ang mga mithiin nila, dapat na ipagkaloob ng Lumikha ang mga iyon, at hindi sila dapat pagkaitan ng karapatang pagsikapan ang isang magandang buhay. Isa itong kuru-kuro. Ang pagtupad ba ng Lumikha ay naaayon sa mga kagustuhan, inaasahan, at imahinasyon ng tao? (Hindi ito naaayon.) Kung gayon, sa anong paraan ba kumikilos ang Lumikha? Maging sino ka man, at maging anuman ang pinlano mo, gaano man kaperpekto at kagalang-galang ang mga imahinasyon mo, o hanggang saang antas man tumutugma ang mga ito sa realidad ng iyong buhay, hindi tumitingin ang Diyos sa alinman sa mga bagay na ito, ni pinapansin Niya ang mga ito; sa halip, ang mga bagay ay isinasakatuparan, pinamamatnugutan, at isinasaayos nang ayon sa mga inordeng pamamaraan at kautusan ng Diyos. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Iniisip ng ilang tao, “Pagkatapos ng hindi mabilang na mga paghihirap na naranasan ko sa buhay, hindi ba ako karapat-dapat sa isang magandang buhay? Kapag humarap ako sa Lumikha, hindi ba ako magiging kwalipikadong humiling at maghangad ng magandang buhay at magandang destinasyon?” Hindi ba’t kuru-kuro ito ng tao? Ano ba sa Diyos ang gayong mga kuru-kuro at nabuong kaisipan ng tao? Ang mga iyon ay mga hindi makatwirang kahilingan. Paano nabubuo ang gayong mga hindi makatwirang kahilingan? (Hindi alam ng mga tao ang awtoridad ng Diyos.) Ito ang obhetibong dahilan. Ano ang personal na dahilan? Ito ay dahil mayroon silang mapaghimagsik na disposisyon, at ayaw nilang hanapin ang katotohanan o magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan o mga pagsasaayos ng Lumikha. Ang buhay bang isinasaayos ng Lumikha para sa karamihan ng mga tao ay mahirap, o masaya ba ito at walang inaalala? (Mahirap.) Karamihan sa mga tao ay namumuhay ng mahirap na buhay, na may napakaraming paghihirap at labis na pasakit. Ano ang layunin ng Lumikha sa pagsasaayos ng mga paghihirap para sa mga tao sa buong buhay nila? Ano ang kabuluhan nito? Sa isang banda, nilalayon ng mga gayong pagsasaayos na hayaan ang mga taong maranasan at malaman ang kataas-taasang kapangyarihan, mga pagsasaayos, at awtoridad ng Diyos; sa kabilang banda, ang pangunahing layunin Niya ay ang hayaan ang mga taong maranasan kung ano ba talaga ang buhay, at sa gayon ay matanto nila na ang kapalaran ng tao ay kontrolado ng kamay ng Diyos, at hindi pinagpapasyahan ng sinumang tao ni binabago dahil sa mga pagbabago sa personal na kalooban ng mga tao. Anumang ginagawa ng Lumikha at anumang uri ng buhay o kapalaran ang isinaayos Niya para sa mga tao, pinapagnilay Niya sila tungkol sa buhay at sa kung ano ba talaga ang kapalaran ng tao, at, habang pinagninilayan nila ang lahat ng ito, pinapalapit Niya sila sa harap ng Diyos. Kapag ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan at sinasabi Niya sa mga tao kung ano ang lahat ng ito, sinasanhi Niyang humarap ang mga tao sa Kanya, tanggapin kung ano ang sinasabi ng Diyos, maranasan kung ano ang sinasabi ng Diyos, maunawaan kung ano ba talaga ang kaugnayan ng lahat ng sinasabi ng Diyos sa lahat ng bagay na nararanasan ng mga tao sa kanilang totoong buhay. Hinahayaan Niyang mapatunayan ng mga tao ang pagiging praktikal, tumpak, at balido ng mga katotohanang ito, pagkatapos niyon ay nakakamit nila ang mga iyon at kinikilala nila na ang tao ay kontrolado ng mga kamay ng Lumikha, at na ang kapalaran ng tao ay pinamamahalaan at isinasaayos ng Diyos. Kapag naunawaan na ng mga tao ang lahat ng ito, hindi na sila magkakaroon pa ng anumang hindi praktikal na plano sa kanilang buhay, at hindi na sila magkakaroon pa ng mga plano na sumasalungat sa mga kagustuhan ng Lumikha ni sa kung ano ang inorden at isinaayos Niya; sa halip, magiging mas tumpak ang kanilang pagsusuri at pagkaunawa, o pagkakaintindi at plano, kung paano dapat ipamuhay ang kanilang buhay at ang daang dapat nilang tahakin. Ito ang layunin at kabuluhan ng maraming paghihirap na isinasaayos ng Diyos sa buhay ng mga tao.

Kung babalikan natin ang kuwento, pagkatapos na dumanas ang bida ng maraming paghihirap, ano ba ang pagkakaunawa niya sa kung bakit niya kinailangang magtiis ng mga paghihirap at pasakit sa buhay na ito, at kung bakit pinamatnugutan at isinaayos ng Lumikha ang mga bagay sa ganitong paraan? Nakikita ba ninyo iyon sa kuwento? Naunawaan ba niya ang mga bagay na ito? (Hindi.) Bakit niya ito hindi naunawaan? (Dahil sa bawat yugto ng buhay niya, at sa bawat punto ng pagbabago sa buhay niya, sa tuwing paulit-ulit na nawawasak ang mga hinihiling niya ay hindi siya nagninilay o bumubuo ng kongklusyon kung bakit hindi magkakatotoo kailanman ang panghabambuhay na pangarap niya. Kung pinagnilayan at hinanap sana niya ang katotohanan, nagbago na sana siya. Gayumpaman, hindi niya naunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at ang kaya lang niyang gawin ay ang determinadong magpatuloy sa pangarap niya at umasa na isang araw ay biglang magbabago ang kapalaran niya, na imposible naman. Sa panahon ng prosesong ito, palagi siyang lumalaban at nakikibaka, kaya siya matinding nagdalamhati.) Ganoon lang iyon. Dahil mali ang landas na kanyang pinili, subalit hindi niya alam iyon. Itinuring niya iyon bilang isang tamang landas, bilang kanyang lehitimong hangarin at lehitimong kahilingan, at pagkatapos ay nagsumikap, nakipaglaban, at nakipagbaka siya sa direksyong iyon. Hindi siya kailanman nag-alinlangan kung makatotohanan ba o hindi ang kahilingan niya, ni nagduda kung tama ba ito. Sa halip, matigas niyang hinangad ang direksyong ito, nang hindi kailanman nagbabago o bumabaling. Ano, kung gayon, ang layunin ng Diyos sa pagbibigay sa kanya ng napakaraming paghihirap sa buhay? Hindi aksidenteng ginawa ng Diyos ang lahat ng ito. Sa buhay ng sinumang tao, nagsasaayos ang Diyos ng ilang pambihirang karanasan at ilang masasakit na karanasan para dito. Sa katunayan, ginagamit ng Lumikha ang pamamaraang ito at ang mga katunayang ito para sabihin sa iyo na huwag ka nang magpatuloy nang tulad nito, at na walang patutunguhan ang landas na ito, at na hindi ito ang landas na dapat mong tahakin. Ano ang nakikita ninyo rito, na hindi nakikita ng mata? Ito ay pagpili ng Diyos ng isang landas para sa mga tao, at paraan din ito ng pakikipag-usap ng Diyos sa mga tao, at Kanyang paraan ng pagliligtas sa mga tao, at para mapaahon ang mga tao sa kanilang mga maling kuru-kuro at sutil na pamamaraan. Ito rin ang paraan ng Diyos ng pagsasabi sa iyo na: Ang pinili mong landas ay isang kumunoy, isang nag-aapoy na hukay, isang daang wala nang balikan, at hindi mo ito dapat lakaran. Kung magpapatuloy ka sa daang ito, patuloy kang magdurusa. Hindi ito ang tamang landas sa buhay, hindi ito ang landas na dapat mong tahakin, at hindi ito ang landas na paunang inorden ng Diyos para sa iyo. Kung matalino kang tao, pagkatapos mong dumanas ng paghihirap ay magninilay ka: “Bakit ako nakaranas ng ganitong paghihirap? Bakit ko nadamang hindi ko na kayang magpatuloy pa? Hindi ba angkop sa akin ang landas na ito? Kung gayon, anong landas ang dapat kong lakaran at anong direksyon ang dapat kong tahakin sa buhay?” Habang nagninilay ka, bibigyan ka ng Diyos ng kaunting inspirasyon at gabay, o ituturo Niya ang tamang direksyon na dapat mong tahakin sa iyong susunod na hakbang. Palagi kang ginagabayan ng Diyos, upang mas praktikal at tumpak mong maarok ang daan pasulong na pinlano Niya para sa iyo sa totoong buhay. Ginawa ba ito ng bida sa kwentong kasasabi Ko lang sa inyo? (Hindi, hindi siya kailanman nagnilay.) Anong klaseng disposisyon ang mayroon siya? (Ang pagiging mapagmatigas.) Ang pagiging mapagmatigas—napakabigat ng suliraning ito. Mula noong bata pa siya hanggang noong tumanda na siya, hindi nagbago ang kahilingan niyang magkaroon ng taong maaasahan. Bago pa man niya narinig ang ebanghelyo ng Diyos at bago siya nagkaroon ng kabatiran sa kung paano nilikha ng Lumikha ang langit at lupa at lahat ng bagay, o nang dumating sa kanya ang ebanghelyo ng Diyos at sinabi ng Diyos sa kanya ang katotohanan sa lahat ng ito, hindi nagbago ang kahilingan niya mula simula hanggang wakas—ito ang pinakanakakalungkot na aspekto. May mga kaisipan at ideya ang mga tao. Ano ang layunin ng Diyos sa paglikha ng lahat ng ito para sa mga tao? Ito ay para madama at maintindihan ng mga tao ang mga tao, pangyayari, bagay, at kapaligiran na isinasaayos ng Diyos para sa kanila. Bilang isang normal na taong nagtataglay ng katwiran at konsensiya, mauunawaan naman ng bawat nilikhang tao ang mga pagnanais ng Lumikha at mauunawaan nila ito sa iba’t ibang antas ng lalim kapag naranasan at pinahalagahan nila sa kanilang puso ang lahat ng bagay na ito na pinamatnugutan ng Diyos. Isang paraan ito ng paggawa ng Diyos na napakapraktikal at totoo. Subalit dahil masyadong mapagmataas at mapagmatigas ang mga tao, at hindi nila madaling matanggap ang katotohanan, mahirap para sa kanila na maarok ang mga layunin ng Lumikha. Paano naipamamalas ang pagiging mapagmatigas ng mga tao? Anuman ang sabihin o gawin ng Diyos, kumakapit pa rin ang mga tao sa sarili nilang mga bagay. Ang mentalidad nila ay: “Gusto kong planuhin ang buhay ko. May mga ideya ako, may utak ako, may pinag-aralan ako, at kaya kong kontrolin ang buhay ko. Nakikita ko ang pinagmumulan ng lahat ng bagay sa buhay ko, at kaya kong ganap na pamatnugutan ang lahat ng ito, kaya kaya kong planuhin ang sarili kong kaligayahan, hinaharap, at kinabukasan.” Kapag nadarama nilang hindi na nila kayang magpatuloy pa, sinasabi nila, “Nabigo ako sa pagkakataong ito, susubukan ko na lang ulit sa susunod.” Naniniwala sila na ganito dapat mamuhay ang mga tao, at kung ang isang tao ay hindi mapagkompetensiya, magiging lubhang walang silbi at mahina siya sa buhay. Ano ang nasa ugat ng kanilang pagpupumilit? Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil naniniwala sila na dapat silang maging ganap na malakas na tao sa halip na mahinang tao, at na hindi sila dapat mapatumba ng buhay, lalo na ang maliitin ng ibang tao, at na dapat na nakapagsasarili at mapagkompetensiya ang mga tao, at may matibay na pagpapasya, at tinitingala ng iba. Nangingibabaw ang mga disposisyon, ideya, at kaisipang ito sa kanilang pag-uugali, kaya’t sa tuwing nahaharap sila sa mga paghihirap, suliranin, o pasakit na pinamamatnugutan ng Diyos para sa kanila, pinipili nila ang parehong paraan tulad ng dati: ang pagpapatuloy sa sarili nilang mga iniisip, nang hindi natitinag, at ganap na pagpupumilit hanggang sa katapusan sa kung anumang inaakala nilang mabuti, tama, at kapaki-pakinabang para sa kanila, at ang pagiging mapagkompetensiyang tao. Ang mismong mapagmatigas na disposisyong ito ang nagsasanhi sa kanilang gumawa ng mga ignorante at impraktikal na paghatol, at nagbubunga ito ng maraming impraktikal na pang-unawa at karanasan.