Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 1 (Ikatlong Bahagi)

Ngayon magbabahagi naman tayo sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa pagkakatawang-tao; marami ring kuru-kuro ang mga tao tungkol sa pagkakatawang-tao. Maraming imahinasyon ang mga tao kapag hindi pa nila nakitang nagkatawang-tao ang Diyos, hindi ba? Halimbawa, naniniwala sila na dapat maunawaan at makitang malinaw ng pagkakatawang-tao ang lahat ng bagay. Sa madaling salita, iniisip nilang dapat lubos na perpekto ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na masyado Siyang mabuti para sa kanila at hindi malalapitan. Kapag hindi pa nakikilala ng mga tao ang Diyos, ang mga imahinasyong ito ng mga tao ay mga kuru-kuro, at lumilitaw ang mga ito ayon sa ilang paghusga, o sa kaalaman, mga paniniwalang panrelihiyon, at tradisyunal na edukasyon sa kultura na mayroon ang mga tao. Kapag nakilala na nila ang Diyos, nagkakaroon ang mga tao ng mga bagong kuru-kuro: “Ganito pala ang hitsura ni Cristo. Ganito pala Siya magsalita at ganito pala ang Kanyang personalidad. Paanong iba Siya sa inakala ko? Hindi dapat ganito ang diyos ko.” Sa katunayan, walang ideya ang mga tao at hindi nila maipaliwanag kung ano nga ba dapat ang Diyos. Habang patuloy na nagkakaroon ang mga tao ng mga kuru-kurong ito, patuloy rin nilang itinatatwa at pinupungusan ang kanilang sarili, naniniwalang mali na magkimkim ng mga kuru-kuro at imahinasyon, na ang mga bagay na ginagawa ng Diyos ay tama, pero hindi pa rin nila maunawaan ang mga ito. Patuloy pa ring lumalabas ang kanilang mga kuru-kuro at may labanan sa kanilang puso, habang iniisip na, “Tama ang mga ginagawa ng Diyos; hindi ako dapat magkimkim ng anumang kuru-kuro.” Pero hindi nila lubos na naisasantabi ang kanilang mga kuru-kuro at hindi pa rin sila kumbinsido, kaya naman walang kapayapaan sa kanilang puso. Iniisip nila, “Tao ba Siya o Diyos? Kung Siya ay Diyos, hindi Siya mukhang Diyos, at kung isa naman Siyang tao, magiging imposible para sa Kanya na makapagpahayag ng napakaraming katotohanan.” Naiipit sila rito. Gusto nilang maghanap ng ibang taong makakabahaginan pero nahihirapan silang pag-usapan ito, nangangambang baka pagtawanan sila o na sabihin ng iba na napakahangal nila, walang pananalig, o na baluktot ang kanilang pagkaunawa, kaya naman ang magagawa na lang nila ay pigilan ang nararamdaman nila. Sabagay, nakita man ng isang tao ang Diyos o hindi, hangga’t may namumuong mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos sa kanilang puso, may problema nga sa kanilang pagkaunawa. Napakaraming katotohanan ang ipinapahayag ng Diyos at ibinabahagi Niya nang napakalinaw at maliwanag ang tungkol sa mga isyung ito nang sa gayon ay makumbinsi ang mga tao sa puso at sa salita. Kapag may kakayahan pa rin ang mga tao na bumuo ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa ganoong klaseng sitwasyon, hindi na ito ganoon kasimpleng problema. May mga kuru-kuro ang ilang tao dahil wala silang espirituwal na pang-unawa; may kuru-kuro ang ilang tao dahil sa kanilang baluktot na pagkaunawa; at bumubuo naman ng mga kuru-kuro ang ilang tao dahil hindi nila mahal ang katotohanan at hindi nila nauunawaan ang katotohanan sa anumang paraan. Anuman ang kaso, hangga’t hindi nakaalinsunod ang mga paniniwala at ideya ng mga tao sa mga salita ng Diyos, sa gawain ng Diyos, at sa diwa ng Diyos, at hinahadlangan ng mga ito ang mga tao sa pananampalataya sa Diyos, pagkilala sa Diyos at pagpapasakop sa gawain ng Diyos, o kaya naman ay nagsasanhi ang mga ito na magkaroon ang mga tao ng mga ideya at perspektibang kumukuwestiyon, nagdudulot ng maling pagkaunawa, nagtatatwa, at lumalaban sa Diyos, kung gayon, mga kuru-kuro ang lahat ng ito, at sumasalungat ang lahat ng ito sa katotohanan.

Kasunod, gagamit Ako ng ilang konkretong halimbawa para ibahagi sa inyo. Maaaring marami sa inyo ang nakarinig na ng mga kuwento tungkol sa Akin. Noong una kang magsimulang sumampalataya sa Diyos o masumpungan ang iyong sarili sa isang partikular na sitwasyon, baka may nakapagsabi sa iyo ng ilang kuwento na nakapagpaantig sa iyong puso o nakapagpaluha sa iyo. Halimbawa, may nagsabi na, minsan noong Bagong Taon, nag-uwian ang lahat para ipagdiwang ang Bagong Taon sa kani-kanilang tahanan habang naglalakad namang mag-isa sa lansangan si Cristo, sinasagupa ang hangin at niyebe, nang walang bahay na mauuwian. Pagkarinig sa kuwentong ito, naantig nang husto ang ilang tao at sinabing, “Mahirap talaga para sa Diyos na pumarito at manahan sa mundo! Napakatiwali ng sangkatauhan at itinatakwil nilang lahat ang Diyos, at iyon ang dahilan kung bakit nagdurusa ang Diyos nang ganito. Totoo nga yata ang sinabi ng Diyos, na ‘May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang Kanyang ulo.’ Nagkatotoo ang mga salitang ito. Napakadakila ng Diyos!” Naniniwala silang ang kadakilaan ng Diyos ay nagmula sa kuwentong ito, at ito ang naisip nilang konklusyon buhat sa kuwentong ito. Habang napapaluha kayo matapos pakinggan ang kuwentong ito, hindi ba kayo nagtaka kung bakit gusto ng mga tao na makinig sa mga ganitong kuwento? Bakit sila naaantig ng gayong mga kuwento? May partikular na kuru-kuro ang mga tao tungkol sa laman ng Diyos, mayroon silang partikular na hinihingi sa Kanyang katawang-laman, at mayroon silang partikular na pamantayan sa pagsukat ng Kanyang laman. Ano ang kuru-kurong ito? Ito ay na kung paparito ang Diyos sa nagkatawang-taong laman, dapat Siyang magdusa. Sabi ng Diyos, “May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang Kanyang ulo” Kung hindi nagkatotoo ang mga salitang ito, kung hindi ganito ang naging kondisyon ng buhay ng Anak ng tao, at hindi Siya nahirapan nang ganito, sa halip ay nagtamasa Siya ng kaligayahan, kung gayon, hindi Siya hahangaan ng mga tao at hindi sila makakaramdam ng motibasyon, at hindi nila gugustuhing gampanan ang kanilang tungkulin at hindi sila papayag na magdusa kahit kaunti. Naniniwala ang mga tao na dapat magdusa ang Diyos, at sa pamamagitan lamang ng pagdurusa maaaring maging ehemplo Siya at huwaran para sa sangkatauhan. Naniniwala silang, kapag pumarito ang Diyos sa mundo, hindi Siya maaaring magtamasa ng malaking kayamanan at mataas na ranggo—ang mga bagay na iyon ay para sa mundo. Naparito ang Diyos sa mundo para talaga magdusa, at pagkatapos Niyang magdusa, saka Niya mapapatahimik ang sangkatauhan, at mapapaantig ang kanilang puso sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa at hahangaan Siya ng mga ito, bago sila sumunod sa Kanya. Nagkikimkim ng ganitong uri ng kuru-kuro ang mga tao tungkol sa Diyos, dahilan kung bakit naiuugnay nila ang kanilang sarili sa mga kuwentong tulad nito at madali nilang natatanggap ang mga ito. Gusto ba ninyong malaman kung totoo ba ang kuwentong ito? Umaasa ba kayong totoo ito o na hindi ito totoo? Nahihirapan ba kayong sagutin ito? Kung totoo nga ito, mapapatunayan ng mga tao na nakaayon nga ito sa sarili nilang mga kuru-kuro; kung hindi naman ito totoo, masisira ba niyon ang magiting na halimbawa sa kaibuturan ng inyong puso? Maaapektuhan ba kayo nito? Magiging isang dagok ba ito sa inyo? Ang totoo, hindi mahalaga kung totoo ito o hindi. Ano ang mahalaga? Ang pagsusuri sa mga kuru-kuro ng mga tao. May kuru-kuro at pamantayan ang lahat ng tao na kung saan sinusukat nila ang Diyos na nagkatawang-tao, ang Kanyang buhay, ang kapaligirang ginagalawan Niya, ang kalidad ng Kanyang buhay, at ang Kanyang pagkain, pananamit, tirahan, at transportasyon, at ang kuru-kuro nilang ito ay na, kapag pumarito ang diyos, dapat siyang magdusa. Bukod dito, sa puso ng mga tao, siguradong maimpluwensiya si cristo at karapat-dapat na sambahin, hangaan, at dakilain: Dapat makabasa siya nang sobrang bilis at hindi niya dapat makalimutan kailanman ang anumang bagay na nakita na ng kanyang mga mata, dapat mayroon siyang mga pambihirang abilidad na hindi kayang abutin ng mga normal na tao, at dapat makagawa rin siya ng mga tanda at kababalaghan, na magiging dahilan para maging karapat-dapat siyang sundin at karapat-dapat sa titulong “ang makapangyarihan na diyos.” Kung matutupad sa totoong buhay ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, magiging masiglang-masigla sila at may kumpiyansa sa kanilang pananalig. Kung ang mga bagay na talagang nangyayari ay salungat sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, gaya ng makita nilang tinutugis pa rin si Cristo ng mga naghahari-hariang awtoridad, naiisip ng mga tao na, “Pinagdurusahan pa rin ng Diyos ang pasakit sa pagkatugis—hindi ito ang bayani at tagapagligtas na inaasahan ko!” At pagkatapos ay iisipin nila na hindi karapat-dapat na panampalatayanan ang Diyos. Hindi ba’t dulot ito ng kanilang mga kuru-kuro? Paano nagkakaroon ng mga kuru-kurong ito? Ang isang aspekto ay na lumilitaw ang mga ito mula sa mga imahinasyon ng mga tao, habang ang isa pang aspekto ay na naiimpluwensiyahan ang mga tao ng mga imahe ng mga sikat at dakilang tao, na nagiging dahilan para makabuo sila ng mga maling depinisyon tungkol sa Diyos. Naniniwala ang mga tao na simple lang ang buhay ng mga sikat at dakilang tao, na para sa kanila ang isang sepilyo ay maaaring tumagal nang 20 hanggang 30 taon, at ang isang damit ay maaaring ipaayos at maaari pa ngang suotin habambuhay. Kumakain ang ilang sikat at dakilang tao nang walang nasasayang, dinidilaan pa nga ang kanilang mangkok para simutin itong mabuti pagkatapos kumain, at dinadampot at kinakain ang anumang butil ng nalaglag na pagkain, kaya naman nakakabuo ng kakaibang impresyon ang mga tao sa kanilang puso tungkol sa mga dakilang taong ito, at ginagamit nila ang gayong mga impresyon para sukatin ang Diyos na nagkatawang-tao. Kung hindi tugma sa kanilang mga impresyon ang Diyos na nagkatawang-tao, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro, pero kung tugma naman sa kanilang mga impresyon ang Diyos na nagkatawang-tao, hindi sila nagkakaroon ng mga kuru-kuro. Nakaayon ba sa katotohanan na ikumpara ng mga tao si Cristo sa mga bagay na ito? Nakaayon ba sa katotohanan ang mga bagay na ginagawa ng mga sikat at dakilang tao? Ang kanila bang mga kalikasang diwa ay katulad ng sa mga santo? Sa katunayan, mga demonyo at haring diyablo lahat ang mga sikat at dakilang taong ito, at wala kahit isa man sa kanila ang may diwa ng normal na pagkatao. Kahit na mukhang may mabubuti silang nagawa kapag ginagamit ang mga kuru-kuro ng tao sa pagsukat sa kanila, kung ang pag-uusapan ay ang kanilang mga kalikasang diwa at kilos, mga diyablo at Satanas silang lahat sa diwa. Ang ikumpara ang imahe ng mga diyablo at Satanas sa Diyos na nagkatawang-tao, hindi ba’t kalapastanganan ito sa Diyos? Palaging napakahusay ng mga Satanas at ng mga diyablo sa pagbabalatkayo. Lahat ng sinasabi at ginagawa nila sa panlabas ay umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, at ang mga sinasabi lamang nila ay ang mga bagay na masarap-pakinggan. Ngunit ang binabalak nila sa kanilang puso at ang ginagawa nila sa likod ng mga eksena ay pawang nakakahiya at maladiyablong bagay, at kung walang maglalantad sa kanila, walang makakaarok sa mga ito. Lahat ng sinasalita ni Satanas at ng mga diyablong hari ay paimbabaw at mapanlihis, at makikita ito nang malinaw ng ilang taong nakakaunawa sa katotohanan. Palaging ikinukumpara ng ilang tao ang imahe ng mga diyablo at dakilang tao sa Diyos na nagkatawang-tao, at kapag walang pagkakatugma, hindi sila mapakali, bumubuo sila ng mga kuru-kuro at hindi nila kailanman binibitiwan ang mga ito. Marami bang taong ganito? Siguradong marami sila. Nag-aalala pa rin ang ilang tao kung totoo ba o hindi ang kuwentong isinalaysay Ko ngayon-ngayon lang. Noong una Kong marinig ang tungkol dito, naguluhan Ako na Ako, ang mismong sangkot, ay hindi alam kung ano nga ba ang nangyari sa Akin. Isa itong malaking biro at malaking kasinungalingan. Hindi ito totoo. Sa ganoong sitwasyon, bagamat hindi maraming kapatid ang tumanggap sa yugtong ito ng bagong gawain, may ilang tao pa ring tumanggap dito nang unang bigkasin ng Diyos ang Kanyang mga salita. Higit pa rito, mga mananampalataya silang lahat kay Jesus na naparito para tanggapin ang yugtong ito ng gawain. Handa silang lahat na magpakita ng pagmamahal at talagang hinding-hindi nila kayang isara ang pinto sa harap ni Cristo; tiyak na hinding-hindi nila magagawa iyon. Noong Bagong Taon, inimbitahan Ako ng ilang tao sa kanilang mga tahanan. At saka, sa dami ng mga kapatid na iyon, kanino nga bang bahay Ako pupunta na hindi Ako patutuluyin? Sa pagsasabi niyon, para bang nagiging mapaghimagsik ang mga kapatid at na walang kahit sinong magpapatuloy sa Akin kahit saan. Isa itong pagtatangka na akusahan ang mga kapatid at magpakalat ng mga tsismis tungkol sa kanila! Wala talagang basehan ang lahat ng ito at malinaw na inimbento lang ito ng ilang partikular na tao na may mga lihim na motibo, pero pinaniwalaan pa rin talaga ninyo ito. Paano ninyo nagagawang paniwalaan pa rin ito? Ito ay dahil may mga partikular na kuru-kuro ang mga tao tungkol sa pagkakatawang-tao, at mayroon silang ganitong mga hinihingi kung ang pag-uusapan ay ang kanilang mga damdamin, pagnanais, at sikolohikal na kabuuan, kaya naman handa silang makinig sa gayong mga kuwento. Sinamantala ng ilang tao ang pagkakataong ito para imbentuhin ang mga kuwentong ito at pagkatapos ay ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para ipakalat at ipamahagi ang mga ito, pagandahin ang mga ito, at gumawa ng mga konklusyon at umimbento ng mga bagay-bagay. Sa huli, parami nang parami ang mga taong nakikinig sa kanilang mga imbento at itinuturing na totoo ang mga bagay na ito. Kung hindi Ko pa nilinaw ang bagay na ito, hinding-hindi ninyo matutukoy kung ano ang tama sa mali sa inyong buong buhay. Nauunawaan na ba ninyo ngayon? Hindi talaga ito kailanman nangyari.

Sasabihin Ko sa inyo ang ilang bagay ngayon nang sa gayon, sa pamamagitan ng mga bagay na ito, maunawaan ninyo kung anong mga kuru-kuro ang mayroon tungkol sa pagkakatawang-tao at kay Cristo. Noong kauumpisa lang ng yugtong ito ng bagong gawain ng Diyos, kinailangan ng iglesia na magsulat ng ilang himno, at nagsulat din Ako ng isa. Noong panahong iyon, nabigyan na ng patotoo ang Diyos na nagkatawang-tao. Pagkatapos nilang mabasa ang Aking himno, inisip ng ilang tao na maganda ito, pero may isang tao na may sinabing kakaiba: “Paano Mo naisulat ang himnong ito nang ganoon kabilis? Paano Ka nakaisip ng ganoon karaming salita?” Pagkarinig nito, naguluhan Ako nang husto, at napaisip, “Kailangan ba ng isang tao ng maraming salita para makasulat ng isang awit? Kailangan ba ng isang tao na maging maalam? Kung gayon, ano ba sa tingin niya ang lahat ng salitang iyon na ipinahayag Ko?” Mayroon siyang kuru-kuro, isang ideya, naniniwalang mga salita at artikulo lang ang mga salitang ito na ipinapahayag ng pagkakatawang-tao—hindi niya naisip, ni hindi niya naunawaan na ang mga salitang ito ay ang katotohanan. Napakalabo para sa kanya ng lahat ng ginawa ng pagkakatawang-tao. Dahil hindi niya naunawaan ang katotohanan, ginamit niya ang mga salita ng mga walang pananampalataya para ipaliwanag ang mga ito, at nakaramdam ng pagkabalisa at pagkasuklam ang mga tao nang marinig ito. Walang espirituwal na pang-unawa ang taong ito at may mga taong tulad nito magpasahanggang ngayon. Kaya, sa anong uri ng mga kuru-kuro may kaugnayan ang bagay na ito? Hindi itinatwa ng taong ito ang pagkakatawang-tao o itinatwa si Cristo; gumamit siya ng kuru-kuro para sukatin kung ano ang nangyari. Naniwala siyang dapat maraming nalalaman at may-pinag-aralan si Cristo at na, kapag kasama Niya ang ibang mga tao, dapat magawa Niyang kumbinsihin sila nang lubos. Kahit pa hindi gaanong edukado si Cristo, dapat mas magaling ang Kanyang kakayahan, mga talento, at abilidad kaysa sa iba, ibig sabihin, dapat mas mahusay Siya kaysa sa ibang tao sa ilang partikular na bagay o naiiba sa ilang partikular na paraan upang maging karapat-dapat sa pagiging Diyos at Cristo. Naniwala ang taong ito na maaaring maging Cristo si Cristo kung kwalipikado si Cristo. Hindi siya naniwala na maaari lamang maging Cristo si Cristo kung taglay ni Cristo ang diwa ni Cristo, at kaya niya sinabi ang gayong bagay. Anong mga balakid ang idinudulot ng ganitong uri ng kuru-kuro sa pananampalataya ng mga tao sa Diyos at sa kanilang buhay pagpasok? Gagamitin ng mga tao ang kanilang utak para suriin ang mga salita ng Diyos at para suriin at pag-aralan ang katawang-tao ng Diyos, at palagi nila Siyang pinag-aaralan at iniisip na, “Lohikal ba ang sinasabi ng taong ito? Umaayon ba ito sa normal na pag-iisip? Nakaayon ba ito sa mga tuntunin ng gramatika? Saan Niya natutunan ito?” Hindi nila hinahanap ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, hindi nila naaarok ang mga salita ng Diyos mula sa perspektiba ng pagtanggap sa katotohanan, at hindi nila tinatanggap bilang katotohanan ang mga salita ng Diyos. Sa halip, ginagamit nila ang kanilang utak at kaalaman para magsuri, mag-aral, at magtanong. Kahit ano pang mga pananaw o kuru-kuro ang gamitin ng mga tao para sukatin ang taong ito o harapin ang taong ito, ano ang huling resulta? (Hindi nila makakamit ang katotohanan.) Tiyak na hindi nila makakamit ang katotohanan. May isa pang aspekto ang hindi mo naunawaan, at iyon ay na hindi matitiyak ng mga tao kung Siya ba ang pagkakatawang-tao o hindi—hindi ba’t napakahalaga nito? (Oo.) Natitiyak ng maraming tao na Siya nga ang Diyos, na ang Kanyang mga salita ang katotohanan at ang buhay at nagmumula ang mga ito sa Diyos sa pamamagitan ng pakikinig sa mga sermong ibinibigay Niya at ilang hiwagang ibinubunyag Niya. Ngunit kung laging pinag-aaralan ng mga tao ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga kuru-kuro at hindi kailanman tinatanggap ang Kanyang mga salita bilang katotohanan, kung gayon, ano ang huling resulta? Palagi nilang kukuwestiyunin ang pagkakakilanlan at diwa ng taong ito at ang Kanyang gawain, ibig sabihin, hindi nila mabeberipika kung tao ba o Diyos ang taong ito, iniisip na marahil ang taong ito ay isang sugong ipinadala ng Diyos, o marahil isang propeta, dahil hindi magagawa ng mga tao na sabihin ang mga bagay na sinasabi Niya. Hindi kinikilala ng ilang tao na Diyos ang taong ito, dahil sa loob-loob nila, maraming restriksiyon at tanikala at maraming kuru-kuro ang hindi tumutugma sa laman na ito. Kapag hindi magkatugma ang mga ito, hindi hinahanap ng mga taong ito ang katotohanan, bagkus patuloy silang kumakapit sa kanilang mga kuru-kuro, kaya naman naiipit sila. Kapag pinagsabihan mo ang ganitong tao na magsikap sa kanyang pananalig, nagkikimkim siya ng maraming kuru-kuro na hindi niya mabitiwan, at kapag sinabi mo sa kanya na umalis, nangangamba siyang hindi na siya pagpapalain. May mga tao bang ganito? Ganito ba kayo? Bagamat kinumpirma ng karamihan sa inyo na ang taong ito ay talaga ngang Diyos na nagkatawang-tao, ang totoo kinukumpirma ninyo ito nang 80 o 90 porsiyento lang, at mayroon pa ring 10 o 20 porsiyentong pagdududa at pag-uusisa. Masasabing kinumpirma nga ninyo ito, habang ang natitirang pagdududa at pag-uusisang iyon ay hindi gaanong mga apurahang isyu. Ang paglutas sa mga kuru-kurong ito ay abot-kamay, pero maaari itong magdulot ng malaking problema kung hindi malulutas ang mga kuru-kuro at katanungang ito sa tamang panahon. Pagdating naman sa mga kuru-kuro ninyo, paano Ko ba dapat kayo tratuhin para masiyahan kayo, para maisip ninyo na ang Diyos ang may gawa nito at ganito dapat tratuhin ng Diyos ang mga tao? Dapat ba Akong magsalita nang mahinahon at pagkatapos ay mag-alala para sa inyo at magmalasakit sa inyo sa lahat ng bagay? Kung isang araw masumpungan Ko na may ginawang kalokohan ang ilan sa inyo, at pinagsasabihan Ko kayo, inilalantad at hinahatulan kayo nang marahas, at sinisira ang tiwala ninyo sa sarili, mararamdaman ba ninyo na parang hindi Ako Diyos? Naniniwala kayong napakabanayad ng Diyos, napakamapagmahal, at na ang Diyos ay punung-puno ng mapagmahal na kabaitan, ano kung gayon ang magagawa Ko para Ako ay maging diyos ng inyong mga kuru-kuro at imahinasyon? Kung hinihingan pa rin ninyo ngayon ang Diyos ng mga gayong bagay, wala kayong anumang katwiran at hindi talaga ninyo kilala ang Diyos.

Sasabihin Ko sa inyo ang isa pang bagay tungkol sa mga kuru-kuro na may kinalaman sa pagkakatawang-tao. Dalawampung taon na ang nakalipas, noong nasa Tsina Ako, wala pa Akong 20 taong gulang noon at, sa edad na iyon, wala pang gaanong karanasan at hindi pa bihasa ang mga tao sa kanilang pananalita at mga kilos; para silang mga bata pa kung magsalita at kumilos at normal lang ito. Kung nagsalita at kumilos silang gaya ng mga matatanda, hindi magiging normal iyon. Normal para sa mga tao sa anumang edad na maging kagaya ng mga taong kaedad nila. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at inorden para sa tao ang isang normal na proseso ng paglaki. Siyempre, kasama rito ang Diyos Mismo sa laman, at namumuhay rin Siya at nararanasan ang buhay ayon sa prosesong ito. Galing sa Diyos ang prosesong ito, at hindi ito lalabagin ng Diyos. Samakatwid, bago umabot ang Diyos na nagkatawang-tao sa edad na 20, ang ilang partikular na pag-uugali Niya ay tiyak na katulad ng sa isang kabataan. Halimbawa, noong minsang naglilipat ng bahay, naiwan ng ilang kapatid ang ilang bolpen at kuwaderno pagkatapos lumipat. Naisip Ko na sayang naman kung mawawala ang mga ito, at kailangan din naman ng mga kapatid na magtala, kaya kinuha Ko ang mga ito at ipinamigay ang mga ito sa ilang sister. May isang bumuo ng kuru-kuro at nagsabing, “Sinumang gustong magkaroon ng mga bagay na ito ay maaaring pumarito at kunin nila mismo ang mga ito. Para Kang bata kung kumilos, ipinamimigay Mo pa ang mga ito!” Ito ang sinabi niya. Malaking bagay ba ito o maliit lang? Kung huhusgahan ng isang tao na parang batang kumilos ang isang normal na tao, magiging normal lang na gawin iyon, magiging isang kasabihan ito, at walang makikinig o magseseryoso rito; hindi rin iisipin ninuman na isa palang kuru-kuro o perspektiba ang kasabihang ito, kundi tatanggapin na lamang ito kung ano ito. Pero ano ang kanyang pamamaraan sa pagsasabi nito sa Akin? Ano ang kalikasan nito? Sa mga kuru-kuro at imahinasyon niya, kahit na hindi pa umabot sa 20 taong gulang ang Diyos na nagkatawang-tao, dapat pa rin Siyang kumilos gaya ng isang matanda, umupo nang tahimik araw-araw na diretsong nakatitig ang mga mata, magmukhang isang matalino, at bihasang matanda na hindi kailanman nagbibiro o sumasatsat, at talagang matatag at kalmado. Sa sandaling umasta Ako o gumawa ng anumang bagay na kontra sa maaaring gawin ng isang matanda, gaya ng pamimigay Ko ng mga bolpen at kuwaderno sa ilang sister, may kokondena sa Aking mga kilos at ituturing ang mga iyon na parang sa isang bata, hindi katulad ng kay cristo, at hindi katulad ng diyos na nasa isipan nila, dahil ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi dapat umasta sa anumang paraan na parang isang bata. Hindi ba’t iyon ay ang pagtukoy nila sa Diyos na nagkatawang-tao? Isang uri ba ng pagkondena at paghusga ang ganitong uri ng pagtukoy, o isang uri ng pagpapahalaga at paninindigan? (Ito ay pagkondena at paghusga.) Bakit isa itong uri ng pagkondena? Maaari kaya na sa pagsasabi niya na parang isang bata ang Diyos na nagkatawang-tao, itinatatwa niya ang Diyos? Ano ang mali sa pagsasabi niya nito? Ano ang pinakapangunahing isyu sa pagbuo niya ng mga kuru-kurong ito? (Itinatatwa niya ang normal na pagkatao ng nagkatawang-tao at itinatatwa ang normalidad at praktikalidad ng Diyos. Katulad ito ng sinabi ng Diyos ngayon lang, na ang pagkakatawang-tao ay gaya lamang ng mga nilikhang sangkatauhan, na may normal na proseso ng paglaki. Subalit itinuring ng taong iyon na talagang supernatural ang Diyos kaya hindi niya naunawaan ang pagkakatawang-tao. Ang kalikasan nito ay pagtatatwa at pagkondena sa Diyos, at ito ay kalapastanganan.) Tama iyan, ang kanyang pagtatatwa ang diwa ng problema. Bakit niya itinatwa ang Diyos na nagkatawang-tao sa ganitong paraan? Ito ay dahil nagkimkim siya sa kanyang puso ng kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, iniisip na, “Diyos Ka, kaya hindi mo maaaring ibunyag ang iyong normal na pagkatao nang ayon sa normal na pagtanda. Wala ka pang 20 pero dapat nasa hustong gulang at may karanasan ka na gaya ng sa 50 taong gulang. Ikaw ay diyos, kaya dapat kang mamuhay nang labag sa proseso ng paglaki ng normal na sangkatauhan. Dapat supernatural ka, dapat naiiba ka sa lahat, saka ka lamang maaaring maging cristo at ang diyos na nasa isipan namin.” Ito ang kuru-kurong mayroon siya. At ano ang ibinunga ng kuru-kurong ito? Nabunyag kaya ang kanyang kuru-kuro kung hindi nangyari ang bagay na ito? Walang nakakaalam; nabunyag lang talaga siya sa pamamagitan ng bagay na ito. Kung nagkaroon nga siya ng kuru-kuro tungkol sa bagay na ito, pero naisip niya na hindi lubusang naunawaan ng mga tao kung ano ang nagawa ng Diyos, at hindi sana siya nagsalita nang padalos-dalos, nagkaroon sana siya ng puwang para maghanap, at mapapatawad sana ito. Hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at maraming bagay ang hindi nila kayang ganap na maunawaan. Subalit, kahit na hindi ganap na nauunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito, nanghuhusga at nagkokondena ang ilang tao, habang ang iba ay hindi nagsasalita nang padalos-dalos at sa halip ay naghihintay at naghahanap sa katotohanan—hindi ba’t may pagkakaiba rito sa kalikasan? (Oo.) Kung gayon, ano ang kalikasan ng kabiguan ng taong ito na lubusang makaunawa? Dumiretso kaagad siya sa pagkondena, at ito ay isang malubhang problema. Sa sandaling bumuo ng mga kuru-kuro ang mga tao, lumilitaw sa kanila ang pagdududa at maging ang pagkondena at pagtatwa sa Diyos na nagkatawang-tao, at ito ay lubhang seryoso.

Kabibigay Ko lang ng tatlong halimbawa ng mga kuru-kuro tungkol sa pagkakatawang-tao. Nagpapakita ang tatlong halimbawang ito ng mga partikular na isyu, at dapat mong alamin kung ano ang katotohanan sa mga ito. Ano ang unang kuru-kuro? (Nililimitahan ng mga tao ang Diyos na nagkatawang-tao gamit ang kanilang mga depinisyon sa mga dakilang tao, naniniwalang dapat magdusa ang Diyos para maging isang huwaran para sa sangkatauhan.) Isang kuru-kuro ito ng mga tao. Ang kuru-kuro nila ay na dapat higit na magdusa ang Diyos na nagkatawang-tao at maging isang ehemplo, isang huwaran, para sa sangkatauhan. Ano ang pangalawang kuru-kuro? (Naniniwala ang mga tao na dapat maraming alam at edukado si Cristo, higit kaysa sa mga ordinaryong tao, at saka lamang Siya magiging Cristo.) Maraming tao ngayon ang patuloy na naniniwala na ang mga pagbigkas at ang gawain ng Diyos ay mula sa Kanyang kaalaman at mga kaloob, o mula sa mga partikular na bagay na Kanyang pinagkadalubhasaan at naunawaan—isa itong kuru-kuro. At ano naman ang pangatlong kuru-kuro? (Naniniwala ang mga tao na hindi dapat magkaroon si Cristo ng anumang pagpapakita ng normal na pagkatao.) Sa mas tiyak na salita, ito ay na supernatural dapat ang Diyos na nagkatawang-tao at dapat naiiba Siya sa lahat at mayroon Siyang mga supernatural na abilidad. Kung ordinaryo at normal si Cristo sa lahat ng bagay, magiging mahina ang pananalig ng mga tao sa Diyos, at pagdududahan nila ang Diyos at itatatwa pa nga Siya—ang supernatural na diyos ang gustong-gusto ng lahat. Kapaki-pakinabang ba sa inyong pagkaunawa sa katotohanan na sabihin Ko sa inyo ang mga kuwentong ito? (Oo.) Makakatulong dapat ito. Marahil iisipin ninyong haka-haka lang ito kung ibabahagi Ko sa inyo ang aspektong ito ng katotohanan nang walang anumang makatunayang basehan, at hindi ninyo malalaman kung ano talaga ang tinutukoy nito. Ngunit ang mga sinabi Ko sa inyo ay ilang kongkretong halimbawa at, matapos marinig ang mga ito, iniisip ninyong praktikal at madaling maunawaan ang mga ito, at sa pamamagitan ng mga kuwentong ito ay nauunawaan ninyo ang ilang katotohanan. Pero natututuhan ba ninyo kung paano gamitin ang katotohanan para sukatin at harapin ang ibang bagay kapag nahaharap kayo sa mga ito? Kung nagagawa ninyong gamitin ang katotohanan, ipinapakita niyon na mayroon kayong espirituwal na pang-unawa at nauunawaan ninyo ang katotohanan sa mga kuwentong ito; kung hindi, wala kayong espirituwal na pang-unawa at hindi ninyo naunawaan ang katotohanan sa mga kuwentong ito. Kung sa mga pangyayari ng mga kuwentong ito ay matutuklasan mo ang katotohanan ng mga ito, malalaman kung ano ang mga layunin ng Diyos, malalaman kung ano ang dapat mong maunawaan, suriin, at pasukin, at kung anong mga katotohanan ang dapat mong hanapin at kamtin, kung gayon ay mayroon kang espirituwal na pang-unawa; kung, pagkatapos Kong ikuwento ang mga ito, lubos kang nagiging interesado sa mga bagay na ito at tinatandaan mo ang mga ito, pero isinasantabi mo naman ang katotohanan, kung gayon ay wala kang espirituwal na pang-unawa. Kung tunay na kaya ninyong maunawaan ang katotohanan ng mga kuwentong ito, hindi magiging walang saysay ang pagkuwento Ko tungkol sa mga ito. Hangga’t nakakatulong ito para maunawaan ninyo ang katotohanan, magbibigay Ako ng ilang praktikal na halimbawa. Kahit ano pa ang isyu, susuriin Ko ito; hangga’t nakakatulong ito para magkaroon kayo ng pagkaunawa at para maunawaan ninyo ang katotohanan at makita nang malinaw ang mga bagay-bagay, ayos lang sa Akin kahit ilan pa ang ikuwento Ko. Ang totoo, ayaw Kong sabihin sa inyo ang mga bagay na ito, at ayaw Ko talagang magkuwento sa inyo tungkol sa tama at mali, pero kung makakatulong sa inyo ang mga bagay na ito para makapasok sa katotohanan, ikukuwento Ko sa inyo ang mga ito; hangga’t nakakatulong ito sa inyo na maunawaan ang katotohanan, ayos lang sa Akin na magsalita pa nang kaunti. Ngunit kung ayaw ninyong magpatuloy Ako sa pagkukuwento, wala Akong magagawa kundi bawasan ang Aking pagsasalita.

Anong mga kuru-kuro ang dapat malutas mula sa mga kuwentong ito na isinalaysay Ko? Dapat muna ninyong maunawaan, pagdating sa Diyos na nagkatawang-tao, paano ba talaga binibigyang-kahulugan ng Diyos ang pagkatao ng laman na ito? Siya ay ordinaryo at normal at kayang mamuhay kasama ng tiwaling sangkatauhan at makilahok sa lahat ng aktibidad ng normal na pagkatao, at hindi Siya ibang uri. Kaya Niyang tulungan, gabayan, at akayin ang mga tao. Normal na pagkatao man Niya ito o ang Kanyang pagka-Diyos o ang Kanyang personalidad—anuman ang aspekto—dapat tiyak na mapangangasiwaan Niya ang gawaing isinasagawa Niya at ang ministeryong ginagampanan Niya. Ito ang pamantayan ng kung paano sinusukat ng Diyos si Cristo at ang pagkakatawang-tao; isa itong pamantayan para sa Kanyang gawain, at pamantayan para sa Kanyang depinisyon. Nang gampanan ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain, nagtaglay ang Kanyang pagkatao ng ilang supernatural na aspekto kung ikukumpara sa pagkakatawang-tao ngayon. Kaya Niyang gumawa ng mga himala: Kaya niyang sumpain ang puno ng igos, sawayin ang dagat, pakalmahin ang dagat at hangin, pagalingin ang may sakit at palayasin ang mga demonyo, at pakainin ang limang libong tao ng limang tinapay at dalawang isda, at iba pa. Bukod pa rito, mukhang napakanormal at napakapraktikal naman ng Kanyang normal na pagkatao at mga pangunahing pangangailangan. Hindi Siya ipinanganak na 33 at kalahating taong gulang na at pagkatapos ay ipinako sa krus. Umabot Siya ng 33 at kalahating taong gulang, at namuhay Siya sa bawat araw, bawat taon, bawat minuto at segundo ng Kanyang buhay, hanggang sa Siya ay ipinako sa krus at sa gayon nakumpleto Niya ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Nakumpleto lang ng pagkakatawang-tao ang gawaing ito matapos mamuhay nang 33 at kalahating taon sa mundong ito—hindi ba’t praktikal ito? (Oo, praktikal.) Praktikal ito. Para naman sa yugto ng gawaing ginagampanan ng Diyos ngayon, lahat ng sinasabi Niya sa inyo at ang bawat katotohanang ibinabahagi Niya ay nakabatay sa inyong tayog, sa inyong antas ng paglago sa buhay, at sa kabuuang kapaligirang isinaayos ng Diyos, kaya naman pinagninilay-nilayan Ko kung aling mga katotohanan ang magiging pinakaangkop na ibahagi sa inyo at kung aling mga katotohanan ang gusto Kong maunawaan ninyo. Sa panlabas, para bang pinagninilay-nilayan ng laman na ito ang mga bagay na ito, pero ang totoo, kasabay na kumikilos ang Espiritu ng Diyos; habang nakikipag-ugnayan ang taong ito, ginagabayan itong lahat ng Espiritu ng Diyos. Kung titingnan mo ito sa ganitong paraan, hindi mo pagdududahan ang diwa ng laman na ito o ang Kanyang pagkakakilanlan—hindi mo kailanman kukuwestiyunin ang mga bagay na ito. Ang mga bagay na ginagawa Ko kasama ninyo at ang mga hinihingi Ko sa inyo ay hindi kailanman maaaring kumontra sa kabuuang plano ng pamamahala ng Espiritu ng Diyos. Magkasamang sumusulong ang mga ito, parehong papunta sa iisang direksiyon, at sumusuporta sa isa’t isa. Kung hindi isinuot ng Espiritu ng Diyos ang laman na ito, hindi Siya makakapagsalita sa inyo nang harapan, hindi ninyo maririnig kung ano ang sinabi Niya, at hindi ninyo mauunawaan kung ano ang hinihingi Niya sa inyo. Gayumpaman, kung mayroon lamang ganitong laman at ang Espiritu ng Diyos ay wala sa Kanya, makagagawa ba ng anumang gawain ang laman na ito? Tiyak na wala Siyang magagawa. Kung hindi nagkatawang-tao ang Diyos, walang taong makagagawa ng gawaing ito. Samakatwid, kailangan ng normal na laman na ito na mamuhay araw-araw, buwan-buwan, at taon-taon, namumuhay sa bawat sandali sa ganitong paraan, lalong lumalago ang Kanyang pagkatao, lalong nadaragdagan ang Kanyang karanasan, habang patuloy na pinagsisikapang magawa ang gawaing hinihingi ng plano ng pamamahala ng Diyos. Sa paggampan sa yugtong ito ng gawain, sinimulan Kong gumawa sa iglesia noong wala pa Akong 20 taong gulang at nakasalamuha Ko ang mga kapatid. Nagsimula na Akong dumalo sa mga pagtitipon, magbahagi, at maglibot sa mga iglesia, at nakasalamuha Ko ang iba’t ibang uri ng mga tao. Mula noong panahong iyon hanggang ngayon, pakiramdam Ko ay patuloy na lumalago ang Aking abilidad sa wika at ang Aking abilidad para tingnan ang mga tao at mga bagay-bagay. Paano naiiba sa inyong mga sitwasyon ang paglagong ito sa Aking mga abilidad? Kailangan ninyong makaranas sa pamamagitan ng mga salitang sinasalita Ko at ng mga katotohanang ibinabahagi Ko at, habang dumaranas kayo, unti-unti kayong makakatiyak na ang mga salitang sinasalita Ko ay mula sa Diyos, katotohanan ang mga ito, tama ang mga ito, at ang mga salitang ito ay makakatulong sa inyo na magkamit ng pagbabago sa disposisyon at magtamo ng kaligtasan. Sa panig Ko naman, habang umuusad kayo, lalo namang lumalalim ang paglago Ko. Habang patuloy na lumalago ang Aking pagkaunawa sa inyo, patuloy Ko ring paisa-isang itinutustos sa inyong mga pangangailangan ang mga bagay na gusto Kong sabihin. Sinasabi ng ilang tao na, “Gusto Mong tustusan ang aming mga pangangailangan, para unti-unting lumago ang aming tayog, para magawa naming magbago at mas lalong umusad sa landas ng kaligtasan, at para lalong maging malapit ang aming ugnayan sa Diyos, kaya, paano Mo gagawin iyon?” Hindi ninyo kailangang mag-alala tungkol dito. Hindi Ako kailanman humihingi ng kahit ano, ni hindi Ko kailangang mag-ayuno o manalangin, o humingi ng kahit ano na para bang nananalangin para umulan, nang sa gayon bigyan kaagad Ako ng Diyos ng ilang salitang itutustos sa inyo. Hindi Ko kailangang gawin iyon. Dahil ang laman na ito ay ang Diyos Mismo at ginagampanan Niya ang ministeryong ito, samakatwid ay ipinapahayag Niya ang katotohanan para tustusan ang mga tao—ito ang pagkakaiba sa pagitan ng nagkatawang-taong laman ng Diyos at ng tiwaling sangkatauhan. Samakatwid, hindi Ko kailangang unawain kung ano ang kailangan ninyo; pero ang gusto Kong itustos sa inyo at ibahagi sa inyo ay siguradong kung ano ang kailangan ninyo. Kailangan lang ninyong magpatuloy sa pagsunod sa Aking mga salita at gawain, at bubuti na ang inyong kalagayan, at lalo ring uusad ang inyong buhay kasabay nito. Kasabay nito, gagampanan ng Espiritu ng Diyos ang Kanyang gawain habang dinidiligan Ko kayo. Sa katunayan, ang Espiritu ng Diyos ang siyang nakikipagtulungan sa Kanyang pagkatao, at ang Kanyang pagkatao naman ay nakikipagtulungan sa Kanyang pagka-Diyos—sabay-sabay Silang gumagawa. Narito Ako na nagdidilig sa inyo at kasa-kasama ninyo ang Espiritu ng Diyos, gumagawa, nagbibigay-liwanag, at nagtatanglaw, at pagkatapos ay nagsasaayos ng mga sitwasyon at lumilikha ng mga kondisyon para sa inyo nang sa gayon ay makapasok kayo sa iba’t ibang katotohanan. Magkasamang gumagawa ang Kanyang pagkatao at pagka-Diyos sa ganitong paraan. Kaya, may tao bang kayang matamo ang ganitong pagtutulungan sa pagitan ng laman at ng Espiritu? Talagang wala. Samakatwid, kung hindi mo susubukang alamin ang buong pamamahala ng Diyos at harapin ang laman na ito mula sa aspektong ito ng katotohanan, habambuhay mong hindi mauunawaan kung ano mismo ang diwa ng lamang ito, kung tungkol ba saan ang lamang ito, at kung paano Niya mismo ginagampanan ang gawain. Kung hindi mo maunawaan ang mga bagay na ito, hinding-hindi ka makatitiyak kung Siya ba ay isang tao o Diyos. Subalit kung kaya mong makita nang malinaw ang antas na ito o kaya mong abutin ang antas na ito sa iyong karanasan at pahalagahan ang antas na ito, malalaman mo kung gayon na habang ang laman ng Diyos—si Cristo—ay gumagawa sa lupa, kasamang gumagawa ang Banal na Espiritu at gumagawa ng parehong gawain, at isang bagay ito na walang sinuman sa buong sangkatauhan ang makakagawa. At habang gumagawa ang Espiritu, kasamang gumagawa ang laman sa gawain ng Espiritu. Magkakaayon, hindi nagbabago, at hindi kailanman magkakakontra ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao na, “Minsan, kapag nahaharap ako sa mga pagsubok, binibigyang-liwanag ako ng Banal na Espiritu para matutunan ang mga aral. Pero Ikaw naman, nagpapahayag Ka ng ibang katotohanan. Ano ang ibig sabihin niyon?” Wala talagang kontradiksiyon o pagkakasalungatan dito. Ipinapahayag ni Cristo ang katotohanan nang paunti-unti at sa tamang pagkakasunod-sunod, samantalang inaakay ng Banal na Espiritu ang lahat sa kanilang karanasan sa iba’t ibang antas—walang iisang diskarte lang para sa lahat. Nangangaral si Cristo sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan batay sa mahahalagang isyu na talagang umiiral para sa mga hinirang ng Diyos, at ang patnubay ng Banal na Espiritu ay nakabatay rin sa mga indibidwal na sitwasyon. Walang kontradiksiyon o pagkakasalungatan dito. May iba-ibang tayog ang mga tao sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang yugto, samantalang ang lahat ng gawaing ginagampanan ng Diyos ay nakapaloob sa katotohanang ipinapahayag Niya, ibig sabihin, ang katotohanan, ang daan, at ang buhay na binanggit ng Diyos. Hindi lumalampas sa saklaw na ito ang Kanyang gawain—katotohanan lahat ito. Ano ang batayan ng mga katotohanang ibinibigay-liwanag sa iyo ng Banal na Espiritu at ng liwanag na itinutulot Niyang maunawaan mo? Nakabatay ang mga ito sa mga katotohanang ipinapahayag ngayon ni Cristo, ibig sabihin, ang katotohanan, ang daan, at ang buhay na pinahihintulutan Niyang maunawaan mo ngayon. Sinasabi ng ilang tao na, “Hindi Ka namin kailangan sa laman na ito. Sapat nang nariyan ang Banal na Espiritu para bigyan kami ng kaliwanagan at gabayan kami. Maaari kaming magkaroon ng ganoon ding bagong kaliwanagan at tanglaw kahit wala Ka, makakapasok pa rin kami sa bagong kapanahunan, at matatamo pa rin namin ang kaligtasan.” Makatwiran bang sabihin ito? (Hindi.) Dalawang libong taon nang nanampalataya ang mga relihiyosong tao kay Jesus at dalawang libong taon na silang ginabayan ng Banal na Espiritu, at ano ang nakamit nila? Ang ebanghelyo ng pagtubos lamang, at natamasa lang nila ang maraming biyaya mula sa Diyos, subalit hindi nila kayang tamuhin ang mga katotohanang ito na ipinapahayag ng Diyos sa mga huling araw. Samakatwid, kung wala rito sa mga huling araw ang nagkatawang-taong laman ng Diyos na nagpapahayag ng napakaraming katotohanan, ano ang makakamit ninyo? Magiging katulad lang kayo ng mga relihiyosong taong iyon, nagkakamit ng malaking kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu at maraming biyaya, o kung hindi ay pipiliin ka ng Diyos at gagamitin ka, at maaari kang maging isang propeta o isang apostol, pero kung hindi mo tinatanggap ang mga katotohanang ito na ipinapahayag ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, kung gayon ay wala kang pag-asang magawang perpekto, makapasok sa kaharian ng langit, o matanggap ang pagsang-ayon ng Diyos.

Nagagawa na ninyo ngayong tanggapin ang pagkakatawang-tao, pero may ilang kuru-kuro pa rin kayo tungkol sa diwa ng pagkakatawang-tao at hindi kayo kailanman nakatitiyak na ang pagkakatawang-tao ay ang praktikal na Diyos. Kung makikisalamuha Ako sa inyo ngayon, at matutuklasan ninyong hindi Ko rin nauunawaan ang ilang bagay sa labas ng mundo, bubuo kaya kayo ng mga kuru-kuro? Hindi ito matatanggap ng ilang tao, at iisipin nilang, “Hindi Mo rin ito nauunawaan. Hindi ito dapat mangyari. Ikaw ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya dapat maunawaan Mo ang lahat. Walang bagay dapat na hindi Mo alam at walang bagay na hindi Mo kayang gawin. Kahit na hindi Ka puwedeng nasa lahat ng dako nang sabay-sabay, dapat alam Mo pa rin ang lahat ng bagay!” Hindi ba’t kuru-kuro ito ng mga tao? (Oo.) Isa rin itong kuru-kuro. Ano ang konsepto sa likod ng normal na pagkatao ng pagkakatawang-tao? Ito ay na mayroong normal na lohikang pantao sa paraan ng pag-iisip ng pagkakatawang-tao—hindi ito supernatural, hindi ito malabo, at hindi ito hungkag. Kaya Niyang kamtin kung ano ang maaabot ng pag-iisip ng normal na pagkatao sa pamamagitan ng pag-aaral, bagamat maaaring hindi kinakailangan na mas may alam Siya tungkol sa gayong mga bagay kaysa sa isang taong may kaugnay na kadalubhasaan, at normal lang ito. Bukod dito, nagsasalita at kumikilos Siya alinsunod sa lohika at pag-iisip ng normal na pagkatao, at hindi sa supernatural na paraan. Halimbawa, hakbang-hakbang ang takbo ng pag-iisip ng normal na pagkatao, at ganito rin mag-isip ang pagkakatawang-tao. Bakit ganito ang Kanyang normal na pagkatao? Makatwiran ba ito? (Oo.) Bakit mo sinasabing makatwiran ito? Gaano karaming baitang ang inaakyat ng isang normal na tao sa bawat hakbang kapag umaakyat sa mga ito? (Isa.) Isang baitang kada hakbang; ito ang normal na paraan ng pag-akyat sa hagdanan. Kung lalaktawan Ko ang maraming baitang sa isang hakbang lang at papasok agad sa bahay, magagawa kaya ninyo ito? (Hindi.) Hindi, hindi ninyo magagawa. At kung ipagpipilitan Kong gawin ninyo ito, ano ang gagawin ninyo? Magagawa ba ninyo ito? (Hindi.) Hindi, hindi ninyo magagawa. Batay ito sa mga pangangailangan ng mga tao na pinatutungkulan ng gawain. Ganito Ako nagbabahagi tungkol sa katotohanan, kumukuha Ako ng isang paksa at isang pangunahing isyu at pagkatapos ay ginagawa ang lahat ng Aking makakaya para magsalita nang tiyak at kompleto, nagkukuwento, nagbibigay ng mga halimbawa, paulit-ulit na nagsasabi ng mga bagay-bagay, pero kahit sa ganitong pagsasalita, maraming tao ang hindi nakakaunawa at hindi nakakaintindi sa punto. Kaya kung hindi Ako nagsalita nang ganoon kadetalyado at nagpaliwanag sa lahat ng bagay sa isang napakalalim at pangkalahatang paraan, wala kayong anumang makakamit o mauunawaan, at magiging hungkag at di-praktikal ang gawaing ito. Makakausad kayo sa pagpanhik ng isang baitang kada hakbang, kaya aakayin Ko kayo pasulong sa pamamagitan din ng pagpanhik ng isang baitang kada hakbang, at sa ganitong paraan ay makakasabay kayo sa Akin. Kung aakyat Ako ng apat na baitang sa isang hakbang, ano ang magiging resulta? Hindi kayo makakasabay sa Akin kailanman. Kung mas nangunguna ang Aking pag-iisip at malayo ang kaya Kong marating, at hindi man lang ninyo ito maabot, mawawalan ng kabuluhan ang pagkakatawang-tao. Samakatwid, kahit gaano pa kanormal at kapraktikal ang laman na ito—maaari pa ngang tila wala Siyang mga kakayahan ng Espiritu ng Diyos—ang lahat ng ito ay dahil sa mga pangangailangan ng sangkatauhan. Dahil ang mga taong tinutustusan ngayon ng Diyos ay mga taong ginawang tiwali ni Satanas, mga taong walang nauunawaang katotohanan, at mga walang kakayahang makaarok sa katotohanan. Sa Kanyang pagkakatawang-tao, dapat Niyang taglayin ang pinakapangunahing pag-iisip ng normal na pagkatao. Ano ang pinakapangunahing pag-iisip na ito? Ito ay na, kapag nagsasalita Siya, nauunawaan Siya ng mga taong may katamtamang kakayahan at maging ng mga medyo kulang sa kakayahan. Hangga’t normal ang kanilang pag-iisip, mauunawaan ng lahat kung ano ang sinasabi at tinatalakay Niya at mauunawaan ang mga katotohanang ipinapangaral Niya, at pagkatapos ay matatanggap nila ang katotohanan. Sa ganitong paraan lang magkakaroon ng mga epekto at makakakita ng mga resulta ang bawat hakbang ng gawaing ginagampanan ng Diyos at ang lahat ng salitang binibigkas Niya. Hindi ba’t makatotohanan ito? (Oo.) Kaya, kung kumakapit ang mga tao sa mga kuru-kuro at hindi bibitiwan ang mga ito, na sinasabing, “Noon, ang ilang emperador ay pinagkalooban ng pambihirang memorya at kaya nilang magbasa ng sampung linya sa isang sulyap. Hindi ba’t ganoon din dapat ang Diyos? Kung hindi Mo taglay ang mga kaloob na ito, hindi kami makakasunod sa Iyo dahil masyado Kang ordinaryo. Maganda sana kung mukha Kang bigatin,” ano ang maaari mong makita mula rito? Ang mga tao ay ginawang tiwali ni Satanas hanggang sa puntong napakamangmang nila at hindi na magagawan ng paraan. Bukod sa pagkakaroon ng kaunting normal na pag-iisip at kakayahan ng tao, at sa pagpili sa kanila at paggawa sa kanila ng Diyos, ang pagkakaroon ng mga tao ng kaunting pagnanais na sumunod sa Diyos at kaunting konsensiya at katwiran—maliban dito, wala silang nauunawaan. Bukod sa wala silang anumang nauunawaang katotohanan, hindi rin nila nauunawaan kung ano ang normal na pagkatao, kung ano ang mga tiwaling disposisyon, kung paano lumalabas ang mga kuru-kuro at imahinasyon, kung paano lutasin ang mga ito, kung paano dapat lumapit ang mga tao sa Diyos, o kahit man lang kung anong konsensiya at katwiran ang dapat nilang taglayin, at iba pa. Kahit ano pang wikang madaling maunawaan ang gamitin ng Diyos, hindi nakakaunawa masyado ang mga tao at mababaw lang ang kanilang pagkaunawa. Sabihin ninyo sa Akin, kapag nahaharap sa isang grupo ng mga tiwaling tao na walang nauunawaan, na kumokontra sa Diyos, anong uri ng diwa, anong uri ng pagkatao, at anong uri ng normal na pag-iisip ng tao ang dapat tinataglay ng Diyos na nagkatawang-tao para maakay Niya ang mga gayong tao sa harap ng Diyos? Sabihin ninyo sa Akin, ano ang dapat gawin ng Diyos? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t makapangyarihan sa lahat ang Diyos? Bakit hindi Siya magpakita ng maraming tanda at himala para lupigin ang mga tao?” Isang kuru-kuro ito na nasa puso ng karamihan sa mga tao. Hindi nila kinukuwestiyon kung maibubunyag at malulutas ba ang mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tanda at himala at sa pamamagitan ng supernatural na pamamaraan. Maaari bang ikintal ang katotohanan sa mga tao sa pamamagitan ng supernatural na pamamaraan? Makukumbinsi ba nito si Satanas? (Hindi.) Marahil isang uri ng doktrina ang pagsasabi ninyo ngayon ng “hindi,” pero kapag nakaranas kayo hanggang sa isang partikular na araw, malalaman ninyo kung gaano kayo kamanhid at kahangal, kung gaano kayo kamapaghimagsik, kung gaano kamapagmatigas, kung gaano kabuktot ang mga tao, at kung gaano nila hindi kamahal ang katotohanan. Kapag nakaranas na kayo hanggang sa isang partikular na araw, mauunawaan na ninyo na ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, itong laman ng normal na pagkatao, ay ang kinakailangan ng buong sangkatauhan. Samakatwid, kung mayroon ka pa ring iba’t ibang imahinasyon at kuru-kuro, para sa iyo ay isa itong iresponsableng saloobin na taglayin, at para sa Diyos ito ay kalapastanganan; ito ay para itatwa at kuwestiyunin ang masidhing layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Kung iniisip mo na, “May kaalaman at edukasyon at mga utak kami. Ipinanganak kami sa panahon ng mga huling araw, at ang ilan sa amin ay tumanggap ng mas mataas na edukasyon sa mundo at galing sa mga kilalang pamilya. Moderno kami, mga edukadong tao at may dahilan kami para tanggihan ang gayong lubhang ordinaryo at normal na Cristo na siyang minamaliit ng lahat; may dahilan kami para bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Iyo,” kung gayon, anong uri ng problema ito? Ito ay paghihimagsik at walang kaalaman sa kaibahan ng mabuti at masama! Malulutas ng mga tao ang kanilang mga kuru-kuro sa sandaling lumitaw ang mga ito, pero kung matapos lutasin ang mga ito, patuloy pa ring tumatanggi ang mga tao na tanggapin ang pagkakatawang-tao ng Diyos o ang normal na parte ng pagkatao ni Cristo, magsasanhi ito ng problema sa kanila at pipigilan sila nito na matamo ang kaligtasan. Kapag nakaranas ka hanggang sa isang partikular na araw, mauunawaan mo na kapag mas normal ang pagkakatawang-tao ng Diyos, ang normal Niyang pagkatao, ang lahat ng mayroon Siya at kung ano ang inihahayag Niya, mas higit tayong maliligtas, at kapag mas normal ang mga ito, mas lalong kinakailangan natin ang mga ito. Kung ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay supernatural, wala ni isa sa mga namumuhay sa lupa ang makakapagkamit ng kaligtasan. Dahil mismo ito sa kababaang-loob at pagkukubli ng Diyos, dahil sa normalidad at pagiging praktikal ng tila pangkaraniwang Diyos, kaya’t ang sangkatauhan ay may pagkakataong maligtas. Sapagkat sa mga tao ay mayroong paghihimagsik, satanikong tiwaling disposisyon, at tiwaling diwa, nabubuo ang lahat ng uri ng kuru-kuro, maling pagkaunawa, at pagsalungat laban sa Diyos; ito man ay kaso rin na, bilang bunga ng mga kuru-kurong ito, madalas na mayabang o kumpiyansa sa sarili ang mga tao na tanggihan ang Cristo na ito, at tinatanggihan ang Kanyang normal na pagkatao—isa itong malaking pagkakamali. Kung nais mong makamit ang kaligtasan, kung nais mong matanggap ang kaligtasan ng Diyos, at ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, dapat mo munang isantabi ang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon at mga maling depinisyon tungkol sa normal na pagkatao ni Cristo, dapat mong isantabi ang iyong iba’t ibang pananaw at opinyon tungkol kay Cristo, at dapat kang mag-isip ng paraan upang matanggap ang lahat na nagmula sa Kanya. Pagkatapos lamang nito unti-unting makakapasok sa iyong puso at magiging buhay mo ang mga salitang binibigkas Niya at ang mga katotohanang inilalahad Niya. Kung nais mong sumunod sa Kanya, dapat mong tanggapin ang lahat tungkol sa Kanya; Espiritu man Niya ito, ang Kanyang mga salita, o Kanyang laman, dapat mong tanggapin lahat ito. Kung tunay mo Siyang tinanggap, hindi ka dapat kumontra sa Kanya, na laging nagkakamali ng pagkaunawa sa Kanya at nagiging mapaghimagsik laban sa Kanya nang umaasa sa iyong mga kuru-kuro, lalong hindi ka dapat kumapit sa iyong mga kuru-kuro, palaging pinagdududahan Siya at kumokontra at lumalaban pa nga sa Kanya. Pipinsalain ka lamang ng ganitong uri ng saloobin at wala itong anumang ikabubuti para sa iyo. Kaya ba ninyong tanggapin ang mga sinasabi Ko? (Oo.) Mabuti kung ganoon, kaya, magmadali ka na ngayon at hanapin ang katotohanan para lutasin ang iyong mga kuru-kuro. Ang isyung ito ay tumutukoy sa mga tiwaling disposisyon, at kung hindi mo lulutasin ang mga ito, tiyak na mamamatay ka dahil sa iyong mga tiwaling disposisyon.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.