Ang Paglutas Lamang sa Tiwaling Disposisyon ng Isang Tao ang Makapagdudulot ng Tunay na Pagbabago (Ikatlong Bahagi)

Marami-rami ang kabataan sa inyo, pati na mga taong hindi pa nakabuo ng pamilya. Lahat kayo ay iniwan ang inyong tahanan para gawin ang inyong tungkulin sa loob ng ilang taon, kaya, nangungulila ba kayo sa inyong tahanan? Nangungulila ba kayo sa inyong mga magulang? Madalas ba kayong namumuhay sa kalagayan ng pangungulila sa inyong mga magulang? Pakinggan natin ang kalagayan ng pangungulila sa inyong mga magulang—isa itong tunay na karanasan. (Noong bagong dating pa lang ako sa ibang bansa, nangulila ako sa aking nanay at kapatid na babae; noon pa man ay palagi na akong umaasa sa kanila, kaya noong umalis ako nang mag-isa, palagi akong nangungulila sa kanila. Ngunit sa napakaraming karanasang ito sa ibang bansa, nararamdaman ko na ang Nag-iisang hindi ko maiiwan ngayon ay ang Diyos; kapag may anumang nangyayari, nananalangin ako sa Kanya, at hindi na ako nangungulila sa kanila.) Dalawang magkaibang kalagayan ito. Ano ang unang kalagayan? Palaging nangungulila sa iyong tahanan, nangungulila sa nanay at kapatid mong babae. Ano ang mga detalye ng ganitong uri ng kalagayan? Ito ay na kapag may nangyayari, hindi mo alam kung paano gawin ang anumang bagay, kaya pakiramdam mo ay wala kang magawa; hindi mo kayang mawalay sa tabi ng mga mahal mo sa buhay, at wala kang maaasahan. Sa pagdilat ng iyong mga mata sa umaga, nagsisimula kang mangulila sa kanila, at bago ka matulog sa gabi ay iniisip mo sila; naiipit ka sa ganitong uri ng kalagayan ng pangungulila sa iyong mga mahal sa buhay. Kaya, bakit labis kang nangungulila sa kanila? Ito ay dahil nagbago ang sitwasyon mo at iniwan mo sila. Nag-aalala ka sa kanila, at higit pa rito, nasanay kang umasa sa kanila, sumasalig at umaasa sa kanila para mabuhay. Hindi na kayo napaghihiwalay sa isa’t isa sa maraming bagay sa buhay, kaya’t labis kang nangungulila sa kanila; nasa ganitong uri ka ng kalagayan. Kaya, nasa anong uri ka ng kalagayan ngayon na hindi ka na nangungulila sa kanila? (Pakiramdam ko, ang paglisan sa aking tahanan at paggawa ng tungkulin ko ay ang pagmamahal ng Diyos, ang Kanyang pagliligtas, na nagbigay-daan sa akin na matuto kung paano umasa sa Kanya. Medyo nagbago ang aking tiwaling disposisyon, at napanatag ang aking kaluluwa; bukod pa rito, sa pamamagitan ng pagkilala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, alam ko na nasa mga kamay Niya ang kapalaran ng lahat ng tao. May misyon ang nanay at kapatid kong babae, at may misyon din ako, kaya hindi na ako nangungulila sa kanila.) Nalutas na ba ang problema? (Pakiramdam ko oo.) Ano ang palagay ng lahat, nalutas na ba ito? (Ito ay pansamantalang nalutas.) Ito ay pansamantalang nalutas. Kung isang araw ay makatatagpo ka ng isang sister na ang hitsura, tono ng boses, o paraan ng pakikitungo sa iyo ay katulad na katulad ng sa nanay mo, o talagang katulad ng sa kapatid mong babae, ano ang mararamdaman mo? (Mangungulila na naman ako sa kanila.) Muli kang masasadlak sa kalagayan ng pag-iisip sa kanila, kaya’t hindi malulutas ang problema. Kaya paano mo malulutas ang ugat ng problemang ito? Kapag nangungulila kayo sa inyong mga mahal sa buhay, saan kayo nangungulila? Kadalasan kapag nangungulila kayo sa isang tao, nangungulila kayo sa isang mahal sa buhay, o nangungulila kayo sa inyong tahanan, tiyak na hindi kayo nangungulila sa mga bagay na nagpalungkot sa inyo; nangungulila kayo sa mga bagay na nagbigay-kasiyahan sa inyo, ang mga bagay na nagpasaya at nagpagaan ng inyong pakiramdam, at na nagbigay-kasiyahan sa inyo, gaya ng kung paano ka inaalagaan ng iyong nanay dati, kinagigiliwan ka, at pinahahalagahan ka, o ang magagandang bagay na dating binibili ng iyong ama para sa iyo. Nangungulila ka sa lahat ng magagandang bagay na ito, kaya’t hindi mo mapigilang mangulila sa mga mahal mo sa buhay. Habang mas iniisip mo ang iyong mga mahal sa buhay, mas lalong hindi mo sila kayang bitiwan, at hindi mo mapigilan ang iyong sarili. Sinasabi ng ilang tao: “Pagkatapos ng lahat ng taong ito, hindi ko kailanman iniwan ang nanay ko noon. Sinusundan ko siya kahit saan siya magpunta, pinakamamahal niya ako. Paanong hindi ako mangungulila sa kanya pagkatapos ng matagal na pagkawala?” Natural ang mangulila sa kanya; sadyang ganito ang laman ng mga tao. Ang mga tiwaling tao ay namumuhay sa kanilang mga emosyon. Iniisip nila na: “Tanging ang pamumuhay sa ganitong paraan ang pagkakawangis ng isang tao. Kung hindi man lang ako nangungulila sa mga mahal ko sa buhay, o iisipin sila, o hahanap ng panustos sa kanila, tao pa nga ba ako? Hindi ba’t magiging katulad ako ng isang hayop?” Hindi ba’t ganito mag-isip ang mga tao? Kung wala silang pagmamahal o pagkakaibigan, at hindi nila iniisip ang iba, iisipin ng iba na wala silang pagkatao at na hindi sila mabubuhay sa ganitong paraan. Tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Sa katunayan, hindi naman malaking isyu kung nangungulila ka man o hindi sa iyong mga magulang. Hindi mali ang mangulila sa kanila, hindi rin mali na hindi mangulila sa kanila. Ang ilang tao ay talagang hindi umaasa sa iba, habang ang ilang tao naman ay nakadikit sa kanilang mga magulang, ngunit nagawa ninyong lahat na lisanin ang inyong mga tahanan at mga magulang para gawin ang inyong tungkulin. Una sa lahat, mayroon kayong kahandaang gawin ang inyong tungkulin, ang kagustuhang gawin ang inyong tungkulin, ang kagustuhang igugol ang inyong sarili at isantabi ang mga bagay para sa Diyos; ngunit hindi malulutas ang inyong mga paghihirap sa isang bugso ng pagsisikap, hindi rin ninyo malulutas ang inyong mga tiwaling disposisyon sa isang bugso ng mabubuting gawa at mabuting asal. Naiintindihan naman ninyo ang doktrinang ito, tama ba? Kaya, paano ninyo lulutasin ang ugat ng usapin ng pangungulila sa inyong mga magulang? Ang ilang tao ay umalis sa kanilang tahanan at namumuhay nang mag-isa sa loob ng dalawa o tatlong taon; lumago na sila, at hindi na gaanong nangungulila sa kanilang mga magulang. Kung gayon, nalutas na ba ang problema? Hindi. Kung tatanungin mo sila kung sino ang pinakamalapit sa kanila, sasagot sila ayon sa inaasahan ng iba: “Pinakamalapit ako sa Diyos, ang Diyos ang pinakamamahal ko!” Ngunit sa kanilang puso ay iniisip nila: “Wala ang Diyos sa tabi ko, hindi rin Niya ako magawang alagaan. Pinakamalapit pa rin ako sa nanay ko. Nagmula ako sa mismong laman niya, ako ang pinakakinagigiliwan niya, at siya ang higit na nakauunawa at nakaiintindi sa akin. Kapag napakahirap at napakasaklap ng mga bagay-bagay, laging nandiyan ang nanay ko para aluin, tulungan, at alagaan ako. Ngayong nilisan ko na ang aking tahanan, walang katulad ng nanay ko na mag-aalaga sa akin kapag may sakit ako. Sinasabi mong mabuti ang Diyos, ngunit hindi ko makita ang mukha Niya, kaya nasaan Siya? Hindi praktikal iyon.” Iniisip nila na hindi praktikal na umasa sa Diyos, at ang mga salita nila tungkol sa pagiging pinakamalapit ng Diyos sa kanila ay medyo sapilitan, medyo mapagpaimbabaw. Sa katunayan, sa kaibuturan ng kanilang puso, sa tingin nila, ang nanay nila ang pinakamalapit sa kanila. Ngunit bakit? “Nananampalataya ako sa Diyos dahil sa ebanghelyong ipinalaganap sa akin ng nanay ko; kung wala siya, wala sana ako rito.” Hindi ba’t ganito sila mag-isip? (Ganoon nga.) Sa palagay ba ninyo ay nauunawaan ng gayong mga tao ang katotohanan? (Hindi nila nauunawaan.) Ipinanganak at inalagaan ka lamang ng nanay mo sa loob ng mga dalawampung taon. Maipagkakaloob ba niya sa iyo ang katotohanan? Mabibigyan ka ba niya ng buhay? Maililigtas ka ba niya mula sa impluwensya ni Satanas? Malilinis ba niya ang iyong tiwaling disposisyon? Hindi niya magagawa ang alinman sa mga bagay na ito. Ang biyaya at pagmamahal ng magulang ay lubhang limitado. Ano ang magagawa ng Diyos para sa iyo? Maipagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, maililigtas sila sa impluwensya ni Satanas at sa kamatayan, at mabibigyan sila ng buhay na walang hanggan—hindi ba’t dakilang pagmamahal ito? Ang pagmamahal na ito ay kasingtaas ng langit at kasinglalim ng lupa. Napakadakila nito: isang daan, hindi, isang libong beses na mas malaki kaysa sa pagmamahal ng isang magulang. Kung talagang malalaman ng mga tao kung gaano kadakila ang pagmamahal ng Diyos, ganoon pa rin kaya katindi ang mararamdaman nila para sa kanilang mga magulang? Iisipin pa rin ba nila ang mga ito sa maghapon tuwing Bagong Taon at tuwing may pagdiriwang? Kung nauunawaan nila ang katotohanan, higit nilang iisipin ang pagmamahal ng Diyos. Kung ang isang tao ay matagal nang nananampalataya sa Diyos at iniisip pa rin na ang pagmamahal ng kanyang mga magulang ay mas higit pa sa pagmamahal ng Diyos, kung gayon, bulag ang taong iyon, at wala siyang anumang pananalig sa Diyos. Kung ang isang tao ay nananampalataya sa Diyos, ngunit hindi hinahangad ang katotohanan, malulutas ba niya ang kanyang tiwaling disposisyon? Makakamit ba niya ang kaligtasan? Hindi. Kung ang iyong tiwaling disposisyon ay hindi pa nalutas at ang iyong espirituwal na buhay ay hindi pa lumago sa isang partikular na tayog, maaari kang magbigkas ng ilang sawikain, ngunit hindi mo maisasakatuparan ang mga ito, dahil hindi mo taglay ang tayog. Magagawa mo ang mga bagay sa abot ng iyong makakaya. Malalampasan ang mga pagsubok sa abot ng makakaya ng iyong tayog. Makapapasok ka sa mga katotohanang realidad na kasingdami ng nauunawaan mo; ganoon karaming katotohanang realidad ang maisasabuhay mo. Kaugnay nito, ito rin ay kung gaano karami sa pagpapamalas ng iyong tiwaling disposisyon at gaano karami sa sarili mong mga paghihirap ang malulutas; ito ay magkatimbang.

Balang araw, kapag nauunawaan mo na ang ilan sa katotohanan, hindi mo na iisipin na ang nanay mo ang pinakamabuting tao, o na ang mga magulang mo ang pinakamabubuting tao. Matatanto mo na mga miyembro din sila ng tiwaling sangkatauhan, at na pare-pareho ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang tanging nagbubukod sa kanila ay na magkadugo kayo. Kung hindi sila naniniwala sa Diyos, kapareho sila ng mga hindi mananampalataya. Hindi mo na sila titingnan mula sa pananaw ng isang kapamilya, o mula sa pananaw ng inyong ugnayan sa laman, kundi mula sa panig ng katotohanan. Ano ang mga pangunahing aspetong dapat mong tingnan? Dapat mong tingnan ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos, ang kanilang mga pananaw tungkol sa mundo, ang kanilang mga pananaw tungkol sa paglutas ng mga problema, at ang pinakamahalaga, ang kanilang saloobin ukol sa Diyos. Kung sisiyasatin mo nang tumpak ang mga aspetong ito, malinaw mong makikita kung sila ay mabubuti o masasamang tao. Isang araw ay maaaring malinaw mong makita na sila ay mga taong may mga tiwaling disposisyon katulad mo. Maaari pa ngang maging mas malinaw na hindi sila ang mababait na tao na may tunay na pagmamahal sa iyo na tulad ng inaakala mo, at na hindi ka nila talaga maaakay sa katotohanan o sa tamang landas sa buhay. Maaaring malinaw mong makita na ang nagawa nila para sa iyo ay walang gaanong pakinabang sa iyo, at na wala itong silbi sa pagtahak mo sa tamang landas sa buhay. Maaaring makita mo rin na marami sa kanilang mga pagsasagawa at opinyon ay salungat sa katotohanan, na sila ay makalaman, at na kinasusuklaman, inaayawan at kinamumuhian mo sila dahil dito. Kung makikita mo ang mga bagay na ito, matatrato mo na nang tama ang iyong mga magulang sa puso mo, at hindi ka na mangungulila at mag-aalala sa kanila, at makakaya mo nang mamuhay nang malayo sa kanila. Nakumpleto na nila ang kanilang misyon bilang mga magulang, kaya hindi mo na sila ituturing na pinakamalapit na mga tao sa iyo o iidolohin sila. Sa halip, ituturing mo silang mga ordinaryong tao, at sa panahong iyon, hindi ka na magpapaalipin nang lubusan sa iyong damdamin at talagang makakahiwalay ka na sa iyong damdamin at pagmamahal sa pamilya. Sa sandaling magawa mo na iyon, mapagtatanto mo na hindi karapat-dapat pahalagahan ang mga bagay na iyon. Sa puntong iyon, makikita mo na ang mga kamag-anak, pamilya, at relasyon sa laman ay mga balakid sa pag-unawa sa katotohanan at sa pagpapalaya ng iyong sarili sa mga emosyon. Ito ay dahil mayroon kang pampamilyang relasyon sa kanila—iyong relasyon sa laman na nagpaparalisa sa iyo, nagliligaw sa iyo, at nagpapapaniwala sa iyo na sila ang may pinakamabuting pagtrato sa iyo, na sila ang pinakamalapit sa iyo, pinakamabuting mag-alaga sa iyo, at pinakanagmamahal sa iyo—dahil sa lahat ng ito, hindi mo malinaw na matukoy kung sila ba ay mabuti o masamang tao. Sa sandaling tunay na lumayo ka sa mga damdaming ito, bagamat maaaring iisipin mo pa rin sila paminsan-minsan, mangungulila ka pa rin ba sa kanila nang buong puso, aalalahanin mo pa rin ba sila, at hahanap-hanapin sila gaya ng ginagawa mo ngayon? Hindi na. Hindi mo sasabihing: “Ang taong talagang hindi ko kayang mawalay sa akin ay ang nanay ko; siya ang nagmamahal sa akin, nag-aalaga sa akin, at pinakanag-aalala sa akin.” Kapag mayroon kang ganitong antas ng pang-unawa, iiyak ka pa rin ba kapag naiisip mo sila? Hindi na. Ang problemang ito ay malulutas. Kaya, sa mga problema o usapin na nagdudulot sa iyo ng paghihirap, kung hindi mo pa nakamit ang aspetong iyon ng katotohanan at kung hindi ka pa nakapasok sa aspetong iyon ng katotohanang realidad, makukulong ka sa gayong mga paghihirap o kalagayan, at hinding-hindi ka makakalabas sa mga ito. Kung tinatrato mo ang mga ganitong uri ng mga paghihirap at problema bilang mga pangunahing problema ng pagpasok sa buhay at pagkatapos ay hahanapin mo ang katotohanan para malutas ang mga ito, magagawa mong pumasok sa aspetong ito ng katotohanang realidad; nang hindi sinasadya, matututunan mo ang iyong aral mula sa mga paghihirap at problemang ito. Kapag nalutas na ang mga problema, mararamdaman mo na hindi ka na ganoon kalapit sa iyong mga magulang at kapamilya, mas malinaw mong makikita ang kanilang kalikasang diwa, at makikita mo kung anong uri ng mga tao talaga sila. Kapag malinaw mong nakikita ang iyong mga mahal sa buhay, sasabihin mong: “Hindi talaga tinatanggap ng nanay ko ang katotohanan; sa totoo lang, nayayamot siya sa katotohanan at kinasusuklaman niya ito. Sa diwa niya, isa siyang masamang tao, isang diyablo. Ang ama ko ay isang mapagpalugod ng tao, pumapanig sa nanay ko. Hindi niya talaga tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan; hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. Batay sa inaasal ng aking nanay at tatay, silang dalawa ay walang pananampalataya; pareho silang diyablo. Kailangan ko silang tuluyang talikdan, at kailangan kong maglatag ng malinaw na limitasyon sa aming relasyon.” Sa ganitong paraan, titindig ka sa panig ng katotohanan, at magagawa mo silang itakwil. Kapag nagawa mong kilatisin kung sino sila, kung anong uri ng tao sila, magkakaroon ka pa rin ba ng emosyonal na ugnayan sa kanila? Magigiliw ka pa rin ba sa kanila? Magkakaroon ka pa ba ng relasyon sa laman sa kanila? Hindi na. Kakailanganin mo pa bang pigilan ang iyong mga emosyon? (Hindi na.) Kaya, sa ano ka ba talaga umaasa para malutas ang mga paghihirap na ito? Umaasa ka sa pag-unawa sa katotohanan, sa pag-asa sa Diyos, at paghingi ng patnubay sa Diyos. Kung malinaw ang mga bagay na ito sa iyo sa puso mo, kailangan mo pa bang pigilan ang iyong sarili? Nararamdaman mo pa rin ba na naagrabyado ka? Kailangan mo pa bang magdusa ng gayon katinding pasakit? Kailangan mo pa ba ang iba na makipagbahaginan sa iyo at gumawa ng gawaing pang-ideolohiya? Hindi na kailangan, dahil naayos mo na mismo ang mga bagay-bagay—napakadali nito. Sa pagbabalik sa usapin, paano mo lulutasin ang isyu ng pag-ayaw na isipin sila o mangulila sa kanila? (Hanapin ang katotohanan para lutasin ito.) Kumplikado ang mga salitang iyan na medyo pormal kung pakikinggan—ngunit medyo mas praktikal nang kaunti ang mga ito. (Gamitin ang mga salita ng Diyos upang lubusang maunawaan ang kanilang diwa; ibig sabihin, kilatisin sila batay sa kanilang diwa. Pagkatapos, magagawa nating isantabi ang ating pagkagiliw, at ang ating relasyon sa laman.) Tama iyan. Dapat mong ibase ang iyong pagkaunawa sa kalikasang diwa ng mga tao sa mga salita ng Diyos. Kung wala ang paghahayag ng salita ng Diyos, walang sinuman ang makakahalata sa kalikasang diwa ng iba. Sa pamamagitan lamang ng pagbatay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan makikita ng isang tao ang kalikasang diwa ng mga tao; saka lamang malulutas ang pinagmulan ng problema ng damdamin ng tao. Magsimula sa pamamagitan ng pag-iwan ng iyong mga pagkagiliw at relasyon sa laman; kung kanino pinakamatindi ang iyong emosyonal na ugnayan, siya ang una mong kailangang suriin at kilalanin. Ano ang palagay mo sa solusyong ito? (Mabuti ito.) Sinasabi ng ilang tao: “Ang kilatisin at suriin ang mga taong may pinakamatindi akong emosyonal na ugnayan—napakalupit naman niyan!” Ang punto ng pagkilatis mo sa kanila ay hindi para putulin mo ang iyong relasyon sa kanila—hindi ito para putulin ang iyong ugnayan sa iyong magulang bilang kanilang anak, hindi rin para tuluyan mo silang talikuran, at hindi na muling makipag-ugnayan sa kanila. Kailangan mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga mahal sa buhay, ngunit hindi ka maaaring magpapigil o magpatali sa kanila, dahil ikaw ay isang tagasunod ng Diyos; dapat mong taglayin ang prinsipyong ito. Kung maaari ka pa rin nilang mapigilan at magulo, hindi mo magagawa nang maayos ang iyong tungkulin, at hindi mo rin magagarantiya na masusundan mo ang Diyos hanggang sa dulo ng daan. Kung hindi ka isang tagasunod ng Diyos o isang nagmamahal sa katotohanan, walang sinuman ang hihingi nito sa iyo. Sinasabi ng ilang tao: “Kasalukuyang hindi ko nauunawaan ang katotohanan; hindi ko alam kung paano kilatisin ang iba.” Kung wala kang ganitong tayog, isantabi mo muna ang pagkilatis sa ngayon. Kapag sapat na ang tayog mo, at magagawa mo nang lampasan ang gayong mga pagsubok, at magkusa kang ikaw mismo ang magsasagawa sa ganitong paraan, hindi pa magiging huli para sa iyo na isagawa ang aspetong ito ng katotohanan.

Maraming tao ang dumaranas ng hindi kinakailangang emosyonal na pagdurusa; sa totoo lang, lahat ng ito ay hindi kailangan at walang saysay. Bakit Ko sinasabi ito? Ang mga tao ay palaging napipigilan ng kanilang damdamin, kaya hindi sila makapagsagawa ng katotohanan at makapagpasakop sa Diyos; dagdag pa rito, ang mapigilan ng damdamin ay hindi talaga kapaki-pakinabang sa paggawa ng tungkulin at pagsunod sa Diyos ng isang tao, at higit pa rito, ito ay isang malaking hadlang sa pagpasok sa buhay. Kaya, walang kabuluhan ang magdusa sa pagpigil ng damdamin, at hindi ito naaalala ng Diyos. Kaya paano mo palalayain ang iyong sarili sa walang-kabuluhang pagdurusang ito? Kailangan mong maunawaan ang katotohanan at mahalata at maunawaan ang diwa ng mga relasyon sa laman na ito; pagkatapos ay magiging madali sa iyo na makalaya sa mga pagpipigil ng mga damdamin ng laman. Ang ilang taong nananalig sa Diyos ay inuusig nang husto ng kanilang mga hindi mananampalatayang magulang; kung hindi sila pinipilit na maghanap ng asawa, pinipilit naman silang maghanap ng trabaho. Maaari nilang gawin ang anumang gusto nila, ngunit hindi sila pinahihintulutang manalig sa Diyos. Ang ilang magulang ay lumalapastangan pa nga sa Diyos, kaya’t nakikita ng mga taong ito ang tunay na maladiyablong kulay ng kanilang mga magulang. Doon lamang sisigaw ang kanilang puso: “Tunay nga silang mga diyablo, kaya hindi ko sila maaaring ituring bilang mga mahal ko sa buhay!” Mula noon, malaya na sila sa mga hadlang at gapos ng kanilang mga damdamin. Nais gamitin ni Satanas ang pagkagiliw upang pigilan at gapusin ang mga tao. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, madali silang malilinlang. Kadalasan, para sa kapakanan ng kanilang mga magulang at mga mahal sa buhay, hindi sila masaya, umiiyak sila, nagtitiis sila ng mga paghihirap, at nagsasakripisyo sila. Ito ang kanilang moral na kamangmangan; matapang nila itong tinitiis, at inaani nila ang kanilang itinatanim. Ang magdusa sa mga bagay na ito ay walang halaga—isang walang saysay na pagsisikap na hindi man lang maaalala ng Diyos—at maaaring sabihin ng isang tao na nasa impiyerno siya. Kapag talagang nauunawaan mo ang katotohanan at nahahalata mo ang kanilang diwa, magiging malaya ka; mararamdaman mo na ang pagdurusa mo noon ay kaignorantehan at kamangmangan. Hindi mo sisisihin ang sinuman; sisisihin mo ang iyong sariling pagkabulag, ang iyong kahangalan, at ang katunayan na hindi mo naunawaan ang katotohanan o nakita nang malinaw ang mga bagay-bagay. Madali bang lutasin ang problema ng emosyon? Nalutas na ba ninyo ito? (Hindi pa. Hindi pa kami nakapagsagawa o nakapasok sa landas ng pagsasagawa na itinuro ng Diyos; mayroon lamang kaming sanggunian kapag nangyayari ang ganitong uri ng bagay.) Sa pagsasabi ng lahat ng ito, sa pagsasalita man tungkol sa mga praktikal na bagay, o tungkol sa mga bagay na inyong binigyang kahulugan bilang mga landas, sinasabi Ko sa inyo: Kapag nakatagpo kayo ng ganitong uri ng bagay, ang pinakamainam na paraan para harapin ito ay ang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan, at pagkatapos ay magkakaroon ka ng paraan para lutasin ito. Kapag lubos na ninyong naunawaan ang diwa ng mga damdamin ng laman, magiging madali para sa inyo na pangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung palagi kayong napipigilan ng inyong relasyon sa laman sa inyong mga mahal sa buhay, hinding-hindi ninyo maisasagawa ang katotohanan; kahit pa naiintindihan ninyo ang doktrina at nagbibigkas kayo ng mga sawikain, hindi pa rin ninyo malulutas ang inyong mga tunay na problema. Ang ilang tao ay hindi lang talaga alam kung paano hanapin ang katotohanan. Ang iba ay nagagawang hanapin ang katotohanan, ngunit kapag malinaw na ibinabahagi ng mga tao ang katotohanan sa kanila, hindi sila ganap na naniniwala at hindi nila ito kayang tanggapin nang lubusan; pinakikinggan lang nila ito na para bang ito ay doktrina. Kaya, ang iyong problema sa pagiging napipigilan ng inyong mga damdamin ay hinding-hindi malulutas; kung hindi ito malulutas, hinding-hindi ka makakawala mula rito, at patuloy kang mapipigilan at magagapos. Kung nananalig ka sa Diyos ngunit hindi mo magawang sundan Siya o gawin ang tungkulin na dapat mong gawin, sa huli, hindi ka magiging karapat-dapat sa pagtanggap ng pangako ng Diyos, hanggang sa isang araw, masasadlak ka sa sakuna at maparurusahan—ang pag-iyak at pagngangalit ng mga ngipin ay magiging walang saysay, at walang sinuman ang makapagliligtas sa iyo. Malinaw na ba sa iyo ngayon ang mga kahihinatnan ng hindi paglutas sa mga tiwaling disposisyon?

Ano ang napagbahaginan natin ngayong araw? Nagbahaginan tayo tungkol sa mga kalagayan ng mga tao, sa kanilang mga tiwaling disposisyon, gayundin sa kung paano pumasok sa katotohanang realidad, kung paano tratuhin nang tama ang mga bagay na nakakaharap mo, kung anong uri ng mga pananaw ang dapat mong panghawakan, at kung paano alamin, himayin, at lutasin ang sarili mong tiwaling disposisyon. Ang aral sa pagpasok sa buhay ay dapat laging matutunan; hindi kailanman magiging huli na para matuto, o magiging huli na para magsimula. Kaya, kailan ba magiging huli na? Kung namatay ka na, magiging huli na; kung buhay ka pa, hindi pa huli ang lahat. Sa ngayon lahat kayo ay buhay pa, hindi patay, ngunit talaga bang malinaw sa inyo kung ano ang buhay at ang patay? Sa Tagalog, palaging sinasabi ng mga tao na, “Buhay pa ako.” Ano ang ibig sabihin niyon? Ito ay kapag hindi ninyo alam ang gagawin kapag may nangyayari sa inyo, o kapag nakaladkad kayo sa impluwensiya ng lipunan, o nararamdaman ninyong mababang uri kayo, at pagkatapos ay tinutusok ninyo ng karayom ang inyong sarili at nararamdaman ito—kung gayon, mararamdaman ninyo na buhay pa kayo, na hindi pa namatay ang puso ninyo. Kung nabubuhay pa kayo, dapat kayong magkaroon ng mga hangarin at isabuhay ang pagkakawangis ng isang tao. Dati, mababang-uri kayo, sumunod kayo sa mga makamundong bagay at namuhay kayo sa agos ng kasamaan; hindi ba’t oras na para ayusin ang inyong sarili ngayon at iwasan na lalo pang maging mababang uri? Alam mo, hindi pa natagpuan ng mga taga-Kanluran ang tunay na daan, at nakararamdam sila ng kawalan ng pag-asa pagdating sa buhay ng tao at sa kanilang pamumuhay, kaya ang kanilang mga salita ay puno ng malalim na emosyon, at medyo mayroong kalungkutan at kawalan ng pag-asa—ibig sabihin, sa loob ng kanilang mga salita ay naroon ang pakiramdam nila na wala na silang magagawa pa. Habang nabubuhay sila, madalas nilang nararamdaman na hindi sila tao, ngunit kailangan nilang mamuhay sa ganitong paraan; kahit pakiramdam nila ay para silang multo, hayop, o halimaw, dapat magpatuloy silang mamuhay sa ganitong paraan. Ano ba ang maaaring gawin? Wala na silang magagawa. Kung hindi sila mamamatay, kailangan nilang mamuhay sa ganitong paraan; wala nang ibang landas para sa kanila, at mamumuhay sila nang kahabag-habag. Ganito ba kayong lahat? Kung isang araw ay puno kayo ng malalim na emosyon, iniisip na, “Ah, buhay pa ako, hindi pa patay ang puso ko”—kung mabubuhay ang isang tao hanggang sa puntong iyon, ano ang mangyayari sa kanya? Nasa malaking panganib na siya! Para sa isang mananampalataya, lubhang mapanganib na ito. Hinding-hindi ninyo maaaring sabihin ang isang bagay tulad ng “Buhay pa ako, ngunit walang laman ang pisikal kong katawan, at isa akong naglalakad na bangkay. Buhay ang puso ko, at ang iilan lamang na mga hangarin at mithiin sa puso ko ang sumusuporta sa aking laman.” Huwag kayong magpaabot sa puntong iyon! Kung aabot kayo sa puntong iyon, magiging napakahirap na iligtas kayo. Kung titingnan kayong lahat ngayon, hindi masama ang mga sitwasyon ninyo. Kung babasahin mo ang mga salita ng Diyos sa isang hindi mananampalataya, hindi siya magkakaroon ng anumang kamalayan; kaya, kung gagamit Ako ngayon ng malulupit na salita para tabasan at iwasto kayo, magkakaroon ba kayo ng anumang kamalayan tungkol dito? (Oo.) Ang ilan sa inyo ay nakikilala lamang ang inyong sarili pagkatapos matabasan at maiwasto; saka lang kayo nakararamdam ng pagsisisi. Nangangahulugan ito na may kamalayan pa kayo, at hindi pa ganap na namatay ang puso ninyo, na nagpapatunay na kayo ay gising pa, buhay pa! Kung matatanggap ninyo ang katotohanan at maisasagawa ito, may pag-asa pa kayong mailigtas. Kung ang isang tao ay aabot sa puntong basta na lamang niyang hindi tatanggapin ang katotohanan, ganap na siyang namatay, at hindi na siya maliligtas pa. Mayroong higit pa sa iilang tao sa iglesia ang sadyang hindi tumatanggap sa katotohanan. Bagamat humihinga ang mga taong ito, ang totoo ay wala silang espiritu. Sila ang mga patay na walang espiritu, naglalakad na mga bangkay. Ang gayong mga tao ay tuluyan nang nalantad at napalayas.

Oktubre 5, 2016