Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago (Ikalawang Bahagi)
Sa pagpasok sa katotohanang realidad, ang pagkakilala sa sarili ay napakahalaga. Ang ibig sabihin ng pagkakilala sa sarili ay ang malaman kung aling mga bagay sa ating mga kaisipan at pananaw ang pangunahing hindi tumutugma sa katotohanan, at nabibilang sa isang tiwaling disposisyon, at laban sa Diyos. Madaling magkamit ng pagkaunawa sa mga tiwaling disposisyon ng tao, gaya ng kayabangan, pagmamagaling, pagsisinungaling, at panlilinlang. Malalaman mo ang mga ito nang kaunti sa pamamagitan ng pagbabahagi lang tungkol sa katotohanan nang ilang ulit, o sa pamamagitan ng madalas na pagbabahaginan, o ng pagtukoy ng iyong mga kapatid sa iyong kalagayan. Bukod pa rito, ang kayabangan at panlilinlang ay matatagpuan sa bawat tao, magkakaiba lamang ang antas, kaya ang mga ito ay medyo madaling malaman. Ngunit ang pagkilatis kung ang mga kaisipan at pananaw ng isang tao ay naaayon ba sa katotohanan ay mahirap, at hindi kasingdali ng pagkilala sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao. Kapag ang pag-uugali o mga panlabas na pagsasagawa ng isang tao ay bahagyang nagbago, ang pakiramdam ng taong iyon ay na para bang siya ay nagbago, ngunit ang totoo, ito ay isa lamang pagbabago sa pag-uugali, at hindi ito nangangahulugang ang kanyang pananaw sa mga bagay-bagay ay tunay nang nagbago. Sa kaibuturan ng puso ng mga tao, marami pa ring kuru-kuro at imahinasyon, sari-saring kaisipan, mga pananaw, at mga lason ng tradisyonal na kultura, at maraming bagay na laban sa Diyos. Ang mga bagay na ito ay nakatago sa kalooban nila, hindi pa naisisiwalat. Ang mga ito ang pinagmulan ng mga tiwaling disposisyon, at ang mga ito ay nagmumula sa loob ng kalikasang diwa ng tao. Iyan ang dahilan kung bakit, kapag may ginawa ang Diyos na hindi naaayon sa mga haka-haka mo ay lalabanan mo Siya at sasalungatin. Hindi mo maiintindihan kung bakit kumilos nang gayon ang Diyos, at bagamat alam mong mayroong katotohanan sa lahat ng ginagawa ng Diyos at nais mong magpasakop, hindi mo iyon magawa. Bakit hindi mo magawang magpasakop? Ano ang dahilan sa iyong pagsalungat at paglaban? Ito ay dahil maraming bagay sa mga kaisipan at pananaw ng tao ang laban sa Diyos, laban sa mga prinsipyo sa pagkilos ng Diyos at laban sa Kanyang diwa. Mahirap para sa mga tao ang magkamit ng kaalaman tungkol sa mga bagay na ito. Dahil nagbahagi Ako sa mga salitang ito, dapat ay magawa ninyong magkamit ng kabatiran at kaunting pagkaunawa. Ipagpalagay na mayroon kayong mga haka-haka tungkol sa Diyos kapag may nangyayari at iniisip ninyo, “Hindi maaaring ito ay gawa ng Diyos, dahil kung ang Diyos ang may gawa nito, hindi Niya ito ginawa nang ganito, o hindi Siya nagsalita nang gayon. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay pagmamahal, at madali para sa mga taong tanggapin,” ngunit pagkatapos ay ipagpalagay na iniisip ninyo, “Mali ang ganitong paraan ng pag-iisip. Sinabi ng Diyos dati na mayroong katotohanang dapat na hanapin kung saan hindi kayang makaunawa ng mga tao. Dapat akong magnilay-nilay sa sarili ko, yamang ang mga haka-haka at imahinasyon sa puso ko ang lumilitaw, na humahantong upang bigyan ko ng kahulugan ang gawain ng Diyos. Hindi ako dapat magkamali ng pagkaunawa sa Diyos”—ito ang tamang paraan upang magnilay-nilay sa sarili mo. Sa tuwing nakikita mo na ang gawain o mga salita ng Diyos ay hindi umaayon sa mga haka-haka mo, iyan ang panahon na dapat kang magnilay-nilay sa sarili mo, magmadaling hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, ihambing ang sarili mo sa mga ito at pagkatapos ay kumilos alinsunod sa mga ito. Hindi ba’t ito ay isang daan pasulong?
Katatapos lang natin magbahaginan sa kung paano dapat ituring ang mga magulang ng isang tao. Marami sa inyo ang nakakaramdam na marami kayong pagkakautang sa inyong mga magulang, yamang labis silang nagdusa para sa inyo sa buong buhay nila, at nagpakita sila sa inyo ng matinding pagmamahal at pag-aalaga. Kung isang araw ay magkasakit sila, nababagabag ang konsensiya mo, at pakiramdam mo ay ikaw ang sinisisi. Bigla mong naiisip na dapat manatili kang kasama ng mga magulang mo upang tuparin mo ang iyong tungkulin sa kanila bilang anak, upang aliwin sila at tiyaking masaya sila sa kanilang pagtanda. Iniisip mong ito ang iyong responsabilidad at obligasyon bilang anak nila. Kung, sa iyong pagtupad sa obligasyong ito, may hinging isang bagay ang Diyos sa iyo o bigyan ka Niya ng hindi inaasahang pagsubok, ang layunin Niya ay hindi mo dapat gawin iyon, kundi dapat kang manalig sa Diyos, gampanan nang maayos ang tungkulin mo, at hangarin ang katotohanan bilang ang prinsipyo. Anong mararamdaman mo kung tuwirang hingin ng Diyos sa iyo na huwag kang maging mabuting anak sa mga magulang mo o makitungo sa kanila sa ganoong paraan? Pag-iisipan mong mabuti ang bagay na ito sa pananaw ng mga tradisyonal na haka-haka, at magrereklamo ka tungkol sa Diyos sa iyong puso, iniisip na ginawa Niya ito nang hindi isinasaalang-alang ang iyong damdamin, at na hindi nito tinutupad ang iyong paggalang sa magulang. Naniniwala ka na ikaw ay kumikilos nang may buong paggalang sa magulang, pagkatao, at konsensiya, ngunit hindi ka hinahayaan ng Diyos na kumilos alinsunod sa iyong konsensiya o paggalang sa magulang. Pagkatapos ay lalabanan, paghihimagsikan at sasalungatin mo ang Diyos, at hindi mo tatanggapin ang katotohanan. Sinasabi Ko ang lahat ng ito upang mapagtanto ng mga tao na ang ugat at ang diwa ng mapaghimagsik na kalikasan ng tao ay pangunahing nagmumula sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao, na hinuhubog ng edukasyon na kanilang tinatanggap mula sa pamilya at lipunan, at gayon na rin mula sa tradisyonal na kultura. Pagkatapos na ang mga bagay na ito ay unti-unting matanim nang malalim sa puso ng mga tao, sa pamamagitan ng kaugalian sa pamilya, o sa impluwensiya ng lipunan at akademikong edukasyon, magsisimula ang mga taong mamuhay ayon sa mga ito. Magsisimula silang maniwala nang hindi nila namamalayan na ang tradisyonal na kulturang ito ay tama, malinis, at hindi maaaring pulaan, at na sa pamamagitan lamang ng pagkilos alinsunod sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura na sila ay maaaring maging mga tunay na tao. Kung hindi nila gagawin iyon, mararamdaman nilang wala silang konsensiya, na salungat sila sa pagkatao at walang anumang pagkatao, at hindi nila ito matatanggap. Hindi ba’t ang mga kaisipan at pananaw na ito ng tao ay napakalayo sa katotohanan? Ang mga bagay sa mga kaisipan at pananaw ng tao, at ang mga mithiing hinahangad ng mga tao, ay nakatuon lahat sa mundo, kay Satanas. Ang hinihingi ng Diyos na hangarin ng tao ang katotohanan ay nakatuon sa Diyos, sa liwanag. Ang mga ito ay dalawang magkaibang direksyon, dalawang magkaibang mithiin. Kumilos ka alinsunod sa mga mithiin ng Diyos at hinihingi sa tao at ang pagkatao mo ay lalong magiging normal, lalo kang magkakaroon ng wangis ng tao, at magiging mas malapit ka sa Diyos. Kung kikilos ka alinsunod sa mga kaisipan at pananaw ng tradisyonal na kultura, lalong mawawala sa iyo ang iyong konsensiya at katwiran, lalo kang magiging huwad at peke, lalo kang susunod sa mga kalakaran ng mundo, at magiging bahagi ka ng mga puwersa ng kasamaan. Kung magkagayon ay ganap kang mabubuhay sa kadiliman, sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ganap mo nang nalabag ang katotohanan at pinagtaksilan ang Diyos.
Ang mga taong nabubuhay sa tunay na lipunang ito ay ginawa nang labis na tiwali ni Satanas. Sila man ay nakapag-aral o hindi, marami sa tradisyonal na kultura ang nakatanim na sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao. Sa partikular, kinakailangan ng mga babae na asikasuhin ang kanilang mga asawa at palakihin ang kanilang mga anak, na maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, inilalaan ang buong buhay nila sa kanilang mga asawa at anak at nabubuhay para sa kanila, tinitiyak na ang pamilya ay may kakainin tatlong beses sa isang araw, at ginagawa ang paglalaba, paglilinis, at lahat ng gawaing-bahay nang maayos. Ito ang tinatanggap na pamantayan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Iniisip din ng bawat babae na ganito dapat gawin ang mga bagay-bagay, at na kung hindi niya ito gagawin ay hindi siya isang mabuting babae, at nilabag niya ang konsensiya at ang mga pamantayan ng moralidad. Magiging mabigat sa konsensiya ng ilang tao ang paglabag sa mga pamantayan ng moralidad na ito; mararamdaman nilang binigo nila ang kanilang mga asawa at anak, at na hindi sila mabubuting babae. Ngunit pagkatapos mong manalig sa Diyos, makapagbasa ng maraming salita Niya, maintindihan ang ilang katotohanan, at maunawaan ang ilang bagay, ay iisipin mo, “Ako ay isang nilikha at dapat kong gampanan ang aking tungkulin nang ganito, at gugulin ang sarili ko para sa Diyos.” Sa oras na ito, mayroon bang hindi pagkakatugma sa pagitan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, at sa pagsasakatuparan mo ng iyong tungkulin bilang isang nilikha? Kung nais mong maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi mo magagampanan ang tungkulin mo nang buong oras, ngunit kung nais mong gampanan ang tungkulin mo nang buong oras, hindi ka maaaring maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Anong gagawin mo ngayon? Kung pipiliin mong gampanan ang tungkulin mo nang maayos at maging responsable para sa gawain ng iglesia at maging tapat sa Diyos, dapat mong isuko ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ano nang iisipin mo ngayon? Anong uri ng hindi pagkakatugma ang lilitaw sa isip mo? Mararamdaman mo bang tila binigo mo ang iyong mga anak, ang iyong asawa? Saan nanggagaling ang damdaming ito ng pagkakasala at pagkabalisa? Kapag hindi mo ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha, nararamdaman mo bang tila binigo mo ang Diyos? Wala kang pagkaramdam ng pagkakasala o pananagutan dahil sa puso at isip mo ay wala ni katiting na bahid ng katotohanan. Kaya, anong naiintindihan mo? Ang tradisyonal na kultura at ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Kaya ang haka-haka na “Kung hindi ako isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi ako isang mabuti o disenteng babae” ay lilitaw sa isip mo. Ikaw ay gagapusin at pipigilan ng haka-hakang ito mula sa puntong iyon, at pananatilihin kang ganoon ng mga uring ito ng mga haka-haka kahit pagkatapos mong manalig sa Diyos at gampanan ang tungkulin mo. Kapag mayroong hindi pagkakatugma sa pagitan ng pagtupad mo sa tungkulin mo at ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, bagamat maaaring piliin mo nang may pag-aatubili na gampanan ang tungkulin mo, na magtaglay ka ng kaunting katapatan sa Diyos, magkakaroon pa rin ng pagkaramdam ng pagkabalisa at pananagutan sa puso mo. Kaya naman, kapag mayroon kang kaunting bakanteng oras habang ginagampanan mo ang tungkulin mo, maghahanap ka ng mga pagkakataon upang alagaan ang iyong mga anak at asawa, sa higit pang pagnanais na bumawi sa kanila, at iisipin mo na ayos lang kahit na kailanganin mo pang lalong magdusa, basta’t mayroon kang kapayapaan ng isip. Hindi ba’t ito ay idinulot ng impluwensiya ng mga ideya at teorya ng tradisyonal na kultura tungkol sa pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina? Ngayon ay mayroon ka nang paa sa magkabilang kampo, nagnanais na gampanan ang tungkulin mo nang maayos ngunit nagnanais ding maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ngunit sa harap ng Diyos, mayroon lang tayong iisang responsabilidad at obligasyon, iisang misyon: ang gampanan nang tama ang tungkulin ng isang nilikha. Nagampanan mo na ba nang maayos ang tungkuling ito? Bakit ka lumihis ulit? Wala ba talagang pagkaramdam ng pananagutan o paninisi sa puso mo? Dahil ang katotohanan ay hindi pa rin nakapaglatag ng mga pundasyon sa puso mo, at hindi pa ito naghahari doon, maaari kang malihis habang ginagampanan mo ang tungkulin mo. Bagamat ngayon ay nagagampanan mo ang tungkulin mo, ang totoo ay hindi mo pa rin naaabot ang mga pamantayan ng katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos. Nakikita mo na ba nang malinaw ngayon ang katotohanang ito? Ano ang ibig sabihin ng Diyos nang sabihin Niyang “Diyos ang pinagmulan ng buhay ng tao?” Ito ay para mapagtanto ng lahat na: Ang buhay natin at kaluluwa ay nagmula lahat sa Diyos at nilikha Niya—hindi mula sa mga magulang natin, at lalong hindi mula sa kalikasan, kundi ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Tanging ang laman natin ang isinilang ng mga magulang natin, kung paanong ang mga anak natin ay isinilang natin, ngunit ang tadhana nila ay ganap na nasa kamay ng Diyos. Na tayo ay nakakapanalig sa Diyos ay isang oportunidad na ipinagkaloob Niya; ito ay itinakda Niya at biyaya Niya. Kaya, hindi mo na kailangang tuparin pa ang obligasyon o responsabilidad mo sa kahit kaninuman; dapat mo lang tuparin ang tungkulin mo sa Diyos bilang isang nilikha. Ito ang dapat gawin ng mga tao higit sa ano pa man, ang pangunahing bagay na dapat gawin bilang ang pinakamahalagang bagay sa buhay ng isang tao. Kung hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, hindi ka isang karapat-dapat na nilikha. Sa mata ng ibang tao, maaaring isa kang mabuting asawa at mapagmahal na ina, isang napakahusay na maybahay, isang anak na may paggalang sa magulang, at isang kagalang-galang na miyembro ng lipunan, ngunit sa harap ng Diyos, ikaw ay isang naghihimagsik laban sa Kanya, isang hindi ginampanan ang mga obligasyon o tungkulin niya kahit kailan, isang tinanggap ngunit hindi kinumpleto ang atas ng Diyos, isang sumuko sa kalagitnaan. Maaari bang makamit ng isang gaya nito ang pagsang-ayon ng Diyos? Ang mga taong tulad nito ay walang halaga. Kahit gaano ka pa kaperpektong asawa at ina, o gaano pa kataas ang iyong mga pamantayan ng panlipunang moralidad, o gaano pa karaming papuri ang natatanggap mo mula sa iba, hindi ito nangangahulugang isinasagawa mo ang katotohanan, lalong hindi na sinusunod mo ang Diyos. Kung nayayamot ka sa katotohanan at tumatanggi kang tanggapin ito, nagpapatunay lang ito na wala kang konsensiya o katwiran, walang normal na pagkatao, at ikaw ay isang taong walang Diyos sa puso mo sa anumang paraan. Hindi ba’t ang ganitong uri ng tao ay napakalayo sa mga hinihingi ng Diyos? Ganito ang mga hindi naghahangad sa katotohanan, palaging nabubuhay alinsunod sa mga ideya at teorya ng tradisyonal na kultura, palaging sinusunod ang mga kalakaran ng lipunan, ngunit hindi tinatanggap ang katotohanan at walang kakayahang sumunod sa Diyos. Hindi ba’t ang mga taong ito ay naghihikahos at kahabag-habag? Hindi ba’t sila ay mga hangal at mangmang? Ang pagiging mabuting asawa ba at mapagmahal na ina, ang pagiging isa bang mabuti at kinagigiliwang babae, ay karapat-dapat na ipagyabang at ipagmalaki?
Ang totoo, ang lahat ng bagay na pinanghahawakan ng mga tao sa kanilang puso ay salungat sa katotohanan at kontra sa Diyos. Kabilang diyan ang mga bagay na pinaniniwalaan natin na positibo, mabuti, at ang mga bagay na sa pangkalahatan ay itinuturing na tama. Nakikita pa nga natin ang mga bagay na ito bilang ang katotohanan, bilang mga pangangailangan ng tao at mga bagay na kung saan dapat pumasok ang mga tao. Ngunit sa Diyos, ang mga ito ay kasuklam-suklam na bagay. Gaano kalayo sa mga katotohanang sinambit ng Diyos ang mga pananaw na nakikita ng tao bilang tama, o ang mga bagay na pinaniniwalaan ng tao na positibo? Napakalayo talaga—hindi masusukat ang distansya. Kaya, dapat makilala natin ang ating sarili, at ang lahat magmula sa akademikong edukasyon na tinanggap natin hanggang sa mga paghahangad at kagustuhan natin, magmula sa mga kaisipan at pananaw natin hanggang sa mga landas na pinipili at tinatahak natin, ay nararapat na malalim na isiwalat at suriin. Ang ilan sa mga ito ay minana ng isang tao mula sa kanyang pamilya; ang ilan ay mula sa kanyang pinag-aralan; ang ilan ay mula sa impluwensiya at pagkondisyon ng mga kapaligirang panlipunan; ang ilan ay natututunan mula sa mga aklat; at ang ilan ay mula sa ating mga imahinasyon at haka-haka. Ang mga ito ang mga pinakanakakatakot na bagay, dahil pinangingibabawan nito ang ating isip, at pinamumunuan ang mga motibo, layunin, at mithiin ng mga kilos natin. Iginagapos at kinokontrol din ng mga ito ang ating mga salita at kilos. Kung hindi natin isisiwalat at itatakwil ang mga bagay na ito, hindi natin lubos na tatanggapin ang mga salita ng Diyos kailanman, at hindi natin kailanman tatanggapin ang mga hinihingi Niya at isasagawa ang mga ito nang walang pasubali. Hangga’t nagkikimkim ka ng mga sarili mong ideya at pananaw, at mga bagay na pinaniniwalaan mo bilang tama, hinding-hindi mo tatanggapin ang mga salita ng Diyos nang walang pasubali, ni isasagawa ang mga ito sa kanilang orihinal na anyo; tiyak na ipoproseso mo ang mga salita ng Diyos sa puso mo, at isasagawa mo lamang ang mga ito pagkatapos mong maitugma ang mga ito sa iyong mga haka-haka. Ganito ka kikilos, at ganito mo “tutulungan” ang iba, sa pamamagitan ng pag-akay sa kanila na gawin ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga pamamaraan mo. Magmimistulang isinasagawa mo ang mga salita ng Diyos, ngunit ang isinasagawa mo ay ang mga adulterasyon ng tao. Hindi mo ito malalaman, at iisipin mo na isinasagawa mo ang katotohanan, na pumasok ka na sa katotohanang realidad, na nakamit mo na ang katotohanan. Hindi ba’t iyan ay pagmamataas at pagmamagaling? Hindi ba’t ang ganoong kalagayan ay nakakatakot? Kung ang mga tao ay hindi maingat sa pagsasagawa ng katotohanan, ang mga paglihis ay mangyayari. Kung ang isang tao ay palaging umaasa sa kanyang mga imahinasyon upang isagawa ang mga salita ng Diyos, hindi lamang na hindi niya isinasagawa ang katotohanan, hindi rin niya maisasakatuparan ang pagpapasakop sa Diyos. Kung ang layon ng isang tao ay ang pumasok sa katotohanang realidad, dapat siyang magnilay-nilay sa kung anong mga haka-haka at imahinasyon ang umiiral sa kanya, gayundin ang kung aling mga pananaw niya ang hindi nakaayon sa katotohanan. Kapag sinusuri ang mga bagay na ito, hindi magiging sapat ang isa o dalawang salita lang upang ipaliwanag nang husto ang mga ito o upang linawin ang mga ito. Natural na maraming iba pang ganitong bagay sa buhay. Gaya ng mahigit isandaang lason ni Satanas na nalikom mula sa nakaraan—maaaring naunawaan mo ang mga salita at parirala, ngunit paano mo inihambing ang sarili mo sa mga ito? Nakapagnilay-nilay ka na ba sa mga ito? Hindi ba’t may bahagi ka rin sa mga lasong ito? Hindi ba’t sinasalamin din ng mga ito kung paano ka mag-isip? Kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay, hindi ba’t kumikilos ka rin batay sa mga lasong ito? Dapat mong siyasatin nang malalim ang iyong personal na karanasan, at ihambing ito sa mga salitang iyon. Kung babasahin lang ninyo ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga lason ni Satanas, susulyapan lamang ang mga ito, o kung pahapyaw mo lang na iniisip ang mga ito, inaamin na ang mga ito ay mga lason nga, na ginagawa ngang tiwali at pinipinsala nga ng mga ito ang mga tao, at pagkatapos ay isasantabi mo ang mga salita ng Diyos, wala kang magiging paraan upang lutasin ang tiwaling disposisyon mo. Maraming tao ang nagbabasa ng mga salita ng Diyos pero hindi nila maiugnay ang mga ito sa realidad. Binabasa lang nila ang mga salita at sinusulyapan ang teksto, at hangga’t naiintindihan nila ang literal na kahulugan nito, naniniwala sila na naunawaan nila ang mga salita ng Diyos, o na naunawaan pa nga nila ang katotohanan. Ngunit hindi sila nagninilay-nilay kailanman sa mga tiwaling disposisyon nila, at kapag alam nila na naghahayag sila ng katiwalian, hindi nila hinahanap ang katotohanan upang lutasin ito. Nasisiyahan na sila na aminin lang na ang lahat ng kalagayan na inilantad ng mga salita ng Diyos ay totoo at na ang mga ito ay mga pagbuhos ng mga tiwaling disposisyon, at humihinto na sila roon. Magagawa ba ng isang taong nagbabasa ng mga salita ng Diyos nang ganito na tunay na makilala ang kanyang sarili? Maiwawaksi ba niya ang kanyang tiwaling disposisyon? Tiyak na hindi. Karamihan ng mga taong nananalig sa Diyos ay ganito ang ginagawa, at bilang resulta, wala silang nakikitang pagbabago sa kanilang disposisyon pagkaraan ng sampu o dalawampung taon ng pananalig. Ang ugat na dahilan nito ay na hindi nila pinagsisikapan ang mga salita ng Diyos, at hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan at magpasakop dito sa kanilang puso. Sumusunod lang sila sa mga alituntunin sa kanilang pagsasagawa at umiiwas na makagawa ng malaking kasamaan, at dahil diyan iniisip na nilang isinasagawa nila ang katotohanan. Hindi ba’t may paglihis sa kanilang pagsasagawa? Ang pagsasagawa ba ng katotohanan ay ganoon lang kasimple? Ang mga tao ay mga nabubuhay na nilikha at lahat sila ay may mga kaisipan; sa partikular, ang lahat ng tao ay mayroong mga tiwaling disposisyon na nakaugat nang malalim sa kanilang puso, at nagtataglay ng sari-saring kaisipan at pananaw na lumitaw mula sa pangingibabaw ng kanilang satanikong kalikasan. Ang lahat ng kaisipan at pananaw na ito ay mga pagbuhos ng isang satanikong disposisyon. Kung hindi kayang suriin at malaman ng mga tao ang mga bagay na ito batay sa katotohanan ng mga salita ng Diyos, wala silang paraan upang malaman ang kanilang tiwaling diwa, at ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay hindi malilinis. Bakit ba ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan ay napakayabang, mapagmagaling, at matigas ang ulo? Ito ay dahil silang lahat ay mayroong magkakaibang kaisipan at pananaw sa iba’t ibang bagay, at lahat sila ay may ilang ideya at teorya na gagabay sa kanila, kaya ang pakiramdam nila ay tama sila, hinahamak nila ang iba, at sila ay mga mapagmataas, mapagmagaling, at matigas ang ulo. Kahit gaano pa magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan ang ibang tao, ayaw nilang tanggapin ito—patuloy silang nabubuhay alinsunod sa mga kaisipan at pananaw na nasa kalooban nila, dahil ang mga iyon ay naging buhay na nila. Ang totoo, sa lahat ng iyong ginagawa, mayroong isang kaisipan o pananaw sa kalooban mo na nagdidikta kung paano mo ito ginagawa, at ang iyong direksyon sa paggawa nito. Kung hindi mo ito alam, dapat kang magnilay-nilay sa sarili mo nang madalas, pagkatapos ay malalaman mo na kung anong mga kaisipan at pananaw na nasa iyo ang kumokontrol sa mga kilos at gawa mo. Siyempre, kung sisiyasatin mo ang mga kaisipan at pananaw mo ngayon, mararamdaman mong walang anumang nasa mga ito ang kontra sa Diyos, na ikaw ay totoo at tapat, na ginagampanan mo nang taos-puso ang tungkulin mo, na kaya mong talikuran ang mga bagay-bagay at gugulin ang sarili mo para sa Diyos. Mararamdaman mo na maayos ang ginagawa mo sa lahat ng bagay na ito. Ngunit kapag ang Diyos ay naging seryoso talaga sa iyo, kapag may ipinagawa Siya sa iyong isang bagay na hindi naaayon sa mga haka-haka mo, isang bagay na ayaw mong gawin, paano mo ito haharapin? Iyan ang pagkakataon na ang mga kaisipan, pananaw, at tiwaling disposisyon mo ay malalantad, gaya ng tubig na dumadaloy mula sa isang nabuksang kanal—hindi mo ito makokontrol, kahit na gusto mo. Pipigilan ka nito sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos. Sasabihin mo, “Bakit hindi ko makontrol ang sarili ko? Ayaw kong labanan ang Diyos, kaya bakit ganoon ako? Ayaw kong husgahan ang Diyos, at ayaw kong magkaroon ng mga haka-haka tungkol sa Kanyang mga kilos—kaya bakit ko Siya hinuhusgahan? Bakit taglay ko pa rin ang mga haka-hakang ito?” Sa panahong ito, dapat magnilay-nilay ka at kilalanin ang sarili mo, at suriin kung ano ang nasa kalooban mo na lumalaban sa Diyos, o na kontra at salungat sa gawain na kasalukuyan Niyang ginagawa. Kung masusuri mo ang mga bagay na ito at malulutas mo ang mga ito alinsunod sa katotohanang nasa mga salita ng Diyos, magkakaroon ka ng pag-usad sa buhay at ikaw ay magiging isang taong nakakaunawa sa katotohanan.
Ang Tsina ay pinamumunuan ng isang ateistang partidong politikal at ang mga mamamayang Tsino ay tinuturuan tungkol sa ateismo at ebolusyon, gamit ang mga kilalang kasabihan gaya ng “Ang lahat ng bagay ay nagmumula sa kalikasan” at “Ang mga tao ay nagmula sa mga unggoy.” Pagkatapos manalig sa Diyos at magbasa ng Kanyang mga salita, alam mo na ang langit at lupa at lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos, kabilang na ang mga tao, at may kakayahan ang lahat ng tao na maramdaman sa kanilang puso na ang salita ng Diyos ay totoo. Ang sangkalikasan ay nilikha ng Diyos, at walang anumang bagay na maaaring umiral kung hindi nilikha ng Diyos ang mga ito. Partikular na hindi mapapangatwiranan na ang mga tao ay nagmula sa mga unggoy, dahil sa buong kasaysayan ng tao ay walang sinuman ang nakakita ng isang unggoy na naging isang tao. Walang ebidensiya, kaya ang lahat ng ito ay mga kasinungalingan at panlilinlang ni Satanas. Tinatanggihan ng mga nakakaunawa sa katotohanan ang mga kasinungalingan, maling pananampalataya, at maling paniniwala ni Satanas, at pinaniniwalaan nila ang Bibliya at ang mga salita ng Diyos nang walang anumang pag-aalinlangan. Ngunit imposible para sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan na lubusang tanggapin na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Maaaring magtaka ang iba, “Ang tao ay nilikha ng Diyos, ngunit paano? Bakit hindi ko ito nakita? Hindi ako maniniwala sa hindi ko nakita.” Ang pananalig nila sa Diyos ay batay sa kung ano ang nakikita nila mismo. Hindi ito pagkakaroon ng pananampalataya. Ang tao ay nagmula sa Diyos, at ginabayan ng Diyos ang tao sa bawat hakbang hanggang ngayon, palaging mayroong kapamahalaan sa tadhana ng tao. Ito ay katotohanan. Sa mga huling araw, ipinaalam ng Diyos ang lahat ng hiwagang ito, sinasabing ang tao ay muling ipinapanganak pagkatapos mamatay at lumilipat ang kanyang kaluluwa sa panibagong katawan pagkatapos niyang mamatay, at na ang buhay at kaluluwa ng tao ay ibinigay ng Diyos at mula sa Kanya. Ito ang katotohanan. Ngunit tuwing nakikita mo ang aspektong ito ng katotohanan, dahil hindi mo tinatanggap ang mga salitang ito ng Diyos bilang katotohanan, ikinukumpara mo ang mga ito sa sarili mong mga kaisipan at pananaw: “Dahil hindi nanggaling ang tao mula sa mga unggoy, paanong nagmula ang tao sa Diyos? Paano Niya binigyan ang tao ng buhay?” Kung hindi mo nauunawaan ang Diyos, iisipin mong imposible na ang Diyos ay mayroong kapangyarihan, karunungan o awtoridad na lumikha ng tao sa pamamagitan lamang ng hininga o isang salita. Hindi ka naniniwala na ito ay isang katunayan, o na ito ang katotohanan. Kapag mayroon kang mga pag-aalinlangan, nilalabanan mo ang mga salitang ito ng Diyos, sinasabing hindi mo pinaniniwalaan ang mga ito, ngunit ang totoo, ang puso mo ay nasa isang kalagayan ng paglaban at saloobin ng pagsalungat. Ayaw mong makinig kapag sinasabi ng Diyos ang mga salitang ito, nakakaramdam ka ng pagkontra sa puso mo, at hindi ka makasang-ayon sa mga salita ng Diyos. Sa realidad, kung titingnan natin ang mga katunayan, hindi na natin kailangang imbestigahan pa kung paano o kung kailan nilikha ng Diyos ang tao, kung sino ang nakakita rito, o kung mayroong sinumang makakapagpatotoo rito. Hindi ito kailangang pag-aralan ng mga tao. Kapag tunay na nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at nalalaman ang mga gawa ng Diyos, sila mismo ay makakapagpatotoo. Ano ang pangunahing isyu na dapat nilang pagtuunan ng pansin ngayon? Ito ay ang malaman ang gawain ng Diyos. Mula simula hanggang wakas, ginagampanan na ng Diyos ang Kanyang gawain ng pamamahala at pagliligtas sa tao kasama ng sangkatauhan. Mula simula hanggang wakas, mayroong iisang Diyos lamang na gumagawa, nagsasalita, nagtuturo at gumagabay sa sangkatauhan. Ang Diyos na ito ay umiiral. Marami nang sinambit na salita ang Diyos ngayon, nakita na natin Siya nang harapan, narinig na natin Siyang magsalita, naranasan na natin ang gawain Niya, at kumain at uminom na tayo ng Kanyang mga salita, tinatanggap ang Kanyang mga salita upang maging buhay natin. At patuloy tayong ginagabayan at binabago ng mga salitang ito. Ang Diyos na ito ay tunay ngang umiiral. Kaya, dapat nating paniwalaan, gaya ng sinabi ng Diyos, ang katunayan na nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, at ang katunayan na nilikha ng Diyos sina Adan at Eba sa pasimula. Dahil naniniwala kang umiiral ang Diyos na ito at lumapit ka na ngayon sa harap Niya, kailangan mo pa rin bang kumpirmahin na ang gawaing ginampanan ni Jehova ay ang gawain ng Diyos na ito? Kung walang makakapagkumpirma nito at walang nakakasaksi rito, hindi mo ba ito paniniwalaan? O tungkol naman sa gawain mula sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ka ba naniniwala na si Jesus ang Diyos na nagkatawang-tao dahil hindi mo Siya nakita kailanman? Kung hindi mo personal na nakita ang kasalukuyang Diyos na nagsalita, gumawa o nagkatawang-tao, hindi mo ba ito paniniwalaan? Kung hindi mo nakita ang mga bagay na ito o walang mga saksing magpapatunay sa mga bagay na ito, hindi mo ba paniniwalaan ang lahat ng ito? Ito ay dahil sa hindi makatwirang maling pananaw ng mga tao sa kalooban nila. Ito ay isang pagkakamaling ginagawa ng napakaraming tao. Kailangan nilang makita nang personal ang lahat, at kung hindi, hindi nila ito paniniwalaan. Ito ay mali. Kung ang isang tao ay tunay na kilala ang Diyos, may kakayahang maniwala sa salita ng Diyos kahit hindi nakikita ang mga katunayan, at may kakayahang patunayan ang salita ng Diyos, saka pa lamang na siya ay ang uri ng taong nauunawaan ang katotohanan at mayroong tunay na pananampalataya. Ngayong nakita na natin ang mga salitang ito ng Diyos at narinig na natin ang Kanyang tinig, sapat na iyon para magkaroon tayo ng tunay na pananampalataya at sa gayon ay magawa tayong sumunod sa Kanya at maniwala sa bawat salita at sa lahat ng gawain na nagmumula sa Diyos. Hindi na natin kailangang patuloy na suriin o saliksikin ang mga bagay-bagay. Hindi ba’t iyan ang uri ng pakiramdam na dapat taglayin ng mga tao? Walang sinuman ang makasasaksi nang likhain ng Diyos ang sangkatauhan, ngunit ngayon ang Diyos ay nagkatawang-tao upang magpahayag ng mga katotohanan at iligtas ang sangkatauhan, upang gampanan ang Kanyang gawain nang praktikal, at upang lumakad kasama ng mga iglesia at gumawa kasama ng sangkatauhan. Hindi ba’t nakita na ito ng maraming tao? Hindi lahat ay nagagawang makita ito, ngunit pinaniniwalaan mo ito. Bakit mo ito pinaniniwalaan? Hindi ba’t naniniwala ka lang dahil nararamdaman mong ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at na ito ang tunay na daan at ang gawain ng Diyos? Masasabi mo pa rin bang, “Sa yugtong ito ng gawain ng Diyos, narinig ko Siyang magsalita, at nakita ko rin ang mga salita ng Diyos. Totoo na ang mga salitang ito ay nagmula sa Diyos. Ngunit pagdating sa gawain ng Panginoong Jesus na pagpapapako sa krus, hindi ko nahawakan ang mga bakas ng pako sa Kanya, kaya hindi ko pinaniniwalaan ang katunayan na Siya ay ipinako sa krus. Hindi ko nasaksihan ang gawain na ginawa ng Diyos na si Jehova noong Kapanahunan ng Kautusan, at hindi ko narinig ang mga kautusan nang ipahayag Niya ang mga ito. Tanging si Moises lang ang nakarinig sa mga iyon at ang sumulat ng Limang Aklat ni Moises, ngunit hindi ko alam kung paano niya isinulat ang mga iyon”? Nasa normal na kalagayan ba ng pag-iisip ang mga taong nagsasabi ng mga bagay na ito? Sila ay mga walang pananampalataya at hindi mga taong tunay na nananalig sa Diyos. Ito ay gaya lang nang sabihin ng mga Israelita na, “Si Jehova ba ay kay Moises lamang nakipag-usap? Hindi ba Siya nakipag-usap din sa atin?” (Mga Bilang 12:2). Ang ibig nilang sabihin ay, “Hindi kami makikinig kay Moises, dapat naming marinig ito nang personal mula sa Diyos na si Jehova.” Gaya nang sabihin ng mga tao noong Kapanahunan ng Biyaya na, dahil hindi nila ito personal na nakita gamit ang sarili nilang mga mata, hindi sila naniwala na si Jesus ay ipinako sa krus o na Siya ay muling nabuhay. May isang alagad na ang pangalan ay Tomas na nagpumilit na mahawakan ang mga bakas ng pako kay Jesus. At ano ang sinabi ng Panginoong Jesus sa kanya? (“Tomas, sapagkat Ako’y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya” (Juan 20:29).) “Mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya.” Ano talaga ang ibig sabihin nito? Wala ba talaga silang nakita? Ang totoo, ang lahat ng bagay na sinabi ni Jesus at ang lahat ng gawain na ginawa Niya ay nagpatunay na na si Jesus ay ang Diyos, kaya dapat pinaniwalaan ito ng mga tao. Hindi kailangan ni Jesus na gumawa ng mas marami pang mga tanda at himala o magsalita ng mas marami pang salita, at hindi kailangan ng mga tao na masalat ang mga bakas ng pako sa Kanya upang maniwala. Ang tunay na pananampalataya ay hindi umaasa sa nakikita, kundi sa halip, kasama ng espirituwal na pagpapatibay, ang pananalig ay pinanghahawakan hanggang sa pinakawakas at nang walang anumang pag-aalinlangan kahit kailan. Si Tomas ay isang walang pananampalataya na umasa lamang sa nakikita. Huwag kang maging gaya ni Tomas.
Ang mga taong gaya ni Tomas ay totoong umiiral sa iglesia. Patuloy nilang pinagdududahan ang pagkakatawang-tao ng Diyos, at hinihintay nilang umalis ang Diyos sa mundo, bumalik sa ikatlong langit, at na makita ang tunay na pagkatao ng Diyos upang maniwala sa wakas. Hindi sila naniniwala sa Kanya dahil sa mga salitang binigkas Niya noong Siya ay nagkatawang-tao. Pagdating ng oras na ang ganitong uri ng tao ay manalig, magiging huling-huli na ang lahat, at iyan ang oras na sila ay kokondenahin na ng Diyos. Sinabi ng Panginoong Jesus “Tomas, sapagkat Ako’y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya.” Ang mga salitang ito ay nangangahulugan na siya ay kinondena na ng Panginoong Jesus at na siya ay isang walang pananampalataya. Kung tunay kang nananalig sa Panginoon at sa lahat ng sinabi Niya, ikaw ay pagpapalain. Kung matagal ka nang sumusunod sa Panginoon ngunit hindi naniniwala sa Kanyang kakayahan na muling mabuhay, o na Siya ang makapangyarihang Diyos, wala kang tunay na pananampalataya at hindi mo magagawang magtamo ng mga pagpapala. Tanging sa pamamagitan lang ng pananampalataya matatamo ang mga pagpapala, at kung hindi ka nananalig, hindi mo matatamo ang mga ito. Ikaw ba ay may kakayahan lamang na manalig sa anumang bagay kung ang Diyos ay magpapakita sa iyo, hahayaan kang makita Siya, at kukumbinsihin ka nang harapan? Bilang isang tao, paano ka naging kuwalipikado na hilingin sa Diyos na magpakita Siya sa iyo nang personal? Paano ka naging kuwalipikado na gawin Siyang mangusap sa isang tiwaling tao na gaya ng sarili mo? Bilang karagdagan, paano ka naging kuwalipikado na kailanganin Niyang ipaliwanag sa iyo nang malinaw ang lahat ng bagay bago ka mananalig? Kung ikaw ay may katwiran, mananalig ka na pagkabasa mo pa lamang sa mga salitang ito na binigkas Niya. Kung tunay kang nananalig, hindi na mahalaga kung ano ang ginagawa Niya o kung ano ang sinasabi Niya. Sa halip, pagkakita mo na ang mga salitang ito ay ang katotohanan, ikaw ay isandaang porsiyentong magiging kumbinsido na ang mga ito ay sinabi ng Diyos at na ginawa Niya ang mga bagay na ito, at ikaw ay magiging handa nang sumunod sa Kanya hanggang sa wakas. Hindi mo ito kailangang pag-alinlanganan. Ang mga taong punong-puno ng pag-aalinlangan ay napakamapanlinlang. Hindi sila basta lang makakapanalig sa Diyos. Palagi nilang sinusubukang intindihin ang mga hiwagang iyon, at mananalig lang sila kapag lubusan na nilang nauunawaan ang mga iyon. Ang kanilang paunang kondisyon sa pananalig sa Diyos ay ang magkaroon ng mga malinaw na sagot sa mga tanong na ito: Paano pumarito ang Diyos na nagkatawang-tao? Kailan Siya dumating? Gaano Siya katagal mamamalagi bago Niya kailangang umalis? Saan Siya pupunta pagkaalis Niya? Ano ang proseso ng Kanyang pag-alis? Paano gumagawa ang Diyos na nagkatawang-tao, at paano Siya umaalis? … Nais nilang maintindihan ang ilang hiwaga; sila ay naririto upang imbestigahan ang mga ito, hindi upang hanapin ang katotohanan. Iniisip nilang hindi nila magagawang manalig sa Diyos maliban na lang kung mauunawaan nila ang mga hiwagang ito; tila ba ang kanilang pananalig ay naharangan. Ang pananaw na ito na mayroon ang gayong mga tao ay problematiko. Sa sandaling mayroon silang pagnanais na saliksikin ang mga hiwaga, hindi sila nag-aabalang pagtuunan ng pansin ang katotohanan o pakinggan ang mga salita ng Diyos. Maaari kayang makilala ng gayong mga tao ang kanilang sarili? Ang makilala ang kanilang sarili ay hindi madali para sa kanila. Hindi ito upang kondenahin ang isang uri ng tao. Kung hindi tinatanggap ng isang tao ang katotohanan at hindi siya naniniwala sa mga salita ng Diyos, wala siyang tunay na pananampalataya. Itutuon lamang niya ang kanyang pansin sa pagbusisi sa ilang salita, hiwaga, maliliit na bagay, o mga problemang hindi napansin ng mga tao. Ngunit posible rin na isang araw ay bibigyan siya ng kaliwanagan ng Diyos, o tutulungan siya ng mga kapatid sa pamamagitan ng palagiang pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at siya ay magbabago. Sa araw na mangyari ito, mararamdaman niyang ang mga dati niyang pananaw ay labis na hindi makatwiran, na siya ay labis na mayabang at masyadong mataas ang tingin niya sa kanyang sarili, at mahihiya siya. Ang mga mayroong tunay na pananampalataya ay magtitiwala sa anumang sabihin ng Diyos nang walang pag-aalinlangan, at kapag mayroon na silang kaunting karanasan at nakita na nila na ang mga salita ng Diyos ay natupad at naisakatuparan nang lahat, ang kanilang pananampalataya ay lalo pang lalakas. Ang ganitong uri ng tao ay isang taong may espirituwal na pang-unawa, na nananalig sa katotohanan at kayang tanggapin ang katotohanan, at na mayroong tunay na pananampalataya.
Tagsibol, 2008
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.