Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago (Unang Bahagi)

Mayroon na ba kayong paraan ngayon upang makilala ang inyong sarili, upang makapagtamo ng pagpasok sa buhay, at upang pumasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos? Mayroon ba kayong layunin o direksyon? Dapat ay mayroon kayong ilang ideya, dahil marami-rami na tayong napagbahaginan sa mga usaping gaya ng pagiging tapat na tao, pagkilala sa sarili mo, kung paano kumain at uminom ng salita ng Diyos, kung paano kayo dapat magbahaginan sa katotohanan upang lutasin ang mga problema, kung paano kayo dapat makipagtulungan nang maayos sa pagganap ng inyong tungkulin, kung paano dapat kumilos ang magkakapatid upang makabuo ng mga normal na relasyong interpersonal sa pagitan ng bawat isa, at iba pa. Ngayong mas maliwanag na sa inyo ang lahat ng aspeto ng katotohanan na may kaugnayan sa pananampalataya sa Diyos, mayroon na kayong kaunting praktikal na kaalaman, at hindi na kayo tulad ng dati—noong ang lahat ay malabo pa sa inyo kahit sa aling aspeto pa kayo tanungin—hindi ba’t mas maganda na ang inyong pakiramdam ngayon? (Ngayon ay mas nagiging maaliwalas na ang pakiramdam ko.) Ang “mas nagiging maaliwalas na” ay tama. Ang totoo, kahit aling aspeto ng katotohanan ang isinasagawa ng isang tao, ito man ay pagiging tapat na tao, o pagsasanay sa sarili na magpasakop sa Diyos, o ito man ay kung paano maayos na makitungo ang isang tao sa kanyang mga kapatid, kung paano isabuhay ang normal na pagkatao, o ang kahalintulad na bagay, kahit anong aspeto ng katotohanan ang hinahangad mong pasukin, dapat kang magsimula sa pamamagitan ng pagtalakay sa isyu ng pagkakilala sa sarili. Hindi ba’t may kinalaman ang pagiging tapat sa pagkilala sa sarili? Hindi mo maisasagawa ang katapatan hangga’t hindi mo pa nakikilala ang sarili mong panlilinlang at kawalan ng katapatan. Kapag nalaman mo nang nabigo kang sundin ang Diyos, saka mo pa lamang maisasagawa ang pagsunod sa Kanya, o hahanapin ang dapat mong gawin upang sumunod sa Kanya. Kung hindi mo kilala ang sarili mo, ang mga pagnanais mong maging isang tapat na tao, sumunod sa Diyos, o magkamit ng kaligtasan, ay pawang walang kahulugan. Ito ay dahil ang mga tao ay mayroong mga tiwaling disposisyon, at hindi madali para sa kanila ang magsagawa ng kahit anong aspeto ng katotohanan, dahil ang kanilang pagsasagawa ay palaging may bahid at hinahadlangan ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Kapag isinagawa mo ang anumang aspeto ng katotohanan, tiyak na lilitaw ang iyong mga tiwaling disposisyon, na magiging sagabal sa mga pagsusumikap mong maging isang tapat na tao, hahadlang sa pagpapasakop mo sa Diyos, at pipigil sa pagpapasensiya at pagpaparaya mo sa iyong mga kapatid. Kung hindi mo pagninilay-nilayan, isisiwalat, mabusising susuriin, o makikilala ang mga tiwaling disposisyong ito, at sa halip ay sasandig ka sa sarili mong mga haka-haka at imahinasyon upang maisagawa ang katotohanan, susunod ka lang sa mga panuntunan, dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan at hindi mo alam kung ano ang mga katotohanang prinsipyo na dapat mong sundin. Kaya, kahit aling aspeto ng katotohanan ang isinasagawa ng isang tao, o anuman ang kanyang ginagawa, dapat muna niyang pagnilay-nilayan at kilalanin ang kanyang sarili. Ang makilala ang sarili mo ay ang makilala ang bawat salita at gawa mo, at ang bawat kilos; ito ay ang makilala ang mga kaisipan at ideya mo, ang mga layunin mo, at ang mga haka-haka at imahinasyon mo. Dapat mo ring malaman ang mga pilosopiya ni Satanas sa pamumuhay, at ang lahat ng iba’t ibang lason ni Satanas, gayundin ang kaalaman tungkol sa tradisyonal na kultura. Dapat mong hanapin ang katotohanan at malinaw na kilatisin ang mga bagay na ito. Sa ganoong paraan, mauunawaan mo ang katotohanan at tunay mong makikilala ang sarili mo. Bagamat ang isang tao ay maaaring nakagawa ng maraming mabubuting gawa buhat nang magsimula siyang manalig sa Diyos, hindi pa rin niya makita nang malinaw ang maraming bagay, lalo na ang maunawaan ang katotohanan. Gayunman, dahil sa marami niyang mabubuting gawa, ang pakiramdam niya ay isinasagawa na niya ang katotohanan, na nagpasakop na siya sa Diyos, at na labis na niyang napalugod ang kalooban ng Diyos. Kapag walang nangyayari sa iyo, nagagawa mo ang anumang sabihin sa iyo, wala kang anumang pag-aalinlangan tungkol sa pagtupad sa anumang tungkulin, at hindi ka lumalaban. Kapag sinabihan kang ipalaganap ang ebanghelyo, hindi ka nagrereklamo at kaya mong tiisin ang paghihirap na ito, at kapag sinabihan kang maging abala at magtrabaho, o na gumawa ng isang gampanin, ginagawa mo ito. Dahil dito, pakiramdam mo ay isa kang taong nagpapasakop sa Diyos at tunay na naghahangad sa katotohanan. Ngunit kung ikaw ay seryosong tatanungin, “Ikaw ba ay isang tapat na tao? Ikaw ba ay isang taong tunay na nagpapasakop sa Diyos? Isang taong nagbago na ang disposisyon?”—kung ang bawat tao ay sisiyasatin gamit ang katotohanan ng mga salita ng Diyos—maaaring sabihin na walang sinuman ang nakaabot sa pamantayan, at na walang sinuman ang may kakayahang kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya, ang buong tiwaling sangkatauhan ay dapat na pagnilayan ang kanilang sarili. Dapat nilang pagnilayan ang mga disposisyon na kanilang ipinamumuhay, at ang mga satanikong pilosopiya, lohika, mga maling pananampalataya at maling paniniwala na pinanggagalingan ng lahat ng kanilang kilos at gawa. Dapat nilang pagnilayan ang ugat na dahilan kung bakit inihahayag nila ang kanilang tiwaling disposisyon, kung ano ang diwa ng kanilang pagkilos nang sutil, kung para saan at para kanino sila nabubuhay. Kung ito ay ihahambing sa katotohanan, ang lahat ng tao ay kokondenahin. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil labis nang ginawang tiwali ang tao. Hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at lahat sila ay namumuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Wala sila ni katiting na pagkakilala sa sarili, palagi silang nananalig sa Diyos alinsunod sa kanilang mga sariling haka-haka at imahinasyon, palagi nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin batay sa mga sarili nilang kagustuhan at pamamaraan, at palagi nilang sinusunod ang mga relihiyosong teorya sa kung paano sila maglingkod sa Diyos. Higit pa riyan, iniisip pa rin nila na punong-puno sila ng pananampalataya, na ang kanilang mga kilos ay napakamakatwiran, at sa huli, pakiramdam nila ay marami na silang nakamit. Walang kamalayan nilang naiisip na sila ay kumikilos na nang naaayon sa kalooban ng Diyos at na napalugod na nila ito nang lubos, at na naabot na nila ang mga hinihingi ng Diyos at sila ay sumusunod na sa kalooban Niya. Kung ganito ang nararamdaman mo, o kung iniisip mo na nakaani ka na ng ilang bunga sa ilang taon mo ng pananalig sa Diyos, lalo kang dapat manumbalik sa harapan ng Diyos upang siyasatin ang sarili mo. Dapat mong tingnan ang landas na nilakaran mo sa loob ng mga taon mo ng pananampalataya upang makita mo kung ang lahat ng kilos at gawa mo sa harap ng Diyos ay lubos bang naaayon sa Kanyang kalooban. Siyasatin mo kung alin sa mga pag-uugali mo ang salungat sa Diyos, kung alin ang nakapagpasakop sa Kanya, kung ang mga kilos mo ba ay nakaabot at nakatupad sa mga hinihingi ng Diyos. Dapat mong linawin ang lahat ng ito, dahil saka mo pa lamang makikilala ang sarili mo.

Ang susi sa pagninilay-nilay sa sarili at pagkilala sa iyong sarili ay ito: Kapag mas nararamdaman mo na sa mga partikular na aspeto ay mahusay at tama ang ginawa mo, at kapag mas naiisip mong nabibigyang-kasiyahan mo ang kalooban ng Diyos o kaya mong magmalaki sa ilang aspeto, mas karapat-dapat na kilalanin ang iyong sarili sa mga aspetong iyon at mas karapat-dapat laliman pa ang pagsasaliksik sa mga iyon para makita kung anong mga karumihan ang nasa sa iyo, at kung anong mga bagay sa iyo ang hindi makakapagbigay-kasiyahan sa kalooban ng Diyos. Gawin nating halimbawa si Pablo. Si Pablo ay lubhang maalam na tao, labis siyang nagdusa nang siya ay mangaral at gumawa ng gawain, at minahal siya nang lubos ng maraming tao. Bilang resulta, pagkatapos niyang makumpleto ang maraming gawain, ipinagpalagay niya na magkakaroon ng nakalaan na korona para sa kanya. Dahil dito, lalo’t lalo niyang natahak ang maling landas, hanggang sa huli ay pinarusahan siya ng Diyos. Kung pinagnilayan at sinuri niya ang kanyang sarili noong panahong iyon, hindi sana siya mag-iisip sa ganoong paraan. Sa madaling salita, hindi nagtuon si Pablo sa paghahanap ng katotohanan sa mga salita ng Panginoong Jesus; naniwala lamang siya sa mga sarili niyang kuru-kuro at haka-haka. Inakala niya na sa paggawa lamang ng ilang mabuting bagay at pagpapakita ng ilang magandang asal, siya ay pupurihin at gagantimpalaan ng Diyos. Sa huli, binulag ng mga sarili niyang kuru-kuro at imahinasyon ang kanyang puso at tinakpan ang katotohanan ng kanyang katiwalian. Ngunit hindi ito nagawang matukoy ng mga tao, at wala silang kaalaman sa mga bagay na ito, at kaya bago ito inilantad ng Diyos, palagi nilang itinatakda si Pablo bilang isang pamantayang dapat abutin, isang halimbawa sa pamumuhay, at itinuring siya bilang isang idolo na hinahangad at inaasam nilang maging katulad. Ang kaso ni Pablo ay isang babala sa bawat isa sa mga taong hinirang ng Diyos. Lalo na kapag tayong sumusunod sa Diyos ay kayang magdusa at magbayad ng halaga sa ating mga tungkulin at habang naglilingkod tayo sa Diyos, nadarama natin na tapat tayo at nagmamahal sa Diyos, at sa ganitong mga pagkakataon, dapat ay mas lalo nating pagnilayan at unawain ang ating sarili hinggil sa landas na ating tinatahak, na kailangang-kailangan. Ito ay dahil ang iniisip mong mabuti ay ang matutukoy mong tama, at hindi mo pagdududahan iyon, pagninilayan iyon, o susuriin kung may anuman doon na lumalaban sa Diyos. Halimbawa, may mga taong naniniwala na masyado silang mabait. Hindi nila kinamumuhian o sinasaktan ang iba kahit kailan, at lagi silang tumutulong sa isang kapatid na ang pamilya ay nangangailangan, dahil baka hindi malutas ang kanyang problema; napakabuti ng kanilang kalooban, at ginagawa nila ang lahat ng kaya nila upang tulungan ang lahat ng kaya nilang tulungan. Subalit hindi sila kailanman tumutuon sa pagsasagawa ng katotohanan, at wala silang pagpasok sa buhay. Ano ang resulta ng gayong pagkamatulungin? Kinalilimutan nila ang kanilang sariling pangangailangan, subalit lubhang nasisiyahan sila sa kanilang sarili, at lubos silang nasisiyahan sa nagawa nila. Bukod pa roon, ipinagmamalaki nila iyon nang husto, naniniwala sila na sa lahat ng ginawa nila, walang sumasalungat sa katotohanan, na tiyak palulugurin nito ang kalooban ng Diyos, at na sila ay tunay na mga mananampalataya sa Diyos. Itinuturing nila ang kanilang likas na kabaitan bilang isang bagay na magagawang puhunan at, sa sandaling gawin nila iyon, walang pag-aatubili na itinuturing nila iyon bilang ang katotohanan. Ang totoo, puro kabutihan sa tao ang ginagawa nila. Hindi talaga nila isinasagawa ang katotohanan, sapagkat ang ginagawa nila ay sa harap ng tao, at hindi sa harap ng Diyos, at lalong hindi sila nagsasagawa ayon sa mga kinakailangan ng Diyos at ng katotohanan. Samakatuwid, ang lahat ng gawa nila ay walang kabuluhan. Wala sa mga ginagawa nila ang pagsasagawa sa katotohanan, o sa mga salita ng Diyos, lalo nang hindi ito pagsunod sa Kanyang kalooban; sa halip, gumagamit sila ng kabaitan ng tao at mabuting pag-uugali upang tulungan ang iba. Bilang pagbubuod, hindi nila hinahangad ang kalooban ng Diyos sa lahat ng kanilang ginagawa, ni hindi sila kumikilos alinsunod sa Kanyang mga kinakailangan. Hindi pinupuri ng Diyos ang ganitong uri ng mabuting pag-uugali ng tao; para sa Diyos, ito ay dapat kondenahin, at hindi nararapat sa Kanyang pag-alala.

Napakahalaga para sa bawat tao na makilala ang kanyang sarili, dahil ito ay direktang nakakaapekto sa mahalagang usapin ng kung kaya ba ng isang tao na alisin ang kanyang tiwaling disposisyon at magkamit ng kaligtasan. Huwag mong isipin na ito ay isang simpleng usapin lang. Ang makilala mo ang sarili mo ay hindi ang maunawaan mo ang mga kilos o pagsasagawa mo, kundi ang malaman mo ang diwa ng iyong problema; ang malaman mo ang ugat ng iyong pagsuway at ang diwa nito, ang malaman mo kung bakit hindi mo maisagawa ang katotohanan, at maunawaan mo ang mga bagay na lumilitaw at gumagambala sa iyo kapag isinasagawa mo ang katotohanan. Ang mga ito ang ilan sa mga pinakamahalagang aspeto ng pagkilala mo sa sarili mo. Halimbawa, dahil sa pangongondisyon ng tradisyonal na kultura ng mga Tsino, sa tradisyonal na kuru-kuro ng mga Tsino ay naniniwala sila na kailangan nilang igalang ang kanilang mga magulang. Ang sinumang hindi gumagalang sa kanyang magulang ay isang walang-galang na anak. Naitanim na ang mga ideyang ito sa mga tao mula pagkabata, at itinuturo ang mga ito sa halos bawat sambahayan, pati na rin sa bawat paaralan at sa lipunan sa pangkalahatan. Kapag napuno ng mga ganoong bagay ang ulo ng isang tao, iniisip niya, “Mas mahalaga ang tungkuling igalang ang magulang kaysa anupaman. Kung hindi ko ito tutuparin, hindi ako magiging mabuting tao—magiging isa akong walang-galang na anak at itatakwil ako ng lipunan. Ako ay magiging isang taong walang konsiyensiya.” Tama ba ang pananaw na ito? Nakita na ng mga tao ang napakaraming katotohanang ipinahayag ng Diyos—hiningi ba ng Diyos na magpakita ang tao ng paggalang sa kanyang mga magulang? Isa ba ito sa mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga sumasampalataya sa Diyos? Hindi. Nagbahagi lamang ang Diyos sa ilang mga prinsipyo. Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahanap ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga napopoot at naghihimagsik sa Diyos—ito ang mga taong kinamumuhian ng Diyos, at dapat din natin silang kamuhian. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. Kung hindi naniniwala sa Diyos ang iyong mga magulang, kung alam na alam nila na ang pananampalataya sa Diyos ang tamang landas, at na maaari itong humantong sa kaligtasan, subalit ayaw pa rin nila itong tanggapin, walang duda na sila ay mga taong nayayamot at namumuhi sa katotohanan, at na sila ang mga taong lumalaban at namumuhi sa Diyos—at natural lang na kinamumuhian at kinasusuklaman sila ng Diyos. Magagawa mo bang kamuhian ang gayong mga magulang? Nilalabanan at nilalapastangan nila ang Diyos—kung magkagayon ay tiyak na mga demonyo at Satanas sila. Magagawa mo ba silang kasuklaman at sumpain? Mga totoong katanungan ang lahat ng ito. Kung hinahadlangan ka ng iyong mga magulang na manalig sa Diyos, paano mo sila dapat tratuhin? Gaya ng hinihingi ng Diyos, dapat mong mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos. Noong Kapanahunan ng Biyaya, sinabi ng Panginoong Jesus, “Sino ang Aking ina? At sino-sino ang Aking mga kapatid?” “Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit, ay siyang Aking kapatid na lalake at Aking kapatid na babae, at ina.” Umiiral na ang mga salitang ito noon pang Kapanahunan ng Biyaya, at lalo pang mas malinaw ang mga salita ng Diyos ngayon: “Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos.” Diretsahan ang mga salitang ito, ngunit madalas na hindi naaarok ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga ito. Kung itinatatwa at sinasalungat ng isang tao ang Diyos, na siya ay isinusumpa ng Diyos, ngunit siya ay magulang o kamag-anak mo, at sa tingin mo ay hindi masamang tao, at maayos ang pagtrato niya sa iyo, baka hindi mo magawang kamuhian ang taong iyon, at baka manatili siyang malapit mong kaugnayan, hindi nagbabago ang relasyon ninyo. Ikababahala mo na marinig na kinasusuklaman ng Diyos ang gayong mga tao, at hindi mo magagawang pumanig sa Diyos at malupit na tanggihan ang taong iyon. Lagi kang gapos ng emosyon, at hindi mo ganap na mapakawalan ang mga ito. Ano ang dahilan nito? Nangyayari ito dahil masyadong matindi ang iyong emosyon, at hinahadlangan ka ng mga itong maisagawa ang katotohanan. Mabait sa iyo ang taong iyon, kaya hindi mo maatim na kamuhian siya. Makakaya mo lang siyang kamuhian kung sinaktan ka nga niya. Ang pagkamuhing iyon ba ay aayon sa mga katotohanang prinsipyo? Gayundin, ginagapos ka ng tradisyunal na mga haka-haka, na iniisip na isa siyang magulang o kamag-anak, kaya kung kamumuhian mo siya, kasusuklaman ka ng lipunan at lalaitin ng publiko, kokondenahing walang paggalang, walang konsiyensiya, at ni hindi nga tao. Iniisip mo na magdurusa ka ng pagkondena at kaparusahan ng langit. Kahit gusto mong kamuhian siya, hindi iyon kakayanin ng konsiyensiya mo. Bakit gumagana nang ganito ang konsiyensiya mo? Ito ay dahil isang paraan ng pag-iisip ang naitanim na sa kalooban mo buhat nang ikaw ay bata pa, sa pamamagitan ng pamana ng iyong pamilya, ang turong ibinigay sa iyo ng mga magulang mo, at ang indoktrinasyon ng tradisyonal na kultura. Ang paraang ito ng pag-iisip ay nakaugat nang napakalalim sa puso mo, at dahil dito ay nagkakaroon ka ng maling paniniwala na ang paggalang sa magulang ay ganap na likas at may katwiran, at na ang anumang minana mo mula sa mga ninuno mo ay palaging mabuti. Una mo itong natutunan at nananatili pa rin itong nangingibabaw, na lumilikha ng isang malaking sagabal at kaguluhan sa iyong pananampalataya at pagtanggap sa katotohanan, na iniiwan kang walang kakayahan na isagawa ang mga salita ng Diyos, at mahalin ang minamahal ng Diyos at kapootan ang kinapopootan ng Diyos. Alam mo sa puso mo na ang buhay mo ay nagmula sa Diyos, hindi mula sa iyong mga magulang, at alam mo rin na ang mga magulang mo ay hindi lamang hindi nananalig sa Diyos, kundi nilalabanan ang Diyos, na kinapopootan sila ng Diyos at dapat kang magpasakop sa Diyos, pumanig sa Kanya, ngunit hindi mo lang talaga magawang kapootan sila, kahit na gusto mo. Hindi mo ito malagpasan, hindi mo mapatatag ang puso mo, at hindi mo maisagawa ang katotohanan. Ano ang ugat nito? Ginagamit ni Satanas ang ganitong uri ng tradisyonal na kultura at mga haka-haka ng moralidad upang igapos ang mga kaisipan mo, ang isip mo, at ang puso mo, na iniiwan kang walang kakayahan na matanggap ang mga salita ng Diyos; ikaw ay inari na ng mga bagay na ito ni Satanas, at ginawa kang walang kakayahan na tanggapin ang mga salita ng Diyos. Kapag nais mong isagawa ang mga salita ng Diyos, ginugulo ng mga bagay na ito ang kalooban mo, na nagdudulot na salungatin mo ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos, at ginagawa kang walang lakas na iwaksi ang impluwensiya ng tradisyonal na kultura. Pagkatapos mong magsikap nang ilang panahon, nagkokompromiso ka: pinipili mong paniwalaan na ang mga tradisyonal na haka-haka ng moralidad ay tama at naaayon sa katotohanan, kaya tinatanggihan o tinatalikuran mo ang mga salita ng Diyos. Hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan at binabalewala mo ang mailigtas, dahil pakiramdam mo ay nabubuhay ka pa rin sa mundong ito, at makakaligtas ka lang sa pamamagitan ng pagsandig sa mga taong ito. Dahil hindi mo kayang tiisin ang ganting-paratang ng lipunan, mas nanaisin mong piliin na isuko ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos, hinahayaan ang sarili mo sa mga tradisyonal na haka-haka ng moralidad at sa impluwensiya ni Satanas, pinipiling magkasala sa Diyos at hindi isagawa ang katotohanan. Hindi ba’t ang tao ay kahabag-habag? Hindi ba nila kailangan ang pagliligtas ng Diyos? May mga taong maraming taon nang nananalig sa Diyos, ngunit wala pa ring kabatiran sa usapin ng paggalang sa magulang. Talagang hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hindi nila kailanman malalagpasan ang balakid na ito ng mga makamundong relasyon; wala silang tapang, ni tiwala sa sarili, lalo nang wala silang determinasyon, kaya hindi nila kayang mahalin at sundin ang Diyos. Nagagawa ng ilang tao na makita ang higit pa rito, at talagang hindi madaling bagay para sa kanila na sabihing, “Hindi nananalig sa Diyos ang mga magulang ko, at pinipigilan nila akong manalig. Sila ay mga diyablo.” Walang mga hindi mananampalataya ang may pananampalataya na mayroong Diyos, o na Siya ang lumikha ng langit at lupa at ng lahat ng bagay, o na ang tao ay nilikha ng Diyos. May iba pa nga na nagsasabi, “Ang buhay ay ibinigay sa tao ng kanyang mga magulang, at dapat niya silang igalang.” Saan nanggaling ang gayong kaisipan o pananaw? Nanggaling ba ito kay Satanas? Ang libo-libong taon ng tradisyonal na kultura ang nagturo at nagligaw sa tao sa ganitong paraan, na nagdudulot sa kanila na itanggi ang paglikha at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung hindi dahil sa panlilinlang at pagkontrol ni Satanas, sisiyasatin ng tao ang gawain ng Diyos at babasahin ang Kanyang mga salita, at malalaman nilang sila ay nilikha ng Diyos, na ang buhay nila ay ibinigay ng Diyos; malalaman nila na ang lahat ng mayroon sila ay ibinigay ng Diyos, at na ang Diyos ang dapat nilang pasalamatan. Kung mayroong sinuman na tutulong sa atin, dapat natin itong tanggapin mula sa Diyos—sa partikular, ang ating mga magulang, na nagsilang at nagpalaki sa atin; ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Ang Diyos ang naghahari sa lahat; ang tao ay isa lamang kasangkapan para sa paglilingkod. Kung maisasantabi ng isang tao ang kanyang mga magulang, o ang kanyang asawa at mga anak, upang gugulin ang sarili niya para sa Diyos, ang taong iyon ay mas lalakas at lalong makararamdam ng pagiging matuwid sa harap ng Diyos. Gayunman, hindi madali para sa mga tao na makawala sa gapos ng pambansang edukasyon at mga tradisyonal na ideyang pangkultura, mga haka-haka, at mga moral na pahayag, dahil ang mga satanikong lason at pilosopiyang ito ay matagal nang nakaugat sa puso ng mga tao, na nagbubunga ng lahat ng uri ng mga tiwaling disposisyon na pumipigil sa kanila na pakinggan ang mga salita ng Diyos at sundin Siya. Sa kaibuturan ng tiwaling puso ng tao, naroroon ang kawalan ng pangunahing kagustuhan na isagawa ang katotohanan at na sundin ang kalooban ng Diyos. Kaya, ang mga tao ay naghihimagsik at lumalaban sa Diyos; maaari nila Siyang ipagkanulo at talikuran anumang oras. Matatanggap ba ng isang tao ang katotohanan kung ang mga tiwaling disposisyon at mga satanikong lason at pilosopiya ay umiiral sa kalooban niya? Makakamit ba ng isang tao ang pagpapasakop sa Diyos? Ito ay tunay ngang napakahirap. Kung hindi dahil sa gawain ng paghatol ng Diyos Mismo, ang labis na tiwaling sangkatauhan ay hindi magkakamit ng kaligtasan, at hindi malilinis ang lahat ng satanikong disposisyon nito. Kahit pa nananalig ang mga tao sa Diyos at handa silang sumunod sa Kanya, hindi nila kayang makinig sa Diyos at sumunod sa Kanya, dahil nangangailangan ng labis-labis na pagsisikap mula sa mga tao upang tanggapin ang katotohanan. Kaya, ang paghahangad sa katotohanan ay dapat na maunahan muna ng paghahangad ng isang tao na makilala ang kanyang sarili at malutas ang sarili niyang tiwaling disposisyon. Saka lamang magiging mas madali na tanggapin ang katotohanan. Ang pagkilala sa sarili ay hindi isang simpleng usapin sa anumang paraan; ang mga tumatanggap lang sa katotohanan ang makakikilala sa kanilang sarili. Iyan ang dahilan kung bakit napakahalaga ng pagkilala sa sarili, at kung bakit ito isang usapin na hindi ninyo dapat balewalain.

Ang mga tao ay mayroong mga tiwaling disposisyon, kaya napakahirap para sa kanila na tanggapin ang katotohanan, at lalo nang mas mahirap para sa kanila na kilalanin ang kanilang sarili. Kung nais nilang magkamit ng kaligtasan, dapat nilang makilala ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon at ang kanilang kalikasang diwa. Saka pa lamang nila tunay na matatanggap ang katotohanan at maisasagawa ito. Ang karamihan ng tao na nananalig sa Diyos ay nasisiyahan nang mabigkas lang ang mga salita at doktrina, iniisip na nauunawaan nila ang katotohanan. Ito ay isang malaking pagkakamali, dahil ang mga hindi nakakikilala sa kanilang sarili ay hindi nakauunawa sa katotohanan. Kaya, upang maunawaan at makamit ang katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos, dapat magtuon ang mga tao sa pagkilala sa kanilang sarili. Kailan man o nasaan man tayo, at anumang kapaligiran ang kinaroroonan natin, kung makikilala natin ang ating sarili, kung maisisiwalat at masusing masisiyasat natin ang ating mga sariling tiwaling disposisyon, at kung maituturing natin ang pagkilala sa ating sarili bilang ang ating pangunahing prayoridad, tiyak na may makakamit tayo, at unti-unti nating mapalalalim ang pagkakilala natin sa ating sarili. Kasabay nito, isasagawa natin ang katotohanan, isasagawa natin ang pagmamahal at pagsunod sa Diyos, at lalo at lalo nating mauunawaan ang katotohanan. Ang katotohanan kung gayon ay likas na magiging ating buhay. Gayunman, kung hindi ka pumapasok sa pagkilala sa iyong sarili sa anumang bagay, kasinungalingan para sa iyo ang sabihing isinasagawa mo ang katotohanan, dahil ikaw ay binubulag ng lahat ng uri ng mababaw na kababalaghan. Nararamdaman mo na para bang bumuti na ang pag-uugali mo, na mas mayroon ka nang konsensiya at katwiran ngayon kaysa dati, na ikaw ay mas malumanay, mas may konsiderasyon at pagpaparaya sa iba, at mas mapagpaumanhin at mapagpatawad sa mga tao, at dahil diyan, iniisip mo na ipinamumuhay mo na ang normal na pagkatao, at na ikaw ay isang dakila at perpektong tao. Ngunit sa mata ng Diyos, bigo ka pa ring maabot ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos, at napakalayo mo sa tunay na pagsunod at pagsamba sa Kanya. Ipinapakita nito na hindi mo nakamit ang katotohanan, na wala ka ng kahit kaunting realidad, at napakalayo mo pang maabot ang mga pamantayan ng kaligtasan. Dapat maunawaan ng mga tao kung aling mga katotohanan ang kailangan nilang taglayin upang maabot ang mga hinihingi ng Diyos. Hindi pa rin makilala ng mga tao ang pagkakaiba sa pagitan ng mga panlabas na mabubuting pag-uugali at ang pagsasagawa ng katotohanan. Ang tanging tinataglay ng mga tao ngayon ay kaunting pagbabago lamang sa kanilang panlabas na pag-uugali. Sa mga panahong ito, ang karamihan ng tao ay madalas na nagtitipon at nakikinig sa mga sermon, at sila ay nagkakasundo at nakikihalubilo sa mga kapatid nila sa normal na pamamaraan. Hindi sila nag-aaway, nagagawa nilang maging mapagparaya at mapagpaumanhin sa isa’t isa, at mas maingat na sila sa pagganap sa kanilang mga tungkulin kaysa dati. Gayunman, ang pagkaunawa nila sa katotohanan ay napakababaw, ang mga kaisipan at pananaw nila sa maraming usapin ay malayo pa rin sa katotohanan, o sumasalungat sa katotohanan, at ang ilan sa kanilang mga pananaw ay kontra pa nga sa Diyos. Sapat na ito upang ilarawan na hindi pa nakakamit ng mga tao ang katotohanan. Kaya nga kailangan nating hanapin ang katotohanan sa bawat aspekto ng pagkakilala sa sarili at magsumikap na kilalanin ang ating sarili nang mas malalim. Sa pamamagitan ng pagbabahaging ito, hindi ba ninyo nararamdaman na napakahalagang makilala ninyo ang inyong sarili? Ngayon lang, nagbigay Ako ng halimbawa ng pagpapakita ng paggalang ng isang tao sa kanyang mga magulang. Ito ay isang mahalagang usapin na kailangang harapin ng bawat tao. Kung hindi ninyo kayang maunawaan ang katotohanan at lumabas mula sa mga tradisyonal na kaisipan at haka-haka, magiging mahirap para sa inyo na talikuran ang lahat at tunay na gugulin ang inyong sarili para sa Diyos. Maraming tao ang maraming taon nang nananalig sa Diyos ngunit wala pang natutupad na tungkulin. Nahihirapan ang puso nila sa hindi matukoy na haba ng panahon, hindi tiyak kung kailan nila magagawang tunay na maunawaan ang katotohanan at lumabas mula sa mga pagpigil at paggapos ng kanilang mga makalamang pagmamahal at mga tradisyonal na kaisipan at haka-haka, at kung kailan nila mararating ang punto na kanila nang “minamahal ang minamahal ng Diyos at kinapopootan ang kinapopootan ng Diyos.” Hindi ito isang bagay na madaling makamit. Ang maunawaan ang diwa ng pamilya at maiwaksi ang mga balakid ng mga makalamang relasyon ng isang tao ay isang mahirap na hadlang na kailangang lampasan ng mga sumusunod sa Diyos. May proseso para makawala sa mga pagkakagapos ng pamilya at sa mga makalamang pagmamahal ng isang tao, at para makalaya sa mga pagpigil ng mga kaisipan ng tradisyonal na kultura–kinakailangan nito na magsaayos ang Diyos ng mga kapaligiran kung saan maaari nating isagawa ang pagpasok sa katotohanan. Lalo na pagdating sa ating mga mahal sa buhay, higit pang kinakailangan na malinaw nating makita ang mga tunay nilang mukha at ang bawat isa sa kanilang mga kalikasang diwa. Kasabay nito, kailangan din nating pagnilay-nilayan, batay sa katotohanan, ang mga tiwaling disposisyon na inihayag natin, at ang mga satanikong maling pananampalataya at maling paniniwala na umiiral pa rin sa ating puso. Kinakailangan nito na mangasiwa ang Diyos ng iba’t ibang kapaligiran upang ilantad tayo, nang sa gayon ay malaman natin kung anong mga bagay na umiiral pa rin sa ating puso ang lumalaban o hindi umaayon sa Kanya, at pagkatapos ay magawa nating hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga ito. Kailangan natin na magsaayos ang Diyos ng mga akmang kapaligiran upang ibunyag ang ating katiwalian at ang ating tayog. Gayunman, dapat ding aktibo at positibo tayong gumawa kasama ng Diyos, at magtakda sa ating mga sarili ng mga bagay na hinihingi alinsunod sa Kanyang salita, saka lamang Niya tayo magagawang kumpleto. Ngunit bago kumilos ang Diyos, kailangan nating ihanda ang ating isipan. Una, kailangan nating makilala ang mga satanikong lason na nasa kalooban ng tao, at maunawaan na ang mga kaisipan at haka-haka ng tradisyonal na kultura ay nililinlang at ginagawang tiwali ang mga tao. Dapat nating maunawaan kung gaano katinding lumalaban sa Diyos ang mga satanikong bagay na ito—na minana natin, at na nagmula sa edukasyon at lipunan—at kung gaano sumasalungat sa katotohanan ang mga ito. Kapag nauunawaan mo na ang mga bagay na ito ay saka lamang masasabing nauunawaan mo talaga ang katotohanan.

Katatapos Ko lang magsalita tungkol sa kung paano dapat pakitunguhan ng isang tao ang mga magulang niya. Maaaring sabihin na ito ay isang pangunahing usapin sa buhay, at ito rin ay isang mahalagang usapin na dapat harapin ng bawat tao. Hindi ito maitatanggi. Kasunod nito, magbabahaginan tayo tungkol sa isa pang paksa, kung paano dapat pakitunguhan ng isang tao ang mga anak niya. Pagdating sa kung paano mo dapat pakitunguhan ang mga anak at mga magulang mo, ang paraan kung paano mo sila pinakikitunguhan ay hindi mahalaga, sa halip, ang mahalaga ay ang perspektiba mo, ito ay tungkol sa perspektiba at saloobin mo sa pagharap sa kanila. Ito ay isang bagay na dapat nating maunawaan sa ating puso. Mula sa sandaling magkaroon siya ng mga anak, ang bawat tao ay nagsisimulang magplano tungkol sa uri ng edukasyon na nais niyang matanggap ng kanyang mga anak, ang uri ng kolehiyo na dapat pasukan ng kanyang mga anak, at kung paano sila makakahanap ng magagandang trabaho pagkatapos niyon, upang makakuha sila ng magandang posisyon at magkaroon ng isang partikular na antas ng katayuan sa lipunan. Naniniwala ang lahat ng tao na sa buhay na ito, dapat na magkaroon muna ng kaalaman at ng mataas na pinag-aralan ang isang tao—sa mga mata nila, ito lamang ang paraan upang makahanap ng trabaho at makatiyak ng kabuhayan sa lipunan, nang sa gayon ay hindi kailangang mag-alala ng isang tao tungkol sa mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, pananamit, at masisilungan sa hinaharap. Kaya, pagdating sa kung paano pakitunguhan ng mga tao ang kanilang mga anak, inaasam ng bawat magulang na magkaroon ng mas mataas na pinag-aralan ang kanilang anak. Inaasam nila na maging matagumpay sa mundo ang anak nila balang araw, na magkaroon siya ng lugar sa lipunan, isang mataas at matatag na kita, at ng magandang pangalan at katayuan. Iniisip nila na ito lamang ang makapagbibigay ng karangalan sa kanilang mga ninuno. Tinataglay ng lahat ng tao ang ganitong pananaw. “Nawa ay magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga anak ko”—tama ba ang pananaw na ito? Ang lahat ay nagnanais na ang kanilang anak ay mag-aral sa isang prestihiyosong unibersidad at pagkatapos ay magpursigi na magkaroon ng mas mataas pang pinag-aralan, sa paniniwala na ang kanilang anak ay magtatagumpay sa mundo sa sandaling magkaroon ng mas mataas na pinag-aralan. Sinasamba ng lahat ng tao sa puso nila ang kaalaman at naniniwala silang “Maliliit ang ibang paghahangad, ang mga libro ang nakahihigit sa lahat ng ito”; bukod doon, iniisip nila na ang kompetisyon sa lipunan sa mga panahong ito ay napakatindi, at na kung ang isang tao ay walang akademikong kuwalipikasyon, ang pagsisikap lang na manatiling may makakain ay mahirap na. Ito ay isang kaisipan at pananaw na tinataglay ng bawat tao—na para bang, hangga’t may mas mataas na pinag-aralan ang isang tao, ang kanyang kabuhayan at mga maaasahan sa hinaharap ay magiging tiyak. Kaya, pagdating sa mga hinihingi nila sa kanilang mga anak, ginagawang pangunahing prayoridad ng mga tao ang pagpasok sa isang institusyon ng mas mataas na edukasyon at ang pagkakaroon ng mas mataas na pinag-aralan. Ang totoo, ang lahat ng edukasyong iyan, ang lahat ng kaalamang iyan, at ang lahat ng ideya na natatanggap ng mga tao ay sumasalungat sa Diyos at sa katotohanan, at kinamumuhian at kinokondena ng Diyos. Pinatutunayan nito na ang mga pananaw ng tao ay mali at hindi makatwiran. Dapat maunawaan ng mga tao na kung tatanggap sila ng ganitong uri ng edukasyon, bukod sa pagkakaroon ng kaunting kapaki-pakinabang na intelektuwal na kaalaman, sila ay iindoktrinahan din ng marami sa mga lason, kaisipan, at teorya ni Satanas, at ang iba’t iba nitong maling pananampalataya at maling paniniwala, at dapat nilang maunawaan kung ano ang mga magiging bunga nito. Hindi ito kailanman naisip noon ng mga tao, at hindi nila maunawaan ang usaping ito. Ang pinaniniwalaan lamang nila ay na ang kanilang mga anak ay magkakaroon ng mas magandang kinabukasan at magdadala ng karangalan sa kanilang mga ninuno kung papasok sila sa mga institusyon ng mas mataas na edukasyon. Bilang resulta, kapag ang anak mo ay umuwi isang araw, at kinausap mo siya tungkol sa pananalig sa Diyos, makakaramdam siya ng pag-ayaw rito, at kapag nagbahagi ka sa kanya tungkol sa katotohanan, tatawagin ka niyang hangal, kukutyain ka niya, at hahamakin niya ang mga salita mo. Sa oras na iyon, mapagtatanto mo na pinili mo ang maling landas nang ipadala mo ang anak mo sa isang institusyon ng mas mataas na edukasyon upang magkaroon ng mas mataas na pinag-aralan. Gayunman, magiging masyado nang huli para manghinayang. Sa oras na tanggapin ng isang tao ang mga pilosopiya at pananaw ni Satanas, at ang mga bagay na ito ay mag-ugat, mamukadkad, at magsimulang magbunga sa kalooban niya, ito ay kapareho ng pagpapatubo ng mga tumor na may kanser—ang mga bagay na ito ay hindi matatanggal o mababago nang biglaan. Sa puntong iyan, magiging mahirap para sa taong iyon na tanggapin ang katotohanan, at walang paraan upang siya ay maligtas. Ito ay katumbas ng nilason siya ni Satanas hanggang mamatay. Wala pa Akong nakitang sinuman na nagsabing: “Kapag ang anak ko ay pumasok sa eskuwelahan, hayaan ninyo lang siyang matutong magbasa, upang maunawaan niya kung ano ang kahulugan ng salita ng Diyos. Pagkatapos niyan, gagabayan ko siya upang manalig sa Diyos nang buong puso, at matutunan nang kaunti ang isang kapaki-pakinanabang na propesyon nang sa gayon ay makatiyak siya ng isang magandang trabaho at makabuo siya ng isang matatag na buhay para sa kanyang sarili sa hinaharap. Pagkatapos, makatitiyak na ako. Magiging mas mabuti kung siya ay may mataas na kakayahan, may mabuting pagkatao, at makatutupad ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kung hindi siya makakatupad ng isang tungkulin, magiging sapat na na magkaroon siya ng trabaho sa labas ng iglesia upang masuportahan niya ang kanyang pamilya. Higit sa lahat, nais kong matanggap niya ang mga katotohanan ng Diyos sa sambahayan ng Diyos at hindi siya marumihan o makondisyon ng lipunan.” Hindi tinataglay ng mga tao ang pananampalataya na dalhin ang kanilang mga anak sa harap ng Diyos; palagi silang nag-aalala na ang kanilang mga anak ay hindi magkakaroon ng magagandang pagkakataon kung hindi sila magkakaroon ng mas mataas na pinag-aralan. Sa ibang salita, pagdating sa kanilang mga anak, walang kahit isang tao ang nakahandang dalhin ang kanilang mga anak sa harap ng Diyos upang matanggap nila ang salita ng Diyos at makaasal sila alinsunod sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos. Ayaw ng mga tao na gawin ito, at hindi sila mangangahas na gawin ito. Nangangamba sila na kung kikilos sila sa ganitong paraan, ang mga anak nila ay hindi magkakaroon ng ikabubuhay o ng mga pagkakataon sa lipunang ito. Ano ang pinagtitibay ng pananaw na ito? Pinagtitibay nito na ang mga tao, na ginawang labis na tiwali ni Satanas, ay walang interes sa katotohanan o sa pananalig sa Diyos. Kahit pa nga nananalig sila sa Diyos, ito ay para lamang mapagpala. Hindi nila hinahangad ang katotohanan, dahil sa kanilang puso, ang sinasamba ng mga tao ay mga materyal na bagay, pera, at impluwensiya ni Satanas. Wala kang pananampalataya na sabihin: “Kung tatalikuran ng isang tao ang mga kalakaran ng mundo at sasandig siya sa Diyos, bibigyan siya ng Diyos ng paraan upang makaligtas siya.” Wala ka ng ganitong pananampalataya. Ang iyong maling pananaw ng pagsamba sa kaalaman ay nag-ugat na sa puso mo. Kinokontrol nito ang bawat salita at gawa mo, kaya hindi mo matanggap ang gawain ng Diyos at hindi ka makapagpasakop dito, lalo nang hindi mo matanggap ang mga katotohanan na ipinapahayag ng Diyos. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil ang kaisipan at pananaw na ito ay kontra sa Diyos, ipinagkakanulo nito ang Diyos, itinatanggi nito ang Diyos, at hindi ito kaayon ng katotohanan. Kapag naiintindihan ng isang tao ang katotohanan, nauunawaan niya ang problemang ito, at napagtatanto niya na maraming bagay sa kalooban niya ang salungat sa Diyos—mga bagay na pangunahing kinasusuklaman ng Diyos. Ang lahat ng ito ay mga resultang nakakamit sa pagdanas sa gawain ng Diyos. Kung wala ang paghahayag ng salita ng Diyos, at kung wala ang paghatol at pagkastigo nito, iisipin ng mga tao na naging banal na sila, na sila ay punong-puno ng pagmamahal sa Diyos, at na ang kanilang pananampalataya sa Kanya ay malakas pagkatapos nilang manalig sa Diyos nang ilang taon, at magkaroon ng ilang pagbabago sa kanilang pag-uugali. Ngayong nauunawaan na nila ang katotohanan, bigla nilang napagtatanto: “Paanong umiiral pa rin sa mga tao ang mga tiwaling bagay na ito? Bakit hindi ko makilala ang mga ito dati? Ang mga tao ay labis lang na walang alam!” Sa panahong ito, natututunan nila na ang pagbubunyag ng Diyos sa katiwalian ng tao ay napakadakila at lubhang kinakailangan, at alam nila na kung hindi ibinunyag at hinatulan ng Diyos ang kanilang katiwalian, hindi nila ito makikilala kailanman. Ang mga tao ay lahat sanay na magkunwari at magbalatkayo. Kaya nilang magbalatkayo nang mahusay o magtago at magpanggap nang mahusay, ngunit ang mga tiwaling disposisyon na inihahayag nila at ang mga kaisipan na nakaugat nang malalim sa kanilang isip ay lumalaban sa Diyos, at ang mga bagay na ito ay kinamumuhian at kinapopootan ng Diyos. Ito ang mga bagay na nais na ilantad ng Diyos, at ito ang mga bagay na dapat malaman ng mga tao. Gayunman, madalas na iniisip ng mga tao, “Pagdating sa aming pananalita, wala kaming sinambit na anumang salitang lumalaban sa Diyos, at nagtataglay kami ng katwiran. Pagdating naman sa aming pag-uugali, wala kaming ginawang anumang lihis, narating na namin ang punto kung saan ginagampanan namin ang aming mga tungkulin nang angkop na angkop. Wala kaming mga kapuna-punang problema, kaya ano pa ang dapat naming malaman tungkol sa aming sarili? Kailangan pa ba naming kilalanin ang aming sarili?” Nakaayon ba sa mga katunayan ang pananaw na ito? Kung oo, bakit palagi pa ring ipinagtatapat ng mga tao sa Diyos ang kanilang mga kasalanan? Bakit madalas pa ring inihahayag ng mga tao ang mga tiwali nilang disposisyon at gumagawa pa nga sila ng mga paglabag? Kaya, habang lalo mong itinuturing ang sarili mo na mabuti sa isang banda, lalong mahalaga na hanapin mo ang katotohanan, magnilay-nilay ka, at makikilala mo ang sarili mo sa ganoong bagay. Sa pamamagitan lamang nito na tunay mong makikila ang iyong mga tiwaling disposisyon, madadalisay ka, at magagawa kang perpekto ng Diyos. Ito ang kahihinatnan ng pagdanas ng gawain ng Diyos.

Maraming tao ang naniniwala na ang paggalang sa mga magulang ay kalugod-lugod sa Diyos at pinagpapala ng Diyos. Iniisip nila na ang pagiging magalang sa mga magulang ay isang bagay na tiyak na gusto ng Diyos, dahil naniniwala sila na ang paggalang sa mga magulang ay ganap na likas at makatwiran, at na pinatutunayan nito na ang isang tao ay mayroong konsensiya, at na hindi niya nakakalimutan kung saan siya nagmula. Ayon sa mga tradisyonal na haka-haka, ang gayong mga tao ay itinuturing na mabubuting tao at magagalang na anak. Pagdating sa magagalang na anak, sinasang-ayunan sila ng lahat. Minamahal sila ng mga tao, at ng kanilang mga magulang. Kaya, natural na ipinagpapalagay mo na tiyak na gusto rin sila ng Diyos, at iniisip mo nang may pag-aasam na: “Tiyak na gusto ng Diyos ang mga nagpapakita ng paggalang sa kanilang mga magulang—gusto Niya sila talaga!” Kaya, isinusuko mo ang pagganap sa iyong tungkulin at umuuwi ka sa iyong tahanan upang magpakita ng paggalang sa iyong mga magulang. Habang ginagawa mo ang gayon, ikaw ay higit pang nagkakaroon ng motibasyon, at ikaw ay higit pang nakukumbinse na ito ay makatwiran at angkop, at na isinasagawa mo ang katotohanan. Hindi mo namamalayan, nagsisimula ka nang maniwala na napalugod mo na ang Diyos, at na mayroon ka na ng kinakailangang kapital upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, ang Kanyang kasiyahan, at ang Kanyang pagkilala. Kapag sinasabi ng Diyos na sinasalungat at ipinagkakanulo mo Siya, o kapag sinasabi Niya na hindi ka naman talaga nagbago, nilalabanan at hinuhusgahan mo Siya. Itinatanggi mo ang mga salita Niya sa pagsasabing Siya ay mali. Anong uri ng problema ito? Kapag sinasabi ng Diyos na mabuti ka at sinasang-ayunan ka Niya, tinatanggap mo ito. Ngunit kapag inilalantad ng Diyos na sumusuway at sumasalungat ka sa Kanya, itinatanggi at tinatanggihan mo ito, at nilalabanan at hinuhusgahan mo pa nga ang Diyos. Anong uri ng disposisyon ito? Malinaw na ang mga tao ay mapagmataas, may labis na pagtingin sa sarili, at mapagmagaling. Kadalasan, tila ba kaya ng mga tao na kilalanin na ang salita ng Diyos ay ang katotohanan, at itinuturing ng lahat ng tao ang kanilang sarili bilang masunurin sa Diyos, ngunit kapag hinahatulan sila ng Diyos at ibinubunyag Niya ang mga tiwaling disposisyon nila, wala sa kanilang pumapansin sa mga salita Niya, at wala sa kanilang nagkukumpara ng kanilang mga kilos sa Kanyang salita sa tuwing mayroon silang ginagawa. Sa halip, nagsasalita at nangungusap lang sila nang kaunti, at iyon na iyon, o bumibigkas sila ng ilang linya ng salita ng Diyos sa mga pagtitipon, nagbabahagi nang kaunti tungkol sa mga ito, at pagkatapos ay tapos na sila. Ang totoo, kapag may ginagawa kang mga bagay-bagay, ni hindi ka nagsasagawa ayon sa salita ng Diyos. Kaya, ano ang silbi ng pagbabasa at pagbabahagi mo tungkol sa salita ng Diyos? Hindi mo isinasagawa ang salita ng Diyos kapag may nangyayari sa iyo, at hindi ka namumuhay ayon sa salita ng Diyos, kaya bakit mo binabasa ang salita ng Diyos? Hindi ba’t ito ay isa lamang pormalidad? Mauunawaan mo ba ang katotohanan sa ganitong paraan? Makakamit mo ba ang katotohanan? Walang kabuluhan ang manalig sa Diyos sa ganitong paraan. Maraming tao ang nagbabasa lang ng salita ng Diyos nang kaunti, nagkakamit ng pang-unawa sa literal na kahulugan nito, at nag-iisip na sa pamamagitan ng pagsambit ng ilang salita at doktrina ay naunawaan na nila ang katotohanan, at na tinataglay nila ang katotohanang realidad. Sinasabi ng ilan, “Nagbabahagi ako tungkol sa salita ng Diyos, kaya paanong ito ay mga salita at doktrina lamang?” Hindi mo alam ang diwa ng salita ng Diyos, hindi mo isinasagawa ang Kanyang salita, at lalo namang wala kang kaalaman dito na batay sa karanasan, kaya sinasambit mo ang mga salita at doktrina kapag nagbabahagi ka tungkol dito. Siyempre, ang salita ng Diyos ay ang katotohanan, ngunit hindi mo ito tunay na nauunawaan o isinasagawa, kaya ang naiintindihan mo lang ay doktrina. Nauunawaan ba ninyo ito? Nararamdaman ba ninyong ang pakikinig sa mga salitang ito ay pumukaw ng negatibong emosyon? Sasabihin ba ninyo na, “Kung hindi ko igagalang ang mga magulang ko, hindi ba’t iyon ay isang kakila-kilabot na paglabag? Hindi ba’t ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao ay walang konsiderasyon sa kanilang damdamin?” Sabihin ninyo sa Akin, ang mga pamantayan ba na hinihingi ng Diyos sa tao ay mataas? Ang katunayan, hindi mataas ang mga iyon—batay sa konsensiya at katwiran ng tao, ang mga iyon ay lahat mga pamantayang kayang maabot ng mga tao. Dahil sa impluwensiya ng mga pagmamahal ng tao at dahil ang tradisyonal na kultura ay matibay at napakatatag nang nag-ugat sa kanilang puso kung kaya’t nararamdaman ng mga tao na ang mga hinihingi ng Diyos ay napakataas, at talagang lagpas na sa kaya nilang abutin. Ito ay dulot ng kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan. Kung nauunawaan mo talaga ang katotohanan at nauunawaan mo ang tunay na kalikasan ng usaping ito, magagawa mong harapin at pangasiwaan ang problemang ito sa tamang paraan. Sa loob ng libo-libong taon, ang mga tao ay naimpluwensiyahan na ng tradisyonal na kultura. Ang mga pilosopiya at kautusan ni Satanas sa pag-asal ay nagkaugat na sa puso ng mga tao. Namumuhay ka ayon sa gayong mga ideya, kaya ano ba mismo ang ipinamuhay mo? Namuhay ka ba ng normal na pagkatao? Namuhay ka ba ng totoong buhay? Kapaki-pakinabang na malaman at masiyasat mo ang usaping ito. Kailangan mong pagnilayan kung ano ang nakamit mo mula sa tradisyonal na kultura at sa mga pilosopiya at pananaw ni Satanas, kung ang mga bagay na ito ba talaga ang katotohanan, at kung ano ang idinudulot ng mga ito sa iyo. Pagkatapos ay dapat kang makipagbahaginan sa mga usaping ito at dapat mong suriin ang mga ito batay sa salita ng Diyos. Kung gagawin mo ito, magiging madali para sa iyo na matuklasan ang katotohanan. Sa oras na maunawaan mo ang katotohanan at maintindihan ang mga layunin ng Diyos, makikita mo na ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao ay pawang mga bagay na maisasakatuparan ng konsensiya at katwiran ng tao. Natural nang hindi ka na magrereklamo na labis-labis ang hinihingi ng Diyos sa tao. Sa halip, sasabihin mo, “Nauunawaan namin ang mga prinsipyo; mayroon kaming landas ng pagsasagawa, at nauunawaan namin kung paano pangangasiwaan ang mga bagay na ito.” Sa ganitong paraan, unti-unti kang papasok sa realidad ng salita ng Diyos. Ito ang proseso ng pag-unawa sa katotohanan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.