Ang mga Prinsipyo ng Pagsasagawa ng Pagpapasakop sa Diyos (Ikalawang Bahagi)
Tingnan natin ang saloobin ni Job pagdating sa kanyang mga anak. May takot si Job kay Jehova, ngunit hindi mananampalataya sa Diyos ang kanyang mga anak—hindi ba’t iisipin ng mga tagalabas na ito ay labis na nakakahiya para kay Job? Alinsunod sa mga kuru-kuro ng tao, si Job ay mula sa isang dakilang pamilya, at may takot siya sa Diyos na si Jehova, ngunit hindi mananampalataya sa Diyos ang kanyang mga anak, kaya’t walang paggalang sa kanya. Hindi ba’t ang ideyang ito ng pagiging kagalang-galang ay nagmula sa kalooban ng tao, mula sa pagiging mainitin ang ulo ng mga tao? Maaaring isipin ng mga tao: “Hindi talaga ito kagalang-galang. Dapat akong mag-isip ng isang paraan upang mapasampalataya sila sa Diyos, at mabawi ko ang aking pagiging kagalang-galang.” Hindi ba’t ito ay bunga ng kalooban ng tao? Ito ba ang ginawa ni Job? (Hindi.) Paano ito nakatala sa Bibliya? (Ipinag-alay at ipinagdasal sila ni Job.) Ipinag-alay at ipinagdasal lamang sila ni Job. Anong klase ng saloobin ito? Nakikita ba ninyo ang mga prinsipyong isinasagawa ni Job? Hindi natin alam kung humadlang o nanghimasok ba o hindi si Job sa kasayahan ng kanyang mga anak, ngunit tiyak na hindi siya nakisali—nag-alay lamang siya para sa kanila. Kahit kailan ba ay nanalangin siya na sinabing: “Diyos na Jehova, antigin Mo sila, pasampalatayain Mo sila sa Iyo, hayaan Mong matamo nila ang Iyong biyaya, at magkaroon sila ng takot sa Iyo at iwasan ang kasamaan na tulad ng ginagawa ko”? Kahit kailan ba ay nanalangin siya nang ganito? Walang ganitong tala sa Bibliya. Ang ginawang pagkilos ni Job ay ang lumayo sa kanila, mag-alay para sa kanila, at mag-alala sa kanila, para maiwasang magkasala sila sa Diyos na si Jehova. Isinagawa ni Job ang mga bagay na ito. Ano-ano ang mga prinsipyo ng kanyang pagsasagawa? Hindi siya nag-atas sa kanila. Gusto nga ba ni Job na manampalataya sa Diyos ang kanyang mga anak o hindi? Siyempre gusto niya. Bilang isang amang nananampalataya sa Diyos, ang makitang kumakapit ang kanyang mga anak sa mundo sa ganitong paraan, nang walang masigasig na pananampalataya sa Diyos, ay lubos na magpapalungkot sa kanya. Tiyak na gusto niyang dumulog sa Diyos ang kanyang mga anak, na mag-alay sila na tulad niya, na magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Hindi ito isang usapin ng pagiging kagalang-galang, responsabilidad ito ng isang magulang. Ngunit pinili ng kanyang mga anak na huwag manampalataya, at bilang ama, hindi niya ito iginiit sa kanila. Ito ang kanyang saloobin. Kaya’t ano ang kanyang ginawa? Kinaladkad ba niya sila nang nagpupumiglas, o sinubok silang hikayatin? (Hindi.) Talagang hindi. Pinakamatindi na siguro iyong paminsan-minsan siyang nagsasabi ng ilang salita ng paghimok, at nang hindi makinig ang kanyang mga anak, sinukuan niya ito. Sinabihan niya sila na huwag gumawa ng anumang masyadong bawal, at pagkatapos ay humiwalay siya sa kanila, nagtakda ng isang malinaw na hangganan, at nagkaroon ng kanya-kanyang buhay ang bawat isa. Nag-alay si Job para sa kanila sa takot na masalungat nila ang Diyos na si Jehova; hindi siya nag-alay para sa kanila, ginawa niya ito dahil may puso siyang may takot sa Diyos. Walang iginiit si Job sa kanila, at hindi rin niya sila kinaladkad nang nagpupumiglas, ni sinabi niyang: “Ito ang aking mga anak, at dapat ko silang pasampalatayain sa Diyos, upang makakuha ng ilan pang tao ang Diyos.” Hindi niya ito sinabi, ni nagkaroon siya ng gayong plano o kalkulasyon, ni kumilos siya sa ganitong paraan. Alam niya na ang pagkilos sa ganitong paraan ay nagmumula sa kalooban ng tao, na hindi nais ng Diyos. Hinikayat lamang ni Job ang kanyang mga anak, at ipinagdasal sila, ngunit hindi niya sila pinilit o kinaladkad nang nagpupumiglas, at nagtakda pa nga siya ng hangganan. Ito ang pagiging makatwiran ni Job, at isa ring prinsipyo ng pagsasagawa: Huwag umasa sa kalooban o mabubuting intensiyon ng tao na gumawa ng anumang sasalungat sa Diyos. Dagdag pa, hindi sila nananampalataya sa Diyos, at hindi sila inantig ng Diyos. Naunawaan ni Job ang layunin ng Diyos: “Hindi nagsagawa ang Diyos sa kanila, kaya’t hindi ako mananalangin para sa kanila. Wala akong hihinging anuman sa Diyos, at ayokong salungatin ang Diyos sa bagay na ito.” Hinding-hindi siya luhaang magdarasal o mag-aayuno upang mailigtas ang kanyang mga anak, upang dumulog sila sa harap ng Diyos na si Jehova at sila ay pagpalain. Hinding-hindi siya kikilos sa ganitong paraan; alam niya na ang pagkilos sa ganitong paraan ay sasalungat sa Diyos, at na hindi ito magugustuhan ng Diyos. Ano ang nakikita ninyo mula sa mga detalyeng ito? Taos-puso ba ang pagpapasakop ni Job? (Oo.) Makakamtan ba ng karaniwang tao ang ganitong uri ng pagpapasakop? Hindi ito makakamtan ng karaniwang tao. Ang mga anak ang pinakamamahal na yaman ng kanilang mga magulang, kaya’t kapag nagsasaya sila sa ganitong paraan, ang makita silang sumusunod sa masasamang kalakaran, hindi dumudulog sa Diyos, at nawawalan ng pagkakataong manampalataya sa Diyos at mailigtas—at baka lumubog pa nga sa perdisyon at malipol—masyado itong mahirap na pagsubok sa damdamin para malampasan ng karaniwang tao. Ngunit nagawa ito ni Job. Isang bagay lamang ang ginawa niya, ang mag-alay para sa kanila, at mag-alala sa loob ng kanyang puso. Iyon lamang. Ang kanyang mga anak ang pinakamamahal niyang kaanak, ngunit wala siyang ginawang anumang dagdag para sa kanila na sasalungat sa Diyos. Ano ang naiisip ninyo sa ganitong prinsipyo ng pagsasagawa ni Job? Ipinapakita nito na mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso at tunay siyang nagpasakop sa Kanya. Pagdating sa mga usapin na tungkol sa kinabukasan ng kanyang mga anak, hindi siya talaga nanalangin, o kaya ay gumawa ng anumang pagkilos na ayon sa kalooban ng tao; ipinadala lamang niya ang kanyang mga katulong upang gumawa ng ilang bagay, at hindi siya mismo ang pumunta. Ang dahilan kung bakit hindi siya nakisali sa kasayahang ito ay dahil ayaw niyang mahawahan ng mga bagay na ito, at dagdag pa, ayaw niyang mapahalo sa kanila. Kung makikihalo siya sa kanila, masasalungat niya ang Diyos, kaya’t lumayo siya sa masasamang lugar. Mayroon bang mga partikular na detalye sa pagsasagawa ni Job? Pag-usapan muna natin kung paano niya tinrato ang kanyang mga anak. Ang layunin niya ay ang magpasakop sa mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos sa lahat ng bagay; hindi siya nagtangka na ipagpilitan ang mga bagay na hindi ginawa ng Diyos, ni gumawa ng anumang mga plano o kalkulasyon batay sa kalooban ng tao. Sa lahat ng bagay, nakinig at naghintay siya sa mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos. Ito ay isang pangkalahatang prinsipyo. Ano-ano ang mga detalyadong pamamaraan ng pagsasagawa? (Hindi siya nakisali nang magsaya ang kanyang mga anak. Lumayo siya sa kanila at naghandog ng sinunog na alay para sa kanila, ngunit hindi niya iginiit na manampalataya sila sa Diyos, ni kinaladkad silang nagpupumiglas at nagsusumigaw, at nagtakda siya ng malinaw na hangganan sa kanila.) Ito ang prinsipyo ng pagsasagawa. Paano nagsasagawa ang karaniwang tao kapag nahaharap sila sa bagay na ito? (Ipinagdarasal nila sa Diyos na manampalataya ang kanilang mga anak sa Kanya.) Ano pa? Kapag hindi iyan ginawa ng Diyos, kinakaladkad nila papunta sa simbahan ang kanilang mga anak, nang sa gayon ay pagpalain ang kanilang mga anak. Nakikita nila na natamo na nila ang malaking biyaya ng pagpasok sa kaharian ng langit at ang kanilang mga anak ay hindi pa, kaya’t nakakaramdam sila ng sakit at panghihinayang sa kanilang kalooban. Ayaw nilang mawalan ng biyaya ang kanilang mga anak, kaya’t nag-iisip sila nang maigi, sinusubukang makahanap ng paraan upang mahila papunta sa simbahan ang kanilang mga anak, iniisip na katumbas ito ng katuparan ng kanilang mga responsabilidad bilang magulang. Wala talaga silang pakialam kung nagagawa ba o hindi ng kanilang mga anak ang paghahangad sa katotohanan at pagtatamo ng kaligtasan. Hindi ginawa ni Job ang bagay na ito, ngunit hindi ito kayang gawin ng karaniwang tao. Bakit hindi? (Mayroong mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Kumikilos sila batay sa kanilang mga damdamin.) Karamihan sa mga tao ay walang konsiderasyon sa kung ang ganito bang pagkilos ay sumasalungat sa Diyos o hindi. Ang kanilang prayoridad ay mapasaya ang kanilang mga sarili, masunod ang kanilang mga damdamin, at mabigyang-kasiyahan ang kanilang mga pagnanais. Wala silang konsiderasyon kung paanong ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa mga bagay-bagay at kung paano isinasaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay, kung ano ang ginagawa ng Diyos o kung ano ang Kanyang mga layunin. Binibigyan lamang nila ng konsiderasyon ang kanilang mga sariling pagnanais, ang kanilang mga sariling damdamin, ang kanilang mga intensiyon, at ang kanilang mga benepisyo. Paano tinrato ni Job ang kanyang mga anak? Tinupad lang niya ang kanyang responsabilidad bilang ama, ipinapangaral ang ebanghelyo at nagbabahagi ng katotohanan sa kanila. Gayumpaman, makinig man sila o hindi sa kanya, sumunod man sila o hindi, hindi sila pinilit ni Job na manampalataya sa Diyos—hindi niya sila pinuwersa, o pinakialaman ang kanilang buhay. Naiiba ang kanilang mga ideya at opinyon sa kanya, kaya hindi siya nakialam sa ginagawa nila, at hindi nakialam kung anong uri ng landas ang tinatahak nila. Bihira bang nagsalita si Job sa kanyang mga anak tungkol sa pananampalataya sa Diyos? Tiyak na natalakay sana niya nang sapat sa kanila ang tungkol dito, pero tumanggi silang makinig, at hindi tinanggap ito. Ano ang saloobin ni Job tungkol doon? Sabi niya, “Natupad ko na ang responsabilidad ko; sa kung anong uri ng landas ang tatahakin nila, iyon ay nakasalalay sa kanilang pipiliin, at ito ay nakasalalay sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi gagawa ang Diyos sa kanila, o aantigin sila, hindi ko sila susubukang pilitin.” Kung kaya, hindi nagdasal si Job para sa kanila sa harap ng Diyos, o umiyak sa pagdadalamhati dahil sa kanila, o nag-ayuno para sa kanila o nagdusa sa anumang paraan. Hindi niya ginawa ang mga bagay na ito. Bakit hindi ginawa ni Job ang alinman sa mga bagay na ito? Dahil wala sa mga ito ang mga paraan ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos; lahat ng ito ay nagmula sa mga ideya ng tao at mga paraan ng tahasang pamimilit ng isang tao na unahin ang kanyang kagustuhan. Noong ayaw tahakin ng mga anak ni Job ang parehong landas na kanyang tinahak, ito ang kanyang saloobin; kaya’t nang mamatay ang kanyang mga anak, ano ang kanyang naging saloobin? Umiyak ba siya o hindi? Inilabas ba niya ang kanyang mga nararamdaman? Nasaktan ba siya? Walang tala ang Bibliya sa alinman sa mga bagay na ito. Nang makita ni Job na namatay ang kanyang mga anak, nagdalamhati o nalungkot ba siya? (Oo.) Sa kanyang pagsasalita hinggil sa pagmamahal na nadarama sa kanyang mga anak, tiyak na bahagya siyang nakadama ng kalungkutan, ngunit nagpasakop pa rin siya sa Diyos. Paano ipinahayag ang kanyang pagpapasakop? Sinabi niyang: “Ibinigay sa akin ng Diyos ang mga anak na ito. Nanampalataya man sila sa Diyos o hindi, nasa mga kamay ng Diyos ang kanilang buhay. Kung nanampalataya sila sa Diyos, at ibig silang alisin ng Diyos, gagawin pa rin Niya ito; kung hindi sila nanampalataya sa Diyos, aalisin pa rin sila kapag sinabi ng Diyos na sila ay aalisin. Ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos; kung hindi, sinong may kayang mag-alis ng buhay ng mga tao?” Sa madaling salita, ano ba ang ibig sabihin nito? “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Pinanatili niya ang ganitong saloobin sa kanyang pagtrato sa kanyang mga anak. Buhay man sila o patay, ipinagpatuloy niya ang ganitong saloobin. Ang kanyang paraan ng pagsasagawa ay tama; sa bawat paraang nagsagawa siya, sa pananaw, saloobin at kalagayan kung paano niya tinrato ang lahat, palagi siyang nasa isang posisyon at kalagayan ng pagpapasakop, paghihintay, paghahanap, at pagkatapos ay pagkakamit ng kaalaman. Napakahalaga ng ganitong saloobin. Kung ang mga tao ay hindi kailanman magkakaroon ng ganitong uri ng saloobin sa anumang bagay na ginagawa nila, at talagang may matinding pansariling mga ideya at inuuna ang mga pansariling layunin at pakinabang bago ang lahat, talaga bang nagpapasakop sila? (Hindi.) Sa gayong mga tao ay hindi makikita ang tunay na pagpapasakop; hindi nila kayang makamit ang tunay na pagpapasakop.
Hindi nagtutuon ng pansin ang ilang tao sa paghahanap ng mga katotohanang prinsipyo habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, sa halip ay umaasa sila sa kanilang sariling kalooban upang kumilos. Ano ang pinakakaraniwang pagpapamalas na nakikita sa isang taong may matitinding personal na ideya? Anuman ang mangyari sa kanila, kinakalkula muna nila ang mga bagay sa kanilang isip, pinag-iisipan ang lahat ng bagay na puwede nilang isipin, lumilikha ng isang detalyadong plano. Kapag pakiramdam nila ay wala itong mga butas, lubusan silang nagsasagawa alinsunod sa kanilang sariling kalooban, ang nagiging resulta, hindi makaagapay ang kanilang plano sa mga pagbabago, kaya kung minsan ay nagkakamali sa mga bagay. Ano ang problema rito? Madalas na namamali ang mga bagay kapag kumikilos kayo ayon sa inyong sariling kalooban. Kaya, anuman ang mangyari, dapat maupo ang bawat isa at sama-samang hanapin ang katotohanan, manalangin sa Diyos, hingin ang Kanyang patnubay. Sa kaliwanagan ng Diyos, ang mga bagay na lumilitaw sa kanilang pagbabahaginan ay puno ng liwanag, at nagbibigay ng daan pasulong. Dagdag pa rito, sa pagkakatiwala ng mga bagay sa Diyos, paghingi ng tulong sa Kanya, pag-asa sa Kanya, pagpayag na akayin ka Niya, at pagpayag na alagaan at bantayan ka Niya—sa pagsasagawa sa ganitong paraan—magkakaroon ka ng higit na katiyakan, at hindi ka makatatagpo ng anumang malalaking problema. Ang mga bagay ba na iniisip ng mga tao ay kayang ganap na umayon sa mga katunayan? Kaya bang umayon ng mga ito sa mga katotohanang prinsipyo? Ito ay imposible. Kung hindi ka umaasa at humihingi ng tulong sa Diyos kapag gumaganap ka ng iyong tungkulin, at ginagawa mo lang kung ano ang nais mo, kahit gaano ka pa katalino, may mga pagkakataon pa ring mabibigo ka. Malamang na susundin ng mga taong mayayabang at mapagmagaling ang kanilang mga sariling ideya, kung gayon, mayroon ba silang may-takot-sa-Diyos na puso? Ang mga taong may kapit-na-kapit na personal na ideya ay nalilimutan ang Diyos kapag oras na para kumilos, nalilimutan nilang magpasakop sa Diyos; kapag wala na silang ibang magagawa at nabigo silang magawa ang anuman, saka lamang nila naiisip na hindi sila nagpasakop sa Diyos, at hindi sila nagdasal sa Diyos. Anong problema ito? Ito ay ang kawalan ng Diyos sa mga puso nila. Ipinapahiwatig ng kanilang mga kilos na wala ang Diyos sa kanilang mga puso, na ang lahat ay nagmumula sa kanilang sarili. Kaya, gumagawa ka man ng gawain ng iglesia, gumaganap ng tungkulin, nag-aasikaso ng ilang gawain sa labas, o humaharap ng mga bagay-bagay sa personal mong buhay, dapat may mga prinsipyo sa iyong puso, dapat may kalagayan. Anong kalagayan? “Kahit ano pa ito, bago pa may mangyari sa akin dapat akong manalangin, dapat akong magpasakop sa Diyos, at dapat akong magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ang lahat ay isinasaayos ng Diyos, at kapag nangyari ang bagay na iyon, dapat kong hanapin ang mga layunin ng Diyos, dapat akong magkaroon ng ganitong pag-iisip, hindi ako dapat gumawa ng sarili kong mga plano.” Pagkatapos maranasan ito sa loob ng ilang panahon, nang hindi nila namamalayan, magsisimulang makita ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa maraming bagay. Kung lagi kang may sariling mga plano, isinasaalang-alang, ninanais, makasariling motibo, at hangarin, hindi sinasadyang lilihis palayo sa Diyos ang iyong puso, magiging bulag ka sa kung paano kumikilos ang Diyos, at kadalasan ay matatago ang Diyos sa iyo. Hindi ba’t gusto mong ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa sarili mong mga ideya? Hindi ka ba gumagawa ng sarili mong mga plano? Akala mo ay may utak ka, edukado ka, marunong, mayroon kang kaparaanan at diskarte para gawin ang mga bagay-bagay, kaya mong gawin ang mga ito nang mag-isa, mahusay ka, hindi mo kailangan ang Diyos, kaya naman sinasabi ng Diyos, “Sige at gawin mo ito nang mag-isa, at ikaw ang managot kung maging maayos man o hindi ang kalabasan nito, wala Akong pakialam.” Hindi ka iintindihin ng Diyos. Kapag sinusunod ng mga tao ang sarili nilang kagustuhan sa ganitong paraan sa kanilang pananalig sa Diyos at naniniwala sa kung paanong paraan nila gusto, ano ang kahihinatnan? Hindi nila kailanman magagawang maranasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi nila kailanman makikita ang kamay ng Diyos, hindi kailanman mararamdaman ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at hindi nila madarama ang patnubay ng Diyos. At ano ang mangyayari sa paglipas ng panahon? Lalong lalayo ang puso nila sa Diyos, at magkakaroon ng mga sunud-sunod na epekto. Anong mga epekto? (Pagdududa at pagtatatwa sa Diyos.) Hindi lang ito kaso ng pagdududa at pagtatatwa sa Diyos; kapag walang puwang ang Diyos sa puso ng mga tao, at ginagawa nila kung ano ang maibigan nila sa loob ng mahabang panahon, makakasanayan nila ito: Kapag may nangyari sa kanila, ang unang gagawin nila ay mag-isip ng sarili nilang solusyon at kumilos ayon sa sarili nilang mga layunin, mithiin at plano; isasaalang-alang muna nila kung magiging kapaki-pakinabang ba ito sa kanila; kung oo, gagawin nila ito, at kung hindi naman, hindi nila ito gagawin. Makakasanayan nilang dumiretso sa pagtahak sa landas na ito. At paano tatratuhin ng Diyos ang gayong mga tao kung patuloy silang kikilos nang ganoon, nang walang pagsisisi? Hindi sila iintindihin ng Diyos, at isasantabi sila. Ano ang ibig sabihin ng maisantabi? Hindi sila didisiplinahin o sisisihin ng Diyos; patuloy silang magiging mapagbigay sa sarili, walang paghatol, pagkastigo, pagdisiplina, o pagsaway, at lalong walang kaliwanagan, pagtanglaw, o patnubay. Ito ang ibig sabihin ng maisantabi. Ano ang pakiramdam ng isang tao kapag isinasantabi siya ng Diyos? Nagdidilim ang kanyang espiritu, hindi niya kasama ang Diyos, hindi siya sigurado sa mga pangitain, wala siyang landas ng pagkilos, at humaharap lamang siya sa mga hangal na bagay. Habang lumilipas ang panahon sa ganitong paraan, iniisip niya na walang kahulugan ang buhay, at hungkag ang kanyang espiritu, kaya’t katulad siya ng mga walang pananampalataya, at palala siya nang palala. Ito ay isang taong itinaboy ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Bakit lalo kong nararamdaman na ang pagtupad sa aking tungkulin ay walang kabuluhan, na pabawas nang pabawas ang aking lakas? Paanong nangyari na wala akong motibasyon? Saan napunta ang aking motibasyon?” Mayroong ibang nagsasabi: “Paanong nangyari na habang tumatagal akong nananampalataya, mas lalo kong naiisip na nabawasan ang aking pananalig kaysa noong ako ay nagsisimula? Nang magsimula akong manampalataya, partikular kong ikinasiya na makaharap ang Diyos, kaya’t paanong nangyari na wala na akong maramdaman na kasiyahan?” Saan napunta ang damdaming iyon? Nagtago na sa iyo ang Diyos kaya hindi mo Siya nararamdaman; kaya naging kaawa-awa ka at lanta. Gaano ka naging lanta? Naging malabo sa iyo ang mga pangitain ng gawain ng Diyos, walang laman ang iyong puso, at lumalabas ang iyong hamak at kahabag-habag na kaanyuan. Mabuti ba ito o masama? (Masama.) Kapag iniwan ng Diyos ang isang tao, ito ay nagiging walang alam at hangal, at wala itong kahit ano. Ito ang kahabag-habag na kaanyuan ng mga taong tinalikdan ang Diyos! Sa puntong ito, hindi na nila iniisip na mabuting manampalataya sa Diyos. Gaano man nila ito pag-isipan, hindi nila naiisip na ang pananampalataya sa Diyos ang tamang daan. Ayon sa kanila, walang kahahantungan ang daang ito, at hindi sila maglalakad dito kahit pa sino ang magpayo sa kanila. Hindi sila makapagpatuloy manampalataya, kaya’t kailangan nilang tumakbo sa mundo; para sa kanila, ang pagkita ng salapi at pagkamit ng kayamanan ang tangi nilang pagpipilian, ang pinakamakatotohanang landas. Naghahangad sila ng mga promosyon at kayamanan, kaligayahan at kasiyahan, pagbibigay-pugay sa kanilang mga ninuno, at mabilis na pagsulong sa propesyon; punong-puno ang kanilang puso ng mga bagay na ito, kaya’t magagawa pa ba nila ang kanilang tungkulin? Hindi na. Kung ang isang tao ay ganitong mga bagay lang ang iniisip, ngunit may kaunti pa ring tunay na pananampalataya, at handa siyang patuloy na hangarin ito, ano ang saloobin ng sambahayan ng Diyos sa kanya? Hangga’t nagagawa niyang magtrabaho, bibigyan siya ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos; hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa bawat tao. Bakit ganoon? Hindi nabubuhay na nakahiwalay ang mga tao, at wala kahit isa na hindi tiwali. Sino riyan ang walang mga ideya ng paglaban sa Diyos? Sino riyan ang hindi nakagawa ng mga pagsalangsang sa paglaban sa Diyos? Sino riyan ang walang mga kalagayan at pag-uugali ng paghihimagsik laban sa Diyos? Bukod pa riyan, sino riyan ang hindi nagkaroon ng mga ideya, kaisipan, o kalagayan ng di-pananampalataya, pagdududa, di-pagkaunawa, o sapantaha tungkol sa Diyos? Mayroon ang lahat. Kaya paano tinatrato ng Diyos ang mga tao? Ikinaliligalig ba Niya ang mga bagay na ito? Hindi kailanman. Ano ang ginagawa ng Diyos? Ang ilang tao ay laging may mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos. Iniisip nila, “Hangga’t nananampalataya sa Diyos ang isang tao, palagi Niya itong ilalantad, hahatulan, kakastiguhin, at pupungusan. Hindi Niya pinakakawalan ang mga tao, at hindi Niya sila binibigyan ng kalayaang pumili.” Ganoon ba iyon? (Hindi.) Ang mga taong nananampalataya sa Diyos at pumupunta sa Kanyang sambahayan ay malayang ginagawa ito; walang isa man sa kanila ang pinilit. Nawalan ng pananalig ang ilang tao; nagpakasasa sila sa mga makamundong bagay, at walang sinumang humahadlang sa kanila o nag-aatubiling makita silang umalis. Sa kapwa pagkakaroon ng pananalig sa Diyos at pagtalikod sa pananalig, malaya sila. Dagdag pa rito, hindi pinipilit ng Diyos ang sinuman. Anuman ang Kanyang mga hinihingi sa tao, hinahayaan Niya silang pumili ng daan na gusto nilang tahakin, at wala Siyang pinipilit na kahit sino. Paano pa man gumagawa ang Banal na Espiritu, o kung paano Niya ginagabayan ang mga tao at pinamumunuan ang mga ito na basahin ang mga salita ng Diyos, walang sinuman ang pinilit ng Diyos kahit kailan. Lagi Siyang nagpapahayag ng katotohanan upang maglaan at magpastol sa tao, palaging nagbabahagi ng tungkol sa katotohanan upang malutas ang mga problema, at hayaan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan. Ano ang layunin sa likod ng pagpayag na maunawaan ng mga tao ang katotohanan? (Upang matanggap nila ang katotohanan.) Kung tatanggapin mo ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos, may tayog kang mapaglabanan ang mga mapanghimagsik at mga tiwaling disposisyong ito, ang mga pananaw ng mga hindi mananampalataya, at ang lahat ng uri ng mga maling kalagayan; kapag kaya mong makilatis ang mga kalagayang ito, hindi ka maililihis. Sa oras na maunawaan ng isang tao ang lahat ng uri ng katotohanan, hindi siya magkakamali sa pag-unawa sa Diyos, at mauunawaan niya ang mga layunin ng Diyos. Sa isang banda, mahusay niyang nagagawa ang tungkulin ng isang nilalang; dagdag pa rito, nabubuhay siyang may wangis ng isang tao, at nagagawa niyang tahakin ang wastong landas ng buhay. Kapag ang isang tao ay tinatahak ang wastong landas ng buhay, nagtataglay ng patotoo na dapat mayroon ang isang nilalang, nagagawang talunin si Satanas kalaunan, nakararanas ng pagbabago ng disposisyon, may totoong pagpapasakop at takot sa Diyos, at nagiging isang katanggap-tanggap na nilalang, kung gayon, nakamit na ng gayong tao ang kaligtasan, na siyang pangwakas na layon.
Setyembre 29, 2017