Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maiwawaksi ng Isang Tao ang mga Gapos ng Isang Tiwaling Disposisyon (Unang Bahagi)

Ano ang buhay pagpasok? Ito ay kapag, pagkatapos maunawaan ang katotohanan, nakikilala ng mga tao ang Diyos, nagpapasakop sa Kanya, napagninilayan at nalalaman ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at naiwawaksi ang mga ito, at sa gayon ay naisasagawa nila ang katotohanan. Kapag naisasagawa ng isang tao ang katotohanan at tunay na nakapagpapasakop sa Diyos, nakapasok na siya sa katotohanang realidad. Ang mga nakapagsasagawa sa katotohanan ay yaong mga mayroong buhay pagpasok. Sa sandaling nagiging buhay ng isang tao ang katotohanan, hindi na siya mapipigilan ng sinumang tao, pangyayari, o bagay—magagawa niyang tunay na magpasakop sa Diyos, at tunay na mahalin ang Diyos, at tunay na sambahin ang Diyos. Iyon ang ibig sabihin ng pagtataglay ng katotohanang realidad at tunay na patotoo; iyon ang panghuling resulta ng buhay pagpasok. Kung nananalig sa Diyos sa loob ng maraming taon ang isang tao, ngunit namumuhay pa rin sa satanikong disposisyon, kumikilos ayon sa kanyang sariling mga kagustuhan, nang hindi nananalangin o naghahanap sa katotohanan, matagal nang nananalig nang hindi nagbabago kahit kaunti, at halos hindi naiiba sa isang walang pananampalataya, kung gayon ang taong tulad niyon ay walang buhay pagpasok, hindi niya nakamit ang katotohanan, at hindi niya natamo ang buhay. Kung hindi mo nakamit ang katotohanan, ikaw ay namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Hindi mo magagawang magpasakop sa Diyos, mahalin ang Diyos, isagawa ang katotohanan, o maging matatag, kahit na gustuhin mo. Kung hindi mo magagawang maging matatag, sa anong uri ng kalagayan ka makukulong? Hindi ba’t palagi kang makukulong sa isang kalagayan ng pagkanegatibo? Palagi kang maaapektuhan ng iyong kapaligiran, natatakot na matiwalag ka, natatakot sa sama ng loob ng Diyos, natatakot sa kung ano-ano, pasibo at atubiling ginagawa nang kaunti ang iyong tungkulin, at naghahanda ng ilang mabubuting gawa. Sa pangkalahatan, ikaw ay hihilahin, aakayin, at hihimukin, at mababawasan nang husto ang iyong pagiging aktibo at maagap, kaya hindi magiging kasiya-siya ang mga resultang nakukuha mo sa paggawa ng iyong tungkulin. Ang gayong mga tao ay hindi kailanman maibibigay ang kanilang mga puso sa Diyos, kaya’t napipigilan at nakokontrol sila ng maraming tao, pangyayari, at bagay, at palagi silang nakakulong sa isang negatibong kalagayan. Dahil dito, sobrang nakapapagod ang buhay nila. Sila ay nasa matinding pasakit, at hindi sila makahanap ng kalayaan at ginhawa. Pagtagal, hindi na sasapat ang sarili nilang lakas ng loob, at mamumuhay sila sa satanikong disposisyon, katulad na lamang ng mga walang pananampalataya. Magkakamit ba ng kaligtasan ang taong ganito ang uri ng pananalig sa Diyos? Sinasabi ng ilang tao: “Masigasig ako, handa akong gumawa ng mga bagay para sa Diyos. Bata pa ako, mayroon akong sigla at determinasyon, at hindi ako natatakot sa mga paghihirap.” May silbi ba ang lahat ng iyon? Wala iyong silbi. Walang silbi ang iyong sigla, gaano ka man kasigla. Gaano katagal sasapat ang kaunting lakas ng isang tao? Madalas pa rin siyang mabibigo at madadapa, at mapaparalisa siya kapag nahulog siya sa pagkanegatibo. Walang silbi ang manalig sa Diyos kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, o kung wala kang tunay na pananalig. Kung mayroon ka lamang kasigasigan o kasiglahan, wala itong silbi. Ang mga bagay na iyon ay hindi ang buhay, ang mga iyon ay panandaliang sigasig at interes lamang ng isang tao. Mayroong mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Lalaki man sila o babae, matanda o bata, lahat sila ay may panandaliang sigla, pansamantalang sigasig, mga pansamantalang pagnanais; lahat sila ay may mga pagkakataong masiglang-masigla sila, kapag nasasabik sila, pero iyon ay lakas ng loob na nagmumula lang sa pagiging pagkamainitin ng ulo, at hindi ito nagtatagal. Babagsak sa isang kisap-mata ang mga teorya, mithiin, at pangarap ng mga tao, at kung wala ang katotohanan, hindi makakapanindigan ang mga tao. Magagawa ba nang maayos ng isang taong namumuhay sa pagkamainitin ng ulo ang kanyang tungkulin? Kaya ba niyang palugurin ang Diyos? (Hindi, hindi niya kaya.) Kaya, kailangang magkaroon ng buhay pagpasok ang mga tao, dapat silang pumasok sa katotohanang realidad. May mga nagsasabing: “Bakit masyadong nakakapagod pumasok sa katotohanang realidad? Bakit ako nakagapos sa napakaraming gusot? Ano ang dapat kong gawin?” Makakaasa ba ang mga tao sa kanilang sarili para malutas ang problemang ito? May ilan na nagsasabing: “Mayroon akong lakas ng loob at determinasyon. Hindi ako natatakot sa mga paghihirap. Buo na ang isip ko. Lalampasan ko ang bawat balakid, haharapin ko ang mga pagsubok na ito. Hindi ako natatakot sa anumang bagay. Kahit gaano kahirap, magpupursige ako hanggang sa dulo!” Kapaki-pakinabang ba ito? Sa totoo lang, maaalalayan sila nito nang kaunti, ngunit mananatili pa rin ang kanilang mga praktikal na paghihirap, at mag-uugat pa rin sa loob nila ang isang tiwaling disposisyon, at hindi ito magbabago. Kung magpapatuloy ka sa pagsunod sa Diyos hanggang sa dulo, pero hindi mo binago ang iyong buhay disposisyon o hindi ka nakapasok sa katotohanang realidad, matatamo mo ba ang pagsang-ayon ng Diyos? Hindi mo pa rin matatamo. Ang pananalig sa Diyos ay hindi isang isyu ng kung kaya mo bang magpatuloy hanggang wakas o hindi. Ang mahalaga ay kung makakamit mo ba ang katotohanan, ang buhay, at ang pagsang-ayon ng Diyos. Ito ang pinakamahalagang bagay. Kung hindi makakapasok sa katotohanang realidad ang isang tao, kung hindi niya magagawang buhay niya ang katotohanan, magtatagal ba nang mahabang panahon ang kanyang kasigasigan o kasiglahan? Hindi ito magtatagal. Dapat maunawaan ng mga tao ang katotohanan, at gamitin ang katotohanan para palitan ang kanyang kasigasigan o kasiglahan. Kapag nalutas na ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon at taglay niya ang pananalig at mga prinsipyo na isagawa ang katotohanan, magagawa niyang magtiyaga nang hindi natitinag at patuloy na magsikap sa kabila ng lahat ng problema. Ano man ang kapaligiran, mga balakid, o maging mga tukso na makakaharap nila, palagi silang aasa sa Diyos at babaling sa Kanya upang magtagumpay laban kay Satanas. Para makamit ang resultang ito, kailangan mong madalas na lumapit sa Diyos, magtapat sa Kanya, sabihin sa Kanya ang mga paghihirap mo sa iyong panalangin, at makipag-usap nang tapat sa Kanya. Isa pa, habang ginagawa mo ang iyong tungkulin sa realidad, at sa panahon ng iyong totoong buhay, dapat kang maghanap kung paano kumilos para maisagawa mo ang katotohanan. Dapat kang maghanap at makipagbahaginan sa mga taong nakauunawa sa katotohanan, na may kakayahang maarok ang katotohanan, at mula roon ay makakuha ng kaunting kaliwanagan at pagpapatibay, at makahanap ng landas ng pagsasagawa. Kapag naisasagawa mo ang katotohanan, hindi ba’t malulutas niyon ang problema mo? Kung palagi kang nagpipigil at hindi nagbabahagi, iniisip na: “Baka balang araw, lalago ang tayog ko, at natural ko na lang mauunawaan ang katotohanan, kaya hindi ko ito kailangang harapin ngayon”—malabo ang ganitong uri ng pag-iisip, hindi makatotohanan, at malamang na makaantala ng mga bagay. Ang problemang ito ay malulutas sa pamamagitan ng paghahanap at pakikipagbahaginan sa mga taong nakauunawa sa katotohanan. Kung may kakayahan kang makaarok, malulutas mo rin ang problema sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Bakit hindi mo sineseryoso ang paglutas sa problemang ito? Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan para lutasin ito, kusa na lang bang mawawala ang problema? Isang kahangalan iyon.

Kapag sumapit sa inyo ang mga bagay-bagay ngayon, nagagawa ba ninyong hanapin ang katotohanan? Natutunan na ba ninyo kung paano hanapin ang katotohanan? Bukod sa pag-aaral nang maigi sa ilang prinsipyo sa inyong propesyon, nagagawa ba ninyong hanapin ang katotohanan pagdating sa inyong sariling buhay pagpasok—na pabutihin ang inyong iba’t ibang kalagayan at baguhin ang inyong tiwaling disposisyon? Kung nagrereklamo ka pa rin kapag pinupungusan ka dahil may ginawa kang isang bagay na lumabag sa mga prinsipyo, kung napipigilan ka pa rin dahil pinungusan ka, at kung umaabot ka sa puntong susukuan mo ang iyong sarili, iniisip na matitiwalag ka, at nagiging negatibo at nagpapakatamad, kung gayon hindi ba’t napakalubha ng iyong satanikong disposisyon na nasasakal ka na nito? Pagdating sa pagkaunawa sa katotohanan, napakarami at napakalaki ng mga suliranin ng mga tao; kapag nahaharap sila sa mga problema, nagiging negatibo sila agad-agad at nang napakatagal, at napakabagal at napakakaunti ng kanilang pagsasagawa sa katotohanan. Kapag nahaharap ang mga tao sa ilang partikular na kapaligiran, o nakapapansin ng ilang sulyap mula sa iba, o nakaririnig ng ilang salitang binibigkas, o nakatutuklas ng ilang uri ng impormasyon, lilitaw ang mga negatibong bagay sa kanila, anumang oras at lugar. Ito ay mga likas na pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon. Ano ang pinapatunayan nito? Pinapatunayan nito na walang elemento ng katotohanan sa loob ng buhay ng tao. Ang mga hindi pa nababagong bagay na natural na ibinubunyag ng mga tao, iniisip mo man ang mga ito sa iyong ulo, o sinasabi ang mga ito ng iyong bibig, o kung ang mga ito ay isang bagay na layon o plano mong gawin—sinasadya man o hindi sinasadya—lahat ng bagay na ito ay nauugnay sa iyong tiwaling disposisyon. Mula saan nabubunyag ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Masasabi nang may katiyakan na nabubunyag ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao mula sa kanilang satanikong kalikasan, iyon ang pinagmulan. Kung iisipin ang mga tiwaling bagay na ibinubunyag ng mga tao, malinaw na walang anumang katotohanang realidad ang mga tao, na wala silang anumang normal na pagkatao, at na wala silang anumang normal na katwiran. Ngayon, maaari ninyong suriin ang inyong mga sarili. Kung bibigyan ninyo ng pansin at pagtutuunan ang pagninilay-nilay sa sarili, malalaman ninyo kung tama o hindi ang inyong mga hangarin, iniisip, at pananaw, at kung naaayon ang mga ito sa katotohanan o hindi. Karaniwang nagagawa ninyong tukuyin nang kaunti ang mga bagay na ito at nauunawaan ang mga ito. Kaya, pagkatapos ninyong maunawaan ang mga bagay na ito, magagawa ba ninyong hanapin ang katotohanan para sa isang solusyon? O hahayaan mo ang mga ito na kusang mabuo, iniisip na: “Gusto kong mag-isip sa ganitong paraan, ang pag-iisip nang ganito ay kapaki-pakinabang sa akin. Walang karapatang makialam ang ibang tao. Kung hindi ko sasabihin ang mga bagay na ito nang malakas, o kikilos ayon sa mga ito, kung iisipin ko lang ang mga ito, hindi ba’t ayos lang iyon?” Hindi ba’t may mga taong gumagawa nito? Anong pagpapamalas ito? Malinaw na alam nilang mali ang pag-iisip nang ganito, pero hindi nila hinahanap ang katotohanan, hindi nila isinasantabi ang mga kaisipang ito, o naghihimagsik laban sa mga ito. Nagpapatuloy sila sa pag-iisip at pagkilos sa ganoong paraan, ganap na walang pakialam. Hindi mahal ng mga taong ito ang katotohanan, at hindi nila kayang manindigan.

Ang ilang tao ay hindi gumampan ng tungkulin, at hindi sila sineseryoso ninuman—iniisip ng mga taong ito na bilang mananampalataya sa Diyos, sapat na ang basahin lamang ang mga salita ng Diyos, na mamuhay ng isang buhay-iglesia, at na karaniwang huwag gumawa ng masasamang bagay o magpakasasa tulad ng mga walang pananampalataya; iniisip nila na baka sa huli ay makatanggap sila ng mga biyaya, at makaligtas. Kumakapit ang mga tao sa ganitong uri ng ilusyon sa kanilang pananalig sa Diyos. Kung titingnan, hindi sila gumagawa ng anumang mabibigat na pagkakamali, pero wala silang anumang buhay pagpasok, ni hindi nila nakamit ang anumang katotohanang realidad. Sa sandaling sineryoso sila ng isang tao, napagtatanto nila na puno sila ng mga problema at pagkukulang, at nagiging negatibo sila, iniisip na: “Tapos na ang lahat, hindi ba? Maraming taon na akong nananalig sa Diyos, at wala akong nakamit mula rito. Mukhang hindi talaga madaling manalig sa Diyos!” Nanlalamig sila, at ayaw na nilang magsikap tungo sa katotohanan. Hindi nagtatagal, nakararamdam sila ng kahungkagan, at pakiramdam nila ay kailangan nilang hangarin ang katotohanan para magkaroon ng pag-asa. Kapag sinisimulan nilang gawin ang kanilang tungkulin, at muli silang sineseryoso ng mga tao, sa wakas ay nararamdaman nila na: “Kailangang taglayin ng mga tao ang katotohanan, kung hindi, napakadali para sa kanila na magkamali. Kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan, palagi silang gagawa ng mga paglabag, at mapupungusan. Kung aasa sila sa kanilang sigasig sa paggawa ng mga bagay-bagay, pupungusan din sila. Dapat akong maging maingat sa lahat ng bagay. Talagang hindi ako dapat magsalita o kumilos nang walang ingat. Hindi ako dapat makialam sa mga bagay-bagay. Mas mabuti nang maging duwag kaysa mamukod-tangi.” Iniisip nila na ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay ganap na wasto, na walang sinuman ang makatutukoy ng anumang pagkakamali rito, pero nakaligtaan nila ang pinakamahalagang punto, na dapat nilang hangarin ang katotohanan. Hindi nila hinahangad ang katotohanan, ni hindi nila hinahangad ang sarili nilang buhay pagpasok, at iyon ang kanilang pinakamalubhang kapintasan. Kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin, kontento na sila na natatapos lang nila ang gawain. Para matapos ang kanilang gawain, nagtatrabaho sila mula madaling araw hanggang dapit-hapon, at kung minsan ay masyado silang abala na wala na silang pakialam kung hindi sila makakain nang dalawang beses. Kaya talaga nilang magdusa at magbayad ng halaga, pero wala silang buhay pagpasok. Sa bawat pagkakataon, mapagbantay sila laban sa iba, sa takot na magkamali sila at mapungusan. Tama ba ang ganitong kalagayan? Isa ba itong taong naghahangad sa katotohanan? Kung gagawin ng mga tao ang kanilang tungkulin nang ganito hanggang sa wakas, makakamit ba nila ang katotohanan o makapapasok sa katotohanang realidad? (Hindi.) Hindi ba’t marami sa inyo ang ganito? Hindi ba’t madalas kayong nasa ganitong kalagayan? (Oo.) Alerto ba kayo, iniisip na ito ay isang masamang paraan ng pagkilos, na namumuhay kayo sa negatibong kalagayan? Kapag nangyayari sa inyo ang mga bagay-bagay, palagi kayong kumikilos na parang mga duwag, palagi kayong kumikilos na parang mga mapagpalugod ng tao, palaging nakikipagkompromiso, palaging nyutral sa mga usapin, hindi kailanman pinasasama ang loob ng sinuman o pinakikialaman ang mga bagay-bagay, hinding-hindi gumagawa ng kalabisan—para kayong nakatayo sa sarili ninyong posisyon, kumakapit sa inyong tungkulin, ginagawa ang anumang ipinapagawa sa inyo, hindi nakatayo sa harapan o sa likod, at sumasabay lang sa agos—sabihin ninyo sa Akin, sa palagay ba ninyo kung magpapatuloy kayo sa paggawa ng inyong tungkulin sa ganitong paraan hanggang sa huli, makakamit ninyo ang pagsang-ayon ng Diyos? Alam ba ninyo na lubhang mapanganib ang ganitong uri ng kalagayan, na hindi lamang ninyo hindi makakamit ang pagpeperpekto ng Diyos, kundi malamang na malalabag din ninyo ang disposisyon ng Diyos? Hinahangad ba ng ganitong uri ng taong walang sigla ang katotohanan? Siya ba ang uri ng tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan? Madalas na ipinapakita ng isang taong namumuhay sa ganitong kalagayan ang mga kaisipan ng isang mapagpalugod ng tao, at wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Kung basta lang natatakot at nangangamba ang isang tao nang walang magandang dahilan, iyon ba ay may-takot-sa-Diyos na puso? (Hindi.) Kahit na isubsob niya ang sarili sa kanyang tungkulin, magbitiw siya sa kanyang trabaho, at talikuran niya ang kanyang pamilya, kung hindi niya ibinibigay sa Diyos ang kanyang puso, at nagiging mapagbantay siya laban sa Diyos, iyon ba ay isang mabuting kalagayan? Iyon ba ang normal na kalagayan ng pagpasok sa katotohanang realidad? Hindi ba’t nakakatakot ang pag-usbong ng kalagayang ito sa hinaharap? Kung magpapatuloy ang isang tao sa ganitong kalagayan, makakamit ba niya ang katotohanan? Makakamit kaya niya ang buhay? Makapapasok ba siya sa katotohanang realidad? (Hindi.) Alam ba ninyo na kayo mismo ay nagtataglay ng mismong kalagayang ito? Kapag namalayan na ninyo ito, iniisip ba ninyo na: “Bakit ba palagi akong mapagbantay laban sa Diyos? Bakit ba palaging ganito ako mag-isip? Masyadong nakakatakot ang mag-isip nang ganito! Ito ay pagsalungat sa Diyos at pagtanggi sa katotohanan. Ang pagiging mapagbantay ba laban sa Diyos ay kapareho ng paglaban sa Kanya”? Ang kalagayan ng pagiging mapagbantay laban sa Diyos ay kagaya lamang ng pagiging isang magnanakaw—hindi ka nangangahas mamuhay sa liwanag, natatakot kang ilantad ang iyong mala-demonyong mukha, at kasabay nito, nangangamba ka: “Hindi pinaglalaruan ang Diyos. Kaya niyang hatulan at kastiguhin ang mga tao sa lahat ng oras at lugar. Kung gagalitin mo ang Diyos, sa mga hindi malalang kaso, pupungusan ka Niya, at sa mga malalang kaso, parurusahan ka Niya, bibigyan ng sakit, o pahihirapan ka. Hindi kakayanin ng mga tao ang mga bagay na iyon!” Hindi ba’t mayroong ganitong mga maling pagkaunawa ang mga tao? Ito ba ay may-takot-sa-Diyos na puso? (Hindi.) Hindi ba’t nakakatakot ang ganitong kalagayan? Kapag ang isang tao ay nasa ganitong kalagayan, kapag mapagbantay siya laban sa Diyos, at palaging may ganitong mga kaisipan, kapag palagi siyang mayroong ganitong saloobin sa Diyos, tinatrato ba niya ang Diyos bilang Diyos? Ito ba ay pananalig sa Diyos? Kapag nananalig ang isang tao sa Diyos sa ganitong paraan, kapag hindi niya tinatrato ang Diyos bilang Diyos, hindi ba iyon isang problema? Ang pinakamalala, hindi tinatanggap ng mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ni hindi nila tinatanggap ang katunayan ng Kanyang gawain. Iniisip nila: “Totoong maawain at mapagmahal ang Diyos, pero mapag-poot din Siya. Kapag sumapit ang poot ng Diyos sa isang tao, nakapipinsala ito. Kaya Niyang patayin ang mga tao anumang oras, sirain ang sinumang naisin Niya. Huwag gisingin ang galit ng Diyos. Totoong hindi pinahihintulutan ng Kanyang pagiging maharlika at pagkapoot ang anumang pagkakasala. Dumistansiya ka sa Kanya!” Kung ang isang tao ay may ganitong uri ng saloobin at mga ideyang ito, magagawa ba nilang lubos at taos-pusong humarap sa Diyos? Hindi nila magagawa. Kung gayon ay hindi ba’t may distansya sa pagitan nila ng Diyos? Hindi ba’t maraming bagay ang naghihiwalay sa kanilang dalawa? (Oo.) Aling mga bagay ang humahadlang sa mga tao sa pagharap sa Diyos? (Ang kanilang mga kinabukasan at tadhana.) (Kasikatan, pakinabang, at katayuan.) Ano pa? Aling mga bagay ang nagsasanhing maging tutol ang mga tao sa katotohanan, tanggihan ang katotohanan, tanggihan ang panustos ng buhay ng Diyos at ang Kanyang pagliligtas? Pagnilayan ito: Aling mga parte sa mga tao ang humahadlang sa kanila sa taos-pusong pagharap sa Diyos, at sa pagsagawa sa katotohanan, at sa pagbibigay ng kanilang mga katawan at puso para ang Diyos ang mangasiwa at magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa mga ito? Aling mga bagay ang nagsasanhing matakot ang mga tao sa Diyos, at magkamali ng pag-unawa sa Diyos? Mayroong mga tiwaling disposisyon ang tao, pati na mga satanikong pilosopiya, at mga satanikong kaisipan; mapanlinlang sila, nag-iingat sila laban sa Diyos sa bawat pagkakataon, walang tiwala at may maling pagkaunawa sa Kanya. Kapag narumihan sila ng lahat ng bagay na ito, kaya ba talagang magtiwala ng isang tao sa Diyos? Matatanggap ba niya ang mga salita ng Diyos bilang buhay niya? Sinasabi ng ilang tao: “Kumakain at umiinom ako ng mga salita ng Diyos araw-araw. Kapag binabasa ko ang mga salita Niya at naaantig ako ng mga ito, nagdarasal ako. Pinahahalagahan ko ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan. Binabasa ko ang mga ito araw-araw, at madalas akong nagdarasal nang tahimik, at umaawit ng mga himno na nagpupuri sa Diyos.” Bagamat mabuti ang ganitong espirituwal na buhay, kung umaasa pa rin ang mga taong ito sa kanilang sariling mga ideya kapag tumutugon sa mga bagay na nangyayari sa kanila, kung hindi man lang nila hinahanap ang katotohanan, at wala sa mga doktrinang naiintindihan nila ang may epekto sa kanila, ano ba ang nangyayari? Hindi mahal ng mga tao ang katotohanan. Sinasabi nila na pinahahalagahan nila ang mga salita ng Diyos, pero hindi nila inihahambing ang kanilang sarili sa mga ito, at hindi nila isinasagawa ang mga ito. Napakalaking suliranin nito, at napakahirap tuloy para sa mga tao na pumasok sa katotohanang realidad. Hindi kailanman nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, ni wala silang katiting na kaalaman sa Diyos, kaya tiyak na mayroon silang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos, at mayroong pader sa pagitan nila ng Diyos. Hindi ba’t lahat kayo ay may personal na karanasan dito? Sinasabi mo na: “Ayaw kong magbantay laban sa Diyos, gusto kong tunay na magtiwala sa Kanya, pero kapag may nangyari sa akin, hindi ko maiwasang mag-ingat laban sa Kanya. Gusto kong balutin ang sarili ko at ihiwalay ang sarili ko sa Diyos, at gumamit ng mga satanikong pilosopiya para protektahan ang aking sarili. Ano ba ang mali sa akin?” Ipinapakita nito na walang katotohanan ang mga tao, sila ay namumuhay pa rin sa mga satanikong pilosopiya, at kontrolado pa rin sila ni Satanas. Iyon ay kahabag-habag na wangis na taglay ng mga tao dahil sa kanilang satanikong kalikasan—mahirap para sa kanila na isagawa ang katotohanan. Ang hindi pagsasagawa sa katotohanan ang pinakamalaking hadlang sa buhay pagpasok. Kung hindi malulutas ang problemang ito, mahirap para sa isang tao na ibigay ang kanyang puso sa Diyos, na makamit ang Kanyang gawain, o pumasok sa katotohanang realidad. Naranasan na ba ninyong lahat ito? Paano malulutas ang bagay na ito? Dapat mong pagnilayan at subukang kilalanin ang iyong sarili, at tingnan kung aling mga bagay ang humahadlang sa iyo sa pagsasagawa ng katotohanan. Ang paglutas ng problemang ito ay pinakamahalaga.