Sa Pananalig sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita (Ikalawang Bahagi)
Alam ba ninyo kung anong uri ng mga tao ang sinusukuan ng Diyos sa bandang huli? (Iyong mga patuloy na nagmamatigas at hindi nagsisisi sa harap ng Diyos.) Ano ang partikular na kalagayan ng mga ganitong uri ng tao? (Kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, palagi silang pabasta-basta at pabaya, at kapag nahaharap sa mga problema, hindi nila hinahanap ang katotohanan para magkaroon ng determinasyon. Hindi sila masigasig sa kung paano nila dapat isagawa ang katotohanan, at walang ingat na pinangangasiwaan ang lahat ng bagay. Kontento na sila sa hindi paggawa ng mga buktot o masamang bagay, at hindi sila nagsusumikap para sa katotohanan.) Nakadepende sa sitwasyon ang kanilang pabasta-basta at pabayang pag-uugali. Ginagawa ito ng ilang tao dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at iniisip pa nga nila na normal lang ang pagiging pabasta-basta at pabaya. Ang ilang tao ay sinasadyang maging pabasta-basta at pabaya, sadyang pinipiling kumilos nang ganito. Kumikilos sila nang ganito kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at kahit na nauunawaan na nila, hindi nila pinagbubuti ang kanilang pag-uugali. Hindi nila isinasakatuparan ang katotohanan, patuloy silang kumikilos sa ganitong paraan nang walang katiting na pagbabago. Hindi sila nakikinig kapag may pumupuna sa kanila, ni tinatanggap ang pagtatabas o pagwawasto. Sa halip, matigas ang kanilang paninindigan hanggang sa wakas. Ano ang tawag dito? Ito ay pagmamatigas. Alam ng lahat na ang “pagmamatigas” ay isang negatibong termino, isang mapanghamak na termino. Hindi ito isang mabuting salita. Kaya, ano sa tingin ninyo ang kahihinatnan kung naugnay ang terminong “mapagmatigas” sa isang tao, at tumugma sila sa deskripsyon? (Sila ay kasusuklaman, tatanggihan, at isasantabi ng Diyos.) Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo, ang pinakakinasusuklaman at gustong sukuan ng Diyos ay ang ganitong uri ng mapagmatigas na mga tao. Alam na alam nila ang kanilang mga maling ginagawa ngunit hindi sila nagsisisi, hindi nila inaamin ang kanilang mga pagkakamali at palaging nagdadahilan at nakikipagtalo upang bigyang-katwiran ang kanilang sarili at iwasan ang masisi, at sinusubukan nilang makahanap ng mga mahusay at tusong paraan para sa mga isyu, tinatakpan ang kanilang mga kilos sa mga mata ng iba, at patuloy silang gumagawa ng mga pagkakamali nang walang katiting na pagsisisi o pag-amin sa kanilang puso. Ang gayong tao ay nakayayamot at hindi madali para sa kanila na makamit ang kaligtasan. Sila ang mismong mga tao na gustong pabayaan ng Diyos. Bakit pababayaan ng Diyos ang gayong mga tao? (Dahil hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, at naging manhid na ang kanilang konsiyensya.) Ang gayong mga tao ay hindi maliligtas. Hindi inililigtas ng Diyos ang ganitong mga tao; hindi Siya gumagawa ng walang saysay na gawain. Sa panlabas ay tila hindi sila inililigtas ng Diyos, at ayaw sa kanila ng Diyos, ngunit sa katunayan, may praktikal na dahilan, at iyon ay na hindi tinatanggap ng mga taong ito ang pagliligtas ng Diyos; tinatanggihan at nilalabanan nila ang pagliligtas ng Diyos. Iniisip nila, “Ano ang mapapala ko sa pagsunod sa Iyo, pagtanggap sa katotohanan, at pagsasagawa ng katotohanan? Ano ang bentaha? Gagawin ko lang ito kung may pakinabang sa akin. Kung walang pakinabang, hindi ko gagawin.” Anong uri ng mga tao ito? Sila ay mga taong inuudyukan ng pansariling interes, at ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay pawang inuudyukan ng pansariling interes. Hindi matanggap ng mga taong naudyukan ng pansariling interes ang katotohanan. Kung susubukan mong ibahagi ang katotohanan sa isang taong inuudyukan ng pansariling interes, at hilingin sa kanya na kilalanin ang kanyang sarili at aminin ang kanyang mga pagkakamali, paano siya tutugon? “Anong pakinabang ang makukuha ko sa pag-amin ng aking mga pagkakamali? Kung paaaminin mo ako na may nagawa akong mali, at pagkukumpisalin mo ako sa aking mga kasalanan at pagsisisihin, anong mga pagpapala ang matatanggap ko? Masisira ang reputasyon at mga interes ko. Magdurusa ako ng mga kawalan. Sino ang magbabayad sa akin?” Ito ang kanyang mentalidad. Naghahanap lamang siya ng pansariling pakinabang, at pakiramdam niya ay napakalabo ang kumilos sa isang partikular na paraan para matanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Hindi lang talaga siya naniniwala na posible ito; pinaniniwalaan lamang niya ang nakikita ng kanyang mga mata. Ang gayong tao ay inuudyukan ng pansariling interes, at namumuhay siya ayon sa satanikong pilosopiya na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Iyon ang kanyang kalikasang diwa. Sa kanyang puso, ang pagkilala sa Diyos at pagkilala sa katotohanan ay nangangahulugang nananalig siya sa Diyos. Ang hindi paggawa ng masama ay ayos lang sa kanya, ngunit dapat siyang makatanggap ng mga pakinabang at talagang ganap na hindi makaranas ng kawalan. Saka lang siya magsasalita tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsunod sa Diyos kapag hindi naapektuhan ang kanyang mga interes. Kung napipinsala ang kanyang mga interes, hindi niya kayang isagawa ang katotohanan o sundin ang Diyos. Ang hilingin sa kanya na igugol ang kanyang sarili, magdusa, o magbayad ng halaga para sa Diyos ay mas lalong imposible. Hindi tunay na mga mananampalataya ang taong tulad nito. Nabubuhay siya para sa kanyang mga sariling interes, naghahanap lamang ng mga pagpapala at pakinabang, at ayaw niyang magtiis ng paghihirap o magbayad ng halaga, ngunit nagnanais pa rin siya ng posisyon sa sambahayan ng Diyos para matakasan ang kahihinatnan ng kamatayan. Ang gayong tao ay hindi tumatanggap ng kahit katiting na katotohanan at hindi maliligtas ng Diyos. Ililigtas pa ba sila ng Diyos? Tiyak na kamumuhian at tatanggihan sila ng Diyos, at palalayasin sila. Ibig bang sabihin niyon ay hindi sila inililigtas ng Diyos? Inabandona na nila ang kanilang sarili. Hindi sila nagsusumikap tungo sa katotohanan, nananalangin sa Diyos, o umaasa sa Diyos, kaya paano sila ililigtas ng Diyos? Ang tanging paraan ay ang sukuan sila, isantabi, at hayaan silang pagnilayan ang kanilang sarili. Kung nais ng mga tao na maligtas, ang tanging paraan ay ang tanggapin nila ang katotohanan, kilalanin ang kanilang sarili, isagawa ang pagsisisi, at isabuhay ang katotohanang realidad. Sa ganitong paraan, makakamit nila ang pagsang-ayon ng Diyos. Dapat nilang isagawa ang katotohanan upang makasunod at matakot sila sa Diyos, na siyang pangwakas na layunin ng pagliligtas. Ang pagsunod at pagkatakot sa Diyos ay dapat na nakapaloob sa mga tao at sa kung paano sila nabubuhay. Kung hindi mo tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, wala ka nang mapipiling pangalawang landas. Kung hindi tinatahak ng isang tao ang landas na ito, masasabi lamang na hindi siya naniniwala na ang katotohanan ay makapagliligtas sa kanya. Hindi siya naniniwala na ang lahat ng salitang binigkas ng Diyos ay maaaring makapagpabago sa kanya at magawa siyang maging isang taos-pusong tao. Higit pa rito, sa simula ay hindi siya naniniwala na ang Diyos ang katotohanan, at hindi rin siya naniniwala sa katunayan na ang katotohanan ay maaaring makapagbago at magligtas sa mga tao. Samakatuwid, kahit gaano mo pa ito suriin, ang puso ng gayong tao ay masyadong mapagmatigas. Tumatanggi siyang tanggapin ang katotohanan anuman ang mangyari, at hindi siya maliligtas.
Mayroon ba sa inyo ang may mapagmatigas na kalagayan? (Oo.) Kung gayon, lahat ba kayo ay mga taong mapagmatigas? Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pagkakaroon ng mapagmatigas na kalagayan at pagiging mapagmatigas na tao? Dapat makilala ang kaibahan ng dalawa dahil ang mga ito ay magkaibang usapin. Ang pagkakaroon ng mapagmatigas na kalagayan ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng ganitong uri ng tiwaling disposisyon. Kung kaya mong tanggapin ang katotohanan, makakamit mo ang kaligtasan, ngunit kung ikaw ay isang mapagmatigas na tao, magkakaproblema ka. Ang mga taong mapagmatigas ay hindi tinatanggap ang katotohanan; hindi nila makakamit ang kaligtasan. Iyan ang kaibahan nitong dalawang uri ng tao. Ang mga may mapagmatigas na kalagayan ay nagpapakita ng kaunting mapaghimagsik na pag-uugali, at nagbubunyag ng ilang katiwalian sa kanilang sarili. Gayunpaman, sa proseso ng pagbubunyag ng katiwalian, patuloy nilang ikinukumpisal ang kanilang mga kasalanan at nagsisisi sa harap ng Diyos, at patuloy na tinatanggap ang paghatol, pagkastigo, at pagtutuwid ng Diyos. Ilang beses man silang makaranas ng pagkabigo o pagkatisod, kaya nilang pagnilayan ang kanilang sarili, lutasin ang mga problema, bumangong muli at patuloy na sundan ang Diyos. Sa pamamagitan ng paglalakbay na ito, nagkakaroon sila ng tunay na pag-unawa sa kanilang tiwaling disposisyon at napagtatanto nila na ang pagdanas ng paghatol at pagkastigo ng Diyos ay talagang isang uri ng pagliligtas, at na hindi nila kaya kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Sa pamamagitan ng matimtimang pagsisisi, walang tigil na pag-amin, at patuloy na pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, unti-unting lumalago ang kanilang buhay, at patuloy na nagbabago ang kanilang espirituwal na kalagayan. Sa prosesong ito, maaaring unti-unting maiaalis ang tiwaling disposisyon ng isang tao, at makararanas siya ng paglago at pagbabago. Kung huhusgahan ang kanyang mapaghimagsik na pag-uugali, maaaring tila mapagmatigas din ang gayong tao, at kung minsan ay mayroon siyang mapagmatigas na kalagayan, ngunit hindi siya ganoong uri ng tao. Dahil hindi siya ganoong uri ng tao, tiyak na magpapakita siya ng mga positibong pag-uugali at pag-usad. Ang gayong tao ay maliligtas. Aling uri ng tao kayo? (Inaamin namin kapag kami ay nakagawa ng mali, at handa kaming magsisi sa Diyos at itama ang aming mga pagkakamali.) Kung alam mo ang iyong mga maling ginagawa, iyong pagrerebelde, at iyong tiwaling disposisyon, at nakadarama ka ng pagsisisi at panghihinayang sa puso mo, mabuti ito at may pag-asa na maligtas ka. Gayunpaman, kung sa sarili mo ay wala kang katiting na kamalayan sa iyong paghihimagsik o katiwalian, at kapag may pumupuna nito, nananatili kang matigas ang ulo at hindi tumatanggap, na humahantong pa nga sa nakalilinlang na argumento at pagbibigay-katwiran sa sarili, kung gayon, magkakaproblema ka, at hindi magiging madali para sa iyo na maligtas. Kung nananalig ka sa Diyos sa maikling panahon pa lang, sabihin nating sa loob ng tatlo hanggang limang taon, at hindi mo pa rin gaanong nauunawaan ang tungkol sa pananampalataya, ito ay dahil napakaliit ng tayog mo. Gayunpaman, kung ikaw ay isang mananampalataya na sa loob ng higit sampung taon at hindi mo pa rin nakikilala ang iyong sarili, o tinatanggap ang matabasan o maiwasto, kung gayon, mahihirapan ka. Ito ay isang tao na may mapagmatigas na disposisyon na tumatangging tanggapin ang katotohanan. Kung ang pag-uusapan ay ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan at walang realidad, kailangan mong tingnan kung nasa anong punto ng panahon na sila. Ang ilang tao ay may magagandang katangian, mabilis na nakapapasok sa katotohanan, at pagkatapos lamang ng isa o dalawang taon ng pananampalataya, nauunawaan na nila kung ano ang kabuluhan ng buhay pagpasok. Posible rin na naka-ugnayan nila ang mga taong nagtagumpay sa pagpasok sa buhay, may katotohanang realidad, at nakauunawa ng maraming katotohanan. Ang mga bagong mananampalataya ay nananabik din sa mga bagay na ito, kaya’t nakikinig sila nang mabuti, at tumatanggap ng marami, kaya’t mabilis silang nakapapasok sa buhay. Ang ilang tao ay may mababang kalidad, at kahit na nakikipag-ugnayan sila sa mga may mabubuting kalidad, mabagal ang kanilang pag-usad. Ang ilang tao ay may likas na pagkasuklam sa katotohanan, at gaano man karaming taon silang nananampalataya, hindi nila isasagawa ang katotohanan, ni hindi sila uusad sa kanilang buhay. Ang ilang tao ay gustong-gusto lamang gumawa ng mga bagay-bagay at napakamasigasig nila, ngunit hindi sila handang magsikap tungo sa katotohanan. Araw-araw silang abala, ngunit hindi sila umuusad sa buhay. Ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay maaaring nasa lahat ng uri ng sitwasyon. Gayunpaman, tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang kayang magsagawa ng katotohanan, magtamo ng katotohanan, at magkamit ng kaligtasan. Ang pinakamalaking alalahanin para sa mga mananampalataya ay ang pagkakaroon ng mapagmatigas na disposisyon at hindi pagtanggap sa katotohanan. Ang ganitong mga tao ay ang pinakanagiging problema at ito ay isang isyu sa kanilang kalikasan. Maaaring tumatanggap sila ng doktrina, ngunit tumatanggi silang tanggapin ang katotohanan. Ito ang mga taong may pinakamaliit na tsansang mailigtas. Ang tanging magagawa sa mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan at nagsasawa sa katotohanan, ay ang abandonahin sila.
Hayaan mo Akong magbigay ng dalawang halimbawa ng pagsisinungaling. May dalawang uri ng tao na may kakayahang magsinungaling. Kailangan ninyong matukoy kung aling mga tao ang mapagmatigas at hindi na matutubos. Kailangan din ninyong tukuyin kung alin ang maaaring iligtas. Bagamat ang mga maliligtas ay kadalasang nagpapakita ng katiwalian, hangga’t kaya nilang tanggapin ang katotohanan at pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili, may pag-asa pa rin. Sa unang halimbawa, may isang taong madalas magsinungaling. Gayunpaman, pagkatapos maunawaan ang katotohanan, iba na ang kanyang reaksyon sa susunod niyang pagsisinungaling. Makadarama siya ng matinding sakit at paghihirap, at mapagninilayan na, “Nagsinungaling na naman ako. Bakit hindi ko kayang magbago? Sa pagkakataong ito, anuman ang mangyari, dapat kong ilantad ang bagay na ito, na ihayag ang aking sarili at himayin ang aking tunay na pagkatao. Dapat maging malinaw sa akin ang katunayan na nagsisinungaling ako para hindi mapahiya.” Pagkatapos magtapat at magbahagi, magiging magaan ang pakiramdam niya at mapagtatanto na, “Napakasakit pala ng pagsisinungaling, samantalang napakadali at kahanga-hanga ang pagiging matapat na tao! Hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao; ito ang wangis na dapat taglayin ng mga tao.” Matapos maranasan ang kaunting kabutihang ito, mula noon, nag-iingat na sila na huwag madalas magsinungaling, hindi na nagsasabi ng mga kasinungalingan hangga’t maaari, nagsasalita kapag mayroon silang sasabihin, nagsasalita nang matapat, gumagawa ng matatapat na gawa, at nagiging isang matapat na tao. Gayunpaman, kapag nahaharap sa isang sitwasyon na kung saan ay sangkot ang kanilang pride, likas silang nagsisinungaling at kalaunan ay pinagsisisihan nila ito. Pagkatapos, kapag nahaharap sila sa isang sitwasyon kung saan maaari nilang pagmukhaing mabuti ang kanilang sarili, muli silang nagsisinungaling. Lihim nilang kinasusuklaman ang kanilang sarili, iniisip na, “Bakit hindi ko makontrol ang aking bibig? Maaari kayang ito ay isang problema sa aking kalikasan? Masyado ba akong mapanlinlang?” Napagtatanto nila na ang problemang ito ay dapat malutas; kung hindi, kamumuhian at itatakwil sila ng Diyos, at palalayasin sila. Mananalangin sila sa Diyos, humihiling na disiplinahin sila kung muli silang magsisinungaling, at handa silang tumanggap ng parusa. Nag-iipon sila ng lakas ng loob na suriin ang kanilang sarili sa mga pagtitipon, at sinasabing, “Kapag nagsisinungaling ako sa mga ganitong sitwasyon, ito ay dahil mayroon akong makasariling mga motibo at kontrolado ng aking intensyon. Sa pagninilay ko, napagtanto ko na sa tuwing nagsisinungaling ako, ito ay alang-alang sa banidad o para sa aking pansariling pakinabang. Nakikita ko na ito nang malinaw ngayon: Nabubuhay ako para sa aking pride at personal na mga interes, na siyang nagtulak sa akin na magsinungaling sa lahat ng oras tungkol sa lahat ng bagay.” Habang hinihimay ang sarili nilang mga kasinungalingan, inilalantad din nila ang kanilang intensyon at natutuklasan ang problema ng kanilang tiwaling disposisyon. Ito ay sitwasyong may pakinabang sa lahat; kaya nilang isagawa ang pagiging isang matapat na tao at kasabay niyon ay makakuha ng kaliwanagan at makakilala sa kanilang tiwaling disposisyon. Pagkatapos, mapagninilayan nila, “Kailangan kong magbago! Ngayon ko lang nalaman na may ganito akong problema. Ito ay tunay na kaliwanagan mula sa Diyos. Ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan ay pinagpapala ng Diyos!” Nararanasan din nila ang kaunting tamis ng pagsasagawa ng katotohanan. Gayunpaman, isang araw ay hindi sinasadya ng mga taong ito na magsinungaling muli. Nanalangin silang muli sa Diyos, hinahanap ang Kanyang disiplina. Bukod dito, napagninilayan nila kung bakit palagi silang may lihim na intensiyon kapag nagsasalita, at kung bakit palagi nilang isinasaalang-alang ang kanilang banidad at pride sa halip na ang kalooban ng Diyos. Pagkatapos magnilay, nagkakaroon sila ng kaunting pagkaunawa sa kanilang tiwaling disposisyon at nagsisimula silang masuklam sa kanilang sarili. Nagpapatuloy sila nang ganito upang hanapin at pagsikapan ang katotohanan. Pagkalipas ng tatlo hanggang limang taon, talaga ngang kumaunti nang kumaunti ang kanilang mga kasinungalingan, at dumami ang mga pagkakataon na sinasabi nila kung ano ang kanilang iniisip at kumikilos nang matapat. Ang kanilang puso ay unti-unting nagiging dalisay at naglalaman ng higit na kapayapaan at kagalakan. Dumarami nang dumarami ang ginugugol nilang oras sa pamumuhay sa presensiya ng Diyos at nagiging mas normal ang kanilang kalagayan. Ganito ang tunay na kalagayan ng isang taong madalas magsinungaling kapag nararanasan na niya na maging matapat na tao. Kaya, nagsisinungaling pa ba ang taong ito ngayon? May kakayahan pa ba siyang magsinungaling? Totoo bang matapat siyang tao? Hindi masasabi na matapat siyang tao. Masasabi lamang na kaya niyang isagawa ang katotohanan ng pagiging isang matapat na tao, at nasa proseso ng pagsasagawa ng pagiging isang matapat na tao, ngunit hindi pa siya ganap na nabago tungo sa pagiging isang matapat na tao. Sa madaling salita, ito ay isang taong handang isagawa ang katotohanan. Masasabi ba na ang taong handang magsagawa ng katotohanan ay isang taong nagmamahal sa katotohanan? Naisagawa na niya ang katotohanan at nahayag na ang mga katunayan, kaya hindi ba’t natural na tukuyin siya bilang isang taong nagmamahal sa katotohanan? Siyempre, habang nagsasagawa siya ng pagiging isang matapat na tao, hindi niya agad nagagawang magbahagi nang wagas at bukas, o nailalantad ang lahat ng inililihim sa kanyang sarili nang walang pag-aalinlangan. Itinatago pa rin niya ang ilang bagay at maingat na nagsisikap sumulong. Gayunpaman, sa gitna ng kanyang mga pagsisikap at mga karanasan, napagtatanto niya na habang mas namumuhay siya nang matapat, mas nagiging mabuti ang kanyang pakiramdam, mas may payapang kaisipan, mas madali niyang naisasagawa ang katotohanan, nang walang anumang matitinding paghihirap. Noon lang niya matitikman ang tamis ng pagiging matapat na tao, at titibay ang kanyang pananalig sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagdanas kung paano ang maging isang matapat na tao, hindi lamang niya naisasagawa ang katotohanan, kundi nararanasan din niya ang kapayapaan at kagalakan sa kanyang puso. Kasabay nito, nagkakaroon siya ng mas malinaw na pagkaunawa sa landas ng pagsasagawa ng katapatan. Nararamdaman niya na ang pagiging isang matapat na tao ay hindi masyadong mahirap. Nakikita niya na ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao ay makatwiran at kayang matamo, at nagkakamit siya ng kaunting pagkaunawa sa gawain ng Diyos. Ang lahat ng ito ay hindi dagdag na pakinabang, bagkus, ito ay ang dapat makamit ng isang tao sa kanyang paglalakbay sa buhay pagpasok, at may kakayahan siyang makamit ito.
Ang pangalawang halimbawa ay tungkol sa isang taong mahilig magsinungaling—nasa kalikasan na niya ito. Walang problema kapag hindi siya nagsasalita, ngunit sa sandaling ibuka niya ang kanyang bibig, napupuno ng maraming karumihan ang pananalita niya. Sinasadya man niya ito o hindi, sa madaling salita, karamihan sa mga sinasabi niya ay hindi mapagkakatiwalaan. Isang araw, pagkatapos magsinungaling, napag-isip-isip niya, “Mali ang magsinungaling at hindi ito nakalulugod sa Diyos. Kung malalaman ng mga tao na nagsinungaling ako, mapapahiya ako! Pero parang may nakapansin na nagsinungaling nga ako. Pwes, madali kong maaayos iyon. Hahanap ako ng ibang pag-uusapan, at gagamit ng ibang pananalita para mabawasan ang kanilang pagbabantay, malito sila, at hindi nila mahalata ang aking mga kasinungalingan. Ngayon, hindi ba’t mas mautak iyon?” Pagkatapos ay magsasabi siya ng isang mas malaking kasinungalingan upang pagtakpan ang nauna niyang kasinungalingan at ayusin ang mga problema, na matagumpay na nakapanlilinlang sa mga tao. Makararamdam siya ng pagmamalaki at pagkakuntento sa sarili, iniisip na, “Tingnan mo kung gaano ako katalino! Nagsinungaling ako nang walang anumang butas, at kung may mga butas man, magsisinungaling na lang uli ako para pagtakpan ang mga iyon. Karamihan sa mga tao ay hindi ako nahahalata. Kailangan ng kasanayan ang pagsisinungaling!” Sinasabi ng ilang tao, “Mahirap magsinungaling. Pagkatapos magsabi ng isang kasinungalingan, kailangan mong magsabi ng marami pa para pagtakpan ito. Pinag-iisipan at pinagsisikapan itong mabuti.” Gayunpaman, hindi ganoon ang pakiramdam ng dalubhasang sinungaling na taong ito. Sa pagkakataong ito, hindi nalantad ang kanyang mga kasinungalingan. Matagumpay siyang nakapagsinungaling para manlinlang ng iba, pagkatapos, kapag natakot siyang malantad, muli siyang magsisinungaling para pagtakpan ang dating kasinungalingan. Nagmamalaki siya, at walang pagkakonsiyensiya o pagsisisi sa kanyang puso. Ganap na hindi naaapektuhan ang kanyang konsiyensiya. Paanong posible ito? Hindi niya alam kung gaano nakapipinsala sa kanya ang pagsisinungaling. Naniniwala siya na ang paggamit ng mga kasinungalingan upang pagtakpan ang mga dating kasinungalingan ay nagbibigay-daan sa kanya na mapabuti ang kanyang reputasyon at makakuha ng mga pakinabang. Sa kabila ng hirap at pagod, sulit lang ito sa tingin niya. Naniniwala siya na mas mahalaga ito kaysa sa pagkaunawa sa katotohanan, at pagsasagawa sa katotohanan. Bakit madalas siyang nagsisinungaling nang hindi nakokonsiyensiya? Dahil wala siyang pagmamahal sa katotohanan sa puso niya. Pinahahalagahan niya ang kanyang banidad, reputasyon, at katayuan. Hindi niya binubuksan kailanman ang kanyang puso sa pagbabahagi sa iba; sa halip, gumagamit siya ng pagbabalatkayo at pagkukunwari upang itago ang kanyang mga kasinungalingan. Ganyan siya nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan sa mga tao. Gaano man karaming kasinungalingan ang sinasabi niya, gaano karaming kasinungalingan ang kanyang pinagtatakpan, o gaano karaming makasarili at masamang intensyon ang itinatago niya, wala siyang pagkakonsiyensiya o pagkabalisa sa puso niya. Sa pangkalahatan, ang mga taong may konsiyensiya at kaunting pagkatao ay hindi mapapalagay pagkatapos magsinungaling, at mahihirapan silang tanggapin ang nagawa nila. Makararamdam sila ng kahihiyan; ngunit hindi ganito mag-isip ang taong sinungaling. Pagkatapos magsinungaling, nasisiyahan siya sa sarili, sinasabing, “Nagsinungaling na naman ako ngayon at nagawa kong lokohin ang hangal na iyon. Pinagpawisan ako nang husto, pero hindi man lang niya napansin!” Hindi ba siya nagsasawa sa ganitong buhay ng patuloy na pagsisinungaling at pagtatago ng mga kasinungalingan? Anong uri ng kalikasan ito? Ito ang likas na katangian ng isang diyablo. Ang mga diyablo ay nagsisinungaling araw-araw. Namumuhay sila sa kasinungalingan nang walang anumang pagkabalisa o pasakit. Kung totoo ngang nakararamdam sila ng pagkabalisa o pasakit, magbabago sila, ngunit hindi sila makaramdam ng pasakit dahil buhay nila ang pagsisinungaling—nasa kalikasan nila ito. Kapag natural nilang ipinahahayag ang kanilang sarili, hindi sila nagpapakita ng pagpipigil at hindi man lang nagninilay-nilay sa sarili. Gaano man karaming kasinungalingan ang sinasabi nila o mga panlilinlang na ginagawa nila, hindi sila nakokonsiyensiya sa kanilang puso, at hindi sila inuusig ng kanilang konsiyensiya. Wala silang malay na sinusuri ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao; hindi nila napagtatanto ang responsabilidad na kanilang pinapasan at ang kaparusahan na kanilang matatanggap pagkatapos magsinungaling at manlinlang. Ang pinakakinatatakutan nila ay na may isang taong maglalantad sa kanilang mapanlinlang na mga pakana, kaya mas marami pa silang ginagawang kasinungalingan para pagtakpan ang kanilang mga pakana, at kasabay nito ay nagpapakapagod sila sa paghahanap ng paraan, ilang paraan para itago ang kanilang mga kasinungalingan at ang katotohanan tungkol sa kung sino sila. Nagsisisi ba ang gayong mga tao habang nasa buong proseso? May nararamdaman ba silang pagsisisi o kalungkutan? Mayroon ba silang anumang pagnanais na baguhin ang kanilang sarili? Wala. Sa tingin nila ay hindi kasalanan ang magsinungaling o magtago ng mga kasinungalingan, na karamihan sa mga tao ay namumuhay nang ganito, at wala silang intensyon na magbago. Tungkol naman sa pagiging matapat na tao, sa kanilang puso ay iniisip nila na, “Bakit ako dapat maging isang matapat na tao, magsalita mula sa puso, at magsabi ng totoo? Hindi ko ginagawa iyan. Para iyan sa mga hangal at hindi ako ganoon kahangal. Kung magsisinungaling ako at matatakot na malantad, hahanap na lang ako ng iba pang dahilan at palusot para pagtakpan ito. Hindi ako iyong tipo ng tao na marunong magsalita nang matapat. Kung gagawin ko iyon, magiging ganap akong hangal!” Hindi nila tinatanggap o kinikilala ang katotohanan. Ang mga taong hindi kumikilala sa katotohanan ay hindi kayang mahalin ang katotohanan. Ano ang kalagayan ng gayong mga tao mula sa simula hanggang wakas? (Hindi sila handang baguhin ang kanilang sarili.) Ang hindi nila pagnanais na ayusin ang mga bagay-bagay ay kitang-kita mula sa obhektibong pananaw, ngunit ano ang kanilang tunay na kalagayan? Pangunahin nilang itinatanggi na ang pagiging isang matapat na tao ay ang tamang landas sa buhay. Itinatanggi din nila ang pag-iral ng katotohanan, ang paghatol ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw, at na pinagpapasyahan ng Diyos ang huling kahihinatnan ng tao at ang indibidwal na kaparusahan para sa mga gawa ng isang tao. Ito ay pagiging walang kabatiran, hangal, at matigas ang ulo. Ang ganitong pag-iisip ay nagsasanhi ng kanilang mapagmatigas na kalagayan, mga kilos at pag-uugali. Ang mga bagay na ito ay nagmumula sa kalikasang diwa ng isang tao. Ganoong uri sila ng tao—isang tunay na mapanlinlang na tao—at hindi nila kayang magbago. Maaaring hindi makapaniwala ang ilan kapag nakikita nila ang gayong mga tao na tumatangging tanggapin ang katotohanan, at hindi nila ito maintindihan. Sa totoo, ang mga taong ganito ay walang normal na pagkatao at hindi gumagana ang kanilang konsiyensiya. Bukod pa rito, wala silang normal na pagkatao. Sa sandaling marinig ang katotohanan at ang mga salita ng paghatol, ang isang taong may normal na pagkatao at katinuan ay magninilay kahit papaano sa kanyang sarili at tunay na magsisisi, ngunit ang taong sinungaling ay hindi tumutugon pagkatapos marinig ang tunay na daan. Iginigiit pa rin niyang mamuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, nang walang katiting na pagbabago sa kanyang pananampalataya sa Diyos sa paglipas ng mga taon. Ang gayong tao ay walang normal na pagkatao, at mahirap para sa gayong tao na mailigtas.
Alin sa dalawang uri ng taong ito ang sa tingin ninyo ay ililigtas ng Diyos? (Ang unang uri, dahil kahit na nagsisinungaling sila, kaya nilang tanggapin ang katotohanan at maging matapat.) Maaaring makita ito ng mga tao at itanong, “Bakit ang mga taong inililigtas ng Diyos ay lagi pa ring nagsisinungaling at gumagawa ng mali? Hindi ba’t mga tiwaling tao pa rin sila? Hindi sila mga perpektong tao!” Ginagamit nila ang salitang “perpekto” rito. Ano ang tingin mo tungkol doon? Ito ang mga salita ng isang taong hindi nakauunawa sa normal na proseso ng paglago ng buhay. Inililigtas ng Diyos ang mga taong nagawang tiwali ni Satanas at may mga tiwaling disposisyon, hindi mga perpektong taong walang mga kapintasan o iyong mga namumuhay nang nakabukod. Ang ilang tao, sa oras ng pagpapakita ng kaunting katiwalian, ay iniisip na, “Nilabanan ko na naman ang Diyos. Nananalig ako sa Diyos nang maraming taon at hindi pa rin ako nagbabago. Siguradong hindi na ako gusto ng Diyos!” Pagkatapos ay nasasadlak sila sa kawalan ng pag-asa at ayaw na nilang hangarin ang katotohanan. Ano ang tingin mo sa saloobing ito? Sila mismo ay sumuko na sa katotohanan, at naniniwala na hindi na sila gusto ng Diyos. Hindi ba’t ito ay maling pagkaunawa sa Diyos? Ang gayong pagkanegatibo ang pinakamadaling paraan para mapagsamantalahan ni Satanas. Tinutuya sila ni Satanas, sinasabing, “Hangal ka! Nais ng Diyos na iligtas ka, ngunit nagdurusa ka pa rin nang ganito! Kaya, sumuko ka na lang! Kung susuko ka, palalayasin ka ng Diyos, na katulad lang ng pagbibigay Niya sa iyo sa akin. Pahihirapan kita hanggang kamatayan!” Sa sandaling magtagumpay si Satanas, magiging kahila-hilakbot ang mga kahihinatnan. Dahil dito, anuman ang mga paghihirap o pagkanegatibo ang kinakaharap ng isang tao, hindi siya dapat sumuko. Dapat niyang hanapin ang katotohanan para sa mga solusyon, at hindi siya dapat pasibong maghintay. Sa panahon ng proseso ng paglago sa buhay at sa panahon ng pagliligtas sa tao, maaaring tumatahak minsan ang mga tao sa maling landas, lumilihis, o nagkakaroon ng mga pagkakataon kung saan nagpapakita sila ng mga kalagayan at pag-uugali ng kakulangan sa gulang ng kaisipan sa buhay. Maaaring mayroon silang mga oras ng kahinaan at pagkanegatibo, mga oras na nagsasabi sila ng mga maling bagay, nadadapa, o nakararanas ng kabiguan. Ang lahat ng ito ay normal sa mga mata ng Diyos. Hindi Niya sila pinag-iisipan ng masama dahil dito. Iniisip ng ilang tao na masyadong malalim ang kanilang katiwalian, at na hindi nila kailanman mapapalugod ang Diyos, kaya’t nalulungkot sila at kinamumuhian nila ang kanilang sarili. Ang mga may pusong nagsisisi na tulad nito ay ang mismong mga taong inililigtas ng Diyos. Sa kabilang banda, ang mga naniniwalang hindi nila kailangan ang pagliligtas ng Diyos, na nag-iisip na sila ay mabubuting tao at walang mali sa kanila, ay kadalasang hindi ang mga inililigtas ng Diyos. Ano ang kahulugan ng mga sinasabi Ko sa inyo? Magsalita ang sinumang nakauunawa. (Upang maayos na mapangasiwaan ang sarili mong mga pagpapakita ng katiwalian, tumuon ka sa pagsasagawa ng katotohanan, at matatanggap mo ang pagliligtas ng Diyos. Kung palagi kang may maling pagkaunawa sa Diyos, madali kang masasadlak sa kawalan ng pag-asa.) Dapat kang magkaroon ng pananalig at sabihing, “Kahit na mahina ako ngayon, at nadapa at nabigo ako, lalago ako, at balang-araw ay mauunawaan ko ang katotohanan, mabibigyang-kasiyahan ang Diyos, at makakamit ang kaligtasan.” Dapat kang magkaroon ng ganitong kapasyahan. Anuman ang mga balakid, paghihirap, pagkabigo, o pagkadapa na iyong nararanasan, hindi ka dapat maging negatibo. Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang inililigtas ng Diyos. Higit pa rito, kung sa tingin mo ay hindi ka pa kuwalipikadong iligtas ng Diyos, o kung may mga pagkakataon kung saan nasa mga kalagayan ka na kinasusuklaman o hindi kinalulugdan ng Diyos, o may mga pagkakataong hindi maganda ang iyong pag-uugali, at hindi ka tinatanggap ng Diyos, o kinasusuklaman at tinatanggihan ka ng Diyos, hindi na ito mahalaga. Ngayon ay alam mo na, at hindi pa huli ang lahat. Hangga’t nagsisisi ka, bibigyan ka ng pagkakataon ng Diyos.
Ano ang pinakamahalaga kapag nananampalataya sa Diyos? (Pagkaunawa sa katotohanan at pagkakaroon ng buhay pagpasok.) Tama, ang buhay pagpasok ang pinakamahalaga—nauuna ito. Anuman ang mga tungkuling ginagampanan mo, gaano ka man katanda, gaano katagal ka mang nananampalataya sa Diyos, at gaano man karaming katotohanan ang nauunawaan mo, nauuna ang buhay pagpasok. Huwag mong isiping, “May mga taong nananampalataya sa Diyos sa loob ng dalawampung taon, ngunit limang taon pa lang akong nananampalataya. Napag-iiwanan na nila akong masyado. May pag-asa pa ba akong maligtas? Masyado na ba akong nahuhuli?” Hindi malaking problema ang mahuli ng ilang taon sa pananampalataya. Kung ikaw ay isang taong naghahangad sa katotohanan, makakahabol ka pa rin sa mga naunang nanampalataya sa Diyos. Hindi ba’t sinasabi ng Bibliya, “Datapuwat maraming mga una na mangahuhuli; at mga huli na mangauuna” (Mateo 19:30)? Kung ang isang tao ay laging nakahahanap ng mga dahilan at palusot para hindi hangarin ang katotohanan, kung gayon, kahit na buong buhay silang manampalataya, magiging walang kabuluhan ito, at wala silang makakamit. Sa sambahayan ng Diyos, maraming tao ang nananampalataya sa Diyos sa loob ng dalawampu o tatlumpung taon, ngunit hindi tumutupad sa kanilang mga tungkulin ayon sa pamantayan, at sila ay pinalalayas. Maraming tao ang laging naghahangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan, at nagiging huwad na mga lider at anticristo, at sila ay pinalalayas. Maraming walang pananampalataya ang mapagmatigas na tumatangging tanggapin ang katotohanan at lahat sila ay pinalalayas. Totoo ba ito? (Oo.) Higit pa rito, may ilan na kayang magsalita tungkol sa kanilang mga patotoong batay sa karanasan pagkatapos manampalataya sa loob lamang ng tatlo hanggang limang taon. Malayong nahihigitan ng kanilang mga patotoo at pananalig ang mga nananampalataya sa Diyos nang maraming taon. Ang mga taong ito ay nakatanggap ng mga pagpapala ng Diyos. Maraming taong nananampalataya sa Diyos nang maraming taon ang hindi talaga naghangad sa katotohanan at pinalayas. Nililinaw nito ang isang katunayan sa mga tao: na ang Diyos ay matuwid at patas sa lahat. Hindi tinitingnan ng Diyos kung ano ka dati o ang iyong kasalukuyang tayog, tinitingnan Niya kung hinahangad mo ang katotohanan at kung tinatahak mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Hinding-hindi ka dapat magkamali ng pagkaunawa sa Diyos at sabihing, “Bakit kaya pa ring magsinungaling at magpakita ng katiwalian ang mga taong maliligtas ng Diyos? Dapat iligtas ng Diyos ang mga hindi nagsisinungaling.” Hindi ba’t isa itong maling paniniwala? Mayroon bang sinuman sa tiwaling sangkatauhan ang hindi nagsisinungaling? Kailangan pa ba ng mga taong hindi nagsisinungaling ang kaligtasan ng Diyos? Ang sangkatauhan, na ginawang tiwali ni Satanas, ang siyang inililigtas ng Diyos. Kung hindi mo man lang maintindihan nang malinaw ang katunayang ito, kung gayon, mangmang at hangal ka. Tulad ng sinabi ng Diyos, “Walang matuwid sa ibabaw nitong lupa, ang mga matuwid ay wala rito sa mundo.” Dahil mismo sa ang sangkatauhan ay ginawang tiwali ni Satanas kaya ang Diyos ay nagkatawang-tao sa lupa upang iligtas ang mga tiwaling taong ito. Bakit walang sinasabi ang Diyos tungkol sa pagliligtas sa mga anghel? Ito ay dahil ang mga anghel ay nasa langit, at hindi ginawang tiwali ni Satanas. Laging sinasabi ng Diyos mula sa simula na “Ang sangkatauhan na Aking inililigtas ay ang sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas, ang sangkatauhan na binawi mula sa mga kamay ni Satanas, ang sangkatauhan na nagtataglay ng tiwaling disposisyon ni Satanas, ang sangkatauhan na sumasalungat sa Akin, na lumalaban sa Akin, at naghihimagsik laban sa Akin.” Kung gayon, bakit hindi hinaharap ng mga tao ang katunayang ito? Hindi ba’t mali nilang nauunawaan ang Diyos? Ang maling pagkaunawa sa Diyos ang pinakamadaling landas sa paglaban sa Kanya at dapat itong malutas kaagad. Ang pagkabigong lutasin ang isyung ito ay napakamapanganib dahil madali itong hahantong sa pagsasantabi sa iyo ng Diyos. Ang mga maling pagkaunawa ng mga tao ay nakaugat sa kanilang mga haka-haka at imahinasyon. Kung palagi silang kumakapit sa kanilang mga haka-haka at imahinasyon, malamang na tatanggi silang tanggapin ang katotohanan. Kapag mali ang pagkaunawa mo sa Diyos, kapag hindi mo hinahangad ang katotohanan para sa resolusyon, alam ninyo ang mga kahihinatnan. Hinahayaan ka ng Diyos na madapa, mabigo, at gumawa ng mga pagkakamali. Bibigyan ka ng Diyos ng mga pagkakataon at oras upang maunawaan ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, unti-unting maunawaan ang Kanyang kalooban, gawin ang lahat nang naaayon sa Kanyang kalooban, tunay na sumunod sa Diyos, at makamit ang katotohanang realidad na hinihingi ng Diyos na taglayin ng mga tao. Gayunpaman, sino ang taong pinakakinamumuhian ng Diyos? Ito ay ang taong kahit na alam niya ang katotohanan sa kanyang puso, tumatanggi siyang tanggapin ito, lalo na ang isagawa ito. Sa halip, namumuhay pa rin siya sa mga pilosopiya ni Satanas, ngunit itinuturing ang kanyang sarili na mabuti at masunurin sa Diyos habang naghahangad din na linlangin ang iba at magkaroon ng posisyon sa sambahayan ng Diyos. Pinakakinasusuklaman ng Diyos ang ganitong uri ng tao, siya ay isang anticristo. Bagama’t lahat ng tao ay may tiwaling disposisyon, ang mga kilos na ito ay may ibang kalikasan. Hindi ito ordinaryong tiwaling disposisyon o normal na pagbubunyag ng katiwalian; sa halip, sinasadya at mapagmatigas mong nilalabanan ang Diyos hanggang sa huli. Alam mo na may Diyos, nananalig ka sa Diyos, ngunit sadya mong pinipiling labanan Siya. Hindi ito pagkakaroon ng mga haka-haka tungkol sa Diyos at problema ng maling pagkaunawa; sa halip ay sinasadya mong labanan ang Diyos hanggang sa huli. Maililigtas ba ng Diyos ang isang tulad nito? Hindi ka ililigtas ng Diyos. Ikaw ay kaaway ng Diyos, samakatuwid, ikaw ang diyablo na si Satanas. Maililigtas pa ba ng Diyos ang diyablo na si Satanas?
Ano ang nararamdaman ninyo tungkol sa Aking pagbabahagi ngayon? Nauunawaan ba ninyo ito? (Oo, nauunawaan namin.) Kung nauunawaan ninyo ang isang bagay, mayroon kayong makakamit, at magkakaroon kayo ng kaunting pagpasok sa katotohanan. Kung papasok ka sa katotohanan, ang iyong buhay ay lalago, ngunit kung hindi ka papasok sa katotohanan, ang iyong buhay ay hindi lalago. Katulad ito ng isang umuusbong na binhi na kailangang diligan, lagyan ng pataba, at ibilad sa sikat ng araw. Kung hindi mo ito lilinangin nang mabuti, hindi ito lalago at kalaunan ay malalanta at mamamatay ito. Ano ang ibig sabihin kapag sinabi Ko ito? Ibig sabihin, ang verbal lamang na pagtatapat at pananalig sa iyong puso sa pagkakatawang-tao ng Diyos ay hindi sapat para makilala ang Diyos at maging kuwalipikadong pumasok sa Kanyang kaharian. Wala itong kasiguruhan; ito ay isang pasimulang hakbang lamang. Hindi ka pa nagkakamit ng kaligtasan, hindi ka pa nababago, at mahaba pa ang pagdaraanan mo. Sa mga huling araw, ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan upang ganap na iligtas ang sangkatauhan. Kapag tinahak mo ang landas ng pananampalataya sa Diyos, mayroon ka nang pagkakataong maligtas ng Diyos mula sa pinakasimula. Napakalaking pagpapala nito! Hindi ito maaaring isuko. Ang pagliligtas at pagpeperpekto ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw ay isang napakabihirang pagkakataon. Ang sangkatauhan ay namuhay sa libo-libong henerasyon, ngunit walang sinuman ang nagkaroon ng pagkakataong ito noon. Napakalaking bagay ang mailigtas; hindi mo dapat palampasin ang pagkakataong ito. Naharap ng henerasyon ninyo ang Diyos na nagkatawang-tao; isang pagpapala ito! Ang pagpapalang ito ay hindi nakikita sa sekular na mundo, ngunit nakita at natamasa ninyo ito, at ito ay pagpapala ng Diyos. Marahil hindi pa rin malinaw sa ilang tao ang tungkol sa mga pangitain; nauunawaan lamang nila ang ilang doktrina, ngunit wala silang tunay na pananalig. Nararamdaman lang nila na ang pananalig sa Diyos ay mabuti, at ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay nagpapasigla sa kanilang mga puso, kaya naniniwala sila na ito ang tamang landas sa buhay at nagkakaroon ng lakas ang kanilang puso. Determinado silang huwag sundin ang landas ng pagkawasak sa mga hindi mananampalataya, o ang landas ng mga relihiyosong tao na lumalaban sa Diyos. Determinado silang sundin lamang ang Diyos, hangarin ang katotohanan, matamo ang kadalisayan, kamtin ang kaligtasan, at tahakin lamang ang landas ng pagsunod sa Diyos. Mabuti para sa mga tao ang magkaroon ng gayong kapasyahan, at nangangahulugan ito na may pag-asa. Kasama sa pagsunod sa Diyos ang proteksyon ng Diyos. Ngayon man lamang, sa buhay na ito, magiging masaya na sila. Hindi na sila mapipinsala ni Satanas, ng lipunan, o ng sangkatauhan, at lubusan at tunay na silang mamumuhay sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Ito ay isang marangal na bagay at isang kaligayahan na maaaring maramdaman sa buhay na ito. Ngayon, paano naman sa buhay na darating? Nangako ang Diyos. Bukod sa pagkakaloob sa iyo ng kaligtasan at pagtutustos sa iyo ng katotohanan at buhay, nangangako rin Siyang bigyan ka ng daan-daang pagpapala sa buhay na ito at pagkalooban ka ng buhay na walang hanggan sa buhay na darating. Kaya, huwag maliitin ang bagay na ito. Ang halagang binabayaran mo at ang pagdurusang tinitiis mo upang matamo ang katotohanan at makatanggap ng kaligtasan ay pansamantala. Sa hinaharap, kapag naunawaan ng mga tao ang katotohanan at nagtaglay sila nito, maaaring pambihirang kaligayahan, kagalakan, at mga pagpapala ang matatamasa nila. Ibig sabihin, kapag naunawaan at nakamit mo ang katotohanan, saka ka lang magiging karapat-dapat tumanggap sa pangako ng Diyos. Libreng ipinagkakaloob ng Diyos sa iyo ang lahat ng katotohanan at mga panustos sa buhay. Totoong maililigtas ka ng Diyos, ngunit kung makakamit mo man ang buhay at katotohanan sa huli ay nakadepende kung pipiliin mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Hawak mo ba ang desisyong magpasya nito? (Oo.) Sa madaling salita, kung makakamit mo ang buhay at katotohanan, kung karapat-dapat kang tumanggap sa pangako ng Diyos, at kung matatanggap mo ang pagpapala, itong bendisyon ng “daan-daang pagpapala sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa buhay na darating,” ay isang pagkakataon na nasa mga kamay mo. Walang ibang makaiimpluwensya sa iyo, tutulong sa iyo, o makapipigil sa iyo. Mayroon ka ng karapatang ito; ipinagkaloob na ito ng Diyos sa iyo. Depende ito sa kung pipiliin mo sa huli na tahakin ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Ito ang pinakamahalagang bagay.
Nobyembre 9, 2016