Mga Salita sa Pagganap ng Tungkulin (Sipi 40)
Kapag may mga bagay na nangyayari, dapat mas lalong sama-samang manalangin ang lahat at magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Hinding-hindi dapat umasa ang mga tao sa sarili nilang mga ideya para kumilos nang pabasta-basta. Hangga’t nagkakaisa sa isip at puso ang mga tao sa pananalangin sa Diyos at sa paghahanap ng katotohanan, matatamo nila ang kaliwanagan at pagtanglaw ng gawain ng Banal na Espiritu, at magagawa nilang matamo ang mga pagpapala ng Diyos. Ano nga ang sinabi ng Panginoong Jesus? (“Kung pagkasunduan ng dalawa sa inyo sa lupa ang nauukol sa anumang bagay na kanilang hihingin, ay gagawin sa kanila ng Aking Ama na nasa langit. Sapagkat kung saan nagtitipon ang dalawa o tatlo sa Aking pangalan, ay naroroon Ako sa gitna nila” (Mateo 18:19–20).) Anong isyu ang inilalarawan nito? Ipinapakita nito na hindi maaaring humiwalay ang tao sa Diyos, na dapat umasa ang tao sa Diyos, na hindi kaya ng tao nang mag-isa, at na ang pagsunod sa kung ano ang gusto mo ay hindi katanggap-tanggap. Ano ang ibig sabihin kapag sinasabi nating hindi kaya ng tao nang mag-isa? Ibig sabihin nito ay dapat magtulungan nang maayos ang mga tao, gawin ang mga bagay-bagay nang nagkakaisa ang puso at isip, at magkaroon kayo ng iisang layunin. Wika nga nila, “Hindi mababali ang isang bigkis ng mga patpat.” Kaya paano kayo magiging gaya ng isang bigkis ng mga patpat? Dapat ay magtulungan kayo nang maayos, magkasundo kayo, at kung magkagayon, gagawa ang Banal na Espiritu. Kung ang bawat tao ay nagtatago ng kanya-kanyang mga sekreto, nag-iisip ng sarili niyang interes, at walang sinumang nagiging responsable para sa gawain ng iglesia, walang gustong makibahagi, walang gustong manguna, magsikap o magdusa at magbayad ng kabayaran para dito, gagawin kaya ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain? (Hindi.) Bakit hindi? Kapag ang mga tao ay namumuhay sa isang maling kalagayan, at hindi nagdarasal sa Diyos o naghahanap ng katotohanan, tatalikdan sila ng Banal na Espiritu, at hindi paroroon ang Diyos. Paanong tataglayin ng mga hindi naghahanap ng katotohanan ang gawain ng Banal na Espiritu? Nasusuklam sa kanila ang Diyos, kaya nakatago sa kanila ang Kanyang mukha, at nakatago sa kanila ang Banal na Espiritu. Kapag hindi na gumagawa ang Diyos, magagawa mo na ang gusto mo. Kapag isinantabi ka na Niya, hindi ba’t katapusan mo na? Wala ka nang makakamit pa. Bakit hirap na hirap ang mga hindi nananalig na gumawa ng mga bagay-bagay? Hindi ba’t dahil sinusunod nila ang sarili nilang payo? Sinusunod nila ang sarili nilang payo, at wala silang maisagawang anuman—lahat ay lubhang mabigat gawin, kahit ang pinakasimpleng bagay. Ito ang buhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kung ginagawa ninyo ang ginagawa ng mga hindi mananampalataya, paano kayo naiba sa hindi mananampalataya? Walang anumang kaibahan. Kung ang kapangyarihan sa iglesia ay hawak ng mga taong hindi nagtataglay ng katotohanan, kung ito ay hawak ng mga taong puno ng mga satanikong disposisyon, hindi ba’t si Satanas talaga ang may hawak ng kapangyarihan? Kung ang mga pagkilos ng mga tao na may kapangyarihan sa iglesia ay lahat salungat sa katotohanan, ang gawain ng Banal na Espiritu ay hihinto, at ipagkakaloob sila ng Diyos kay Satanas. Kapag napasakamay na sila ni Satanas, lahat ng uri ng kapangitan—halimbawa, mga pagseselos at alitan—ay susulpot sa pagitan ng mga tao. Ano ang inilalarawan ng mga sitwasyon na ito? Na ang gawain ng Banal na Espiritu ay huminto na, na lumisan na Siya at ang Diyos ay hindi na kumikilos. Kung wala ang gawain ng Diyos, ano pa ang silbi ng mga salita at doktrina lang na naiintindihan ng tao? Walang silbi ang mga ito. Kapag wala na sa isang tao ang gawain ng Banal na Espiritu, magiging hungkag ang kanyang kalooban, wala na siyang anumang mararamdaman, para na siyang patay, at sa puntong ito, tulala na siya. Lahat ng inspirasyon, karunungan, katalinuhan, kaunawaan at kaliwanagan na nasa sangkatauhan ay galing sa Diyos; gawa lahat ito ng Diyos. Kapag ang isang tao ay naghahanap ng katotohanan tungkol sa isang bagay, kaagad itong nauunawaan at nagkakaroon ng landas, saan nanggagaling ang pagtanglaw na ito? Galing ang lahat ng ito sa Diyos. Kagaya lang ng kapag ang mga tao ay nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, wala silang pagkaunawa sa simula ngunit sa kanilang pagbabahaginan, sila ay natatanglawan at nagagawa na nilang magsalita tungkol sa ilang nauunawaan nila. Ito ang kaliwanagan at gawain ng Banal na Espiritu. Kailan kadalasan gumagawa ang Banal na Espiritu? Ito ay kapag ang mga hinirang ng Diyos ay nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, kapag ang mga tao ay nananalangin sa Diyos, at kapag ginagampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang may nagkakaisang puso at isipan. Ito ang mga sandali kung kailan ang puso ng Diyos ay pinakanasisiyahan. Kaya marami man o kakaunti lang kayo na magkakasamang gumagampan sa inyong tungkulin, anuman ang mga kalagayan, at kahit kailan man, huwag ninyong kalimutan ang isang bagay na ito—ang pagiging nagkakaisa. Sa pamumuhay sa ganitong kalagayan, mapapasainyo ang gawain ng Banal na Espiritu.