Mga Salita sa Pagganap ng Tungkulin (Sipi 38)
Anong nangyayari, kapag ang ilang tao ay masyadong nagkukulang sa propesyonal na kaalaman para gampanan ang kanilang mga tungkulin, at napakahirap para sa kanila na matuto ng anuman? Ito ay dahil mababa ang kanilang kakayahan. Hindi abot-kamay ang katotohanan para sa mga taong masyadong mababa ang kakayahan, at hindi sila madaling natututo. Karamihan sa kanila ay may nakamamatay na mga pagkukulang; hindi lang sila walang konsensiya o katwiran, wala ring puwang sa puso nila ang Diyos. Walang buhay at malamlam ang kanilang mga mata at tulala sila, tulad ng mga hayop. Ang alam lang nila ay kumain, uminom, at magsaya, at hindi sila nag-aaral o nagtataglay ng anumang mga kasanayan. Mababaw lang nilang pinag-aaralan ang mga bagay-bagay, at iniisip nilang nakauunawa sila gayong maliit na bahagi lang ang kanilang nauunawaan. Kapag sinusubukan ng iba na magpaliwanag pa, tumatanggi silang makinig, sa paniniwalang hindi ito kinakailangan. Hindi nila pinakikinggan o tinatanggap ang anumang sinasabi ng iba, at bilang resulta, wala silang anumang naisasakatuparan at talagang walang silbi. Mismong ang pagkakaroon ng mababang kakayahan ay nakamamatay. Kung ang isang tao ay mayroon pang masamang disposisyon, walang moralidad, hindi nakikinig sa payo, hindi tumatanggap ng mga positibong bagay, at ayaw matuto at yumakap ng mga bagong bagay, walang silbi ang gayong tao! Iyong mga tumutupad ng kanilang mga tungkulin ay dapat na nagtataglay ng konsensiya at katwiran, nalalaman ang sarili nilang kakayanan at sarili nilang mga pagkukulang, at nauunawaan kung ano ang wala sa kanila at kailangan nilang paghusayin. Dapat ay palagi nilang nararamdaman na napakalaki ng kanilang pagkukulang, at na kung hindi sila mag-aaral at tatanggap ng mga bagong bagay ay maaari silang itiwalag. Kung may nararamdaman silang paparating na krisis sa kanilang puso, binibigyan sila nito ng motibasyon at kagustuhang matuto ng mga bagay-bagay. Sa isang aspekto, dapat sangkapan ng isang tao ang kanyang sarili ng mga katotohanan, at sa isa pang aspekto, dapat siyang magkaroon ng propesyonal na kaalaman na may kaugnayan sa pagganap ng kanyang mga tungkulin. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, maaari siyang umunlad, at magbubunga ng magagandang resulta ang pagganap niya ng kanyang mga tungkulin. Tanging sa maayos na paggawa ng isang tao ng kanyang mga tungkulin at pagsasabuhay sa wangis ng tao na magkakaroon ng halaga ang kanyang buhay, kaya’t ang pagganap niya ng kanyang mga tungkulin ang pinakamakabuluhang bagay. May masamang disposisyon ang ilang tao, at hindi lang sila mangmang, kundi mayabang pa. Palagi nilang iniisip na ang paghahangad sa lahat ng bagay at palaging pakikinig sa iba ay magdudulot na maliitin sila ng iba, at magbibigay sa kanila ng kahihiyan, at na ang pag-asal ng isang tao sa ganitong paraan ay walang dignidad. Ang totoo, kabaligtaran ito. Ang pagiging mayabang at mapagmagaling, ang hindi pagkatuto ng anuman, ang pagiging huli at napaglipasan na ng panahon sa lahat ng bagay, at ang kawalan ng kaalaman, kabatiran, at mga ideya ang tunay na nakahihiya, at dito nawawalan ng integridad at dignidad ang isang tao. May ilang tao na walang anumang nagagawa nang maayos, may mababaw na pagkaunawa sa lahat ng kanilang natututuhan, nasisiyahan na sa pagkaunawa sa iilang doktrina lang, at iniisip nang mahusay sila. Subalit wala pa rin silang maisakatuparang anuman, at wala silang mga kongkretong resulta. Kung sasabihin mo sa kanilang wala silang nauunawaang anuman at walang naisasakatuparan, hindi sila nagiging kumbinsido at paulit-ulit nilang ipinaglalaban ang kanilang punto. Subalit kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay, hindi nila ginagawa ang mga ito nang maayos, at hindi pinag-iisipang mabuti. Hindi ba walang silbi ang isang tao kung hindi niya kayang tuparin nang maayos ang anumang gawain? Hindi ba’t isa siyang walang kwentang tao? Ang mga tao na napakabababa ang kakayahan ay hindi kayang tuparin ang kahit mga pinakasimpleng gawain. Mga wala silang kwenta at walang halaga ang buhay nila. Sinasabi ng ilang tao, “Lumaki ako sa kanayunan, walang edukasyon o kaalaman, at mababa ang aking kakayahan, hindi tulad ninyong mga taong nakatira sa lungsod, at may pinag-aralan at maalam, kaya’t kaya ninyong maging mahusay sa lahat ng bagay.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Anong mali rito? (Walang kinalaman ang kapaligiran ng isang tao sa kung makapagkakamit ba siya ng mga bagay-bagay; pangunahin itong nakasalalay sa kung nagsisikap ba ang isang tao na matuto at paghusayin ang kanyang sarili.) Kung papaano tinatrato ng Diyos ang mga tao ay hindi nakasalalay sa kung gaano sila kaedukado, o kung anong uri ng kapaligiran sila ipinanganak, o kung gaano sila katalentado. Sa halip, tinatrato Niya ang mga tao batay sa kanilang saloobin sa katotohanan. Saan nauugnay ang saloobing ito? Nauugnay ito sa kanilang pagkatao, at pati na rin sa kanilang mga disposisyon. Kung nananalig ka sa Diyos, dapat ay kaya mong harapin nang tama ang katotohanan. Kung may saloobin ka ng pagpapakumbaba at pagtanggap sa katotohanan, kahit na medyo mababa ang iyong kakayahan, bibigyang-liwanag ka pa rin ng Diyos at hahayaan kang makamit ang isang bagay. Kung mahusay ang iyong kakayahan ngunit lagi kang mayabang at nag-aakalang mas matuwid ka kaysa sa iba, na palagi mong iniisip na anuman ang sabihin mo ay tama at anumang sabihin ng iba ay mali, tinatanggihan ang anumang mga mungkahing ipinapanukala ng iba, at hindi pa nga tinatanggap ang katotohanan, paano man ito ibinabahagi, at lagi mo itong nilalabanan, makakamit ba ng taong tulad mo ang pagsang-ayon ng Diyos? Gagawa ba ang Banal na Espiritu sa taong tulad mo? Hindi. Sasabihin ng Diyos na mayroon kang masamang disposisyon at hindi karapat-dapat na tumanggap ng Kanyang kaliwanagan, at kung hindi ka magsisisi, babawiin pa Niya ang dating mayroon ka. Ganito kung paano malantad. Kaawa-awa ang pamumuhay ng ganitong mga tao. Malinaw na wala silang kuwenta, at walang kasanayan sa lahat ng bagay, ngunit iniisip pa rin nilang mahusay sila, at mas mahusay kaysa sa iba sa lahat ng aspekto. Hindi nila kailanman tinatalakay ang kanilang mga kapintasan o kakulangan sa harapan ng iba, ni ang kanilang mga kahinaan at pagiging negatibo. Lagi silang nagkukunwaring may kakayahan at binibigyan ang iba ng maling impresyon, ipinapaisip sa iba na may kasanayan sila sa lahat ng bagay, walang mga kahinaan, hindi nangangailangan ng anumang tulong, hindi kailangang makinig sa opinyon ng iba, at hindi kailangang matuto mula sa mga kalakasan ng iba upang mapunan ang sarili nilang kakulangan, at na palagi silang magiging mahusay kaysa sa iba. Anong uri ng disposisyon ito? (Kayabangan.) Anong kayabangan. Ang mga taong tulad nito ay namumuhay nang kalunos-lunos! May kakayahan ba talaga sila? Kaya ba talaga nilang magsakatuparan ng mga bagay-bagay? Marami silang naging pagkakamali noong nakaraan, subalit iniisip pa rin ng mga taong tulad nito na kaya nilang gawin ang anumang bagay. Hindi ba’t masyado iyong wala sa katwiran? Kapag ganyan katindi ang kawalang katwiran ng mga tao, sila ay mga taong magugulo ang pag-iisip. Hindi natututo ng mga bagong bagay o tumatanggap ng mga bagong bagay ang gayong mga tao. Sa kalooban nila, sila ay tuyot, makikitid ang pag-iisip, at dukha, at anuman ang sitwasyon, nabibigo silang mabatid at maarok ang mga prinsipyo o maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at ang alam lang nila ay ang sumunod sa mga patakaran, magsabi ng mga salita at doktrina, at magpasikat sa harap ng iba. Ang kinahihinatnan ay na wala silang pagkaunawa sa anumang katotohanan at wala ni katiting na katotohanang realidad, subalit nananatili silang napakayabang. Sila talaga ay mga taong may magugulong pag-iisip, at lubos na hindi tinatablan ng katwiran, at nararapat lang silang itiwalag.
Kapag nakikipagtulungan kayo sa iba upang gampanan ang inyong mga tungkulin, nagagawa ba ninyong maging bukas sa magkakaibang opinyon? Nahahayaan ba ninyong magsalita ang ibang mga tao? (Oo, medyo. Dati-rati, sa maraming pagkakataon ay hindi ako nakikinig sa mga mungkahi ng mga kapatid at iginigiit kong gawin ang mga bagay-bagay sa sarili kong paraan. Kalaunan, nang napatunayan ng mga totoong pangyayari na mali ako, saka ko lamang nakita na karamihan sa kanilang mga mungkahi ay tama, na ang resolusyong pinagtalakayan ng lahat ang talagang angkop, at na sa pag-asa sa sarili kong mga pananaw, hindi ko malinaw na nakita ang mga bagay-bagay at na may mga kakulangan ako. Matapos itong maranasan, natanto ko kung gaano kahalaga ang pagtutulungan nang maayos.) At ano ang maaari mong makita mula rito? Matapos itong maranasan, nakinabang ba kayo nang kaunti, at naunawaan ba ninyo ang katotohanan? Palagay niyo ba ay may taong perpekto? Gaano man kalakas ang mga tao, o gaano man sila kahusay at katalino, hindi pa rin sila perpekto. Dapat itong tanggapin ng mga tao, totoo ito at ito ang saloobin na dapat mayroon ang mga tao upang wastong maharap ang kanilang sariling mga kagalingan at kalakasan o mga kamalian; ito ang pangangatwirang dapat taglayin ng mga tao. Sa gayong pangangatwiran, maaari mong harapin nang wasto ang iyong sariling mga kalakasan at kahinaan pati na ang sa iba, at ito ang magbibigay sa iyo ng kakayahang makipagtulungan nang maayos sa kanila. Kung naunawaan mo ang aspektong ito ng katotohanan at makakapasok ka sa aspektong ito ng katotohanang realidad, makakaya mong makisama nang maayos sa iyong mga kapatid, na humuhugot ng lakas sa kanilang magagandang katangian upang mapunan ang anumang mga kahinaang mayroon ka. Sa ganitong paraan, anumang tungkulin ang iyong ginagampanan o anuman ang iyong ginagawa, lagi kang magiging mas mahusay roon at pagpapalain ka ng Diyos. Kung lagi mong iniisip na talagang mahusay ka at mas malala ang iba kung ikukumpara sa iyo, at kung lagi mong nais na ikaw ang siyang may huling salita, kung gayon, magiging suliranin ito. Isang problema ito sa disposisyon. Hindi ba’t mayayabang at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba ang gayong mga tao? Guni-gunihin mo na may isang taong nagbigay sa iyo ng magandang payo, subalit iniisip mong kung tatanggapin mo ito ay maaaring maliitin ka niya, at isiping hindi ka kasinggaling niya. Kaya, nagpasya ka na lang na hindi makinig sa kanya. Sa halip, sinubukan mong sapawan siya gamit ang matatayog at magagarbong salita para mapataas ang tingin niya sa iyo. Kung palagi kang nakikisalamuha sa mga tao sa ganitong paraan, magagawa mo bang makipagtulungan sa kanila nang maayos? Hindi ka lang mabibigong makamit ang pagkakasundo, magkakaroon pa ng mga negatibong kahihinatnan. Pagtagal, ang magiging tingin sa iyo ng lahat ay na masyado kang mapanlinlang at tuso, isang taong hindi nila maunawaan. Hindi ka nagsasagawa ng katotohanan, at hindi ka matapat na tao, kaya’t ayaw sa iyo ng ibang tao. Kung ayaw sa iyo ng lahat ng tao, hindi ba’t nangangahulugan itong tinatanggihan ka? Sabihin mo sa Akin, paano tatratuhin ng Diyos ang isang taong tinatanggihan ng lahat? Kamumuhian din ng Diyos ang gayong tao. Bakit kinamumuhian ng Diyos ang mga taong tulad nito? Bagaman tunay ang mga layunin nila sa pagganap ng kanilang tungkulin, ang mga kaparaanan nila ay iyong kinapopootan ng Diyos. Ang disposisyong ipinapakita nila at ang kanilang bawat iniisip, ideya, at layunin ay buktot sa mga mata ng Diyos, at mga bagay na kinamumuhian ng Diyos at nakapandidiri sa Kanya. Kapag palaging gumagamit ang mga tao ng mga kasuklam-suklam na taktika sa kanilang mga salita at pagkilos, na may layong pataasin ang tingin ng iba sa kanila, kinamumuhian ng Diyos ang pag-uugaling ito.
Kapag ginagawa ng mga tao ang tungkulin nila o ang anumang gawain sa harap ng Diyos, dapat na dalisay ang kanilang puso: Dapat na tila isang mangkok ito ng sariwang tubig—napakalinaw at walang karumihan. Kung gayon, anong uri ng saloobin ang tama? Anuman ang iyong ginagawa, nagagawa mong ibahagi sa iba kung anuman ang nasa iyong puso, anuman ang mga ideya na maaaring mayroon ka. Kung may magsabing hindi gagana ang paraan mo ng paggawa ng mga bagay-bagay, at magmungkahi siya ng iba pang ideya, at sa tingin mo ay isa itong magandang ideya, isuko mo ang sarili mong paraan, at gawin mo ang mga bagay-bagay ayon sa iniisip niya. Sa paggawa nito, makikita ng lahat na kaya mong tumanggap ng mga mungkahi ng iba, pumili ng tamang landas, kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo, at nang hayagan at malinaw. Walang kadiliman sa iyong puso, at kumikilos at nagsasalita ka nang taos-puso, umaasa sa isang saloobin ng katapatan. Sinasabi mo ang katotohanan nang diretsahan. Kung ano ang isang bagay, iyon ang sinasabi mo. Walang mga pandaraya, walang mga lihim, isang napakalantad na tao lamang. Hindi ba’t isa iyang uri ng saloobin? Isa itong saloobin sa mga tao, pangyayari, at bagay-bagay, at kumakatawan ito sa disposisyon ng isang tao. Sa kabilang banda, maaaring may isang taong hindi kailanman nagiging bukas at nagpaparating sa iba ng kung ano ang kanyang iniisip. At sa lahat ng kanyang ginagawa, hindi siya kailanman sumasangguni sa iba, sa halip ay pinananatili niyang sarado ang kanyang puso sa iba, na tila parati siyang nakabantay laban sa iba sa bawat pagkakataon. Mahigpit niyang ikinukubli ang kanyang sarili hanggat maaari. Hindi ba’t ito ay isang taong mapanlinlang? Halimbawa, may ideya siya na sa tingin niya ay napakahusay, at iniisip niya na, “Sasarilinin ko muna ito sa ngayon. Kung ibabahagi ko ito, baka gamitin ninyo ito at nakawin ninyo ang karangalang para sa akin, at hindi iyon maaari. Magpipigil ako.” O kung mayroong isang bagay siyang hindi lubos na nauunawaan, iisipin niyang: “Hindi ako magsasalita sa ngayon. Kung magsasalita ako, at may sinumang magsasabi ng isang mas mahalagang bagay, hindi ba’t magmumukha akong hangal? Malalantad ako sa lahat, makikita nila ang kahinaan ko rito. Hindi ako dapat magsalita ng anuman.” Anuman ang mga konsiderasyon, anuman ang pinagbabatayang motibo, natatakot siyang malantad sa lahat. Palagi niyang hinaharap ang sarili niyang tungkulin at ang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay nang may ganitong uri ng perspektiba at saloobin. Anong uri ito ng disposisyon? Isang baliko, mapanlinlang, at buktot na disposisyon. Sa panlabas, tila sinabi na niya sa iba ang lahat ng sa akala niya ay kaya niyang sabihin, subalit sa likod nito, itinatago niya ang ilang bagay. Ano ang itinatago niya? Hindi siya kailanman nagsasabi ng mga bagay na may kinalaman sa kanyang reputasyon at mga interes—iniisip niyang pribado ang mga bagay na ito at hindi niya kailanman binabanggit ang tungkol sa mga ito kaninuman, kahit pa sa kanyang mga magulang. Hindi niya kailanman sinasabi ang mga bagay na ito. Problema ito! Sa palagay mo ba, kung hindi mo sasabihin ang mga bagay na ito ay hindi ito malalaman ng Diyos? Sinasabi ng mga tao na alam ng Diyos, subalit makatitiyak ba sila sa puso nila na alam nga ng Diyos? Hindi kailanman natatanto ng mga tao na “Alam ng Diyos ang lahat; iyong iniisip ko sa aking puso, kahit na hindi ko pa ito ibinubunyag, palihim na sinisiyasat iyon ng Diyos, ganap na alam iyon ng Diyos. Wala akong anumang maitatago sa Diyos, kaya’t dapat ko itong sabihin, dapat akong hayagang makipagbahaginan sa aking mga kapatid. Maganda man o hindi ang aking mga kaisipan at ideya, dapat kong sabihin ang mga ito nang tapat. Hindi ako maaaring maging baliko, mapanlinlang, makasarili, o kasuklam-suklam—dapat akong maging isang matapat na tao.” Kung kakayanin ng mga tao na mag-isip nang ganito, ito ang tamang saloobin. Sa halip na hanapin ang katotohanan, karamihan sa mga tao ay may kani-kanilang sariling mga adyenda. Napakahalaga para sa kanila ng sarili nilang mga interes, reputasyon, at ang posisyon o katayuang pinanghahawakan nila sa isip ng ibang tao. Ang mga bagay na ito lamang ang pinakaiingat-ingatan nila. Napakahigpit ng pagkapit nila sa mga bagay na ito at itinuturing ang mga ito bilang kanilang sariling buhay. At hindi gaanong mahalaga sa kanila kung paano sila ituring o itrato ng Diyos; sa ngayon, binabalewala nila iyon; sa ngayon, isinasaalang-alang lamang nila kung sila ang namumuno sa grupo, kung mataas ba ang tingin sa kanila ng ibang tao, at kung matimbang ba ang kanilang mga salita. Ang una nilang inaalala ay ang pag-okupa sa posisyong iyon. Kapag sila ay nasa isang grupo, ang ganitong uri ng katayuan, at ganitong mga uri ng oportunidad ang hanap ng halos lahat ng tao. Kapag masyado silang talentado, siyempre gusto nilang maging pinakamataas sa grupo; kung medyo may abilidad naman sila, gugustuhin pa rin nilang humawak ng mas mataas na posisyon sa grupo; at kung mababa ang hawak nilang posisyon sa grupo, pangkaraniwan lamang ang kakayahan at mga abilidad, gugustuhin din nilang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, hindi nila gugustuhing maging mababa ang tingin sa kanila ng iba. Sa reputasyon at dignidad nagtatakda ng limitasyon ang mga taong ito: Kailangan nilang panghawakan ang mga bagay na ito. Maaaring wala silang integridad, at hindi nila taglay ang pagsang-ayon ni pagtanggap ng Diyos, pero hinding-hindi maaaring mawala sa kanila ang respeto, katayuan, o paggalang na hinahangad nila mula sa iba—na siyang disposisyon ni Satanas. Pero walang kamalayan ang mga tao tungkol dito. Ang paniniwala nila ay dapat silang kumapit sa kapirasong reputasyong ito hanggang sa pinakahuli. Wala silang kamalay-malay na kapag ganap na tinalikdan at isinantabi ang mga walang kabuluhan at mabababaw na bagay na ito saka lamang sila magiging totoong tao. Kung iniingatan ng isang tao ang mga bagay na ito na dapat iwaksi bilang buhay, mawawala ang kanyang buhay. Hindi nila alam kung ano ang nakataya. Kaya, kapag kumikilos sila, lagi silang may reserbasyon, lagi nilang sinusubukang protektahan ang sarili nilang reputasyon at katayuan, inuuna nila ang mga ito, nagsasalita lamang para sa kanilang sariling kapakinabangan, upang huwad na ipagtanggol ang kanilang sarili. Lahat ng ginagawa nila ay para sa kanilang sarili. Sumusugod sila agad sa anumang bagay na nagniningning, ipinapaalam sa lahat na naging kabahagi sila nito. Ang totoo, wala naman itong kinalaman sa kanila, subalit ayaw na ayaw nilang mapag-iwanan, lagi silang natatakot na hamakin ng ibang tao, lagi silang nangangamba na sabihin ng ibang tao na wala silang kuwenta, na wala silang anumang kayang gawin, na wala silang kasanayan. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay kontrolado ng kanilang mga satanikong disposisyon? Kapag nagagawa mong bitiwan ang mga bagay na gaya ng reputasyon at katayuan, higit na mas magiging panatag at malaya ka; matatahak mo ang landas ng pagiging tapat. Ngunit para sa marami, hindi ito madaling makamit. Kapag lumitaw ang kamera, halimbawa, hindi magkamayaw sa pagpunta sa harapan ang mga tao; gusto nilang nakikita ang kanilang mukha sa kamera, mas matagal na makuhanan, mas mabuti; takot silang hindi makuhanang mabuti, at magsasakripisyo nang husto para sa pagkakataong makuha ito. At hindi ba ito kontrolado lahat ng kanilang mga satanikong disposisyon? Ito ang mga sataniko nilang disposisyon. Nakuhanan ka na—ano na ngayon? Mataas na ang tingin sa iyo ng mga tao—ano naman ngayon? Iniidolo ka nila—ano naman ngayon? Pinatutunayan ba ng anuman dito na mayroon kang katotohanang realidad? Walang anumang halaga ang mga ito. Kapag kaya mong mapagtagumpayan ang mga bagay na ito—kapag wala ka nang pakialam sa mga ito, at hindi mo na nararamdamang mahalaga ang mga ito, kapag hindi na nakokontrol ng reputasyon, banidad, katayuan, at paghanga ng mga tao ang iyong mga saloobin at pag-uugali, lalong-lalo na kung paano mo gampanan ang iyong tungkulin—kung gayon, lalong magiging epektibo, at mas dalisay ang pagganap mo sa iyong tungkulin.