Mga Salita sa Pagganap ng Tungkulin (Sipi 37)

Ano ang mga pangunahing prinsipyo kung saan nakabatay ang pagganap ng isang tao sa kanyang mga tungkulin? Dapat na kumilos ang isang tao alinsunod sa mga pamantayan, prinsipyo, at kahilingan ng sambahayan ng Diyos, gumawa nang alinsunod sa katotohanan, at gampanan ang sarili niyang mga tungkulin nang maayos, buong puso at buong lakas gamit ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, at iniingatan ang gawain at ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos bilang mga prinsipyo. Kung ganoon, paano karaniwang kumikilos ang tao para sa kanyang sarili? Ginagawa nila anumang gustuhin nila, inuuna ang mga kapakanan nila sa kanilang mga kilos at pinahahalagahan ang mga iyon nang higit sa lahat. Ginagawa nila ang anumang para sa kanilang sariling kapakanan, kumikilos nang ganap na para tugunan ang kanilang mga makasariling makalamang pagnanais at hindi isinasaalang-alang ni katiting man ang katarungan, konsensiya, at katwiran; walang ganitong mga bagay sa puso nila. Sinusunod lamang nila ang isang satanikong disposisyon at kumikilos alinsunod sa mga kagustuhan ng tao, nagpapakana sa kaliwa’t kanan at nabubuhay alinsunod sa mga satanikong pilosopiya. Anong klaseng paraan ng pamumuhay ito? Ito ang paraan ni Satanas para mabuhay. Kapag sumusunod sa Diyos at ginagampanan ng tao ang mga tungkulin niya, dapat siyang kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at kahit papaano ay magkaroon siya ng konsensiya at katwiran—ito ang pinakamababa. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi maganda ang pakiramdam ko ngayon, kaya gusto kong maging walang-ingat sa bagay na ito.” Ito ba ang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay nang may konsensiya? (Hindi.) Sa mga panahon na gusto mong maging walang-ingat, namamalayan mo ba ito? (Namamalayan namin.) May mga panahon ba na hindi mo ito namamalayan? (Oo, mayroon.) Kung ganoon, nasasaliksik mo ba ang sarili mo at natutuklasan ito pagkatapos ng katunayan? (Medyo.) Pagkatapos mong matuklasan na naging walang-ingat ka, sa susunod na pagkakataon na may katulad kang ideya na maging pabasta-basta, makapaghihimagsik ka ba laban sa mga iyon at malulutas mo ba ang mga iyon? (Kapag may kamalayan ako sa mga ideyang iyon, nagagawa kong maghimagsik laban sa mga iyon kahit papaano.) Tuwing naghihimagsik ka laban sa sarili mong mga pag-aakala at kagustuhan, may labanang mangyayari, at kung ang makasarili mong mga pagnanais ang nanaig sa dulo ng labanang ito, sadya mong sinalungat ang Diyos at nanganganib ka. Sabihin nating nananampalataya ka na sa Diyos sa loob ng 10 taon, at nakakaraos ka sa unang tatlong taon at medyo masigla, pero makalipas ang tatlong taon napagtanto mo na kapag nananampalataya ang isang tao sa Diyos, dapat niyang isagawa ang katotohanan, pumasok sa katotohanang realidad, at maghimagsik laban sa laman. Pagkatapos, paunti-unti mong nakikita ang sarili mong katiwalian at masamang hangarin at ang sarili mong buktot at mapagmataas na kalikasan, at sa panahong iyon nakilala mo na talaga ang sarili mo—kilala mo na ang sarili mong tiwaling diwa. Nararamdaman mo na ang pagtanggap sa katotohanan ay lubhang kailangan at na mahalagang lutasin ang mga tiwali mong disposisyon, at sa panahon lamang na ito mo naramdaman na talagang nakakaawa ang walang katotohanang realidad. Bagama’t may labanang nangyayari sa puso ng isang tao tuwing nabubunyag ang kanyang katiwalian, sa bawat labanang ito ay hindi niya matalo ang makasarili niyang pagnanasa at kumikilos pa rin siya alinsunod sa sarili niyang kagustuhan. Sa katunayan, alam na alam niya mismo na sa puso niya, ang disposisyon pa rin ni Satanas ang nasusunod, kaya mahirap isagawa ang katotohanan. Pinatutunayan nito na wala siyang anumang katotohanang realidad, at napakahirap masabi kung makakamit ba niya o hindi ang kaligtasan sa huli. Kung talagang gusto mo, kailangan mong isagawa ang mga katotohanang nauunawaan mo, at kahit na ano pang mga tiwaling disposisyon ang humadlang sa iyo kapag isinasagawa mo ang mga katotohanang ito, dapat ay lagi kang manalangin at magtiwala sa Diyos, hangarin ang katotohanan para lutasin ang mga tiwaling disposisyon, maglakas-loob na labanan ang mga ito, at maglakas-loob na maghimagsik laban sa iyong laman. Kung may ganito kang klase ng pananalig, maisasagawa mo ang katotohanan. Bagama’t paminsan-minsan ay magkakaroon ng mga pagkakataong mabibigo ka, hindi ka panghihinaan ng loob at aasa ka pa rin sa pananalangin sa Diyos at paghingi ng tulong sa Kanya upang mapagtagumpayan si Satanas. Ang pakikipaglaban nang kagaya nito sa loob ng maraming taon, ang mga panahon kung kailan nagwawagi ka laban sa iyong laman at nakapagsasagawa ng katotohanan ay madaragdagan, at ang mga panahon na nabibigo ka ay unti-unting mababawasan, at kahit na mabigo ka paminsan-minsan, hindi ka magiging negatibo at patuloy kang mananalangin at hihingi ng tulong sa Diyos hanggang sa maisagawa mo na ang katotohanan. Mangangahulugan ito na may pag-asa para sa iyo, na nahawi ang makapal na ulap at nakikita mo na ang asul na kalangitan. Hangga’t may mga pagkakataong nagtatagumpay ka kapag isinasagawa mo ang katotohanan, pinatutunayan nito na ikaw ay isang taong desidido at umaasang magkamit ng kaligtasan. Nakakapasok lamang sa katotohanang realidad ang mga taong naghahangad ng katotohanan pagkatapos nilang dumaan sa maraming kabiguan kapag isinasagawa nila ito. Kahit na ilang beses pang mabigo ang isang tao at kahit na gaano pa siya ka-negatibo, hangga’t nagtitiwala siya at tumitingin sa Diyos, lagi siyang magkakaroon ng mga panahon ng pagtatagumpay. Kahit na ilang beses pa siyang paulit-ulit na mabigo, may pag-asa pa rin para sa kanya hangga’t hindi siya sumusuko. Kapag dumating ang araw na talagang matuklasan niyang siya ay maaaring magsagawa ng katotohanan, kumilos nang alinsunod sa mga prinsipyo, hindi makipagkompromiso kay Satanas sa mga pangunahing bagay—partikular na tungkol sa pagganap ng kanyang mga tungkulin—at hindi bitiwan ang kanyang mga tungkulin habang naninindigan din sa kanyang patotoo, talagang may pag-asang maligtas siya.

Tuwing isinasagawa ninyo ang katotohanan, dadaan kayo sa isang labanan sa inyong kalooban. Mayroon ba sa inyong hindi nakaranas ng anumang labanan habang isinasagawa ninyo ang katotohanan? Wala. Kapag ang isang tao ay nakapasok na sa katotohanang realidad at halos hindi na nagpapakita ng anumang tiwaling disposisyon, saka lamang sila pangunahing hindi nagkakaroon ng malalaking labanan. Pero sa ilang espesyal na pangyayari at partikular na konteksto, bahagya pa rin silang nakikipaglaban. Ibig sabihin, kapag mas naiintindihan ng isang tao ang katotohanan, mas nagiging kaunti ang kanilang pakikipaglaban, at kapag mas kaunti ang pagkaunawa ng tao sa katotohanan, mas marami silang pakikipaglaban. Lalo na sa mga bagong mananampalataya, tiyak na napakatindi ng labanan sa kanilang mga puso tuwing isinasagawa nila ang katotohanan. Bakit matitindi ang mga iyon? Dahil ang mga tao ay hindi lang may sariling kagustuhan at mga makalamang pagpili, mayroon din silang mga aktuwal na paghihirap, dagdag pa sa mga tiwaling disposisyong pumipigil sa kanila. Sa bawat aspekto ng katotohanan na nauunawaan mo, dapat kang makipaglaban sa apat na aspektong ito na humahadlang sa iyo, ibig sabihin sa pinakakaunti ay kailangan mong lagpasan itong tatlo o apat na humahadlang na harang bago mo maisagawa ang katotohanan. May ganito ba kayong karanasan ng patuloy na pakikipaglaban sa inyong mga tiwaling disposisyon? Kapag kailangan ninyong isagawa ang katotohanan at protektahan ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, napagtatagumpayan ba ninyo ang pagpigil ng inyong mga tiwaling disposisyon at manindigan sa panig ng katotohanan? Halimbawa, ipinares ka sa isang tao para gawin ang paglilinis sa iglesia, pero lagi nilang ibinabahagi sa mga kapatid na inililigtas ng Diyos ang mga tao sa pinakadakilang posibleng paraan, at dapat nating pakitunguhan ang mga tao nang may pagmamahal at bigyan sila ng mga pagkakataong makapagsisi. Nabatid mo na may mali sa kanilang pagbabahagi, at bagaman medyo tama naman ang mga salitang sinasabi nila, natuklasan mo dahil sa detalyadong pagsusuri na may tinatago silang mga layunin at mithiin, ayaw nilang masaktan ang sinuman, at ayaw nilang tuparin ang mga pagsasaayos ng gawain. Kapag nagbahaginan sila gaya nito, ang mga taong may mababang tayog at hindi makakilatis ay magugulo nila, walang ingat silang nagpapakita ng pagmamahal sa isang walang prinsipyong pamamaraan, hindi nila pinapansin ang pagiging makilatis sa iba, at hindi nilalantad o inuulat ang mga anticristo, ang masasamang tao at ang mga hindi mananampalataya. Hadlang ito sa gawaing paglilinis ng iglesia. Kung hindi maaalis sa tamang oras ang mga anticristo, masasamang tao, at hindi mananampalataya, maaapektuhan nito ang mga taong hinirang ng Diyos sa kanilang normal na pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita at sa kanilang normal na paggampan sa kanilang mga tungkulin, at lalung-lalo pang gagambalain at guguluhin ang gawain ng iglesia habang pinipinsala ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Sa panahong gaya nito, paano ka dapat magsagawa? Kapag napansin mo na ang problema, dapat ay manindigan ka at ibunyag ang taong ito; dapat mo silang pigilan at protektahan ang gawain ng iglesia. Maaaring isipin mo: “Magkakasama kami sa gawain. Kung direkta ko silang ilalantad at hindi nila ito tanggapin, hindi ba’t mag-aaway kami? Hindi, hindi ako puwedeng basta magsalita, kailangang maging maingat ako.” Kaya, binigyan mo sila ng simpleng paalala at ilang salita ng payo. Pagkatapos nilang marinig ang sinabi mo, hindi nila ito tinanggap, at mabilis na nagsabi ng mga dahilan para pabulaanan ka. Kung hindi nila ito tatanggapin, daranas ang gawain ng sambahayan ng Diyos ng kawalan. Ano ang dapat mong gawin? Manalangin ka sa Diyos, sabihin na: “O Diyos, pakiusap, isaayos at pamatnugutan Mo ito. Disiplinahin Mo sila—wala akong magagawa.” Iniisip mong hindi mo sila mapipigilan kaya hinayaan mo na lang silang hindi masuri. Responsableng pag-uugali ba ito? Naisasagawa mo ba ang katotohanan? Kung hindi mo sila mapigil, bakit hindi mo ito iulat sa mga lider at manggagawa? Bakit hindi mo dalhin ang bagay na ito sa isang pagtitipon at hayaan ang lahat na magbahaginan tungkol dito at talakayin ito? Kung hindi mo ito gagawin, hindi mo ba talaga sisisihin ang sarili mo kalaunan? Kung sasabihin mo, “Hindi ko ito kayang pangasiwaan, kaya hindi ko na lang papansinin. Malinis ang konsensiya ko,” kung gayon anong klaseng puso ang mayroon ka? Isang puso ba ito na tunay na nagmamahal o isa na nakakapinsala sa iba? Ang puso mo ay masama, dahil kapag may nangyari sa iyo, natatakot kang makasakit ng mga tao at hindi ka naninindigan sa mga prinsipyo. Sa totoo lang, alam na alam mo na ang ganitong tao ay may pansariling layon sa pagkilos sa ganitong paraan at hindi ka dapat makinig sa kanila tungkol sa bagay na ito. Subalit, hindi mo magawang sumunod sa mga prinsipyo at pigilan silang ilihis ang iba, at sa huli ay napipinsala nito ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Sisisihin mo ba ang sarili mo pagkatapos nito? (Ako, oo.) Mababawi ba ng paninisi mo sa sarili mo ang mga naging pinsala? Hindi na ito mababawi. Kalaunan, nag-isip-isip kang muli: “Ginawa ko naman ang mga responsabilidad ko, at alam ng Diyos. Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao.” Anong klaseng mga salita ito? Mapanlinlang ang mga ito, mga makadiyablong salita na parehong dinaraya ang tao at ang Diyos. Hindi mo tinupad ang mga responsabilidad mo, at naghahanap ka pa rin ng mga pagdadahilan at palusot para iwasan ang mga ito. Mapanlinlang ito at pagmamatigas. Ang ganito bang tao ay may anumang katapatan sa Diyos? May diwa ba sila ng katuwiran? (Wala.) Ito ang taong hindi tumatanggap ni katiting man na katotohanan, isang taong kauri ni Satanas. Kapag may nangyayari sa iyo, namumuhay ka ayon sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, at hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Palagi kang natatakot na masaktan ang kalooban ng iba, pero hindi ka natatakot na magkasala sa Diyos, at isasakripisyo mo pa ang mga interes ng sambahayan ng Diyos upang protektahan ang iyong mga ugnayan sa mga tao. Ano ang mga kahihinatnan ng pagkilos sa ganitong paraan? Mapoprotektahan mo nga nang mabuti ang iyong mga ugnayan sa mga tao, ngunit magkakasala ka naman sa Diyos, at itataboy ka Niya, at magagalit Siya sa iyo. Alin ang mas mabuti sa panimbang? Kung hindi mo masabi kung alin, naguguluhan ka nang husto; pinatutunayan nito na wala ka ni katiting na pagkaunawa sa katotohanan. Kung magpapatuloy ka nang ganyan nang hindi kailanman natatauhan, at kung hindi mo talaga makakamit ang katotohanan sa huli, ikaw ang siyang dadanas ng kawalan. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan sa bagay na ito, at mabigo ka, magagawa mo bang hanapin ang katotohanan sa hinaharap? Kung hindi mo pa rin magagawa, hindi na ito magiging usapin ng pagdanas ng kawalan—matitiwalag ka na sa huli. Kung taglay mo ang mga motibasyon at pananaw ng isang mapagpalugod ng mga tao, kung gayon, sa lahat ng bagay, hindi mo makakayang isagawa ang katotohanan at sumunod sa prinsipyo, at lagi kang mabibigo at matutumba. Kung hindi ka mapupukaw at hindi mo hahanapin ang katotohanan kailanman, isa kang hindi mananampalataya, at hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan at ang buhay. Ano, kung gayon, ang dapat mong gawin? Kapag naharap ka sa ganitong mga bagay, dapat kang manalangin sa Diyos at tumawag sa Kanya, magmakaawa para sa kaligtasan, at hilingin na bigyan ka Niya ng higit pang pananalig at lakas, na bigyan ka ng kakayahang sumunod sa mga prinsipyo, magawa ang dapat mong gawin, mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, matatag na manindigan sa posisyong kinatatayuan mo, protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pigilan ang anumang pinsala na dumating sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung kaya mong maghimagsik laban sa sarili mong mga interes, dangal, at kinatatayuan ng isang mapagpalugod ng mga tao, at kung ginagawa mo ang dapat mong gawin nang tapat at buong puso, kung gayon, matatalo mo na si Satanas at matatamo ang aspektong ito ng katotohanan. Kung lagi kang nagpupumilit na mamuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, na pinoprotektahan ang mga relasyon mo sa iba, hindi kailanman isinasagawa ang katotohanan, at hindi naglalakas-loob na sumunod sa mga prinsipyo, magagawa mo bang isagawa ang katotohanan sa iba pang mga bagay? Wala ka pa ring pananalig o lakas. Kung hindi mo nagagawa kahit kailan na hanapin o tanggapin ang katotohanan, tutulutan ka ba ng gayong pananalig sa Diyos na matamo ang katotohanan? (Hindi.) At kung hindi mo matamo ang katotohanan, maaari ka bang maligtas? Hindi maaari. Kung lagi kang namumuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, lubos na walang katotohanang realidad, hindi ka maliligtas kailanman. Dapat maging malinaw sa iyo na ang pagtatamo ng katotohanan ay isang kinakailangang kondisyon para sa kaligtasan. Kung gayon, paano mo matatamo ang katotohanan? Kung naisasagawa mo ang katotohanan, kung nakakapamuhay ka ayon sa katotohanan, at ang katotohanan ang nagiging batayan ng iyong buhay, makakamit mo ang katotohanan at magkakaroon ka ng buhay, at sa gayon ay magiging isa ka sa mga maliligtas.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.