Mga Salita sa Pagganap ng Tungkulin (Sipi 36)

Ang mga salita ng awit na “Sadyang Kaligayahan ang Maging Isang Matapat na Tao” ay pawang praktikal, at pumili Ako ng ilang linya upang mapagbahaginan. Pagbahaginan muna natin ang linyang “Itinataguyod ko nang buong puso at isip ang aking tungkulin, at wala akong mga pag-aalintana sa laman.” Anong kalagayan ito? Anong uri ng tao ang isang taong naitataguyod ang kanyang tungkulin nang buong puso at isip? May konsiyensiya ba siya? Natupad ba niya ang kanyang pananagutan bilang isang nilalang? Nasuklian na ba niya ang Diyos sa anumang paraan? (Oo.) Ang katunayan na naitataguyod niya ang kanyang tungkulin nang buong puso at isip ay nangangahulugang seryoso at responsable niya itong ginagawa, nang hindi nagiging pabasta-basta, nang hindi nagiging tuso o tamad, at nang walang pag-iwas sa pananagutan. Taglay niya ang wastong saloobin at normal ang kanyang kalagayan at pag-iisip. Mayroon siyang katwiran at konsensiya, may pagsasaalang-alang siya sa Diyos, at siya ay matapat at may debosyon sa kanyang tungkulin. Ano ang ibig sabihin ng “walang pag-aalintana sa laman”? May ilang kalagayan din dito. Pangunahin itong nangangahulugan na hindi niya alintana ang kinabukasan ng kanyang laman, at hindi niya pinagpaplanuhan ang darating sa kanya. Nangangahulugan ito na hindi niya alintana kung ano ang kanyang gagawin kalaunan kapag siya ay matanda na, kung sino ang mag-aalaga sa kanya, o kung paano pa siya mabubuhay. Hindi niya isinasaalang-alang ang mga bagay na ito, at sa halip ay nagpapasakop siya sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay. Una at pangunahin niyang gawain ay ang mahusay na pagtupad sa kanyang tungkulin—ang pagtataguyod sa kanyang tungkulin, at pagtataguyod sa atas ng Diyos ang pinakamahahalagang bagay. Kapag mahusay na nagagampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin bilang mga nilalang, hindi ba’t may kaunti silang wangis ng tao? Ito ay pagtataglay ng wangis ng tao. Kahit papaano man lang ay kinakailangang mahusay na matupad ng mga tao ang kanilang tungkulin, maging tapat sila, at iukol nila rito ang kanilang buong puso at isip. Ano ba ang ibig sabihin ng “itaguyod ang sariling tungkulin”? Ibig sabihin nito ay kahit anong mga paghihirap pa ang kaharapin ng mga tao ay hindi sila sumusuko, hindi nila iniiwan ang kanilang tungkulin, o pinababayaan ang kanilang responsabilidad. Ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya. Iyon ang ibig sabihin ng itaguyod ang sariling tungkulin. Halimbawa, sabihin nang isinaayos na gawin mo ang isang bagay, at walang sinumang naroroon para bantayan ka, subaybayan ka o udyukan ka. Paano mo maitataguyod ang iyong tungkulin? (Tatanggapin ang masusing pagsisiyasat ng Diyos at mamumuhay sa presensiya Niya.) Ang unang hakbang ay tanggapin ang masusing pagsisiyasat ng Diyos; iyon ang isang bahagi nito. Ang isa pang bahagi ay ang gawin ang iyong tungkulin nang buong puso at isip mo. Ano ba ang kailangan mong gawin para magawa mo iyon nang buong puso at isip mo? Dapat mong tanggapin ang katotohanan at isagawa ito; ibig sabihin, kailangan mong tanggapin ang anumang hinihingi ng Diyos at magpasakop dito; kailangan mong asikasuhin ang iyong tungkulin gaya ng iyong pag-aasikaso sa mga personal na bagay, nang hindi nangangailangan ng sinuman para bantayan ka, subaybayan ka, at siguraduhing ginagawa mo ito nang tama, para tingnan ka, pangasiwaan ang iyong ginagawa, o pungusan ka pa nga. Dapat mong іsipin sa iyong sarili, “Responsabilidad ko na gampanan ang tungkuling ito. Papel ko ito, at dahil ibinigay ito sa akin para gawin ko, at nasabi na sa akin ang mga prinsipyo at naintindihan ko naman ang mga ito, patuloy ko itong gagawin nang may determinasyon. Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para tiyaking magagawa ito nang maayos.” Kailangan mong pagsikapang gawin ang tungkulin na ito, at hindi mapigilan ng sinumang tao o ng anumang pangyayari o bagay. Ito ang ibig sabihin ng itaguyod ang iyong tungkulin nang buong puso at isip mo, at ito ang dapat na maging wangis ng mga tao. Kaya, ano ang dapat masangkap sa mga tao para maitaguyod nila ang kanilang tungkulin nang buong puso at isip nila? Kailangan muna nilang magkaroon ng konsiyensiya na dapat taglayin ng mga nilalang. Kahit iyon man lang sana. Higit pa roon, dapat tapat din siya. Bilang isang tao, para matanggap ang tagubilin ng Diyos, kailangan siyang maging tapat. Kailangang maging ganap siyang tapat sa Diyos lamang, at hindi maaaring wala siyang sigla, o hindi tumatanggap ng pananagutan; mali ang kumilos batay sa sarili niyang interes o pakiramdam—hindi ito pagiging tapat. Ano ang ibig sabihin ng maging tapat? Ang ibig sabihin nito ay ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin, at hindi ka naiimpluwensyahan o nalilimitahan ng iyong pakiramdam, kapaligiran, o ng ibang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay. Kailangan mong isipin, “Natanggap ko ang tagubiling ito mula sa Diyos; ibinigay na Niya ito sa akin. Ito ang dapat kong gawin, kaya gagawin ko ito kung paano ko gagawin ang sarili kong mga bagay-bagay, sa anumang paraang nagbubunga ng magagandang resulta, na ang kahalagahan ay nakatuon sa pagbibigay-lugod sa Diyos.” Kapag nasa ganito kang kalagayan, hindi ka lamang kontrolado ng iyong konsensiya, kundi may pagkamatapat din sa iyong kalooban. Kung nasisiyahan ka na na magawa lamang ito, nang hindi mo hinahangad na maging mahusay at magkamit ng mga resulta, at nadarama mo na sapat nang ibuhos lamang dito ang iyong buong pagsisikap, pag-abot lamang ito sa pamantayan ng konsiyensiya ng mga tao, at hindi maituturing na pagkamatapat. Ang pagiging tapat sa Diyos ay mas mataas na hinihingi at pamantayan kaysa sa pamantayan ng konsiyensiya. Hindi lamang ito pagbubuhos dito ng lahat ng iyong pagsisikap; kailangan mo ring ilaan dito ang iyong buong puso. Sa iyong puso, kailangan mong palaging ituring ang iyong tungkulin bilang trabaho na dapat mong gawin, kailangan mong magdala ng pasanin para sa gawaing ito, kailangan kang mapangaralan kung makagagawa ka ng kahit katiting na pagkakamali o kung medyo padaskol kang magtrabaho, at kailangan mong madama na hindi ka maaaring umasal nang ganito dahil ginagawa ka nitong may labis na pagkakautang sa Diyos. Ang mga taong talagang may konsensiya at katwiran ay ginagampanan ang kanilang tungkulin na para bang sarili nila itong trabahong gagawin, mayroon man o walang sinumang nagbabantay o nangangasiwa sa kanila. Masaya man sa kanila o hindi ang Diyos at paano man Niya sila tinatrato, laging mahigpit ang kahilingan nila sa kanilang sarili na tuparin nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin at tapusin ang tagubiling ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. Ang tawag dito ay pagkamatapat. Hindi ba mas mataas na pamantayan ito kaysa sa pamantayan ng konsiyensiya? Kapag kumikilos sila ayon sa pamantayan ng konsiyensiya, madalas na naiimpluwensyahan ang mga tao ng mga panlabas na bagay, o iniisip nila na sapat nang ibuhos na lang sa kanilang tungkulin ang lahat ng kanilang pagsisikap; ang antas ng kadalisayan ay hindi gayon kataas. Subalit, kapag pinag-uusapan ang pagkamatapat at matapat na pagtataguyod sa tungkulin ng isang tao, ang antas ng kadalisayan ay mas mataas. Hindi iyon tungkol lang sa pagsisikap; hinihingi nito na ibuhos mo sa iyong tungkulin ang iyong buong puso, isipan, at katawan. Upang maayos mong magampanan ang iyong tungkulin, kung minsan ay kailangan mong magtiis ng kaunting pisikal na hirap. Kailangan mong magbayad ng halaga, at ilaan ang iyong buong kaisipan sa paggampan sa iyong tungkulin. Anumang pangyayari ang iyong kaharapin, hindi nakaaapekto ang mga ito sa iyong tungkulin o nakaaantala sa paggampan mo sa iyong tungkulin, at nagagawa mong mapalugod ang Diyos. Upang magawa ito, may halagang kailangan mong pagbayaran. Kailangan mong talikuran ang iyong pamilya ng laman, mga personal na bagay, at pansariling interes. Ang iyong banidad, pagpapahalaga sa sarili, mga damdamin, pisikal na kaaliwan, at maging mga bagay tulad ng pinakamasasayang taon ng iyong kabataan, ang iyong pag-aasawa, ang iyong kinabukasan, at ang iyong tadhana ay kailangan mong bitawan at talikuran, at kailangan mong kusang-loob na gampanang mabuti ang iyong tungkulin. Sa gayon ay makakamit mo ang pagkamatapat, at magtataglay ka ng wangis ng tao sa pamamagitan ng pamumuhay nang ganito. Hindi lamang may konsiyensiya ang mga taong tulad nito, bagkus ay ginagamit nila ang pamantayan ng konsiyensiya bilang pundasyon na pagmumulan ng paghingi sa kanilang sarili ng pagkamatapat na hinihingi ng Diyos sa tao, at ng paggamit ng pagkamatapat na ito bilang paraan sa pagtatasa sa kanilang sarili. Masigasig nilang pinagsisikapan ang adhikaing ito. Bibihira ang mga taong tulad nito sa daigdig. May isa lamang sa bawat isang libo o sampung libong hinirang ng Diyos. Nabubuhay bang may halaga ang mga taong tulad nito? Sila ba ay mga taong pinahahalagahan ng Diyos? Mangyari pa, namumuhay silang may halaga at sila ay mga taong pinahahalagahan ng Diyos.

Sinasabi ng susunod na linya ng awit, “Kahit mahina ang kakayahan ko, mayroon akong tapat na puso.” Ang mga salitang ito ay napakatotoo pakinggan, at sinasabi ng mga ito ang isang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Anong hinihingi? Na kung kulang sa kakayahan ang mga tao, hindi pa naman ito ang katapusan ng mundo, sa halip dapat silang magtaglay ng tapat na puso, at kung mayroon sila noon, makatatanggap sila ng pagsang-ayon ng Diyos. Anuman ang iyong sitwasyon o pinagmulan, dapat kang maging matapat na tao, nagsasabi nang tapat, kumikilos nang tapat, nagagampanan ang iyong tungkulin nang buong puso at isipan, maging tapat sa pagganap ng iyong tungkulin, hindi magpabaya, hindi maging tuso o mapanlinlang na tao, hindi magsinungaling o manlinlang, at hindi magpaligoy-ligoy sa pagsasalita. Kailangan mong kumilos ayon sa katotohanan at maging isang taong naghahangad sa katotohanan. Maraming tao ang nag-iisip na mababa ang kanilang kakayahan, at hindi nila kailanman maayos na nagagampanan ang kanilang tungkulin o naaabot ang pamantayan. Ibinubuhos nila ang lahat-lahat nila sa kanilang ginagawa, ngunit hindi nila kailanman maunawaan ang mga prinsipyo, at hindi pa rin sila makapagtamo ng napakagagandang resulta. Sa huli, ang nagagawa na lamang nila ay dumaing na sadyang napakababa ng kanilang kakayahan, at sila ay nagiging negatibo. Kaya, hindi na ba makasusulong kung mababa ang kakayahan ng isang tao? Ang pagkakaroon ng mababang kakayahan ay hindi isang nakamamatay na sakit, at hindi kailanman sinabi ng Diyos na hindi Niya ililigtas ang mga taong may mababang kakayahan. Tulad ng sinabi noon ng Diyos, nagdadalamhati Siya sa mga taong matatapat ngunit mangmang. Anong ibig sabihin ng pagiging mangmang? Sa maraming kaso, ang kamangmangan ay nagmumula sa pagiging mababa ang kakayahan. Kapag mababa ang kakayahan ng mga tao, may mababaw silang pagkaunawa sa katotohanan. Hindi ito sapat na partikular o praktikal, at kadalasang limitado ito sa isang paimbabaw o literal na pagkaunawa—limitado ito sa doktrina at mga regulasyon. Iyon ang dahilan kung kaya’t hindi nila maintindihan ang maraming problema, at hindi kailanman maunawaan ang mga prinsipyo habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, o mahusay na magawa ang kanilang tungkulin. Ayaw ba ng Diyos, kung gayon, sa mga taong may mababang kakayahan? (Gusto Niya.) Anong landas at direksiyon ang itinuturo ng Diyos na tuntunin ng mga tao? (Na maging isang matapat na tao.) Maaari ka bang maging matapat na tao kung sasabihin mo lamang ito? (Hindi, kailangang mayroon kang mga pagpapamalas ng isang matapat na tao.) Ano ang mga pagpapamalas ng isang matapat na tao? Una, ang hindi pagkakaroon ng pagdududa sa mga salita ng Diyos. Isa iyon sa mga pagpapamalas ng isang matapat na tao. Bukod dito, ang pinakamahalagang pagpapamalas ay ang paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay—ito ang pinakamahalaga. Sinasabi mong ikaw ay matapat, pero palagi mong iniiwasang isipin ang mga salita ng Diyos at ginagawa lang ang anumang gusto mo. Pagpapamalas ba iyon ng isang matapat na tao? Sinasabi mo, “Bagama’t mahina ang kakayahan ko, mayroon akong matapat na puso.” Gayunpaman, kapag may tungkulin na itinalaga sa iyo, natatakot kang magdusa at magpasan ng responsabilidad kung hindi mo ito magagawa nang maayos, kaya nagpapalusot ka para iwasan ang tungkulin mo o nagmumungkahi ka na iba na lang ang gumawa nito. Pagpapamalas ba ito ng isang matapat na tao? Malinaw na hindi. Kung gayon, paano dapat umasal ang isang matapat na tao? Dapat silang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, maging tapat sa tungkulin na dapat nilang gampanan, at magsikap na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Naipapamalas ito sa iba’t ibang paraan: Ang isa ay ang pagtanggap sa iyong tungkulin nang may matapat na puso, hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng iyong laman, hindi nagiging walang sigla sa iyong tungkulin, at hindi nagpapakana para sa sarili mong pakinabang. Iyon ang mga pagpapamalas ng katapatan. Ang isa pa ay ang pagganap nang maayos sa iyong tungkulin nang buong puso at buong lakas mo, paggawa sa mga bagay-bagay nang tama, at pagsasapuso at pagmamahal sa iyong tungkulin para palugurin ang Diyos. Ito ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang matapat na tao habang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Kung hindi mo isasakatuparan ang iyong nalalaman at nauunawaan, at kung 50 o 60 porsyento lang ng iyong pagsisikap ang iyong ibinibigay, kung gayon ay hindi mo ibinibigay rito ang buong puso at lakas mo. Sa halip, ikaw ay tuso at nagpapakatamad. Matatapat ba ang mga taong gumaganap sa kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan? Hinding-hindi. Walang silbi sa Diyos ang gayong mga tuso at mapanlinlang na tao; dapat silang itiwalag. Matatapat na tao lamang ang ginagamit ng Diyos para gumanap ng mga tungkulin. Kahit ang mga tapat na trabahador ay kailangang maging matapat. Ang mga taong palaging pabasta-basta at tuso at naghahanap ng paraan para magpakatamad ay pawang mapanlinlang, at mga demonyo silang lahat. Wala sa kanila ang tunay na nananalig sa Diyos, at ititiwalag silang lahat. Iniisip ng ibang tao, “Ang pagiging matapat na tao ay tungkol lamang sa pagsasabi ng totoo at hindi pagsisinungaling. Sa totoo lang, madali lang maging matapat na tao.” Ano ang palagay mo sa sentimyentong ito? Napakalimitado nga ba ng saklaw ng pagiging matapat na tao? Hinding-hindi. Dapat mong ilantad ang iyong puso at ibigay ito sa Diyos; ito ang saloobin na dapat mayroon ang isang matapat na tao. Iyon ang dahilan kung bakit napakahalaga ng isang matapat na puso. Ano ang implikasyon nito? Ito ay na kaya ng isang pusong tapat na kontrolin ang iyong asal at baguhin ang kalagayan mo. Magagabayan ka nitong gumawa ng mga tamang desisyon, at magpasakop sa Diyos at makamit ang Kanyang pagsang-ayon. Ang ganitong puso ay tunay na mahalaga. Kung mayroon kang matapat na pusong gaya nito, dapat kang mamuhay sa ganoong kalagayan, ganoon ka dapat umasal, at ganoon mo dapat igugol ang iyong sarili. Dapat mong lubos na pagnilayan ang mga lirikong ito. Walang pangungusap ang kasimpayak ng literal nitong kahulugan, at may matatamo ka kung tunay mo itong mauunawaan pagkatapos mo itong pagnilayan.

Tingnan natin ang isa pang linya ng mga liriko: “Sa lahat ng bagay, bigyang-kasiyahan ng iyong buong pagkamatapat ang mga layunin ng Diyos.” May isang landas ng pagsasagawa sa mga salitang ito. Nagiging negatibo ang ilang tao kapag nahaharap sila sa mga paghihirap habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, at nagiging sanhi ito na mawalan sila ng ganang gawin ang kanilang tungkulin. Mayroong mali sa mga taong ito. Tapat sa loob man lamang ba nilang iginugugol ang sarili nila sa Diyos? Dapat nilang pagnilayan kung bakit sila nagiging negatibo kapag nahaharap sa mga paghihirap, at kung bakit hindi nila magawang hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga suliranin. Kung kaya nilang pagnilayan ang kanilang sarili at hanapin ang katotohanan, magagawa nilang makita ang kanilang mga suliranin. Ang totoo, ang pinakamalaking hirap sa mga tao ay pangunahing ang suliranin ng isang tiwaling disposisyon. Kung kaya mong hanapin ang katotohanan, magiging madaling ayusin ang iyong tiwaling disposisyon. Sa sandaling naayos mo na ang iyong tiwaling disposisyon, magagawa mo nang ibigay ang iyong buong pagkamatapat sa lahat ng bagay na makatutugon sa mga layunin ng Diyos. Ang “lahat ng bagay” ay nangangahulugan na anuman ito, maging ito man ay isang bagay na ibinigay sa iyo ng Diyos, isang bagay na isinaayos ng isang lider o manggagawa para sa iyo, o isang bagay na nakatagpo mo nang hindi sinasadya, basta’t ito ang dapat mong gawin at matutupad mo ang iyong responsabilidad, ay ibinibigay mo ang iyong buong pagkamatapat, at tinutupad mo ang mga responsabilidad at ang tungkuling dapat mong tuparin, at ginagawa mong prinsipyo ang pagtugon sa mga layunin ng Diyos. Ang prinsipyong ito ay medyo maringal pakinggan at medyo mahirap masunod ng mga tao. Sa mas praktikal na pananalita, nangangahulugan ito ng mahusay na pagtupad sa iyong tungkulin. Ang pagtataguyod sa iyong tungkulin at mahusay na pagtupad dito ay mga bagay na mahirap gawin. Maging ito man ay pagiging isang lider o manggagawa, o iba pang tungkulin, kailangan mong maunawaan ang ilang katotohanan. Mahusay mo bang matutupad ang iyong tungkulin kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan? Maayos mo ba itong magagawa nang hindi itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo? Kung nauunawaan mo ang lahat ng aspeto ng katotohanan at kaya mong magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, nagawa mo nang mahusay ang iyong tungkulin, naitaguyod mo ang iyong tungkulin, nakapasok ka na sa katotohanang realidad, at matutugunan mo ang mga layunin ng Diyos. Ito ang landas ng pagsasagawa. Madali ba itong gawin? Kung ang tungkuling iyong ginagampanan ay isang bagay na bihasa ka at gusto mo, nararamdaman mo na ito ay responsabilidad at obligasyon mo, at na ang pagsasagawa nito ay isang bagay na ganap na likas at may katwiran. Nadarama mong ikaw ay nagagalak, maligaya at matiwasay. Ito ay isang bagay na handa kang gawin, at mabibigyan mo ng iyong buong pagkamatapat, at nadarama mong binibigyang-kasiyahan mo ang Diyos. Ngunit kung isang araw ay maharap ka sa isang tungkulin na hindi mo gusto o hindi mo pa kailanman nagampanan, ganap mo bang maibibigay rito ang iyong pagkamatapat? Masusubok nito kung isinasagawa mo ang katotohanan. Halimbawa, kung ang iyong tungkulin ay nasa pangkat ng himno, at kaya mong umawit at isa itong bagay na ikinagagalak mong gawin, maluwag sa kalooban mong gampanan ang tungkuling ito. Kung binigyan ka ng isa pang tungkulin kung saan sinabihan kang ipalaganap ang ebanghelyo, at ang gawain ay may kahirapan, magagawa mo bang tumalima? Pinagnilayan mo ito at sinabing “Mahilig akong umawit.” Anong ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito ay ayaw mong magpalaganap ng ebanghelyo. Ito ang malinaw na kahulugan nito. Patuloy mo lang sinasabing “Mahilig akong umawit.” Kung ang isang lider o manggagawa ay mangatwiran sa iyong, “Bakit hindi ka magsanay na magpalaganap ng ebanghelyo at sangkapan mo ang iyong sarili ng higit pang katotohanan? Higit itong magiging kapaki-pakinabang sa iyong pag-unlad sa buhay,” nagpumilit ka pa rin at nagsabing “Mahilig akong umawit, at mahilig akong sumayaw.” Ayaw mong magpalaganap ng ebanghelyo anuman ang kanyang sabihin. Bakit ayaw mong gawin iyon? (Dahil sa kawalan ng interes.) Wala kang interes kaya’t ayaw mong gawin iyon—ano ang problema rito? Ito ay ang iyong pagpili ng tungkulin batay sa iyong mga kagustuhan at personal na panlasa, at hindi ka nagpapasakop. Wala kang pagpapasakop, at iyon ang problema. Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan upang malutas ang problemang ito, samakatuwid ay hindi ka tunay na nagpapakita ng gaanong tunay na pagpapasakop. Ano ang dapat mong gawin sa ganitong sitwasyon upang magpakita ng totoong pagpapasakop? Ano ang magagawa mo upang matugunan ang mga layunin ng Diyos? Ito ang panahon kung kailan mo kailangang magnilay at makipagbahaginan tungkol sa aspetong ito ng katotohanan. Kung nais mong ialay ang iyong buong pagkamatapat sa lahat ng bagay para matugunan ang mga layunin ng Diyos, hindi mo iyon magagawa sa pamamagitan lamang ng pagganap ng isang tungkulin; kailangan mong tanggapin ang anumang utos na ibinibigay ng Diyos sa iyo. Tumutugon man ito o hindi sa iyong panlasa o sa iyong mga interes, o isang bagay man ito na hindi nakakasiya sa iyo, na hindi mo pa nagawa dati, o isang bagay na mahirap gawin, dapat mo pa rin itong tanggapin at magpasakop ka rito. Hindi mo lamang dapat tanggapin ito, kundi kailangan mo ring aktibong makipagtulungan, at matuto tungkol dito, habang dumaranas ka at pumapasok. Kahit pa ikaw ay nahihirapan, napapagod, napapahiya, o ibinubukod, kailangan mo pa ring ibigay ang iyong buong pagkamatapat. Sa pagsasagawa lamang sa ganitong paraan mo maibibigay ang iyong buong pagkamatapat sa lahat ng bagay at matutugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat mo itong ituring na tungkuling dapat mong gampanan, hindi bilang personal na bagay. Paano mo dapat maunawaan ang mga tungkulin? Bilang isang bagay na ibinibigay ng Lumikha—ng Diyos—sa isang tao para gawin; ganito nalilikha ang mga tungkulin ng mga tao. Ang atas na ibinibigay ng Diyos sa iyo ay tungkulin mo, at ganap na likas at may katwiran na gampanan mo ang iyong tungkulin gaya ng hinihingi ng Diyos. Kung malinaw mong nakikita na ang tungkuling ito ay atas ng Diyos, at na ito ay pagmamahal ng Diyos at pagpapala ng Diyos para sa iyo, magagawa mong tanggapin ang iyong tungkulin nang may mapagmahal-sa-Diyos na puso, at magagawa mong maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at magagawa mong mapagtagumpayan ang lahat ng paghihirap para mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Hinding-hindi magagawa ng mga tunay na gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos na tanggihan ang atas ng Diyos; hindi nila kailanman magagawang tanggihan ang anumang tungkulin. Kahit ano pang tungkulin ang ipagkatiwala ng Diyos sa iyo, kahit ano pang mga paghihirap ang kaakibat nito, hindi mo ito dapat tanggihan, kundi tanggapin. Ito ang landas ng pagsasagawa, na isagawa ang katotohanan at ibigay ang iyong buong pagkamatapat sa lahat ng bagay, upang mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Ano ang pinagtutuunan dito? Iyon ay ang mga salitang “sa lahat ng bagay.” Ang “lahat ng bagay” ay hindi nangangahulugan ng mga bagay na gusto mo o kung saan ka mahusay, lalong hindi ang mga bagay na pamilyar ka. Kung minsan, ito ay mga bagay kung saan hindi ka mahusay, mga bagay na kailangan mong matutunan, mga bagay na mahirap, o mga bagay kung saan kailangan mong magdusa. Gayunpaman, anuman ito, basta’t ito ay ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, kailangan mo itong tanggapin mula sa Kanya; kailangan mong tanggapin ito at gampanan nang mabuti ang tungkulin, ibigay dito ang iyong buong pagkamatapat at tugunan ang mga layunin ng Diyos. Ito ang landas ng pagsasagawa. Anuman ang mangyari, dapat mo laging hanapin ang katotohanan, at sa sandaling nakatitiyak ka na kung anong uri ng pagsasagawa ang naaayon sa mga layunin ng Diyos, ganoon ka dapat magsagawa. Tanging sa paggawa nito mo isinasagawa ang katotohanan, at sa ganitong paraan ka lamang makakapasok sa katotohanang realidad.

May isa pang linya mula sa awit, na nagsasabing, “Ako’y bukas at matuwid, walang panlilinlang, nabubuhay sa liwanag.” Sino ang nagbibigay sa tao ng landas na ito? (Ang Diyos.) Kung ang isang tao ay bukas at matuwid, siya ay isang matapat na tao. Ganap na niyang binuksan ang kanyang puso at espiritu sa Diyos, at wala siyang itinatago, at walang pinagtataguan. Naibigay na niya nang lubusan sa Diyos ang kanyang puso, at naipakita na niya ito sa Diyos, na nangangahulugang naibigay na niya ang buong pagkatao niya sa Diyos. Kaya, mawawalay pa ba siya sa Diyos? Hindi na, kaya madali na para sa kanya ang magpasakop sa Diyos. Kung sinasabi ng Diyos na mapanlinlang siya, aaminin niya iyon. Kung sinasabi ng Diyos na mayabang siya at mapagmagaling, aaminin din niya iyon, at hindi lang niya basta aaminin ang mga bagay na ito at titigil na lang doon—nagagawa niyang magsisi, magpunyagi para sa mga katotohanang prinsipyo, at ayusin iyon kapag napagtatanto niyang siya ay nagkamali, at ituwid ang kanyang mga pagkakamali. Bago pa niya malaman, naitama na niya ang marami sa kanyang mga maling gawi, at unti-unting mababawasan ang kanyang pagiging mapanlinlang, mapanloko, at pabasta-basta. Habang namumuhay siya nang mas matagal sa ganitong paraan, magiging mas tapat at kagalang-galang siya, at mas mapapalapit siya sa mithiing maging matapat na tao. Iyon ang kahulugan ng mamuhay sa liwanag. Lahat ng kaluwalhatiang ito ay sa Diyos! Kapag namumuhay ang mga tao sa liwanag kagagawan iyon ng Diyos—hindi iyon isang bagay na dapat nilang ipagyabang. Kapag namumuhay sa liwanag ang mga tao, nauunawaan nila ang bawat katotohanan, mayroon silang pusong may takot sa Diyos, alam nila kung paano hanapin at isagawa ang katotohanan sa bawat suliraning makaharap nila, at namumuhay sila nang may konsensiya at katwiran. Bagama’t hindi sila matatawag na matutuwid na tao, sa mga mata ng Diyos ay mayroon silang kaunting wangis ng tao, at kahit paano, hindi nakikipagtunggali sa Diyos ang kanilang mga salita at gawa, kaya nilang hanapin ang katotohanan kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, at may puso silang nagpapasakop sa Diyos. Samakatuwid, medyo ligtas at nakasisiguro sila, at hindi posibleng pagtaksilan nila ang Diyos. Bagaman wala silang napakalalim na pagkaunawa sa katotohanan, nagagawa nilang sumunod at magpasakop, mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso, at kaya nilang umiwas sa kasamaan. Kapag binigyan sila ng gawain o tungkulin, nagagawa nila itong gawin nang buong puso at isip, at sa abot ng kanilang makakaya. Ang ganitong klase ng tao ay mapagkakatiwalaan, at may kumpiyansa ang Diyos sa kanila—ang mga taong tulad nito ay nabubuhay sa liwanag. Ang mga nabubuhay ba sa liwanag ay nagagawang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos? Maikukubli pa rin ba nila ang kanilang mga puso sa Diyos? Mayroon pa ba silang mga lihim na hindi nila masabi sa Diyos? Mayroon pa ba silang anumang itinatagong kahina-hinalang mga panloloko? Wala na. Lubos na nilang binuksan ang kanilang puso sa Diyos, at wala na silang anumang inililihim o itinatago. Kaya nilang magtapat sa Diyos, makipagbahaginan sa Kanya tungkol sa anumang bagay, at ipaalam sa Kanya ang lahat ng bagay. Wala silang hindi sasabihin sa Diyos at wala silang hindi ipapakita sa Kanya. Kapag naaabot ng mga tao ang pamantayang ito, nagiging madali, malaya at maluwag ang kanilang buhay.