Mga Salita sa Pagganap ng Tungkulin (Sipi 35)
Ngayon, maaari bang makaapekto sa pagganap mo ng iyong tungkulin ang mga bagay na nangyayari sa iyo na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro? Halimbawa, nagiging abala minsan sa trabaho, at kailangan ng mga tao na magtiis ng kaunting hirap at medyo magbayad ng halaga upang magampanan nang mabuti ang kanilang mga tungkulin; pagkatapos nito ay bumubuo ang ilang tao ng mga kuru-kuro sa kanilang isipan at nagsisimula ang kanilang paglaban, at maaari silang maging negatibo at tamad sa kanilang trabaho. Minsan, hindi gaanong abala ang trabaho, at nagiging mas madaling gampanan ang mga tungkulin ng mga tao, at sumasaya ang ilan at naiisip, “Mainam sana kung laging ganito kadaling gampanan ang aking tungkulin.” Anong klaseng tao sila? Sila ay mga tamad na indibidwal na sakim sa mga kaginhawahan ng laman. Ang mga tao bang gayon ay tapat sa pagganap ng kanilang mga tungkulin? (Hindi.) Sinasabi ng gayong mga tao na nais nilang magpasakop sa Diyos, pero may mga kondisyon ang kanilang pagpapasakop—ang mga bagay ay dapat umaayon sa kanilang mga pansariling kuru-kuro at hindi magiging pahirap sa kanila upang makapagpasakop sila. Sakaling makaranas sila ng problema at kailangan nilang magtiis ng hirap, labis silang magrereklamo at magrerebelde at sasalungat pa sa Diyos. Anong klaseng mga tao sila? Sila ay mga tao na hindi umiibig sa katotohanan. Kapag umaayon ang mga kilos ng Diyos sa kanilang mga pansariling kuru-kuro at mga kagustuhan, at hindi nila kailangang magtiis ng hirap o magbayad ng halaga, nakakaya nilang magpasakop. Pero kung hindi umaayon ang mga gawain ng Diyos sa kanilang mga kuru-kuro o mga kagustuhan, at kung kailangan nilang magtiis ng hirap o magbayad ng halaga, hindi nila nakakayang magpasakop. Hindi man nila ito lantarang sinasalungat, sa kanilang puso, lumalaban at naiinis sila. Tinitingnan nila ang kanilang mga sarili na nagtitiis ng matinding hirap at nagkikimkim sila ng mga reklamo sa kanilang puso. Anong klaseng problema ito? Ipinapakita nito na hindi sila umiibig sa katotohanan. Malulutas ba ng panalangin, mga panata, o mga resolusyon ang problemang ito? (Hindi. Hindi makalulutas ang mga ito.) Paano ba dapat lutasin ang problemang ito, kung gayon? Una, dapat mong maunawaan ang mga layunin ng Diyos at ang Kanyang mga hinihingi, at maunawaan kung ano ang tunay na pagpapasakop. Dapat mong malaman kung ano ang pagrerebelde at pagsalungat, magnilay kung alin ang mga tiwaling disposisyon na humahadlang sa pagpapasakop mo sa Diyos, at maunawaan ang mga bagay na ito. Kung isa kang tao na umiibig sa katotohanan, makakaya mong maghimagsik laban sa laman, lalo na ang iyong mga pagnanasa ng laman, at magpasakop sa Diyos pagkatapos, at kumilos ayon sa Kanyang mga hinihingi. Sa paraang ito, makakaya mong malutas ang iyong katiwalian at pagrerebelde at makakapagpasakop ka sa Diyos. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo kayang maunawaan ang mga bagay na ito, hindi mo kayang makilala ang iyong mga panloob na kalagayan, at hindi mo mauunawaan kung anong mga bagay ang humahadlang sa pagpapasakop mo sa Diyos. Dahil dito, magiging imposible para sa iyo na maghimagsik laban sa laman at magpasakop sa Diyos. Kung hindi kaya ng isang tao na maghimagsik man lang laban sa kanyang mga pagnanasa ng laman, magiging napakahirap para sa kanya na maabot ang katapatan sa kanyang pagganap ng tungkulin. Maaari bang ituring na nagpapasakop sa Diyos ang gayong tao? Kung walang katapatan, kaya ba ng mga tao na gampanan nang tama ang kanilang mga tungkulin? Kaya ba nilang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos? Tiyak na hindi. Kung nais ng isang tao na gampanan nang tama ang kanyang tungkulin, dapat man lamang niyang isagawa ang katotohanan at magpasakop nang tunay sa Diyos. Kung hindi kayang maghimagsik ng isang tao laban sa kanyang mga pagnanasa ng laman, hindi niya maisasagawa ang katotohanan. Kung lagi kang kumikilos ayon sa iyong sariling kalooban, kung gayon ay isa kang tao na hindi nagpapasakop sa Diyos. Kahit pa nagpapasakop ka sa Kanya paminsan-minsan, may kondisyon ito; nakapagpapasakop ka lamang kapag umaayon ang mga bagay sa iyong mga pansariling kuru-kuro at kapag masaya ka. Kung hindi umaayon ang mga kilos ng Diyos sa iyong mga pansariling kuru-kuro, kung nagdudulot sa iyo ng matinding hirap, kahihiyan, o labis na kawalang-kasiyahan ang tungkuling isinasaayos ng Diyos at ang mga kapaligirang pinamamatnugutan Niya para sa iyo, magagawa mo pa bang magpasakop? Magiging mahirap para sa iyo ang magpasakop; hahanap ka ng maraming dahilan upang magrebelde sa Diyos at sumalungat sa Kanya. Kahit pagkatapos ng pagninilay sa sarili, hindi magiging madali para sa iyo na maghimagsik laban sa laman, dahil hindi simpleng bagay ang maghimagsik laban sa laman. Paano ba tinatalikuran ng isang tao ang kanyang laman? Natural, dapat hanapin ng tao ang katotohanan. Dapat din niyang kilalanin ang kanyang mga tiwaling diwa at ang tiwaling kapangitan ng mga ito, na aabot sa punto ng pagkapoot sa sarili, at pagkapoot sa kanyang mga pagnanasa ng laman at sa diwa ng laman. Sa gayon lamang niya nanaising maghimagsik laban sa laman. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, hindi niya makakayang masuklam sa mga bagay na makalaman, at kung walang pagkasuklam, imposible ang maghimagsik laban sa laman. Samakatuwid, kinakailangan na manalangin sa Diyos at umasa sa Kanya upang magkaroon ng landas na susundan. Kung wala ang katotohanan, walang lakas ang mga tao, at hindi nila kayang isagawa ang katotohanan, kahit pa nais nila. Tiyak na kailangan ng tao na manalangin sa Diyos at umasa sa Kanya.
May ilang tao na hindi naghahanap ng katotohanan; sakim lamang sila sa mga kaginhawahan ng laman, at ayaw nilang magtiis ng hirap alang-alang sa pagkamit ng katotohanan. Tuwing dumadanas sila ng kaunti mang hirap, nagrereklamo sila at sinisisi ang Diyos, at hindi nila hinahanap ang katotohanan upang malutas ito. Nananalangin din sila sa Diyos, sinasabing, “O Diyos, dakila Ka at ang Iyong diwa. Hindi ako karapat-dapat na magmahal sa Iyo, pero nais kong magpasakop sa Iyo. Anuman ang sitwasyon, nais kong magpasakop sa Iyo. Gabayan Mo nawa, tanglawan, at bigyang-liwanag ako. Kung hindi ko kayang mahalin Ka nang tunay at magpasakop sa Iyo, nakikiusap ako na siyasatin at parusahan Mo ako. Hayaang dumating sa akin ang Iyong paghatol.” Pagkatapos manalangin sa ganitong paraan, medyo mabuti ang pakiramdam nila tungkol dito, pero hindi ba’t ang mga ito ay mga salitang walang saysay? Makalulutas ba ng mga problema ang manalangin nang madalas gamit ang mga salitang walang saysay at ang bumigkas ng ilang salita at doktrina? (Hindi. Hindi nito kaya.) Kapag nananalangin ang isang tao nang may mga salitang walang saysay, anong klaseng problema ito? Hindi ba’t ito ay medyo may kalikasang mapanlinlang? Kapaki-pakinabang ba ang manalangin nang ganito sa Diyos? Ang pagiging tamad at kawalang-kakayahang magtiis ng hirap samantalang sakim sa mga kaginhawahan ng laman, ang pag-alam ng katotohanan pero walang kakayahang magpasakop dito, ang pag-alam ng tungkulin ng isang tao pero bigong itaguyod ito, at ang pagsasabi tungkol sa naisin ng isang tao na mahalin ang Diyos pero alam niyang hindi pa niya naibibigay ang kanyang buong puso at lakas—hindi ba’t panloloko ito sa Diyos? Wala nang higit pang kinasusuklaman ang Diyos kaysa sa mga dalangin sa seremonyang panrelihiyon. Tinatanggap lamang ng Diyos ang mga panalangin kapag taos-puso ang mga ito. Kung wala kang sasabihing taos-puso, kung gayon ay manahimik; huwag kang palaging lumapit sa Diyos na nagsasalita ng mga kasinungalingan o bulag-bulagang sumusumpa para linlangin Siya. Huwag kang magsalita kung gaano mo Siya kamahal, kung gaano ka nagnanais na maging tapat sa Kanya. Kung hindi mo kayang makamit ang iyong mga hinihiling, kung wala ka ng ganitong paninindigan at tayog, huwag na huwag kang lumapit sa Diyos at manalangin nang gayon. Iyan ay pangungutya sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pangungutya? Ang pangungutya ay paggawang katawa-tawa sa isang tao at paglalaro sa kanila. Kapag humaharap ang mga tao sa Diyos para manalangin nang may ganitong uri ng disposisyon, sa paano mang paraan, ito ay panlilinlang. Ang pinakamalala, kung madalas mo itong ginagawa, talagang masama ang karakter mo. Kung isusumpa ka ng Diyos, tatawagin Niya itong kalapastanganan! Walang may-takot-sa-Diyos na puso ang mga tao, hindi nila alam kung paano magkaroon ng takot sa Diyos, o kung paano Siya mahalin at bigyang-kasiyahan. Kung hindi malinaw sa kanila ang katotohanan, o kung mayroon silang mga tiwaling disposisyon, palalampasin ito ng Diyos. Ngunit lumalapit sila sa Diyos habang namumuhay sa gitna ng kanilang mga tiwaling disposisyon, at ginagamit ang pamamaraan ng mga walang pananampalataya para lokohin ang ibang tao sa Diyos, at “taimtim” silang lumuluhod sa Kanyang harapan sa pananalangin, gamit ang mga salitang ito upang subukang lokohin ang Diyos. Kapag tapos na silang manalangin, hindi lamang sila walang nadaramang pagsisisi, ngunit hindi rin nila nadarama ang kaseryosohan ng kanilang mga kilos. Dahil diyan, kasama ba nila ang Diyos? Hindi nila kasama ang Diyos. Ang isang tao bang lubos na walang presensya ng Diyos ay makakamit ang Kanyang kaliwanagan at pagtanglaw? Makakamit ba nila ang liwanag tungkol sa katotohanan? (Hindi, hindi maaari.) Kung gayon ay may problema sila. Maraming beses na ba kayong nanalangin sa gayong paraan? Hindi ba’t madalas ninyong ginagawa iyon? (Oo.) Kapag masyadong matagal ang panahong ginugugol ng mga tao sa sekular na mundo, naaamoy sa kanila ang baho ng lipunan, labis-labis ang kanilang likas na karumihan, at napupuno sila ng mga satanikong lason at mga pilosopiya; ang lumalabas sa kanilang bibig ay puro mga salita ng kasinungalingan at panlilinlang, at puno ang kanilang mga panalangin ng mga salitang walang saysay at mga salita ng doktrina, pananalitang hindi nagmumula sa puso o anumang pananalitang hindi tungkol sa kanilang mga tunay na paghihirap. Palagi silang humihiling sa Diyos para sa kanilang mga pansariling kagustuhan at hinahanap ang Kanyang mga pagpapala, madalang silang magkaroon ng pusong naghahanap ng katotohanan, at hindi sila nananalangin batay sa pusong nagpapasakop sa Diyos. Inilalantad lamang ng gayong mga panalangin ang panlilinlang at kasinungalingan. Matitindi ang mga tiwaling disposisyon ng mga taong ito, naging buhay na demonyo lamang sila. Kapag lumalapit sa Diyos sa panalangin, hindi sila bumibigkas ng mga salita ng tao o bumibigkas nang mula sa puso. Sa halip, dinadala nila ang panlilinlang at kasinungalingan ni Satanas sa harap ng Diyos. Hindi ba’t lumalabag ito sa disposisyon ng Diyos? Kaya bang pakinggan ng Diyos ang gayong mga panalangin? Nakakaramdam ng pagtutol ang Diyos sa gayong mga indibidwal at tiyak na ayaw Niya sa kanila. Maaaring sabihin na ang gayong mga panalangin ay pagtatangkang linlangin at lokohin ang Diyos. Hindi talaga naghahanap ng katotohanan ang mga taong ito, ni hindi nagsasalita mula sa puso at hindi nagtitiwala sa Diyos. Ang mga panalangin nila ay di-katugma ng mga layunin ng Diyos at ng Kanyang mga hinihingi. Sa ugat, dulot ito ng kalikasan ng tao kaysa ng panandaliang paglalantad ng katiwalian. Iniisip ng mga taong ito, “E, hindi ko nakikita o nararamdaman ang Diyos, at hindi ko alam kung nasaan ang Diyos. Bibigkas na lamang ako ng kung ano-anong salita sa Diyos, sino ba ang may alam kung nakikinig man lamang Siya.” Nananalangin sila sa Diyos nang may isipang nag-aalinlangan at sumusubok sa Kanya—anong klase ang magiging damdamin nila matapos manalangin nang gayon? Hindi ba’t kahungkagan pa rin iyon? Hindi ba nakababahala ang mawalan ng anumang damdamin? Itinatayo ang panalangin sa isang pundasyon ng pananampalataya. Pagdalangin ito ng isang tao sa Diyos sa kalooban ng kanyang puso, na nakikipag-usap sa Diyos mula sa puso, nagbubukas ng puso sa Kanya, at naghahanap ng katotohanan mula sa Kanya. Kapag nananalangin ang isang tao sa ganitong paraan, magkakaroon siya ng panloob na kapayapaan at pagdama ng presensya ng Diyos. Ito ay ang Diyos na nakikinig sa kanya, hindi nakikita. Tuwing nananalangin ang isang tao sa Diyos mula sa puso na gaya nito, mararamdaman niya na parang may personal siyang karanasan sa Kanya. Titibay ang kanyang pananampalataya, mas lalalim ang kanyang relasyon sa Diyos, at mas lalapit siya sa Kanya. Mararamdaman niya ang pagiging ganap at magiging partikular na matatag sa kanyang puso. Ito ang mga tunay na damdamin na nagsisimula pagkatapos ng panalangin. Sa pagsambit ng mga relihiyosong panalangin, nagpapabasta-basta lamang ang mga tao, inuulit ang iilang parehong parirala araw-araw, hanggang sa puntong ayaw na nilang bigkasin ang mga ito. Pagkatapos ng gayong mga panalangin, wala silang nararamdaman, at walang anumang resulta na nakakamit. May tunay bang pananampalataya ang mga tao na gaya nito? Imposible ito.
May ilang tao na hindi tapat sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Palagi silang pabasta-basta, o nararamdaman nila na masyadong mahirap at nakakapagod ang kanilang mga tungkulin. Ayaw nilang magpasakop, palagi nilang gustong makatakas at tanggihan ang mga tungkulin, at palagi nilang nais gawin ang mas madadaling tungkulin, na hindi nagdudulot ng mga hamon sa kanila, na walang dalang anumang panganib, at nagpapahintulot sa kanilang mga kaginhawahan ng laman. Sa kanilang puso, alam nilang tamad sila, sakim sa mga kaginhawahan ng laman, at hindi kayang magtiis ng hirap. Gayunpaman, hindi sila nagpapahayag kaninuman ng kanilang tunay na mga iniisip, natatakot na sila ay pagtawanan. Sa pasalita, sinasabi nilang, “Dapat kong gampanan nang mabuti ang aking tungkulin at maging tapat sa Diyos,” at kapag nabibigo silang gawin ang anuman nang mabuti, sinasabi nila sa lahat, “Wala akong pagkatao at walang katapatan sa pagganap ng aking tungkulin.” Gayunman, ang realidad, hindi talaga nila iyan iniisip. Kapag nasa gayong kalagayan ang isang tao, paano siya mananalangin nang may kabuluhan? Sinabi ng Panginoong Jesus na sambahin ang Diyos nang buong puso at katapatan. Kapag lumapit ka sa Diyos, ang puso mo ay kailangang tapat at walang kasinungalingan. Huwag mong sabihin ang isang bagay sa harap ng ibang tao habang iba naman ang nasa puso mo. Kung lalapit ka sa Diyos na may pagkukunwari, nang may mabulaklak na pananalita na parang sinusubukan mong sumulat ng isang sanaysay, hindi ba’t panlilinlang sa Diyos ang gayon? Bunga nito, makikita ng Diyos na hindi ka isang tao na sumasamba sa Kanya nang buong puso at katapatan. Makikita Niya na hindi tapat ang iyong puso, na labis itong masama, at nagkikimkim ka ng masasamang layunin, at pababayaan ka Niya. Samakatuwid, paano dapat manalangin ang mga tao tungkol sa mga bagay na madalas mangyari sa kanila at sa mga problemang madalas nilang maranasan sa kanilang buhay araw-araw? Dapat nilang matutunan na makipag-usap sa Diyos nang mula sa puso. Sabihin mo, “O Diyos, lubhang nakapapagod para sa akin ang tungkuling ito. Isa akong tao na sakim sa mga kaginhawahan ng laman, tamad, at ayaw sa mahirap na gawain. Hindi ko kayang maging tapat sa tungkuling ipinagkatiwala Mo sa akin, at hindi ko man lamang ito kayang gampanan nang aking buong lakas. Palagi ko na lamang gustong takasan at tanggihan ito, at palagi akong pabasta-basta. Pakisuyong disiplinahin Mo ako.” Hindi ba mga totoong salita ito? (Oo, mga totoong salita ito.) Nangangahas ka ba na magsalita nang gaya nito? Natatakot ka sa maaaring mangyari sakaling tunay kang disiplinahin ng Diyos isang araw matapos mo itong sabihin, at nagiging matatakutin ka, laging balisa, at may nerbiyos. Kapag ginagampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin, lagi nilang nais iwasan ang hirap. Sakim sila sa mga kaginhawahan ng laman at nais nilang umatras kapag nahaharap sila sa kaunting hirap, kapag kailangan ng kaunting pagsisikap, o kapag medyo pagod sila. Palagi silang pumipili nang pumipili, at kapag nakakaranas sila ng kaunting paghihirap, nag-iisip sila, “Alam ba ng Diyos? Maaalala ba Niya? Matapos matiis ang gayong matitinding hirap, tatanggap ba ako ng anumang gantimpala sa hinaharap?” Palagi silang naghahanap ng resulta. Kailangang malutas ang lahat ng problemang ito. Noon, inatasan Ko ang isang tao na ipasa ang isang mensahe at nang bumalik siya para mag-ulat sa Akin, sinabi muna niya ang kanyang malalaking nagawa. Ipinaliwanag niya kung paano niya nilutas ang problema, sinasabi kung gaano siya nabalisa tungkol dito at kung gaano niya kinailangang magsalita, kung gaano kahirap pakisamahan ang taong iyon, at kung gaano karaming magandang salita ang nagamit niya sa kanila, hanggang nakumpleto ang gawain sa wakas. Palagi niyang inaangkin ang papuri para dito at patuloy na sinasabi ito. Ano ang malalim na implikasyon nito? “Kailangan Mo akong purihin, pangakuan, at sabihan ng mga gantimpalang tatanggapin ko sa hinaharap.” Lantaran siyang naghahanap ng gantimpala. Sabihin mo sa Akin, karapat-dapat bang purihin ang pagganap sa munting gawaing ito? Kung palaging naghahangad ng papuri ang isang tao sa katiting na pagganap ng kanyang tungkulin, anong disposisyon ang ganyan? Hindi ba ito satanikong kalikasan? Umaasa siya ng papuri at mga gantimpala para sa munting gawaing ito—hindi ba’t ibig sabihin nito na kung gaganap siya ng mahahalagang gawain o tutupad ng malalaking trabaho, lalala pang lalo ang kanyang pag-uugali? Kung hindi niya makamit ang pagsang-ayon at pagpapala ng Diyos, magrerebelde kaya siya? Aakyat ba siya sa ikatlong langit at makikipagtalo sa Diyos? Ano ba, kung gayon, ang landas niyang tinatahak sa kanyang paniniwala sa Diyos? (Ang landas ng mga anticristo.) Ang landas ng mga anticristo, gaya na lamang ni Pablo. Palaging naghahanap ng gantimpala at katayuan si Pablo mula sa Diyos. Kapag hindi ito ibinigay ng Diyos, nagiging negatibo siya at tamad sa kanyang trabaho, sumasalungat sa Panginoon, at ipinagkakanulo Siya. Sabihin mo sa Akin, anong klaseng tao ang nais ng gantimpala matapos malampasan ang kaunting hirap sa kanyang tungkulin? (Isang masamang tao.) Labis na masama ang kanyang pagkatao. May ganitong mga kalagayan ba sa kanilang sarili ang mga karaniwang tao? Ang bawat tao ay may ganitong mga kalagayan. Ang kalikasang diwa ay pare-pareho sa lahat, hindi nga lamang ito ipinapakita nang husto ng ilang tao. Taglay nila ang pagkamakatwiran at alam nilang mali ang gayong mga kilos at kaisipan, at na hindi sila maaaring humingi ng gantimpala sa Diyos. Pero ano ang dapat gawin ng isang tao sa gayong kalagayan? Dapat niyang hanapin ang katotohanan upang malutas ito. Anong aspeto ng katotohanan ang maaaring makalutas ng kalagayang ito? Mahalaga para sa isang tao na malaman kung sino siya, sa anong posisyon siya dapat lumagay, anong landas ang dapat niyang sundan, at anong klase ng tao dapat siyang maging. Maliliit na bagay ito na dapat malaman ng tao. Kung ang mga bagay na ito ay hindi man lamang alam ng isang tao, malayo niyang maunawaan ang katotohanan, maisagawa ang katotohanan, o mahangad ang kaligtasan.
Pagdating sa pagganap sa ilang espesyal na tungkulin o mas mabibigat at nakapapagod na tungkulin, sa isang banda, dapat magnilay palagi ang mga tao kung paano gagampanan ang mga tungkuling iyon, kung anong mga paghihirap ang dapat nilang tiisin, at kung paano nila dapat itaguyod ang kanilang mga tungkulin at kung paano magpasakop. Sa kabilang banda, dapat ding siyasatin ng mga tao kung anong mga karumihan ang nasa kanilang mga layunin at kung paano nakahahadlang ang mga ito sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Ipinanganak ang mga tao na ayaw dumanas ng paghihirap—wala ni isang indibidwal ang nagkakaroon ng higit na sigla o higit na galak mula sa pagtitiis ng higit na paghihirap. Walang ganoong tao. Kalikasan ng laman ng tao ang mag-alala at mabalisa sa sandaling magtiis ng paghihirap ang kanyang laman. Pero gaano karaming paghihirap ang kailangan ninyong tiisin ngayon sa tungkuling ginagampanan ninyo? Kailangan lamang tiisin ng inyong laman ang kaunting pagkapagod at kaunting pagpapagal. Kung hindi mo kayang tiisin kahit ang kakaunting paghihirap na ito, maituturing ka bang may determinasyon? Maituturing ka ba na taos-pusong nananalig sa Diyos? (Hindi.) Hindi ito maaari. Kapag ginagampanan mo ang tungkulin mo sa sambahayan ng Diyos, walang taong nangangasiwa sa iyo. Lubos itong nakadepende sa iyong pagkukusa. Sa sambahayan ng Diyos, may mga pagsasaayos at sistema ng gawain, at bahala ang mga indibidwal kung aasa sila sa kanilang pananampalataya, at sa kanilang konsiyensiya at katwiran. Tanging ang Diyos ang nagsisiyasat kung mahusay o hindi ang ginagawa mo sa iyong tungkulin. Kung, ang mga tao ay palaging walang kamalay-malay at walang nadaramang pagkapahiya anumang tiwaling disposisyon ang ipinapakita nila habang ginagampanan ang mga tungkulin nila o kapag nakikisangkot sila sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid nila, ito ba ay mabuti o masamang bagay? (Masamang bagay ito.) Bakit ito itinuturing na masamang bagay? May pinakamababang pamantayan ang konsiyensiya at katwiran ng tao. Kung ang konsiyensiya mo ay walang anumang kamalayan at hindi ka kayang pigilin sa paggawa ng masasamang bagay, o paghigpitan ang iyong gawi, kung kumikilos ka sa paraang lumalabag sa mga atas administratibo at prinsipyo, at kumikilos nang walang pagkatao, pero sa puso mo ay hindi ka nahihiya, hindi ba’t ito ay kawalan ng moral na batayan? Hindi ba’t ito ay kawalan ng kamalayan sa iyong konsiyensiya? (Oo.) Karaniwan bang alam ninyo kapag gumagawa kayo ng mali, o lumalabag sa mga prinsipyo, o kapag hindi kayo tapat sa pagganap sa inyong tungkulin sa loob ng mahabang panahon? (Oo.) Kung gayon, kaya ka bang pigilin ng iyong konsiyensiya at ipagawa sa iyo ang bagay-bagay ayon sa iyong konsiyensiya at katwiran, at ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Kung isa kang tao na nakauunawa sa katotohanan, kaya mo bang umangat mula sa pagkilos nang batay sa iyong konsiyensiya patungo sa pagkilos nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo? Kung kaya mong gawin iyan, maaari kang maligtas. Hindi madali ang magawang magtiis ng paghihirap sa pagganap sa tungkulin. Hindi rin madaling gampanan nang mahusay ang isang partikular na uri ng gawain. Tiyak na gumagawa ang katotohanan sa mga salita ng Diyos sa kalooban ng mga tao na kayang gawin ang mga bagay na ito. Hindi nito ibig sabihin na ipinanganak silang walang takot sa paghihirap at pagod. Saan ba makakakita ng ganoong tao? May ilang motibasyon ang lahat ng taong ito, at mayroon silang ilang katotohanan sa mga salita ng Diyos bilang kanilang pundasyon. Kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, nagbabago ang kanilang mga pananaw at paninindigan—mas nagiging madali ang pagganap nila sa kanilang mga tungkulin at nagsisimula nang mawalan ng kabuluhan para sa kanila ang pagtitiis ng ilang paghihirap at pagod ng katawan. Ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan at hindi pa nagbabago ang mga pananaw sa mga bagay-bagay ay nabubuhay ayon sa mga ideya, kuru-kuro, makasariling naisin, at personal na kagustuhan ng tao, kaya nag-aalangan sila at ayaw gampanan ang kanilang mga tungkulin. Halimbawa, pagdating sa paggawa ng marumi at nakapapagod na gawain, sinasabi ng ilang tao, “Susunod ako sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Anumang tungkulin ang isaayos ng iglesia para sa akin, gagampanan ko ito, marumi man o nakapapagod ito, kahanga-hanga man o karaniwan. Wala akong hinihingi, at tatanggapin ko ito bilang aking tungkulin. Ito ang atas na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos, at ang kaunting dumi at pagod ay mga paghihirap na dapat kong tiisin.” Bunga nito, kapag gumagawa sila, hindi man lamang nila nararamdaman na nagtitiis sila ng anumang paghihirap. Habang marumi at nakapapagod ito para sa iba, madali ito para sa kanila, dahil panatag at hindi nagagambala ang kanilang puso. Ginagawa nila ito para sa Diyos, kaya hindi nila nararamdaman na mahirap ito. Itinuturing ng ilang tao na insulto sa kanilang katayuan at karakter ang gawaing marumi, nakapapagod, o karaniwan. Tinitingnan nila ito bilang kawalang-respeto sa kanila, pang-aapi sa kanila, o panlilibak sa kanila ng ibang tao. Bunga nito, kahit pa maharap sa parehong mga gawain at dami ng trabaho, mabigat ito para sa kanila. Anuman ang gawin nila, may dala silang sama ng loob sa kanilang puso, at pakiramdam nila ay hindi nangyayari ang mga bagay sa paraang gusto nila o na hindi kasiya-siya ang mga ito. Sa kalooban nila, puno sila ng pagkanegatibo at paglaban. Bakit sila negatibo at lumalaban? Ano ang ugat nito? Kadalasan, ito ay dahil hindi sila nagkakasuweldo sa pagganap sa kanilang mga tungkulin; para itong pagtatrabaho nang walang bayad. Kung may mga gantimpala sana, maaaring maging katanggap-tanggap ito sa kanila, pero hindi nila alam kung makakakuha sila ng mga ito o hindi. Samakatuwid, pakiramdam ng mga tao ay hindi sulit ang pagganap sa mga tungkulin, na itinutumbas nila ito sa pagtatrabaho para sa wala, kaya madalas silang nagiging negatibo at lumalaban pagdating sa pagganap sa mga tungkulin. Hindi ba’t ito ang sitwasyon? Sa totoo lang, ayaw ng mga taong ito na gumanap ng mga tungkulin. Dahil walang pumipilit sa kanila, bakit pumupunta pa rin sila para gampanan ang kanilang mga tungkulin? Ito ay dahil pinipilit nila ang kanilang sarili—dahil sa kanilang kagustuhang magkamit ng mga pagpapala at makapasok sa kaharian ng langit, wala silang magagawa kundi gampanan ang kanilang mga tungkulin. Pagpapamalas ito ng kawalan nila ng mapagpipilian. Ito ang kaisipan sa likod ng pagtatangka nilang makipagtawaran sa Diyos. May ilang nagtatanong kung paano malulutas ng mga gayong tao ang problema ng pagkanegatibo at paglaban na nasa kanilang puso. Ang pagbabahaginan sa katotohanan ang tanging makalulutas sa problemang ito. Kung hindi nila mahal ang katotohanan, gaano man ibahagi sa kanila ang katotohanan, hindi nila ito magagawang tanggapin. Kung magkagayon, sila ay mga hindi mananampalataya, at nabunyag na sila. Dahil nais nilang makipagtawaran at wala silang gagawing anuman maliban kung makikinabang sila rito, kung papangakuan sila ng Diyos ng mga gantimpala at ng pagpasok sa kaharian ng langit, at bibigyan sila ng garantiya, tiyak na gagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang masigasig. Ang totoo, nakabukas ang pangako ng Diyos, at kaya itong makamit ng mga naghahangad sa katotohanan. Pero hindi ito kayang makamit ng mga hindi naghahangad sa katotohanan. Hindi ito dahil wala silang kamalayan sa pangako ng Diyos; sadya lamang na sa kanilang puso, pakiramdam nila ay hindi ito nahahawakan at hindi tiyak. Para sa kanila, parang isang tumatalbog na tseke ang pangako ng Diyos—hindi nila ito mapaniwalaan, at wala silang tunay na pananampalataya rito, at wala silang magagawa tungkol dito. Ninanais nila ang mga bagay na nakikita, at kung bibigyan mo sila ng suweldo, tiyak na sisigla sila. Gayunpaman, hindi ibig sabihin ay sisigla ang mga walang konsiyensiya at katwiran; lubha silang kasuklam-suklam. Kung magiging empleyado sila sa sekular na mundo, hindi sila magtratrabaho nang masipag, magiging madaya at tamad sila, at tiyak na sisibakin sila. Ito ay isang problema lamang sa kanilang kalikasan. Sa mga palaging pabasta-basta sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, ang tanging solusyon ay paalisin at itiwalag sila. Wala nang ibang paraan para sa mga hindi tinatanggap ang katotohanan. Pawang wala sa katwiran ang kanilang mga pagdadahilan at pangangatwiran, at hindi kailangang talakayin ang katangian ng kanilang pagkatao.
Sa panahong ito, nagsimula nang gumanap ng mga tungkulin ang karamihan sa mga tao. Nauunawaan ba ninyo kung ano ang mga tungkulin, paano nagkakaroon ng mga ito, at sino ang nagbibigay ng mga ito? (Ang mga tungkulin ay mga atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa mga tao.) Tama iyon. Kung nananalig ka sa Diyos at pumupunta sa Kanyang sambahayan, kung natatanggap mo ang atas ng Diyos, isa kang miyembro ng Kanyang sambahayan. Ang mga gampanin na isinasaayos ng sambahayan ng Diyos para sa iyo, ang landas na sinasabi ng Diyos na sundin mo, at ang mga atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, ay ang mga tungkulin mo, at ang mga ito ang ibinigay sa iyo ng Diyos. Kapag kinakain at iniinom mo ang mga salita ng Diyos, maaarok mo ang Kanyang mga layunin, at nakikinig ka at nauunawaan mo ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, kapag alam mo sa puso mo kung anong tungkulin ang dapat mong gampanan at ang mga responsabilidad na kaya mong tuparin, at kapag tinatanggap mo ang atas ng Diyos at nagsisimula kang gampanan ang iyong tungkulin, nagiging miyembro ka ng sambahayan ng Diyos at bahagi ng pagpapalawig ng ebanghelyo. Itinuturing ka ng Diyos bilang miyembro ng Kanyang sambahayan at bahagi ng pagpapalawig ng Kanyang gawain. Sa puntong ito, may tungkulin ka nang dapat mong gampanan. Anuman ang kaya mong gawin, anuman ang kaya mong makamit, mga responsabilidad at tungkulin mo ang mga ito. Maaaring sabihin na atas ng Diyos ang mga ito, misyon mo, at obligadong tungkulin mo. Ang mga tungkulin ay mula sa Diyos; mga responsabilidad at atas ang mga ito na ipinagkakatiwala ng Diyos sa tao. Kung gayon, paano dapat unawain ng tao ang mga iyon? “Dahil ito ay aking tungkulin at ang atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa akin, ito ay aking obligasyon at responsabilidad. Tama lamang na tanggapin ko ito bilang aking obligadong tungkulin. Hindi ko maaaring tanggihan o ayawan ito; hindi ko mapipili ang gusto ko. Kung ano ang dumating sa akin ay iyon talaga ang dapat kong gawin. Hindi naman sa wala akong karapatang mamili—hindi lang talaga ako dapat mamili. Ito ang katwirang dapat mayroon ang isang nilikha.” Ito ay isang saloobin ng pagpapasakop. May ilang tao na palaging namimili kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, palaging gustong gawin ang gawaing madali at ikinasasaya nila, hindi sila makapagpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Ipinapakita nito na napakaliit ng kanilang tayog at wala silang taglay na normal na katwiran ng tao. Kung ito ay isang tao na bata pa at nabigyang-layaw sa bahay nang walang naranasan na anumang paghihirap, mauunawaan na medyo matigas ang ulo niya. Basta’t kaya niyang tanggapin ang katotohanan, unti-unti itong magbabago. Gayunpaman, kung ang isang taong nasa hustong gulang na nasa mga edad tatlumpu o apatnapu ay kumikilos sa nakasusuklam na paraang ito, isa itong problema ng katamaran. Sapul sa pagkabata ang sakit na katamaran at pinakamahirap gamutin. Problema ito sa kalikasan ng tao, at sa pamamagitan ng pagkakait sa kanya ng iba pang mapagpipilian sa mga partikular na kapaligiran o sitwasyon, saka lamang nagagawa ng ganitong tao ang magtiis ng kaunting paghihirap at pagod. Katulad lamang ito ng kung paanong ang ilang pulubi ay batid na ang kanilang pagiging pulubi ang pinagmumulan ng paghamak at diskriminasyon sa kanila ng ibang tao, pero dahil sila ay tamad at ayaw magtrabaho, wala silang ibang pagpipilian kundi ang mamalimos. Kung hindi, magugutom sila. Sa kabuuan, kung hindi magagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin nang tapat at responsable, hindi magtatagal ay ititiwalag siya. Ang pinakamabigat na kasalanan ay ang manalig sa Diyos pero hindi magpasakop sa Kanya. Kung tatanggi kang gampanan ang iyong tungkulin o palagi kang umaayaw sa mga hirap at natatakot kang mapagod, isa kang taong walang konsiyensiya at katwiran. Hindi ka angkop na gumanap ng mga tungkulin, at maaari kang umalis. Isang araw, kapag napagtanto mo na ang hindi pagganap sa iyong tungkulin ay katumbas ng pagtanggi sa atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha, at ikaw ay isang tao na nagrerebelde sa Diyos, na walang konsiyensiya at katwiran, kapag napagtanto mo na ang mga nananalig sa Diyos ay dapat na gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin at ito ay kinakailangan, dapat mong ayusin ang asal mo at gampanan nang mahusay ang iyong tungkulin. Ito ang pagpapasakop. Kung rebelde o negatibo ang isang tao sa kanyang tungkulin, ibig sabihin, kung nagpapakita siya ng ganap na kawalan ng pagpapasakop sa Diyos, hindi tapat na gumugugol ang gayong tao para sa Kanya. Ang kusang-loob na pagganap sa tungkulin nang mahusay ay ang pinakamababang pagpapahayag ng pagpapasakop sa Diyos. Kung gayon, paano nagkakaroon ng mga tungkulin? (Nagmumula sa Diyos ang mga tungkulin; mga responsabilidad itong ibinibigay ng Diyos sa mga tao.) Mga responsabilidad ang mga tungkulin na ibinibigay ng Diyos sa mga tao, kung gayon, may mga tungkulin ba ang mga walang pananampalataya? (Wala. Wala sila ng mga ito.) Bakit mo sinasabing wala sila ng mga ito? (Hindi sila mga tao sa sambahayan ng Diyos.) Tama iyan, abala lamang ang mga walang pananampalataya para sa kanilang buhay na makalaman, at hindi karapat-dapat tawaging mga tungkulin ang mga ikinikilos nila. Nabibilang sa mundo at kay Satanas ang mga walang pananampalataya. Isinasaayos lamang ng Diyos ang kanilang tadhana sa buhay—ang oras ng kanilang kapanganakan, ang pamilya kung saan sila isisilang, ang kanilang trabaho sa kanilang paglaki, at ang oras ng kanilang kamatayan—hindi Niya sila pinipili, ni hindi Niya sila inililigtas. Naiiba ang mga nananalig sa Diyos. Sa mas maliit na antas, lahat ng gawaing kanilang ginagawa sa sambahayan ng Diyos ay mga tungkulin na dapat nilang gampanan. Sa mas malawak na antas, sa loob ng buong plano ng pamamahala ng Diyos, ang tungkuling ginagampanan ng bawat nilalang ay pakikipagtulungan sa gawain ng Diyos. Sa madaling salita, nagseserbisyo sila para sa plano ng pamamahala ng Diyos. Kung nagseserbisyo ka man nang tapat o hindi, malayo ka sa pagiging isang taong sumusunod sa kalooban ng Diyos. Sa katunayan, maituturing lamang ang isang tao na kabilang sa mga tao ng Diyos at mga kwalipikadong nilalang kapag kaya niyang tunay na magampanan ang kanyang tungkulin, matamo ang resulta ng pagpapatotoo para sa Diyos, at makamit ang Kanyang pagsang-ayon. Kung nagagampanan mo nang mahusay ang bawat tungkulin na ipinagkakatiwala sa iyo ng Diyos at natutugunan ang mga hinihinging pamantayan, kung gayon, miyembro ka ng sambahayan ng Diyos, at isa kang tao na kinikilala ng Diyos na kabilang sa Kanyang sambahayan.