Mga Salita sa Pagganap ng Tungkulin (Sipi 34)

May ilang taong ayaw talagang magdusa sa kanilang mga tungkulin, na laging nagrereklamo sa tuwing may nakakaharap silang problema at ayaw nilang magbayad ng halaga. Anong klaseng saloobin iyan? Iyan ay saloobing pabasta-basta. Kung gagampanan mo ang iyong tungkulin nang pabasta-basta, at haharapin ito nang may saloobing walang galang, ano ang magiging resulta? Hindi mo magagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, bagama’t may kakayahan kang gampanan ito nang maayos—ang iyong pagganap ay hindi aabot sa pamantayan, at ang Diyos ay lubos na hindi masisiyahan sa saloobin mo sa iyong tungkulin. Kung nanalangin ka sa Diyos, hinanap ang katotohanan, at isinapuso at isinaisip mo iyon, kung nakipagtulungan ka sa ganitong paraan, naihanda sana nang maaga ng Diyos ang lahat ng bagay para sa iyo, nang sa gayon ay kapag nag-aasikaso ka ng mga bagay-bagay, ang lahat ay magiging nasa ayos, at makakukuha ng magagandang resulta. Hindi mo kakailanganing gumugol ng napakaraming lakas; kapag ginagawa mo ang lahat ng makakaya mo upang makipagtulungan, inaayos na ng Diyos ang lahat para sa iyo. Kung ikaw ay madaya at tamad, kung hindi mo inaasikaso nang wasto ang iyong tungkulin, at palagi kang napupunta sa maling landas, hindi kikilos ang Diyos sa iyo; mawawala sa iyo ang pagkakataong ito, at sasabihin ng Diyos, “Wala kang silbi; hindi kita magagamit. Tumayo ka sa tabi. Gusto mo ang pagiging tuso at tamad, ano? Gusto mo ang pagiging tamad, at hindi nagpapakahirap, hindi ba? Kung gayon, huwag kang magpakahirap magpakailanman!” Ibibigay ng Diyos ang biyaya at pagkakataon na ito sa ibang tao. Ano ang sasabihin ninyo: Ito ba ay kawalan o natamo? (Isang pagkatalo.) Ito ay isang napakalaking pagkatalo!

Ginagawang perpekto ng Diyos yaong mga tunay na nagmamahal sa Kanya, at lahat ng naghahangad sa katotohanan, sa maraming iba’t ibang kapaligiran. Binibigyan Niya ng kakayahan ang mga tao na maranasan ang Kanyang mga salita sa pamamagitan ng iba’t ibang kapaligiran o pagsubok, at upang sa gayon ay magtamo ng pagkaunawa sa katotohanan, tunay na kaalaman tungkol sa Kanya, at upang sa huli ay matamo ang katotohanan. Kung mararanasan mo ang gawain ng Diyos sa ganitong paraan, ang iyong buhay disposisyon ay magbabago, at magagawa mong matamo ang katotohanan at ang buhay. Gaano na karami ang nakamit ninyo sa mga taong ito ng karanasan? (Marami.) Kaya, hindi ba’t sulit ang pagtitiis ng kaunting pagdurusa at pagbabayad ng kaunting halaga kapag ginagampanan ang iyong tungkulin? Ano ang nakamit mo bilang kapalit? Napakarami mo nang naunawaan sa katotohanan! Ito ay isang walang katumbas na kayamanan! Ano ang nais ng mga tao na makamit sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t ito ay ang makamit ang katotohanan at ang buhay? Sa tingin mo ba ay makakamit mo ang katotohanan nang hindi nararanasan ang mga kapaligirang ito? Tiyak na hindi mo ito makakamit. Kung, kapag mangyari sa iyo ang ilang natatanging paghihirap o maharap ka sa ilang partikular na kapaligiran, ang iyong saloobin ay palaging iwasan ang mga iyon o takasan ang mga iyon, at desperadong subukan na tanggihan ang mga iyon at tanggalin ang mga iyon—kung ayaw mong ilagay ang iyong sarili sa kontrol ng mga pangangasiwa ng Diyos, kung ayaw mong magpasakop sa Kanyang mga pangangasiwa at pagsasaayos, at kung ayaw mong hayaan ang katotohanan na pangunahan ka—kung palagi mong nais na ikaw ang masunod at kontrolin ang lahat ng bagay tungkol sa iyong sarili alinsunod sa iyong satanikong disposisyon, kung magkagayon, ang mga kahihinatnan ay, hindi magtatagal, tiyak na isasantabi ka ng Diyos o ihahatid ka kay Satanas. Kung nauunawaan ng mga tao ang bagay na ito, dapat silang bumalik agad at sundan ang kanilang daan sa buhay alinsunod sa tamang landas na hinihingi ng Diyos. Ang landas na ito ang tama, at kapag ang landas ay tama, nangangahulugan iyon na ang direksyon ay tama. Maaaring may mga balakid at paghihirap sa panahong ito, maaaring sila ay matumba o minsan ay medyo magmaktol at maging negatibo sa loob ng ilang araw. Basta’t kaya nilang magpatuloy sa pagganap sa kanilang mga tungkulin at hindi ipinagpapaliban ang mga bagay, ang mga problemang ito ay pawang magiging walang kabuluhan, ngunit dapat ay agad silang magnilay sa kanilang sarili, hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga isyung ito, at hinding-hindi sila dapat magpabukas-bukas, magpahayag ng pagkabigo, o sumuko sa kanilang mga tungkulin. Mahalaga ito. Kung iniisip mo sa sarili mo, “Ang pagiging negatibo at mahina ay hindi isang malaking bagay; ito ay isang panloob na bagay. Hindi alam ng Diyos ang tungkol dito. At kung iisipin kung paano ako nagdusa dati at ang mga halagang ibinayad ko, Siya ay tiyak na magiging maluwag sa akin,” at kung magpapatuloy ang kahinaan at pagiging negatibong ito, at hindi mo hahanapin ang katotohanan o hindi ka matututo ng mga aral sa mga kapaligiran na pinangasiwaan ng Diyos para sa iyo, mawawala ang iyong mga pagkakataon nang paulit-ulit, at bilang resulta, mapalalampas mo, maipapahamak, at masisira ang lahat ng pagkakataong nilalayon ng Diyos na gawin kang perpekto. Ano ang kahihinatnan nito? Ang iyong puso ay didilim nang didilim, hindi mo na mararamdaman ang Diyos sa iyong mga panalangin, at ikaw ay magiging negatibo hanggang sa puntong ang iyong mga kaisipan ay mapupuno ng kasamaan at pagtataksil. Pagkatapos ay makukulong ka sa matinding kalungkutan, mararamdaman mong ganap kang walang magawa at lubhang masama ang iyong loob. Mararamdaman mo na wala kang landas o direksyon, at wala kang nakikitang anumang liwanag o nasusumpungang anumang pag-asa. Nakapapagod bang mamuhay nang ganito? (Oo, nakapapagod.) Yaong mga hindi lumalakad sa maliwanag na landas ng paghahangad sa katotohanan ay mamumuhay magpakailanman sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, sa walang hanggang kasalanan at kadiliman, at nang walang pag-asa. Kaya ba ninyong unawain ang kahulugan ng mga salitang ito? (Dapat kong hangarin ang katotohanan at gampanan ang aking tungkulin nang buong puso at pag-iisip ko.) Kapag nahaharap ka sa isang tungkulin, at ipinagkakatiwala ito sa iyo, huwag mong isipin kung paano iiwasan ang pagharap sa mga paghihirap; kung mahirap harapin ang isang bagay, huwag mo itong isaisantabi at balewalain. Dapat mo itong harapin. Dapat mong tandaan sa lahat ng oras na kasama ng mga tao ang Diyos, at kailangan lang nilang manalangin at maghanap sa Kanya kung mayroon silang anumang paghihirap, at na sa piling ng Diyos, walang bagay na mahirap. Dapat kang magkaroon ng ganitong pananampalataya. Yamang nananampalataya ka na ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, bakit nakararamdam ka pa rin ng takot kapag may nangyayari sa iyo, at na wala kang anumang maaasahan? Nagpapatunay ito na hindi ka umaasa sa Diyos. Kung hindi mo Siya ituturing bilang suporta mo at Diyos mo, hindi Siya ang Diyos mo. Sa tunay na buhay, anumang sitwasyon ang iyong hinaharap, dapat kang madalas na lumapit sa harap ng Diyos upang manalangin at hanapin ang katotohanan. Kahit na nauunawaan mo ang katotohanan at mayroon kang nakakamit na anuman tungkol sa kahit isang bagay lang bawat araw, hindi ito magiging oras na nasayang! Gaano karaming oras sa isang araw ninyo nagagawang lumapit sa harap ng Diyos sa ngayon? Ilang beses kayo lumalapit sa harap ng Diyos sa isang araw? May natamo na ba kayong anumang resulta? Kung ang isang tao ay bihirang lumapit sa harap ng Diyos, ang kanyang espiritu ay matutuyo at magiging napakadilim. Kapag ang lahat ay maayos, ang mga tao ay lumalayo sa Diyos at binabalewala Siya, na hinahanap lang Siya kapag nagkakaroon ng mga paghihirap. Ito ba ay pananampalataya sa Diyos? Ito ba ay pagdanas ng gawain ng Diyos? Ang mga ito ay ang mga pagpapamalas ng mga hindi mananampalataya. Sa ganitong uri ng pananampalataya sa Diyos, imposibleng makamit ang katotohanan at buhay.

Kapag hindi nauunawaan o isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, kadalasan ay nabubuhay sila sa gitna ng mga tiwaling disposisyon ni Satanas. Nabubuhay sila sa loob ng iba’t ibang satanikong patibong, na iniisip ang tungkol sa sarili nilang kinabukasan, karangalan, katayuan, at iba pang interes, at pinag-iisipan nang husto ang mga bagay na ito. Ngunit kung gagamitin mo ang pananaw na ito sa iyong tungkulin, sa paghahanap at paghahangad sa katotohanan, makakamit mo ang katotohanan. Halimbawa, ginagamit mo nang husto ang iyong utak alang-alang sa katiting na personal na pakinabang, pinag-iisipan mo ito nang mabuti at buong ingat, pinaplano ang lahat hanggang maging perpekto, at pinagbubuhusan ito ng lubos na pag-iisip at sigla. Kung ibubuhos mo ang parehong siglang ito sa pagganap sa iyong tungkulin at sa paghahanap sa katotohanan upang lutasin ang mga problema, makikita mo na ang Diyos ay mayroong ibang saloobin sa iyo. Ang mga tao ay palaging nagrereklamo tungkol sa Diyos: “Bakit mabuti Siya sa iba ngunit hindi sa akin? Bakit hindi Niya ako kailanman binibigyan ng kaliwanagan? Bakit palagi akong mahina? Bakit hindi ako kasingbuti nila?” Bakit ganito? Walang pabo-paborito ang Diyos. Kung hindi ka lalapit sa harap ng Diyos, at palagi mong nanaisin na lutasin ang mga bagay-bagay na nangyayari sa iyo nang mag-isa, hindi ka Niya bibigyan ng kaliwanagan. Maghihintay Siya hanggang lumapit ka upang manalangin at magsumamo sa Kanya, at pagkatapos ay ipagkakaloob Niya ito sa iyo. Anong uri ng mga tao ang gusto ng Diyos? Ano ang hinihintay ng Diyos na hilingin sa Kanya ng mga tao? Nais ba Niya na sila ay humingi ng pera, kaginhawahan, katanyagan, pakinabang, at kasiyahan, tulad ng yaong mga taong walang kahihiyan? Hindi gusto ng Diyos kapag ang mga tao ay humihingi sa Kanya ng mga gayong bagay. Yaong mga hinahanap ang mga bagay na ito sa Diyos ay walang kahihiyan, sila ang pinakamababa sa lahat ng tao, at ayaw ng Diyos sa kanila. Gusto Niya ng mga tao na kayang matauhan mula sa kasalanan, at hinahanap ang katotohanan mula sa Kanya at tinatanggap ang katotohanan—sila ang mga uri ng mga tao na katanggap-tanggap para sa Kanya. Ganito ka dapat manalangin: “O Diyos, lubha akong nagawang tiwali ni Satanas, at madalas akong namumuhay sa gitna ng aking mga tiwaling disposisyon. Hindi ko mapagtagumpayan ang sari-saring tukso ng reputasyon at katayuan, at hindi ko alam kung paano harapin ang mga ito. Wala akong pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo. Nagmamakaawa ako sa Iyo na bigyan Mo ako ng kaliwanagan at gabayan Mo ako,” at “Handa akong gampanan ang aking tungkulin, ngunit pakiramdam ko ay hindi ako sapat—sa isang banda, masyadong maliit ang tayog ko, at sa kabilang banda, wala akong pagkaunawa sa larangang ito. Nag-aalala ako na hindi ko magagawa nang maayos ang mga bagay-bagay. Nagsusumamo ako sa Iyo para sa Iyong pagpatnubay at tulong.” Hinihintay ka ng Diyos na lumapit at hanapin ang katotohanan. Kapag lumapit ka sa harap ng Diyos na naghahanap nang may matapat na puso, bibigyan ka Niya ng kaliwanagan at tatanglawan ka Niya, at pagkatapos ay magkakaroon ka ng landas at malalaman mo kung paano gagampanan ang iyong tungkulin. Kung palagi kang nagsisikap kaugnay sa katotohanan, at dinadala ang iyong tunay na kalagayan sa harap ng Diyos sa panalangin, at hinihiling ang pagpatnubay at biyaya ng Diyos, kung gayon sa ganitong paraan ay unti-unti mong mauunawaan at maisasagawa ang katotohanan, at ang ipamumuhay mo ay magkakaroon ng wangis ng tao, at normal na pagkatao, at ng katotohanang realidad. Kung hindi mo isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at hindi mo hinahangad ang katotohanan, at madalas kang nagpaplano, nagninilay-nilay, pinag-iisipan at pinagsisikapan ang, at ibinibigay pa ang iyong buhay para sa iyong iba’t ibang interes, ginagawa ang lahat para sa mga ito, maaari mong matamo ang paggalang ng mga tao, pati na ang iba’t ibang benepisyo at anyo ng karangalan—ngunit alin ang mas mahalaga, ang mga bagay na ito o ang katotohanan? (Ang katotohanan.) Nauunawaan ng mga tao ang doktrinang ito, subalit hindi nila hinahangad ang katotohanan, pinahahalagahan nila ang sarili nilang mga interes at katayuan. Kaya, tunay ba nila itong nauunawaan, o isa ba itong maling pagkaunawa? (Isa itong maling pagkaunawa.) Ang totoo, sila ay mga hangal. Hindi nila nakikita nang malinaw ang bagay na iyon. Kapag may kakayahan na silang makita ito nang malinaw, nagtamo na sila ng kaunting katayuan. Dahil dito ay kinakailangan nilang hanapin ang katotohanan, gumugol ng pagsisikap sa salita ng Diyos; hindi sila maaaring maguluhan at maging pabaya. Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan at dumating ang araw na sabihin ng Diyos, “Tapos nang sabihin ng Diyos ang Kanyang mga salita, wala na Siyang nais pang sabihin sa sangkatauhang ito, at wala nang gagawin pang iba, at dumating na ang panahon para suriin ang gawain ng tao,” kung gayon ay nakatadhana kang itiwalag. Kahit gaano kalaki ang iyong mga tagapagtaguyod, kahit gaano karaming kaloob at talento ang iyong tinataglay, kahit gaano kataas ang iyong pinag-aralan, o gaano kalaki ang karangalan na mayroon ka, o kahit gaano katanyag ang posisyon mo sa mundong ito, wala sa mga bagay na ito ang magkakaroon ng anumang pakinabang. Sa oras na iyon, mapagtatanto mo ang pagiging katangi-tangi at kahalagahan ng katotohanan, mauunawaan mo na kung hindi mo nakamit ang katotohanan, wala kang kinalaman sa Diyos, at malalaman mo kung gaano kahabag-habag at nakapanlulumo ang manampalataya sa Diyos nang hindi nakakamit ang katotohanan. Sa panahon ngayon, maraming tao ang mayroon nang bahagyang pakiramdam nito sa kanilang puso, ngunit ang pakiramdam na ito ay hindi pa nakapukaw ng determinasyon sa kanila na hangarin ang katotohanan. Hindi pa nila naramdaman ang pagiging katangi-tangi at kahalagahan ng katotohanan sa kaibuturan ng kanilang puso. Ang kaunting kamalayan ay hindi sapat; dapat na tunay na makita ng isang tao ang diwa ng bagay na ito nang maliwanag. Kapag ginawa mo ang gayon, malalaman mo kung aling aspeto ng katotohanan ang gagamitin upang lutasin ang problemang ito. Ang katotohanan lamang ang makalulutas sa iba’t ibang paghihirap na hinaharap ng mga tao, at makalulutas sa kanilang iba’t ibang baluktot na kaisipan, makikitid na pananaw, masasamang disposisyon, pati na rin iba’t ibang problemang may kaugnayan sa katiwalian. Sa pamamagitan lamang ng paghahangad sa katotohanan at tuloy-tuloy na paggamit sa katotohanan upang lutasin ang mga problema, magagawa ninyong iwaksi ang inyong mga tiwaling disposisyon at makamit ang pagpapasakop sa Diyos. Kung aasa lamang kayo sa mga pamamaraan ng tao at sa pagpipigil ng tao upang lutasin ang anumang problemang dumarating sa inyo, hindi ninyo kailanman malulutas ang mga paghihirap at tiwaling disposisyon na ito. Sinasabi ng ilang tao, “Kung babasahin ko pa ang mga salita ng Diyos nang mas madalas, at gugugulin ang ilang oras bawat araw sa pagbabasa ng mga ito, tiyak bang makakamit ko ang pagbabago ng disposisyon?” Nakadepende ito sa kung paano mo binabasa ang mga salita ng Diyos at kung kaya mong maunawaan ang katotohanan at maisagawa ito. Kung iniraraos mo lamang ang pagbabasa ng Kanyang mga salita at hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi mo makakamit ang katotohanan, at kung hindi mo makakamit ang katotohanan, tiyak na hindi magbabago ang iyong buhay disposisyon. Bilang buod, talagang dapat hangarin ng isang tao ang katotohanan, at dapat na hangarin ng isang tao ang katotohanan at isagawa ito upang matamo ang pagbabago ng disposisyon. Ang pagbabasa lamang ng mga salita ng Diyos nang hindi isinasagawa ang katotohanan ay hindi kailanman sasapat. Ang maging katulad ng mga Pariseo, na nagpakadalubhasa sa pangangaral ng salita ng Diyos sa iba at sinasabi sa mga ito kung paano ito isasagawa, ngunit sila mismo ay hindi nila iyon ginawa, ay ang maling landas. Hinihingi ng Diyos na basahin ng mga tao ang Kanyang salita nang madalas upang maunawaan nila ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at isabuhay ang katotohanang realidad. Ang pagsasabi ng Diyos sa mga tao na pumasok sa katotohanang realidad, sumunod sa Kanyang daan, at lumakad sa tamang landas sa buhay ng paghahangad sa katotohanan, ay tuwirang nauugnay sa Kanyang hinihingi na isagawa ng mga tao ang pagbubuhos ng buong puso at kalakasan nila kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Sa pagsunod sa Diyos, dapat maranasan ng mga tao ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng pagganap sa kanilang mga tungkulin upang matamo ang kaligtasan at magawang perpekto.