Mga Salita sa Pagganap ng Tungkulin (Sipi 30)
Ano ang isang tungkulin? Ang atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa tao ay ang tungkulin na dapat gampanan ng tao. Anuman ang ipinagkatiwala Niya sa iyo ay ang tungkulin na dapat mong gampanan. Upang magampanan mo ang iyong tungkulin, dapat mong matutunan na panatilihing nakatapak ang dalawang paa sa lupa at huwag abutin ang higit sa iyong kayang abutin. Huwag mong palaging isipin na mas luntian ang damo sa kabilang panig at huwag piliting gawin ang hindi naaakma sa iyo. Ang ilang tao ay naaakma para sa pagiging punong-abala, ngunit pinipilit nilang maging mga lider; ang iba ay naaakma para maging mga aktor, ngunit nais nilang maging mga direktor. Hindi mabuti na palaging magsikap para sa mas matataas na posisyon. Kailangang mahanap at matukoy ng isang tao ang kanyang sariling papel at posisyon—iyan ang ginagawa ng isang taong mayroong katwiran. Pagkatapos ay dapat niyang gampanan nang maayos ang kanyang tungkulin nang may matibay na praktikal na saloobin upang suklian ang pagmamahal ng Diyos at palugurin Siya. Kung ang isang tao ay mayroong ganitong saloobin habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, ang kanyang puso ay magiging matatag at payapa, matatanggap niya ang katotohanan sa kanyang tungkulin, at unti-unti niyang magagampanan ang kanyang tungkulin alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Magagawa niyang iwaksi ang kanyang mga tiwaling disposisyon, magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, at gampanan nang sapat ang kanyang tungkulin. Ito ang paraan upang makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung magagawa mong tunay na gugulin ang iyong sarili para sa Diyos at gampanan ang iyong tungkulin nang may tamang kaisipan, isang kaisipan na nagmamahal at nagpapalugod sa Kanya, ikaw ay pangungunahan at gagabayan ng gawain ng Banal na Espiritu, ikaw ay magiging handang isagawa ang katotohanan at kumilos alinsunod sa mga prinsipyo habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at ikaw ay magiging isang tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Sa ganitong paraan, lubos mong maipamumuhay ang tunay na wangis ng tao. Ang buhay ng mga tao ay unti-unting lumalago habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Yaong mga hindi gumaganap ng mga tungkulin ay hindi makakamit ang katotohanan at ang buhay, kahit gaano karaming taon pa silang nananalig, dahil wala silang pagpapala ng Diyos. Pinagpapala lamang ng Diyos yaong mga tunay na ginugugol ang kanilang sarili para sa Kanya at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa abot ng kanilang makakaya. Anumang tungkulin ang ginagampanan mo, anuman ang magagawa mo, ituring mo itong responsabilidad at tungkulin mo, tanggapin ito at gawin ito nang maayos. Paano mo ito gagawin nang maayos? Sa pamamagitan ng paggawa rito nang eksakto sa hinihingi ng Diyos—nang buong puso mo, nang buong pag-iisip mo, at nang buong kalakasan mo. Dapat mong pagnilay-nilayan ang mga salitang ito at isipin kung paano mo magagampanan ang iyong tungkulin nang buong puso mo. Halimbawa, kung makikita mo ang isang tao na ginagampanan ang kanyang tungkulin nang walang prinsipyo, na ginagawa niya ito nang walang ingat at alinsunod sa kanyang sariling kalooban, at iniisip mo sa sarili mo, “Wala akong pakialam, hindi ko ito responsabilidad,” ito ba ay paggawa sa iyong tungkulin nang buong puso mo? Hindi, ito ay pagiging iresponsable. Kung ikaw ay isang responsableng tao, kapag nangyari sa iyo ang gayong sitwasyon ay sasabihin mo, “Hindi ito maaari. Hindi man ito saklaw ng aking pangangasiwa, ngunit maaari ko namang iulat ang isyu na ito sa lider at hayaan siyang asikasuhin ito alinsunod sa mga prinsipyo.” Pagkatapos mong gawin ito, makikita ng lahat na ito ay angkop, ang iyong puso ay mapapanatag, at matutupad mo ang iyong responsabilidad. Kung magkagayon ay nagawa mo na ang iyong tungkulin nang buong puso mo. Kung, kahit aling tungkulin ang iyong ginagampanan, ikaw ay palaging pabaya, at sinasabi mo, “Kung gagawin ko ang gawaing ito sa isang simple at pabasta-bastang paraan, kahit paano ay mairaraos ko ito. Tutal, walang magsusuri nito. Ginawa ko ang pinakamakakaya ko gamit ang mga limitadong kakayahan at propesyonal na kasanayan na mayroon ako. Sapat na ito para makaraos lang. Isa pa, walang magtatanong tungkol dito o magseseryoso sa akin—hindi ito gaanong mahalaga.” Ang pagkakaroon ba ng ganitong intensyon at ng ganitong kaisipan ay pagganap ng iyong tungkulin nang buong puso mo? Hindi, ito ay pagiging pabasta-basta, at ito ay isang paghahayag ng iyong sataniko at tiwaling disposisyon. Magagampanan mo ba ang iyong tungkulin nang buong puso mo sa pamamagitan ng pag-asa sa satanikong disposisyon? Hindi, magiging imposible iyan. Kaya, ano ang ibig sabihin na gawin mo ang iyong tungkulin nang buong puso mo? Sasabihin mo: “Kahit na hindi nag-usisa ang Itaas tungkol sa gawaing ito, at tila hindi ito napakahalaga sa lahat ng gawain sa sambahayan ng Diyos, gagawin ko pa rin ito nang maayos—ito ay aking tungkulin. Kung ang isang gawain ay mahalaga o hindi ay isang bagay; kung ito ay magagawa ko nang maayos o hindi ay ibang bagay.” Ano ang mahalaga? Kung magagampanan mo nang maayos o hindi ang iyong tungkulin at nang buong puso mo, at kung magagawa mong sumunod sa mga prinsipyo at magsagawa alinsunod sa katotohanan. Ito ang mahalaga. Kung maisasagawa mo ang katotohanan at magagawa ang mga bagay alinsunod sa mga prinsipyo, tunay mong nagagampanan ang iyong tungkulin nang buong puso mo. Kung nagampanan mo nang maayos ang isang uri ng tungkulin, ngunit hindi ka pa rin nasisiyahan at nais mo pang gampanan ang isang higit pang mahalagang uri ng tungkulin, at may kakayahan ka na gampanan ito nang maayos, ito ay paggawa mo ng iyong tungkulin nang buong puso mo sa isang mas mataas pang antas. Kaya, kung nagagawa mong gampanan ang iyong tungkulin nang buong puso mo, ano ang ipinapakahulugan nito? Sa isang banda, nangangahulugan ito na ginagawa mo ang iyong tungkulin alinsunod sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Sa kabilang banda, nangangahulugan ito na tinanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos at nasa puso mo ang Diyos; nangangahulugan ito na hindi mo ginagawa ang iyong tungkulin para magpakitang-tao, o kung paano mo naisin, o alinsunod sa iyong mga sariling kagustuhan—sa halip ay itinuturing mo ito bilang isang atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos at ginagawa mo ito nang taglay ang responsabilidad at puso na iyan, hindi alinsunod sa iyong sariling kalooban kundi ganap na ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Ibinibigay mo ang buong puso mo sa iyong tungkulin—ito ay pagganap sa iyong tungkulin nang buong puso mo. Hindi nauunawaan ng ilang tao ang mga katotohanan tungkol sa pagganap sa mga tungkulin. Kapag sumasapit sa kanila ang ilang paghihirap, sila ay nagrereklamo, at palagi silang gumagawa ng ingay tungkol sa kanilang mga personal na interes, pakinabang, at pagkalugi. Iniisip nila, “Kung gagampanan ko nang maayos ang gawain na ibinigay sa akin ng lider, magdadala ito sa kanya ng karangalan at kaluwalhatian, ngunit sino ang makaaalala sa akin? Walang makaaalam na ako ang gumawa ng gawain, at makukuha ng lider ang lahat ng papuri para dito. Hindi ba’t paglilingkod sa iba ang pagganap ko sa aking tungkulin sa ganitong paraan?” Anong uri ng disposisyon ito? Ito ay paghihimagsik—ang mga taong ito ay mga uring wala sa katwiran. Hindi nila nauunawaan ang atas ng Diyos sa tamang paraan. Palagi nilang hangad na malagay sa mga posisyon ng kapangyarihan, na kunin ang papuri at mabigyan ng gantimpala, at na magmukha silang mabuti. Bakit palaging nakatuon ang kanilang pansin sa katanyagan at pakinabang? Ipinakikita nito na napakatindi ng kanilang pagnanasa para sa katanyagan at pakinabang, at na hindi nila nauunawaan na ang pagganap sa isang tungkulin ay tungkol sa pagpapalugod sa Diyos, o na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng bawat tao. Ang mga taong ito ay walang tunay na pananampalataya sa Diyos, kaya humahatol sila batay sa mga katunayan na nakikita nila sa pamamagitan ng kanilang mga sariling mata, na humahantong sa pagbuo nila ng mga maling pananaw. Dahil dito, sila ay nagiging negatibo at pasibo sa kanilang gawain at hindi nila nagagampanan ang kanilang mga tungkulin nang buong puso nila at buong kalakasan nila. Dahil wala silang tunay na pananampalataya at hindi nila alam na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao, nakatuon sila sa pagganap sa kanilang mga tungkulin upang makita ito ng iba, sa pagpapaalam sa iba ng mga pagdurusa at paghihirap na kanilang tinitiis, at sa paghahanap ng papuri at pagsang-ayon mula sa mga lider at manggagawa. Iniisip nila na ang pagganap sa isang tungkulin ay kapaki-pakinabang lamang kung gagawin nila ito sa ganitong paraan, at maringal lamang kung makikita ng lahat na ginagawa nila ito. Hindi ba ito kasuklam-suklam? Nananalig sila sa Diyos, ngunit hindi lamang sila walang pananampalataya, hindi rin nila tinatanggap o nauunawaan ang katotohanan sa anumang antas. Paano magagampanan ng mga taong gaya nito ang isang tungkulin nang maayos? Wala bang problema sa kanilang disposisyon? Kung susubukan mong magbahagi tungkol sa katotohanan sa kanila at hindi pa rin nila ito tanggapin, sila nga ay mayroong masamang disposisyon. Bigo silang asikasuhin ang kanilang mga nararapat na responsabilidad at hindi nila pinanghahawakan ang kanilang mga tungkulin. Hindi magtatagal, dapat silang itiwalag. Yaong mga gumaganap ng mga tungkulin ay dapat na mga tao na may normal na pagkatao. Dapat na mayroon silang tamang katwiran at dapat na kaya nilang magpasakop sa lahat ng pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos. Nagkakaloob ang Diyos ng iba’t ibang kakayahan at kaloob sa iba’t ibang tao, at ang iba’t ibang tao ay pinakaangkop na gumanap ng iba’t ibang tungkulin. Hindi ka dapat maging mapili at hindi mo dapat piliin ang isang tungkulin batay sa iyong mga kagustuhan, na pinipili mo lamang na gampanan ang magiginhawa at madadaling tungkulin na umaayon sa iyong mga sariling naisin. Ito ay mali. Hindi ito paggawa ng isang tungkulin nang buong puso mo at hindi ito pagganap sa isang tungkulin. Upang magampanan ang isang tungkulin, ang unang bagay na dapat mong gawin ay ibigay mo rito ang iyong buong puso. Kasunod nito, anuman ang iyong ginagawa, ito man ay isang malaki o isang maliit na gawain, isang marumi o isang nakapapagod, isang gawaing ginagawa sa harap ng ibang tao o isang ginagawa nang hindi nakikita, isang mahalagang gawain o isang hindi mahalaga, dapat mong ituring ang lahat ng ito bilang iyong tungkulin at sundin ang prinsipyo ng paggawa sa mga ito nang buong puso mo, nang buong pag-iisip mo, at nang buong kalakasan mo. Kung pagkatapos mong gampanan ang iyong tungkulin, maramdaman mo sa huli na hindi ganap na malinis ang iyong konsensiya kaugnay ng ilan sa gawain na iyong ginawa, at na kahit na ibinigay mo rito ang buong puso mo, ang ilan sa iyong gawain ay hindi nagawa nang maayos at ang mga resulta ng iyong mga pagsisikap ay hindi napakabuti, ano ang dapat mong gawin? Iniisip ng ilang tao, “Ibinigay ko ang buong puso ko sa aking tungkulin, ngunit ang mga resulta ay hindi napakabuti. Hindi ko ito problema. Nasa mga kamay na ito ng Diyos ngayon.” Anong uri ng pananaw ito? Ito ba ang tamang pananaw? Hindi nila tunay na ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos dahil ayaw nilang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema; ayaw nilang palugurin ang Diyos at mayroon pa rin silang pabasta-bastang pananaw sa kanilang tungkulin. Ang mga ganitong uri ng mga tao ay tila walang puso. Kapag sinasabi natin na ginagawa mo ang iyong tungkulin nang buong puso mo, nangangahulugan ito na ginagamit mo ang buong puso mo—hindi mo maaaring gawin ang iyong tungkulin nang hindi buong puso, dapat mong ilaan ang iyong sarili, gampanan ang iyong tungkulin nang masigasig, at ipakita ang iyong katapatan, na ikaw ay nagkakaroon ng responsableng saloobin upang tiyakin na ang mga gawain ay ginagawa nang maayos, at naisasakatuparan ang mga resulta na dapat mong isakatuparan. Saka lamang ito matatawag na pagganap sa tungkulin nang buong puso. Kung nakikita mo na ang mga resulta ng iyong gawain ay hindi ganoon kabuti at iniisip mo sa sarili mo, “Ginawa ko ang pinakamakakaya ko. Isinakripisyo ko ang pagtulog, nagpalipas ng gutom, at nagpuyat, minsan ay nagpapaiwan habang ang iba ay lumalabas upang magpahinga at mamasyal. Nagtiis ako ng mga paghihirap at hindi naging hayok sa mga kaginhawahan ng laman. Nangangahulugan iyan na ginawa ko ang aking tungkulin nang buong puso ko.” Tama ba ang pananaw na ito? Ibinuhos mo ang iyong oras at nagsikap ka. Sa panlabas, tila pinagdaanan mo ang lahat ng ito, ngunit ang mga resulta na iyong nakuha ay hindi mabuti, at hindi mo tinatanggap ang responsabilidad para dito at wala kang pakialam. Ito ba ay paggawa ng iyong tungkulin nang buong puso mo? (Hindi.) Hindi ito paggawa ng iyong tungkulin nang buong puso mo. Kapag inaalam ng Diyos kung ginagawa ng isang tao ang isang bagay nang buong puso niya, ano ang tinitingnan Niya? Sa isang banda, tinitingnan Niya kung hinaharap mo ang bagay na iyon nang may matapat at responsableng saloobin. Sa kabilang banda, tinitingnan Niya kung ano ang iniisip mo habang ginagawa mo ito, kung masigasig mong ginagampanan ang tungkulin na dapat mong gampanan, at kung patuloy mo itong ginagawa nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at kung, kapag sumasapit sa iyo ang paghihirap, hinahanap mo nang masinsinan ang katotohanan upang lutasin ang mga problema nang sa gayon ay magampanan mo ang iyong tungkulin nang maayos. Habang ginagawa ng mga tao ang mga bagay-bagay, ang Diyos ay nagmamasid at nagsisiyasat. Inoobserbahan Niya ang puso nila sa buong panahon. Bagamat hindi ito alam ng mga tao, minsan ay nararamdaman nila ang Kanyang pagsisiyasat. Ang ilang tao ay palaging pabasta-basta sa kanilang mga tungkulin, at sa huli, ang Diyos ay nagsasaayos ng isang kapaligiran upang ibunyag sila. Sa puntong iyon, nararamdaman nila ang Kanyang pagtalikod, at nakikita ng lahat na hindi sila katulad ng mga mananampalataya—na sila ay katulad ng mga walang pananampalataya, mga diyablo, at mga Satanas. Ang mga ganitong uri ng tao ay itinitiwalag sa panahon ng pagganap sa kanilang mga tungkulin. Ang ilang tao ay madalas na pinagninilayan ang kanilang sarili habang ginagampanan ang mga tungkulin. Minsan, ang mga resulta na nakukuha nila ay hindi mabuti, o may lumilitaw na problema, at nararamdaman nila ito sa kanilang puso, at iniisip nila, “Nagiging pabasta-basta na naman ba ako?” Pakiramdam nila ay sinasaway sila. Paano ito nangyayari? Ito ay idinulot ng Diyos, ito ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Kaya, bakit binibigyan ka ng Diyos ng kaliwanagan? Sa anong batayan ka Niya binibigyan ng kaliwanagan? Sa anong konteksto ka Niya sinasaway? Dapat na magkaroon ka ng tamang kaisipan at sabihin, “Dapat kong gawin ang aking tungkulin nang buong puso ko, at iyan ay nangangahulugan ng paggawa rito nang alinsunod sa katotohanan. Tunay ko bang nagawa ang aking tungkulin nang buong puso ko?” Kung palagi mo itong pinagninilayan, bibigyan ka ng Diyos ng kaliwanagan at ipauunawa sa iyo, “Hindi ko ginawa ang gawaing iyon nang buong puso ko. Akala ko ay maayos ang ginagawa ko, bibigyan ko sana ang sarili ko ng marka na 99 mula sa 100. Ngunit ngayon ay nakikita ko nang hindi talaga iyon ganoon—ang totoo ay bahagya lamang akong pumasa.” Saka mo lamang matutuklasan ang kawalang-kasiyahan ng Diyos. Ito ang pagbibigay ng kaliwanagan sa iyo ng Diyos at pagpapahintulot sa iyo na maunawaan kung gaano kaayos mo talaga ginagampanan ang iyong tungkulin at kung gaano ka pa kalayo sa Kanyang mga hinihingi. Kung ang isang tao ay masyadong bumagsak sa pinakamabababang pamantayan sa pagganap niya sa kanyang tungkulin, bibigyan pa rin ba siya ng kaliwanagan ng Diyos? Maaaring hindi. Sino ang binibigyan ng kaliwanagan ng Diyos? Una, yaong mga nagmamahal sa katotohanan; pangalawa, yaong mga may saloobin ng pagpapasakop; pangatlo, yaong mga nag-aasam para sa katotohanan; at pang-apat, yaong mga nagsusuri at nagninilay sa kanilang sarili sa lahat ng aspeto. Ang mga ito ang mga uri ng tao na makapagkakamit ng kaliwanagan ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagdanas sa ganitong paraan, ang iyong personal na karanasan sa paggawa ng iyong tungkulin nang buong puso mo—ang aspetong ito ng pagsasagawa sa katotohanan at ang aspetong ito ng realidad—ay lalo pang lalago. Unti-unti, magiging malinaw sa iyo kung sino ang mga taong gumagawa sa kanilang mga tungkulin nang buong puso nila at kung sino ang hindi, at ang mga saloobin at pag-uugali ng iba’t ibang indibidwal sa pagganap sa mga tungkulin. Kapag kilala mo ang sarili mo, magagawa mong kilatisin ang iba, at lalo ka pang magiging maingat sa iyong tungkulin. Ang pinakamaliit na pagkakataon ng pagiging pabasta-basta ay hindi makalalagpas sa iyong pansin, at magagawa mong hanapin ang katotohanan upang lutasin ito. Magagawa mong asikasuhin ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga prinsipyo habang ginagampanan ang iyong tungkulin, lalo mo pang maisasagawa ang katotohanan, at ang iyong puso ay magiging matatag at payapa. Kung isang araw ay malaman mo sa puso mo na hindi mo nagampanan nang maayos ang isang tungkulin, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong pagnilayan ito, dapat kang maghanap ng impormasyon, at humingi ng payo mula sa iba, pagkatapos, bago mo pa mamalayan, magkakamit ka na ng pagkaunawa sa bagay na ito. Hindi ba’t makatutulong ito sa iyo sa pagganap sa iyong tungkulin? (Oo.) Makatutulong ito. Ito ang mangyayari kahit ano pa ang tungkulin na iyong ginagampanan. Basta’t ginagawa ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang buong puso nila, hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, at nagtitiyaga sa kanilang mga pagsisikap, magtatamo sila ng mga resulta sa huli.