Sa Pagganap Lamang Nang Maayos sa Tungkulin ng Isang Nilalang Mayroong Halaga ang Buhay (Ikalawang Bahagi)

Bagama’t nananalig ang ilang tao sa Diyos, ang kanilang puso ay nasa sekular na mundo pa rin; maaaring ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, ngunit nangangarap pa rin silang yumaman. Nananatiling hindi mapalagay at walang kasiyahan ang kanilang puso, at kung minsan ay nais nilang iwanan ang sambahayan ng Diyos, ngunit natatakot silang hindi sila makakatanggap ng mga pagpapala at na sila ay makararanas ng mga sakuna, kaya’t ang tanging magagawa nila ay ang walang ganang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Maaari silang magkalat ng mga negatibong bagay at magreklamo nang kaunti kung minsan, at bagama’t hindi sila nakagawa ng maraming kasamaan, hindi sila gumaganap ng isang positibong papel. Alam ba ng Diyos ang ganitong pag-uugali nila? (Alam Niya.) Alam ba ng mga tao? Kadalasan, hindi ito nakikita ng mga tao. Pakiramdam nila ay mabubuti ang mga ganoong tao, na sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, maaga silang gumigising at gabi na natutulog, at kaya nilang magtiis ng mga paghihirap at magbayad ng halaga, ngunit nakararanas lang sila ng kahinaan paminsan-minsan at hindi nila gustong makipag-ugnayan sa iba. Ngunit alam ng Diyos kung ano ang iniisip ng mga taong ito sa kanilang puso at kung paano sila kumilos, at mayroon Siyang naaangkop na mga pagsasaayos. Pagdating ng oras, hahayaan Niyang dapuan sila ng karamdaman, at sa sandaling magkasakit sila, hindi na nila magagampanan ang kanilang mga tungkulin. Ano ang ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito ay tinanggal sila sa mga hanay ng mga taong gumaganap ng mga tungkulin. Mabuti ba ito o masamang bagay? (Masamang bagay.) Lahat kayo ay handang gampanan nang tapat ang inyong mga tungkulin, hindi ninyo gustong maharap sa mga kapighatian, karamdaman, o pasakit, at pakiramdam ninyo ay inaantala ng mga ito ang inyong pagganap sa inyong mga tungkulin. Ngunit ang mga ayaw gawin ang kanilang mga tungkulin ay makakaramdam na isang mabuting bagay ang maharap sila sa mga kapighatian o karamdaman, at iniisip nila, “Sa pagkakataong ito ay nakahanap ako ng dahilan, ng palusot; hindi ko na kailangang gampanan pa ang aking tungkulin.” Ang totoo, ito ay isang masamang bagay: Ibig sabihin nito ay ayaw na sila ng Diyos, na hindi na sila nabibilang, at ito ang paraan ng Diyos nang pagtanggal sa kanila. Pagkatapos na tanggalin, maaaring mawala nang di-inaasahan ang kanilang mga karamdaman, at kapag magaling na sila, magtatrabaho sila at kikita ng pera, magpapakasaya sa buhay at magpapakayaman. Hindi gusto ng Diyos ang ganitong uri ng tao—ano ang ibig sabihin kapag ayaw na ng Diyos sa isang tao? Ang ibig sabihin nito ay walang kahihinatnan ang taong ito; naglaho na siya sa paningin ng Diyos, at wala na siyang anumang pagkakataon na makatanggap ng kaligtasan. Pauna siyang itinalaga at pinili ng Diyos ngunit mula sa oras na iyon ay kinasusuklaman at tinatanggihan na siya ng Diyos; nagpapasya ang Diyos na hindi iligtas ang ganitong uri ng tao, at nililipol Niya ito mula sa Kanyang sambahayan. Ang ganitong uri ng tao ay hindi kailanman ililigtas ng Diyos. Mula sa sandaling ito, nawalan na siya ng anumang pagkakataon na maligtas. Anuman ang gawin niya o paano man siya kumilos, hindi na siya gusto ng Diyos. Kung ayaw na ng Diyos sa isang tao, iyon na ba ang katapusan? Hindi pa tapos ang kuwento ng taong ito. Bago piliin ng Diyos ang isang tao, namumuhay ang taong ito sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Pagkatapos siyang piliin ng Diyos, dumarating siya sa sambahayan ng Diyos at namumuhay sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos. Kapag nilabanan at pinagtaksilan niya ang Diyos, at tinanggihan siya ng Diyos, saan siya bumabalik? (Sa kapangyarihan ni Satanas.) Bumabalik siyang muli sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ito ay nagpapahiwatig na ibinalik na siya ng Diyos kay Satanas, na ang ibig sabihin, “Hindi Ko na gusto ang taong ito. Hindi niya tinatanggap ang katotohanan; ibinibigay Ko na siya sa iyo,” at kinukuha siya ni Satanas. Ang taong iyon ay bumabalik kay Satanas at wala nang anumang pagkakataon na maligtas. Ano ang nawawala sa isang tao kapag ibinabalik siya ng Diyos kay Satanas? Ano ang mga kalalabasan at wakas na darating sa kanya? Dapat itong maging malinaw sa inyo. Ang mapalayas ng Diyos ay hindi simpleng bagay, at tiyak na hindi ito dahil sa panandaliang paglabag ng isang tao, sapagkat inililigtas ng Diyos ang mga tao hangga’t posible at hindi sila basta-basta pinapalayas. Kapag pinili ng Diyos ang isang tao, ano ang nakukuha ng taong iyon mula sa Kanya? (Ang pagkakataong maligtas.) Ano pa? (Natatamo nito ang katotohanan.) Oo, natural na kailangan nitong matamo ang katotohanan upang matanggap ang pagliligtas ng Diyos. Kapag pinipili ng Diyos ang isang tao at inaakay ito mula sa kapangyarihan ni Satanas patungo sa sambahayan ng Diyos, naglalakas-loob ba si Satanas na maglatag ng anumang kondisyon para sa Diyos? Hindi ito naglalakas-loob na maglatag ng anumang kondisyon, ni naglalakas-loob na magsalita ng kung ano man. Kung sasabihin ng Diyos, “Akin ang taong ito, hindi ka na pinahihintulutang galawin siya,” masunuring isusuko ni Satanas ang taong iyon. Ang pagkain, damit, tirahan, transportasyon, at bawat galaw ng taong ito ay nasa ilalim ng pangangalaga at pagmamasid ng Diyos, at kung walang pahintulot ang Diyos, hindi maglalakas-loob si Satanas na galawing muli ang taong iyon. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ang ibig sabihin nito ay ganap nang namumuhay sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos ang taong iyon, nang walang paghadlang ni panghihimasok mula sa mga panlabas na puwersa, at na ang pang-araw-araw na kagalakan, kalungkutan, at pasakit nito ay lahat nasa ilalim ng pagsisiyasat ng mata ng Diyos, at nasa ilalim ng Kanyang pangangalaga at proteksyon. Kung may sakuna o kalamidad na mangyari, hahayaan ng Diyos na maiwasan ito ng taong iyon, at ito ay magiging maayos; samantalang ang mga hindi mananampalataya at ang mga hindi pinili ng Diyos ay magkakaroon ng anumang kapalarang nararapat sa kanila. Kung dapat silang mamatay, mamamatay sila; kung dapat silang dumanas ng sakuna, daranas sila ng sakuna. Walang taong makapagbabago nito, at walang taong makapagliligtas ng sino man. Kapag nangyayari ang mga kalamidad, nangyayari ang mga ito sa maraming tao; ngunit paanong ang mga sakunang ito ay hindi nangyayari sa iyo? Ito ang proteksyon ng Diyos. Hindi maglalakas-loob si Satanas, ni ang maliliit na diyablo, ni ang masasamang espiritu, na galawin ka. Kapag lumalapit ang mga ito sa iyo, para bang may humaharang sa harapan nila, na animo’y nakikita nila ang mga salitang, “Huwag mong galawin ang taong ito,” o na para bang nasisilayan nila ang isang atas ng langit, at hindi naglalakas-loob ang mga ito na galawin ka, at ikaw ay protektado. Nagkaroon ka ng napakagandang buhay sa mga panahong ito, naging maayos ang lahat, at normal mong nagampanan ang iyong tungkulin—ito ang isang taong pinoprotektahan ng mga kamay ng Diyos. Gayunpaman, pagkatapos tanggapin ng kasasabi Ko lang na tao ang proteksyon ng Diyos, hindi niya ito nararamdaman ni namamalayan. Sinasabi niya, “Malamang dahil sa suwerte o magandang kapalaran kung kaya’t namuhay ako nang payapa sa lahat ng taong ito, at na nanatiling malayo mula sa akin si Satanas at ang maliliit na diyablong iyon.” Hindi sinasabi ng taong ito na iyon ay proteksyon ng Diyos, ni alam niya kung paano suklian ang pag-ibig at biyaya ng Diyos. Hindi niya ginagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin, at sa halip ay pinagmumulan siya ng mga pagkagambala at kaguluhan, at gumagawa siya ng masasamang bagay lamang. Nakikita ng Diyos ang hindi nagbabagong pag-uugali nito, sinusuri Niya ang kaloob-looban nito, at binibigyan Niya ito ng oras at pagkakataon sa loob ng maraming taon, ngunit hindi pa rin ito nagsisisi. Kaya, sinasabi ng Diyos na ang taong ito ay hindi maililigtas, at sa huli ay nagpapasya Siyang ibalik ito kay Satanas. Ang taong ito ay isang walang kuwentang bagay, at hindi na ito gusto ng Diyos. Sino ang pinakamasaya kapag pinalayas ng Diyos ang taong ito? Si Satanas ang pinakamasaya, at sinasabi nitong, “Napakasayang magkaroon ng isa pang maliit na demonyo sa aking kampo, isa pang kasabwat!” Ang taong iyon, na mahina ang utak at hindi marunong matakot, ay bumabalik sa yakap ni Satanas sa ganitong paraan. Anu-ano ang gagawin ni Satanas sa kanya? (Yuyurakan at sasaktan siya nito.) Napakagaling ni Satanas na manakit ng mga tao na ang ilan ay sinasapian ng mga demonyo, ang ilan ay nagkakaroon ng mga kakaibang sakit, at ang ilan ay bigla na lang abnormal na kumikilos, inihahayag ang kanilang mala-demonyong anyo na para bang nababaliw sila. Madalas na sinasaktan at nilalapa ni Satanas ang mga tao sa ganitong paraan. Ito ang kalikasan ng mga kilos ni Satanas: Umaasa ito sa panlilinlang at kasamaan, at gumagamit ng iba’t ibang paraan upang maakit ang mga tao para magpasakop, upang saktan at lapain sila. Limitado ba sa ganito ang mga paraan ng pananakit ni Satanas sa mga tao? Tiyak na hindi. Hindi lang ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng pananakit, pagsira, at pananalasa sa kanila, tulad ng sinasabi ng mga tao. Marami itong mas tuso at mararahas na paraan, at lahat ng ito ay naranasan na mismo ng tiwaling sangkatauhan. Pagkatapos na ibigay kay Satanas ang mga tao, ang ilan sa kanila ay biglang nagiging napakatuso at sanay sa paggamit ng mga panlilinlang; sa isang iglap, ang mga landas ng kanilang propesyon ay nagiging napakapatag, at nagkakaroon sila ng promosyon at nagiging mayaman. Mabuti ba ito o masama? (Masama.) Mabuting bagay ito sa mata ng tao, kaya’t paano ito maituturing na masamang bagay? (Ang mga taong ito ay nahulog na sa mga panlilinlang ni Satanas at mapapalayo sila nang mapapalayo sa Diyos.) Nakakakuha sila ng promosyon at nagiging mayaman, at nagiging maayos ang lahat para sa kanila; hindi magtatagal, sila ay nagiging mga makapangyarihang mangangalakal, na may pera, katayuan, at kabantugan. Namumuhay sila nang napakaayos at ganap na bumabalik sa sekular na mundo. Maiisip pa kaya nila ang Diyos sa panahong ito? Gusto pa ba nilang manampalataya sa Diyos? Nasa puso pa rin ba nila ang Diyos? (Hindi na.) Lubos na nilang nilayuan ang Diyos at tinalikuran ang tamang daan, at ganap na silang nabihag ni Satanas. Hindi na sila mga miyembro ng sambahayan ng Diyos; sila ay naging mga hindi mananampalataya na, at sa paraang iyon ay tuluyan na silang nawasak. Matatamasa pa kaya ng ganoong mga tao ang proteksyon ng Diyos? (Hindi na.) Anong kalagayan ang kinaroroonan nila, sa pamumuhay sa sekular na mundo at sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Araw-araw, hindi nila alam kung mabubuhay ba sila o mamamatay; tuwing lumalabas sila, hindi nila alam kung makakatagpo ba sila ng kasawian; hindi nila alam ang kapayapaan ni ang kagalakan; at ang kanilang puso ay puno ng pagkasindak, pagkabalisa, at takot. Alam nila kung ano ang mga kalalabasan ng pagtataksil sa Diyos, kung kaya’t nababalisa sila buong araw, at hindi nila alam kung kailan sasapit sa kanila ang sakuna, at kung kailan sila parurusahan. Ganito ang pakiramdam sa puso ng mga tao kapag kinasusuklaman at tinatanggihan sila ng Diyos: Nakukulong sila sa kadiliman nang walang daang palabas, ang bawat hakbang nila ay napakahirap at nakakatakot, at ang buhay nila ay napakahirap. Sa palagay mo ba ay napakahihirap ng buhay ng mga taong ito dahil hinahabol nila ang kasikatan at yaman, hinahangad nila ang sekular na mundo, namumuhay sila nang maginhawa, at tinatahak nila ang landas ng mga hindi mananampalataya? Hindi. Ito ay dahil sa sandaling tinalikuran na sila ng Diyos, wala na Siyang pakialam sa kanila. Sa kawalan ng proteksyon at pangangalaga ng Diyos, sila ay nagiging mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at agad silang nahuhulog sa kadiliman. Ang unang nararamdaman ng mga tao kapag nahuhulog sila sa kadiliman ay na wala nang kapayapaan ang kanilang puso, at hindi na nila nararamdaman ang presensya ng Diyos. Pakiramdam nila ay puno ang mundo ng pagkasindak, mga patibong, panlilinlang, at panganib, at na ang buhay ay mas mahirap pa. Mahalaga ba kung ano ang katayuan nila sa mundo? Mahalaga ba kung gaano ang kakayanan o kapangyarihan nila? Hindi. Ang lahat ng hindi nananampalataya sa Diyos o na pinalayas Niya ay magtatapos sa ganitong kahihinatnan, mahuhulog sa impiyernong pamumuhay, na napakahirap. Araw-araw kang sasaktan doon ng lahat ng klase ng buhay na multo. Hindi ito mapamumuhayan; mas masahol pa ang buhay na ito kaysa sa kamatayan.

Kapag ang mga tao ay nasa ilalim ng proteksyon ng Diyos, sila ay nakadarama ng kaligtasan, kapayapaan, at kagalakan. Nakapamumuhay sila bilang mga tao at nakakasali sa lahat ng gawain ng normal na pagkatao; ang lahat ng tungkol sa kanila ay regular at ayon sa nararapat, at ang kanilang puso ay malaya at panatag. Kapag nawalan ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos ang mga tao, naglalaho ang mga pakiramdam na iyon, kung kaya’t tumutugon sila sa lahat ng tao, pangyayari, at bagay sa paligid nila gamit ang kanilang mga sariling kasanayan, abilidad, kaisipan, at pilosopiya sa buhay, at gamit din ang kanilang sariling init ng ulo. Ano itong lahat ng tao, pangyayari, at bagay sa paligid nila? Ito ang lahat ng masasamang tao, baluktot na tao, malalaki at maliliit na demonyo, at masasamang espiritu. Ang buhay ba ng mga tao ay magiging mabuti kung nasa isang lugar sila ng maruruming espiritu nang walang proteksyon ng Diyos? (Hindi.) Iyon ang dahilan kung bakit hindi nakakatamasa ng isang mabuting araw ang mga tao pagkatapos nilang iwanan ang Diyos; nagiging ganoon kahirap para sa kanila ang mamuhay. Kapag namumuhay sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos ang mga tao, hindi nila ito alam pahalagahan at hindi nila ito sineseryoso; sa sandaling pabayaan sila ng Diyos, huli na ang lahat para magsisi, at iyon ay talaga namang isang napakalaking kasawian! Tanging kapag ang mga tao ay namumuhay sa ilalim ng pangangasiwa, pangangalaga, at proteksyon ng Diyos ay saka nila makakamtan ang tunay na kasiyahan, kapayapaan, at kaligayahan, na siyang kapayapaan at kagalakang nadarama sa kaibuturan ng puso ng tao na nagmumula sa Diyos. Sa sandaling mawala sa tao ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos, ang pasakit, pag-aalala, pagkabalisa, pagkabagabag, at pangambang nasa kaibuturan ng kanilang puso ay unti-unting lalaki. Lumalaki ang pagdurusa sa kanilang puso, at mahirap para sa kanila na mapalaya ang kanilang sarili mula rito; hindi sila makawala. Gaano ba kagaling ang mga kakayahan at kalakasan ng isang tao? Ano itong hinaharap mo nang mag-isa? Hinaharap mo ang lahat ng klase ng marurumi at masasamang espiritu! Sa panlabas, mukha silang mga tao: Mayroon silang mga hugis, anyo, laman, at dugo. Ngunit ang lahat ng taong ito ay kay Satanas, at si Satanas at ang lahat ng klase ng masama at maruming espiritu ang nagmamanipula sa kanila. Gaano kaya ang kakayahan ng isang tao, sa harap ng mga bagay na ito? Hindi kaya sila matatakot? Matatamasa ba nila ang kapayapaan at kagalakan? Gaano man sila kalaking tao, gaano man ang kakayahan o kabagsikan nila, ano ang kanilang mararamdaman kapag namumuhay sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at sa mundong ito? Kapag nag-iisa na sila at kumalma na, iisipin nila ang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay sa paligid nila at kung gaano kahirap para sa kanila ang harapin ang bawat bagay na dumarating sa kanila; kailangan nilang mag-isip nang todo upang maharap ang lahat ng ito. Napakalaking pagsubok para sa kanila na gamitin ang lakas at pamamaraan ng tao para ayusin ang lahat ng ito! Ganoon kahirap para sa kanila ang mabuhay; ganoon ito kahirap. Sinasabi ng ilan na hindi nagdurusa ng ganoong mga hirap ang malalaking tao, ngunit ang totoo, higit silang nagdurusa. Humaharap sa maliit na sirkulo ng buhay ang mga ordinaryong tao, habang ang malalaking tao ay humaharap sa mas malaking sirkulo ng buhay at higit na paghihirap at pagdurusa. Nararanasan ba nila ang kaligayahan? (Hindi.) Kung kaya, sa sandaling mawala sa tao ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos, at pabayaan Niya sila, anong klase ng buhay ang haharapin nila? Haharapin nila ang lahat ng marurumi at masasamang espiritu na iyon nang walang katulong at nang mag-isa—iyon ay isang hindi katiis-tiis na buhay! Maaari silang mamatay anumang oras sa pag-atake ng mga kalaban o bilang resulta ng kanilang mga pakana, at ang kanilang buhay ay nakakapagod, masakit, at mahirap. Hangal ang ilang tao at iniisip na nakakapagod na manampalataya sa Diyos, na tuluy-tuloy na hangarin ang katotohanan, at palaging magtuon sa pagpapasakop sa Diyos at sa pakikinig sa mga salita ng Diyos; iniisip nila na ang mga makamundong tao ang malalaya, at pakiramdam nila ay walang kabuluhan ang manampalataya sa Diyos, kung kaya’t ayaw na nilang manampalataya. Palagi silang ganito mag-isip, ngunit isang araw ay matututunan nila kung ano ang mga kalalabasan ng mga ito.

Sa mga kamay ng Lumikha, nagtatamasa ang mga tao ng walang hanggang kapayapaan, kagalakan, mga pagpapala, proteksyon, at pangangalaga, samantalang ang mga walang pagkatao at walang konsiyensiya ay hindi makararanas ng mga ito. Gayunpaman, kapag ang isang tao ay pinabayaan na ng Diyos, agad niyang mararamdaman ang pagsapit sa kanya ng pasakit ng kadiliman, at sa oras na iyon ay lubos niyang maiintindihan kung gaano kasaya at kagalak noon na manampalataya sa Diyos, gumanap sa kanyang mga tungkulin, at mamuhay sa sambahayan ng Diyos at sa Kanyang presensya, ngunit magiging huli na ang lahat. Maaari mong sabihin, “Pinagsisisihan ko na iniwan ko ang Diyos. Maaari ba akong magsimulang muli sa pananampalataya sa Kanya?” Nagbibigay ba ng ganoong mga pagkakataon ang Diyos? (Hindi.) Kung ayaw mo na sa Diyos, gugustuhin ka pa ba ng Diyos? Hindi mo ba minamahal si Satanas? Mahal mo sa iyong puso si Satanas, ngunit gusto mo pa ring sumunod sa Diyos upang magtamo ng ilang pagpapala. Papayag kaya ang Diyos dito? (Hindi Siya papayag.) Ganoon talaga ito. Kaya nga, kailangang madalas na lumapit sa presensya ng Diyos ang mga tao upang pagnilayan at pag-isipan ang mga bagay na ito: kung ano ang tunay na kaligayahan; kung paano mamuhay upang magkaroon ng tunay na kaligayahan, kagalakan, at kapayapaan; at kung anong mga bagay ang pinakamahalaga at karapat-dapat na pahalagahan sa buhay ng mga tao. Kailangang pag-isipan ang mga bagay na ito. Habang mas pinagninilayan mo ang mga tamang bagay at ang katotohanan, mas bibigyang-liwanag at gagabayan ka ng Diyos, at hahayaan kang makaunawa, makakilala, at makakita, at higit kang mabibigyang-liwanag at matatanglawan pagdating sa pagsasagawa at pagpasok sa katotohanan—hindi ba’t lalaki nang lalaki ang pananampalataya mo? Kung palagi kang tamad at suwail, palaging tinatanggihan at hindi ginugusto ang katotohanan; kung ayaw mong pumasok sa presensya ng Diyos kailanman at palagi mong iniisip ang pagiging talipandas at ang paglayo sa Diyos; at kung hindi mo tinatanggap ang Kanyang paggabay, ang Kanyang pangangalaga, ni ang Kanyang proteksyon, mapipilit ka ba ng Diyos? Kung ito ang iyong saloobin, tiyak na hindi ka bibigyang-liwanag ng Diyos, kaya hindi ka gaanong magkakaroon ng pananampalataya. Habang tumatagal kang nananampalataya, nababawasan ang iyong lakas, at ikaw ay magrereklamo, magkakalat ng iyong mga kuru-kuro at pagiging negatibo, at hindi magtatagal, magdudulot ka ng gulo. Sa oras na magdulot ka ng problema at manggulo sa gawain ng iglesia, hindi ka na mabait na tatratuhin ng sambahayan ng Diyos, at paaalisin ka o ititiwalag ka nito, at hahantong ka sa katapusan ng landas ng pananampalataya sa Diyos. Sino ang sisisihin para dito? (Ang taong iyon mismo.) Ito ang katapusan na dumarating sa mga taong nananalig sa Diyos, ngunit hindi hinahangad ang katotohanan. Gaya nga ng kasabihan, “Hindi mabubuo ang tatlong talampakang yelo sa loob lamang ng isang araw.” Kung ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos ngunit hindi mo pa hinangad ang katotohanan, at pinili mo ang landas ng mundo, at ang sundin si Satanas sa halip na ang Diyos, pababayaan at iiwan ka ng Diyos. Hindi pinupuwersa ng Diyos ang mga tao. Ang pagliligtas ng Diyos, ang Kanyang salita, at ang Kanyang katotohanan at buhay ay malayang ibinibigay sa tao; hindi Siya nanghihingi ng pera o nakikipagkasunduan sa iyo. Kung hindi mo lang tinatanggihang tanggapin ang katotohanan, ngunit nagrereklamo ka pa sa Diyos at ginugulo ang gawain ng iglesia, hindi ba’t naghahanap ka ng gulo? Ano ang gagawin ng Diyos kung gayon? Tiyak na iiwan ka ng Diyos, at ito ang iyong magiging karampatang parusa. Kung tinatanggihan mo ang dakilang pagliligtas ng Diyos habang nasa kamay mo na ito, at pakiramdam mo pa rin ay ginawan ka ng mali at nais mong makipagkasunduan sa Diyos, ito ay talagang walang katwiran! Kung iyon ang kaso, bumalik ka na lang dapat sa maputik na hukay ng mundo at makaraos kung paano mo man gusto! Wala nang pakialam ang Diyos, at sa ganito pagpapasyahan ang iyong katapusan. Sinasabi ng ilan, “Kung hindi na gusto ng mga tao ang Diyos, bakit hindi Niya sila hayaang mamatay?” Wala bang mga taong ganitong mag-isip? (Mayroon.) Malupit ang ilang tao at sinasabi nilang, ‘Kung hindi sinusunod ng isang tao ang Diyos, dapat siyang isumpa, parusahan, at pagkatapos ay wasakin ng Diyos!” Sa palagay ba ninyo ay ito ang disposisyon ng Diyos? (Hindi.) Hindi iyon ginagawa ng Diyos; hindi Niya pinupuwersa ang mga tao. Itinakda na ng Diyos kung ano ang magiging buhay ng isang tao, at hindi basta-basta na lang nagsasagawa ang Diyos. Ang kapalaran, hantungan, at katapusan ng taong iyon ay itinakda na ng Diyos, at kung hindi niya susundin ang Diyos, hahayaan pa rin siya ng Diyos na mamuhay nang natural sa ganoong paraan ayon sa kanyang orihinal na tadhana. Iaabot siya ng Diyos kay Satanas, at iyon na ang magiging katapusan; sa huli ay pagpapasyahan ng Diyos ang kahihinatnan nito sa oras na nararapat, sa katapusan ng buhay nito. Hindi sisirain ng Diyos ang lahat ng batas na ito. Sa mga salita ng tao, kumikilos ang Diyos sa partikular na makatwirang paraan, hindi katulad ng panlilinlang at kasamaan ng mga anticristo, na nagsasabing: “Kung hindi mo ako susundin, papatayin kita!” Anong klaseng disposisyon iyon? Ito ay sa isang bandido, disposisyon ng isang tulisan, ng isang tampalasang tao. Hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan. Sinasabi ng Diyos, “Kung hindi mo Ako sinusunod, bumalik ka na kay Satanas, at simula ngayon ay puputulin na ang lahat ng ugnayan sa pagitan natin. Hindi mo matatamasa ang Aking proteksyon ni ang Aking pangangalaga; wala kang magiging bahagi sa pagpapalang ito. Mamuhay ka ayon sa gusto mo; ikaw ang bahalang pumili!” Ang Diyos ay mapagpaubaya sa mga tao at hindi Niya sila pinupuwersa, hindi katulad ni Satanas, na palaging gustong kontrolin at hawakan ka, magpakailanman, kahit pa hindi iyon ang nais mo. Hindi iyon ginagawa ng Diyos. May mga sariling prinsipyo ang Diyos sa paggawa ng mga bagay-bagay; hinihiling Niyang sundin Siya ng mga tao, ngunit hindi Niya sila pinupuwersa kailanman. Bilang isang nilalang, kung hindi mo matanggap ang katotohanan, kung hindi mo magampanan ang mga tungkulin ng isang nilalang, hindi mo kailanman makakamit ang pagpapala ng Diyos.

Nobyembre 7, 2017

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.