Sa Pagganap Lamang Nang Maayos sa Tungkulin ng Isang Nilalang Mayroong Halaga ang Buhay (Unang Bahagi)

Kayong lahat ay abala ngayon sa pagganap ng inyong mga tungkulin, nagsasanay na mangaral at magpatotoo sa salita ng Diyos, at sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Maging paggawa man ito ng mga pelikula o pag-awit ng mga himno upang magpatotoo para sa Diyos, ang mga tungkulin bang ginagampanan ninyo ay may halaga sa tiwaling sangkatauhan? (Oo.) Nasaan ang halaga ng mga ito? Ang halaga ng mga ito ay nasa pagtulong sa mga taong makapagsimula sa tamang landas pagkatapos nilang makita ang mga salita at katotohanang ito na ipinahayag ng Diyos, at sa pagtulong sa mga tao na maintindihan na sila ay bahagi ng sangnilikha, at na dapat silang lumapit sa harapan ng Lumikha. Maraming tao ang hindi nakaiintindi o nakauunawa sa maraming bagay na kanilang hinaharap. Pakiramdam nila ay wala silang magawa at na ang buhay ay walang kabuluhan at hungkag, at na wala silang suportang espirituwal. Ano ang pinagmumulan ng lahat ng ito? Ang sagot sa lahat ng ito ay nasa salita ng Diyos. Sa paglipas ng mga taon ng pananampalataya ninyo sa Diyos, nabasa na ninyong lahat ang marami sa Kanyang salita at naunawaan na ninyo ang ilang katotohanan, kaya nga ang tungkuling dapat ninyong tuparin ay ang gamitin ang salita ng Diyos upang mabigyan sila ng kaliwanagan at maitama ang mga mali nilang kaisipan at pananaw, na magbibigay-kakayahan sa kanila na maunawaan ang katotohanang nasa salita ng Diyos at mahalata ang kadiliman at kasamaan ng mundo, at tutulong sa kanilang hanapin ang tunay na daan, mahanap ang Lumikha, marinig ang tinig ng Diyos, at mabasa ang Kanyang mga salita. Hahayaan sila nitong maunawaan ang ilang katotohanan at makita ang gawain ng pagliligtas na ginagawa ng Diyos, upang maaari silang bumaling sa Kanya at tanggapin ang Kanyang gawain. Iyon ang mismong tungkulin na dapat ninyong gampanan. Alam ninyong lahat sa inyong puso kung gaano karaming katotohanan ang naunawaan na ninyo at kung gaano karaming problema ang nalutas na ninyo mula ng manampalataya kayo sa Diyos. Sa kasalukuyan, maraming tao, kapwa relihiyoso at di-mananampalataya, ang naghahanap sa tunay na daan at naghahanap sa Tagapagligtas. Hindi nila alam ang mga sagot sa mga partikular na katanungan katulad ng kung bakit nabubuhay at namamatay ang mga tao, kung ano ang halaga ng buhay ng isang tao, o kung saan nanggaling ang mga tao at saan sila patungo. Hinihintay nila kayong mangaral ng ebanghelyo at magpatotoo para sa Diyos, at na dalhin sila sa harapan ng Lumikha—kaya nga ang mga tungkuling ginagampanan ninyo ngayon ay napakamakabuluhan! Sa isang banda, nararanasan ninyo mismo ang gawain ng Diyos, at sa kabilang banda naman, nagpapatotoo rin kayo sa iba tungkol sa gawain ng Diyos. Habang mas nararanasan ninyo ito, mas maraming katotohanan ang kailangan ninyong maunawaan at mataglay, at mas maraming gawain ang kailangan ninyong gawin. Ito ay isang napakagandang pagkakataon para maperpekto ng Diyos ang mga tao. Dapat kayong manalangin sa Diyos at bumaling sa Diyos anumang mga paghihirap ang makatagpo ninyo kapag ginagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin; kapag lalo pang magkakasamang binabasa ng lahat ang salita ng Diyos at hinahanap ang katotohanan, walang suliraning hindi kayang malutas. Maraming katotohanan sa salita ng Diyos na kailangan ninyong maunawaan, kaya dapat ninyong mas madalas na pagnilayan at pagbahaginan ang mga ito, sa gayon, magkakaroon kayo ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Walang suliranin ang hindi kayang lutasin sa pamamagitan ng pagsandig sa Diyos, dapat kayong magkaroon ng pananampalataya rito.

Pagkatapos likhain ng Diyos itong sangkatauhan, bumuo Siya ng isang plano ng pamamahala. Sa nakalipas na ilang libong taon, ang sangkatauhang ito ay hindi nagpasan ng anumang malaking responsabilidad o atas na magpatotoo para sa Lumikha, at ang gawaing ginawa ng Diyos kasama ang sangkatauhan ay medyo tago at simple. Gayunpaman, sa mga huling araw, ang mga bagay-bagay ay hindi na katulad ng dati. Nagsimula nang bumigkas ng mga salita ang Lumikha. Nagpahayag na Siya ng napakaraming katotohanan, at ibinunyag na Niya ang mga misteryo ng Kanyang plano ng pamamahala, ngunit ang tiwaling sangkatauhan ay mapurol ang utak at manhid: Nakakakita ang mga tao ngunit hindi nakakaalam, at nakakarinig ngunit hindi nakakaunawa, na para bang ang puso nila ay tumigas na. Kaya nga, kayong lahat ay may napakalaking responsabilidad! Ano ang napakalaki tungkol dito? Bukod sa pagpapalaganap ng mga salita at katotohanang ito na ipinahayag ng Diyos, mas mahalaga pa rin na magpatotoo kayo para sa Lumikha sa bawat nilikhang tao, at na dalhin din ninyo ang lahat ng nilikhang taong iyon na nakarinig na sa ebanghelyo ng Diyos sa harapan ng Lumikha, upang maunawaan nila ang kahalagahan ng paglikha ng Diyos sa sangkatauhan, at maintindihan na bilang mga nilikhang tao, dapat silang bumalik sa harapan ng Diyos, makinig sa Kanyang mga pahayag, at tanggapin ang lahat ng katotohanang ipinahayag Niya. Ganito magagawa ang lahat ng tao na magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha. Posible bang makamit ang mga resultang ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng ilang sipi lamang mula sa salita ng Diyos? O sa pag-aaral na umawit ng iilang himno lamang? O sa paggawa ng isang aspeto lang ng gawain? Hindi. Kaya nga, kung gusto ninyong maayos na magampanan ang mga tungkulin ninyo, kailangan ninyong patotohanan ang mga pagkilos ng Lumikha at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos gamit ang iba’t ibang pamamaraan at magkakaibang kaanyuan. Sa ganitong paraan, makakapagdala kayo ng mas maraming tao sa harapan ng Lumikha at matutulungan ninyo silang tumanggap at magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Hindi ba’t isa itong napakalaking responsabilidad? (Oo.) Kung ganoon, ano dapat ang inyong maging saloobin sa inyong mga tungkulin? Ayos lang bang maging magulo ang isip? Ayos lang ba na ipagsawalang-bahala ang mga bagay-bagay? Ayos lang ba na gawin ang mga bagay-bagay nang walang kasigasigan at walang interes? Ang magpaliban at pabasta-basta lang gawin ang mga bagay-bagay? (Hindi.) Ano ang dapat ninyong gawin kung gayon? (Buong-pusong ilaan ang sarili.) Dapat ninyong buong-pusong ilaan ang inyong sarili gamit ang anumang kaliit-liitang enerhiya, karanasan, at kabatirang mayroon kayo. Hindi naiintindihan ng mga di-mananampalataya kung ano ang pinakamakabuluhang bagay na magagawa ng isang tao sa kanyang buhay, ngunit may naiintindihan kayo tungkol dito, hindi ba? (Oo.) Ang pagtanggap sa kung ano ang ipinagkatiwala sa inyo ng Diyos at ang pagtupad sa inyong sariling misyon—ito ang mga pinakaimportanteng bagay. Ang mga tungkuling ginagampanan ninyo ngayon ay mahalaga! Maaaring hindi mo nakikita ang mga epekto sa ngayon, at maaaring hindi ka nakakakuha ng magagandang resulta mula sa mga ito sa ngayon, ngunit hindi magtatagal ay magbubunga ang mga ito. Sa katagalan, kapag maayos na ginawa ang gawaing ito, hindi matutumbasan ng pera ang kontribusyon na magagawa nito sa sangkatauhan. Ang mga ganoong tunay na patotoo ay mas mamahalin at mahalaga pa kaysa anumang bagay, at ang mga ito ay mananatili magpasawalang-hanggan. Ito ang mabubuting gawa ng bawat taong sumusunod sa Diyos, at ang mga ito ay karapat-dapat na gunitain. Ang lahat ng bagay sa buhay ng tao ay walang saysay at hindi karapat-dapat gunitain, maliban na lang sa pananampalataya sa Diyos, paghahangad sa katotohanan, at pagtupad sa kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Kahit pa nagawa mo na ang pinakakamangha-manghang tagumpay; kahit pa nakapunta at nakabalik ka na mula sa Buwan; kahit pa nakagawa ka na ng mga pagsulong sa siyensya na nakapagbigay ng ilang kapakinabangan o tulong sa sangkatauhan, ito ay walang saysay at ang lahat ng ito ay lilipas. Ano ang tanging bagay na hindi lilipas? (Ang salita ng Diyos.) Tanging ang salita ng Diyos, ang mga patotoo sa Diyos, ang lahat ng patotoo at gawaing nagpapatotoo para sa Lumikha, at ang mabubuting gawa ng mga tao ang hindi lilipas. Ang mga ito ay mananatili magpakailanman, at ang mga ito ay napakahalaga. Kaya nga, iwaksi ninyo ang lahat ng inyong limitasyon, isagawa ninyo ang matinding pagsusumikap na ito, at huwag ninyong hayaan ang inyong sarili na mahadlangan ng kung sinumang mga tao, at anumang mga pangyayari, at mga bagay; buong-puso ninyong igugol ang inyong sarili para sa Diyos, at ibuhos ang lahat ng inyong enerhiya at pagsisikap sa pagganap ng inyong mga tungkulin. Ito ang bagay na pinakapinagpapala ng Diyos sa lahat, at sulit ito gaano man karami ang paghihirap!

Sinusunod mo na ngayon ang Diyos, nakikinig ka sa salita ng Diyos, at tinatanggap mo ang atas ng Lumikha. Medyo mahirap at nakakapagod ito kung minsan, at kung minsan ay nakakatanggap ka ng kaunting kahihiyan at pagpipino; ngunit ang mga ito ay mabubuting bagay, hindi masasamang bagay. Ano ba ang makukuha mo sa huli? Ang makukuha mo ay ang katotohanan at ang buhay, at higit sa lahat, ang masang-ayunan ka at mapagtibay ng Lumikha. Ang sabi ng Diyos, “Sundan mo Ako, at Ako ay papabor sa iyo, at Ako ay malulugod sa iyo.” Kung walang ibang sinasabi ang Diyos maliban sa ikaw ay isang nilalang sa Kanyang mga mata, hindi ka namumuhay nang walang kabuluhan, at ikaw ay kapaki-pakinabang. Nakamamangha ang kilalanin ng Diyos sa ganitong paraan, at ito ay hindi isang maliit na tagumpay. Kung susunod ang mga tao kay Satanas, ano ang makukuha nila? (Pagkawasak.) Bago sila wasakin, ano ang mangyayari sa mga taong iyon? (Magiging mga demonyo sila.) Ang mga taong iyon ay magiging mga demonyo. Gaano man karaming kakayahan ang matutuhan ng mga tao, gaano man karaming pera ang kitain nila, gaano man kalaking kasikatan at kayamanan ang magkaroon sila, gaano man karaming materyal na benepisyo ang matamasa nila, o gaano man kataas ang estado nila sa sekular na mundo, sa kaloob-looban, lalo at lalo silang magiging tiwali, lalo at lalong masama at marumi, lalo at lalong mapagrebelde at mapagpaimbabaw, at sa huli, sila ay magiging mga buhay na multo—sila ay magiging hindi tao. Ano nga ba ang tingin ng Lumikha sa mga ganoong tao? Basta na lang “hindi tao,” at iyon na iyon? Ano ang pananaw at saloobin ng Lumikha sa ganoong tao? Ito ay pag-ayaw, pagkasuklam, pagkapoot, pagtanggi, at sa huli ay mga pagsumpa, pagpaparusa, at pagwasak. Ang mga tao ay naglalakad sa magkakaibang landas at humahantong sa magkakaibang kahihinatnan. Aling landas ang inyong pipiliin? (Ang manampalataya sa Diyos at sumunod sa Kanya.) Ang pagpiling sumunod sa Diyos ay ang pagpili sa tamang landas: Ito ay pagtahak sa landas ng liwanag. Kung nais ng mga tao na magkaroon ng kapaki-pakinabang at makabuluhang buhay, na magkaroon ng malinis na konsiyensiya, at tunay na makabalik sa harapan ng Lumikha at manatili sa Kanyang tabi, kailangan nilang buong-pusong ilaan ang kanilang sarili, palugurin at paluwalhatian ang Diyos sa pamamagitan ng pagganap sa kanilang mga tungkulin bilang mga nilikha—hindi sila maaaring maging walang kasigasigan. Dapat mong sabihin, “Sa buong buhay ko at sa mundong ito, hindi ako umaasang magkaroon ng kayamanan, na maging kapansin-pansin, o na magbigay ng karangalan sa aking mga ninuno, na maging higit sa aking kapwa, o na tingalain—hindi ako makikipaglaban para sa mga bagay na ito. Hindi ko tatahakin ang landas na iyon. Susunod lang ako sa Diyos at ilalaan ko ang buhay ko, ang enerhiya ko, at ang anumang mga kakayahan, kaloob, at talentong mayroon ako, sa pagganap ng aking tungkulin, ilalaan ko ang lahat ng iyon sa Diyos. Sa panahong ito, kahit pa tanggihan ako ng iba at kung minsan ay iwasto ako at tabasan, o hindi maunawaan ng aking mga kapatid; o kung pinuhin at subukin ako ng Diyos, at labis na pagdusahin; o kung wala akong mga kasiyahan ng laman sa buhay na ito at mauwi akong nag-iisa at pinabayaan—tinatanggap ko ang lahat ng ito at inaalay ko ang buong buhay ko sa Diyos.” Ito ang kaloobang kailangan mayroon kayo! Kung may kaloobang katulad nito, matitiis ng isang tao ang maraming paghihirap, ngunit kung wala ito, kung ang isang tao ay mayroon lamang pagnanais o isang biglaang bugso ng kasigasigan, hindi ito uubra: Walang motibasyon. Kapag abala sa kanilang mga tungkulin, nalalaktawan ng ilang tao ang pagkain at nababawasan ang kanilang tulog, at kapag nakita nila na hindi sila maayos tingnan, iniisip nila, “Hindi ito tama. Gaano man ako kaabala, kailangan kong magpahinga; hindi ako dapat tumanda nang maaga, at hindi ako dapat magtiis ng napakaraming paghihirap. Mahalaga na ingatan ko ang aking kalusugan.” Ano ang palagay ninyo sa mga ganitong kaisipan? Ang mga ito ay walang pakialam sa kalooban ng Diyos. Mas pinahahalagahan nila ang laman kaysa sa sarili nilang tungkulin at sa atas ng Diyos; makatikim lang ng kaunting paghihirap, nawawalan na sila ng gana, at sumusuko sila na parang isang pagong na iniuurong ang ulo nito at nagsisimula silang magreklamo; hindi nila kayang alalahanin ang mga bagay na ipinag-aalala ng Diyos, at hindi nila kayang isipin ang mga bagay na iniisip ng Diyos, wala silang pakialam sa kalooban ng Diyos. Kung sasabihin ng isang lider na inaapura ang isang gampanin, ang mga taong katulad nito ay sasagot ng, “Wala akong pakialam diyan, at ayoko ng abala. Hindi ako interesado.” May nabubuhay bang ganoong mga tao? (Oo, mayroon.) Ang mga ganoong tao ay makasarili, kasuklam-suklam, at taksil. Nandaraya sila, at hindi sila mapagkakatiwalaan, at hindi sila mga taong taos-pusong nag-aasam sa Diyos. Sasabihin din nila na inalay na nila ang kanilang sarili sa Diyos, ngunit ang mga ito ay pawang mga salita lamang—hindi sila nagsasagawa ng anumang mga praktikal na bagay, hindi sila nagdurusa ni katiting na paghihirap, o nagbabayad ng pinakamaliit na halaga. Hindi nagagalak ang Diyos sa mga ganitong tao, at wala sa kanila ang Kanyang pagpapala. Ang ilang tao ay umaayaw na gampanan ang kanilang mga tungkulin sa oras na magdusa nang kaunti ang kanilang laman. Ang mga kabataan, sa partikular, ay lubhang nag-aalala tungkol sa kanilang hitsura at nalulungkot kapag nakikita nila na ang mukha nila ay hapis, na hindi na makinis ang kanilang balat, o kapag nakahanap sila ng uban. Palagi silang nag-aalala na tumanda at pumangit, na hindi magkaroon ng kapareha, o na hindi makapagsimula ng pamilya. Makakamit ba ng mga ganoong tao ang katotohanan? Ano ang prinsipyo ng Diyos sa paghatol kung ang mga tao ay kaya bang magbayad ng halaga sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at kung ginagampanan ba nila ang kanilang mga tungkulin nang abot sa katanggap-tanggap na pamantayan? Gusto lamang makita ng Diyos ang katapatan ng mga tao. Kung minsan ay iniisip ng tao, “Ihahandog ko na lang ang puso ko, at magiging sapat na iyon,” subalit nagpapatuloy sila sa paggawa ng anumang karaniwan nilang ginagawa, nang hindi nagbabago ni katiting man lang. Paano ba isinasaalang-alang ng Diyos ang bagay na ito? Sa isang banda, titingnan ng Diyos ang iyong mga mithiin, at sa kabilang banda naman, titingnan Niya ang iyong tunay na mga kilos. Susuriin ng Diyos ang mga ito. Kung taglay mo ang paghahangad at kagustuhan at kasabay nito ay talagang nakakapagbayad ka rin ng halaga, kahit na may mga panahong mahina ka, makikita ng Diyos na ang puso mo ay tunay ngang hindi pa sumusuko, at na ito ay patuloy pa ring nagsusumikap, at na mahal mo ang katotohanan, pagkakapantay-pantay, pagiging matuwid, at mga positibong bagay, at hindi ka Niya pababayaan. Ang ilang tao ay napakaayos magsalita, ngunit ang puso nila ay hindi naaantig; hindi nila isinasagawa ni katiting na katotohanan, at ang tanging ginagawa nila ay ang subukang linlangin ang iba. Wala silang ibang pagpipilian kundi ang magsalita nang ganito, ganito nila pinakikitunguhan ang mga tao sa paligid nila. Maaaring magmukha silang medyo kagalang-galang, ngunit ang totoo, hindi sila handang kumilos. Kumilos man sila, hindi nila isinasagawa ang sinasabi nila. Sa halip, ginagawa nila ang anumang gusto nila, anuman ang mabuti para sa kanila, anumang mangangalaga sa kanila. Hindi ba’t magkaiba ang kanilang mga sinasabi at mga ginagawa? Nakikita ba ng Diyos ang pagkakaibang ito? Nagsisiyasat ang Diyos, at tunay ngang nakikita Niya ito. Ang ilang tao ay mapanlinlang at gumagawa ng maliliit na pandaraya. Iniisip nila na hindi alam ng Diyos, na wala Siyang pakialam o nakikita. Iyon nga ba talaga ang kaso? Paano ba pinakikitunguhan ng Diyos ang matatapat na tao at ang mga gumagawa ng maliliit na pandaraya? Nakikita ba ninyo ang pagkakaiba ng pagtrato ng Diyos sa dalawang uring ito ng mga tao? (Pinagpapala ng Diyos ang matatapat at kinasusuklaman ang mga mapanlinlang.) Paano pinagpapala ng Diyos ang matatapat na tao? Ano ang palagay ninyo sa pagkakaroon ng matatapat na tao ng pagpapala ng Diyos? (Ang matatapat na tao ay nakakakuha ng mga resulta sa kanilang mga tungkulin.) (Binibigyang-liwanag ng Diyos ang matatapat na tao, at madali para sa matatapat na tao na maintindihan ang katotohanan at makapasok sa realidad.) (Minamahal at pinagmamalasakitan ng Diyos ang matatapat na tao, at tanging ang matatapat lamang ang makakapasok sa kaharian ng Diyos.) Ang lahat ng pahayag na ito ay tama, at ang mga ito ay pagpapala ng Diyos sa matatapat na tao. Hindi pa ba ninyo nakikita ang pagkakaiba at ang saloobin ng Diyos sa Kanyang pagtrato sa magkakaibang tao at sa mga taong tumatahak sa magkakaibang landas? Ang matatapat na tao ay gumagawa rin ng mga kahangalan at nakararanas din ng kahinaan; ngunit mayroon silang kaliwanagan at gabay ng Diyos, tinatamasa nila ang Kanyang proteksyon, at nakikita nila ang Kanyang mga pagpapala saanman. Dinidisiplina, tinatabasan, at iwinawasto sila ng Diyos, o sinusubok at pinipino sila, upang mapabago sila at mapalago. Ang mga taong palaging nandaraya sa kanilang mga salita at mga kilos, at na palaging umiilag at umiiwas sa responsabilidad sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, ay ang mga hindi tinatanggap ang katotohanan ni kaunti man. Hindi nila taglay ang gawain ng Banal na Espiritu, na katulad ng pamumuhay sa isang kumunoy, sa kadiliman. Gaano man sila mangapa, gaano man sila magsumikap, hindi sila makakakita ng liwanag ni makahahanap ng direksiyon. Ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang walang inspirasyon at nang walang patnubay ng Diyos, hindi sila makasulong sa maraming bagay, at hindi sinasadyang nalalantad sila habang gumagawa ng ilang bagay. Ano ang layunin ng paglalantad sa kanila? Ito ay ang makilatis sila ng lahat at makita ng mga ito kung anong uri ng tao sila. Sa katunayan, ang mga uring ito ng tao ay lahat mga tagapagserbisyo. Pagkatapos nilang magserbisyo, nang hindi dumaraan sa anumang tunay na pagbabago, magsisimula silang malantad at mapalayas. Ang mga gumawa ng lahat ng klase ng masasamang gawa ay parurusahan at, katulad ng mga hindi mananampalataya, mamamatay sila sa lahat ng klase ng kakila-kilabot na kamatayan. Ang ilang tao ay nagsalita ng lapastangan at mapangahas na mga salita, at dahil dito ay ayaw na sa kanila ng Diyos, at inihahatid Niya sila kay Satanas. Ang paghahatid ba sa kanila kay Satanas ay maaari pa ring magbigay ng magagandang resulta? Kapag wala ang pag-iingat ng Diyos, pahihirapan sila ni Satanas at gagawan sila ng masama; sasaniban sila ng mga demonyo, magmumukha silang multo, hanggang sa mamatay sila sa pagpapahirap ng masasamang espiritu. Hindi ba’t tinatrato ng Diyos sa magkakaibang paraan ang iba’t ibang tao? Kapag gumagawa ang Diyos sa mga tao, inaantig Niya sila, binibigyan sila ng kaliwanagan at patnubay, at binabago ang lagay ng kanilang kalooban. Gusto ng mabubuting tao na lalo at lalo pang maging tapat, sapagkat tanging sa pagiging tapat lamang nila magagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin at matatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Sa pamamagitan ng pagiging tapat lamang nila makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu at patuloy na mapagninilayan ang kanilang sarili, hindi magrerebelde sa Diyos, magpapasakop sa Diyos sa anumang mga nangyayari sa kanila, at hahanapin at pagsisikapan ang katotohanan sa lahat ng bagay. Ito ang mismong hinihingi ng Diyos sa mga tao, at kapag natupad na nila ang Kanyang mga hinihingi, gumagawa Siya sa kanila, binibigyan Niya sila ng liwanag, tinatanglawan sila, pinapatnubayan sila, at pinagpapala sila. Isinasantabi ng Diyos ang mga taong nayayamot at namumuhi sa katotohanan. Paano tinatrato ng Diyos ang malulupit at masasamang tao na gumagawa ng lahat ng klase ng masasamang gawa at na palaging nanggugulo at nanggagambala sa gawain ng iglesia? Ilalantad sila ng Diyos at ihahatid kay Satanas. Magsisimula silang magdulot ng mga problema at ihayag ang kanilang tunay na mukha, di-sinasadyang makapagsasabi sila ng masasama at negatibong mga bagay, at maghahasik ng hidwaan, kumikilos na parang mga payaso. Gagawa sila ng maraming masasamang bagay, na magdudulot ng mga pagkakagulo at pagkagambala sa iglesia, at kapag naiintindihan ng mga hinirang na tao ng Diyos ang katotohanan, at nakikilala at nailalantad sila ng mga ito, paaalisin sila at ititiwalag. Ito ba ay sarili nilang desisyon? (Hindi.) Ito ang nangyayari sa mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan at hindi gumaganap sa kanilang mga nauukol na tungkulin. Kapag hindi tumatahak sa tamang landas ang mga tao, kung ihahatid sila ng Diyos kay Satanas at sa mga kampon nitong demonyo, sila ay ganap nang wasak at tuluyan nang iniwanan. Kapag nalantad na sila, mag-iisip sila, “Ano ang nangyayari? Nagdulot ba ako ng gulo? Nanggambala ba ako, gumawa ba ako ng kaguluhan? Bakit hindi ko ito namalayan?” Sinusuri ng Diyos ang lahat, at kung nagsasaayos Siya ng mga kapaligiran upang ilantad sila at paalisin sila, napakabilis iyong mangyayari. Posible na pagkatapos ng isa o dalawang pangyayari, mapapatunayan silang masasamang tao, at itatrato sila nang nararapat. May ilang bagay na personal na inaasikaso ng Diyos, at may ibang mga bagay na ginagawa Niya gamit ang mabababang demonyo, si Satanas, o ang masasamang espiritu upang magserbisyo sa Kanya. Sa isang banda, pineperpekto at pinapatibay Niya ang mga hinirang na tao ng Diyos; sa isa namang banda, inilalantad at pinapalayas Niya ang masasamang tao. Kung sinusukat mo ito gamit ang iyong mga haka-haka at iniisip mo na hindi ito isang bagay na ginagawa ng Diyos, na hindi Siya gumagawa ng mga ganoong bagay, na hindi Siya ang nangangasiwa sa mga ito, hindi ba’t mali iyon? Lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at malalaman ninyo ito kapag naranasan na ninyo ito.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.