Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos (Ikalawang Bahagi)
Ang palaging paghingi sa Diyos ay bahagi ng kalikasan ng tao, at dapat ninyong suriin ang kalikasang ito ayon sa salita ng Diyos. Paano mo ito dapat suriin? Ang unang hakbang ay maging malinaw tungkol sa kung aling mga hindi makatwirang hinihingi, at kung aling mga labis na pagnanasa ang mayroon ang mga tao patungkol sa Diyos, at dapat mong suriin ang bawat isa sa mga ito: Bakit humihingi nang ganoon ang mga tao? Ano ang kanilang motibo? Ano ang kanilang layon? Kapag mas maingat mong sinusuri ito sa ganitong paraan, mas mauunawaan mo ang sarili mong kalikasan, at mas magiging detalyado ang pag-unawang iyon. Kung hindi mo ito detalyadong susuriin, kundi nalalaman lang na ang mga tao ay hindi dapat humingi sa Diyos, na nauunawaan lamang na ang paghingi sa Diyos ay hindi makatwiran, at iyon lang, sa huli ay hindi ka uunlad, at hindi ka magbabago. Sinasabi ng ilang tao: “Marami kaming hinihingi sa Diyos dahil masyado kaming makasarili. Ano ang dapat naming gawin?” Natural na dapat maunawaan ng mga tao ang katotohanan at alamin ang diwa ng pagiging makasarili. Kapag tunay mong nauunawaan ang diwa ng pagiging makasarili ng tao, malalaman mo kung ano ang kulang sa iyo; ang nakatatakot ay kung hindi ito naiintindihan ng mga tao. Madaling makilala ang mga halatang magarbo o hindi makatwirang hinihingi sa pamamagitan ng pagsusuri, at posibleng kamuhian ang iyong sarili. Minsan ay maaaring isipin mong makatwiran at patas ang iyong mga hinihingi, at dahil sa tingin mo ay makatwiran ito at sa tingin mo ay ganoon dapat ang mga bagay-bagay, at dahil ganoon din ang mga hinihingi ng iba, maaaring para sa iyo ay mukhang hindi labis ang iyong mga hinihingi, kundi may katwiran at natural. Ipinapakita nito na wala ka pa ring katotohanan, kaya naman hindi mo malinaw na maunawaan ang mga ito. Narito ang isang halimbawa: Ipagpalagay na mayroong isang tao na maraming taon nang sumusunod sa Diyos, at nagdusa nang husto sa maraming unos at hamon. Palaging mukhang wasto ang pag-uugali niya, at tila maayos siya pagdating sa kanyang pagkatao, kanyang pagdurusa, at kanyang debosyon sa Diyos. Medyo may konsiyensiya pa nga siya, handang suklian ang pagmamahal ng Diyos, at karaniwang alam na maingat na humakbang habang isinasagawa ang kanyang gawain. Kalaunan, natuklasan Kong ang lalaking ito ay nagsasalita nang malinaw at maganda, ngunit hindi siya masunurin kahit kaunti, kaya pinalitan Ko siya at iniutos na huwag na siyang gamitin muli sa hinaharap. Siya ay nagtrabaho para sa iglesia sa loob ng ilang taon, at nagdusa nang husto, ngunit sa huli ay pinalitan siya. Higit pa rito, hindi Ko nalutas ang ilan sa kanyang mga praktikal na paghihirap. Ano ang iisipin ng mga tao sa ganitong sitwasyon? Una, maraming tao ang magtatanggol sa kanya at sasabihing, “Hindi tama iyon. Sa mga ganitong sitwasyon, dapat siyang pakitaan ng Diyos ng dakilang awa at biyaya, dahil mahal niya ang Diyos, at gumugugol siya para sa Kanya. Kung ang isang tulad niya, na nananalig sa Diyos sa loob ng maraming taon, ay maaaring palayasin, ano pang pag-asa ang mayroon ang mga bagong mananampalataya tulad namin?” Narito na naman ang mga hinihingi ng mga tao, palaging umaasa na pagpapalain ng Diyos ang taong iyon, at hahayaan siyang manatili, habang iniisip pa rin: “Tama ang naging pagtrato ng taong iyon sa Diyos, hindi siya dapat pabayaan ng Diyos!” Napakarami sa mga hinihingi ng mga tao sa Diyos ay nagmumula sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Sinusukat ng mga tao kung ano ang dapat ibigay ng Diyos sa mga tao, at kung paano Niya sila dapat tratuhin ayon sa mga pamantayan ng konsiyensiya para sa kung ano ang patas at makatwiran sa mga tao, ngunit paano ito naaayon sa katotohanan? Bakit Ko sinasabi na ang lahat ng hinihingi ng sangkatauhan ay hindi makatwiran? Dahil ito ang mga pamantayan na hinihingi ng mga tao sa ibang tao. Nasa tao ba ang katotohanan? Nahahalata ba nila ang diwa ng tao? Hinihingi ng ilang tao na tratuhin ng Diyos ang mga tao ayon sa pamantayan ng konsiyensiya, isinasama ang Diyos sa pamantayang hinihingi sa mga tao. Hindi ito naaayon sa katotohanan, at hindi ito makatwiran. Nagagawa ng mga taong magtiis pagdating sa ilang maliliit na bagay, ngunit maaaring hindi nila makayanan kapag natukoy na sa huli ang kanilang kahihinatnan. Lalabas ang kanilang mga hinihingi, at mamumutawi ang mga salita ng reklamo at pagkondena sa kanilang bibig nang walang pagpipigil, at magsisimula silang ipakita ang kanilang tunay na mga kulay. Sa oras na iyon, malalaman nila ang kanilang sariling kalikasan. Palaging humihingi ang mga tao sa Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao at sa sarili nilang kalooban, at marami silang hinihinging ganito. Maaaring hindi ninyo karaniwang napapansin, at iniisip na ang paminsan-minsang pagdarasal sa Diyos para sa isang bagay ay hindi maituturing na paghingi, ngunit ang totoo, ipinapakita ng maingat na pagsusuri na hindi makatwiran, walang katuturan, at katawa-tawa pa nga ang maraming hinihingi ng tao. Hindi mo nakilala ang kalubhaan ng bagay na ito noon, ngunit unti-unti mo itong malalaman sa hinaharap, at pagkatapos ay magkakaroon ka ng tunay na pagkaunawa sa iyong sariling kalikasan. Unti-unti, ang karanasan ay magdadala sa iyo ng kaalaman at pagkakilala sa iyong kalikasan, at, kasama ng pagbabahaginan sa katotohanan, malalaman mo ito nang malinaw—kung magkagayon ay makapapasok ka na sa katotohanan sa bagay na ito. Kapag tunay mong naiintindihan nang malinaw ang kalikasang diwa ng tao, magbabago ang iyong disposisyon, at pagkatapos ay makakamtan mo ang katotohanan.
Wala nang mas mahirap pang harapin kaysa sa palaging paghingi ng mga tao sa Diyos. Sa sandaling ang mga kilos ng Diyos ay hindi umaayon sa iyong pag-iisip, o hindi naisakatuparan ang mga ito ayon sa iyong pag-iisip, malamang na lumaban ka—na sapat para maipakita na, sa kalikasan, lumalaban ka sa Diyos. Makikilala lang ang suliraning ito sa pamamagitan ng palaging pagninilay sa sarili at pagkakamit ng pagkaunawa sa katotohanan, at ganap na malulutas lang ito sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, marami silang hinihingi sa Diyos, samantalang kapag tunay nilang nauunawaan ang katotohanan, wala silang hinihingi; nararamdaman lamang nila na hindi sila lubos na nakapagbigay-lugod sa Diyos, na hindi sila lubos na nakasusunod sa Diyos. Sinasalamin ng laging paghingi ng mga tao sa Diyos ang kanilang tiwaling kalikasan. Kung hindi mo magagawang kilalanin ang iyong sarili at tunay na magsisi kaugnay ng bagay na ito, mahaharap ka sa mga nakatagong panganib at peligro sa iyong landas ng pananalig sa Diyos. Nagagawa mong pagtagumpayan ang mga ordinaryong bagay, subalit kapag nasasangkot ang mahahalagang bagay tulad ng iyong kapalaran, mga adhikain, at patutunguhan, marahil ay hindi mo magagawang mapagtagumpayan ang mga ito. Sa oras na iyon, kung wala pa rin ang katotohanan sa iyo, maaaring muli kang mahulog sa mga dati mong paraan, at kung magkagayon, magiging isa ka sa mga nawasak. Maraming tao ang noon pa man ay sumusunod at nananalig na sa ganitong paraan; maganda ang pag-uugali nila sa panahong sumusunod sila sa Diyos, ngunit hindi nito matutukoy kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ito ay dahil hindi mo kailanman alam ang kahinaan ng tao, o ang mga bagay na nasa kalikasan ng tao na maaaring sumalungat sa Diyos, at bago ka nila dalhin sa kapahamakan, nananatili kang mangmang sa mga bagay na ito. Dahil ang usapin ng iyong kalikasan na sumasalungat sa Diyos ay hindi nalulutas, inihahanda ka nito sa kapahamakan, at posible na kapag natapos na ang iyong paglalakbay at natapos na ang gawain ng Diyos, gagawin mo ang pinakasumasalungat sa Diyos at magsasabi ka ng lumalapastangan sa Kanya, at sa gayon ay makokondena at mapapalayas ka. Sa huling sandali, sa pinakamapanganib na panahon, sinubukan ni Pedro na tumakas. Noong panahong iyon, hindi niya naunawaan ang kalooban ng Diyos, at nagplano siyang mabuhay at gawin ang gawain ng mga simbahan. Nang maglaon, nagpakita sa kanya si Jesus at nagsabi: “Ipapapako mo ba Akong muli para sa iyo?” Naunawaan ni Pedro ang kalooban ng Diyos, at mabilis siyang sumunod. Ipagpalagay na, sa sandaling iyon, mayroon siyang sariling mga hinihingi at sinabi, “Ayokong mamatay ngayon, natatakot ako sa sakit. Hindi ba’t ipinako Ka sa krus para sa aming kapakanan? Bakit Mo hinihiling na ako ay ipako sa krus? Maaari ba akong maligtas mula sa pagpako sa krus?” Kung humingi siya nang ganoon, nawalan sana ng kabuluhan ang landas na kanyang tinahak. Ngunit si Pedro ay isang taong sumusunod sa Diyos at hinahangad ang Kanyang kalooban noon pa man, at, sa huli, naunawaan niya ang kalooban ng Diyos at lubusang nagpasakop. Kung hindi hinangad ni Pedro ang kalooban ng Diyos at kumilos ayon sa kanyang sariling pag-iisip, maling landas sana ang natahak niya. Ang mga tao ay walang kakayahang direktang maunawaan ang kalooban ng Diyos, ngunit kung hindi sila susunod pagkatapos maunawaan ang katotohanan, ipinagkakanulo nila ang Diyos. Ibig sabihin, ang palaging paghingi ng mga tao sa Diyos ay nauugnay sa kanilang kalikasan: Kapag mas marami silang hinihingi, mas naghihimagsik at lumalaban sila, at mas marami silang kuru-kuro. Kapag mas marami ang hinihingi ng isang tao sa Diyos, mas malamang na magrerebelde, lalaban, at sasalungat pa nga ito sa Kanya. Marahil, isang araw, magagawa nitong pagtaksilan at iwanan ang Diyos. Kung nais mong lutasin ang problemang ito, kailangan mong maunawaan ang ilang aspekto ng katotohanan at magkaroon din ng praktikal na karanasan upang lubusan itong maunawaan at ganap na malutas.
Sa pagsukat kung masusunod ng mga tao ang Diyos o hindi, ang susi ay kung mayroon sila o walang anumang labis-labis na pagnanais o lihim na motibo sa Kanya. Kung laging humihiling ang mga tao sa Diyos, pinatutunayan nito na hindi sila masunurin sa Kanya. Anuman ang mangyari sa iyo, kung hindi mo ito tinatanggap mula sa Diyos, at hindi mo hinahanap ang katotohanan, at palagi kang nakikipagtalo para sa iyong sarili at palagi mong nadarama na ikaw lamang ang tama, at kung may kakayahan ka pa ngang pagdudahan na ang Diyos ang katotohanan at ang pagiging matuwid Niya, magkakaproblema ka. Ang mga gayong tao ang pinakamayabang at pinakasuwail sa Diyos. Ang mga taong palaging humihingi sa Diyos ay hindi tunay na makasusunod sa Kanya. Kung humihiling ka sa Diyos, pinatutunayan nito na sinusubukan mong makipagtawaran sa Diyos, na pinipili mo ang sarili mong kalooban, at kumikilos ka ayon dito. Dito, ipinagkakanulo mo ang Diyos, at walang pagsunod. Walang katuturan ang mismong paghingi sa Diyos; kung totoong naniniwala ka na Siya ang Diyos, hindi ka mangangahas na humiling sa Kanya, ni hindi mo mararamdamang karapat-dapat kang humingi sa Kanya, makatwiran man ang mga ito o hindi sa iyong palagay. Kung may totoo kang pananampalataya sa Diyos, at naniniwala na Siya ang Diyos, Siya lang ang sasambahin at susundin mo, wala nang ibang pagpipilian pa. Hindi lamang gumagawa ng sarili nilang mga pagpili ang mga tao ngayon, hinihingi pa nilang kumilos ang Diyos alinsunod sa sarili nilang kagustuhan. Hindi lamang nila hindi pinipiling sundin ang Diyos, hinihingi pa nilang sundin sila ng Diyos. Hindi ba’t napakawalang katwiran nito? Samakatuwid, kung walang totoong pananampalataya sa loob-loob ng isang tao, at walang malaking pananampalataya, hindi nila kailanman matatamo ang papuri ng Diyos. Kapag nagagawa na ng mga taong bawasan ang mga hinihingi nila sa Diyos, mayroon na silang mas totoong pananalig at pagsunod, at normal na kung ihahambing ang kanilang pangangatwiran. Madalas mangyari na kapag mas mahilig makipagtalo ang mga tao, at kapag mas marami silang pangangatwiran, mas mahirap silang pakitunguhan. Hindi lamang sila maraming hinihingi, kundi kung pagbibigyan mo sila, lalo pa silang hihingi. Kapag nasiyahan sila sa isang aspeto, hihingi pa sila sa isa pa. Kailangan silang masiyahan sa lahat ng aspeto, at kung hindi, nagsisimula silang magreklamo, at itinuturing ang mga bagay-bagay na walang pag-asa at kumikilos sila nang padalos-dalos. Pagkatapos, nakadarama sila ng pagkakautang at pagsisisi, at nananangis sila ng mapapait na luha, at ibig nang mamatay. Ano ang silbi niyon? Hindi ba’t sila ay nagiging hindi makatwiran at walang patumanggang nakayayamot? Ang magkakasunod na problemang ito ay kailangang malutas mula sa ugat. Kung ikaw ay mayroong tiwaling disposisyon at hindi mo ito nilulutas, kung naghihintay ka hanggang sa malagay ka sa gusot o magdulot ka ng sakuna bago lutasin ito, paano mo mapupunan ang mga pagkawalang ito? Hindi ba’t magiging para itong pagkandado sa pinto ng kuwadra matapos makatakas na ang kabayo? Samakatuwid, upang lubusang malutas ang problema ng iyong tiwaling disposisyon, dapat mong hanapin ang katotohanan para malutas ito sa unang pagkakataong lumitaw ito. Dapat mong lutasin ang tiwaling disposisyon sa pag-usbong pa lamang nito, nang sa gayon ay matiyak na hindi ka makagagawa ng anumang mali at maiiwasan ang mga gusot sa hinaharap. Kung ang tiwaling disposisyon ay nag-uugat at nagiging saloobin at pananaw ng isang tao, magagawa nitong diktahan ang tao na gumawa ng kasamaan. Samakatuwid, ang pagninilay sa sarili at pagkakilala sa sarili ay pangunahing tungkol sa pagtuklas sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao, at mabilis na paghahanap sa katotohanan para malutas ang mga ito. Dapat mong malaman kung anong mga bagay ang nasa likas na pagkatao mo, kung ano ang gusto mo, ano ang hinahangad mo, at ano ang gusto mong makamit. Dapat mong suriin ang mga bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos para makita kung ang mga ito ay naaayon sa kalooban ng Diyos, at sa paanong paraan mali ang mga ito. Kapag naunawaan mo na ang mga bagay na ito, dapat mong lutasin ang problema ng iyong hindi normal na katwiran, ibig sabihin, ang problema ng iyong hindi makatwiran at walang patumanggang pagkayamot. Hindi lamang ito problema ng iyong tiwaling disposisyon, nauugnay rin ito sa iyong kawalan ng katwiran. Lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa kanilang mga interes, ang mga taong nadadala ng pansariling interes ay hindi nagtataglay ng normal na katwiran. Isa itong problema sa pag-iisip, at ito rin ang kahinaan ng mga tao. Pakiramdam ng ilang tao ay mayroon silang partikular na kakayahan at ilang kaloob, at palagi nilang gustong maging mga lider at mamukod-tangi, kaya hinihiling nila sa Diyos na gamitin sila. Kung hindi sila ginagamit ng Diyos, sinasabi nila, “Paanong hindi ako pinapaboran ng Diyos? Diyos ko, kung gagamitin Mo po ako para makagawa ng isang mahalagang bagay, nangangako akong gugugol para sa Iyo!” Tama ba ang ganitong uri ng layunin? Mabuting bagay ang gumugol para sa Diyos, ngunit mayroong mga motibasyon sa likod ng kagustuhan nilang gumugol para sa Diyos. Ang tunay na gustong-gusto nila ay katayuan, at ito ang pinagtutuunan nila. Kapag ang mga tao ay may kakayahang tunay na sumunod, na tumatalima sa Diyos nang buong puso, ginagamit man sila o hindi ng Diyos, at gumugugol para sa Diyos mayroon man silang katayuan o wala, saka lang sila maituturing na nagtataglay ng katwiran at sumusunod sa Diyos. Mabuti kapag ang mga tao ay bukal sa loob na gumugugol para sa Diyos, at handa ang Diyos na gamitin ang ganitong mga tao, ngunit kung hindi sila nasasangkapan ng katotohanan, walang paraan ang Diyos para gamitin sila. Kung ang mga tao ay handang magsikap para sa katotohanan at makipagtulungan, dapat na magkaroon ng yugto ng paghahanda. Pormal lamang na magagamit ng Diyos ang mga tao kapag nauunawaan na nila ang katotohanan at kaya na nilang tunay na sumunod sa Diyos. Mahalaga ang yugtong ito ng pagsasanay. Ang mga lider at manggagawa sa kasalukuyan ay naritong lahat sa yugtong ito ng pagsasanay. Pagkatapos nilang magkaroon ng karanasan sa buhay at kaya na nilang mag-asikaso ng mga usapin nang may mga prinsipyo, magiging marapat na silang gamitin ng Diyos.
Ang mga bagay sa kalikasan ng tao ay hindi tulad ng ilang panlabas na pag-uugali, gawi, o kaisipan at ideya na maaari lamang harapin at iyon na iyon; dapat mailantad ang mga ito nang paunti-unti. Higit pa rito, hindi madali para sa mga tao na matukoy ang mga ito, at kahit pa matukoy ang mga ito, hindi madaling baguhin ang mga ito—ang paggawa nito ay nangangailangan ng sapat na malalim na pagkaunawa. Bakit palagi nating sinusuri ang kalikasan ng tao? Hindi ba ninyo naiintindihan kung ano ang ibig sabihin nito? Saan nagmumula ang mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Lahat ito ay nagmumula sa kanilang kalikasan, at lahat ito ay pinangingibabawan ng kanilang kalikasan. Bawat tiwaling disposisyon ng tao, bawat kaisipan at ideya, bawat layunin, lahat ay nauugnay sa kalikasan ng tao. Samakatuwid, sa pamamagitan ng paglalantad sa kalikasan ng tao, madaling malulutas ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Bagama’t hindi madaling baguhin ang kalikasan ng mga tao, kung matutukoy at makikilatis nila ang mga tiwaling disposisyon na kanilang inihahayag, at kung mahahanap nila ang katotohanan upang malutas ang mga ito, magagawa nilang unti-unting baguhin ang kanilang mga disposisyon. Sa sandaling nakamit na ng isang tao ang pagbabago sa kanyang buhay disposisyon, mababawasan nang mababawasan ang mga bagay sa loob nila na lumalaban sa Diyos. Ang layon ng pagsusuri sa kalikasan ng tao ay baguhin ang kanyang mga disposisyon. Hindi pa ninyo nauunawaan ang layong ito, at iniisip na sa pamamagitan lamang ng pagsusuri at pag-unawa sa inyong kalikasan ay masusunod na ninyo ang Diyos at maibabalik na ang inyong katwiran. Ang ginagawa lang ninyo ay pikit-matang naglalapat ng mga patakaran! Bakit hindi Ko na lang ilantad ang kayabangan at pagmamagaling ng mga tao? Bakit kailangan Ko ring suriin ang kanilang tiwaling kalikasan? Hindi malulutas ang problema kung ilalantad Ko lamang ang kanilang pagmamagaling at kayabangan. Ngunit kung susuriin Ko ang kanilang kalikasan, ang mga aspeto na saklaw nito ay napakalawak, at kabilang dito ang lahat ng tiwaling disposisyon. Ito ay higit pa sa makitid na sakop ng pagmamagaling, labis na pagpapahalaga sa sarili, at kayabangan. Higit pa rito ang kabilang sa kalikasan. Kaya, makabubuti kung makikilala ng mga tao kung gaano karaming tiwaling disposisyon ang kanilang inihahayag sa lahat ng iba’t ibang hinihingi nila sa Diyos, ibig sabihin, sa kanilang labis na pagnanasa. Sa sandaling maunawaan na ng mga tao ang kanilang sariling kalikasang diwa, magagawa na nilang hamakin at itatwa ang kanilang sarili; magiging madali na para sa kanila na lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at magkakaroon na sila ng landas. Kung hindi, hindi ninyo kailanman malalantad ang pinag-ugatan, at sasabihin lamang ninyo na ito ay pagmamagaling, kayabangan, o pagmamalaki, o kawalan ng katapatan. Malulutas ba ng pagtalakay lang sa gayong mabababaw na bagay ang inyong problema? May pangangailangan bang talakayin ang kalikasan ng tao? Sa simula, ano ang kalikasan nina Adan at Eba? Walang sinasadyang pagtutol sa kalooban nila, lalo na ang hayagang paghihimagsik. Hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng labanan ang Diyos, lalo na kung ano ang ibig sabihin ng pagsunod sa Kanya. Anuman ang ipinakalat ni Satanas, tinanggap nila sa kanilang puso. Ngayon ay ginawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan hanggang sa puntong kayang suwayin at labanan ng mga tao ang Diyos sa lahat ng bagay, at kaya nilang mag-isip ng lahat ng uri ng mga paraan upang salungatin Siya. Maliwanag na ang kalikasan ng tao ay katulad ng kay Satanas. Bakit Ko sinasabi na ang kalikasan ng tao ay ang kalikasan ni Satanas? Si Satanas ay yaong lumalaban sa Diyos, at dahil ang mga tao ay may satanikong kalikasan, sila ay kay Satanas. Bagamat maaaring ang mga tao ay hindi sinasadyang gumawa ng mga bagay upang labanan ang Diyos, dahil sa kanilang satanikong kalikasan, lahat ng kanilang iniisip ay lumalaban sa Diyos. Kahit pa ang mga tao ay walang gawin, nilalabanan pa rin nila ang Diyos, dahil ang panloob na diwa ng tao ay naging isang bagay na lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, ang tao sa kasalukuyan ay iba sa taong kalilikha pa lang. Walang paglaban o pagtataksil sa kalooban ng mga tao noon, puno sila ng buhay, at hindi pinangingibabawan ng anumang satanikong kalikasan. Kung walang pangingibabaw o panggugulo ng satanikong kalikasan sa kalooban ng mga tao, anuman ang gawin nila, hindi iyon maituturing na paglaban sa Diyos.
Ano ang kalikasan? Ang kalikasan ay ang diwa ng tao. Ang mga disposisyon ay mga bagay na nahahayag mula sa kalikasan ng isang tao, at ang pagbabago sa disposisyon ay nangangahulugan na ang tiwaling disposisyon ng isang tao ay nadalisay at napalitan na ng katotohanan. Ang nalalantad kung gayon ay hindi isang tiwaling disposisyon, kundi isang pagpapamalas ng normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas ang tao, ang tao ay naging pagsasakatawan ni Satanas, at ng uri ng satanikong bagay na lumalaban sa Diyos at ganap na may kakayahang ipagkanulo Siya. Bakit hinihingi ng Diyos na baguhin ng mga tao ang kanilang disposisyon? Dahil gusto ng Diyos na gawing perpekto at makamit ang mga tao, na sa wakas ay gumawa ng mga taong nagtataglay ng maraming karagdagang realidad ng pagkilala sa Diyos, at ng mga realidad ng lahat ng aspeto ng katotohanan. Ang mga taong tulad nito ay ganap na alinsunod sa kalooban ng Diyos. Noon, may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at nagkakamali o nagpapakita ng paglaban sa tuwing may ginagawa sila, ngunit ngayon ay nakauunawa na ang mga tao ng ilang katotohanan, at nakagagawa ng maraming bagay na naaayon sa kalooban ng Diyos. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na ang mga tao ay hindi nagtataksil sa Diyos. Nagagawa pa rin ito ng mga tao. Isang bahagi ng kung ano ang lumalabas mula sa kanilang kalikasan na maaaring mabago, at ang bahagi na maaaring magbago ay ang bahagi kung saan nakapagsasagawa ang mga tao alinsunod sa katotohanan. Ngunit hindi ibig sabihin na naisasagawa mo na ang katotohanan ay nagbago na ang kalikasan mo. Tulad ito ng kung paanong ang mga tao ay palaging may mga kuru-kuro at hinihingi sa Diyos noon, at ngayon sa maraming aspeto ay wala na—ngunit maaaring mayroon pa rin silang mga kuru-kuro o hinihingi sa ilang bagay, at nagagawa pa rin nilang ipagkanulo ang Diyos. Maaaring sabihin mo, “Kaya kong magpasakop sa anumang gawin ng Diyos, at sumunod sa maraming bagay nang walang reklamo at walang hinihingi,” ngunit magagawa mo pa ring ipagkanulo ang Diyos sa ilang bagay. Bagamat hindi mo sinasadyang lumaban sa Diyos, kapag hindi mo nauunawaan ang Kanyang kalooban, malalabanan mo pa rin ito. Kaya, ano ang ibig sabihin ng bahaging maaaring magbago? Iyon ay kapag nauunawaan mo ang kalooban ng Diyos, makasusunod ka, at kapag nauunawaan mo ang katotohanan, maisasagawa mo ito. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan o ang kalooban ng Diyos sa ilang bagay, may posibilidad pa rin na makapaglantad ka ng katiwalian. Kung naiintindihan mo ang katotohanan, ngunit hindi mo ito isinasagawa dahil napipigilan ka ng ilang bagay, pagkakanulo ito, at ito ay bagay na nasa iyong kalikasan. Siyempre, walang limitasyon sa kung gaano magbabago ang iyong disposisyon. Kapag mas maraming katotohanan ang iyong natatamo, ibig sabihin, kapag mas malalim ang pagkakilala mo sa Diyos, mas hindi mo Siya lalabanan at ipagkakanulo. Ang paghahangad na baguhin ang disposisyon ay pangunahing nakakamit sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan, at ang pag-unawa sa sariling kalikasang diwa ay nakakamit sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan. Kapag ang isang tao ay tunay na nakamit ang katotohanan, malulutas ang lahat ng kanyang problema.
Taglamig, 1999