Ang Landas ng Paglutas sa Isang Tiwaling Disposisyon (Unang Bahagi)
Anuman ang ginagawa mo, dapat mong matutuhang hanapin at magpasakop sa katotohanan; sinuman ang nag-aalok sa iyo ng payo, kung naaayon ito sa mga katotohanang prinsipyo, kahit pa nanggagaling ito sa isang maliit na bata, dapat mong tanggapin ito at magpasakop dito. Anuman ang mga suliraning mayroon ang isang tao, kung ang kanyang mga salita at payo ay ganap na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, dapat mong tanggapin kung gayon ang mga ito at magpasakop dito. Ang mga resulta ng pagkilos sa ganitong paraan ay magiging maganda at nakasunod sa kalooban ng Diyos. Ang susi ay ang suriin ang iyong mga motibo, at ang mga prinsipyo at pamamaraan sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay. Kung ang iyong mga prinsipyo at pamamaraan sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay ay nagmumula sa kalooban ng tao, mula sa mga kaisipan at haka-haka ng tao, o mula sa mga satanikong pilosopiya, kung gayon ay hindi praktikal ang mga prinsipyo at pamamaraang iyon, at malamang na hindi maging epektibo. Ito ay dahil sa ang pinagmulan ng mga prinsipyo at pamamaraan mo ay mali, at hindi nakaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ang mga pananaw mo ay batay sa mga katotohanang prinsipyo, at pinangangasiwaan mo ang mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon ay walang-dudang mapangangasiwaan mo ang mga ito nang tama. Kahit na sa panahong iyon ay hindi tinatanggap ng mga tao ang paraan mo ng pangangasiwa sa mga bagay-bagay, o kaya ay may mga haka-haka sila tungkol dito, o tumututol sila rito, paglipas ng ilang panahon ay mapapatunayang tama ka. Mas positibong namumunga ang mga bagay-bagay na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, habang ang mga bagay naman na hindi ay mas negatibo ang mga kinahihinatnan, kahit pa akma ang mga ito sa haka-haka ng mga tao nang mga panahong iyon. Tatanggap ng kumpirmasyon ang lahat ng mga tao tungkol dito. Hindi ka dapat sumailalim sa paglilimita ng tao sa anumang iyong ginagawa, at hindi ka dapat gumawa ng sarili mong mga pagpapasya; dapat ka munang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan, at pagkatapos ay magsiyasat at makipagbahaginan sa lahat tungkol sa bagay na iyon. Ano ang layon ng pagbabahaginan? Para ito magawa mo ang mga bagay-bagay nang ganap na naaayon sa kalooban ng Diyos at kumilos ayon sa kalooban ng Diyos. Medyo maganda ang pagkakasabi nito, at mahihirapan ang tao na makamit ito. Sa madaling salita, ito ay para magawa mo ang mga bagay-bagay nang naaayon mismo sa mga katotohanang prinsipyo. Mas konkreto ito. Kapag naabot ng isang tao ang pamantayang ito, isinasagawa niya ang katotohanan at sinusunod ang kalooban ng Diyos; nasa kanya ang katotohanang realidad at walang sinumang tututol rito.
Kapag naharap ka sa isang isyu, sa halip na makipagtalo, dapat mo munang isantabi ang iyong mga haka-haka, imahinasyon, at palagay—ito ang katinuan na dapat taglayin ng isang tao. Kung may isang bagay na hindi ko nauunawaan, at hindi ako eksperto sa larangang ito, sasangguni ako sa isang taong pamilyar sa paksang iyon. Pagkatapos sumangguni sa kanya, magkakaroon na ako ng pangunahing konsepto sa bagay na iyon. Gayunpaman, dapat kong hanapin kung paano ko mag-isang pangangasiwaan ang bagay na iyon, hindi ako maaaring lubos na makinig sa ibang tao, ni harapin iyon na nakabatay lamang sa sarili kong mga imahinasyon. Dapat kong hanapin kung paano kumilos sa paraang magiging kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba ito isang makatwirang paraan ng pagharap sa mga bagay-bagay? Hindi ba ito isang katwiran na dapat taglayin ng isang normal na tao? Tama ang paghahanap at paghingi ng payo sa ganitong paraan. Ipagpalagay nating marami kang alam sa isang partikular na larangan at sumangguni Ako sa iyo tungkol dito, pero pagkatapos, hinihingi mo na sumunod Ako sa sinabi mo at na gawin Ko ang plano mo—anong uri ng disposisyon iyan? Ito ay isang mapagmataas na disposisyon. Ngayon, ano kayang isang makatwirang paraan ang dapat mong gawin? Dapat mong sabihin: “Kakaunti ang nalalaman ko sa larangang ito, ngunit hindi ito nauugnay sa katotohanan. Ituring mo na lang ito na isang suhestiyon na puwedeng pag-isipan, pero para sa mga detalye kung paano kikilos, kailangan mong mas higit na sumangguni sa kalooban ng Diyos.” Kung humingi Ako ng payo sa iyo at sa tingin mo ay talagang nauunawaan mo ang bagay na ito, at itinuturing mong hindi pangkaraniwan ang iyong sarili, isa itong mapagmataas na disposisyon kung gayon. Ang isang mapagmataas na kalikasan ay maaaring magdulot sa iyo ng ganitong klaseng pagtugon at pagpapamalas—kapag may humihingi sa iyo ng payo, nawawala agad ang pagkamakatwiran mo; nawawala ang katwiran mo bilang isang normal na tao, at hindi mo kayang magbigay ng mga tamang paghatol. Kapag lumalabas ang isang tiwaling disposisyon mula sa isang tao, hindi normal ang katwiran niya. Samakatuwid, anuman ang mangyari sa iyo, kahit na humihingi ng payo sa iyo ang iba, hindi ka maaaring maging walang pakundangan at dapat kang magtaglay ng normal na katwiran. Ano ang normal na paraan ng pag-asal? Sa puntong ito, dapat mong isaalang-alang: “Kahit na naiintindihan ko ang bagay na ito, hindi ako maaaring maging walang pakundangan. Dapat ko itong harapin nang may katwiran ng normal na pagkatao.” Sa pagbalik sa harap ng Diyos, magtataglay ka ng katwiran ng normal na pagkatao. Bagaman kung minsan, magpapakita ka ng isang partikular na kasiyahan sa sarili, magkakaroon ng pagpigil sa puso mo—mangangalahati ang pagbubunyag ng iyong mga tiwaling disposisyon, at mas mababawasan ang negatibo mong impluwensiya sa iba. Gayunpaman, kung kumikilos ka ayon sa mapagmataas mong disposisyon, lagi kang naniniwalang tama ka at dahil dito ay pinipilit mo ang iba na makinig sa iyo, nagpapakita ito ng napakalaking kakulangan ng katwiran. Kung tama ang landas na itinuturo mo sa mga tao, maaaring maging maayos ang mga bagay-bagay, ngunit kung mali ito, ipapahamak sila nito. Kung may isang taong humingi ng payo sa iyo tungkol sa isang personal na bagay at itinuro mo siya sa maling landas, nakapagpahamak ka lang ng isang tao. Gayunpaman, kung tinanong ka ng isang tao tungkol sa isang mahalagang bagay na may kaugnayan sa gawain ng iglesia at inakay mo siya sa maling landas, naipahamak mo ang gawain ng iglesia at magdurusa ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kung likas na malubha ang suliranin at nilalabag nito ang disposisyon ng Diyos, kahila-hilakbot ang magiging mga kahihinatnan.
Anuman ang mga pangyayari, sa sandaling magsimulang lumitaw sa isang tao ang mga tiwaling kaisipan at ideya, at lumabas ang kanyang mga tiwaling disposisyon, hindi ito isang maliit na bagay lang. Kung hindi niya hahanapin ang katotohanan para lutasin ang kanyang katiwalian, wala nang paraan para madalisay ito. Gayunpaman, kung magagawa niyang makatwirang hanapin ang katotohanan at tukuyin ang pinakaugat ng paglabas ng kanyang katiwalian gamit ang mga salita ng Diyos, magiging madali para sa kanya na lutasin ang suliranin ng kanyang tiwaling disposisyon. Kapag mas bumabalik ka sa kaibuturan ng iyong espirito para maghintay at maghanap, mas magiging madali para sa iyo na matagpuan ang mga nauugnay na salita ng Diyos para matukoy ang diwa ng suliranin. Sa ganitong paraan, mababawasan nang mababawasan ang paglabas ng iyong katiwalian, magagawa mong magpasakop sa Diyos, hindi ka na magsasalita o kikilos batay sa mga haka-haka at imahinasyon, at ang katauhan mo ay higit na mas magiging normal. Ano ang normal na katauhan? Ito ay pagsasalita at pagkilos sa paraang naaayon sa mga pamantayan ng normal na katauhan, konsiyensiya at katwiran, mga katotohanang prinsipyo, at mga pamantayang hinihingi ng Diyos—iyan ay isang pagpapamalas ng normal na katauhan. Samakatuwid, anuman ang mangyari sa iyo, dapat ka munang huminahon, manahimik sa harap ng Diyos, at magdasal sa Kanya, hanapin kung paano kikilos sa bagay na iyon ayon sa Kanyang kalooban. Ang mga taong may normal na katauhan ay nagtataglay ng ganitong pagkamakatwiran—kaya nilang pigilan ang kanilang sarili at makamit ito, nakadepende lang ito sa kung handa ka bang magsagawa sa ganitong paraan o hindi. Kung lagi mong sinusubukang magpakitang-gilas, ipagmalaki ang iyong sarili, magmataas at itatag ang iyong sarili bilang isang diyos-diyosan sa puso ng ibang tao, napalayo ka na nga sa Diyos kung gayon. Hindi ka na makababalik sa harap Niya, at sa puso mo ay lumalaban ka na sa Kanya. Lagi mong gustong gawin ang mga bagay-bagay batay sa mga sarili mong ideya, at pagkatapos maisagawa ang isang bagay, pakiramdam mo ay nagkamit ka ng isang katangi-tanging tagumpay, naging bahagi ng isang dakilang pakikipagsapalaran, na may kakayahan ka, na hindi ka isang ordinaryong tao lamang, at naghahangad kang maging isang pambihirang tao at iba pang dakilang indibidwal. Mahirap kumilos sa ganitong paraan at hindi ito pagtahak sa tamang landas. Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay katulad nito; wala sila kahit katiting na normal na katauhan at puno sila ng mala-demonyong kalikasan. Yaong mga tunay na naniniwala sa Diyos ay kayang tanggapin ang katotohanan, handa silang magsikap para dito, at nasisiyahan silang mamuhay sa normal na wangis ng tao. Nangangailangan ito ng pagsisikap sa katotohanan, malimit na pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at mas higit pang pagbabasa ng Kanyang mga salita, na nagpapahintulot sa mga itong tumimo sa iyong puso, at makamit ang pagkaunawa sa katotohanan. Dapat ay palaging nasa tahimik na kalagayan ang puso mo, at kapag may nangyari sa iyo, hindi ka dapat magpadalos-dalos, magkaroon ng pagkiling, maging matigas ang ulo, radikal, artipisyal, o huwad, upang magawa mong kumilos nang may katwiran. Ito ang tamang pagpapamalas ng normal na katauhan.
Sa panahon ngayon, karamihan sa mga tao ay walang kakayahang maging makatwiran. Sumisigla sila kapag binibigyan sila ng ibang tao ng ilang papuri at nagsisimula silang maniwala na hindi sila ordinaryong tao. Anong uri ng disposisyon ang kanilang ibinubunyag? Hindi ba’t ito ay isang mapagmataas na disposisyon? Kung hindi ka komportable matapos kang pungusan nang kaunti ng isang tao, at nais mong makipagtalo sa kanya at pabulaanan ang kanyang sinabi, anong uri ng disposisyon ang ipinapakita mo? Pagpapakita rin ito ng isang mapagmataas na disposisyon. Halimbawa, nang pansamantalang walang naging problema sa lahat ng ginagawa mo at pinuri ka ng mga tao, sinasabing mahusay ang naging pagganap mo at may paghanga silang tumitingin sa iyo, nagsimula kang maniwala na magagawa mo ang kahit na ano, at na nakahihigit ka sa iba. Nasiyahan ka, at kapag naglalakad ka sa labas, pakiramdam mo ay lumulutang ka sa alapaap. Samantalang kapag nahaharap ka sa mga dagok sa mga bagay-bagay na ginagawa mo, sumasama ang timpla mo, at wala kang kagana-ganang makipag-usap sa ibang tao. Ang mga taong tulad nito ay matitigas ang ulo at kapos pa sa gulang, at wala silang normal na pagkatao. Anong uri ng mga pagpapamalas ang ipinakikita ng mga taong mayroong normal na pagkatao? Kapag dumaranas sila ng mga dagok o kaya ay pinupungusan sila, hindi sila nagiging negatibo at hindi nila hinahayaang maapektuhan nito ang kanilang mga tungkulin. Kahit na magtiis sila ng matinding pagdurusa sa buong panahon ng kanilang mga tungkulin o magkamit sila ng natatanging mga resulta, hindi nila iniisip na karapat-dapat silang papurihan, o umaasa ng anumang gantimpala, ni hindi sila nanghihingi ng respeto ng ibang tao. Hindi nila kinukunsinti ang gayong mga damdamin. Nagagawa nilang pangasiwaan nang tama ang mga bagay na ito at nagtataglay sila ng katwiran ng isang normal na tao. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng normal na pagkatao. Kapag namumuhay ang mga tao ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon, kung minsan ay nagiging mayabang at mapagmataas sila, nalulunod sa kanilang sariling kapalaluan, at kapag dumanas sila ng mga pagkabigo o dagok, magpapatalo sila sa kawalang-pag-asa, at hindi magiging normal ang kanilang mga katwiran. Sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa katotohanan, pagtatakwil sa kanilang tiwaling disposisyon, at paglago sa buhay maaaring maging ganap sa gulang ang katauhan ng isang tao. Ang pag-unawa sa katotohanan at pagsasagawa ng mga gawain nang may mga prinsipyo ang mahahalagang kondisyon na dapat tuparin ng mga tao upang maging ganap sa gulang ang kanilang katauhan. Kung ang isang tao ay hindi nauunawaan ang katotohanan at hindi nagsasagawa ng kanyang mga gawain nang may mga prinsipyo, nanganganib silang magpaurong-sulong, at mag-atras-abante sa tama at mali. Kapag may pumupuri sa kanila, nagiging mapagmataas sila, ngunit kapag may nagpupungos sa kanila, nagiging negatibo sila. Ito ay pagpapamalas ng isang katauhan na wala pa sa sapat na gulang. Hindi ba’t ito ang kalagayan ninyo? Lagi kayong nag-uurong-sulong, wala ni katiting na katatagan, hinding-hindi makapagpanatili ng isang normal na kalagayan. Kapag maganda ang timpla mo at masaya ka, puno ka ng sigasig at handa ka pang ibigay ang buhay mo para sa Diyos. Gayunpaman, kapag nahaharap ka sa mga dagok, kabiguan, o pagpupungos, nagiging negatibo ka kaagad. Hinahayaan mo ang sarili mong malugmok sa kawalang-pag-asa, pakiramdam mo ay katapusan mo na, at na wala ka nang pag-asa pang makamit ang kaligtasan, at na ang konsiyensiya mo, katwiran, at paghatol ay wala na talagang silbi sa iyo. Ito ang nangyayari kapag hindi nagtataglay ng katotohanan ang mga tao—mamumuhay lamang sila ayon sa kanilang mga satanikong disposisyon, hindi sinasadyang namumuhay sa kasalanan. Hindi maililigtas ng mga tao ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-asa sa kanilang sariling kaalaman at katalinuhan; kapag wala ang katotohanan sa mga tao, hindi nila taglay ang buhay—para bang wala silang mga kaluluwa. Samakatuwid, ang pagkamit ng katotohanan ay ganap na kinakailangan. Ngayon, kapag iniharap kayo sa tukso ni Satanas, nakaranas ng mga dagok at kabiguan, o nakatagpo ng kasawian, anong mga aral ang dapat ninyong matutunan? Ano ang kalooban ng Diyos? Ano ang nais Niyang maunawaan mo? Nais Niyang maunawaan ninyo ang katotohanan at makamtan ang buhay, na sa pundamental ay lulutas sa lahat ng inyong mga suliranin. Sa ngayon, ang inyong pag-unawa sa katotohanan ay napakababaw at ang tayog ninyo ay napakababa. Bilang resulta, palagi kayong hindi normal ang kalagayan at hindi matatag ang iyong disposisyon. Kapag nasa mabuting kalagayan kayo, kaya ninyong magpatuloy at humakbang pa pasulong, ngunit kapag nasa masamang kalagayan kayo, umaatras kayo at nagiging negatibo sa loob ng ilang araw. Ito ang nananaig ninyong kalagayan, kaya mabagal kayong umunlad. Ang madalas na pagiging mahina at negatibo ang pinakamalalaking hadlang sa pagpasok sa buhay, at ang suliraning ito ay dapat malutas para umunlad ang isang tao sa kanyang buhay. Ang ilang tao ay nalulugod sa kanilang sarili pagkatapos lamang na makakuha ng kaunting resulta sa kanilang mga tungkulin, at nagiging mapagmataas pagkatapos makatanggap ng mga papuri, at minamaliit ang iba. Ang mga taong ito ang pinakawalang katwiran at wala silang taglay ni katiting na katotohanang realidad. Ang ilang tao ay nagsisimulang magtamasa ng mga bitag ng katayuan sa sandaling matupad nila ang isang maliit na gawain. Anuman ang kanilang ginagawa, gusto nila na laging pinupuri at kung wala silang makuhang anumang papuri mula sa iba, wala silang lakas para gampanan ang kanilang mga tungkulin. Palagi silang pinipigilan ng mga bagay na ito, at nakadarama lang sila ng kasiyahan kung namumukod-tangi sila sa iba at nabubuhusan ng papuri. Kung hindi nila nagawa nang mahusay ang isang bagay, o nakaranas sila ng kabiguan at pagkadapa, pakiramdam nila ay masyado silang tiwali at hindi na matutubos. Palagi silang nabubuhay sa pagitan ng mga kasukdulang ito. Kung, anuman ang tungkuling gampanan ninyo o anuman ang mangyari sa inyo, ay kaya ninyong palaging matuto ng mga aral, maghanap ng katotohanan para matagpuan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at maisagawa ang katotohanan, lumago na nga kayo at hindi na kailangan pang gabayan at pamunuan ng iba. Kung, sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, at pagdaranas ng ilang bagay at ng mga kapaligirang isinaayos ng Diyos para sa iyo, ay nakikita mo kung saan ka dinadala ng kamay ng Diyos, kung ano ang nais ng Diyos na matutunan mo, kung anong mga larangan ang nais Niyang makilatis mo, at kung anong kaalaman sa karanasan ang nais Niyang makuha mo sa pamamagitan ng mga bagay at kapaligirang ito, at nagawa mong magtamo ng isang bagay sa pamamagitan ng bawat isa sa mga karanasang iyon, kung gayon ay lumago ka. Kung lagi kang nangangailangan ng suporta at tulong sa iba para umusad, kung napaparalisa ka at walang pagbabago, o nagpapabalik-balik sa mga kasukdulan, at anumang oras ay nanganganib kang madapa at hindi na makabangon nang walang sinuman para himukin ka, gabayan ka, o suportahan ka, pagpapamalas ng hilaw na tayog ang lahat ng ito. Yaong may mga hilaw na tayog ay hindi makakain at makainom ng mga salita ng Diyos nang mag-isa, at hindi nila maunawaan ang katotohanan sa pamamagitan ng pakikinig sa sermon o pakikipagbahaginan. Nakatuon lang sila sa pagsunod sa mga alituntunin at naniniwalang hangga’t kaya nilang sumunod sa mga alituntunin, nasa maayos sila. Palagi silang nangangailangan ng isang taong mag-aakay sa kanila, na gagabay sa kanila sa lahat ng bagay, at tuturuan sila at hahawakan sila sa kamay para akaying sumunod, at kung walang tulong at suporta ng ibang tao, napaparalisa sila, nagiging negatibo at mahina. Ganap silang nawawalan ng halaga, at sa malao’t madali, mamamatay sila; basura sila at hindi nila kayang matamo ang pagliligtas ng Diyos. Itinatanong ng ilan: “May paraan ba para malutas ang isyu ng mababa kong tayog?” May paraan para malutas ito. Anuman ang mangyari sa iyo, seryoso man o maliit na bagay, o kung ito ay isang tungkulin na ginagampanan mo, dapat mong tandaan ang isang bagay: Huwag kang umasa sa damdaming makalaman, sa mga haka-haka o imahinasyon, o sa init ng iyong ulo, sa halip, hanapin mo kaagad ang katotohanan at alamin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa tao. Sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa mga layunin ng Diyos mahahanap mo ang landas pasulong.
Paano nagpapamamalas ang pagkilos batay sa damdamin ng isang tao? Ang pinakakaraniwang pagpapamalas ay kapag palaging ipinagtatanggol o pinaninindigan ng mga tao ang kung sinuman na mabait sa kanila o malapit sa kanila. Halimbawa, sabihin nating ang kaibigan mo ay nalantad sa paggawa ng isang masamang bagay at ipinagtanggol mo siya sa pamamagitan ng pagsasabing: “Hindi niya gagawin ang ganoon, mabuti siyang tao! Pinagbibintangan lang siya.” Makatarungan ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Pag-asal at pagsasalita ito batay sa damdamin ng isang tao. Para sa isa pang halimbawa, ipagpalagay na nagkaroon ka ng kaunting hindi pagkakaunawaan sa isang tao at inayawan mo na siya, at kapag nagsabi siya ng isang bagay na tama at naaayon sa mga prinsipyo, ayaw mo nang makinig, anong pagpapamalas ito? (Hindi pagtanggap sa katotohanan.) Bakit hindi mo matanggap ang katotohanan? Alam mo sa iyong puso na tama ang sinabi niya, ngunit dahil mayroon ka nang pagkiling laban sa kanya, ayaw mo nang makinig kahit na alam mong tama siya. Anong suliranin ito? (Natatalo ng damdamin.) Ito ay puno ng damdamin. Madaling maimpluwensiyahan ang ilang tao ng kanilang mga personal na kagustuhan at emosyon. Kapag hindi nila makasundo ang isang tao, gaano man kahusay o katama magsalita ang taong iyon, hindi sila makikinig. At kapag nakakasundo naman nila ang isang tao, handa silang makinig sa anumang sasabihin nito, hindi alintana kung tama ito o mali, o kung naaayon ito sa katotohanan. Hindi ba’t ito yaong madaling maimpluwensiyahan ng mga personal na kagustuhan at emosyon ng isang tao? Sa ganoong disposisyon, maaari bang magsalita at kumilos nang makatwiran ang isang tao? Matatanggap ba nila ang katotohanan at magpasakop dito? (Hindi.) Dahil pinipigilan sila ng mga damdamin at madaling naiimpluwensiyahan ng kanilang mga emosyon, nakaaapekto ito sa kanilang pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo sa kanilang mga pagkilos. Nakaaapekto rin ito sa kanilang pagtanggap at pagpapasakop sa katotohanan. Kaya ano ang nakaaapekto sa kanilang kakayahang magsagawa at magpasakop sa katotohanan? Sa pamamagitan ng ano sila napipigilan? Sa kanilang mga damdamin at emosyon. Ang mga bagay na ito ang pumipigil at gumagapos sa kanila. Kapag inuuna mo ang mga personal na relasyon at pansariling interes sa halip na ang katotohanan, ang mga damdamin ang humahadlang sa iyo sa pagtanggap sa katotohanan. Samakatuwid, hindi ka dapat kumilos o magsalita batay sa mga damdamin. Mabuti man o masama ang relasyon mo sa isang tao, o malumanay o istrikto man ang kanilang mga salita, hangga’t naaayon sa katotohanan ang kanilang sinasabi, dapat mong pakinggan at tanggapin ito. Ito ang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan. Kung sasabihin mong, “Ang kanyang pagbabahagi ay naaayon sa katotohanan at mayroon din siyang karanasan, ngunit masyado siyang bastos at mayabang, at hindi ito kasiya-siya at hindi komportableng panoorin. Kaya kahit na tama siya, hindi ko ito tatanggapin,” anong uri ng disposisyon ito? Sa madaling salita, isa itong damdamin. Kapag hinaharap mo ang mga tao at mga bagay batay sa sarili mong mga kagustuhan at emosyon, isang damdamin ito, at lahat ng ito ay sumasailalim sa kategorya ng damdamin. Ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa damdamin ay nabibilang sa mga tiwaling disposisyon. Ang mga taong tiwali ay may damdaming lahat, at lahat sila ay pinipigilan ng kanilang mga damdamin sa iba’t ibang antas. Kapag hindi matanggap ng isang tao ang katotohanan, magiging mahirap para sa kanya na malutas ang suliranin ng mga pakiramdam. May mga taong nagtatakip sa mga huwad na lider, pumoprotekta sa mga anticristo, at nagsasalita at nagtatanggol sa mga masasamang tao. May mga damdaming kasangkot sa lahat ng kasong ito. Siyempre, sa ilang sitwasyon, kumikilos lamang ang mga taong iyon sa ganoong paraan dahil sa kanilang masamang kalikasan. Kailangan ng madalas na pagbabahaginan ang mga suliraning ito upang makakuha ng kalinawan sa mga ito. Maaaring sasabihin ng ilang tao, “May kaunting damdamin lang ako para sa aking pamilya at mga kaibigan, ngunit hindi na sa iba pa.” Hindi eksakto ang pahayag na ito. Kapag nagpakita sa iyo ng kahit na maliit na pabor ang ibang tao, magkakaroon ka ng damdamin para sa kanila. Mayroong iba’t ibang antas ng pagkakalapit at ng lalim, ngunit ang mga ito ay damdamin pa rin. Kung hindi malulutas ng mga tao ang kanilang mga damdamin, mahihirapan sila na isagawa ang katotohanan at makamit ang pagpapasakop sa Diyos.
Pag-usapan natin ngayon ang tungkol sa mga haka-haka at imahinasyon. Ang ilang haka-haka at imahinasyon ay mula sa kinalakihan ng isang tao, ang ilan ay mula sa panlipunang kalagayan, at ang iba pa ay sa edukasyon ng isang tao sa paaralan. Ano-ano ang ipinapamalas ng pakikitungo sa tao at paggawa ng mga bagay ayon sa mga haka-haka at imahinasyon ng isang tao? Hayaan mong bigyan kita ng isang halimbawa. Tingnan mo ang sitwasyon ng isang tao na, pagkatapos maniwala nang maraming taon sa Diyos, ay nagawang talikuran ang mga bagay-bagay at gampanan ang kanyang mga tungkulin nang may sigla, at kalaunan ay napili bilang isang lider. Pagkatapos matamo ang bagong katayuang ito, naglaan siya nang mas marami pang lakas sa pagganap sa kanyang mga tungkulin at madalas na nagdaraos ng mga pagtitipon para magbahagi ng katotohanan sa mga tao. Kapag may mga suliranin ang mga kapatid, nilulutas niya agad ang mga ito at may magandang impresyon sa kanya ang lahat. Gayunpaman, pagkatapos maglingkod bilang isang lider sa loob ng ilang panahon, ang taong ito ay nagsimulang gumawa para mapangalagaan ang kanyang katayuan at kapangyarihan, nagpapakitang-gilas at ipinagmamalaki ang kanyang sarili sa bawat pagkakataon. Ang pinakamalala sa lahat, itinataguyod at nililinang niya ang mga masasamang tao para maglingkod bilang mga lider at manggagawa. Ang pinakakasuklam-suklam pa, sinisiil at ibinubukod niya ang mga kapatid na naghahangad ng katotohanan. Sa huli, dahil nakagawa siya ng napakaraming masasamang gawa at inabala ang gawain ng iglesia, tinukoy siya bilang isang anticristo at itiniwalag. Nang marinig ang balitang ito, napabulalas ang ilan: “Hindi maaari iyon! Magkasundong-magkasundo kami dati. Matagumpay naming naipalaganap nang magkakasama ang ebanghelyo sa ilang tao. Paano siya naging isang anticristo?” Bumubuo sila ng partikular na mga haka-haka tungkol sa pangangasiwa ng sambahayan ng Diyos sa sitwasyon, naniniwalang hindi makatarungan ang naging pagtrato nito sa isang mabuting tao. Sabihin mo sa Akin, bakit nila ipinagtatanggol ang anticristo na ito at nagrereklamo tungkol sa itinuturing na kawalan ng hustisya na ginawa sa taong ito? Dahil pamilyar sila rito—magkakasama silang nagpalaganap ng ebanghelyo dati. Hindi nila inakalang pagkatapos maging isang lider, ipakikita nito ang tunay nitong kulay, gagawa ng lahat ng uri ng kasamaan, at magiging anticristo. Hindi nila matanggap ang isang bagay na hindi nila inakala. Kaya, sabihin mo sa Akin, hindi ba nila tinitingnan ang taong ito batay sa kanilang mga haka-haka at imahinasyon? Napagpasyahan nilang hindi ito maaaring maging isang anticristo batay lamang sa malabong impresyon na mayroon sila rito noon. Tama ba ang ganitong pananaw? Bakit sila mag-iisip ng ganito at gagawa ng ganitong mga konklusyon? Bakit sila padalos-dalos na magbanggit ng opinyon at walang ingat na nagpapasya samantalang hindi nila nauunawaan ang realidad ng sitwasyon? Isang uri ito ng disposisyon. Hinaharap at pinangangasiwaan ng tao ang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay ayon sa kanilang mga imahinasyon—anong klase ng disposisyon ito? Ito ay kalahating pagmamataas at kalahating pagmamatigas. Ang inihahayag mo sa iyong pang-araw-araw na buhay, mga kaisipan at paniniwala mo man, ang mga kilos o prinsipyong sinusunod mo sa pagtrato mo sa ibang tao, ang lahat ng ito ay nanggagaling sa iyong mga tiwaling disposisyon at dapat mong suriin ang mga ito kumpara sa katotohanan. Kung nalilito ka kapag hinihiling sa iyo na gawin ito, mahirap ito; nangangahulugan ito na wala kang anumang kaalaman sa katotohanan. Ano ang epekto na mayroon ang katotohanan? (Kaya nitong lutasin ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao.) Paano nito nilulutas ang mga iyon? Dapat mong suriin ang realidad ng iyong pang-araw-araw na mga iniisip, paniniwala, salita, at kilos kumpara sa katotohanan; kapag nakita mong magkatugma ang mga ito, matutukoy mo kung saan nagmumula ang iyong mga problema. Kung hindi mo matukoy ang iyong mga problema, o hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, at padalos-dalos kang nagsasalita batay sa iyong mga haka-haka at imahinasyon, anong klase ng problema ang mayroon ka? Ito ay isang pagmamataas at kawalan ng katwiran, at nauugnay ito sa iyong tiwaling disposisyon. Padalos-dalos kang nagsasalita batay sa mga sarili mong imahinasyon nang hindi inaalam ang mga katunayan, at iniisip pa na, “Hindi ninyo siya kilala, ngunit kilala ko siya—nauunawaan ko.” Ang ibig mo talagang sabihin ay mas malinaw at mas eksakto kang nakakikita kaysa sa iba. Hindi ba ito kayabangan? Hindi ba ito pagmamagaling? Nasa kaloob-looban mo ang ganitong uri ng disposisyon, kaya’t palagi kang nagsasalita at kumikilos batay sa sarili mong mga haka-haka at imahinasyon. Halimbawa, sabihin nating gusto ng iglesia na magsagawa ng ilang proyekto at tinanong ka kung magkano ang magagastos dito, at, kahit walang anumang aktwal na pag-unawa sa sitwasyon, agad mong ibinulalas, “Gagastos ka riyan nang hindi bababa sa 100,000!” Nabigla ang lahat nang marinig nila ito, iniisip na hindi posibleng ganoon ito kamahal, at na marahil ay nagmamalabis ka. Anong mga kahihinatnan ang maaaring danasin ng gawain ng iglesia bilang resulta ng disposisyon mo ng pagsasalita nang padalos-dalos at mga basta-bastang pagbabanggit ng opinyon? Sa realidad, hindi ganoon kamahal ang aabutin para magawa ang trabaho, ngunit sinasabi mong nagkakahalaga ito ng 100,000—hindi ba ito pagsasalita nang padalos-dalos? Hindi ba’t nagdudulot ito ng pinsala sa iglesia? Isa ba itong mapagkakatiwalaang paraan ng pagsasalita at pangangasiwa ng mga bagay-bagay? Hindi, talagang hindi ito mapagkakatiwalaan. Hinding-hindi magagamit ng sambahayan ng Diyos ang isang taong tulad nito sa sarili nitong gawain. May mapupulot bang aral mula sa sitwasyong ito? Dapat matuto ang isang tao na maging tapat at magsalita nang totoo—ito ang susi sa maayos na pagganap sa kanyang tungkulin. Kung hindi tapat ang isang tao at padalos-dalos magsalita, hindi siya angkop na gumanap sa mga tungkulin, ni hindi siya karapat-dapat na gumanap sa mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kaya, para magampanan nang maayos ng isang tao ang kanyang tungkulin, dapat matutunan niya na maging isang tapat na tao, na maging responsable sa lahat ng kanyang sasabihin, at iwasang magsalita nang padalos-dalos, nang hindi nag-iisip, at batay lang sa sarili niyang mga imahinasyon. Dapat tama ang paraan ng pagsasalita ng isang tao at dapat na nakaayon sa mga katunayan ang kanyang mga salita. Ito ay isang aspekto ng realidad ng pagiging isang tapat na tao.
Napagtanto na ba ninyong lahat na mayroon kayong isang mapagmataas na disposisyon? (Oo, minsan ay nagsasalita ako nang labis at nang walang katwiran. Pakiramdam ko ay napakamapagmataas ko at isang aspekto ito ng aking kalikasang diwa.) Kapag natukoy mo na ang mapagmataas mong disposisyon, paano mo ito dapat lutasin? Hindi mo malulutas ang mapagmataas mong disposisyon dahil lang natukoy at natanggap mo ito. Para malutas ang mapagmataas mong disposisyon, kailangan mo munang tanggapin ang katotohanan, tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, unawain ang maraming paraan ng pagpapamalas ng mapagmataas mong disposisyon gaya ng sa inihayag ng mga salita ng Diyos, at kung aling satanikong lason ang nagdudulot nito, at tukuyin kung aling mga kamalian ang luminlang sa iyo at naging dahilan ng mapagmataas mong disposisyon. Ito ang mga bagay na dapat mong maunawaan. Kapag nilulutas ang iyong mapagmataas na disposisyon, dapat isa-isahin mong gawin ang mga bagay-bagay, lutasin ang mga ito habang nalalantad ang mga ito—sa ganitong paraan, unti-unting malulutas ang mapagmataas mong disposisyon. Ang pinakakaraniwang kalagayang nakikita sa mga nabubuhay sa loob ng isang mapagmataas na disposisyon ay ang kanilang hilig na magsalita batay sa kanilang sariling mga imahinasyon at pagmamalabis—sa paglutas muna sa kalagayang ito ng pagsasalita nang labis maaaring bahagyang mabawasan ang kanilang mapagmataas na disposisyon. Ngayon, paano malulutas ang problema sa paggawa ng mga eksaheradang pahayag batay sa mga imahinasyon ng isang tao? Dapat munang malinaw na maunawaan ng isang tao kung ano ang ibig sabihin ng pagsasalita nang labis batay sa mga imahinasyon ng isang tao. Una, dapat malaman ng isang tao: “Paano umuusbong ang mga imahinasyon? Bakit palaging may mga imahinasyon ang mga tao? Ano ang batayan ng kanilang mga imahinasyon? Kumakatawan ba sa katotohanan ang mga imahinasyong ito? Naaayon ba sa katotohanan ang mga imahinasyong ito?” Pagkatapos, dapat na malinaw na maunawaan ng isang tao ang isyu ng paggawa ng mga eksaheradang pahayag—dapat makilatis niya kung bakit at ano ang pinagmumulan ng mga eksaheradang pahayag na ito, at ang layunin na nais niyang makamit. Kapag natagpuan na ang mga kasagutan sa mga tanong na ito at ang problema ay nalutas ayon sa katotohanan, ang kalagayang ito ng paggawa ng mga eksaheradang pahayag batay sa sariling imahinasyon ay malulutas kahit na paano. Pag-isipan natin, halimbawa, na ang isang lider ay humiling sa iyo na suriin ang isang bagay, pero dahil abala ka sa ibang bagay ay nakalimutan mo itong gawin. Kalaunan, nang tanungin ka ng lider tungkol dito, nagsinungaling ka, sa takot na ikaw ay pupungusan. Anong uri ng disposisyon ang ibinubunyag nito? May dalawang uri ng kalagayan na naglalaro rito: Ang isa ay pagsasalita nang padalos-dalos batay sa mga imahinasyon mo; ang isa pa ay ang pagsisinungaling dahil hindi mo alam ang isasagot at natatakot kang mapungusan ka. Kung hindi ka nagsasalita nang padalos-dalos, nagsasabi ka naman ng mga kasinungalingan, at kung hindi ka nagmamayabang at nagmamataas, nagiging mapanlinlang ka naman—ang lahat ng bagay na ito ay nagpapahiwatig ng problema at dapat suriin. Kapag nagsasalita at kumikilos, sa sandaling napagtanto mo na malapit mo nang ibunyag ang iyong tiwaling disposisyon, dapat mong pigilan ang iyong sarili at manalangin sa Diyos sa iyong puso. Kung gayon, paano ka dapat kumilos para maging alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo? Nauugnay ito sa pagsasagawa ng isang tao. (Magsalita nang tapat at sabihin lamang ang nalalaman natin.) Tama ito. Kung hindi mo alam ang sagot, dapat mong sabihin na, “Wala akong kaalaman sa bagay na ito, hindi ko pa ito napag-aaralan.” Ipagpalagay nating iniisip mo na, “Paano kung tanungin ako ng aking lider kung bakit hindi ko pa pinag-aaralan ang isyu at pinungusan niya ako, ano nang dapat kong gawin?” Sabihin ninyo sa Akin, paano kayo dapat magsagawa sa ganitong sitwasyon? (Kung hindi pa namin napag-aaralan ang isyu, sabihin dapat namin ito. Hindi kami dapat nagsisinungaling dahil lang sa takot kaming mapungusan.) Tama iyon. Kung gusto mong magsinungaling, manlinlang ng tao, o magsalita nang kontra sa mga katunayan dahil lang sa takot kang mapungusan, dapat kang manalangin sa Diyos kung gayon, magnilay-nilay sa iyong sarili, at magsanay na maging tapat na tao. Sa ganitong paraan, ang iyong problema ng pagsasalita batay sa iyong mga imahinasyon ay mababawasan. Gayunpaman, hindi sapat na lutasin lamang ang problemang ito ng pagsasalita batay sa iyong mga imahinasyon—dapat ka ring magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa iyong sarili. Hindi mo lamang dapat kilalanin ang iyong mga tiwaling disposisyon, kundi dapat mo ring maunawaan ang iyong satanikong kalikasan at ang pinagmumulan ng iyong kayabangan. Kung makakamit mo ito, lampas kalahati ka na sa paglutas ng iyong mapagmataas na disposisyon. Kahit paano, hindi ka na magiging mapagmataas at mas magiging mapagpakumbaba ka na sa pagkilos mo. Kung kaya mong magpatuloy pa at lutasin ang problema mo sa pagsasabi ng mga kasinungalingan at panlilinlang sa iba, kung kaya mong magsalita ayon sa katotohanan at mga katunayan, at maging isang tapat na tao at sabihin kung ano ang nasa isipan mo, malapit ka nang makapamuhay sa wangis ng tao. Kahit paano, magsasalita at kikilos ka na sa mas makatwirang paraan. Ipinakikita nito na hangga’t naghahangad ng katotohanan ang mga tao, nagpapasakop sa gawain ng Diyos, at nananalangin at umaasa sa Kanya, lubos nilang magagawang iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Yaong may mga mapagmataas na disposisyon ay kadalasang labis magsalita, palaging iniisip na mas mahusay sila kaysa sa iba; naniniwala silang matayog at kahanga-hangang silang mga tao at ang lahat ay nasa ilalim nila, at nagsasalita at kumikilos sila kung paano man nila gusto. Kung kaya rin nilang gumamit ng anumang paraan upang makamit ang kanilang mga layunin, madalas na nagsisinungaling at nanlilinlang ng iba, kung gayon hindi lamang mapagmataas at palalo ang mga indibiduwal na ito, nagtataglay rin sila ng isang mapanlinlang na disposisyon. Ang paglutas sa isang mapagmataas at palalong disposisyon ay pangunahing nakadepende sa pagkilala sa sarili mong kalikasang diwa, at pagtanto na naging mapagmataas at palalo ka dahil sa pagiging ganap na tiwali at pamumuhay tulad ng diyablo na si Satanas. Kapag nakikita mo nang malinaw ang bagay na ito, mararamdaman mo na kapag mas mapagmataas ang isang tao, mas sataniko sila. Sa kabilang banda, sa pamamagitan ng pagdanas sa mga kabiguan at dagok sa buhay, mas magiging matino ka. Mas madali bang lutasin ang isang mapagmataas na disposisyon o isang mapanlinlang na disposisyon? Sa realidad, hindi madaling lutasin ang alinman dito, ngunit kung ihahambing sa isang mapanlinlang na disposisyon, medyo mas madaling lutasin ang isang mapagmataas na disposisyon. Mas magiging mahirap na lutasin ang isang mapanlinlang na disposisyon. Dahil ito sa ang mga mapanlinlang na indibiduwal ay puno ng masasamang motibo at layunin kaya’t ang kanilang konsiyensiya at katwiran ay bigong pigilan sila. Isa itong problema sa kanilang kalikasang diwa. Gayunpaman, gaano man ito kahirap, kung nais ng isang tao na lutasin ang kanilang mapanlinlang na disposisyon, dapat silang magsimula sa pagsasanay na maging isang tapat na tao. Sa huli, ang pinakasimpleng paraan ng pagsasanay na maging isang tapat na tao ay ang simpleng pagpapahayag ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito, magsalita nang tapat, at magsalita ayon sa mga katunayan. Gaya ng sinabi ng Panginoong Jesus, “Datapuwat ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi’” (Mateo 5:37). Ang pagiging isang tapat na tao ay nangangailangan ng pagsasagawa ayon sa prinsipyong ito—pagkatapos ng pagsasanay nito sa loob ng ilang taon, tiyak na makikita mo ang mga resulta. Paano kayo magsasanay ngayon ng pagiging isang tapat na tao? (Hindi ko hinahaluan ang aking sinasabi, at hindi ako nanlilinlang ng iba.) Ano ang ibig sabihin ng “hindi panghahalo”? Nangangahulugan ito na ang mga salitang sinasabi mo ay hindi nagtataglay ng mga kasinungalingan o anumang mga pansariling layunin o motibo. Kung nagkikimkim ka ng pandaraya o mga personal na layunin at motibo sa iyong puso, likas na bubuhos ang mga kasinungalingang ito mula sa iyo. Kung wala kang pandaraya o mga pansariling layunin o motibo sa iyong puso, magiging puro ang mga sinasabi mo at hindi magtataglay ng mga kasinungalingan—sa ganitong paraan, ang iyong pakikipag-usap ay magiging: “Oo, oo; Hindi, hindi.” Ang pinakamahalagang bagay ay ang dalisayin muna ang puso ng isang tao. Kapag nadalisay na ang puso ng isang tao, ang pagmamataas at pagiging mapanlinlang ng isang tao ay malulutas. Upang maging isang tapat na tao, dapat lutasin ang mga panghahalo na ito. Kapag nagawa ito, magiging madaling maging isang tapat na tao. Ang pagiging isang tapat ba na tao ay kumplikado? Hindi, hindi ito kumplikado. Anuman ang kalagayan mo sa loob o anumang mga tiwaling disposisyon ang mayroon ka, dapat mong isagawa ang katotohanan ng pagiging tapat na tao. Kailangan mo munang lutasin ang problema ng pagsasabi ng kasinungalingan—ito ang pinakamahalaga. Una, sa pagsasalita, dapat kang magsanay sa pagsasabi ng kung ano ang nasa isipan mo, pagsasabi ng totoo, ng walang halo, at umiwas sa ganap na pagsisinungaling; ni hindi ka dapat magsabi ng mga salitang may halo, at dapat mong tiyakin na ang lahat ng sinasabi mo sa maghapon ay totoo at tapat. Sa paggawa nito, isinasagawa mo ang katotohanan at isinasakatuparan ang pagiging isang tapat na tao. Kung mapansin mo na ang mga kasinungalingan o may mga halong salita ay bumubuhos sa iyo, pagnilayan mo agad ang iyong sarili, at himayin at magkaroon ng kamalayan sa mga dahilan kung bakit ka nagsisinungaling at kung ano ang nagtutulak sa iyo na magsinungaling. Pagkatapos, batay sa mga salita ng Diyos, himayin ang pangunahin at mahalagang problemang ito. Sa sandaling maging malinaw sa iyo ang ugat ng mga kasinungalingan mo, magagawa mong labanan ang satanikong disposisyong ito sa pananalita at mga pagkilos mo. Hindi ka na magsisinungaling kapag nahaharap sa mga parehong sitwasyon, at makapagsasalita ka na ayon sa mga katunayan at hindi na maglalabas ng mga mapanlinlang na pananalita. Sa ganitong paraan, ang iyong espiritu ay mapapakawalan at makalalaya at magagawa mong mabuhay sa harap ng Diyos. Kung kaya mong mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, nabubuhay ka sa liwanag. Gayunpaman, kung patuloy kang nasasangkot sa panlilinlang, nagbabalak at gumagawa ng pakana, palaging nagtatago tulad ng isang magnanakaw sa madidilim na sulok, at palihim na nagsasagawa ng mga gawain mo, kung gayon ay hindi ka mangangahas na mamuhay sa harap ng Diyos. Dahil mayroon kang lihim na mga motibo, laging gustong linlangin ang iba upang makamit ang sarili mong mga layunin, at nagkikimkim ng napakaraming kahiya-hiya at ubod ng samang mga bagay sa puso mo, palagi mong sinusubukang itago at pagtakpan ang mga ito, binibihisan at itinatago ang mga ito sa balatkayo, ngunit hindi mo maitatago ang mga bagay na ito magpakailanman. Kalaunan, lalantad ang mga ito. Ang isang taong may lihim na mga motibo ay hindi magagawang mabuhay sa liwanag. Kung hindi niya isasagawa ang pagninilay-nilay sa sarili, pagsusuri sa kanyang sarili at paglalantad ng kanyang sarili, hindi siya makakawala sa kontrol at gapos ng kanyang mga tiwaling disposisyon. Mananatili siyang nakakulong sa isang buhay ng kasalanan, na hindi kayang palayain ang kanyang sarili. Sa huli, sa anumang sitwasyon, hindi ka dapat magsinungaling. Kung alam mo na mali ang pagsisinungaling at hindi naaayon sa katotohanan, ngunit ipinipilit mong magsinungaling at manlinlang ng iba, nag-iimbento pa para itago ang mga katunayan at ang realidad ng sitwasyon para iligaw ang mga tao, kung gayon ay sadya kang gumagawa ng maling gawain. Ang ganitong tao ay hindi magkakamit ng kaligtasan. Ibinibigay ng Diyos ang katotohanan sa mga tao, ngunit sa huli ay sarili na nilang desisyon kung kaya nilang tanggapin at isagawa ang katotohanan. Yaong kayang tanggapin ang katotohanan ay magkakamit ng kaligtasan, habang yaong mga hindi kayang tanggapin ang katotohanan at hindi nagsasagawa ng katotohanan ay hindi ito makakamit. Alam ng maraming tao na nabubuhay sila sa kanilang mga tiwaling disposisyon at kinikilala na yaong mga namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon ay hindi maitutulad sa mga tao o mga demonyo man, at bigong mamuhay sa normal na wangis ng tao. Handa silang isagawa ang katotohanan, ngunit hindi nila ito magawa, pakiramdam lang nila ay wala silang lakas. Sa gayong sitwasyon, maaari lamang manalangin ang isang tao sa Diyos at umasa sa Kanya. Kung hindi talaga makikipagtulungan ang mga indibiduwal, hindi gagawa sa loob nila ang Diyos. Tiyak na kapopootan ng mga tunay na nagmamahal sa katotohanan ang kanilang mapanlinlang na disposisyon, lahat ng uri ng personal na layunin, maging ang mga kasinungalingan at panlilinlang. Mas gugustuhin pa nilang magtiis ng pagkalugi sa pamamagitan ng pagsasalita nang tapat kaysa magsinungaling. Mas pipiliin nilang magsalita nang makatotohanan kahit na humantong ito sa paghatol at pagkondena, kaysa patagalin ang pag-iral ng walang dangal na pagsasabi ng kasinungalingan. Yaong mga kayang kamuhian ang mga satanikong disposisyon sa ganitong paraan ay likas na kayang talikuran ang laman, isagawa ang katotohanan, at magtagumpay sa pagiging tapat na mga tao.