Ano ba Talaga ang Inaasahan ng mga Tao Para Mabuhay? (Ikalawang Bahagi)

Pangunahin nating pinag-usapan ngayon lang ang tungkol sa mga talento at kaloob. Kasama ba ang kaalaman sa mga talento at kaloob na ito? Mayroon bang anumang pagkakaiba sa pagitan ng kaalaman at mga talento? Ang talento ay tumutukoy sa isang kahusayan. Ito ay maaaring isang larangan kung saan ang isang tao ay mas mahusay kaysa sa iba, isang bahagi ng kanilang kakayahan na mas kilala, kung ano ang pinakamahusay sa kanila, o isang kahusayan kung saan sila ay magaling at bihasa kung ihahambing sa iba. Ang lahat ng ito ay tinatawag na mga talento at kaloob. Ano ang kaalaman? Ano ang eksaktong tinutukoy ng kaalaman? Kung ang isang intelektuwal ay nag-aral sa loob nang maraming taon, nakapagbasa ng maraming klasiko, nag-aral ng isang partikular na propesyon o larangan ng kaalaman nang malalim, nagkamit ng mga resulta, at nagtataglay ng mga partikular at malalim na kadalubhasaan, mayroon ba itong anumang kaugnayan sa mga talento at kaloob? Maaari bang isama ang kaalaman sa kategorya ng mga talento? (Hindi.) Kung gumagamit ang isang tao ng mga talento para gawin ang trabaho niya, posibleng siya ay isang taong di-sibilisado at taga-bukid, na walang mataas na antas ng edukasyon, hindi nakapagbasa ng anumang kilalang libro, o ni hindi nakakaunawa ng Bibliya, pero maaari pa ring mayroon siyang kaunting kakayahan, at makakapagsalita nang mahusay. Talento ba ito? (Oo.) Ang taong ito ay nagtataglay ng gayong talento. Ibig sabihin ba nito na mayroon siyang kaalaman? (Hindi.) Kaya ano ang ibig sabihin ng kaalaman? Paano ito binibigyan ng kahulugan? Sabihin nating ganito, kung ang isang tao ay nag-aral ng edukasyon, halimbawa, mayroon ba siyang kaalaman ng propesyong ito? Ang mga bagay gaya ng kung paano turuan ang mga tao, paano magbahagi ng kaalaman sa iba, anong kaalaman ang ibabahagi, at iba pa? Mayroon siyang kaalaman sa larangang ito, kaya siya ba ay isang intelektuwal sa larangang ito? Matatawag ba siyang isang talentong indibidwal na nagtataglay ng kaalaman sa larangang ito? (Oo.) Gamitin natin ito bilang halimbawa, kung ang isang tao ay isang intelektuwal na nakikibahagi sa edukasyon, ano ang karaniwang gagawin ng taong ito kapag siya ay nagtrabaho o namuno ng iglesia? Ano ang mga karaniwan niyang pagsasagawa? Nakikipag-usap ba siya sa lahat gaya ng isang gurong nakikipag-usap sa isang estudyante? Hindi mahalaga ang tono ng boses na ginagamit niya, ang mahalaga ay kung ano ang itinatanim niya sa iba at itinuturo sa iba. Nabuhay na siya sa kaalamang ito nang maraming taon, at ang kaalamang ito ay naging karaniwang bahagi ng kanyang buhay, sa punto na sa bawat aspekto ng kanyang pag-uugali o buhay, makikita mong tinataglay niya ang kaalamang ito at ipinapamuhay ang kaalamang nakamtan niya. Napakanormal na makita ito. Kaya ano ang madalas sinasandigan ng mga taong gaya nito para gawin ang trabaho nila? Ang kaalamang nakamtan nila. Sabihin natin, halimbawa, narinig nilang sinabi ng isang tao, “Hindi ko kayang magbasa ng mga salita ng Diyos. Pinanghahawakan ko ang mga ito, pero hindi ko lang alam kung paano babasahin ang mga ito. Paano ko malalaman kung ano ang katotohanan, kung hindi ko kayang basahin ang mga salita ng Diyos? Paano ko mauunawaan ang Kanyang mga layunin kung hindi ko kayang basahin ang mga salita Niya?” Sinasabi nila, “Alam ko kung paano, may kaalaman ako, kaya matutulungan kita. Ang kabanatang ito ay nahahati sa apat na talata. Karaniwan, kung naratibo ang isang artikulo, mayroong anim na elemento: panahon, lugar, mga tauhan, ang dahilan ng pangyayari, ang proseso ng kaganapan, at ang pagtatapos. Ang panahon kung kailan nailathala ang kabanatang ito ng salita ng Diyos ay nasa dulo—Oktubre, 2011. Ito ang unang elemento. Pagdating sa mga tauhan, binabanggit ng kabanatang ito ng salita ng Diyos ang ‘Ako,’ kaya ang unang tao ay ang Diyos, at pagkatapos ay binanggit ng Diyos ang ‘kayo,’ na tumutukoy sa atin. Pagkatapos hinihimay nito ang mga kalagayan ng ilang tao; ang ilang kalagayan ay mapaghimagsik at mapagmataas, na tumutukoy sa mga taong mapagmataas at mapaghimagsik, na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, na gumagawa ng kalokohan, di-mabubuti at masasamang tao. Ang direksyon ng mga bagay-bagay ay na ang mga tao ay gumagawa ng masasamang bagay. Mayroon ding ilan pang bagay na may kaugnayan sa iba’t-ibang aspekto.” Ano ang tingin ninyo sa paraang ito ng gawain? Mabuting bagay na tumutulong sila sa mga tao nang may labis na pagmamahal, pero ano ang batayan ng mga kilos nila? (Kaalaman.) Bakit Ko ginagamit ang halimbawang ito? Para tulungan ang mga taong malinaw na maunawaan kung ano ang kaalaman. Hindi alam ng ilang tao kung paano magbasa ng salita ng Diyos, pero nakapag-aral sila at marahil ay naging mahusay sila sa mga asignatura ng araling pantao sa paaralan, kaya maaaring buksan nila ang isang pahina ng salita ng Diyos, basahin, at sabihin, “Ang kabanatang ito ng salita ng Diyos ay mahusay na naipahayag! Sa unang seksyon, direktang nagsasalita ang Diyos, at pagkatapos sa pangalawa, nakikita sa tono ang kaunting pagiging maharlika at ang poot. Sa pangatlong seksyon, partikular at malinaw na inilantad ang lahat. Ganito dapat ang salita ng Diyos. Ang pang-apat na seksyon, ang pangkalahatang buod, ang nagbibigay sa mga tao ng landas ng pagsasagawa. Perpekto ang salita ng Diyos!” Galing ba sa kaalaman ang kanilang konklusyon at buod ng salita ng Diyos? (Oo.) Kahit na hindi masyadong akma ang halimbawang ito, ano ang gusto Kong maunawaan ninyo sa pagsasabi nito? Gusto Kong malinaw ninyong makita ang kapangitan ng paggamit ng kaalaman para harapin ang salita ng Diyos. Nakakasuklam ito. Ang gayong mga tao ay sumasandig sa kaalaman para magbasa ng salita ng Diyos, kaya makakasandig ba sila sa katotohanan para gawin ang mga bagay-bagay? (Hindi.) Tiyak na hindi.

Ano ang mga katangian ng kung paanong ginagawa ng mga taong nabubuhay sa kaalaman ang mga bagay-bagay? Una sa lahat, ano ang mga kalamangang iniisip nilang tinataglay nila? Ang kanilang kaalaman at edukasyon, ang katunayang sila ay mga intelektuwal, at ang katunayang nakapagtrabaho sila sa mga industriyang nakabatay sa kaalaman. Taglay ng mga intelektuwal ang mga estilo, katangian, at gawi ng mga intelektuwal kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay, kaya hindi nila maiwasang magdala ng isang uri ng intelektuwal na kahambugan sa mga bagay na ginagawa nila, na nagdudulot para hangaan sila ng ilang tao. Ganyan gumawa ng mga bagay-bagay ang mga intelektuwal; palagi silang nakatuon sa intelektuwal na kahambugang iyan. Gaano man kahina o kaamo ang itsura nila sa panlabas, ang mga bagay sa kalooban nila ay tiyak na hindi mahina o maamo, at lagi silang may sarili nilang pananaw sa lahat ng bagay. Sa lahat ng bagay, palagi nilang gustong magyabang, gamitin ang mga walang kabuluhang paraan nila, at suriin at harapin ang mga bagay-bagay batay sa mga pananaw, saloobin, at gawi ng pag-iisip ng kaalaman. Ang katotohanan ay isang bagay na walang halaga sa kanila, at ito ay isang bagay na napakahirap para sa kanilang tanggapin. Samakatuwid, ang unang saloobin ng gayong tao sa katotohanan ay suriin ito. Ano ang batayan ng kanilang pagsusuri? Kaalaman. Bibigyan Ko kayo ng halimbawa. Ang mga tao bang nakapag-aral ng pagdidirektor ay may taglay na kaalaman tungkol sa pagdidirektor? Sistematiko man ang naging pag-aaral mo ng pagdidirektor sa mga libro, o napag-aralan ito nang praktikal at nakagawa ng ganyang uri ng trabaho, sa madaling salita, mayroon kang kaalaman sa larangang ito. Ikaw man ay nag-aral ng pagdidirektor nang malalim o mababaw lang, kung ikaw ay nakibahagi sa gawain ng pagdidirektor sa mundo ng mga walang pananampalataya, ang kaalamang nakamtan mo sa larangang ito o ang karanasan mo sa pagdidirektor ay magiging kapaki-pakinabang at mahalaga. Gayunpaman, ang pagkakaroon ba ng ganitong uri ng kaalaman ay nangangahulugan na tiyak na magiging mahusay ka sa gawain ng paggawa ng pelikula ng sambahayan ng Diyos? Talaga bang makakatulong sa iyo ang kaalamang nakamtan mo para gamitin ang mga pelikula para magpatotoo sa Diyos? Hindi laging gayon. Kung patuloy mong binibigyan ng diin kung ano ang mga itinuro sa iyo ng mga libro at ang mga panuntunan at hinihingi ng kaalaman ng industriya, maayos mo bang magagawa ang iyong tungkulin? (Hindi.) Hindi ba’t mayroong punto ng pagtatalo o salungatan dito? Kapag sumalungat ang mga katotohanang prinsipyo sa aspektong ito ng kaalaman, paano mo ito lulutasin? Tinatanggap mo ba bilang gabay mo ang iyong kaalaman, o ang mga prinsipyo ng katotohanan? Matitiyak ba ninyo na ang bawat kuha, bawat eksena, at bawat bahagi na ginagawa ninyong pelikula ay hindi nahaluan o na naglalaman ito ng napakakaunting halo ng inyong kaalaman, at na ganap itong naaayon sa mga panuntunan at prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos? Kung hindi ito posible, wala sa kaalamang nakamtan mo ang may pakinabang sa sambahayan ng Diyos. Pag-isipan mo ito, ano ang gamit ng kaalaman? Anong kaalaman ang kapaki-pakinabang? Anong uri ng kaalaman ang sumasalungat sa katotohanan? Ano ang dinadala ng kaalaman sa mga tao? Kapag nagtatamo ng mas maraming kaalaman ang mga tao, mas lalo ba silang nagiging makadiyos at nagtataglay pa ng may-takot-sa Diyos na puso, o lalo silang nagiging mapagmataas at mapagmagaling? Sa pagtatamo nila ng maraming kaalaman, ang mga tao ay nagiging komplikado, dogmatiko, at mapagmataas. May isa pang bagay na nakamamatay na maaaring hindi nila napagtanto: Kapag naging dalubhasa ang mga tao sa maraming kaalaman, nagiging magulo sila sa kalooban, at nawawalan ng mga prinsipyo, at mas maraming kaalaman ang napapagdalubhasaan nila, mas lalo silang nagiging magulo. Sa kaalaman, matatagpuan ba ang mga sagot sa mga tanong kung bakit nabubuhay ang mga tao at ang halaga at kabuluhan ng buhay ng tao? Matatagpuan ba ang mga konklusyon sa kung saan nanggaling ang mga tao at saan sila pupunta? Masasabi ba sa iyo ng kaalaman na nanggaling ka sa Diyos at nilikha ka ng Diyos? (Hindi.) Kaya, ano ba talaga ang eksaktong saklaw ng mga pag-aaral ng kaalaman o itinanim ng kaalaman sa mga tao? Mga materyal na bagay, mga bagay ng ateismo, mga bagay na nakikita ng mga tao at mga bagay ng isipan na nakikilala nila, na marami sa mga ito ay nagmumula sa mga imahinasyon ng mga tao at sadyang hindi praktikal. Ang kaalaman ay nagtatanim din sa mga tao ng mga pilosopiya ng mga tao, ideolohiya, teorya, likas na kautusan, at iba pa, subalit maraming bagay ang hindi nito malinaw na maipaliwanag. Paano nabubuo ang kulog at kidlat, halimbawa, o bakit nagbabago ang mga panahon. Maibibigay ba sa iyo ng kaalaman ang mga tunay na sagot na iyan? Bakit kasalukuyang nagbabago at nagiging abnormal ang klima? Malinaw bang maipapaliwanag ito ng kaalaman? Malulutas ba nito ang problemang ito? (Hindi.) Hindi nito masasabi sa iyo ang tungkol sa mga isyung may kaugnayan sa pinagmumulan ng lahat ng bagay, kaya hindi nito malulutas ang mga problemang iyon. Mayroon ding mga nagtatanong, “Bakit ang ilang tao ay muling nabubuhay?” Naibigay na ba sa iyo ng kaalaman ang sagot dito? (Hindi.) Ano kung ganoon, ang sinasabi sa iyo ng kaalaman? Sinasabi nito sa mga tao ang tungkol sa maraming kaugalian at regulasyon. Halimbawa, ang ideya na ang mga tao ay dapat na magpalaki ng mga anak at magpakita ng pagmamahal sa mga magulang nila ay isang uri ng kaalaman tungkol sa buhay ng tao. Saan nanggaling ang kaalamang ito? Ito ay itinuro ng tradisyonal na kultura. Ano ang dinadala ng lahat ng kaalamang ito sa mga tao? Ano ang diwa ng kaalaman? Sa mundong ito, maraming tao ang nakapagbasa ng mga klasiko, nakatanggap ng mataas na antas ng edukasyon, may kaalaman, o naging dalubhasa sa isang espesyal na larangan ng kaalaman. Kaya, sa landas ng buhay, tama ba ang direksyon at mga layunin ng gayong mga tao? May batayan at mga prinsipyo ba sila sa kanilang asal? Dagdag pa rito, alam ba nila kung paano sumamba sa Diyos? (Hindi.) Higit pa rito, nauunawaan ba nila ang anumang elemento ng katotohanan? (Hindi nila nauunawaan.) Kaya, ano ang kaalaman? Ano ang ibinibigay ng kaalaman sa mga tao? Marahil may kaunting karanasan ang mga tao tungkol dito. Sa nakaraan, nang hindi sila nagtataglay ng kaalaman, simple lang ang mga relasyon sa pagitan ng mga tao—simple pa rin ba ang mga ito ngayong nagtamo ng kaalaman ang mga tao? Dahil sa kaalaman, nagiging mas komplikado ang mga tao at hindi na dalisay. Dahil sa kaalaman, ang mga tao ay lalong walang normal na pagkatao at walang mga layunin sa buhay. Mas maraming kaalaman ang natatamo ng mga tao, mas lalo silang lumalayo sa Diyos. Mas nagtatamo sila ng kaalaman, mas lalo nilang itinatanggi ang katotohanan at ang salita ng Diyos. Mas maraming kaalaman mayroon ang mga tao, mas lalo silang nagiging labis, matigas ang ulo at kakatwa. At ano ang resulta? Ang mundo ay gradwal na dumidilim at lalong nagiging masama.

Kababanggit lang natin kung paano lulutasin ang mga pagtatalo o labanan sa pagitan ng paggamit ng kaalaman at ng mga katotohanang prinsipyo kapag lumilitaw ang mga ito. Ano ang ginagawa ninyo tuwing nasa ganoon kayong sitwasyon? Ang ilan sa inyo ay mag-aalok ng doktrina: “Ano ang mahirap sa pagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Ano ang mayroon na hindi maaaring pakawalan?” Pero kapag may nangyayari sa inyo, nagpapatuloy kayo gaya nang dati, sinusunod ang sarili ninyong kalooban at ang inyong mga kuru-kuro at imahinasyon, at kahit na maaaring may mga pagkakataon kung kailan gusto ninyong isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo, tila hindi ninyo lang ito magawa, kahit ano pa. Alam ng lahat na tama, bilang usapin ng doktrina, na kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo; alam nilang ang kaalaman ay tiyak na hindi aayon sa mga katotohanang prinsipyo, at na kapag nagkasalungat o naglaban ang dalawa, magsisimula sila sa pagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo at pagbitiw sa kanilang kaalaman. Pero ganyan ba kasimple iyan, bilang isang totoong usapin? (Hindi.) Hindi, hindi iyan ganyan kasimple. Kaya, ano ang mga paghihirap ang mayroon kapag nagsasagawa? Paano dapat magsagawa ang isang tao para makakilos siya ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Ang mga ito ay mga praktikal na problema, hindi ba? Paano dapat lutasin ang mga ito? Una sa lahat, dapat magpasakop ang isang tao. Pero may mga tiwaling disposisyon ang mga tao at minsan, hindi nila magawang magpasakop. Sinasabi nila, “‘Madadala mo ang kabayo sa tubigan, pero hindi mo ito mapipilit na uminom’—ang pagpilit mo sa aking magpasakop ay ganyang kaso, hindi ba? Ano ang masama sa pagkilos ko batay sa aking kaalaman? Kung ipipilit mo na kumilos ako ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ako magpapasakop.” Ano ang ginagawa mo sa mga ganitong pagkakataon, kapag ang isang mapaghimagsik na disposisyon ay magdudulot ng gulo? (Manalangin.) Minsan hindi kayang lutasin ng panalangin ang isyu. Ang saloobin at kaisipan mo ay maaaring maging mas mabuti pagkatapos manalangin, at maaari mong mabago ang isang bahagi ng iyong kalagayan, pero kung hindi mo nauunawaan o hindi maliwanag ang mga kaugnay na katotohanang prinsipyo, maaaring mauwi ang iyong pagpapasakop sa simpleng pormalidad lang. Sa mga panahong ito, kailangan mong unawain ang katotohanan, hanapin ang mga kaugnay na katotohanan, at sikaping magawang alamin kung paanong ang ginagawa mo ay nagdudulot ng pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, sa patotoo sa Kanya, at sa pagpapalaganap ng mga salita Niya. Dapat maging malinaw sa puso mo ang tungkol sa mga bagay na ito. Anuman ang tungkulin mo, anuman ang ginagawa mo, dapat kang magsimula sa pag-iisip sa gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos, sa pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos, o sa kung ano ang nilalayong maisakatuparan ng pagganap ng tungkulin mo. Iyan ang mauuna. Walang lugar kailanman para sa pagiging malabo tungkol dito, o para sa kompromiso. Kung nagkokompromiso ka sa mga pagkakataong gaya nito, hindi mo ginagampanan nang buong puso ang tungkulin mo, at hindi mo isinasagawa ang katotohanan—at ang mas masahol pa, makatwirang sabihin, na inaatupag mo ang sarili mong gawain. Ginagawa mo ang mga bagay-bagay para sa sarili mo sa halip na tinutupad ang tungkulin ng isang nilikha. Kung tutuparin ng isang tao ang atas ng Diyos at gagampanan nang mabuti ang tungkulin ng isang tao, ang katotohanang dapat niyang maunawaan at unang isagawa ay ang tuparin ang mga layunin ng Diyos. Dapat magkaroon ka ng pangitaing ito. Ang pagganap ng tungkulin ay hindi tungkol sa paggawa ng mga bagay-bagay para sa iyong sarili o pag-atupag sa sarili mong gawain, lalong hindi para magpatotoo sa sarili at itaguyod ang iyong sarili, hindi rin ito tungkol sa iyong kasikatan, kapakinabangan, o katayuan. Hindi iyan ang layunin mo. Sa halip, ito ay tungkol sa pagganap ng iyong tungkulin nang maayos at pagpapatotoo sa Diyos; ito ay tungkol sa pagtanggap ng iyong responsabilidad at pagpapalugod sa Diyos; ito ay tungkol sa pagsasabuhay ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, pamumuhay na kahawig ng isang nilikha, pamumuhay sa harap ng Diyos. Sa ganitong uri ng tamang pag-iisip, madaling malalampasan ng isang tao ang hadlang ng pamumuhay sa kanyang kaalaman. Kahit na may ilang natitirang hamon, unti-unting magbabago ang mga ito sa kabuuan ng prosesong ito, at bubuti ang mga pangyayari. Kaya, kumusta ang karanasan mo sa kasalukuyan? Bumubuti ba ito, o wala itong pagbabago? Kung lagi kayong kumikilos sa pamamagitan ng kaalaman at isipan ninyo, at hindi ninyo hinahanap kailanman ang mga katotohanang prinsipyo, magagawa ba ninyong lumago sa buhay? May naabot na ba kayong konklusyon tungkol diyan? Mukhang nalilito pa rin kayong lahat tungkol sa usapin ng buhay pagpasok at walang mga partikular na prinsipyo para rito, ibig sabihin na wala kayong mas malalim o mas totoong karanasan sa mga prinsipyo at landas para sa pagsasagawa ng katotohanan. May ilang taong laging kumikilos sa pamamagitan ng kanilang kaalaman, anuman ang mangyari sa kanila. Kaunting katotohanang prinsipyo lang ang pinaiiral nila sa pangkalahatang pagtingin sa mga simpleng usapin, hinahayaan na ang kaalaman nila ang nangunguna sa buong panahon, na pangalawa ang mga katotohanang prinsipyo. Nagsasagawa sila sa ganitong uri ng pinamagitan at kinompromisong paraan; hindi nila istriktong hinihingi sa mga sarili nila ang buong pagpapasakop o pagkilos na lubos na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Tama ba itong ginagawa nila, o hindi? Ano ang panganib sa ganitong uri ng pagsasagawa? Hindi ba’t malamang na lumihis ito ng landas? Ang labanan ang Diyos at salungatin ang Kanyang disposisyon? Ito ang isang bagay na dapat alamin ng mga tao. Malinaw ba sa inyo ngayon, kung ano ang kaibahan ng pagganap ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos at paghahanap ng trabaho at pagraraos ng buhay sa mundo? May malinaw ba kayong kamalayan nito sa inyong puso? Dapat ninyong pag-isipan ang isyung ito at pagnilayan ito nang madalas. Ano ang pinakamalaking pagkakaiba ng dalawa? Alam ba ninyo? (Ang pagganap ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos ay tungkol sa pagkakamit ng katotohanan at pagdudulot ng pagbabago sa ating tiwaling disposisyon; ang paghahanap ng trabaho sa mundo ay tungkol sa buhay ng laman.) Medyo malapit iyan, pero may isang bagay na hindi ninyo nabanggit: Ang gumanap ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos ay mamuhay sa katotohanan. Ano ang halaga ng pamumuhay sa katotohanan? Para sa mga tao, ito ay na maaaring magbago ang disposisyon nila, at na maaari silang maligtas sa huli; para sa Diyos, ito ay na maaari ka Niyang makamit, isang nilalang, at makilala na ikaw ay nilikha Niya. Saan nabubuhay ang mga tao kapag naghahanap sila ng trabaho sa mundo? (Sa mga pilosopiya ni Satanas.) Sa mga pilosopiya ni Satanas—kapag pinagsama-sama, ibig sabihin nito ay namumuhay sila sa tiwaling disposisyon ni Satanas. Pareho ito sa kung ikaw man ay para sa kasikatan, kapakinabangan, at katayuan, o para sa kayamanan, o para iraos ang mga araw mo at mabuhay—nabubuhay ka sa mga tiwaling disposisyon. Kapag nakahanap ka ng trabaho sa mundo, kailangan mong pigain ang utak mo sa pagsisikap na kumita ng pera. Para maabot mo ang kasikatan, kapakinabangan, at katayuan, kailangan mong sumandal nang lubos sa mga bagay tulad ng kompetisyon, labanan, pakikibaka, kalupitan, malisya, at pagpatay—iyan lang ang paraan para tumindig ka sa sarili mong paa. Para gumanap ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos, dapat kang mamuhay sa mga salita ng Diyos, at dapat mong maunawaan ang katotohanan. Ang mga negatibong bagay ni Satanas ay hindi lang walang silbi—dapat ding iwaksi ang mga ito. Walang isang satanikong bagay ang makatwiran. Kung nabubuhay ang isang tao sa mga satanikong bagay, dapat siyang husgahan at kastiguhin; kung nabubuhay ang isang tao sa mga satanikong bagay at determinado siyang hindi magsisi, dapat siyang itiwalag at talikuran. Iyan ang pinakamalaking kaibahan sa pagitan ng pagganap ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos at paghahanap ng trabaho sa mundo.

Kapag nabubuhay ang mga tao sa pamamagitan ng kaalaman nila, sa anong uri ng kalagayan sila namumuhay? Ano ang pinakamalalim nilang nararanasan? Sa sandaling may natutunan kang isang bagay sa ilang larangan, pakiramdam mo ay magaling ka, na napakahusay mo—at pagkatapos ay iginagapos ka ng kaalaman mo bilang resulta. Itinuring mong buhay mo ang kaalaman, at kapag may nangyari sa iyo, ang kaalaman mong iyan ang lumilitaw, para diktahan kang gawin ang ganito-at-ganyan. Gugustuhin mong iwaksi ito, pero hindi mo magawa, dahil nakaukit na ito sa puso mo, at walang ibang makakapalit dito. Ito ang ibig sabihin ng “ang mga unang impresyon ay ang mga huling impresyon.” May ilang kalipunan ng kaalaman ang mas makakabuting hindi pinag-aralan ng isang tao. Isang pananagutan ang natutunan ang mga ito, at isang panggulo. Maraming larangan ang nasasaklaw ng kaalaman: edukasyon, batas, panitikan, matematika, medisina, biyolohiya, at iba pa, na lahat ng ito ay nanggaling sa aktwal na karanasan ng mga tao. Ang mga ito ay mga anyo ng praktikal na kaalaman; hindi mabubuhay ang mga tao nang wala ang mga ito, at dapat nilang pag-aralan ang mga ito. Pero may ilang anyo ng kaalaman na nakakalason sa sangkatauhan—mga satanikong lason ang mga ito, galing kay Satanas ang mga ito. Halimbawa, ang mga agham panlipunan, na ang mga katuruan ay kinabibilangan ng mga bagay gaya ng ateismo, materyalismo, at ebolusyonismo, pati na rin ang Confucianismo, komunismo, at mga pyudal na pamahiin: Ang lahat ng ito ay mga negatibong anyo ng kaalamang galing kay Satanas, at ang pangunahing layuning isinasakatuparan nito ay ang pamugaran, sirain, at baluktutin ang isipan ng tao, ginagapos at kinokontrol ang pag-iisip ng mga tao, tungo sa pakay na magawang tiwali, mapinsala, at malipol ang mga tao. Ang pagsasalin ng pangalan ng pamilya, halimbawa, at pagmamahal sa magulang, at pagpaparangal sa pamilya, at ang pormulang lumalaganap, “Linangin ang sarili, isaayos ang pamilya, pamahalaan ang bansa, at maghatid ng kapayapaan sa lahat”—ang lahat ng ito ay ang mga katuruan ng tradisyonal na kultura. At higit sa mga ito ay ang iba’t ibang mga teolohikal na teorya, na laganap sa lipunang sibil, ng Budismo, Taoismo, at modernong relihiyon. Ang mga ito rin ay saklaw ng kaalaman. Halimbawa, ang ilang tao ay naglingkod bilang mga pastor o mangangaral, o nag-aral sila ng teolohiya. Ano ang makukuha sa pagkakaroon ng ganitong kaalaman? Pagpapala ba ito o sumpa? (Isang sumpa.) Paano ito naging sumpa? Kung hindi magsasalita ang mga ganitong tao, hayaan na lang na ganoon—pero kapag binubuksan nila ang kanilang mga bibig, relihiyosong doktrina ang lumalabas. Palagi silang sumusubok na mangaral ng espirituwal na doktrina; itinatanim nila sa mga tao ang mga mapagkunwaring gawi ng mga Pariseo, sa halip na hinahayaan ang mga itong maunawaan ang katotohanan. Ang teolohikal na kaalaman ay pangunahing tungkol sa teolohikal na teorya. Ano ang pinakakilalang katangian ng teolohikal na teorya? Nagtatanim ito ng mga bagay sa mga tao na pinanghahawakan nila bilang espirituwal, at sa sandaling tanggapin ng mga tao ang ganitong huwad na espirituwal na bagay, ito ang kanilang una at huling impresyon. Kahit na nakinig ka sa mga salitang ipinahahayag ng Diyos, hindi mo mauunawaan ang mga ito sa sandaling iyon, at mapipigilan ka ng kaalaman at mga teorya ng mga Pariseo. Napakamapanganib na bagay ito. Hindi ba’t magiging mahirap para sa taong gaya niyan na tanggapin ang katotohanan? Sa pagbubuod, kung mabubuhay ka sa doktrina at kaalaman, at kung gagawin mo ang iyong tungkulin at kikilos nang sumasandal sa mga kaloob mo, maaaring makagawa ka ng kaunting mabuting bagay, gaya ng tingin ng iba. Pero kapag nabubuhay ka sa kalagayang gaya niyan, alam mo ba ito? Nakikilala mo ba na nabubuhay ka sa pamamagitan ng kaalaman mo? Nararamdaman mo ba kung ano ang mga kahihinatnang maaaring idulot ng pamumuhay sa kaalaman? Hindi ba’t nauuwi ka sa hungkag na pakiramdam sa iyong puso, pakiramdam na walang halaga ang buhay na gaya niyan? At bakit talagang ganyan? Dapat linawin ang mga katanungang ito. Naririyan tayo sa isyu ng kaalaman.

Katatapos lang nating talakayin ang mga isyu ng kaalaman at mga kaloob. May isa pang isyu: Maraming tao ang nanggaling sa pauna nilang paniniwala sa Diyos hanggang sa kasalukuyan nang hindi nila kailanman nalalaman kung ano ang katotohanan, o kung paano nila ito dapat isagawa at hanapin. Nabubuhay sila sa buong panahong ito sa paninindigan, o sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Sa madaling salita, nabubuhay sila sa mga bagay na pinaniniwalaan nilang tama. Kumikilos silang pinanghahawakan nang may pagkahumaling ang mga bagay na ito, at itinuturing pa nga nila bilang katotohanan ang mga ito. Iniisip nila na hangga’t nagsusumikap sila sa kanilang pagsasagawa hanggang sa huli, magiging mga mananagumpay sila, at mabubuhay sila sa hinaharap. Nananalig sila sa Diyos dahil sa ganoong kuru-kuro. Kaya nilang magdusa, at isuko ang mga pamilya at karera nila, at bitiwan ang mga bagay na minamahal nila—at nagpapatuloy sila para ibuod ang mga bagay-bagay sa kaunting regulasyon, na isinasagawa nila na parang ang mga ito ang katotohanan. Halimbawa, kapag may nakita silang isang taong mahirap ang pinagdaraanan, o pamilya ng isang taong dumaranas ng maraming problema, nagkukusa silang abutin at tulungan ito. Kinukumusta, inaalagaan, at kinakalinga nila ang mga ito. Kung saan mayroong trabahong marumi o mahirap, magkukusa silang puntahan at gawin ito. Hindi sila naaabala ng dumi at ng mga hinihingi. Hindi sila mapili. Hindi sila nakikipagtalo sa iba sa mga pakikitungo ng mga ito sa kanila, at ginagawa nila ang abot ng makakaya nila para magkaroon ng mabuting unawaan sa kaninuman at sa lahat ng tao. Hindi sila nakikipag-away sa iba, at natututo silang maging mabuti at magparaya sa mga tao, para ang lahat ng taong makakasama nila sa anumang oras ay magsasabing mabuting tao sila at tunay na mananampalataya. Pagdating sa Diyos, ginagawa nila ang anumang ipinapagawa Niya sa kanila at pumupunta sila saanman Niya sila pinapapunta. Hindi sila lumalaban. Ano ang ipinapamuhay nila? (Sigasig.) Ito ay hindi simpleng anyo lang ng pagiging masigasig—nabubuhay sila sa paninindigan na pinanghahawakan nilang tama. Hindi mauunawaan ng mga ganitong tao ang katotohanan kahit pagkatapos ng mga taon ng pananalig sa Diyos, ni hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa ng katotohanan, o kung ano ang pagpapasakop sa Diyos, o kung ano ang pagpapalugod sa Diyos, o kung ano ang paghahanap sa katotohanan, o kung ano ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi nila malalaman ang mga bagay na ito. Hindi rin nila malalaman kung ano ang isang tapat na tao o kung paano maging ganoon. Naniniwala sila, “Ang kailangan ko lang gawin ay mabuhay nang gaya nito at magpatuloy sa pagsunod. Anuman ang sermon na ipinapangaral sa sambahayan ng Diyos, panghahawakan ko ang mga pamamaraan ko ng paggawa ng mga bagay-bagay; paano man ako tratuhin ng Diyos, hindi ko isusuko ang paniniwala ko sa Kanya o iiwan Siya. Magagawa ko ang anumang tungkuling hihingin sa akin.” Mayroon silang impresyon na maliligtas sila sa pagsasagawa nang gaya nito. Kahabag-habag, gayunman, na kahit na walang anumang malaking problema sa saloobin nila, wala silang nauunawaang katotohanan, kahit pagkatapos makarinig ng mga sermon sa loob ng napakaraming taon. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan ng pagpapasakop o hindi nila alam kung paano ito isasagawa, hindi nila maunawaan ang katotohanan ng pagiging tapat na tao, o ang katotohanan ng tapat na pagganap ng tungkulin ng isang tao, o ano ang ibig sabihin ng pagiging pabasta-basta. Hindi nila alam kung sila ay nagsisinungaling o mapanlinlang na tao. Hindi ba’t dapat kaawaan ang mga ganitong tao? (Dapat.) Ano ang ipinapamuhay nila? Masasabi bang nabubuhay sila sa kanilang lantad na pusong tulad ng isang bata? Bakit masasabi ito? Dahil, gaya ng pinapaniwalaan nila, “Ang puso ko ay nakalantad para makita ng sanlibutan. Hindi ito malinaw sa mga tao; hindi nila ito makita—pero alam ito ng Langit.” Ganyan “katotoo” ang kanilang puso: Walang nakakaunawa rito, at hindi ito abot ng lahat. Bakit tinatawag itong lantad na pusong tulad ng isang bata? Dahil mayroon silang isang uri ng damdamin, isang sentimyento, at ginagamit nila ang personal na sentimyentong ito o pangangarap nila para bigyang-kahulugan kung ano ang dapat gawin ng isang mananampalataya ng Diyos at kung ano ang tungkulin. Ginagamit din nila ang mga ganitong sentimyento para isaayos ang mga hinihingi ng Diyos. Naniniwala sila, “Hindi talaga hinihingi ng Diyos na gumawa ng anumang bagay ang mga tao, o na magkaroon sila ng maraming kakayahan o makaunawa sa maraming katotohanan. Sapat na para sa isang tao ang magkaroon ng lantad na pusong tulad ng isang bata. Napakasimpleng manalig sa Diyos—ang kailangan mo lang gawin ay magpatuloy na kumilos batay sa lantad na pusong tulad ng isang bata.” Pero hindi tumitigil ang mga kasinungalingan nila, o ang kanilang paglaban, o ang kanilang pagrerebelde, o ang kanilang mga kuru-kuro, o ang kanilang pagtataksil. Anuman ang ginagawa nila, hindi nila nararamdaman na mahalaga ito, pero iniisip nila, “Mayroon akong mapagmahal-sa-Diyos na puso. Walang makakasira sa relasyon ko sa Diyos, walang makakapagpatamlay ng pagmamahal ko sa Diyos, at walang makakapanghimasok sa katapatan ko sa Diyos.” Anong uri ng kaisipan ito? Isang kakatwa, hindi ba? Kakatwa ito, at dapat kaawaan. May isang kalagayan sa espiritu ng ganitong tao—tuyot, nagdarahop, at nakakaawa. Bakit “tuyot”? Dahil kapag may kinakaharap silang ilang simpleng bagay—nagsisinungaling sila, sabihin natin—hindi nila ito alam o napapagtanto. Wala silang nararamdamang pagsisisi sa sarili; wala silang anumang nararamdaman. Sinundan nila ang Diyos hanggang ngayon nang walang mahigpit na pamantayan para sa pagsukat sa anumang ginagawa nila. Hindi nila alam kung anong uri ng tao sila, o kung sila ay mga mapanlinlang na tao, o kung talagang nagagawa nilang maging tapat na tao, o kung nagagawa nilang magpasakop sa mga hinihingi ng Diyos. Hindi nila alam ang alinman sa mga bagay na ito. Ganyan sila kahabag-habag, at tuyot sila sa espiritu nila. Bakit sinasabing tuyot sila sa kanilang espiritu? Dahil hindi nila alam kung ano ang hinihingi sa kanila ng Diyos, o kung bakit sila nananalig sa Diyos, o kung anong uri ng tao ang dapat nilang hangarin na maging. Hindi nila alam kung anong mga pagkilos ang walang katwiran, o kung anong mga pagkilos ang lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi nila alam kung anong saloobin ang dapat taglayin sa masasamang tao at kung anong saloobin ang dapat taglayin sa mabubuting tao; hindi nila alam kung kanino sila dapat makitungo o kung kanino sila dapat lumapit. Kapag naging negatibo sila, ni hindi nila alam kung ano ang mga kalagayang kinasadlakan nila. Iyan ang ibig sabihin ng maging tuyot sa espiritu. Ganito ba kayo? (Oo.) Hindi Ko ito gusto, ang marinig kayong sabihin iyan, pero iyan ang uri ng kalagayan ninyo. Palagi kayong emosyonal, at walang sinumang may alam kung kailan iyan magbabago.

Ano ang pagiging emosyonal? Titingnan natin ang isang halimbawa. May ilang taong pakiramdam nila sa sarili nila ay mahal na mahal nila ang Diyos. Sa partikular, pakiramdam nila ay malaking karangalan para sa kanila at dalawang beses silang pinagpala dahil ipinanganak sila sa mga huling araw, dahil tinanggap nila ang yugtong ito ng gawain ng Diyos, at dahil narinig nila ang mga salita Niya sa mga sarili nilang tainga at personal na naranasan ang gawain Niya. Dahil dito, iniisip nila na dapat silang makahanap ng ilang paraan para ipahayag ang kanilang lantad na pusong tulad ng isang bata. At paano nila gagawin iyan? Lalabas ang mga emosyon nila, ang sigasig nila ay akma na para sumambulat, sila ay nagiging hindi makatwiran, at ang mga emosyon nila ay nagiging abnormal. At lumalabas ang kapangitan mula roon. Sa mainland China, sila ay nasa isang kasuklam-suklam na lugar para sa paniniwala sa Diyos at nabuhay sila sa pang-aapi. Mayroon silang sigasig noon, at nangarap na maisigaw, “Makapangyarihang Diyos, mahal Kita!” Pero walang lugar para gawin ito—hindi nila magawa, dahil sa takot na maaresto. Ngayon ay nasa ibang bansa sila at malayang manalig; sa wakas ay may lugar na sila na mapaglalabasan ng kanilang lantad na pusong tulad ng isang bata. Kailangan nilang ihayag kung gaano nila kamahal ang Diyos. Kaya, lumalabas sila sa mga lansangan at humahanap ng lugar na walang maraming tao sa paligid, kung saan makakasigaw sila kung gusto nila. Gayunman, bago nila ito magawa, pakiramdam nila ay parang wala sila ng kumpiyansa para magpatuloy. Tinitingnan nila ang eksena sa paligid nila, at hindi nila mailabas ang sigaw nila. Ano ang tumatakbo sa mga isipan nila? “Hindi ito maaari. Hindi sapat na magkaroon lang ng lantad na pusong tulad ng isang bata. Wala pa akong mapagmahal-sa-Diyos na puso. Hindi nakapagtatakang wala akong maisigaw.” At kaya, nalulungkot at nasasaktan, uuwi sila at tatangis sa Diyos, “O Diyos, hindi ako nangahas sumigaw ng ‘Mahal Kita’ noong nasa lugar ako na hindi ito pinapayagan. Ngayon, nasa lugar ako na pinapayagan ito, pero wala pa rin akong kumpiyansa. Hindi ko mailabas ang sigaw ko. Mukhang napakaliit lang ng tayog at kumpiyansa ko. Wala akong buhay.” Mula noon, nananalangin sila tungkol sa isyung ito, at naghahanda, at ginagawa nila ito sa sarili nila. Madalas silang nagbabasa ng mga salita ng Diyos at napapaluha sila nito, at ang mga emosyon at kasigasigan nila ay kumukulo at naiipon sa puso nila. Tuloy-tuloy ito hanggang sa isang araw, pakiramdam nila ay punong-puno sila ng emosyon na maaari na silang lumabas sa pampublikong lugar na may kapasidad na ilang libong tao at sumigaw “Mahal Kita, Makapangyarihang Diyos” sa harap ng maraming tao—pero kapag pumunta sila sa lugar at nakita nila ang lahat ng taong naroon, hindi lumalabas ang sigaw nila. Baka hindi pa rin nila ito isinisigaw, kahit ngayon. Pero naisigaw man nila ito o hindi, ano ang ibig sabihin nito? Pagsasagawa ba ng katotohanan ang sumigaw nang ganyan? Patotoo ba iyan sa Diyos? (Hindi.) Kaya, bakit determinado silang isigaw iyan? Pinanghahawakan nila ang paniniwala na ang sigaw nila ay mas magiging malakas at mas magiging epektibo kaysa sa iba pang pamamaraan ng pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos at ng pagpapatotoo sa Diyos. Iyan ang ibig sabihin ng pagiging isang taong may lantad na pusong tulad ng isang bata. Mabuti o masamang bagay bang magkaroon ng ganyang mga emosyon ang isang tao? Normal ba ito o abnormal? Maiuuri ba ito na saklaw ng normal na pagkatao? (Hindi.) Bakit hindi? Ano ang layunin ng Diyos para ang mga tao ay gumanap ng mga tungkulin at para maunawaan at maisagawa nila ang katotohanan? Ito ba ay para pataasin ang emosyon ng pagmamahal ng mga tao para sa Kanya o ang emosyon nila sa pagganap ng tungkulin nila? (Hindi.) May mga ganito ba kayong emosyon paminsan-minsan, o baka madalas? (Oo.) Kapag mayroon, pakiramdam mo ba ay dumarating ang mga ito nang biglaan at nang hindi normal, o na mahirap pigilan ang mga ito? Dapat mong pigilan ang mga ito, mahirap mang sugpuin ang mga ito. Bukod sa lahat ng ito, ang mga ito ay pawang mga emosyon lang, hindi mga tagumpay na dumarating pagkatapos maunawaan at maisagawa ng mga tao ang katotohanan, o pagkatapos nilang sundin ang daan ng Diyos. Hindi normal na kalagayan ang mga ito. Maaari bang maiuri ang hindi normal na kalagayang ito na radikal na pagmamatigas? Nag-iiba iyan sa bawat kaso. May iba’t ibang antas; may ilang maaaring maiuri na radikal na pagmamatigas, at may ilang umaabot sa antas ng pagiging kakatwa. Normal para sa isang taong magbuhos ng kaunti ng pakiramdam na ito paminsan-minsan. Kaya, anong mga pagpapamalas nito ang abnormal? Ang paggawa ng isang bagay galing sa hindi mapigilang emosyon. Kapag nabubuhay ang isang tao araw-araw at kumikilos siya alang-alang sa bagay na iyan, nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nagpapalaganap ng ebanghelyo alang-alang din dito, at gumagawa ng anuman at lahat ng tungkulin alang-alang dito—kapag umiikot ang lahat sa bagay na iyan, at ito ang nagiging halaga at kahulugan ng kanilang pag-iral at buhay—may dulot na problema iyan. Nalihis ang layunin at direksyon ng taong iyan. Mayroong kapangitan sa mga taong nabubuhay sa kanilang lantad na mga pusong tulad ng isang bata. Mayroong katigasan ng ulo sa kanila, at mayroon silang mga hindi normal na emosyon. Kung nabubuhay ang isang tao sa mga bagay na ito at madalas na nabubuhay sa ganitong kalagayan, mauunawaan ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Kung hindi nila maunawaan ang katotohanan, ano ang takbo ng kanilang isipan tuwing nakikinig sila sa mga sermon? Ano ang intensyong mayroon sila sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos? Mauunawaan at makakamit ba ng isang taong palaging nananalig sa Diyos nang may lantad na pusong tulad ng isang bata at relihiyosong seremonya ang katotohanan? (Hindi.) Bakit hindi? Ang lahat ng ginagawa nila ay hindi batay sa katotohanan, kundi sa relihiyosong teorya at sa mga kuru-kuro at imahinasyon. Hindi rin ito tungkol sa paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan. Wala silang anumang pakialam kung ano talaga ang katotohanan o kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos. Wala silang pakialam dito, na para bang ang kailangan lang ng isang tao para manalig sa Diyos ay ang lantad na pusong tulad ng isang bata, na para bang ang kailangan lang nilang gawin ay harapin ang mga bagay-bagay at magsikap sa iglesia. Ganyan iyan kasimple sa kanila. Hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng pag-unawa at pagsasagawa sa katotohanan, o kung ano ang dapat hangarin para maligtas. Maaaring iniisip nila ang tungkol sa mga bagay na ito paminsan-minsan, pero hindi lang talaga nila magawa ang mga ito. Sa buong panahon, iniisip nila, “Basta’t may sigasig ako, maaabot ang sukdulang antas ng emosyon, at makakapagtiyaga hanggang sa huli, maaaring maligtas ako,” at dahil dito, nadadala sila ng mga masisidhi nilang emosyon, wala silang ginagawang anuman kundi mga kamangmangan, mga bagay na salungat sa mga katotohanang prinsipyo. Sa huli, ibubunyag at itinitiwalag sila. Mukhang hindi naman dakilang bagay ang mga masidhing emosyon, kung tutuusin.

Mayroon pang isang medyo nakakakilabot na kalagayan sa pamumuhay sa lantad na pusong tulad ng isang bata, at iyan ay na may ilang taong laging sumasandig sa kasigasigan para manalig sa Diyos. Ang alab sa puso nila ay hindi kailanman nawawala; iniisip nilang ang kailangan lang nila para manalig sa Diyos ay lantad na pusong tulad ng isang bata. “Hindi ko kailangang maunawaan ang katotohanan, hindi ko kailangang suriin ang sarili ko, at hindi ko kailangang lumapit sa Diyos para aminin ang mga kasalanan ko at magsisi—at tiyak na hindi ko kailangang tanggapin ang anumang paghatol, pagkastigo, pagpupungos, o pagpuna at kritisismo mula sa sinuman” iniisip nila. “Hindi ko kailangan ang mga bagay na iyon. Ang kailangan ko lang ay lantad na pusong tulad ng isang bata.” Ito ang prinsipyo ng kanilang paniniwala sa Diyos. Iniisip nila, “Hindi ko kailangang tanggapin ang paghatol at pagkastigo. Sapat na para sa akin na makaramdam lang ng mabuti tungkol sa sarili ko. Naniniwala akong tiyak na magiging masaya ang Diyos sa paggawa ko niyan. Kung masaya ako, masaya ang Diyos—iyan lang ang mayroon dito. Maliligtas ako kung mananalig ako sa Diyos gaya niyan.” Hindi ba’t ito ay napakawalang-muwang na paraan ng pag-iisip? Dati kayong nasa kalagayang gaya niyan, hindi ba? (Oo.) Kung mabubuhay kayo hanggang sa huli sa kalagayang tulad niyan, walang kakayahan sa anumang pagbabago, makatwirang sabihin na hindi ninyo nauunawaan ang kahit katiting na katotohanan. Walang epekto ang katotohanan sa inyo. Hindi ninyo alam ang hangarin o kahalagahan ng pagliligtas ng Diyos sa tao, at hindi ninyo nauunawaan kung ano ang kahulugan ng paniniwala sa Diyos. Ano ang pagkakaiba ng pananampalataya sa Diyos at paniniwala sa relihiyon? Nag-iisip ang lahat ng paniniwala sa relihiyon dahil walang ikinabubuhay ang taong iyon, na maaaring mayroon siyang mga paghihirap sa tahanan. Kung hindi man, ito ay dahil gusto niyang makakita ng isang bagay na sasandalan, makahanap ng espirituwal na pagkukunan ng lakas. Ang paniniwala sa relihiyon ay madalas hindi hihigit sa panghihikayat sa mga taong maging mabuti, maganda ang kalooban, matulungin sa iba, mabait sa iba, gumawa ng mas maraming mabuting gawa para makaipon ng kabutihan, hindi pumatay o manunog, huwag lumabag sa batas o gumawa ng mga krimen, huwag gumawa ng masasamang bagay, huwag manakit ng mga tao o magbitaw ng sumpa sa kanila, huwag magnakaw o manloob, at huwag mandaya o manloko. Ito ay isang konsepto ng “paniniwala sa relihiyon” na umiiral sa isipan ng bawat isa. Gaano karami sa konsepto ng paniniwala sa relihiyon ang umiiral sa puso ninyo ngayon? Ang mga bagay ba na nauugnay sa paniniwala sa relihiyon ay umaayon sa katotohanan? Saan, talaga, nanggagaling ang mga ito? Alam ba ninyo? Kung nananalig ka sa Diyos nang may pusong nagkikimkim ng paniniwala sa relihiyon, ano ang magiging resulta? Ito ba ang tamang paraan para manalig sa Diyos? May kaibahan ba ang kalagayan ng paniniwala sa relihiyon at kalagayan ng pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos? Ano ang pagkakaiba ng paniniwala sa relihiyon at pananampalataya sa Diyos? Noong una kang naniwala sa Diyos, maaaring nadama mo na ang paniniwala sa relihiyon at pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos ay magkapareho. Pero ngayon, pagkatapos mong manalig sa Diyos sa loob ng ilang taon, sa palagay mo ano ba talaga ang pagkakaroon ng pananampalataya? Mayroon ba itong anumang pagkakaiba sa paniniwala sa relihiyon? Ang ibig sabihin ng paniniwala sa relihiyon ay pagsunod sa ilang relihiyosong ritwal upang magdala ng kaligayahan at kapanatagan sa espiritu ng isang tao. Wala itong kaugnayan sa mga katanungang gaya ng kung anong landas ang nilalakaran ng mga tao, o kung paano sila namumuhay. Walang pagbabago sa iyong panloob na mundo; ikaw pa rin iyan, at ang iyong kalikasang diwa ay hindi nagbabago. Hindi mo pa tinatanggap ang mga katotohanang mula sa Diyos at ginagawang buhay mo ang mga ito, kundi gumawa ka lang ng ilang mabubuting gawa o sumunod sa seremonya at mga regulasyon. Nakibahagi ka lamang sa ilang aktibidad na may kaugnayan sa paniniwala sa relihiyon—ito lang, iyon lang iyon. Kung gayon ay ano ang tinutukoy ng pananampalataya sa Diyos? Ang ibig sabihin nito ay isang pagbabago kung paano ka nabubuhay, ibig sabihin nito ay nagkaroon na ng pagbabago sa halaga ng iyong pag-iral at mga hangarin mo sa buhay. Noon ay nabuhay ka para sa mga bagay na tulad ng pagbibigay-dangal sa iyong mga ninuno, pamumukod-tangi sa mga tao, pagkakaroon ng magandang buhay, at pagsisikap para sa kasikatan at kayamanan. Ngayon, tinalikuran mo na ang mga bagay na iyon. Hindi ka na sumusunod kay Satanas, bagkus ay nais mo na itong talikuran, na talikuran ang masamang kalakarang ito. Ikaw ay sumusunod sa Diyos, ang tinatanggap mo ay ang katotohanan, at ang landas na nilalakaran mo ay ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Ang direksyon ng buhay mo ay ganap nang nagbago. Pagkatapos mong manalig sa Diyos, hinaharap mo na ang buhay sa ibang paraan, nagkaroon ng ibang paraan ng pamumuhay, pagsunod sa Lumikha, pagtanggap at pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha, pagtanggap sa pagliligtas ng Lumikha, at sa wakas ay pagiging isang tunay na nilikha. Hindi ba’t ito ay pagbabago sa iyong paraan ng pamumuhay? Ito ang ganap na kabaliktaran ng dati mong hangarin, paraan ng pamumuhay, at mga motibasyon at kahalagahan sa likod ng lahat ng ginawa mo—ang mga ito ay ganap na magkasalungat, ni walang pagkakatulad. Magtatapos tayo sa pagkakaiba ng pananampalataya sa Diyos at paniniwala sa relihiyon. Nakikita ba ninyo sa inyong sarili ang kalagayan ng pagkakaroon ng “lantad na pusong tulad ng isang bata” na pinag-uusapan natin? (Oo.) Kaya, namumuhay ba kayo sa lantad na pusong tulad ng isang bata kadalasan, o paminsan-minsan lang na mayroon kayong kalagayang ganyan? Kung paminsan-minsan ito, pinapatunayan niyan na iwinaksi mo na ang kalagayang iyan at nagsimula ka nang hanapin ang katotohanan, na nagsimula ka nang lumabas sa kalagayan ng mga bagay na iyan; kung ikaw ay madalas pa ring nabubuhay sa lantad na pusong tulad ng isang bata at hindi mo alam kung paano mamumuhay sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, o kung paano iwawaksi ang mga pumipigil sa iyong lantad na pusong tulad ng isang bata at lalabas sa kalagayang iyan, pinapatunayan niyan na hindi ka nabubuhay sa harap ng Diyos, na hindi mo pa nauunawaan kung ano ang katotohanan o kung paano ito hahanapin. Malaking pagkakaiba ba iyan? (Oo.) Kung ipagpapatuloy mo ang pamumuhay sa paraang iyan, nang walang ni katiting na pagkaunawa sa katotohanan, nasa panganib ka—dapat kang itiwalag, di-magtatagal. Tungkol sa kung paano lumilitaw ang lantad na pusong tulad ng isang bata, dapat mong hanapin ang katotohanan, himayin ang kalagayan, at baguhin ang kalagayang iyan. Bakit magkakaroon ang isang tao ng lantad na pusong tulad ng isang bata; ano ang mga bungang darating sa pagsandal sa alab para manalig sa Diyos; kung makakamit mo ang katotohanan sa pananalig sa Diyos gaya niyan; kung mapapatibay ba nito ang pananampalataya mo sa Diyos—dapat maging malinaw sa iyong puso ang mga katanungang ito. Hinihingi nito na panatilihin mo ang sarili mo para sa paghahambing, para magnilay, at para humanap ng resolusyon.

Ang isang uri ng tao ay masigasig sa puso sa kanyang paniniwala sa Diyos. Ayos lang sa kanya ang anumang tungkulin, at gayon din ang kaunting paghihirap, pero hindi matatag ang pag-uugali niya—emosyonal siya at kapritsoso, pabagu-bago. Kumikilos siya ayon lang sa damdamin niya. Kapag masaya siya, ginagawa niya nang maayos ang trabahong iniatas sa kanya, at nakakasundo niya nang maayos ang sinumang ipares sa kanya at ang sinumang nakakasalamuha niya. Handa rin siyang gumanap ng mas maraming tungkulin—anumang tungkulin ang ginagampanan niya, mayroon siyang diwa ng responsabilidad para rito. Ganyan siya kumikilos kapag siya ay nasa mabuting kalagayan. Marahil ay may dahilan kung bakit nasa mabuti siyang kalagayan: Marahil siya ay napuri sa mahusay na pagganap ng kanyang tungkulin, at nakuha niya ang paggalang at pagsang-ayon ng grupo. O, baka maraming tao ang nagpapahalaga sa trabahong nagawa niya, kaya sila ay nagmamalaki gaya ng isang lobong lumalaki sa bawat ihip ng papuri. At kaya, patuloy niyang ginagampanan ang parehong tungkulin bawat araw, pero sa buong panahong ito, hindi niya kailanman naaarok ang mga layunin ng Diyos o hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo. Palagi siyang kumikilos batay sa kanyang karanasan. Ang karanasan ba ang katotohanan? Maaasahan ba ang kumilos batay sa karanasan? Naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Ang pagkilos batay sa karanasan ay hindi naaayon sa mga prinsipyo; tiyak na may mga pagkakataong mabibigo ito. Kaya, darating ang araw kung kailan hindi niya gagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin. Maraming bagay ang hindi magiging maayos at siya ay pupungusin. Hindi masisiyahan ang grupo sa kanya. Magiging negatibo siya: “Hindi ko na gagampanan ang tungkuling ito. Hindi ko ito nagagawa nang maayos. Mas magaling kayong lahat kaysa sa akin. Ako ang walang kwenta. Sinumang gustong gumawa nito, sige lang!” May taong nagbabahagi sa kanya tungkol sa katotohanan, pero hindi ito tumatagos sa kanya, at hindi niya nauunawaan, na sinasabi, “Ano ang kailangang pagbahaginan tungkol dito? Wala akong pakialam kung ito ang katotohanan o hindi—gagawin ko ang tungkulin ko kapag masaya ako at hindi ko gagawin kapag hindi ako masaya. Bakit ginagawa itong komplikado? Hindi ko ito gagawin ngayon; maghihintay ako ng araw na masaya ako.” Ganito siya, palagi. Sa pagganap man ng tungkulin niya; sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, o sa pakikinig ng mga sermon at pagdalo sa mga pagtitipon; o sa kanyang mga pakikisalamuha sa iba—sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa anumang aspekto ng buhay niya, ang ibinubunyag niya ay maulap sa isang sandali at maaraw naman sa susunod, masigla sa isang sandali at nanlulumo sa susunod, malamig sa isang sandali at mainit sa susunod, negatibo sa isang sandali at positibo sa susunod. Sa madaling salita, ang kalagayan niya, mabuti o masama, ay palaging medyo hayag. Makikita mo ito sa isang sulyap. Pabagu-bago siya sa lahat ng bagay na ginagawa niya, nagpapadala lang siya sa damdamin niya. Kapag masaya siya, mas mahusay siyang magtrabaho, at kapag hindi, hindi rin siya mahusay—maaari pa nga niyang itigil ang paggawa ng isang bagay at sumuko. Anuman ang ginagawa niya, dapat niya itong gawin ayon sa pakiramdam niya, ayon sa kapaligiran, ayon sa mga hinihingi niya. Hindi talaga niya gustong dumaan sa paghihirap; pinapamihasa at sinusunod ang layaw niya, siya ay histerikal, hindi siya nakikinig sa katwiran, at wala siyang ginagawa para pigilan ito. Walang sinumang pwedeng sumalungat sa kanya; sinumang gumagawa nito ay magiging puntirya ng galit niya, na dumarating na parang bagyo—at pagkatapos nitong dumaan, siya ay negatibo at lugmok ang damdamin. Higit pa rito, ginagawa niya ang lahat batay sa mga kagustuhan niya. “Kung gusto ko ang trabahong ito, gagawin ko ito; kung hindi, hindi ko ito gagawin, at hindi kailanman. Puwede itong gawin ng sinuman sa inyo na may gusto. Wala itong kaugnayan sa akin.” Anong uri ng tao ito? Kapag masaya siya at mabuti ang kalagayan niya, nananabik siya sa puso at sinasabi na gusto niyang mahalin ang Diyos. Umiiyak siya dahil labis siyang nananabik, tumutulo ang mga luha sa mukha niya, humihikbi nang malakas. Ang puso ba niya ay isang pusong tunay na nagmamahal sa Diyos? Ang kalagayan ng pagmamahal sa Diyos sa puso ay normal, pero sa pagtingin sa kanyang disposisyon, mga pag-uugali, at pagbubunyag, iisipin mong para siyang batang may edad na humigit-kumulang sampung taon. Ang disposisyon niyang ito, ang paraan ng pamumuhay niya, ay pagkakapritsoso. Siya ay pabagu-bago, hindi tapat, iresponsable, at hindi epektibo sa lahat ng bagay na ginagawa niya. Hindi siya kailanman dumaan sa paghihirap at ayaw tumanggap ng responsabilidad. Kapag masaya siya, ayos lang sa kanyang gawin ang anumang bagay; ayos lang ang kaunting paghihirap, at kung mabigo ang mga interes niya, ayos lang din iyan. Pero kung hindi siya masaya, wala siyang gagawing anumang bagay. Anong uri siya ng tao? Normal ba ang kalagayang gaya niyan? (Hindi.) Ang isyung ito ay higit pa sa kalagayang hindi normal—ito ay pagpapamalas ng sukdulang pagkakapritsoso, sukdulang kahangalan at kamangmangan, sukdulang pagiging isip-bata. Ano ang problema sa pagkakapritsoso? May ilang maaaring magsabi, “Ito ay ang pagbabagu-bago ng damdamin. Masyado siyang bata at napakakaunti ng pinagdaanan niyang hirap, at hindi pa nakatakda ang kanyang personalidad, kaya madalas may pagkakapritsoso sa pag-uugali niya.” Ang katunayan ay walang pakialam ang pagkakapritsoso sa edad: Kung minsan ay kapritsoso din ang mga may edad apatnapu at pitumpung taon at higit pa. Paano ito maipapaliwanag? Ang pagkakapritsoso sa katunayan ay isang problema sa disposisyon ng isang tao, at ito ay sobrang seryoso! Kung may ginagampanan siyang importanteng tungkulin, maaaring maantala ang tungkuling iyan at ang progreso ng trabaho, nagreresulta ng mga pagkalugi sa mga interes ng sambahayan ng Diyos; at sa mga ordinaryong tungkulin din, naapektuhan din ang mga tungkuling iyon kung minsan, at nahahadlangan ang mga bagay-bagay. Walang anuman dito ang napapakinabangan ng iba, ng sarili niya, o ng gawain sa iglesia. Ang maliliit na gawaing ginagawa niya at ang mga halagang binabayaran niya ay may netong pagkalugi. Ang partikular na mga kapritsosong tao ay hindi akmang gumanap ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at maraming ganitong tao. Ang pagkakapritsoso ay ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon. Sa praktikal, ang bawat tao ay may ganyang disposisyon. At ano ang disposisyong iyan? Sa natural, bawat tiwaling disposisyon ay isang uri ng mga disposisyon ni Satanas, at ang pagkakapritsoso ay isang tiwaling disposisyon. Sa mas banayad na salita, ito ay ang hindi pagmamahal o pagtanggap sa katotohanan; sa mas mabigat na salita, ito ay ang pagiging tutol sa katotohanan at pagkamuhi rito. Kaya ba ng mga kapritsosong taong magpasakop sa Diyos? Tiyak na hindi. Kaya nila sa panandalian, kapag masaya sila at kumikita, pero kapag hindi sila masaya at hindi kumikita, mapupuno sila ng galit at mangangahas na labanan at ipagkanulo Siya. Sasabihin nila sa sarili nila, “Wala akong pakialam kung ito ay ang katotohanan o hindi—ang mahalaga ay masaya ako, na kontento ako. Kung hindi ako masaya, walang sasabihin ang sinuman na makakatulong! Ano ang halaga ng katotohanan? Ano ang halaga ng diyos? Ako ang masusunod!” Anong klase ng tiwaling disposisyon ito? (Pagkamuhi sa katotohanan.) Ito ay isang disposisyong namumuhi sa katotohanan, isa na tutol dito. May elemento ba ng pagmamataas at pagkapalalo rito? May elemento ba ito ng pagiging mapagmatigas? (Oo.) May isa pang napakasamang kalagayan dito. Kapag maganda ang pakiramdam nila, mabait sila sa lahat ng tao at responsable sa pagganap sa kanilang tungkulin; iniisip ng mga tao na sila ay isang mabuti, mapagpasakop na tao, isang taong handang magbayad ng halaga, na talagang nagmamahal sa katotohanan. Pero sa sandaling maging negatibo sila, aalis sila, magrereklamo, at magiging sarado pa nga sa katwiran. Dito, lumalabas ang masama nilang bahagi. Walang maaaring mamahiya sa kanila. Sasabihin pa nila, “Nauunawaan ko ang bawat katotohanan, hindi ko lang ito isinasagawa. Ayos lang sa akin na maging panatag ako sa sarili ko!” Anong disposisyon ito? (Kasamaan.) Ang masasamang taong ito ay hindi lang handang lumaban sa sinumang maaaring magpungos sa kanila, sasaktan at pipinsalain din nila ang mga iyon, gaya ng isang masamang demonyo. Walang sinumang mangangahas na guluhin sila. Hindi ba’t napakakapritsoso at napakasama nila? Isa ba itong problema na may kaugnayan sa pagiging kabataan? Hindi ba sila magiging kapritsoso kung mas matanda sila? Magiging mas maalalahanin at makatwiran ba sila kung mas matanda sila? Hindi. Hindi ito usapin ng kanilang personalidad o edad. May nagkukubli roong tiwaling disposisyong may malalim na ugat. Kinokontrol sila ng isang tiwaling disposisyon, at nabubuhay sila sa tiwaling disposisyon. May pagpapasakop ba sa isang taong nabubuhay sa isang tiwaling disposisyon? Kaya ba niyang hanapin ang katotohanan? May bahagi ba sa kanya na nagmamahal sa katotohanan? (Wala.) Wala, walang anuman sa mga iyon. Nagkaroon na ba kayong lahat ng kapritsosong kalagayan? (Oo.) Mararamdaman ba ninyong problema ito kung hindi tayo nagbahaginan tungkol dito? (Hindi.) Ngayon, sa pagbabahaginan tungkol dito, pakiramdam ba ninyo na ito ay isang medyo seryosong problema? (Oo.) Ang ilang paminsan-minsang pagkakapritsoso ay lumilitaw mula sa mga obhetibong sanhi. Iyan ay hindi problema sa disposisyon. Ang lahat ng mga problema sa disposisyon, at ang lahat ng pagbubunyag ng tiwaling disposisyon sa mga kilos ng isang tao, ay magbubunga ng mga negatibong kahihinatnan. Narito ang isang halimbawa ng isang obhetibong sanhi: Sabihin nating ang isang tao ay may matinding sakit ng tiyan ngayon. Labis ang nararamdaman niyang sakit na halos wala siyang lakas para magsalita. Gusto lang niyang humiga nang saglit. Maya-maya, may isang taong dumating at may kaunting sinabi sa kanya, at ang tono ng pagsagot niya ay medyo magaspang. Ito ba ay problema sa kanyang disposisyon? Hindi, hindi ito problema. Nagkakaganyan lang siya dahil siya ay may karamdaman at nasasaktan. Kung ganyan siyang uri ng tao sa mga normal na pagkakataon, isang nagsalita sa ganyang paraan, iyan ay magiging isang problema sa disposisyon. Sa kasong ito, may masamang tono sa kanyang pananalita dahil lumampas na ang kirot sa isang partikular na hangganan. Iyan ay normal lang na mangyari. Kung may obhetibong sanhi, at kinikilala ng lahat ng tao na ang pagsasalita o pagkilos sa ganitong paraan ay mapapatawad at makatwiran, dahil ganito ang pangyayari, at ito ay kalikasan lang ng tao, ito ay pag-uugali at pagbubunyag ng normal na pagkatao. Tingnan natin ang halimbawa ng isang taong namatayan ng kamag-anak at nagsimulang umiyak sa pagdadalamhati. Iyan ay normal lang. Pero may mga taong manghuhusga sa kanya at sasabihin, “Sentimental ang taong ito. Maraming taon na siyang nananalig sa Diyos pero hindi pa rin mabitiwan ang pagmamahal sa kanyang pamilya. Umiiyak pa nga siya kapag may kamag-anak siyang pumanaw. Anong kahangalan!” Pagkatapos, nangyayari na nang namatay ang ina ng nagsasalita, mas matindi pa ang pag-iyak niya kaysa sa sinuman. Paano ito dapat tingnan ng isang tao? Hindi maaaring pikit-mata kang maglalapat ng mga tuntunin o gagawa ng mga panlalahat tungkol dito—may ilang bagay na may obhetibong sanhi, at ang mga ito ay mga pag-uugali at pagbubunyag ng normal na pagkatao. Kung ano ang mga pag-uugali at pagbubunyag ng normal na pagkatao, at kung ano ang mga hindi ganoon—nag-iiba iyan sa mga pangyayari. Anuman ang nabanggit tungkol sa pamumuhay ng isang tao, anuman ang sinasabi ay tumatalakay, sa isang banda, sa mga problema sa mga disposisyon ng mga tao, at sa kabilang banda, ito ay tungkol sa mga problema sa mga pananaw ng mga tao, ang mga paraan nila ng paghahangad, at ang mga landas ng kanilang paghahangad. Ito ay hindi talaga tanong tungkol sa kanilang timpla o personalidad, o tungkol sa mga panlabas nilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay.