Mga Salita sa Iba Pang Paksa (Sipi 94)

May mga taong kasisimula pa lang manalig sa Diyos na madalas ay negatibo at mahina. Ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, napakababa ng kanilang tayog, at hindi nila nauunawaan ang iba’t ibang katotohanan tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Kaya, naniniwala silang mahina ang kanilang kakayahan, na hindi nila kayang makisabay, na marami silang paghihirap—ito ay nagdudulot ng pagkanegatibo, at nagpapasuko pa nga sa kanila: Nagpapasya silang sumuko, na hindi na hangarin ang katotohanan. Sila ang nagtitiwalag sa mga sarili nila. Ang iniisip nila ay, “Ano’t anuman, hindi ako sasang-ayunan ng Diyos sa aking pananalig sa Kanya. Ayaw rin sa akin ng Diyos. At wala akong gaanong panahon para pumunta sa mga pagtitipon. Mahirap ang buhay ng pamilya ko at kailangan kong kumita ng pera,” at iba pa. Lahat ng ito ay nagiging mga dahilan kung bakit hindi sila nakakapunta sa mga pagtitipon. Kung hindi ka mabilis sa pag-alam kung ano ang nangyayari, malamang ay ipagpapalagay mo na hindi nila mahal ang katotohanan, at na hindi sila taong tunay na nananalig sa Diyos, o kaya naman ay ipagpapalagay mong nagnanasa sila ng mga kaginhawahan ng laman, na naghahangad sila ng mga makamundong bagay at hindi nila mabitiwan ang mga iyon—at dahil dito, iiwanan mo na sila. Tumutugma ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Tunay bang kinakatawan ng mga dahilang ito ang kanilang kalikasang diwa? Sa katunayan, dahil sa kanilang mga paghihirap at mga gusot kung kaya’t nagiging negatibo sila; kung malulutas mo ang mga problemang ito, hindi sila gaanong magiging negatibo, at magagawa nilang sumunod sa Diyos. Kapag sila ay mahina at negatibo, kailangan nila ang suporta ng mga tao. Kung tutulungan mo sila, magagawa nilang tumayong muli sa kanilang mga paa. Ngunit kung babalewalain mo sila, magiging madali para sa kanila na sumuko dahil sa pagiging negatibo. Nakasalalay ito sa kung ang mga taong gumagawa ng gawain ng iglesia ay may pagmamahal, sa kung dinadala nila ang pasaning ito. Ang hindi madalas na pagpunta ng ilang tao sa mga pagtitipon ay hindi nangangahulugan na hindi sila tunay na naniniwala sa Diyos, hindi iyon katumbas ng hindi pagkagusto sa katotohanan, hindi iyon nangangahulugan na nagnanasa sila ng mga kasiyahan ng laman, at hindi nila nagagawang isantabi ang kanilang pamilya at trabaho—lalong hindi sila dapat husgahan na masyadong emosyonal o humaling sa pera. Sadya lamang na sa mga bagay na ito, iba-iba ang mga tayog at hangarin ng mga tao. Ang ilang tao ay minamahal ang katotohanan, at nagagawa nilang hangarin ang katotohanan; handa silang magdusa para maisuko ang mga bagay na ito. Ang ilang tao ay kakatiting ang pananampalataya, at kapag naharap sila sa aktuwal na mga paghihirap ay wala silang magawa, at hindi nila mapagtagumpayan ang mga ito. Kung walang tumutulong o sumusuporta sa kanila, titigil sila sa pagsisikap at susukuan nila ang sarili nila; sa gayong mga panahon, kailangan nila ang suporta, malasakit, at tulong ng mga tao. Maliban na lamang kung sila ay hindi mananampalataya, walang pagmamahal sa katotohanan, at hindi mabuting tao—kung magkagayon ay maaari silang balewalain. Kung sila ay taong tunay na nananalig sa Diyos at hindi sila madalas nakakapunta sa mga pagtitipon dahil sa ilang totoong paghihirap, hindi sila dapat iwanan, kundi bigyan ng tulong at suporta nang may pagmamahal. Kung sila ay mabubuting tao, at may kakayahang makaarok, at may mahusay na kakayahan, lalo na silang mas karapat-dapat na tulungan at suportahan.