Mga Salita sa Iba Pang Paksa (Sipi 90)

Bakit hinihingi ng Diyos na makilala Siya ng mga tao? Bakit hinihingi Niya sa mga tao na makilala ang kanilang sarili? Ano ang layunin ng pagkilala sa sarili? Ano ang ninanais na resulta? At ano ang layunin ng pagkilala sa Diyos? Anong epekto ang maidudulot sa mga tao kapag nakilala nila ang Diyos? Ito ba ay mga tanong na inyong naisaalang-alang? Gumagamit ang Diyos ng iba’t ibang paraan para makilala ng mga tao ang kanilang sarili. Inihanda na Niya ang lahat ng uri ng kapaligiran upang ibunyag ng mga tao ang kanilang katiwalian, at patuloy nilang makilala ang kanilang sarili sa pamamagitan ng karanasan. Paglalantad man ito ng mga salita ng Diyos o Kanyang paghatol at pagpaparusa, nauunawaan ba ninyo kung ano ang pangwakas na layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng gawaing ito? Ang pangwakas na layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng Kanyang gawain sa ganitong paraan ay upang mabigyang-daan ang bawat taong makakaranas ng Kanyang gawain na malaman kung ano ang tao. At ano ang kalakip nito, itong “pag-alam kung ano ang tao”? Kalakip nito ang pagbibigay-daan sa tao na malaman ang kanyang identidad at kanyang katayuan, ang kanyang tungkulin at kanyang responsabilidad. Nangangahulugan itong pagbibigay-daan sa iyong malaman kung ano ang ibig sabihin ng pagiging tao, pagbibigay-daan sa iyong maunawaan kung sino ka. Ito ang pangwakas na hangarin ng Diyos sa pagkilala ng mga tao sa kanilang sarili. Kung gayon, bakit nais ng Diyos na makilala Siya ng mga tao? Ito ang espesyal na biyayang ipinagkakaloob Niya sa sangkatauhan, dahil sa pagkilala sa Diyos, mauunawaan ng tao ang maraming katotohanan at malalaman ang maraming misteryo. Maraming nakukuha ang mga tao sa pagkakilala sa Diyos. Kapag kilala ng mga tao ang Diyos, natututunan nilang mamuhay sa pinakamakabuluhang paraan, kaya ang mahikayat ang mga taong makilala ang Diyos ay ang pinakadakilang pag-ibig ng Diyos, ang Kanyang pinakadakilang biyaya. At maraming paraan ang ginagamit ng Diyos para makilala Siya ng mga tao, ang pinakapangunahin ay ang paghatol at pagkastigo, paggabay, at pagkakaloob ng Kanyang mga salita. Siyempre, ipinapaalam Niya rin sa mga tao ang Kanyang disposisyon sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo—isa itong mas madaling paraan sa pagkilala sa Diyos. Ano ang pangwakas na resultang matatamo ng mga taong makakakita at makakaalam sa disposisyon ng Diyos? Ito ay ang pagbibigay-alam sa mga tao kung sino ang Diyos, ano ang Kanyang diwa, ano ang Kanyang pagkakakilanlan at katayuan, ano ang tinataglay Niya at ang Kanyang pagiging Diyos, at ano ang Kanyang disposisyon. Ito ay ang malinaw na pagpapakita sa bawat tao na nilikha sila, na tanging ang Diyos lang ang Lumikha, at kung paanong dapat magpasakop sa Lumikha ang mga nilikha. Kapag nalaman ng tao ang lahat ng ito, lubusang magliliwanag ang daang tatahakin niya sa buhay. Kapag tunay na kilala ng mga tao ang kanilang sarili, hindi ba’t unti-unti nilang mapapakawalan ang mga labis-labis nilang ninanais at iba’t ibang maling intensyon? (Oo.) Kung gayon, magagawa ba nilang umabot sa puntong tuluyan na nila itong mapapakawalan? Depende ito sa indibidwal. Mapapakawalan lang ng isang tao ang mga labis-labis nitong ninanais at iba’t ibang hinihingi sa Diyos kapag, sa pamamagitan ng Kanyang gawain, ay makilala nito ang Diyos at magkaroon ito ng tumpak na kaalaman at kahulugan ng Kanyang diwa, pagkakakilanlan, at katayuan. Tulad ni Pedro, tanging ang ganitong klase lang ng tao ang makakapagpahayag ng kanyang taos-pusong kahilingan at pagnanais na mahalin ang Diyos mula sa kaibuturan ng kanyang puso, at isagawa ang pag-ibig sa Diyos. Kung gayon, ang pagkilala sa Diyos at pagkilala sa sarili—parehong hindi puwedeng alisin ang mga ito. Sinasabi mong gusto mong ibigin ang Diyos, pero malalaman mo ba kung paano Siya iibigin kung hindi mo naman Siya nauunawaan? Anong mga bahagi Niya ang kaibig-ibig? Ano ang mga pinakakaibig-ibig Niyang aspeto? Kung hindi mo ito alam, hindi mo Siya magagawang ibigin. Hindi ka magkakaroon ng kakayahang ibigin Siya, kahit gusto mo man, at maaaring may makita ka pa ngang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya at pagrerebelde na kusang umuusbong sa loob mo, at humahantong sa pagiging negatibo. Makukuha ba ng ganitong klase ng tao ang pagsang-ayon ng Diyos? Hindi. Kapag hindi kilala ng isang tao ang Diyos ngunit sinasabi pa rin niyang iniibig niya ang Diyos, ang tinatawag na “pag-ibig” na ito ay pawang walang katuturang teorya lamang na dulot ng lohika at katwiran ng tao. Hindi ito nagmumula sa pagkakakilala sa Diyos, at talagang hindi ito umaayon sa Diyos. Nakikita na ba ninyo ngayon ang Aking sinasabi tungkol sa dalawang bagay na ito? (Oo.) Kung ganoon, bakit hindi ninyo ito masabi ngayon lang? Pinapatunayan nito na magulo ang pagkakakilala ninyo sa inyong sarili sa praktikal na karanasan, at wala kayong tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Alam ba ninyo kung ano ang isyu rito? (Hindi pa namin nahahanap ang tamang daan ng pagsasagawa. Hindi namin magawang pumasok nang sabay mula sa dalawang aspeto ng pagkilala sa Diyos at pagkilala sa aming sarili. Nakatuon lang kami sa pagpasok mula sa isang aspeto, kaya nalilimitahan ang paglago namin sa buhay.) Dahil nasa ganitong katayuan kayo ngayon, kumusta ang tayog ninyo? Hindi ba’t wala pa ito sa gulang? Hindi ba’t napakalayo ninyo sa hinihingi at pamantayan ng Diyos hinggil sa pagkilala sa inyong sarili? Kahit man lang ang pagbitaw sa inyong mga personal na kagustuhan at hangarin ay hindi pa rin ninyo magawa. Maaari bang umayon sa katotohanan ang inyong pagpapasakop sa Diyos? Kaya ba ninyong malaman kung may anumang katayuan sa puso ninyo ang Diyos? Marami pa ring tao ngayon ang kumukuwestiyon kung tao ba o Diyos ang pagkakatawang-tao ng Diyos; pareho nila itong pinapanigan, naniniwala sila ngayon sa Diyos sa lupa at sa susunod ay maniniwala sa malabong Diyos sa kalangitan. At may ilan pa ngang kumukuwestiyon sa diwa ng Diyos, na nagsasabing, “Paanong iisang Diyos lang ang nagkatawang-taong Diyos at ang Diyos sa kalangitan? Kung Siya nga ay Diyos, bakit hindi Siya magpakita ng mga himala at tanda?” Ipinapakita nitong matindi ang inyong kakulangan sa espirituwal na pag-unawa. Ganyan ang inyong tayog na kahit marami nang sinasabi ang Diyos, hindi pa rin ninyo ito nauunawaan. Kinikilala lang ninyo ngayon na nagkatawang-tao ang Diyos, kinikilala lang ninyo ang katotohanang ipinahayag ng Diyos na nagkatawang-tao; ngunit wala kayong anumang kaalaman patungkol sa diwa, pagkakakilanlan, at katayuan ng Diyos. Masasabi ninyong sa inyong puso ay wala kayong ganitong kaalaman, hindi ba? (Oo.) At totoong mapapatunayan ito: Bago Ako nagbahagi tungkol sa mga aspeto ng katotohanan gaya ng diwa ng Diyos o mga layunin ng Diyos, akala mo ay malalim ang kaalaman mo tungkol sa Diyos, at akala mo ay matatag at hindi natitinag ang paniniwala mo sa Diyos. Ngunit noong nagbahagi Ako sa inyo tungkol sa mga katotohanan gaya ng Diyos Mismo, disposisyon ng Diyos, at diwa ng Diyos, may napukaw na masidhing reaksyon sa inyong puso ang mga salita at nilalamang ito. Matindi ang reaksyong ito, at nahirapan kayong tanggapin ito, kaya naging labis na salungat ito sa mga diyos na naguni-guni ninyo sa inyong puso. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Kaya kapag nagsasabi Ako ng ilang bagay na hindi pa ninyo narinig noon, imposible para sa inyo na tanggapin ito sa umpisa, na para bang hindi ninyo maunawaan ang sinasabi Ko. Nagpapatunay ito na masyadong mababa ang inyong tayog, napakaliit na hindi man lang ninyo maunawaan ang mga salita ng Diyos o matupad ang mga ito. Kakailanganin pa ninyo ng ilang taon ng karanasan bago kayo makaunawa.