Mga Salita sa Iba Pang Paksa (Sipi 89)

Sa panahon ng pagliligtas ng Diyos sa tao, anong batayang linya ang ibinibigay Niya sa mga tao, gaano man sila kasuwail, o gaano man katiwali ang kanilang mga disposisyon? Ibig sabihin, sa anong mga kalagayan iniiwan at itinitiwalag ng Diyos ang mga tao? Ano ang pinakamababang pamantayan na kailangan mong maabot upang ikaw ay panatilihin at hindi itiwalag ng Diyos? Ito ay isang bagay na kailangang malinaw sa lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos. Una, ang hindi itanggi ang Diyos—ito ang pinakapangunahing kondisyon. Mayroong praktikal na nilalaman ang kahulugan ng hindi itanggi ang Diyos. Ito ay hindi lamang pagkilala na mayroong Matandang Lalaki sa Langit, o na ang Diyos ay naging laman, o na ang pangalan ng Diyos ay Makapangyarihang Diyos. Hindi ito sapat, hindi nito naaabot ang pamantayan sa pananalig sa Diyos. Kahit papaano man lang, kailangang kilalanin mo na ang Diyos na nagkatawang-tao ay ang praktikal na Diyos; kailangan ay hindi ka magduda o manghusga; kailangan ay kaya mong magpasakop kahit na mayroon kang mga kuru-kuro—ito ang pamantayan sa pananalig sa Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pag-abot sa pamantayang ito mangyayari na kikilalanin ka ng Diyos bilang isang taong nananalig sa Kanya. Hindi bababa sa tatlo ang batayang linya ng Diyos para sa mga tao. Una, kailangan nilang kumilala sa Kanya, manalig sa Kanya, at sumunod sa Kanya. Kailangan nilang maging tapat na mga mananampalataya sa Diyos, kailangan nilang gawin ang kanilang mga tungkulin sa abot ng kanilang makakaya, at kailangang hindi sila gumawa ng masama o magdulot ng kaguluhan. Ito ang unang batayang linya. Pangalawa, sa pagsunod sa Diyos, kahit papaano man lang ay kailangang hindi nila talikuran ang kanilang mga tungkulin. Kailangan nilang sumunod at magpasakop habang gumaganap ng kanilang mga tungkulin, magkamit ng mga pangkaraniwang resulta sa mga ito, at magtrabaho na abot sa isang katanggap-tanggap na pamantayan. Ito ang pangalawang batayang linya. Pangatlo, dapat umabot sa pamantayan ang kanilang pagkatao. Kailangan ay maituturing silang mabubuting tao, o kahit papaano man lang ay mga taong may konsiyensiya at katwiran. Dapat ay kaya nilang makisama man lang sa karamihan ng mga taong hinirang ng Diyos, at hindi maging isang bulok na mansanas. Ang mga ganitong tao ay maituturing, kahit papaano, na hindi masasamang tao. Ito ang pangatlong batayang linya. Kung hindi kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, at tumatanggi siyang gampanan ang isang tungkulin anuman ang mangyari, siya ay hindi tunay na mananampalataya sa Diyos—kahit papaano man lang, ang kanyang pagkatao ay hindi umaabot sa pamantayan. Ang ibig sabihin nito ay na lumubog siya sa ilalim ng batayang linya at kailangan siyang itiwalag. Ang lahat ng mayroong masamang pagkatao, na hindi kayang tumanggap ng kahit katiting na katotohanan, na nagdudulot ng mga pagkakagulo at pagkagambala, at na hindi gumaganap ng positibong papel sa iglesia, ay maituturing na masasamang tao. Ang isang tao na hindi kayang makisama sa karamihan ng ibang tao ay isang bulok na mansanas, isang masamang tao, at higit pa rito, siya ay isang taong mas bumaba pa sa batayang linya at dapat nang itiwalag. Ang masasamang tao at mga anticristong iyon ay maaaring gumanap ng mga tungkulin, ngunit nagdudulot lamang sila ng mga pagkagambala, pagkakagulo, pagkawasak, at paggawa ng masama—nais kaya ng Diyos ang mga taong ganito? Ginagampanan ba nila ang kanilang mga tungkulin? (Hindi.) Sa mga mata ng Diyos, ang kanilang mga aksyon ay lumampas na sa batayang linya. Hindi nila kayang gampanan ang kanilang mga tungkulin, at ang pinsalang idinudulot nila ay higit pa sa anumang mga tungkulin na kanilang ginagampanan, kaya’t kailangan silang alisin sa iglesia. Hindi ba’t ito ang prinsipyo kung paano pinakikitunguhan ang mga tao sa sambahayan ng Diyos? Mayroon na bang sinuman na pinaalis dahil siya ay panandaliang nasa masamang kalagayan, at naramdaman niya na siya ay negatibo at mahina? Mayroon na bang sinuman na pinatigil sa pagganap ng kanyang tungkulin dahil paminsan-minsan ay naging pabasta-basta siya at hindi niya ito nagampanan nang maayos? Mayroon na bang sinuman na pinaalis dahil hindi mabuti ang mga resultang nakamtan niya sa kanyang tungkulin, o dahil naghayag siya ng ilang masasamang kaisipan o ideya? Mayroon na bang sinuman na pinaalis dahil mababa ang kanyang tayog, at nagkaroon siya ng mga kuru-kuro at pagdududa tungkol sa Diyos? (Wala.) Kung gayon, ano ang prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pagpapaalis ng mga tao? Sinong mga tao ang pinapaalis at pinahihinto sa pagganap ng kanilang mga tungkulin? (Yaong ang nagtatrabaho ay higit na nagdudulot ng kasamaan kaysa kabutihan, at na patuloy na nagdudulot ng mga pagkagambala at pagkakagulo.) Ang ganitong tao ay hindi karapat-dapat gumanap ng tungkulin. Hindi ibig sabihin nito na mayroong kumikiling laban sa kanila o naghihigpit at nagpapaalis sa kanila dahil sa personal na sama ng loob; ibig sabihin nito ay hindi sila nagkakamit ng anumang resulta sa kanilang tungkulin, at nagdudulot sila ng mga pagkagambala at pagkakagulo. Sila ay pinapaalis dahil sila ay tunay na hindi karapat-dapat gumanap ng tungkulin. Ito ay ganap na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Makatarungan ang lahat ng prinsipyo kung paano pinakikitunguhan at tinatrato ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Hindi sinusubukan ng sambahayan ng Diyos na manghuli ng mga taong nagkakamali, magpalaki ng mga isyu, o manligalig kahit wala namang dahilan. Kailangan ninyong maniwala na ang sambahayan ng Diyos ay pinamumunuan ng katotohanan. Siyempre, ang ilang tao na pinaalis na ay maaaring may pag-asa pa ring mailigtas kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan at taimtim na magsisi sa Diyos. Ngunit ang mga hindi mananampalataya at ang masasamang tao na hindi kayang tumanggap ng ni kaunting katotohanan, na walang konsiyensiya at katwiran, ay magpakailanmang ititiwalag matapos silang mabunyag. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos.