Mga Salita sa Iba Pang Paksa (Sipi 86)
May isang linya sa isang himno ng iglesia na nagsasabing, “Ang lahat ng mga taong umiibig sa katotohanan ay mga kapatid.” Tama ang pahayag na ito. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang kabilang sa sambahayan ng Diyos; sila lamang ang tunay na mga kapatid. Iniisip mo ba na lahat ng madalas na dumadalo sa pagtitipon sa sambahayan ng Diyos ay mga kapatid? Hindi masasabing ganoon nga. Anong mga tao ang hindi mga kapatid? (Ang mga tutol sa katotohanan, mga hindi tumatanggap sa katotohanan.) Ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan at tutol dito ay pawang masasamang tao. Lahat sila ay walang konsensiya o katwiran. Walang isa man sa kanila ang inililigtas ng Diyos. Walang pagkatao ang mga taong ito, hindi nila inaasikaso ang kanilang wastong gawain at nagwawala sila na gumagawa ng masasamang bagay. Nabubuhay sila ayon sa mga satanikong pilosopiya at gumagamit ng mga tusong pagmamaniobra at ginagamit, inuuto, at dinadaya ang iba. Hindi nila tinatanggap ni katiting na katotohanan, at pinasok nila ang sambahayan ng Diyos para lamang magtamo ng mga pagpapala. Bakit natin sila tinatawag na mga hindi mananampalataya? Dahil tutol sila sa katotohanan, at hindi nila tinatanggap ito. Sa sandaling pinagbabahaginan ang katotohanan, nawawalan sila ng interes, tutol sila rito, hindi nila kayang tiisin na mapakinggan ang tungkol dito, at nararamdaman nila na nakakabagot ito at hindi sila mapakali sa pagkakaupo. Malinaw na mga hindi sila mga mananampalataya at walang pananampalataya. Hindi mo sila dapat ituring bilang mga kapatid. Maaaring nais nilang mapalapit sa iyo upang mag-alok ng ilang benepisyo, sinusubukang bumuo ng ugnayan sa iyo gamit ang maliliit na pabor. Gayunpaman, kapag ibinabahagi mo ang katotohanan sa kanila, lumilihis sila sa walang kabuluhang usapan, tinatalakay ang mga bagay na ukol sa laman, trabaho, mga makamundong pangyayari, mga uso sa mga walang pananampalataya, mga damdamin, mga usaping pampamilya, mga panlabas na bagay na kagaya ng mga ito. Wala sa mga pinag-uusapan nila ang may kaugnayan sa katotohanan, sa pananalig sa Diyos, o sa pagsasagawa ng katotohanan. Ni hindi tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan. Hindi nila kailanman binabasa ang mga salita ng Diyos o ibinabahagi ang katotohanan, at hindi sila kailanman nananalangin o nagsasagawa ng mga espirituwal na debosyon. Mga kapatid ba ang mga taong ito? Hindi. Hindi isinasagawa ng mga taong ito ang katotohanan, at sila ay tutol sa katotohanan. Matapos nilang pasukin ang sambahayan ng Diyos at makitang laging kasama sa mga pagtitipon ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahagi tungkol sa katotohanan, ang pag-uusap tungkol sa pagkilala sa sarili, at pagbabahaginan tungkol sa mga suliranin sa pagtupad ng mga tungkulin, tutol ang kanilang puso. Wala silang pagkaunawa o mga karanasan at walang anumang masasabi, kaya’t napapagod sila sa buhay iglesia. Palagi silang nagtataka, “Bakit laging nagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos? Bakit laging pinag-uusapan ang pagkilala sa sarili? Bakit walang paglilibang o kasiyahan sa buhay iglesia? Kailan matatapos ang ganitong uri ng buhay iglesia? Kailan tayo makakapasok sa kaharian at makatatanggap ng mga pagpapala?” Hindi kawili-wili para sa kanila ang pagbabahagi tungkol sa katotohanan at ayaw nila itong marinig. Masasabi ba ninyo na kapag may mga nangyayari sa mga taong ito ay hinahanap nila ang katotohanan? Kaya ba nilang magsagawa ng katotohanan? (Hindi nila kaya.) Kung hindi sila interesado sa katotohanan, paano nila maisasagawa ang katotohanan? Kung gayon, paano sila nabubuhay? Walang duda, nabubuhay sila nang ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, sila ay laging mapanlinlang at tuso, wala silang buhay ng normal na pagkatao. Hindi sila kailanman nananalangin sa Diyos o naghahanap ng katotohanan, bagkus ay hinaharap nila ang lahat ng bagay gamit ang mga panlilinlang, taktika, at pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo—na nagreresulta sa isang nakapapagod at masakit na pag-iral. Nakikisalamuha sila sa mga kapatid gaya ng pakikisalamuha nila sa mga walang pananampalataya, sinusunod nila ang mga satanikong pilosopiya at nagsisinungaling at nandaraya sila. Mahilig silang magsimula ng mga argumento at makipagtalo sa maliliit na bagay. Anumang grupo ang kanilang kinabibilangan, lagi nilang tinitingnan kung sino ang katugma nino, at kung sino ang kaalyado nino. Kapag nagsasalita sila, pinagmamasdan nilang maigi ang reaksiyon ng iba, lagi silang nakabantay, sinusubukang huwag mapasama ang loob ng sinuman. Lagi nilang sinusunod ang mga pilosopiyang ito para sa mga makamundong pakikitungo upang harapin ang lahat ng bagay sa kanilang paligid at ang kanilang mga pakikipag-ugnayan sa iba. Iyon ang dahilan kung bakit nagiging nakapapagod ang kanilang buhay. Bagama’t mukhang aktibo sila sa ibang tao, sa realidad, sila lamang ang nakakaalam sa kanilang mga paghihirap, at kung pagmamasdan mong maigi ang kanilang mga buhay, madarama mong ito ay nakapapagod. Para sa usaping may kinalaman sa katanyagan, kapakinabangan, o karangalan, iginigiit nilang linawin kung sino ang tama o mali, kung sino ang nakalalamang o nakabababa, at kailangan nilang makipagtalo para patunayan ang isang punto. Ayaw itong marinig ng iba. Sinasabi ng mga tao, “Puwede mo bang gawing simple ang iyong mga sinasabi? Puwede bang maging diretsahan ka? Bakit kailangan mong maging mababaw?” Masyadong komplikado at magulo ang kanilang mga iniisip, at nabubuhay sila sa gayong nakapapagod na buhay nang hindi napagtatanto ang mga nakatagong problema. Bakit hindi nila kayang hanapin ang katotohanan at maging tapat? Sapagkat tutol sila sa katotohanan at ayaw nilang maging tapat. Kung gayon, ano ang inaasahan nila sa buhay? (Ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at mga kaparaanan ng tao.) Ang pagkilos ayon sa kaparaanan ng tao ay madalas na humahantong sa mga resulta kung saan ang isang tao ay nagiging katawa-tawa o nalalantad ang pangit na bahagi ng kanyang pagkatao. Kaya naman, sa mas masusing pagsusuri, ang kanilang mga kilos, ang mga bagay na buong araw nilang ginagawa—lahat ay may kaugnayan sa sarili nilang dangal, katanyagan, pakinabang, at banidad. Na para bang nabubuhay sila sa isang sapot, kailangan nilang mangatwiran o magdahilan para sa lahat ng bagay, at lagi silang nagsasalita para sa sarili nilang kapakanan. Komplikado ang kanilang pag-iisip, nagsasalita sila ng napakaraming kalokohan, napakagulo ng kanilang mga salita. Lagi silang nakikipagtalo sa kung ano ang tama at mali, wala itong katapusan. Kung hindi nila sinusubukang magkamit ng karangalan, nakikipagkumpitensya sila para sa reputasyon at katayuan, at walang sandali na hindi sila nabubuhay para sa mga bagay na ito. At ano ang kahihinatnan nito sa huli? Maaaring nagkamit sila ng karangalan, pero yamot at sawa na ang lahat sa kanila. Nahalata na sila ng mga tao at napagtanto na ng mga ito na wala silang katotohanang realidad, na hindi sila isang taong taos-pusong nananalig sa Diyos. Kapag nagsasabi ang mga lider at manggagawa o ang ibang kapatid ng ilang salita para pungusan sila, matigas silang tumatangging tumanggap, pilit nilang sinusubukang mangatwiran o magdahilan, at sinusubukan nilang ipasa ang sisi. Sa mga pagtitipon, ipinagtatanggol nila ang kanilang sarili, nagsisimula sila ng mga argumento, at nag-uudyok ng kaguluhan sa mga hinirang ng Diyos. Sa kanilang puso, iniisip nilang, “Wala ba talagang lugar kung saan ko maipaglalaban ang aking punto?” Anong uri ng tao ito? Ito ba ay isang taong nagmamahal sa katotohanan? Ito ba ay isang taong naniniwala sa Diyos? Kapag naririnig nila ang sinuman na nagsasabi ng isang bagay na hindi naaayon sa kanilang mga layunin, lagi nilang gustong makipagtalo at humingi ng paliwanag; naiipit sila sa kung sino ang tama at kung sino ang mali, hindi nila hinahanap ang katotohanan at hindi ito tinatrato nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kahit gaano pa kasimple ang isang bagay, kailangan nila itong gawing napakakumplikado—gulo lang ang hanap nila, dapat lang sa kanila na mapagod nang husto! Marami sa mga problemang kinakaharap ng mga tao ay kagagawan din nila. Naghahanap sila ng gulo nang walang dahilan. Sa madaling salita, hindi nila ginugugol ang kanilang oras sa mga tamang bagay. Ito ang uri ng pamumuhay ng mga katawa-tawang tao. Ang ilang taong tuliro, bagaman hindi sila naiipit sa kung ano ang tama at mali, ay may napakababang kakayahan na wala silang nauunawaang kahit anong bagay. Nabubuhay silang kagaya ng mga baboy, tulala. Ang dalawang uring ito ng mga tao ay ganap na magkaiba: Ang isa ay kumikiling sa kaliwa at ang isa naman ay sa kanan, subalit parehong mga walang pananampalataya. Ang gayong mga tao, gaano man karaming taon na silang nananalig sa Diyos o gaano man karaming sermon ang napakinggan nila, ay hindi kailanman mauunawaan ang katotohanan, lalo na kung ano ang pagsasagawa ng katotohanan. Kapag nahaharap sa anumang sitwasyon, hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan bagkus ay nabubuhay sila ayon sa mga kaparaanan ng tao at mga pilosopiya ni Satanas, na nauuwi sa nakakapagod at kahabag-habag na mga buhay. Tapat ba silang mga mananampalataya ng Diyos? Talagang hindi. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi talaga nananalig sa Diyos. Ang mga hindi talaga matanggap ang katotohanan ay hindi matatawag na mga kapatid. Yaon lamang mga nagmamahal at nagagawang tumanggap sa katotohanan ang mga kapatid. Ngayon, sino iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan? Sila ang mga walang pananampalataya. Ang mga hindi man lang tumatanggap sa katotohanan ay tinututulan at tinatanggihan ang katotohanan. Ang mas tiyak, sila ay pawang mga walang pananampalataya na pinasok ang iglesia. Kung nagagawa nila ang lahat ng klase ng kasamaan at ginugulo at ginagambala ang gawain ng iglesia, sila ay mga kampon ni Satanas. Dapat silang paalisin at itiwalag. Hinding-hindi sila maituturing na mga kapatid. Lahat ng nagpapakita sa kanila ng pagmamahal ay napakahangal at walang alam.