Mga Salita sa Iba Pang Paksa (Sipi 79)
Ano ang inyong mga impresyon pagkatapos ninyong kantahin ang himno na “Siya Na May Kapangyarihan sa Lahat”? Mayroon ba kayong anumang kabatiran? Dumaan sa maraming paghihirap ang lahat ng nabuhay, pero hindi talaga nila alam kung bakit ganito, at walang sinumang lubusang nagninilay-nilay kung ano ang ugat ng mga paghihirap na ito, kung may kabuluhan ba ito, o kung tama ba na mabuhay nang ganito ang mga tao. Kapag bata pa sila, palaging gusto ng mga tao na magkaroon ng magagandang damit na isusuot at masasarap na pagkain, at pakiramdam nila na ito ang paraan para maging masaya. Kapag lumaki na sila, nagsisimula nang mag-isip ang mga tao kung paanong kailangan nilang magpursigi sa kanilang pag-aaral para makaangat sa karamihan at magtamasa ng magandang buhay. Kapag sila ay nasa hustong gulang na, ang mga tao ay nagsisimula nang magnais na kumita ng maraming pera, magkamit ng katanyagan at kapakinabangan, at magkaroon ng kapangyarihan at impluwensya. Gusto nilang maging angat sa lahat. Palagi silang naghahangad na magkaroon ng posisyon sa gobyerno at makuha ang respeto at paghanga ng mga tao. Kapag sila ay nagkaroon ng mga anak, umaasa silang tuloy-tuloy na magtatagumpay ang kanilang mga inapo sa mga darating na henerasyon at patuloy na uunlad at lalago. Ano ang layunin sa likod ng lahat ng hakbang na ito na tinatahak ng mga tao? Bakit ganito mag-isip ang mga tao? Bakit silang lahat ay nabubuhay nang ganito? Nabubuhay ang mga tao nang walang patutunguhan. Bakit ko sinasabing walang patutunguhan? Ito ay dahil hindi alam ng mga tao kung saan sila nagmula o kung saan sila patungo, at hindi nila alam kung ano ang dapat nilang gawin sa buhay na ito, kung paano sila dapat mamuhay, o kung paano tatahakin ang landas ng kanilang buhay. Hindi alam ng mga tao ang mga bagay na ito. Kung gayon bakit kaya pa rin ng mga tao na walang pagod na habulin ang katanyagan, kapakinabangan, at masayang buhay hanggang sa kamatayan nang walang pag-aalinlangan? Ito ay dahil ang mga tao ay ginawang tiwali ni Satanas, at nakabuo sila ng maling pag-iisip at pananaw sa buhay. Ang tingin nila sa ganitong paraan ng pamumuhay ay isang bagay na tama, at ang tingin nila sa paghahabol sa katanyagan at kapakinabangan ay tama at nararapat. Iniisip nila na ang pagkakamit ng katanyagan at kapakinabangan ay kaligayahan, at nabubuhay sila ayon sa mga paniniwalang ito. Ganito nakikipag-unahan ang mga tao sa landas ng paghahangad ng katanyagan at kapakinabangan, at ang resulta ay hindi nila natatagpuan ang kaligayahan kahit hanggang kamatayan. Ganito namumuhay ang lahat. Walang ibang matatahak na landas sa mundong ito. Ang lahat ay gustong kumita ng pera at magtamasa ng magandang buhay. Mahirap ang buhay kapag walang pera, at marami kang magagawa rito, kaya gusto ng lahat na kumita nang higit pa. Kapag naging maunlad ang buhay, gusto nilang hawakan ang kanilang kayamanan at ipagpatuloy ng kanilang mga anak ang kanilang pamana, at walang sinuman ang nakakaunawa na hungkag ang ganitong pamumuhay. Lumilisan ang lahat sa mundong ito nang may mga pinagsisisihan, may mga tanong na hindi nasagot, at may damdamin ng pag-aatubili. Dumaraan ang mga tao sa buhay na ito sa kahirapan at kayamanan at nabubuhay nang matagal at maigsi. Ang ilan ay karaniwang tao, habang ang iba naman ay matataas ang katungkulan at elitista. Mayroong mga tao mula sa bawat antas ng lipunan, ngunit lahat sila ay karaniwang nabubuhay sa parehong paraan: Nag-aagawan sila para sa katanyagan at kapakinabangan ayon sa kanilang mga pagnanais, ambisyon, at satanikong disposisyon, at hindi sila matatahimik nang hindi nila nakakamit ang mga layong ito. Sa mga pangyayaring ito, maaaring isaalang-alang ng mga tao, “Bakit namumuhay nang ganito ang mga tao? Wala na bang ibang matatahak na landas? Talaga bang nabubuhay ang mga tao para lamang kumain at uminom nang maayos hanggang sa mamatay sila? Saan sila pumupunta pagkatapos? Bakit ang napakaraming henerasyon ng mga tao ay namuhay sa ganitong parehong paraan? Ano ang ugat ng lahat ng ito?” Hindi alam ng mga tao kung saan sila nagmula, ano ang kanilang misyon sa buhay, o kung sino ang namamahala at siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito. Ang mga henerasyon ay isa-isang dumarating at umaalis, at bawat isa ay nabubuhay at namamatay sa parehong paraan. Dumarating at umaalis silang lahat sa parehong paraan, at walang sinuman ang nakatatagpo ng tunay na paraan at landas sa pamumuhay. Walang naghahanap ng katotohanan dito. Mula noong unang panahon hanggang ngayon, namumuhay ang mga tao sa parehong paraan. Silang lahat ay naghahanap at naghihintay, nagnanais na makita kung ano ang mangyayari sa sangkatauhan nang walang nakakaalam o nakakakita nito. Sa huli, hindi lang talaga alam ng mga tao kung sino ang Nag-iisa na namamahala at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito o kung Siya ay umiiral nga. Hindi nila alam ang sagot dito, at ang tanging magagawa nila ay mabuhay nang walang laban, nag-aasam taon-taon, at nagtitiis araw-araw hanggang ngayon. Kung alam ng mga tao kung bakit nangyayari ang lahat ng ito, magbibigay ba ito sa kanila ng isang landas na susundan para sa kung paano sila dapat mamuhay? Magagawa na ba nilang makatakas sa paghihirap na ito at hindi na kailangang mamuhay ayon sa mga inaasam at inaasahan ng tao? Kapag nauunawaan ng mga tao kung bakit sila nabubuhay, bakit sila namamatay, at sino ang namamahala sa mundong ito; kapag naunawaan nila ang sagot na ang Nag-iisa na siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ay ang Lumikha, magkakaroon sila ng landas na susundan. Malalaman nila na dapat nilang hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos para makakita ng daan pasulong at na hindi nila kailangang mamuhay sa gayong pagdurusa na umaasa sa mga kagustuhan at inaasam. Kung matutuklasan ng mga tao ang sagot kung bakit sila nabubuhay at namamatay, hindi ba’t magkakaroon ng solusyon sa lahat ng pagdurusa at paghihirap ng tao? Hindi ba’t magkakaloob ito ng pagliligtas sa mga tao? Ang mga tao ay tunay na makatatagpo ng pagliligtas, at sila ay ganap na mapapalaya.
Ano ang dapat ninyong pagnilay-nilayan sa inyong puso matapos ninyong mapakinggan ang kantang, “Siya Na May Kapangyarihan sa Lahat”? Kung malalaman ng sangkatauhan kung bakit sila nabubuhay at bakit sila namamatay, at sino, sa katunayan, ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa mundong ito at sa lahat ng bagay at ang Nag-iisa na namumuno sa lahat, at kung nasaan Siya mismo, at kung ano ang hinihingi Niya sa tao—kung mauunawaan ng sangkatauhan ang mga bagay na ito, malalaman nila kung paano pakikitunguhan ang Lumikha, at paano sasamba at magpapasakop sa Kanya, magkakamit sila ng suporta sa kanilang puso, magiging payapa sila at masaya, at hindi na sila mabubuhay sa gayong pighati at pasakit. Sa huling pagsusuri, dapat maunawaan ng mga tao ang katotohanan. Ang landas na kanilang pinipili para sa kanilang buhay ay napakahalaga, at mahalaga rin kung paano sila nabubuhay. Kung paano nabubuhay ang isang tao at ang landas na tinatahak niya ang nagpapasya kung ang buhay ng isang tao ay masaya o malungkot. Ito ay isang bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Kapag narinig ng mga tao ang himnong ito, maaaring magkaroon sila ng matinding damdamin sa kanilang puso: “Ang buhay ng lahat ng sangkatauhan ay sumusunod sa ganitong uri ng huwaran; ang mga sinaunang tao ay hindi naiiba, at ang mga modernong tao ay tulad lang din ng mga sinauna. Hindi binago ng mga modernong tao ang mga paraang ito. Kaya, mayroon bang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa sangkatauhan, isang bantog na Diyos na namamahala sa lahat ng bagay? Kung matatagpuan ng sangkatauhan ang Diyos, ang Nag-iisa na namamahala sa lahat, hindi ba’t ang sangkatauhan ay makadarama ng kaligayahan? Ang susi ngayon ay hanapin ang ugat ng sangkatauhan. Nasaan ang ugat na ito? Pagkakita sa ugat na ito, ang sangkatauhan ay maaaring mamuhay sa ibang uri ng dako. Kung hindi ito makikita ng sangkatauhan, at patuloy nilang ipinamumuhay ang parehong uri ng pamumuhay gaya ng dati, makakamit ba nila ang kaligayahan?” Kung ang mga tao ay hindi nananalig sa Diyos, kahit na alam nilang ang sangkatauhan ay labis na tiwali, ano ang kanilang gagawin? Malulutas ba nila ang aktuwal na problema ng katiwalian? Mayroon ba silang landas tungo sa kaligtasan? Bagama’t maaaring nais mong magbago para sa ikabubuti at ipamuhay ang wangis ng tao, kaya mo ba? Wala kang landas na matatahak sa paggawa nito! Nabubuhay ang ilang mga tao, halimbawa, para sa kanilang mga anak; maaari mong sabihin na hindi mo nais gawin ito, ngunit makakamit mo ba ito? Nagmamadali at abala ang ilang tao para sa kayamanan, at para sa katanyagan at kapakinabangan. Maaari mong sabihin na hindi mo gustong magmadali para sa mga bagay na ito, ngunit makakamit mo ba talaga ito? Hindi mo namamalayan, nagsimula ka na sa landas na ito, at kahit na gusto mong magbago sa ibang paraan ng pamumuhay, hindi mo kaya. Kung paano ka nabubuhay sa mundong ito ay wala sa iyong mga kamay! Ano ang ugat nito? Ito ay dahil ang mga tao ay hindi nananalig sa tunay na Diyos at hindi nila nakamtan ang katotohanan. Ano ang nagbibigay-lakas sa espiritu ng mga tao? Saan sila naghahanap ng espirituwal na suporta? Para sa espirituwal na suporta, tumitingin ang mga tao sa muling pagsasama-sama ng pamilya; sa kaligayahan ng kasal; sa pagtatamasa ng mga materyal na bagay; sa kayamanan, katanyagan, at pakinabang; sa kanilang katayuan, kanilang mga damdamin, at kanilang mga karera; at sa kaligayahan sa susunod na henerasyon. Mayroon bang hindi umaasa sa mga bagay na ito para sa espirituwal na suporta? Natatagpuan ito ng mga may anak sa kanilang mga anak; natatagpuan ito ng mga walang anak sa kanilang mga karera, sa pag-aasawa, sa katayuan sa lipunan, at katanyagan at kapakinabangan. Ang mga paraan ng buhay na nagawa samakatuwid ay pare-parehong lahat; napapasailalim sa kadalubhasaan at kapangyarihan ni Satanas, at sa kabila ng kanilang mga sarili, nagmamadali at abala ang lahat ng tao sa ngalan ng katanyagan, pakinabang, kanilang mga inaasam, mga karera, mga pag-aasawa, mga pamilya, o para sa kapakanan ng susunod na henerasyon, o para sa mga pisikal na kasiyahan. Ito ba ang tamang landas? Gaano man kaabala ang mga tao sa mundong ito, gaano man sila naging matagumpay sa kanilang propesyon, gaano man kasaya ang kanilang mga pamilya, gaano man kalaki ang kanilang pamilya, gaano man kaprestihiyoso ang kanilang katayuan—may kakayahan ba silang tahakin ang tamang landas ng buhay ng tao? Sa paghahabol sa katanyagan at pakinabang, sa mundo, o sa pagpupursigi sa kanilang mga karera, may kakayahan ba silang makita ang katotohanan na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan? Imposible ito. Kung hindi kinikilala ng mga tao ang katotohanan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan, anuman ang kanilang partikular na paghahangad o landas, ang landas na kanilang tinatahak ay mali. Hindi ito ang tamang landas, kundi ang baluktot na landas, ang landas ng kasamaan. Hindi mahalaga kung nagtamo ka ng kasiyahan mula sa iyong espirituwal na suporta, o kung hindi, at hindi mahalaga kung saan mo natatagpuan ang suportang iyon: Hindi ito tunay na pananampalataya, at hindi ito ang tamang landas para sa buhay ng tao. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya? Ito ay ang pagtanggap sa pagpapakita at sa gawain ng Diyos at pagtanggap sa lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos. Ang katotohanang ito ay ang tamang landas para sa buhay ng tao at ang katotohanan at buhay na dapat hangarin ng mga tao. Ang pagtahak sa tamang landas sa buhay ay pagsunod sa Diyos at pagkakaroon ng kakayahang maunawaan ang katotohanan sa pamumuno ng Kanyang mga salita, ang maunawaan ang katotohanan, malaman kung ano ang mabuti at ano ang masama, malaman kung ano ang positibo at kung ano ang negatibo, at maunawaan ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at kapangyarihang walang-hanggan. Kapag tunay na nauunawaan ng mga tao sa kanilang puso na hindi lamang nilikha ng Diyos ang langit at lupa at lahat ng bagay kundi Siya rin ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa sansinukob at sa lahat ng bagay, magagawa nilang magpasakop sa lahat ng Kanyang pamamatnugot at pagsasaayos, mamuhay ayon sa Kanyang mga salita, at matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Ito ang pagtahak sa tamang landas para sa buhay ng tao. Kapag tinatahak ng mga tao ang tamang landas sa buhay, mauunawaan nila kung bakit nabubuhay ang mga tao at kung paano sila dapat mamuhay upang mabuhay sa liwanag at matanggap ang pagpapala at pagsang-ayon ng Diyos.
Para saan kayo nabubuhay ngayon? Nauunawaan ba ninyo? (Nabubuhay kami para tapusin ang mga misyon at ipinagkatiwala sa amin ng Diyos at para tuparin ang tungkulin ng mga nilikha.) Kung gusto mong tuparin ang tungkulin ng isang nilikha at tapusin ang ipinagkatiwala ng Diyos, ito ay pansarili mong pagnanais at ang landas ng buhay na iyong pinili, at ito ay tama. Ngunit mayroong isang katotohanan na dapat mong malaman: Ang mga tao ay nabubuhay sa mundong ito, at ito ay isinaayos ng Diyos. Ang lahat ng tao ay dumarating sa mundo nang may misyon. Hindi sila basta na lang dumarating; ang lahat ng ito ay pinamamahalaan, isinasaayos, at pinamamatnugutan ng Diyos nang walang kahit katiting na pagkakamali. Sa pagdating ng lahat sa mundo, ang anumang kanilang natututunan o ginagawa ay lahat para magampanan ang papel dito. Ano ang papel na ito? Ito ay na dapat nilang tapusin ang isang gawain sa mundong ito; may mga bagay na dapat nilang gawin. Halimbawa, nagpakasal ang dalawang tao at nagkaroon sila ng isang anak, at silang tatlo ang bumubuo ng isang kumpletong pamilya. Sa pamilyang ito, nabubuhay ang asawang babae para tuparin ang kanyang misyon na alagaan ang kanyang anak at asawa, ang alagaan ang pamilya. Para saan nabubuhay ang bata kung gayon? Ano ang papel na ginagampanan nito? Bilang tagapagmana ng pamilya, siya ang magpapatuloy ng kanilang angkan. Siya ang susunod na henerasyon ng pamilyang ito. Kumpleto ang pamilyang ito dahil dumating ang batang ito, at ito ang unang papel na kanyang ginagampanan. Lalaki man siya o babae, may sarili siyang misyon. Tungkol naman sa kanyang tadhana sa hinaharap, sa kung ano ang kanyang magiging mga akademikong kredensyal, kasanayan, o propesyon paglaki niya, o kung kailan siya mananalig sa Diyos at kung anong tungkulin ang kanyang gagampanan pagkatapos, hindi ba’t ang bawat isa sa mga hakbang na ito ay pinlano at isinaayos ng Diyos? (Oo.) Siya ba mismo ay may pagpipilian? (Wala.) Mula nang isinilang ang isang tao sa isang pamilya, wala ni isang hakbang ng kanyang kapalaran ang pinili niya, at ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos, at mayroong katotohanan dito. Tumutukoy ito sa kung para saan nabubuhay ang mga tao. Halimbawa, kung nag-aaral ka ng musika at mayroon kang mga kondisyon at kapaligiran ng pamilya para rito, ang pag-aaral ba ng musika ay isang bagay na pinili mo? (Hindi.) Isinilang ka sa kapaligirang ito, natutunan mo ang isang propesyonal na kasanayan sa pamamagitan ng pagtataguyod sa iyo ng kapaligirang ito, at naisakatuparan mo ang misyong ito. Ano ang nagbigay ng kakayahan sa iyo upang maisakatuparan ito? Ito ay dahil itinakda ito ng Diyos, hindi dahil pinili mo ito. Hindi ba’t nagawa ito sa pamamagitan ng pamamatnugot ng Lumikha? Sa paggawa mo sa iyong tungkulin ngayon at pagsasagawa ng kung ano ang iyong nalalaman at natutunan ukol dito, sino ang nagpasya nito? (Ang Diyos.) Ang Diyos ang nagpasya nito, hindi ikaw. Sa obhetibong pananalita, para kanino ka nabubuhay ngayon? (Nabubuhay kami para sa Diyos.) Pareho ito sa bawat tao sa realidad. Nabubuhay silang lahat alang-alang sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, alam man nila ito o hindi at namamalayan man nila ito o hindi. Ang mga tao ay parang mga piyesa sa isang laro. Kung saan ka ilalagay ng Diyos, kung ano ang ipagagawa Niya sa iyo, at kung gaano katagal ka Niya pananatilihin sa isang lugar, ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng Kanyang pamamatnugot. Pagdating naman sa pamamatnugot ng Diyos, ang totoo, ang mga tao ay nabubuhay lahat para sa layunin ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos at para sa Kanyang pamamahala, at hindi sila ang may kontrol. Gaano ka man kahusay o kagaling, hindi ka maaaring lumampas sa tadhanang itinakda ng Diyos para sa iyo. Walang sinuman ang maaaring mabuhay nang lampas sa mga limitasyong ito o lumabas sa tadhana at sa buhay na itinakda at isinaayos para sa kanya ng Lumikha. Ang totoo, ang lahat ng ito ay mga bagay na hindi nalalaman ng mga tao, at hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy sila sa ilalim ng pamamatnugot at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos nang hindi nila namamalayan at nang hindi boluntaryo. Sa obhetibong pagtingin, ano ang naintindihan na ng mga tao? (Ang kanilang buhay at kamatayan ay wala sa kanilang pagpapasya kundi nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pamamatnugot ng Diyos.) (Hindi sila dapat magtangkang maging tagapangasiwa ng sarili nilang kapalaran, at dapat silang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos.) Ikaw ay lalago kung makikita mo ito sa ganitong paraan. Anong mga katotohanan ang dapat mong maunawaan upang makapagpasakop ka sa Diyos? Sa anumang uri ka man ng pamilya ipinanganak at paano man ang mga bagay na gaya ng kakayahan mo, talino mo, at mga kaisipan mo, ang tadhana mo at ang lahat ng bagay tungkol sa iyo ay nasa ilalim ng pamamatnugot ng Diyos. Wala kang kapangyarihan dito. Ito ang landas na dapat piliin ng mga tao: ang unawain kung paanong isinaayos ng Diyos ang lahat ng sa iyo, kung paano Niya ito ginagabayan, kung paano Niya ito gagabayan sa hinaharap; ang hangaring maunawaan ang mga pagnanais at layunin ng Diyos; at pagkatapos ay mamuhay sa takbo ng tadhana na pinamamahalaan at pinamamatnugutan ng Lumikha. Hindi ito pakikipagpaligsahan, pakikipag-agawan, o pagsunggab sa mga bagay-bagay. Hindi ito tungkol sa pagsisiyasat o paglaban sa mga pagnanais ng Lumikha; hindi ito tungkol sa pagsisiyasat o pagsalungat sa lahat ng ito na isinaayos ng Diyos para sa iyo. Hindi ba’t ginagawa nitong tama at wasto ang iyong pamumuhay? Ito ang tumatapos sa mga pagdududa tulad ng “bakit nabubuhay ang mga tao, at bakit sila namamatay” o “yaong mga buhay ay inuulit ang parehong kalunus-lunos na kasaysayan ng mga pumanaw na.” Nararamdaman ng mga tao na wala naman talagang anumang paghihirap sa pamumuhay ng ganitong buhay, at na natagpuan na nila ang pinagmulan ng buhay. Nauunawaan nila kung ano ang kahulugan ng tadhana, alam nila kung paano dapat magpasakop ang mga tao sa pagsasaayos ng Lumikha, at hindi sila lumalaban. Ito ay isang makabuluhang paraan para mabuhay. Hindi na umaasa ang mga tao sa mga imahinasyon ng kanilang isipan o sa kanilang sariling lakas upang magsumikap at makipaglaban para sa kaligayahan. Alam nilang ang lahat ng iyon ay kahangalan at katigasan ng ulo, at hindi na nila ito ginagawa. Natutunan na nilang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Lumikha, at napakalaking pagdurusa ang naiwasan nito! Kung gayon, ganito na ba kayo nabubuhay ngayon? Nararamdaman ba ninyong hindi kayo tinatrato nang tama sa buhay ninyo at hindi kayo pinahahalagahan? Alam ninyo na ang inyong mga talento at ang inyong tungkulin ay isinaayos at ibinigay sa inyo ng Diyos, ngunit nararamdaman pa rin ninyong ginawan kayo nang masama at na hindi kayo pinahihintulutan ng tungkulin na ito na matupad ang inyong mga aspirasyon. Ang totoo, mayroon kayong mas matataas na mithiin, ngunit ang partikular na larangang ito na kung saan ninyo ginagawa ang tungkulin ninyo ay hindi talaga nagpapahintulot sa inyo na matupad ang mga ito. Ganito ba kayo mag-isip? (Hindi.) Wala kayong mga ambisyon o pagnanais, wala kayong mararangyang pangangailangan, isinantabi na ninyo ang lahat ng dapat ninyong isantabi, at ang kulang na lang sa inyo ay ang maunawaan ang katotohanan upang malutas ang mga tiwaling disposisyon ninyo. Ginagawa nitong mas lalong malinaw ang landas na dapat tahakin ng mga tao at ang direksyon na dapat nilang puntahan. Hindi na nila kailangan pang magtanong ng tulad ng, “Bakit nabubuhay ang mga tao? At bakit sila namamatay? Sino ang Siyang namumuno sa lahat ng bagay?” Anuman ang hinahangad mo o anuman ang mga inaasam mo, sa pamamagitan lamang ng pagbabalik sa presensya ng Lumikha, pananatili sa lugar mo at matapat na pagsasakatuparan ng dapat mong gawin, at ng pagtupad at pagkumpleto sa iyong tungkulin, na makakapamuhay ka sa isang paraan na naghahatid ng isang malinis na konsensiya at na tama at nararapat. Walang kalakip na pagdurusa. Ito ang kahulugan at halaga ng pamumuhay.