Ang Tao ang Pinakamalaking Nakikinabang sa Pamamahala ng Diyos (Ikatlong Bahagi)

Ano ba ang nakakamit ng mga tao sa pagsunod sa Diyos sa loob ng maraming taon? Sasabihin ng karamihan sa mga tao na ang kanilang ani ay sagana. Sa ngayon, hindi natin pag-uusapan kung gaano kasagana ang ani ng mga taong may mahusay na kakayahan at na naghahangad sa katotohanan; kahit na iyong mga may karaniwang kakayahan ay maraming ani. Una, may pagkilatis ba kahit papaano ang mga tao tungkol sa masama, tiwaling mundong ito? (Oo.) Ano ang pakiramdam mo dati, noong kahalubilo mo pa ang mga walang pananampalataya? Bawat araw, pakiramdam mo ay pagod ka, naiirita, galit, api, at nasusupil; hindi ka nangahas maglabas ng galit dahil sa takot na may makabangga kang masamang tao na mang-aapi sa iyo, at hindi mo siya matatalo, kaya kailangan mong lunukin ang pagpapahalaga mo sa sarili mo. Na ang ibig sabihin, sa pamumuhay sa mundo ng mga walang pananampalataya, sa masamang mundong ito, ang mga nakasasalamuha mo ay mga diyablo; pinagmamalupitan nila ang isa’t isa, kaya nasa matinding pagdurusa ang puso mo. Ito ang pinakalantad na pakiramdam. Kaya pagkatapos manampalataya sa Diyos, ano ang nangyari sa lantad na pakiramdam na ito? Ano ang nangyari sa maliit na konsensiya at moral na pang-unawa mo? Ito ay naging totoong pagkilatis at totoong pagkaalam sa buktot na kapanahunang ito. Sa pamamagitan ng pagdurusa ng maraming pag-uusig, makikita mo ang kahindik-hindik na anyo ng mga haring diyablo, gayundin ang kadiliman at kabuktutan ng kapanahunang ito. Hindi ba’t isa itong ani? Kung hindi ka nananampalataya sa Diyos at hindi mo tinatanggap ang katotohanan, magkakaroon ka ba ng gayong ani? Dati, naramdaman mo lang na: “Paanong palubha nang palubha ang mga tao? Ang hirap isipin.” Masasabi mo pa rin ba iyon ngayon? Ngayon, may kaunting kaalaman at pagkilatis ka na sa masasamang tao, sa mga buktot at makamundong diyablo. Gugustuhin mo pa rin bang makisalamuha at makihalubilo sa kanila? (Hindi na.) Tiyak na hindi mo na gugustuhin. Kung sasabihan kang makipag-ugnayan at makisama sa kanila, mas mabibigla ka, at sasabihin mong: “Ikinalulungkot ko. Hindi ko sila matatalo. Lahat ng taong iyon ay nabibilang kay Satanas, napakasama nila!” Ano ang bumago sa iyo nang husto? Hindi ba’t ito ay ang mga epekto ng salita ng Diyos? Hindi ba’t ang palaging pagsasalita kung paano makilatis ang masasamang tao, ang buktot na kapanahunan, at ang buktot na kalakaran ay nagpapahintulot sa iyo na makilala ang kapanahunang ito at ang sangkatauhan? Mayroon kang ganitong kaalaman, kaya ayaw mong makisama sa kanila; ang moralidad at konsensiya sa loob mo ay nasusuklam sa mga iyon, at nagsisimula kang magkaroon ng pagkilatis. Unti-unti mong nauunawaan ang kanilang kalikasang diwa; mula sa kaibuturan ng iyong puso, nakikita mo na sila ay mga diyablo. Ang pakikisama sa kanila ay nagpaparusa sa puso mo at pinasasama nang matindi ang loob mo kaya hindi ka na makapagpatuloy pang mabuhay; ang tanging hiling mo ay ang ihiwalay agad ang sarili mo sa kanila. May ilang tao, nang una silang pumasok sa iglesia at makasalamuha ang mga kapatid, ay nadama na: “Paano naiiba ang mga taong ito? Nagagawa nilang lahat na sabihin nang deretsahan at lantaran ang mga pinakanatatago nilang kaisipan, na gaya ng magkakapamilya. Paanong hindi man lang nila pinoprotektahan ang sarili nila sa iba? Mga hunghang ba sila, o ano? Matalino ako. Pinoprotektahan ko ang sarili ko sa iba, at hindi ko sinasabi kaninuman ang mga pinakanatatago kong kaisipan.” Habang lumilipas ang panahon, nakauunawa sila ng kaunting katotohanan; iniisip nila na kung hindi sila magsisimulang maghangad na maging isang tapat na tao, at sa halip ay palagi silang magbabalatkayo, magsisinungaling, at manlilinlang, hindi ba’t sila ay magiging isang diyablo at Satanas? Tiyak na matitiwalag sila. “Dapat kong tanggapin ang katotohanan at dapat akong maging isang tapat na tao.” Pagkatapos ay sinusubukan nilang buksan ang kanilang puso sa mga kapatid at sabihin ang kanilang mga pinakanatatagong kaisipan. Kapag paminsan-minsan ay nagsasabi sila ng mga kasinungalingan, nagdarasal sila sa Diyos, at tinatalikuran nila ang mga kasinungalingan nila, at isinasagawa nila ang asal ng isang taong tapat. Palagi silang nagsasagawa nang ganito, at isang araw ay nadarama nilang ang pamumuhay nang ganito ay talagang mabuti; hindi lang sila hindi pagod, hindi rin sila nasusupil, at hindi sila nasasaktan. Malaya at walang inaalala ang mga puso nila, at talagang nakadarama sila ng kapayapaan at kagalakan. Pagkatapos ng puntong ito, kaya na nilang ibahagi nang lantaran sa mga kapatid ang lahat ng kanilang kaisipan at ideya. “Ang sambahayan lamang ng Diyos ang may kapaligiran ng katotohanan, doon lamang nakapagpapatupad ng awtoridad ang salita ng Diyos, at doon lamang may dalisay na lupain. Sa sambahayan lamang ng Diyos maaaring magkaroon ng higit na wangis ng tao ang mga tao habang patuloy silang nabubuhay!” Kung mayroon ka talagang ganitong mga pakiramdam, hindi mo iiwan ang Diyos, sapagkat nakikita mo na ang Diyos ay pag-ibig, at nasisiyahan ka sa Kanyang pag-ibig. Hindi ito naaarok ng mga walang pananampalataya kapag nakikita nila ang mga tao na nananampalataya sa Diyos at sumusunod sa Kanya sa ganitong paraan. Hindi nila nauunawaan kung ano ang ginagawa ng mga taong ito, kung bakit sila may ganoon kalaking pananalig sa Diyos, o kung bakit nagpapatuloy pa rin silang magtipon sa gayon kahirap na mga sitwasyon—kahit na paalisin at patalsikin sila ay hindi nila iniiwan ang Diyos, nagpapatuloy pa rin sila sa kanilang trabaho ng pagpapalaganap ng ebanghelyo upang maghanda ng mabubuting gawa. May ilan sa kanila na maaaring hindi mangahas na iwan ang Diyos dahil sa takot; natatakot sila na magdadala sa kanila ng kaparusahan ng Diyos ang pag-alis nila. Sasabihin Ko sa iyo ang katotohanan: Maaari kang umalis na lang nang hindi nag-aalala ang iyong puso, hindi ka parurusahan ng Diyos. Binibigyan ng Diyos ang mga tao ng kalayaan, at ang pinto sa sambahayan ng Diyos ay bukas magpakailanman; ang sinumang gustong umalis ay maaaring gawin iyon kahit kailan at kahit saan, nang walang mga paghihigpit. Pero kung may taong gustong pumasok muli pagkatapos nilang umalis, hindi iyon ganoon kasimple, sapagkat katumbas iyon ng pagtataksil sa Diyos. Kailangan nilang dumaan sa mahigpit na pagsusuri; kung totoo bang nagsisi na sila o hindi, kung mabuti ba silang tao o hindi, ay dapat na siyasatin. Pagkatapos lamang niyon saka sila maaaring tanggapin muli sa iglesia. Pero para naman sa mga gustong talikuran ang Diyos at bumalik sa mundo, ang sambahayan ng Diyos ay hindi kailanman nagkaroon ng paghihigpit. Mayroon bang kahit anong atas administratibo ang iglesia na nagsasabing hindi pinahihintulutang umalis ang ilang tao? (Wala.) Wala kailanman. Pinahihintulutan ng sambahayan ng Diyos ang sinuman na umalis sa iglesia; kung lilisanin ng isang masamang tao ang iglesia, masaya pa nga ang sambahayan ng Diyos na makita siyang umalis. Subalit may ilang tao na laging gustong ipahayag ang mabubuti nilang intensyon sa mga taong gustong umalis, na nagsasabing: “Hindi ka puwedeng umalis, mayroon ka pa ring ilang kaloob, at kakayahan. May kinabukasan ka pa rin sa iglesia, at puwede kang lubos na pagpalain sa hinaharap.” May ilang taong may mabubuting intensyon na tinatangkang himukin ang iba sa ganitong paraan, na iniisip na pagmamahal ito. May saysay ba na sabihan ang mga taong manatili nang ganito? Maaari mong mapanatili ang mga tao, pero hindi mo mapananatili ang puso nila. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi makapaninindigan sa sambahayan ng Diyos; kahit pa pilitin mo silang manatili, hindi sila taong naghahangad sa katotohanan, kaya anong mga pagpapala ang makakamit nila? Kung sila ay mga tapat na trabahador, ang pagpapala na manatili silang buhay ay hindi maliit; subalit sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan, ang pananampalataya sa Diyos ay nakapapagod, kung gayon, handa ba silang magtrabaho? Kaya, ang pamamaraang ito ng panghihimok na batay sa mabuting intensyon ay may kaunting resulta sa mabuting tao, pero medyo kahangalan itong gamitin sa isang masamang tao. May mga prinsipyo sa panghihikayat sa iba. Ang panghihikayat sa mga taong kayang magsisi ay may kaunting resulta, samantalang ang panghihikayat sa masasamang tao ay walang silbi. Habang lalo mo silang sinusubukang himukin, lalo silang nasusuklam sa iyo, at ang pagkahiya nila ay nagiging galit. Ipinamamalas nito ang kahangalan—kahangalan na hikayatin ang masamang tao. May ilang tao na, bagaman hindi pa sila ganoon katagal na nananampalataya sa Diyos, nadarama nila sa kaibuturan ng puso nila na sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga salita ng Diyos sa nakalipas na ilang taon ay nagkaroon sila ng kamalayan, ng malinaw na kaalaman sa maraming katotohanan, at na kahit na hindi pa nila lubusang nakakamit ang katotohanan ay medyo nagbago na sila, at tunay na marami-rami na ang nakamit nila mula sa Diyos. Bagaman kapag hinihingi sa iyong magsalita tungkol sa kaalaman at patotoong batay sa karanasan ay hindi ka pa rin makapagsalita nang malinaw tungkol dito, nadarama mo lang na nakasusulong ka sa isang mabuti at positibong direksiyon, at na hindi ka umaatras sa isang masama o negatibong direksiyon—at palagi mong sinasabi sa sarili mo na, “Kailangan kong maging mabuting tao, kailangan kong maging tapat na tao. Hinding-hindi ako puwedeng maging isang mapanlinlang na tao, lalo na na maging isang mapagmataas na tagasunod ng kabuktutan, na kinasusuklaman ng Diyos. Kailangan kong maging isang taong nakalulugod sa Diyos.” Kaya, madalas na pinaaalalahanan at pinipigilan mo ang sarili mo, at pagkatapos ng ilang taon, iniisip mo na sa wakas ay kaya mo nang isabuhay ang kaunting wangis ng tao. Mula sa mga pinakatotoong damdamin, karanasan, at pagkaunawa ng mga tao, masasabi na ang tao ang pinakanakikinabang sa gawain ng Diyos habang inililigtas ng Diyos ang tao. Pagkatapos ninyong manampalataya sa Diyos hanggang sa kasalukuyan, ano ang napalampas ninyo? Ilalatag Ko ito para sa iyo. Napalampas mo ang magpasasa ng iyong sarili, ang gawin ang anumang magustuhan mo, ang mamuhay nang walang habag, ang mga pagkakataong makapunta sa mga kabaret at inuman para sumayaw, kumanta, at magsaya, at napalampas mo ang pagkakataong magpakabusog at magpakalango sa alak sa agos ng kabuktutan. Wala kang ganitong mga araw. Pero higit pa roon, ano ang nakamit mo? Madalas, pakiramdam ng mga tao ay na ang pananampalataya sa Diyos ay nagpapasaya at nagpapalaya sa kanila. Ang mabuhay nang ganito habambuhay ay magiging napakabuti. Karamihan sa nakakamit mo ay kasiyahan, kagalakan, at kapayapaan. Hindi ba’t tunay na pakinabang ang mga ito? (Oo.) Maaaring sabihin ng ilang tao na: “Kahit na medyo pagod ako sa pagtupad ng aking tungkulin sa nakalipas na dalawang taon, magaan naman ang pakiramdam ko.” Ang kaginhawahan at kapayapaang ito ay hindi mabibili ng salapi, ni maipagpapalit sa katayuan, kasikatan, pakinabang, o sa antas ng akademikong tagumpay.

Para sa isang mananampalataya sa Diyos, ang makamit ang katotohanan ay ang makamit ang buhay, at ang makamit ang buhay ay ang makamit ang mga tunay na pakinabang. Kasabay ng pagkakamit ng tao ng mga tunay na pakinabang, ano naman ang nakakamit ng Diyos sa kanila? Ano ba ang mga hinihingi ng Diyos sa tao? Ano ba ang mga kailangang makamit ng Diyos sa tao? Lumalahok ba ang Diyos sa isang transaksyon? (Hindi.) Sa pananalita at mga kilos ng Diyos, sinabi na ba Niya na, “Sinabi Ko ang mga salitang ito, kaya dapat ninyo Akong bigyan ng ganito kalaking halagang pera”? Hiningan ba kayo kailanman ng Diyos ng kahit isang sentimo? (Hindi.) Hindi kailanman naniniwala ang mga nagdududang tao na walang pag-iimbot at walang kapalit na nagkakaloob ang Diyos sa sangkatauhan ng napakaraming katotohanan na maaaring maging buhay ng tao; hindi sila naniniwala sa katunayang ito. Iniisip nila na ang lahat ng bagay sa mundo ay may kapalit, na walang libreng tanghalian, kaya hindi sila naniniwala na ang lahat ng salita at gawa ng Diyos ay ipinagkakaloob sa sangkatauhan nang libre, at nang walang kapalit. Iniisip nila na kahit ganito pa, tiyak na isa itong patibong. Ang pagdududa nila sa Diyos sa ganitong paraan ay hindi na nakagugulat, dahil hindi nila kilala kung sino ang inililigtas at ginagawang perpekto ng Diyos, lalo na kung kanino ipinagkakaloob ang katotohanan. Subalit ang ginagawa ng Diyos ay totoong walang kapalit. Anuman ang hingin Niyang gawin ng mga tao, hangga’t ginagawa nila ang mga iyon, nalulugod Siya, at natatanggap ng mga tao ang Kanyang pagsang-ayon. Hangga’t matatanggap ng mga tao ang mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos, at nabubuhay sila nang ayon sa Kanyang mga salita, ito ang resultang inaasahan ng Diyos, at ang gusto ng Diyos mula sa mga tao habang inililigtas Niya sila. Gusto ng Diyos ang katiting na ito, pero maibibigay ba ito ng mga tao sa Kanya? Ilang tao kaya ang maituturing ang hinihingi ng Diyos na ito bilang ang pinakamahalagang bagay sa lahat para masuklian Siya? Sino ang makauunawa sa puso ng Diyos? Walang sinuman, at walang kamalay-malay ang mga tao na nakamit nila ang pinakamahalagang bagay sa lahat. Bakit Ko sinasabing nakamit nila ang pinakamahalagang bagay sa lahat? Ipinagkaloob ng Diyos sa tao ang buhay Niya, ang lahat ng kung ano at mayroon Siya, para maisabuhay ito ng tao, para makuha ng tao ang lahat ng kung ano at mayroon ang Diyos, at ang mga katotohanang ipinagkaloob Niya sa tao, at gawin nilang direksiyon at layon ng buhay nila ang mga iyon, para mabuhay sila nang ayon sa mga salita Niya, at magawa nilang buhay nila ang Kanyang mga salita. Sa ganitong paraan, hindi ba’t masasabi na ipinagkaloob ng Diyos ang buhay Niya sa tao nang libre upang Siya ay maging buhay nila? (Oo.) Kung ganoon, ano ba ang nakukuha ng mga tao sa Diyos? Ang mga inaasahan Niya? Ang mga pangako Niya? O ano? Ang nakukuha ng mga tao sa Diyos ay hindi hungkag na salita, ito ay ang buhay ng Diyos! Kasabay ng pagkakaloob ng Diyos ng buhay sa mga tao, ang hinihingi Niya lamang sa kanila ay ang isabuhay nila ang Kanyang buhay na para bang buhay nila. Kapag nakikita ng Diyos na isinasabuhay mo ang buhay na ito, nasisiyahan Siya; ito lang ang hinihingi Niya. Kaya, ang nakakamit ng mga tao mula sa Diyos ay isang bagay na hindi matutumbasan ng anumang halaga, pero kasabay ng pagkakaloob Niya sa kanila ng bagay na pinakahindi matutumbasan ng anumang halaga, ay wala Siyang nakukuhang anuman. Ang pinakanakikinabang ay ang tao; ang tao ang umaani nang napakasagana, at ang tao ang pinakanakikinabang. Kasabay ng pagtanggap ng mga tao sa mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, nauunawaan nila ang katotohanan at mayroon silang mga prinsipyo at pundasyon para sa pag-asal nila, kaya mayroon silang direksiyon para sa landas ng buhay nila. Hindi na sila nalilihis o nagagapos ni Satanas, ni nalilihis o nagagamit pa ng masasamang tao; hindi na sila nadurumihan o naaakit ng masasamang kalakaran. Malaya at walang pag-aalala silang nabubuhay sa pagitan ng langit at lupa, at tunay silang nakapamumuhay sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, hindi na kailanman mapagmamalupitan ng anumang masama o madilim na puwersa. Ibig sabihin, habang isinasabuhay ng tao ang ganitong uri ng buhay, hindi na sila nagdurusa ng pasakit, at wala silang mga paghihirap; masaya, malaya at maginhawa silang nabubuhay. Mayroon silang normal na relasyon sa Diyos; hindi sila naghihimagsik sa Kanya, ni lumalaban sa Kanya. Dahil tunay silang namumuhay sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, sa loob at labas ay nabubuhay sila sa paraan na ganap na may katwiran; mayroon silang katotohanan at pagkatao, at nagiging karapat-dapat silang tawaging sangkatauhan. Kung ihahambing ang gayon kalaking pakinabang sa kung ano ang nasa imahinasyon ng tao na mga pangakong ibinibigay ng Diyos sa tao o sa mga pagpapalang hinihiling ng tao na makamit—alin ang mas mainam? Alin ang pinakakailangan ng tao? Alin ang makapagpapasakop at makapagpapasamba sa tao sa Diyos, ang magagawang mabuhay sila nang walang hanggan, nang hindi nalilipol o naparurusahan ng Diyos? Ang kagustuhan mo bang pagpalain ang mahalaga, o ang tunay na pagsasabuhay sa buhay na ibinigay sa iyo ng Diyos ba ang mahalaga? Ano ang mas makakatulong sa iyong lumapit sa Diyos, nang hindi ka Niya kamumuhian, tatalikuran, o parurusahan? Ano ang makapagpapanatili sa buhay mo? Tanging sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan na mula sa Diyos na makakamit mo ang buhay na ito na walang hanggan. Kapag taglay mo na ang buhay na ito, ang buhay mo ay wala nang limitasyon sa oras—ito ang buhay na walang hanggan. Ang ibig sabihin nito ay kapag hindi nakamit ng isang tao ang buhay na nagmumula sa Diyos, kailangan niyang mamatay; ang buhay ng tao ay limitado sa oras. Ang buhay ba na limitado sa oras ay walang hanggang buhay pa rin? Hindi. Mahahalinhan ba ng iyong pagnanais na mapagpala ang makatanggap ng buhay na walang hanggan mula sa Diyos? Mapipigilan ba ng pagnanais ng isang tao na mapagpala ang mamatay siya? Hindi, sigurado iyon.

Pumarito ang Diyos para magpahayag ng napakaraming katotohanan. Nakakamit ng mga tao ang buhay mula sa Diyos at nakakamit nila ang buhay na walang hanggan na nagmumula sa Kanya, isang buhay na magpasawalang-hanggan. Nagbago ba ang Diyos? (Hindi.) Sa teoretikal na pananalita, ang dakilang proyekto ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan ay, sa wakas, nagsanhi sa mga tao na maging kwalipikadong mabuhay magpakailanman nang hindi namamatay; sa antas na ito, natupad na ng Diyos ang mga kahilingan Niya, natupad na Niya ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala—ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Naisakatuparan na ang dakilang gawain ng Diyos, at para bang medyo nakinabang na ang Diyos mula rito, subalit sa realidad, sino ba ang mabubuhay magpakailanman? Sino ba ang nagkakamit ng pinakamalalaking pagpapala? (Ang tao.) Ang sangkatauhan. Kung hindi makakamit ng Diyos ang mga taong ito, magbabago ba ang katayuan Niya? (Hindi.) Hindi magbabago ang katayuan ng Diyos, ni ang diwa Niya, ni ang anupamang bagay. Sa kabaligtaran, ang kapalaran ng tao ay magbabago nang malaki; hindi ito maliit na pagkakaiba, kundi pagkakaiba na parang langit at lupa! Sa isa ay mamamatay magpakailanman, ang sa isa pa ay mabubuhay nang walang hanggan. Alin ang dapat piliin ng mga tao? (Ang mabuhay nang walang hanggan.) Ano ang nais na makita ng Diyos? Ano ang pinakamalaking inaasahan Niya sa sangkatauhan? Bakit Siya magbabayad ng gayon kalaking halaga? Ipinagkaloob ng Diyos ang buhay Niya sa tao nang libre, nang walang ipinag-uutos o kapalit, at nang walang anumang karagdagang hinihingi. Ang hinihingi Niya lang sa mga tao ay ang tanggapin nila sa puso nila ang Kanyang mga salita at ang isabuhay nila ang wangis ng tao ayon sa mga hinihingi Niya, at pagkatapos noon ay magtatamo ng mga resulta ang Kanyang gawain, at matutugunan na ang mga hinihiling Niya. Subalit makitid ang utak ng mga tao; iniisip nila na sa pagsasabi ng lahat ng salitang ito at sa pagpapakain at pagpapainom ng mga ito sa mga tao at sa paghimok sa mga tao na pumasok dito, sa paghimok sa mga tao na iwaksi ang mga bagay-bagay at na igugol, paghimagsikan, at isantabi nila ang kanilang sarili, at palagi Siyang sambahin, ay maaaring nakakukuha ang Diyos ng malaking pakinabang. Ganito nga ba talaga ang nangyayari? (Hindi, hindi maramot ang Diyos. Libre Niyang ipinagkakaloob sa tao ang katotohanan, nang walang iniuutos, at nang hindi hinihingi sa mga tao na suklian Siya.) Kung titingnan ang mga bagay na ito, ang parirala bang “Hindi maramot ang Diyos” ay totoo? (Oo.) Ang Diyos ay hindi maramot. Walang pagkamakasarili sa kahit anong bagay na ginagawa ng Diyos. Kahit minsan ba ay may ginawang bagay ang Diyos para lamang sa sarili Niya, at hindi para sa tao? Wala kailanman. Hanggang sa kasalukuyan, hindi kailanman gumawa ang Diyos ng gayong bagay, na malalaman naman ng mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan. Kasabay ng pagbibigay-daan ng Diyos sa mga tao na maunawaan ang katotohanan at makamit ang buhay na nagmumula sa Kanya, isinasaayos din Niya ang napakaraming sitwasyon, tao, pangyayari, at bagay, at binibigyan Niya ang mga tao ng mga nababagay na pagkakataon upang magawa nila ang kanilang mga tungkulin; para magkaroon sila ng mga nababagay na sitwasyon at kalagayan kung saan sapat nilang mararanasan at mauunawaan ang pagiging totoo ng Kanyang mga salita at ang katotohanang nilalaman ng mga iyon. Ginagamit Niya ang lahat ng uri ng pamamaraan, gaya ng pagpupungos, pagdidisiplina, mga pagsubok, pagpipino, mga pag-uudyok, at panghihikayat, pati na rin ang buhay iglesia at ang pagbabahaginan, pagsusuportahan, at pagtutulungan ng mga kapatid, para tulungan ang mga tao na maunawaan ang Kanyang mga layunin, para hindi sila magkamali sa pag-unawa sa puso Niya, at para tulungan ang mga taong tahakin ang tamang daan. Kasabay ng paggawa ng Diyos sa lahat ng ito, mayroon ba Siyang karagdagang hinihingi sa mga tao, na hinihingi sa mga taong gumawa ng espesyal na bagay para sa Kanya? (Wala.) Bilang pagbubuod, sa panahon na inililigtas ng Diyos ang mga tao, binibigyan Niya sila ng mga sapat na pagkakataon at sapat na espasyo, at pinagkakalooban Niya sila ng iba’t ibang makabubuti at madadaling kalagayan at sitwasyon para mapalago ang bawat tao. Kasabay nito, nililinis Niya rin ang bawat tao, at sa huli, ginagawa Niyang perpekto ang mga maaaring gawing perpekto; ginagawa Niyang perpekto ang mga nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Sa madaling salita, ang lahat ng ito na ginagawa ng Diyos, ito man ay ang mga salitang sinasabi Niya sa mga tao, ang gawaing ginagawa Niya, o ang halagang ibinabayad Niya, ay ginagawa Niya nang walang kapalit.

Sa katunayan, ilang taon mang gumawa ang Diyos, gaano man karami sa salita ng Diyos ang kayang maunawaan ng mga tao, gaano man karami sa katotohanan ang maisagawa nila, o gaano man karaming panustos sa buhay ang makuha nila sa Diyos, may sinuman ba sa sangkatauhan na kayang makipag-usap nang totoo sa Diyos? Isantabi muna natin sa ngayon ang tungkol sa pag-uusap—ang hinihinging ito ay medyo mataas para sa inyo sa ngayon—mayroon bang sinuman na talagang nakauunawa sa puso ng Diyos? Huwag na nating pag-usapan pa ang tungkol sa pagpapalugod sa Kanya—nauunawaan mo ba ang puso Niya? Walang sinuman ang kaya ito. Sinasabi ng ilang tao na: “Napakadakila ng Diyos, at tayong mga tao ay napakaliit. Ang Diyos ay nasa langit, at tayo ay nasa lupa. Ang isa sa mga kaisipan ng Diyos ay sapat na sa atin para pag-isipan nang ilang taon—paano natin Siya mauunawaan? Hindi ito madaling makamit, at ang pakikipag-usap sa Kanya ay mas lalong mahirap makamit.” Kung gayon, ang pagkamit ba rito ay mahirap na bagay? May antas ba ng hirap ito? Saan ba pumapasok ang hirap na iyon? Ang mga kaisipan ng Diyos ay nasa lahat ng salita Niya, nasa katotohanang ipinahayag na Niya, at nasa Kanyang disposisyon. Kung ang isang tao ay hindi hinahangad ang katotohanan, hindi nauunawaan ang katotohanan, at hindi kayang makamit ang katotohanan at ang buhay na nagmumula sa Diyos, hindi niya kailanman mauunawaan ang Diyos. Kung ang isang tao ay hindi nauunawaan ang Diyos, hindi siya kailanman makahaharap sa Diyos para makipag-usap sa Kanya, ni magkakaroon ng kakayahang gawin iyon. Ano ba ang ibig Kong sabihin sa makipag-usap? Ito ay ang lantarang buksan ang puso ng isang tao, ang magsalita mula sa puso. Alam ba ninyo kung paano gawin ito? Alam mo kung paano makipag-usap nang mula sa puso sa mga magulang mo, sa mga kapatid mo at sa matatalik mong kaibigan, subalit hindi mo alam kailanman kung paano makipag-usap sa Diyos nang mula sa puso. Saan ba nanggagaling ang problema? (Mula sa hindi pagkaunawa sa puso ng Diyos.) Bakit hindi mo maunawaan ang puso ng Diyos? (Ang tao ay walang tunay na pagkakilala sa Diyos.) Ito ang isang pangunahing dahilan. Hindi nauunawaan ng mga tao ang puso ng Diyos; hindi nila alam ang puso Niya, ni kung ano ang iniisip Niya, ang minamahal Niya, ang kinamumuhian Niya, kung bakit Siya nalulumbay, o kung bakit Siya malungkot. Hindi mo mapahalagahan ang mga bagay na ito, na nagpapatunay na hindi mo pa natatamo ang katotohanan o ang buhay na nagmumula sa mga salita ng Diyos, at na malayo pa rin ang puso mo sa Diyos. Ano ang ibig sabihin kapag ang puso ng isang tao ay malayo sa Diyos? Una, nangangahulugan ito na walang puwang ang Diyos sa puso ng mga tao; gusto pa rin nilang sila mismo ang maging sarili nilang panginoon. Ang pagpapatuloy nang gaya nito ay magdudulot sa kanila na magrebelde at lumaban sa Diyos kahit saan, sa lahat ng oras; tinatalikuran pa nga nila ang Diyos, at iniiwan Siya. May ilang tao na nahaharap sa sakuna at kalamidad at pagkatapos ay hindi nila naiintindihan ang Diyos, at nagrereklamo sila laban sa Kanya; nagsasabi sila ng mga bagay na humuhusga at tumatakwil sa Diyos. Ang gayong mga tao ay lumalaban at nagkakanulo na sa Diyos. Ito ang katotohanan tungkol sa sitwasyon. Para sa Diyos, mabuti ba o masama kung mamumuhay ang mga tao sa gayong kalagayan? (Masama.) Bakit ito masama? (Hindi ito ang gusto ng Diyos, ni ang inaasam Niyang makita.) Isang aspekto ito, at hindi inaasam ng Diyos na makita ang gayong mga bagay. Kaya ano ang mararamdaman ng Diyos sa Kanyang puso? (Manghihinayang at masasaktan.) Una, Siya ay masasaktan. Kung marami kang inaasahan sa isang tao, at inaasam mong lantaran niyang bubuksan ang kanyang puso sa iyo, pero sa halip ay lumayo siya sa iyo at nagkamali ng pagkaunawa sa iyo, laging nagtatago sa iyo at iniiwasan ka, ano ang iisipin mo? Kahit pa binuksan niya sa iyo ang puso niya at kinausap ka niya, pero ang sinabi niya ay hindi ang gusto mong marinig, ano ang iisipin mo? Hindi ba’t mararamdaman mong nag-iisa ka? (Oo.) Una, mararamdaman mong nag-iisa ka at nakahiwalay sa iba, na para bang wala kang mga minamahal, walang mga taong mapagkakatiwalaan, walang makakausap nang mula sa puso, walang mapaniniwalaan o maaasahan; makararamdam ng pag-iisa ang puso mo. Kasabay ng pagkaramdam mong nag-iisa ka, ano ang iisipin mo? Ano ang mararamdaman mo? Hindi ba’t masasaktan ang puso mo? (Oo.) Magiging masakit iyon. Madali bang malutas ang pasakit na ito? Anong mga klaseng bagay ang makababawas sa kirot na ito? Paano mo mababago ang sitwasyong ito? Uubra ba ang pagbitaw mo sa kagustuhang ito at pagkukunwaring hindi mo nakikita ang katunayang ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang kakailanganin mong gawin sa huli? Ano ang dapat mong piliin sa huli? Paano mababago ang gayong sitwasyon? May dalawang bagay na maaaring gawin ang Diyos. Maaaring may ibang mga pamamaraan ang tao, subalit tiyak na naiiba ang mga pagpipilian ng tiwaling sangkatauhan kumpara sa mga puwedeng gawing pagkilos ng Diyos. Ang pipiliin ng tao ay, “Kung hindi ka kikilos ayon sa aking kagustuhan, hindi kita papansinin. Kung hindi pupuwede ang taong ito, pipiliin ko na lang ang ibang tao. Kung ang una ay masama, pipiliin ko ang ikalawa.” Kikilos ba ang Diyos sa ganitong paraan? Siguradong hindi. Hindi susukuan ng Diyos ang mga bagay na gusto Niyang gawin. Kung ganoon, ano ang gagawin ng Diyos? Ito ang bagay kung saan makikita ang walang pag-iimbot na diwa ng Diyos. Una, patuloy na tutustusan ng Diyos nang walang kapalit ang mga pangangailangan ng tao, kabilang na ang mga pangangailangan ng kanilang buhay at espiritu, pati na rin ang mga pangangailangan ng kanilang mga sitwasyon at iba pang mga pangangailangan. Dagdag pa rito, gagawin ng Diyos ang ikalawang bagay, na ang siyang ginagawa na Niya sa nakalipas na ilang libong taon. Naiisip ba ninyo kung ano iyon? (Ang maghintay.) Ano pa? (Patuloy na maghihintay ang Diyos, at patuloy Niya silang gagabayan.) Tila mayroon na kayong kaunting pagkaunawa, ng ganitong takbo ng pag-iisip. Tama iyan, maghihintay Siya. Hindi pipili ang Diyos ng ikalawang pamamaraan, ang tumakas man, o sumuko, o ang bawasan ang Kanyang kalungkutan. Kasabay ng libreng pagkakaloob Niya ng mga panustos sa buhay sa sangkatauhan, naghihintay din Siya nang walang kapalit. Ito ang ginagawa Niya. Gaano kabuti Niyang ginagawa ito? Kung gagamitin ang mga salita ng tao, hindi ba’t talagang kahanga-hanga ang Diyos? (Ginagawa ng Diyos ang lahat ng magagawa Niya at ang lahat ng dapat Niyang gawin.) Ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito nang walang kapalit, nang sa gayon ay magkamit ng buhay na walang hanggan ang mga tao. Wala Siyang ibang hinihingi; kahit papaano man lang ay masasabing wala Siyang mga di-makatwirang hinihingi sa tao. Kasabay ng pagkakaloob ng Diyos sa tao ng lahat ng ito, walang kapalit at unti-unti Niyang ibinibigay sa tao ang Kanyang pinakaiingat-ingatan at pinakamahalagang bagay, na ang bagay na pinakanararapat pahalagahan at pagkaingatan ng tao. Habang nakakamit ng mga tao ang lahat ng bagay na ito, nagkakamit sila ng kasiyahan, kapayapaan, isang pundasyon para sa pananatiling buhay at pag-asal ng tao, at ang pinakamalalaking pakinabang na maaaring makamtan. Subalit kasabay ng mga ito, may sinuman ba sa mga taong ito ang nakaisip sa Diyos? Naisip ba nila kung ano ang Kanyang ginagawa at iniisip? Hindi nila naisip ito, hindi ba? Habang nakakamit ng mga tao ang lahat ng ito, may nagtatanong ba sa sarili nila na: “Ano ba ang ibinigay namin sa Diyos bilang kapalit ng lahat ng Kanyang ipinagkaloob sa amin? Ano ba ang napapala sa amin ng Diyos? Kapag nagkakamit kami ng kagalakan at kasiyahan, masaya kaya ang Diyos?” Maaaring hindi ito itanong o isipin ng mga tao. Kapag nagbabahaginan ang mga tao tungkol sa mga salita ng Diyos, at nababalot sila ng kasiyahan at katuwaan, may nakaisip ba sa kanila sa Diyos? Hindi sila nag-iisip; hindi sila kailanman nag-isip, at hindi nila alam kung paano mag-isip. Wala sa puso nila ang mga gayong bagay. Kasabay ng pagtanggap ng mga tao mula sa Diyos ng lahat ng ito, iniisip nila na: “Napakasuwerte ko! Napakasayang makuha ang lahat ng ito, sobrang pinagpala ako! Wala akong kasingpinagpala. Talagang salamat sa Diyos!” Nagsasabi lang ang mga tao ng isang salita ng pasasalamat; medyo nagpapasalamat lang ang kanilang kalooban. Kahit na anong tapat pa nila, o kahit na anong alab pa ng mga puso nila, o kahit na anong bigat pa ang pasaning sa tingin nila ay mabubuhat nila, at kahit na gaano pa karaming katotohanan ang sa tingin nila ay nauunawaan na nila, o ang magagawa nila para sa Diyos, kahit na kapag ang Diyos ay nasa tabi pa ng tao, pakiramdam pa rin ng Diyos ay nag-iisa Siya! Bakit Ko sinasabing pakiramdam Niya ay nag-iisa Siya? Dahil, mula simula hanggang wakas, kahit na ano pang ipagkaloob ng Diyos sa tao, ano pang gawin Niya sa kanila, sa anong anyo pa Siya magpakita sa kanila, o anong paraan pa Siya gumawa sa kanila, inihihiwalay nila ang Diyos. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Ganoon nga.) Kung ganoon, saang punto magbabago ang sitwasyong ito, para hindi na kailangan pang maghintay ang Diyos, at hindi na Niya maramdamang nag-iisa Siya? Anong mga bagay ang kailangang gawin ng mga tao at anong antas ang dapat maabot ng tayog nila para mabago ang kalagayang ito, para mabago ang katayuang ito? Saan ba ito nakadepende? (Nakadepende ito sa paghahangad ng mga tao.) Sa huli, sa tao pa rin talaga nakadepende ang bagay na ito, hindi sa Diyos. Gaya ng sinabi Ko, kapag kayang makipag-usap ng tao nang harapan sa Diyos nang mula sa puso, at kapag hindi malayo ang kanilang mga puso, kapag kaya nilang makipag-usap sa Diyos at maunawaan ang Kanyang puso, kapag alam nila kung ano ang Kanyang iniisip at kung ano ang gusto Niyang gawin, kung ano ang gusto at kinamumuhian Niya, kung bakit Siya malungkot at bakit Siya nalulugod, hindi madarama ng Diyos na nag-iisa Siya. Kung magagawa ito ng mga tao, talagang matatamo na sila ng Diyos. Ito ang tunay na ugnayang gustong makita ng Diyos sa pagitan Niya at ng tao. Naiintindihan mo ba? (Medyo.) Madali bang maintindihan ang puso ng Diyos? Kapag masigasig mong binabasa ang salita ng Diyos at buong sikap mong isinasaalang-alang at dinaranas ang bawat salita at bawat katotohanang ipinahayag Niya, unti-unti mo nang mapapasok at mauunawaan ang puso ng Diyos. Kasabay ng pagkaunawa mo sa puso ng Diyos, malalaman mo na kung paano mapalugod ang puso Niya. Kung hindi maunawaan ng isang tao ang puso ng Diyos, paano niya mapalulugod ang Diyos? Imposible ito. Ano ang paunang kondisyon para mapalugod ang Diyos? (Pang-unawa.) Una muna ang pag-intindi at pang-unawa, pagkatapos ay puwede nang pag-usapan ang tungkol sa pagpapalugod. Mahirap ba para sa inyo ang bagay na ito? (Sa pamamagitan ng pagsisikap at masigasig na pagsasaalang-alang, hindi ito mahirap.) Ang bagay na ito ay hindi talaga mahirap. Ang mga tao ay naririnig ang mga salitang sinasabi ng Diyos at nakikita ang gawaing Kanyang ginagawa; sa puso nila ay kinikilala nila ang mga salitang ito, at walang nagtatanggi sa mga ito. Nakadepende ito sa puso ng mga tao; basta’t may puso sila para dito, madali itong makamit. Kung wala kang puso, magiging mahirap ito. Hindi importante kung gaano karaming salita ang sinasabi sa iyo—lahat ng ito ay walang saysay.

Katatapos Ko lang ibahagi kung paanong ang tao ang pinakamakikinabang sa buong plano ng pamamahala ng Diyos. Hindi ba’t isa iyong katunayan? Nakita na ba ninyo ang katunayang ito? (Nakita na namin.) Narinig at naunawaan na ito ng ilang tao, at ngayon ay nagbubulay-bulay sila, “Kung gayon ay makakukuha ako ng mga tunay na pakinabang. Hindi lang ito kuwento para sa mga bata, talagang maaari kong matanggap ang buhay na walang hanggan!” Paano ninyo matatanggap ang buhay na walang hanggan? (Magsagawa ayon sa mga hinihingi ng Diyos.) Sino sa tingin ninyo ang pinakanangangailangan sa mga katotohanang ito na ipinahayag ng Diyos? Kailangan ba ng Diyos ang mga iyon? (Hindi kailangan ng Diyos ang mga iyon, ang tao ang nangangailangan sa mga iyon.) Ang tao ang pinakanangangailangan sa mga iyon; hindi kailangan ng Diyos ang mga iyon. Ipinagkaloob na ng Diyos sa tao ang mga bagay na pinakakailangan ng tao. Hindi ba’t ang tao ang pinakapinagpala? (Siya nga.) Sa ngayon, kung papipiliin ka sa pagitan ng buong mundo at ng buhay na walang hanggan, alin ang pipiliin mo? Sasabihin ng ilang hangal na tao na: “Ayaw ko ng buhay na walang hanggan, dahil hindi ko naman nakikita o nararamdaman ito. Ang paghahangad dito ay parang sobrang nakapapagod. Gusto ko ng pera, ng mansyon, at ng magarbong sasakyan—ang mga iyon ay mga pakinabang na mahahawakan!” Umiiral ba ang mga gayong tao? Hindi mo puwedeng sabihing hindi, may lahat ng klase ng estupidong tao riyan. Paano man Ako magsalita, hindi sila makauunawa, kaya hayaan mo na sila. Wala silang ganitong pagpapala. Nakapili na sila. Sa huli, makakamit mo kung ano ang pipiliin mo; dapat maging responsable ka para sa mga sarili mong pinipili. Dapat mong panagutan ang mga sarili mong pinipili; kung buhay man ito o kamatayan ay nakadepende iyon sa landas na pinili mo. Kung gusto mong lumaban sa Diyos hanggang sa wakas, nasa daan ka papuntang kamatayan. Kung sasabihin mong, “Mamumuhay ako sa pamamagitan ng pagsunod sa landas na itinuro sa akin ng Diyos,” mabubuhay ka nang palagian—mangyayari ito. Bawat salita ng Diyos ay matutupad at magiging totoo, hindi iyon maipagkakaila. Sinasabi ng ilang tao na: “Paanong hindi ko alam ang bagay na ito?” Kung hindi mo alam at sinabi Ko sa iyo, hindi mo ba ito alam? Sinasabi ng iba na: “Kahit na narinig ko na ito, hindi pa ito nakikita ng sarili kong mga mata, kaya iniisip ko pa ring hindi ito totoo.” Kung gayon ay wala nang magagawa pa. Kung walang pananalig ang isang tao, hindi siya maniniwala kahit pa makita ito ng dalawa niyang mata. Ang mga walang espirituwal na pang-unawa ay hindi nakaaalam, kahit na makita pa nila, hindi pa rin nila mauunawaan, kahit na marinig pa nila. Ang mga may espirituwal na pang-unawa at nakauunawa sa katotohanan ang makakikita na naisasagawa at natutupad bawat araw ang salita ng Diyos. Kung naniniwala ka na isinasagawa ng mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay, na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, na ang lahat ng salita Niya ay matutupad, dapat mong hangarin ang katotohanan. Kung nakikita mo na ang mga salita ng Diyos ay natutupad at naisasagawa sa iyo, magkakaroon ka na ng pananalig sa Kanya. Makatitiyak ka na ang mga pangako at pagpapala ng Diyos sa iyo ay tiyak na hihigit pa sa mahihingi o maiisip mo!

Disyembre 11, 2016