Ang Tao ang Pinakamalaking Nakikinabang sa Pamamahala ng Diyos (Ikalawang Bahagi)

May ilang taong nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon, nakikinig sa maraming sermon, at nakauunawa ng maraming doktrina, kaya inaakala nilang nakamit na nila ang tunay na daan, na nakamit na nila ang Diyos, at inaakala nila na nakamit na nila ang buhay; pero sa mga karaniwang bagay, nagsisikap pa rin sila para sa kasikatan at pakinabang. Sinasaktan at ibinubukod pa nga nila ang iba, na lubos na naglalantad ng kanilang makasarili at kasuklam-suklam na kapangitan. Bakit hindi man lang nila matanggap ang katotohanan o maisagawa ito? Ang alam lang nila ay magpahayag ng ilang salita at doktrina, at mali nilang inaakalang natamo na nila ang buhay. Hindi ba’t ito ang kaawa-awang kalagayan ng tao? Ni hindi nila maisantabi ang sarili nilang mga interes, at hindi sila makapagdusa nang kaunti; kaya ano ang mapagdudusahan nila? Mula simula hanggang wakas, nakikita nila ang sarili nilang mga interes at makasariling pagnanasa bilang mas mahalaga kaysa sa anumang bagay. Ganito na sila nang magsimula silang manampalataya sa Diyos, hindi kailanman nagbago hanggang sa kasalukuyan; pakiramdam pa rin nila ay mabuti sila. Bakit ganoon? Iniisip nilang maraming taon na silang sumasampalataya sa Diyos, ginagawa ang kanilang tungkulin hanggang sa kasalukuyan; iniisip nilang medyo nagdusa na sila, at malaki ang kanilang mga kontribusyon, na nakatataas sila sa iba sa lahat ng paraan—itong mga taong nakinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon ang partikular na nakararamdam ng kataasan, at mali nilang inaakala na nakamit na nila ang Diyos. Ang mga sinusumpaan nila at ang ipinapahayag nilang determinasyon ay kaparehong-kapareho lang noong una silang nagsimulang manampalataya sa Diyos. Hindi man lang nagbago ang kanilang determinasyon o ang kanilang mga panunumpa, maging ang kanilang sigasig o kalooban. Malaki pa rin ang enerhiyang iginugugol nila para sa Diyos, pero may mga bagay rin na hindi nagbago, ibig sabihin, ang kanilang mapagmataas, mapaghimagsik, mapanlinlang, at mapagmatigas na mga disposisyon ay hindi pa nagbabago kahit kaunti. Kaya iniisip Ko, ano ba ang ginagawa ng mga taong ito sa loob ng mga taong iyon? Nananampalataya sila sa Diyos at ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin mula bukang-liwayway hanggang dapit-hapon bawat araw, iginugugol ang halos buong buhay nila, kaya inaakala nilang nakamit na nila ang Diyos at ang tunay na daan. Ito ba ang katotohanan sa bagay na ito? Nakumpirma ba ng Diyos ang kanilang mga nararamdaman? Ano ba ang gustong makita ng Diyos? Hindi ba’t isa itong paksa na karapat-dapat na pag-isipan? Kung may malinaw na hindi pagkakatugma sa pagitan ng pakiramdam ng isang tao na mabuti siya at ng paraan ng pagtingin ng Diyos sa kanya, sino roon ang may problema? (Ang tao.) Tiyak iyon, dahil hindi maaaring magkamali ang Diyos. Hindi nagbago kailanman ang pamantayan na hinihingi ng Diyos sa tao; sa halip, palagi itong binibigyan ng maling pakahulugan ng tao, palagi itong inuunawa sa paraang kapaki-pakinabang sa kanya. Iniisip ng ilang tao: “Nanampalataya sa Diyos ang mga taong ito nang halos buong buhay nila. Kung talagang hindi sila sinasang-ayunan ng Diyos, hindi ba’t labis silang kaawa-awa?” Karapat-dapat bang kaawaan at karapat-dapat bang damayan ang mga ganitong tao? Kapag sinabi mong hindi sila karapat-dapat na kaawaan, hindi karapat-dapat na damayan, hindi ba ito labis na malupit sa kanila? Hindi. Bakit Ko ito sinasabi? (Dahil binigyan na ng Diyos ang mga tao ng sapat na mga oportunidad. Sila mismo ay hindi naghahangad, at sila ang may kasalanan kung bakit may mga paltos sa kanilang mga paa.) Sa mas diretsahang pananalita, nararapat ito sa kanila, at hindi sila karapat-dapat na kaawaan. Kapag nagsasalita Ako tungkol sa ibang tao, iniisip ninyong lahat na: “Nararapat ito sa iyo! Ikaw ang may kasalanan kung bakit may mga paltos sa mga paa mo. Walang pumigil sa iyo na makinig sa mga salita ng Diyos! Ayaw sa iyo ng Diyos, at hindi ako nakikisimpatiya o naaawa sa iyo. Nararapat ito sa iyo!” Pero kung sa inyo ito mangyayari, susuriin ba ninyo ang sarili ninyong konsensiya at pagninilayan ba ninyo ang inyong sarili? Ano ang dapat ninyong isipin? Paano kayo dapat mag-isip nang rasyonal, nang may katwiran at konsensiya, sa papel na dapat gampanan ng isang nilikha, at nang may mga kaisipan at may saloobin na dapat taglay nito? Paano kayo dapat mag-isip at kumilos para makapagbigay kayo ng pinakamakatwiran at pinakapatas na pagsasalaysay na posible sa Diyos at sa tao? (O Diyos, gusto kong magsalita nang kaunti tungkol sa sarili kong mga damdamin. Sa tingin ko ay maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, pero hindi ko pa rin nakakamit ang katotohanan. Ito ay hindi dahil sa may nagawang mali ang Diyos, o dahil walang natamong mga resulta ang mga gawain ng Diyos, kundi dahil hindi ko hinangad ang katotohanan. Iniisip ko ang halimbawang ibinigay ng Panginoong Jesus: Pareho lang ang sahod ng mga pumapasok sa ubasan nang maaga at ng mga pumapasok sa ubasan nang huli na. Para sa mga tumatanggap sa gawain ng Diyos nang maaga at sa mga tumatanggap ng Kanyang gawain nang huli na, lubhang patas at makatwiran ang Diyos sa kung ano ang ibinibigay Niya sa kanilang lahat. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, at sa huli ay hindi niya nakamit ang mga katotohanang ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao, ito ay hindi dahil hindi siya binigyan ng Diyos ng sapat na panahon, kundi dahil hindi niya pinahahalagahan o tinatanggap ang katotohanan; isa-isa niyang napalalampas at naiwawala ang mga oportunidad na ibinigay ng Diyos sa kanya. May ilang taong sandali pa lang nananampalataya sa Diyos, gayunpaman ay kayang tanggapin at hangarin ang katotohanan. Matapos dumanas ng ilang taon ng paghatol, pagkastigo, at pagpupungos ng mga salita ng Diyos, nagkakamit sila ng ilang pagbabago, at naililigtas sila. Ang lahat ng ginawang ito ng Diyos ay matuwid. Ito ang ilan sa aking damdamin matapos kong makinig sa pagbabahagi ng Diyos.) Napakahusay! Una nating talakayin ang usaping ito mula sa pananaw ng isang tao. Kung hindi nagkatawang-tao ang Diyos para iligtas ang sangkatauhan, sa anong sitwasyon sana humantong ang lahat ng nananampalataya sa Diyos? Sila ay ganap na mabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, sa mga daluyong ng kabuktutan, at sa gitna ng tiwaling sangkatauhan. Ang pamumuhay sa gitna ng tiwaling sangkatauhan ay katumbas ng pamumuhay sa kulungan ng mga diyablo, pamumuhay sa yungib ng mga demonyo, o pamumuhay sa isang malaking kawa na pangtina. Kung ang isang tao ay hindi nananampalataya sa Diyos, napakanatural na gagawin niya ang anumang nais niya, gagawa siya ng masasamang bagay o kasamaan. Palalim nang palalim ang kanyang katiwalian, at lalo siyang nagiging buktot, lalong nagiging hindi makatwiran, at sa huli, siya ay nagiging buhay na demonyo. Mukha siyang tao sa kanyang mga salita at gawa, pero ang kanyang buong pag-iisip at disposisyon ay naging gaya na ng sa isang buhay na demonyo. Ano ang kalalabasan ng ganitong mga tao? Hindi ba’t ang magiging kalalabasan nila ay kapareho ng kay Satanas? (Oo.) Ganap silang binihag ni Satanas. Mga katuwang sila ni Satanas, sila ay naging mga kasabwat at tagasunod ni Satanas, at sila ay lumalaban din sa Diyos gaya ni Satanas. Kaya wala na silang pagkakataong magbago, at sa huli, ang kanilang kalalabasan ay ang maparusahan at malipol. Ito ay pagsasalita tungkol sa mga tao. Kung hindi ka nananampalataya sa Diyos, hindi ka ililigtas ng Diyos. Maaaring napakalaya mo sa mundong ito, nagagawa mo ang anumang nais mo, at kumikilos ka kung paano mo man gusto; maaaring hindi ka kailangang pigilin ng konsensiya at katwiran, o hindi mo kailangang tumanggap o magsagawa ng katotohanan, lalo na ang tumanggap ng pagpupungos at pagdidisiplina. Nabubuhay ka lang alinsunod sa iyong sariling mga kagustuhan, nabubuhay sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kalakaran ng mundo, hanggang sa ganap ka nang magbago at maging walang katwiran, walang pagkadama ng konsensiya. Lubos at ganap kang sumasama hanggang maging isa kang buhay na demonyo, isang buhay na Satanas, isang buhay na diyablo sa loob at labas; hindi mo na kailangang magbalatkayo o magbalot ng iyong sarili—isa kang tunay na Satanas, isang diyablo. Ito ang resulta ng pamumuhay ng mga walang pananampalataya sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at sa huli, dapat silang lipulin ng mga sakuna. Ipagpalagay na ang isang tao ay nananampalataya sa Diyos, pero hindi niya kailanman magawang tanggapin ang katotohanan, hindi niya kailanman magawang kilalanin ang kanyang sarili, at hindi siya tunay na nagsisisi; maraming taon na siyang nananampalataya sa Diyos, pero hindi siya nagbago ni kaunti; hindi nanumbalik ang kanyang konsensiya at katwiran, at ang kanyang paraan ng pamumuhay ay kapareho ng sa isang walang pananampalataya. Paano man hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, at paano man nagbabahagi tungkol sa katotohanan ang sambahayan ng Diyos, hindi niya ito binibigyan ng atensyon. Ang mga gayong tao ay mga hindi mananampalataya, ang mga buktot na nakapasok sa sambahayan ng Diyos. Nagbigay na ang Diyos ng maraming oportunidad para makamit ang katotohanan at kaligtasan, at maraming taon nang nananampalataya ang mga tao nang hindi binibigyan ng atensyon ang mga layunin ng Diyos; hinahangad pa rin nila ang mga kasiyahan ng laman gaya ng dati, kumakain, umiinom, at nagpapakasaya. Wala silang konsensiya, walang mga positibong elemento ng pagkatao; lumagpas na sila sa punto kung saan puwede pa silang maligtas, lumagpas na sa punto kung saan puwede pa silang makabalik. Sinusukuan na sila ng Diyos, at hindi sila inililigtas; hindi na kailangan pang banggitin ang kanilang kalalabasan. Sa puntong ito, nagtatapos na ang kanilang buhay ng pananampalataya sa Diyos; nagtatapos na ang landas ng kanilang pananampalataya sa Diyos. Ang kanilang kalalabasan ay nakatakda na—ito na ang kanilang kalalabasan. Ano ang mararamdaman ng puso ng isang tao kapag ganito ang kanyang kalalabasan? Bahagyang kikirot ang kanyang puso, siya ay labis na mababagabag at malulungkot, makararamdam na pinabayaan na siya ng Diyos, na para bang siya ay nasa isang karagatang walang hangganan, wala nang makakapitan pa, ganap na kaawa-awa at wala nang magagawa pa. Kapag hindi ka pa bumababa sa antas na iyon, hindi mo mararamdaman ang gayong uri ng kirot, pero sa sandaling umabot ka na sa puntong iyon, hindi ka na makakabalik. Sa sitwasyong ito kung saan hindi na magliligtas ng mga tao ang Diyos, sa ganitong paraan kalaunang tinatahak ng mga tao ang landas patungo sa ganitong uri ng kapalaran, at patungo sa ganitong uri ng kalalabasan. Ngunit isa bang kawalan sa Diyos ang magkaroon ang mga tao ng ganitong uri ng kapalaran, ng ganitong uri ng kalalabasan? Isa bang kawalan sa Diyos kung ang mga taong nilikha Niya ay ginawang tiwali ni Satanas, kung hindi man lang nila tinatanggap ang pagliligtas Niya, at tinatahak nila ang landas ng pagkalipol? Hinding-hindi. Titigil ba ang Diyos sa pagiging Diyos dahil nalipol ang isa sa Kanyang mga nilikha? Mawawalan ba Siya ng pagkakakilanlan at katayuan bilang Diyos, ng Kanyang diwa bilang Diyos? Babaguhin ba nito ang katotohanang Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? (Hindi.) Hindi nito ito babaguhin. Ano ang ibig sabihin nito? Tanggapin man o hindi ng mga tao ang gawain ng Diyos, matamo man nila o hindi ang kaligtasan, hindi ito kawalan sa Diyos. Isa itong aspekto ng mga bagay-bagay. Kahit pa hindi manampalataya sa Diyos ang mga tao at hindi gumawa ang Diyos para iligtas ang mga tao, walang mawawalang anuman sa Diyos. Si Satanas ay si Satanas pa rin; ang Diyos ay ang Diyos pa rin. Ang Siyang may kapangyarihan sa lahat ng bagay ay ang Diyos pa rin, ang Diyos pa rin ang Siyang lumikha sa lahat ng bagay, at Siya pa rin ang Siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang kapalaran ng sangkatauhan, ang kapalaran ni Satanas at ang kapalaran ng lahat ng bagay ay hawak ng mga kamay ng Diyos. Walang mababago sa katayuan ng Diyos, sa pagiging natatangi ng Diyos, sa disposisyon ng Diyos at sa diwa ng Diyos. Hindi rin marurumihan ang kabanalan ng Diyos, at walang magiging kawalan sa Kanyang gawain. Ang Diyos ay ang Diyos pa rin. Tinutulutan nito ang mga tao na maunawaan ang isang katunayan: Maging gaano man karami ang sangkatauhan, ito ay isang numero lang sa mga mata ng Diyos. Hindi ito katumbas ng anumang uri ng puwersa at hindi ito banta sa Diyos. Anumang landas ang sinusunod ng sangkatauhan, sila ay hawak ng mga kamay ng Diyos. Anumang kalalabasan ang hinaharap ng sangkatauhan, nananampalataya man sila sa Diyos o kinikilala ang Kanyang pag-iral o kataas-taasang kapangyarihan, wala ritong makaaapekto sa likas na pagkakakilanlan o katayuan ng Diyos, at wala ritong makaaapekto sa diwa ng Diyos. Ito ay isang katunayang hindi mababago ninuman. Pero may isang bagay na marahil ay hindi pa malinaw na nauunawaan o nararanasan ng mga tao. Kung may sinuman sa sangkatauhan na abandonahin ng Diyos, at hindi Niya ito iligtas, ang panghuling kalalabasan nito ay pagkalipol, at iyon ay hindi na mababago. Sa buong sansinukob at sa lahat ng bagay, gaano man kalaki ang mga iyon, gaano man karami ang mga bagay sa kalangitan, gaano man karami ang mga buhay, hindi nila mababago ang katunayan ng pag-iral ng Diyos, at Siya lamang ang may hawak ng kapalaran ng sansinukob at lahat ng bagay. Mula sa isang nabubuhay na organismo hanggang sa isang planeta, walang makaaapekto sa pag-iral ng Diyos, o makaaapekto sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, lalong walang anumang makakokontrol sa anumang ideya na mayroon ang Diyos. Ito ay isang katunayan. Naniniwala ang ilang tao na: “Hindi ako nananampalataya sa Iyo, kaya hindi Ka Diyos.” “Hindi marami ang mga taong nananampalataya sa Iyo, kaya hindi Ka Diyos.” Mapaninindigan bang sabihin ito? (Hindi.) Sinasabi ng iba na: “Kami lang ang nananampalataya sa Iyo, kaya ang Iyong kapangyarihan na magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at sa buong sangkatauhan ay ganito lang kalaki, hanggang dito lang.” Ganito nga ba ang lagay? (Hindi.) Ang mga taong may ganitong mga pananaw ay sobrang ignorante, sobrang hangal!

Kababahagi Ko lang tungkol sa kung paano kung hindi iniligtas ng Diyos ang mga tao, ang sangkatauhan ay mauuwi sa pagkalipol, pero hindi man lang maaapektuhan ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, lalo na ang Kanyang diwa. Malinaw ninyong nakikita ang katunayang ito, hindi ba? (Oo.) Tinatanggap man o hindi ng sangkatauhan ang katotohanan o nagagawa man nila o hindi na matamo ang kaligtasan, ang Diyos ay Diyos pa rin—ang Kanyang katayuan, pagkakakilanlan, at diwa ay hindi magbabago. Pero may malaking pagbabagu-bago pagdating sa kapalaran ng sangkatauhan. Sino ang kumokontrol ng pagbabagu-bagong iyon? Ang mga tao ba mismo? Ito ba ay isang bansa? Ito ba ay isang pinuno? Ito ba ay isang puwersa? Hindi. Ang Diyos ang Siyang namamahala sa iyong kapalaran at sa kapalaran ng sangkatauhan—ang lahat ay nasa mga kamay Niya. Kaya, dapat mong makita nang malinaw ang katunayang ito: Sa pagliligtas sa sangkatauhan, at pagliligtas sa iyo, nagpapakita sa iyo ang Diyos ng biyaya; ito ay isang dakilang pagliligtas, na siyang pinakadakila sa mga biyaya. Bakit Ko sinasabing ito ang pinakadakila sa mga biyaya? Dahil ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ay hindi isang batas na hindi mababago, hindi ito isang kalakarang hindi maiiwasan, hindi rin ito isang pangangailangan. Pinipili ng Diyos na gawin ito nang malaya. Ayos lang ba kung hindi ka iniligtas ng Diyos? Hindi ka naman Niya kailangang iligtas, hindi ba? Sa simula, maaaring pauna ka nang itinadhana ng Diyos, pero kung ayaw ka Niyang piliin ngayon, at hindi ka Niya inililigtas, hindi mo makakamit ang biyayang ito. Kaya, ano ang dapat mong gawin? Dapat kang gumanap nang mabuti, at dapat mong subukan ang lahat ng posibleng paraan para magamit ang iyong mga kilos, ang iyong puso, at ang iyong tunay na pananalig para maantig mo ang Diyos at makamit ang Kanyang biyaya. Tiyak namang puwede itong magawa. Noong ipinalalaganap ng Panginoong Jesus ang ebanghelyo noong araw, may isang babaeng taga-Canaan—ano ang ginawa nito? (Sinapian ng isang demonyo ang anak niyang babae, kaya humingi siya ng tulong sa Panginoong Jesus. Sabi ng Panginoon na: “Hindi marapat na kunin ang tinapay sa mga anak, at itapon sa mga aso.” Ang sabi ng babae: “Ang mga aso man ay nagsisikain ng mga mumo na nangalalaglag mula sa mesa ng kanilang mga panginoon.” Sinabi ng Panginoong Jesus na malaki ang pananalig ng babae, at tinupad Niya ang mga kahilingan nito.) Anong tungkol sa babae ang sinang-ayunan ng Panginoong Jesus? (Ang kanyang pananalig.) Ano ba talaga ang kanyang pananalig? Paano natin dapat maunawaan ang kanyang pananalig? (Kinilala niya na ang Panginoong Jesus ay ang Diyos.) Sinabi ng Panginoong Jesus na ang babaeng ito ay isang aso, kaya bakit hindi sumama ang loob nito? Hindi ninyo naipaliwanag nang malinaw ang bagay na ito. Ito ang mga katunayan: Bakit sinang-ayunan ng Panginoong Jesus ang pananalig ng taong ito? Hindi Niya sinang-ayunan ang katunayan na payag ang babae na maging isang aso, at hindi rin Niya sinang-ayunan ang pagpayag ng babae na kumain ng mga mumo—hindi mahalaga ang lahat ng ito. Kung gayon, ano ang sinang-ayunan ng Panginoong Jesus? Iyon ay na wala itong pakialam kung tratuhin man siya ng Panginoong Jesus bilang isang aso, isang tao, isang diyablo, o isang Satanas—hindi mahalaga kung paano ito tratuhin ng Panginoong Jesus. Ang pinakamahalagang bagay ay na tinrato niya ang Panginoong Jesus bilang ang Diyos, matibay na nananampalataya na Siya ang Panginoon at ang Diyos, at na ito ay isang katotohanan at katunayan na hindi kailanman mababago. Ang Panginoong Jesus ang Diyos at ang Panginoon, at Siya ang Siyang kinikilala nito sa puso nito. Sapat na iyon. Iligtas man ito ng Panginoong Jesus o hindi, tratuhin Niya man ito bilang isang tao na kumain kasama Niya, bilang isang disipulo, bilang isang tagasunod, o tratuhin man Niya ito bilang isang aso, hindi ito naging mahalaga rito. Sa madaling salita, ang katunayan na kinilala niya ang Panginoong Jesus bilang ang Panginoon sa puso niya ay sapat na—iyon ang pinakamalaki niyang pananalig. Mayroon ba kayo ng ganitong uri ng pananalig? Kung isang araw ay sabihin Ko na kayong lahat ay mga bantay na aso sa sambahayan ng Diyos, papayag ka bang tanggapin ito? Kung sasabihin Ko na ikaw ang munting giliw ng sambahayan ng Diyos, ng mga tao ng Diyos, at ng mga anghel, magiging lubos itong kasiya-siya sa iyo, pero kung sasabihin Ko na isa kang aso, hindi ka matutuwa. Bakit hindi ka matutuwa? Dahil ang tingin mo sa iyong sarili ay napakaimportante. Iniisip mong: “Kinikilala ko na Ikaw ang Diyos, kaya paano Mo ako nagawang tawaging isang aso? Kinikilala ko na Ikaw ang Diyos, kaya anuman ang gawin Mo, dapat Kang maging patas at makatwiran. Magkapantay tayong dalawa, magkaibigan tayo! Nananampalataya ako sa Iyo, na nagpapakita na ako ay may malaking katapangan, pagmamahal, at pananalig sa parte ko. Paano Mo nasasabing isa akong aso? Hindi Mo mahal ang tao! Magkaibigan tayo, dapat tayong maging pantay ng katayuan. Nirerespeto Kita, kinatatakutan Kita, at hinahangaan Kita—dapat Mo akong irespeto, at tratuhin bilang isang tao. Isa akong tao!” Ano ang tingin ninyo sa ganitong saloobin? (Wala itong katwiran.) Kapag gusto ng mga tao na maging kapantay ang Diyos at tratuhin ang Diyos bilang kanilang kaibigan, hindi ba’t nagdudulot ito ng problema? Sinasabi mong: “Mukha Kang pangkaraniwan—sa totoo lang, mas maganda ang itsura ko kaysa sa Iyo, at mas matangkad ako sa Iyo. Umuubo Ka rin kapag dinadapuan Ka ng sipon, at napapagod Ka rin kapag marami Kang sinasabi—mas malusog ako kaysa sa Iyo. Taglay Mo lang ang katotohanan, at sa ganoong aspekto ay mas malakas Ka kaysa sa akin. Kung maraming taon akong mananampalataya sa Diyos at makauunawa ako ng mas maraming katotohanan, hindi ako magiging labis na mas mababa kaysa sa Iyo. At bukod pa roon, mayroon akong kasanayan na wala Ka! Sa ganoong paghahambing, hindi Ka labis na mas dakila kaysa sa akin.” Ano ang tingin mo sa pananaw na ito? (Mali ito.) Ano ang tingin mo sa ganitong paraan ng paghahambing? Hindi maihahambing ang mga tao sa Diyos. Anong uri ng pagkakamali ang nagagawa sa ganitong paraan ng paghahambing? (Ang taong iyon ay wala sa tama niyang posisyon, at hindi niya itinuturing ang Diyos bilang Diyos. Itinuturing niya ang Diyos bilang isang karaniwang tao. Ang nakikita niya lang ay ang pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao, pero hindi niya nakikita ang pagka-Diyos ng Diyos.) Sa simpleng pananalita, wala siyang konsensiya o katwiran—wala siyang pagkatao. Bukod doon, hindi pa nakikita ng mga tao ang espirituwal na katawan ng Diyos, kaya itinuturing nila ang Kanyang pagkakatawang-tao bilang isang tao, at iniisip nila na ang karaniwang tao na ito ay hindi dakila o kahanga-hanga, at na madali Siyang apihin at lokohin. Ganoon lang iyon. Ang mga tao ay mga tiwaling bagay lang. Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, ito ang mangyayari sa paglipas ng panahon; hindi ka magkakaroon ng pusong nasisindak sa Diyos o ng may-takot-sa-Diyos na puso. Ang punto ng paghahangad ng mga tao sa katotohanan ay ang makapagpasakop sila sa Diyos. Paano man Siya kumikilos, sa anumang anyo Siya nagpapakita, o sa anumang paraan Siya nakikipag-usap sa iyo, hindi magbabago ang lugar ng Diyos sa iyong puso, o ang takot mo sa Kanya, o ang relasyon mo sa Kanya, o ang tunay mong pananalig sa Kanya. Hindi magbabago ang diwa at katayuan ng Diyos sa iyong puso. Ang relasyon sa pagitan mo at ng Diyos ay pamamahalaan mo nang napakaayos, naaangkop, makatwiran, may mga pamantayan, at may limitasyon. Pero kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, magiging napakahirap makamit nito para sa iyo—hindi ito magiging madaling gawin para sa iyo. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, hindi nila makikita kailanman ang diwa ng Diyos, o ang pagka-Diyos ng Diyos. Hindi nila malalaman kung anong mga bagay ang bumubuo sa Kanyang disposisyon o sa Kanyang tunay na mga pagbuhos. Hindi makikita ng mga tao ang mga bagay na ito. Kahit pa sabihin sa iyo ang mga ito, hindi mo makikita ang mga ito, at hindi mo rin makikilala ang mga ito.

Katatapos lang natin pag-usapan ang magiging kalalabasan ng mga tao kung hindi sila iniligtas ng Diyos. Anong kalalabasan iyon? (Pagkawasak.) Paano naman ang Diyos? (Hindi ito magkakaroon ng anumang epekto sa Diyos.) Ito ay pagsasalita mula sa perspektiba ng hindi pagliligtas ng Diyos sa mga tao; hindi maaapektuhan ang Diyos kahit kaunti, pero ang kapalaran at kalalabasan ng mga tao ay magiging miserable—ibang-iba sa mga kinalabasan ng mga taong gaya nina Job at Abraham. Kung hindi inililigtas ng Diyos ang isang tao, nabibilang ito sa puwersa ng Kanyang mga kalaban at sa hanay ng Kanyang mga kaaway. Malinaw na kakila-kilabot ang kalalabasan na ito. Pag-usapan natin ngayon kung ano ang makakamit ng isang tao mula sa kagustuhan ng Diyos na iligtas ito, at gawaan ito. Bakit ba nananampalataya ang mga tao sa Diyos? Ano ba ang hinahangad ng mga taong nananampalataya sa Diyos? Hinahangad ba nila ang kasiyahan ng Diyos? Hinahangad ba nila na magawa ang tungkulin ng isang nilikha? Hinahangad ba nila na maipahiya si Satanas at na makapagpatotoo tungkol sa Diyos? Talagang matayog pakinggan ang lahat ng dahilang ito, at medyo malabong mangyari. Kung hihingin Ko sa iyo ngayon na magsalita tungkol sa mga intensiyon mo noong una kang manampalataya sa Diyos, makokonsensiya ka at mamumula habang sinasabi ang mga salitang ito; mahihirapan kang magsalita, dahil hindi katunayan ang mga iyon. Kung gayon, ano ba talaga ang mga katunayan? (Nananampalataya sa Diyos ang mga tao dahil naghahangad sila ng mga pagpapala.) (Naghahangad sila ng isang magandang destinasyon, o isang pinagmumulan ng espirituwal na panustos.) Bilang pagbubuod, ang mga ganitong hangarin ay medyo masagwa, at hindi gaanong maganda. Pero, kung hindi nila unang hinangad ang layong ito, mananampalataya ba sa Diyos ang mga tao? Tiyak na hindi nila binalak na manampalataya sa Diyos, at hindi rin nila ito ginusto; kung wala silang nakuhang anumang pakinabang mula rito, sino ang mananampalataya sa Diyos? Pagdating sa pananampalataya sa Diyos, iniisip ng mga tao na kung hindi sila makikinabang nang kaunti mula roon, dapat makatanggap man lang sila ng isang pangako. Anong pangako? Sabi ng ilang tao na: “Ang pangako ng Diyos ay makatatanggap kami ng isandaang ulit sa buhay na ito, at ng buhay na walang hanggan sa susunod na mundo—nangangahulugan ito na mabubuhay kami magpakailanman, hindi kailanman mamamatay. Isa itong uri ng matinding kaligayahan at pagpapala na wala pang sinuman sa mga nagdaang kapanahunan ang nagtamasa o nakatanggap noon. Bukod pa rito, kung nananampalataya sa Diyos ang mga tao, bibigyan Niya sila ng ilang biyaya, pagpapala, at proteksyon sa buhay na ito.” Sa madaling salita, kapag nagsisimula pa lang ang isang tao na manampalataya sa Diyos, ang puso nito ay marumi at hindi dalisay. Hindi ito nananampalataya sa Diyos para gawin ang tungkulin ng isang nilikha, para mabuhay gaya ng isang tao, para sa huli ay maisabuhay ang imahe ng isang taong minamahal ng Diyos, para mabuhay sa isang paraan na lumuluwalhati at nagpapatotoo sa Kanya, at huwag magbigay-kahihiyan sa Kanya, at para magpatotoo pa rin sa Kanya kahit pagkatapos nitong mamatay—sa halip, buong puso at kaluluwa nitong gustong mapagpala, at mas magtamasa pa ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos sa buhay na ito. Iniisip nito na kung mararating nito ang susunod na buhay, gusto nitong magkamit ng mas malalaki pang pagpapala roon. Kapag nagsisimula pa lang manampalataya sa Diyos ang mga tao, ito ang mga kahilingan, intensyon, at layunin na dala-dala nila; nananampalataya sila sa Diyos para makamit ang mga pagpapala ng kaharian ng langit at ang pangako ng Diyos. Para sa tiwaling sangkatauhan, lehitimo ito, at hindi sisisihin ng Diyos ang mga tao dahil dito. Kapag nagsisimula pa lang manampalataya sa Diyos ang mga tao, mangmang silang lahat, at wala silang nauunawaan. Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagdanas ng Kanyang kaliwanagan, unti-unti nilang nauunawaan ang mga katotohanan tungkol sa pananampalataya sa Diyos at ang kabuluhan ng pananampalataya sa Diyos, pati na ang mga hinihingi ng Diyos sa tao. Sa panahon ng prosesong ito, tinatamasa ng mga tao ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos; pinagagaling ang mga karamdaman ng ilang tao, labis na malusog ang kanilang mga katawan, mapayapa ang kanilang mga pamilya, at masaya ang kanilang mga buhay may-asawa—sa iba’t ibang paraan, tinatamasa nila ang iba’t ibang antas ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos. Siyempre, hindi mahalaga ang lahat ng ito. Mula sa perspektiba ng Diyos, hindi ang mga ito ang pinakamalaki Niyang pagsisikap. Ano ang pinakamalaki Niyang pagsisikap? (Ang mga inaasahan Niya sa mga tao, at ang Kanyang masususing pagsisikap.) “Ang masususi Niyang pagsisikap” ay may ilang kongkretong nilalaman, samantalang ang “mga inaasahan” ay medyo walang laman. Ano ang pinakapraktikal na pakinabang, ang pinakamahalagang bagay na natanggap ninyo mula sa Diyos? (Ang pagtutustos ng katotohanan.) (Ang pagkaunawa sa ilan sa katotohanan, at ang pagkaunawa sa ilang bagay.) Ito ay tiyak na hindi iyong tinatawag na mga biyaya at mga pagpapala. Hindi ba’t ang pinakamahahalagang bagay na tinatanggap ng mga tao mula sa Diyos ay ang Kanyang buhay, mga salita, at mga katotohanan, pati na ang landas na dapat tahakin ng mga tao bilang mga nilikha na tinutulot ng Diyos na maunawaan nila? Bilang pagbubuod, nakamit ng mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay mula sa Diyos—hindi ba’t ang mga ito ang pinakamahahalagang bagay sa lahat? (Iyon nga.) Nakamit na ba ninyo ang mga iyon? (Hindi pa namin tunay na nakakamit ang mga iyon.) Maaaring tila hindi ito kasingpraktikal na kapaki-pakinabang o tunay gaya ng kung may nagbigay sa iyo ng isandaang dolyar noong mahirap ka, o may nagbigay sa iyo ng dalawang tinapay noong nagugutom ka, pero ang katotohanan, ang daan, at ang buhay na nagmumula sa Diyos ay tunay na ipinagkakaloob sa bawat taong taos-pusong nananampalataya sa Kanya. Hindi ba’t isa iyong katunayan? (Oo.) Isa iyong katunayan. Gaano man karaming salita ng Diyos ang napakinggan mo, gaano man karaming katotohanan ang nagagawa mong tanggapin at ang naunawaan mo, gaano man karaming realidad ang naisabuhay mo, o gaano man karaming resulta ang nakamit mo, may isang katunayan na dapat mong maunawaan: Ang katotohanan, ang daan at ang buhay ng Diyos ay ipinagkakaloob sa bawat tao nang libre, at patas ito sa lahat. Hindi kailanman magiging paborito ng Diyos ang isang tao kaysa sa iba dahil sa kung gaano katagal na itong nananampalataya sa Diyos o kung gaano na ito nagdusa, at hinding-hindi Niya papaboran o pagpapalain ang isang tao dahil matagal na itong nananampalataya sa Diyos o dahil marami na itong pinagdusahan. Hindi Niya rin tatratuhin nang naiiba ang sinuman dahil sa edad nito, hitsura nito, kasarian nito, pinanggalingan nitong pamilya, at iba pa. Pare-pareho ang mga bagay na natatanggap ng bawat tao mula sa Diyos. Hindi Niya tinutulutan na makatanggap ang sinuman nang mas kaunti, o na makatanggap ang sinuman nang mas marami. Patas at makatwiran ang Diyos sa bawat tao. Binibigyan Niya ang mga tao ng mismong kinakailangan nila, kung kailan nila ito kailangan, hindi Niya sila hinahayaan na magutom, malamigan o mauhaw, at tinutugunan Niya ang lahat ng pangangailangan ng puso ng tao. Kapag ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito, ano naman ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? Ibinibigay ng Diyos ang mga bagay na ito sa mga tao, kaya mayroon bang anumang makasariling motibo ang Diyos? (Wala.) Walang kahit anong makasariling motibo ang Diyos. Ang mga salita ng Diyos at ang gawain ng Diyos ay pawang para sa kapakanan ng sangkatauhan, at naglalayong lutasin ang lahat ng paghihirap at suliranin ng mga tao, nang sa gayon ay matamo nila ang tunay na buhay mula sa Diyos. Totoo ito. Pero kaya ba ninyo itong patunayan gamit ang mga katunayan? Kung hindi ninyo ito kayang patunayan gamit ang mga katunayan, maling-mali kayo sa pagsasabi nito at ang pahayag na ito ay isang bukambibig lang. Masasabi Ko ba ito nang ganoon? Halimbawa, hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat, na magsalita nang matapat at gumawa ng matatapat na bagay, at na hindi maging mapanlinlang. Ang kabuluhan ng pagsasabi nito ng Diyos ay upang tulutan ang mga tao na magkaroon ng tunay na wangis ng tao, at na hindi sila maging gaya ni Satanas, na nagsasalita na parang ahas na gumagapang sa lupa, laging nagsasalita nang malabo, at pinipigilan ang ibang tao na maunawaan ang katotohanan ng mga bagay-bagay. Ibig sabihin, sinasabi iyon para ang mga tao, kapwa sa salita at sa gawa, ay magsasabuhay ng wangis ng isang tao, at magiging marangal, matuwid, at disente, nang hindi nagtatago ng masamang panig o anumang kahiya-hiyang mga bagay, at nang nagtataglay ng malinis na puso. Sinasabi iyon para maging pareho ang mga tao sa kanilang loob at labas, sinasabi ang anumang iniisip nila sa kanilang puso, hindi dinaraya ang Diyos o ang sinumang ibang tao, walang tinatago, may pusong gaya ng isang dalisay na lupain. Ito ang hinihingi ng Diyos, at ito ang layon ng Diyos sa paghingi sa mga tao na maging matapat. Sa paghingi sa mga tao na maging matapat, ano ang gusto ng Diyos na makamit nila? Anong uri ng wangis ang gusto Niyang isabuhay nila? Sino ang pinakamakikinabang dito? (Ang tao.) May ilang taong hindi kailanman maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at lagi nilang pinagdududahan ang Diyos, sinasabing: “Gusto ng diyos na maging matapat tayo, at na kausapin natin siya nang diretsahan at lantaran, para malaman niya ang totoo nating sitwasyon, at pagkatapos ay makontrol at mamanipula niya tayo, magawa tayong lubusang magpasakop sa kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos.” Tama ba ang kaisipang ito? Napakadilim at walang kahihiyan ng kaisipang ito, at mga diyablo lang ang magwawari-wari tungkol sa Diyos at ang magdududa sa Kanya nang ganito. Ano ang kabuluhan ng paghingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat, na maging mga tao na walang anumang makasariling mga motibo, intensyon, katigasan ng ulo, o adulterasyon, at walang masamang panig? Ito ay para tulutan ang mga tao na malinis ang kanilang mga tiwaling disposisyon, na unti-unting magkamit ng kabanalan, na mabuhay sa liwanag, na mamuhay nang mas malaya at hindi kontrolado, na mapuno ng kasiyahan, at mag-umapaw sa kagalakan at kapayapaan—gayon ang mga taong pinakapinagpala sa lahat. Ang layunin ng Diyos ay gawing perpekto ang mga tao, ang tulutan silang matamasa ang mga pinakadakilang pagpapala sa lahat. Kung ikaw ay magiging ganitong uri ng tao, anong mga pakinabang ang makakamit ng Diyos mula sa iyo? Mayroon bang anumang mga natatagong motibo ang Diyos? Nakikinabang man lang ba Siya rito? (Hindi.) Kung gayon, kung matapat ang isang tao, sino ang pinakanakikinabang dito? (Ang taong iyon mismo.) Anong mga pakinabang at bentahe ang matatanggap ng isang tao mula rito? (Ang puso niya ay magiging malaya at hindi kontrolado, at ang buhay niya ay mas dadali nang dadali; lalo siyang pagkakatiwalaan ng iba habang nakikipag-ugnayan sila sa kanila, at magkakaroon siya ng normal na relasyon sa ibang tao.) Ano pa? (Kapag umaasal ang mga tao nang alinsunod sa mga salita at hinihingi ng Diyos, hindi na sila masasaktan, sa halip, mamumuhay sila nang maginhawa, payapa, at masasayang buhay.) Totoong-totoo ang pakiramdam na ito. Kaya, ano ang layon ng pagliligtas ng Diyos sa tao? (Ang baguhin at linisin ang mga tao, para sa huli ay makamit Niya sila.) Ano ang bunga ng makamit ng Diyos? Ito ay ang magkamit ng kamangha-manghang destinasyon na ipinangako ng Diyos. Kung gayon, sino ang pinakamakikinabang dito? (Ang tao.) Ang tao ang pinakamakikinabang!