Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI

Ang Kabanalan ng Diyos (III) Ikalawang Bahagi

Tuwing ginagawang tiwali ni Satanas ang tao o nagbibigay ng di-mapigilang pamiminsala, ang Diyos ay hindi nagsasawalang-kibo, ni hindi rin Siya nagwawalang-bahala o nagbubulag-bulagan doon sa Kanyang mga hinirang. Ang lahat ng ginagawa ni Satanas ay nauunawaan ng Diyos na may ganap na kalinawan. Anuman ang gawin ni Satanas, anumang kalakaran ang pinalilitaw nito, nalalaman ng Diyos ang lahat ng sinusubukang gawin ni Satanas, at hindi isinusuko ng Diyos ang Kanyang mga hinirang. Sa halip, ginagawa ng Diyos nang hindi man lang nakatatawag-pansin—palihim, tahimik—ang lahat ng kinakailangan. Kapag sinimulan Niyang gumawa sa isang tao, kapag napili Niya ang isang tao, hindi Niya ito ipinahahayag kaninuman, ni ipinahahayag Niya ito kay Satanas, lalong hindi gagawa ng anumang maringal na pagpapahayag. Ginagawa lamang Niya nang napakatahimik, nang napakasimple, kung ano ang kinakailangan. Una, pumipili Siya ng pamilya para sa iyo; ang background ng iyong pamilya, ang iyong mga magulang, ang iyong mga ninuno—ang lahat ng ito ay paunang pinagpapasyahan ng Diyos. Sa madaling salita, ang mga pagpapasyang ito na ginawa Niya ay hindi padalus-dalos, sa halip ito ay isang gawain na matagal na panahon nang sinimulan. Kapag nakapili na ang Diyos ng isang pamilya para sa iyo, pinipili rin Niya ang petsa kung kailan ka isisilang. Pagkatapos, pinanonood ng Diyos habang ikaw ay ipinanganganak na umiiyak sa mundo. Pinapanood Niya ang iyong pagsilang, nanonood habang binibigkas mo ang iyong unang mga salita, nanonood habang nadadapa-dapa ka sa iyong unang mga hakbang noong pinag-aaralan mo kung paano lumakad. Una, humahakbang ka ng isa at pagkatapos ng isa pa … ngayon ay makatatakbo ka na, makatatalon, makakapagsalita, at makakapagpahayag ng iyong mga damdamin. Habang lumalaki ang mga tao, ang mga titig ni Satanas ay nakatuon sa bawat isa sa kanila, kagaya ng isang tigreng pinagmamasdan ang bibiktimahin nito. Subali’t sa paggawa ng Kanyang gawain, ang Diyos ay hindi kailanman dumanas ng anumang mga limitasyon mula sa mga tao, mga pangyayari o mga bagay, ng espasyo o panahon; ginagawa Niya kung ano ang kailangan Niyang gawin at kung ano ang dapat Niyang gawin. Sa proseso ng paglaki, maaaring masagupa mo ang maraming bagay na hindi mo nagugustuhan, gaya ng karamdaman at kabiguan. Subali’t habang lumalakad ka sa daang ito, ang iyong buhay at ang iyong kinabukasan ay nasa ilalim ng mahigpit na pangangalaga ng Diyos. Binibigyan ka ng Diyos ng isang tunay na garantiya na magtatagal sa buong buhay mo, sapagkat Siya ay nasa tabi mo, binabantayan ka at inaalagaan ka. Lumalaki ka na hindi mo namamalayan ito. Nagsisimula kang makipag-ugnayan sa bagong mga bagay at nagsisimulang kilalanin ang mundong ito at ang sangkatauhang ito. Ang lahat ay sariwa at bago sa iyo. Mayroon ka ng mga bagay na gustung-gusto mong ginagawa. Namumuhay ka sa loob ng iyong sariling pagkatao, namumuhay sa loob ng iyong sariling espasyo at wala ka ni katiting na pagkaintindi tungkol sa pag-iral ng Diyos. Subali’t pinanonood ka ng Diyos sa bawat pagkakataon habang lumalaki ka, at pinanonood ka Niya sa bawat hakbang mong pasulong. Kahit kapag ikaw ay natututo ng kaalaman, o nag-aaral ng siyensiya, kahit isang hakbang hindi kailanman umalis ang Diyos sa iyong tabi. Kapareho mo lang ang ibang tao na, sa kalagitnaan ng pagkilala at pakikipag-ugnayan sa mundo, naitatag mo ang sarili mong mga mithiin, taglay mo ang sarili mong mga libangan, sarili mong mga interes, at nagkikimkim ka rin ng matatayog na ambisyon. Madalas mong pagnilayan ang sarili mong kinabukasan, madalas na iginuguhit ang balangkas kung paano dapat ang hitsura ng iyong kinabukasan. Subali’t anuman ang mangyari sa paglalakbay, malinaw na nakikita ng Diyos ang lahat. Marahil ikaw mismo ay nakalimot na sa iyong sariling nakaraan, subali’t sa Diyos, walang sinuman ang makauunawa sa iyo nang mas mainam kaysa sa Kanya. Nabubuhay ka sa ilalim ng pagbabantay ng Diyos, lumalaki, nagkakagulang. Sa panahong ito, ang pinakamahalagang gawain ng Diyos ay isang bagay na walang sinuman ang nakaiintindi kailanman, isang bagay na walang sinumang nakaaalam. Tiyak na hindi sinasabi ng Diyos kaninuman ang tungkol dito. Kaya’t ano nga ba itong pinakamahalagang bagay? Masasabi na ito ay isang garantiya na ililigtas ng Diyos ang isang tao. Ito’y nangangahulugan na kung nais ng Diyos na iligtas ang taong ito, kailangan Niyang gawin ito. Ang gawaing ito ay lubhang napakahalaga kapwa sa tao at sa Diyos. Alam ba ninyo kung ano ito? Tila ba wala kayong anumang pakiramdam tungkol dito, o anumang konsepto nito, kaya sasabihin Ko sa inyo. Mula sa panahon nang ikaw ay ipinanganak hanggang sa kasalukuyan, isinagawa na ng Diyos ang napakalaking gawain para sa iyo, subali’t hindi ka Niya binibigyan ng detalyadong ulat ng lahat ng bagay na ginawa Niya. Hindi ipinahintulot ng Diyos na malaman mo ito, at hindi rin Niya sinabi sa iyo. Gayunpaman, sa tao, ang lahat ng Kanyang ginagawa ay mahalaga. Sa Diyos, ito ay bagay na dapat Niyang gawin. Sa Kanyang puso, mayroong isang mahalagang bagay na kinakailangan Niyang gawin na lubhang nakahihigit sa anumang mga bagay na ito. Iyon ay, mula sa panahong ipinanganak ang tao hanggang sa kasalukuyan, dapat magarantiyahan ng Diyos ang kaligtasan nila. Pagkarinig sa mga salitang ito, nadarama ninyo marahil na parang hindi ninyo ganap na nauunawaan. Maaari ninyong itanong “Ang kaligtasan bang ito ay napakahalaga?” Ano ba ang literal na kahulugan ng “kaligtasan”? Marahil nauunawaan ninyo ito bilang kapayapaan o marahil nauunawaan ninyo ito bilang hindi pagdanas kailanman ng anumang sakuna o kalamidad, ang mamuhay nang mabuti, ang mamuhay ng isang normal na buhay. Subali’t dapat ninyong malaman sa inyong mga puso na hindi ganoon kasimple iyon. Kaya’t ano nga ba talaga ang bagay na ito na tinutukoy Ko, na dapat gawin ng Diyos? Ano ba ang kahulugan para sa Diyos ng kaligtasan? Ito ba talaga ay garantiya ng normal na kahulugan ng “kaligtasan”? Hindi. Kaya ano nga ba itong ginagawa ng Diyos? Ang “kaligtasang” ito ay nangangahulugan na hindi ka nilamon ni Satanas. Ito ba ay mahalaga? Hindi ka nilamon ni Satanas, ito ba ay may kinalaman sa iyong kaligtasan, o wala? Oo, ito ay may kinalaman sa iyong personal na kaligtasan, at walang anumang bagay ang higit na mas mahalaga. Sa sandaling lamunin ka ni Satanas, ang iyong kaluluwa ni ang iyong laman ay hindi na nabibilang sa Diyos. Hindi ka na ililigtas ng Diyos. Tinatalikuran ng Diyos ang mga kaluluwang ganoon at tinatalikuran ang mga taong tulad ng ganoon. Kaya sinasabi Ko na ang pinakamahalagang bagay na ginagawa ng Diyos ay ang garantiyahan ang iyong kaligtasan, ang garantiyahan na hindi ka lalamunin ni Satanas. Ito ay napakahalaga, hindi ba? Kung gayon, bakit hindi kayo makasagot? Tila hindi ninyo mararamdaman ang dakilang kabutihan ng Diyos!

Mas marami pang ginagawa ang Diyos maliban sa paggarantiya sa kaligtasan ng mga tao, paggarantiya na hindi sila lalamunin ni Satanas. Marami rin Siyang ginagawa sa paghahanda bago piliin at iligtas ang isang tao. Una, gumagawa ang Diyos ng maingat na paghahanda tungkol sa uri ng pagkatao na magkakaroon ka, sa anong uri ng pamilya ka ipapanganak, sinu-sino ang magiging mga magulang mo, kung ilang magkakapatid kayo, at ano ang sitwasyon, katayuang pangkabuhayan, at mga kondisyon ng pamilya kung saan ka ipinanganak. Alam ba ninyo kung sa anong uri ng pamilya ipinapanganak ang karamihan ng hinirang na bayan ng Diyos? Ang mga ito ba’y mga kilalang pamilya? Hindi natin masasabi nang tiyakan na walang ipinapanganak sa mga kilalang pamilya. Maaaring may ilan, subali’t sila ay napakakaunti. Sila ba’y ipinapanganak sa mga pamilya na may pambihirang kayamanan, mga pamilya ng mga bilyonaryo o mga multi-milyonaryo? Hindi, sila ay halos hindi kailanman ipinapanganak sa ganitong uri ng pamilya. Kung gayon, anong uri ng pamilya ang inihahanda ng Diyos para sa karamihan ng mga taong ito? (Mga pangkaraniwang pamilya.) Kaya aling mga pamilya ang maituturing na “mga pangkaraniwang pamilya”? Kasama sa mga ito ang mga pamilya ng manggagawa—iyon ay, iyong umaasa sa sahod para mabuhay, makakayanang bilhin ang mga pangunahing pangangailangan, at hindi labis na may kaya; kasama rin ang mga pamilyang nagsasaka. Ang mga magsasaka ay umaasa sa pagtatanim para sa kanilang pagkain, mayroon silang butil na makakain at mga kasuotan, at hindi nagugutom o nilalamig. Pagkatapos ay may ilang pamilya na nagpapatakbo ng maliliit na negosyo, at ilan na kung saan ang mga magulang ay matatalinong tao, at ang mga ito ay maituturing din bilang mga pangkaraniwang pamilya. Mayroon ding ilang magulang na mga manggagawa sa opisina o nakabababang opisyal ng pamahalaan, na hindi rin maaaring ituring na kaanib ng mga kilalang pamilya. Mas marami ang ipinanganak sa mga pangkaraniwang pamilya, at ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Na ang ibig sabihin, una sa lahat, ang kapaligirang ito na tinitirhan mo ay hindi ang pamilyang may malaking kayamanan na maaaring isipin ng mga tao, at ito ay pamilya na ipinasya para sa iyo ng Diyos, at ang karamihan ng mga tao ay mamumuhay sa loob ng mga hangganan ng ganitong uri ng pamilya. Paano naman kaya ang tungkol sa katayuan sa lipunan? Ang mga kondisyong pangkabuhayan ng karamihan sa mga magulang ay pangkaraniwan at wala silang mataas na katayuan sa lipunan—mabuti para sa kanila ang magkaroon na lang ng isang trabaho. Kasama ba sa kanila ang mga gobernador? O mga presidente ng bansa? (Wala.) Sa karamihan sila ay mga taong tulad ng mga tagapangasiwa o may-ari ng maliliit na negosyo. Ang kanilang katayuan sa lipunan ay katamtaman, at ang kanilang mga kondisyong pangkabuhayan ay pangkaraniwan. Ang isa pang salik ay ang tinitirhang kapaligiran ng pamilya. Una sa lahat, walang mga magulang sa mga pamilyang ito ang malinaw na iimpluwensyahan ang kanilang mga anak na lakaran ang landas ng panghuhula; kakaunti ang nakikisangkot sa mga gayong bagay. Karamihan sa mga magulang ay lubhang normal. Itinatatag ng Diyos ang ganitong uri ng kapaligiran para sa mga tao kasabay ng pagpili sa kanila, na lubhang kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain ng pagliligtas sa mga tao. Kung hindi susuriing mabuti, tila ang Diyos ay walang nagawang nakayayanig para sa tao; ginagawa lamang Niya ang lahat ng bagay nang palihim, nang mapagpakumbaba at nang tahimik. Subali’t sa katunayan, ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ginagawa upang maglatag ng isang saligan para sa iyong kaligtasan, upang ihanda ang daang tatahakin at lahat ng kinakailangang mga kondisyon para sa iyong kaligtasan. Kasunod nito, ibinabalik ng Diyos ang bawat tao sa harapan Niya, bawat isa sa isang tiyak na oras: Sa oras na iyon mo maririnig ang tinig ng Diyos; sa oras na iyon lalapit ka sa harapan Niya. Sa oras na mangyari ito, ang ilan ay naging magulang na rin mismo, samantalang ang iba ay anak pa rin ng iba. Sa madaling salita, may ilang tao ang nakapag-asawa at nagkaanak na samantalang ang iba ay nanatiling wala pa ring asawa, hindi pa nakapagsisimula ng kanilang sariling mga pamilya. Subali’t maging anuman ang mga sitwasyon ng mga tao, naitakda na ng Diyos ang mga panahon kung kailan ka mapipili at kung kailan makakaabot sa iyo ang Kanyang ebanghelyo at mga salita. Naitakda na ng Diyos ang mga kalagayan, napagpasyahan na ang isang partikular na tao o ang isang partikular na konteksto na sa pamamagitan noon ay maipapasa ang ebanghelyo sa iyo, upang marinig mo ang mga salita ng Diyos. Naihanda na ng Diyos para sa iyo ang lahat ng kinakailangang mga kondisyon. Sa ganitong paraan, bagama’t hindi namamalayan ng tao na ito’y nangyayari, makakarating sa harapan Niya ang tao at makakabalik sa pamilya ng Diyos. Sumusunod rin sa Diyos ang tao nang hindi nito namamalayan at pumapasok sa bawat hakbang ng pamamaraan ng gawain ng Diyos na Kanyang inihanda para sa tao. Anu-anong uri ng mga pamamaraan ang ginagamit ng Diyos kapag gumagawa Siya ng mga bagay para sa tao sa panahong ito? Una, ang pinakamaliit sa lahat ay ang pag-aaruga at pangangalaga na tinatamasa ng tao. Bukod dito, itinatakda ng Diyos ang iba’t ibang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay upang makita ng tao ang Kanyang pag-iral at ang Kanyang mga gawa sa pamamagitan nila. Halimbawa, may ilang tao na naniniwala sa Diyos sapagkat may isang tao sa kanilang pamilya na may sakit. Kapag ipinangaral ang ebanghelyo sa kanila ng iba, nagsisimula silang maniwala sa Diyos, at ang paniniwalang ito sa Diyos ay nangyari dahil sa sitwasyon. Kaya sino ang nagsaayos ng sitwasyong ito? (Ang Diyos.) Sa pamamagitan ng karamdamang ito, may ilang pamilya kung saan ang lahat ay mananampalataya, habang may mga pamilya kung saan iilan lamang ang nananampalataya. Sa panlabas, tila ang isang tao sa iyong pamilya ay may karamdaman, ngunit ang totoo ito’y isang kalagayan na ipinagkaloob sa iyo upang ikaw ay lumapit sa Diyos—ito ang kabutihan ng Diyos. Dahil ang buhay may-pamilya ng ilang tao ay mahirap at hindi sila makahanap ng kapayapaan, ang isang pagkakataon ay dumarating—may isang taong magbabahagi ng ebanghelyo at nagsasabing, “Sumampalataya sa Panginoong Jesus at magkakaroon ka ng kapayapaan.” Hindi namamalayan, sila ay naniniwala sa Diyos sa ilalim ng likas na mga pangyayari, kung kaya’t hindi ba ito isang uri ng kondisyon? At hindi ba ang kawalan ng kapayapaan ng kanilang pamilya ay isang biyaya na ibinigay sa kanila ng Diyos? May ilan ding naniniwala sa Diyos dahil sa ibang mga kadahilanan. Mayroong iba’t ibang dahilan at iba’t ibang paraan ng paniniwala, ngunit anuman ang dahilan na nagdala sa iyo sa paniniwala sa Kanya, lahat ng ito ay talagang isinaayos at ginabayan ng Diyos. Sa una, ginagamit ng Diyos ang iba’t ibang paraan upang piliin ka at dalhin ka sa Kanyang pamilya. Ito ang biyaya ng Diyos na ipinagkakaloob sa bawat isang tao.

Sa kasalukuyang yugto ng gawain ng Diyos sa mga huling araw na ito, hindi na Niya basta iginagawad ang biyaya at mga pagpapala sa tao tulad ng ginawa Niya dati, ni sinusuyo Niya ang tao na sumulong. Sa yugtong ito ng gawain, ano ang nakita ng tao mula sa lahat ng aspeto ng gawain ng Diyos na kanyang naranasan? Nakita ng tao ang pag-ibig ng Diyos at ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Sa panahong ito, pinaglalaanan, sinusuportahan, nililiwanagan at ginagabayan ng Diyos ang tao, nang sa gayon ay unti-unti niyang nalalaman ang Kanyang mga intensyon, nalalaman ang mga salita na sinasabi Niya at ang katotohanang iginagawad Niya sa tao. Kapag ang tao ay mahina, kapag siya ay nanlulumo, kapag wala siyang mabalingan, gagamitin ng Diyos ang Kanyang mga salita upang aliwin, payuhan at pasiglahin ang tao, upang ang mababang tayog ng tao ay unti-unting lumakas, tumaas ang pagkapositibo at maging handang makipagtulungan sa Diyos. Ngunit kapag sinusuway ng tao ang Diyos o nilalabanan Siya, o kapag ibinubunyag ng tao ang kanyang katiwalian, hindi magpapakita ng awa ang Diyos sa pagtutuwid at sa pagdidisiplina sa tao. Ngunit magpapakita ang Diyos ng pagpaparaya at pagtitiyaga sa kahangalan, kamangmangan, kahinaan at pagiging kulang sa gulang ng tao. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos para sa tao, ang tao ay unti-unting nagkakagulang, lumalago, at nalalaman ang mga intensyon ng Diyos, nalalaman ang ilang katotohanan, nalalaman kung aling mga bagay ang positibo at alin ang negatibo, nalalaman kung ano ang kasamaan at ano ang kadiliman. Ang Diyos ay hindi palaging nagtutuwid at nagdidisiplina ng tao sa isang paraan lamang, ni palaging nagpapakita ng pagpaparaya at pagtitiyaga. Sa halip, tinutustusan Niya ang bawat tao sa iba’t ibang paraan, sa kanilang magkakaibang kalagayan at ayon sa kanilang magkakaibang tayog at kakayahan. Ginagawa Niya ang maraming bagay para sa tao at nang may malaking sakripisyo; walang napapansin ang tao sa mga bagay na ito o sa sakripisyo, gayunman lahat ng ginagawa Niya sa realidad ay natutupad sa bawat isang tao. Ang pag-ibig ng Diyos ay praktikal: Sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, naiiwasan ng tao ang sunud-sunod na mga sakuna, habang paulit-ulit na ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pagpapaubaya sa mga kahinaan ng tao. Ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay nagbibigay-daan upang unti-unting makilala ng mga tao ang katiwalian at ang mala-satanas na diwa ng sangkatauhan. Iyong ipinagkakaloob ng Diyos, ang Kanyang pagbibigay kaliwanagan sa tao at Kanyang paggabay ay lahat nagbibigay-daan sa sangkatauhan upang lalo’t lalong makilala ang diwa ng katotohanan, at lalo’t lalong malaman kung ano ang kinakailangan ng mga tao, kung anong daan ang dapat nilang tahakin, para sa ano ang kanilang pamumuhay, ang kahalagahan at kahulugan ng kanilang mga buhay, at kung paano lumakad sa daang tatahakin. Ang lahat ng bagay na ito na ginagawa ng Diyos ay hindi maihihiwalay mula sa Kanyang orihinal na layunin. Ano, kung gayon, ang layuning ito? Bakit ginagamit ng Diyos ang mga paraang ito upang isagawa ang Kanyang gawain sa tao? Anong resulta ang nais Niyang makamit? Sa madaling salita, ano ang nais Niyang makita sa tao? Ano ang nais Niyang makuha mula sa kanila? Ang nais na makita ng Diyos ay na maaaring mapasiglang muli ang puso ng tao. Ang mga paraang ito na ginagamit Niya upang gumawa sa tao ay isang patuloy na pagsisikap na gisingin ang puso ng tao, gisingin ang espiritu ng tao, bigyang-kakayahan ang tao na maunawaan kung saan siya nanggaling, sino ang gumagabay, sumusuporta, at nagkakaloob sa kanya, at kung sino ang nagpahintulot sa tao na mabuhay hanggang sa ngayon; ang mga ito ay paraan upang bigyang-kakayahan ang tao na maunawaan kung sino ang Lumikha, kung sino ang dapat niyang sambahin, kung anong uri ng daan ang dapat niyang lakaran, at sa anong paraan dapat lumapit ang tao sa harapan ng Diyos; ang mga ito ay paraan upang unti-unting pasiglahin ang puso ng tao, upang makilala ng tao ang puso ng Diyos, maunawaan ang puso ng Diyos, at maintindihan ang matinding pangangalaga at paglingap na nasa likod ng Kanyang gawain na iligtas ang tao. Kapag napasigla na ang puso ng tao, hindi na niya nais pang mabuhay na may masama at tiwaling disposisyon, kundi sa halip ay nais hanapin ang katotohanan upang palugurin ang Diyos. Kapag ang puso ng tao ay nagising na, makahihiwalay na nang husto ang tao kay Satanas. Hindi na siya mapipinsala pa ni Satanas, hindi na muling kokontrolin o lilinlangin nito. Sa halip, ang tao ay maaaring maagap na makipagtulungan sa gawain ng Diyos at sa Kanyang mga salita upang bigyang-kasiyahan ang puso ng Diyos, sa gayon ay nakakamit ang pagkatakot sa Diyos at ang paglayo sa kasamaan. Ito ang orihinal na layunin ng gawain ng Diyos.

Pinadama sa bawat tao ng katatalakay lamang natin ngayon tungkol sa kasamaan ni Satanas na ang tao ay tila ba namumuhay nang napakalungkot at ang buhay ng tao ay puno ng kasawian. Ngunit ano ang pakiramdam ninyo ngayong tinatalakay Ko ang tungkol sa kabanalan ng Diyos at ang gawain na Kanyang isinasagawa sa tao? (Napakasaya.) Nakikita natin ngayon na ang lahat ng ginagawa ng Diyos, lahat ng Kanyang pinaghihirapang isaayos para sa tao ay busilak. Walang mali sa lahat ng ginagawa ng Diyos, nangangahulugang ito ay walang depekto, hindi nangangailangang iwasto, bigyang payo o gawan ng anumang pagbabago. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos para sa bawat isang tao ay hindi mapag-aalinlanganan; inaakay Niya ang bawat isa, sinusubaybayan ka sa bawat sandali at kailanma’y hindi umalis sa iyong tabi. Habang ang mga tao ay lumalaki sa ganitong uri ng kapaligiran at sa ganitong uri ng karanasan, masasabi ba natin na ang mga tao sa katunayan ay lumalaki sa palad ng kamay ng Diyos? (Oo.) Kaya ngayon nakakadama pa ba kayo ng kawalan? Mayroon bang sinumang nakakaramdam pa ng panlulumo? Nadarama ba ng sinuman na tinalikdan ng Diyos ang sangkatauhan? (Hindi.) Kaya ano ba talaga kung gayon ang nagawa ng Diyos? (Binantayan Niya ang sangkatauhan.) Ang matinding paglingap at pangangalaga na nasa likod ng lahat ng ginagawa ng Diyos ay hindi mapagdududahan. Idagdag pa rito, habang isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain, kailanman wala Siyang inilatag na anumang kondisyon. Hindi Niya kailanman hiningi sa sinuman sa inyo na malaman ang Kanyang isinasakripisyo para sa inyo, upang kayo ay makaramdam ng taos-pusong pasasalamat sa Kanya. Hiningi na ba ng Diyos ito sa inyo kailanman? (Hindi.) Sa mahabang kabuuan ng buhay ng tao, halos bawat isang tao ay nakasagupa na ng maraming mapanganib na sitwasyon at sumailalim na sa maraming tukso. Ito’y dahil si Satanas ay nandoon mismo sa tabi mo, ang mga mata nito ay palaging nakatuon sa iyo. Kapag ang kapahamakan ay dumarating sa iyo, nagagalak si Satanas dito, kapag sumasapit sa iyo ang mga kalamidad, kapag walang mabuting nangyayari sa iyo, kapag ikaw ay napupulupot sa sapot ni Satanas, tuwang-tuwa si Satanas sa mga bagay na ito. Tungkol naman sa ginagawa ng Diyos, palagi ka Niyang pinapangalagaan, inilalayo ka Niya sa sunud-sunod na kasawian at sa sunud-sunod na kapahamakan. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na ang lahat ng mayroon ang tao—ang kapayapaan at kasiyahan, mga pagpapala at personal na kaligtasan—sa totoo lang ay nasa ilalim lahat ng kontrol ng Diyos; ginagabayan Niya at pinagpapasyahan ang kapalaran ng bawat isang tao. Subalit ang Diyos ba ay may napalaking palagay sa Kanyang posisyon, gaya ng sinasabi ng ilang tao? Sinasabi ba Niya sa iyo, “Ako ang pinakadakila sa lahat. Ako ang namamahala sa inyo. Kayong lahat ay dapat magmakaawa sa Akin, at ang pagsuway ay paparusahan ng kamatayan”? Tinakot na ba kailanman ng Diyos ang sangkatauhan sa ganitong paraan? (Hindi.) Kailanman ba’y sinabi Niya, “Ang sangkatauhan ay tiwali kaya hindi mahalaga kung paano Ko man sila tratuhin, anumang pagtrato ay maaari; hindi Ko kinakailangang isaayos nang maigi ang mga bagay para sa kanila”? Ganito ba mag-isip ang Diyos? Kumilos na ba ang Diyos sa ganitong paraan? (Hindi.) Bagkus, ang pagtrato ng Diyos sa bawat isang tao ay marubdob at responsable. Mas responsable pa kaysa sa pagtrato mo sa iyong sarili ang Kanyang pagtrato sa iyo. Hindi nga ba? Ang Diyos ay hindi basta na lang nagsasalita, ni hindi rin Niya ipinagmamalaki ang Kanyang mataas na kalagayan o pabirong nanloloko sa mga tao. Sa halip ginagawa Niya nang tapat at tahimik ang mga bagay na kinakailangan Niya Mismong gawin. Ang mga bagay na ito ay nagdudulot ng mga pagpapala, kapayapaan at kagalakan sa tao. Dinadala ng mga ito ang tao nang mapayapa at matiwasay sa paningin ng Diyos at sa Kanyang pamilya; pagkatapos ay nabubuhay sila sa harap ng Diyos at tinatanggap ang pagliligtas ng Diyos nang may normal na pangangatwiran at pag-iisip. Kaya ang Diyos ba kailanman ay naging mapanlinlang na sa tao sa Kanyang gawain? Nagpakita na ba Siya kailanman ng huwad na pagpapakita ng kabaitan, niloloko muna ang tao gamit ang ilang pagbati, pagkatapos ay tatalikuran Niya ito? (Hindi.) Kailanman ba’y nagsabi ang Diyos ng isang bagay at pagkatapos ay iba ang ginawa? Ang Diyos ba ay nagbigay kailanman ng hungkag na mga pangako at nagyabang, na sinasabi sa mga taong maaari Niyang gawin ito para sa kanila o tutulungan silang gawin iyon, at pagkatapos ay biglang nawala? (Hindi.) Walang panlilinlang sa Diyos, walang kasinungalingan. Ang Diyos ay tapat at ang lahat ng Kanyang ginagawa ay totoo. Siya lamang ang Isa na maaasahan ng tao; Siya ang Diyos na maaaring pagkatiwalaan ng mga tao ng kanilang mga buhay at ng lahat sa kanila. Dahil walang panlilinlang sa Diyos, masasabi ba natin na ang Diyos ang pinakadalisay? (Oo.) Mangyari pa! Bagaman ang salitang “dalisay” ay labis na mahina, labis na pantao kapag ginamit sa Diyos, ano pa ang ibang salita na maaari nating gamitin? Ganyan talaga ang mga limitasyon ng wika ng tao. Bagama’t hindi gaanong angkop na tawaging “dalisay” ang Diyos, pansamantala pa rin nating gagamitin ang salitang ito. Ang Diyos ay tapat at dalisay. Kaya ano ang ibig nating sabihin sa pagtalakay tungkol sa mga aspetong ito? Tinutukoy ba natin ang mga pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng tao at ang mga pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ni Satanas? Oo, masasabi natin iyan. Ito ay sapagkat hindi makikita ng tao sa Diyos kahit ang isa mang bakas ng tiwaling disposisyon ni Satanas. Tama ba Ako sa pagsasabi nito? Amen? (Amen!) Wala tayong nakikitang anumang kasamaan ni Satanas na naibunyag sa Diyos. Lahat ng ginagawa at ibinubunyag ng Diyos ay lubos na kapaki-pakinabang at makakatulong sa tao, ganap na ginagawa upang maglaan para sa tao, puno ng buhay at nagbibigay sa tao ng isang daan na susundan at isang direksyon na tatahakin. Ang Diyos ay hindi tiwali at, bukod pa rito, kung titingnan ngayon ang lahat ng ginagawa ng Diyos, masasabi ba natin na ang Diyos ay banal? (Oo.) Dahil ang Diyos ay walang taglay na katiwalian ng sangkatauhan ni anumang katulad na tiwaling disposisyon ng tao o ng diwa ni Satanas, at wala sa Diyos ni anumang pagkakahawig sa mga bagay na ito, mula sa pananaw na ito masasabi natin na ang Diyos ay banal. Ang Diyos ay walang ipinapakitang anumang katiwalian, at ang pahayag ng Kanyang sariling diwa sa Kanyang gawain ay siyang tanging pagpapatibay na ang Diyos Mismo ay banal. Nakikita ba ninyo ito? Upang makilala ang banal na diwa ng Diyos, tingnan natin ang dalawang aspetong ito sa ngayon: 1) Wala ni bahid ng tiwaling disposisyon sa Diyos; 2) tinutulutan ng diwa ng gawain ng Diyos sa tao na makita ng tao ang sariling diwa ng Diyos at ang diwang ito ay lubos na positibo. Sapagkat ang mga bagay na idinudulot sa tao ng bawat bahagi ng gawain ng Diyos ay pawang positibo. Una, hinihingi ng Diyos sa tao na maging tapat—hindi ba ito positibong bagay? Binibigyan ng Diyos ang tao ng karunungan—hindi ba ito positibo? Ipinauunawa ng Diyos sa tao ang pagkakaiba ng kabutihan sa kasamaan—hindi ba ito positibo? Binibigyang-daan Niya na maunawaan ng tao ang kahulugan at kahalagahan ng buhay ng tao—hindi ba ito positibo? Binibigyang-daan Niya ang tao na makita ang diwa ng mga tao, mga pangyayari, at mga bagay ayon sa katotohanan—hindi ba ito positibo? (Oo, ito ay positibo.) At ang resulta ng lahat ng ito ay na hindi na nalilinlang ni Satanas ang tao, hindi na maipagpapatuloy pa na mapinsala o makontrol ni Satanas. Sa madaling salita, binibigyang-daan ng mga ito ang mga tao na ganap na palayain ang kanilang mga sarili mula sa pagtitiwali ni Satanas, at sa gayon ay unti-unting lumakad sa daan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Gaano kalayo na ninyong nalakad ang landas na ito ngayon? Mahirap sabihin, hindi ba? Ngunit kahit paano mayroon na ba kayo ngayong paunang pagkaunawa kung paanong ginagawang tiwali ni Satanas ang tao, kung aling mga bagay ang masama at aling mga bagay ang negatibo? Kahit paano nilalakaran na ninyo ngayon ang tamang landas. Masasabi ba natin iyon? (Oo.)

Dito natin tatapusin ang pagtalakay tungkol sa kabanalan ng Diyos. Ngayon, sino sa inyo, mula sa lahat ng inyong narinig at natanggap, ang makakapagsabi kung ano ang kabanalan ng Diyos? Ano ang tinutukoy ng kabanalan ng Diyos na sinasabi Ko? Pag-isipan ninyo ng isang saglit. Ang pagiging tapat ba ng Diyos ang Kanyang kabanalan? Ang katapatan ba ng Diyos ang Kanyang kabanalan? Ang pagiging hindi makasarili ba ng Diyos ang Kanyang kabanalan? Ito ba’y ang pagpapakumbaba Niya? Ang Kanyang pagmamahal para sa tao? Malayang ipinagkakaloob ng Diyos sa tao ang katotohanan at buhay—ito ba ang Kanyang kabanalan? (Oo.) Ang lahat ng ito na ibinubunyag ng Diyos ay natatangi at hindi umiiral sa loob ng tiwaling sangkatauhan, ni makikita sa sangkatauhan. Walang makikita ni katiting na bakas nito sa proseso ng pagtitiwali ni Satanas sa tao, ni sa tiwaling disposisyon ni Satanas ni sa diwa o likas ni Satanas. Ang lahat ng kung anong mayroon at kung ano ang Diyos ay natatangi; tanging ang Diyos Mismo ang may ganitong uri ng diwa. Sa puntong ito ng ating pagtalakay, mayroon bang sinuman sa inyo ang nakakita ng sinumang mula sa sangkatauhan na kasingbanal ng Aking inilarawan? (Wala.) Mayroon bang ganito kabanal sa mga sikat na tao, sa mga dakilang tao o sa mga idolo na inyong sinasamba sa sangkatauhan? (Wala.) Kaya kapag sinasabi natin na ang kabanalan ng Diyos ay natatangi, ito ba’y pagpapalabis sa katotohanan? (Hindi.) Talagang hindi nga. Bukod dito, mayroon ding praktikal na panig ang natatanging kabanalan ng Diyos. Mayroon bang anumang pagkakaiba sa pagitan ng kabanalan na tinatalakay Ko ngayon at sa kabanalan na dati ninyong inakala at naisip? (Oo.) Gaano kalaking pagkakaiba? (Napakalaki.) Ano ang kadalasang ibig sabihin ng mga tao kapag pinag-uusapan nila ang tungkol sa kabanalan? (Ilang panlabas na asal.) Kapag sinasabi ng mga tao na ang asal o iba pang bagay ay banal, sinasabi lamang nila ito dahil nakikita nila ito na dalisay o masarap sa mga pandama. Gayunpaman, ang mga bagay na ito ay palaging kulang ng totoong diwa ng kabanalan—ito ang aspeto ng doktrina. Bukod dito, ano ang tinutukoy ng praktikal na aspeto ng “kabanalan” na iniisip ng mga tao? Ito ba ay iyong karaniwan nilang iniisip o hinahatulan na banal? Halimbawa, may ilang Budista ang namamatay habang nagsasagawa, lumilisan habang sila ay nakaupo doon na natutulog. May ilang tao ang nagsasabi na sila ay naging banal at lumipad na patungong langit. Ito rin ay produkto ng imahinasyon. Pagkatapos may ilan na nag-iisip na ang isang diwata na lumulutang pababa mula sa langit ay banal. Sa totoo lang, ang konsepto ng mga tao sa salitang “banal” ay palaging isang uri lamang ng walang lamang imahinasyon at teorya na walang totoong sangkap dito, at saka walang anumang kinalaman sa diwa ng kabanalan. Ang diwa ng kabanalan ay tunay na pag-ibig, ngunit higit pa rito, ito ay diwa ng katotohanan, katuwiran at liwanag. Ang salitang “banal” ay angkop lamang kapag ginagamit sa Diyos; walang anuman sa nilikha ang karapat-dapat na tawaging “banal.” Dapat itong maunawaan ng tao. Mula ngayon, gagamitin lamang natin ang salitang “banal” sa Diyos. Ito ba ay angkop? (Oo, ito ay angkop.)

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger