Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Ang Matuwid na Disposisyon ng Diyos (Ikalawang Bahagi)

Nakakamit ng Tao ang Awa at Pagpaparaya ng Diyos sa Pamamagitan ng Tapat na Pagsisisi

Ang sumusunod ay ang biblikal na kasaysayan ng “Pagliligtas ng Diyos sa Ninive.”

Jonas 1:1–2 Ngayon ang salita ni Jehova ay dumating kay Jonas na anak ni Amittai, na nagsasabi, “Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at humiyaw ka roon; sapagkat ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap Ko.”

Jonas 3 At ang salita ni Jehova ay dumating kay Jonas na ikalawa, na nagsasabi, “Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at ipangaral mo ang pangaral na Aking iniutos sa iyo.” Sa gayo’y bumangon si Jonas, at naparoon sa Ninive, ayon sa salita ni Jehova. Ang Ninive nga ay totoong malaking bayan, na tatlong araw na lakarin. At pumasok si Jonas sa bayan na may isang araw na gumagala, at siya’y sumigaw, at nagsabi, “Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak.” At ang bayan ng Ninive ay naniwala sa Diyos; at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadaki-dakilaan sa kanila hanggang sa kaliit-liitan sa kanila. At ang salita ay dumating sa hari ng Ninive, at siya’y tumindig sa kanyang luklukan, at hinubad niya ang kanyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo. At kanyang inihayag at iniatas sa buong Ninive sa pasya ng hari at ng kanyang mga maharlika, na sinasabi, “Huwag tumikim maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anumang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; kundi mangagbalot ng kayong magaspang ang tao at gayon din ang hayop, at manangis sila nang malakas sa Diyos: oo, talikdan ng bawat isa ang kanyang masamang gawi, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay. Sino ang nakaaalam kung mapanunumbalik ang Diyos at magsisisi, at tatalikod sa Kanyang mabangis na galit, upang tayo’y huwag mangamatay.” At nakita ng Diyos ang kanilang mga gawa, na sila’y tumalikod sa kanilang masamang gawi; at binawi ng Diyos ang masama, na Kanyang sinabing Kanyang gagawin sa kanila; at hindi Niya ginawa.

Jonas 4 Ngunit naghinanakit nang matindi si Jonas, at siya’y nagalit. At siya’y nanalangin kay Jehova, at nagsabi, “Ako’y nananalangin sa Iyo, Oh Jehova, hindi baga ito ang aking sinabi, nang ako’y nasa aking lupain pa? Kaya’t ako’y nagmadaling tumakas na patungo sa Tarsis; sapagkat talastas ko na Ikaw ay Diyos na mapagbiyaya, at puspos ng kahabagan, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob, at nagsisisi Ka sa kasamaan. Kaya nga, Oh Jehova, isinasamo ko sa Iyo, na kitilin Mo ang aking buhay; sapagkat mabuti sa akin ang mamatay kaysa sa mabuhay.” At sinabi ni Jehova, “Mabuti baga ang iyong ginagawa na magalit?” Nang magkagayo’y lumabas si Jonas sa bayan, at naupo sa dakong silanganan ng bayan, at doo’y gumawa siya ng isang balag, at naupo siya sa ilalim niyaon sa lilim, hanggang sa kaniyang makita kung ano ang mangyayari sa bayan. At naghanda ang Diyos na si Jehova ng isang halamang kikayon, at pinataas sa itaas ni Jonas, upang maging lilim sa kanyang ulo, upang ialis siya sa kanyang masamang kalagayan. Sa gayo’y natuwang mainam si Jonas dahil sa kikayon. Ngunit naghanda ang Diyos ng isang uod nang mag-umaga kinabukasan at sinira nito ang halamang kikayon, na anupa’t natuyo. At nangyari, nang sumikat ang araw, na naghanda ang Diyos ng mainit na hanging silangan; at sinikatan ng araw ang ulo ni Jonas, na anupa’t siya’y nanlupaypay, at hiniling niya sa kanyang sarili na siya’y mamatay, at nagsabi, “Mabuti sa akin ang mamatay kaysa sa mabuhay.” At sinabi ng Diyos kay Jonas, “Mabuti baga ang ginagawa mo na magalit dahil sa kikayon?” At kanyang sinabi, “Mabuti ang ginagawa ko na magalit hanggang sa kamatayan.” At sinabi ni Jehova, “Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga Ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawampung libong katao na hindi marunong makakilala ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?”

Buod ng Kasaysayan ng Ninive

Bagaman ang kasaysayan ng “Pagliligtas ng Diyos sa Ninive” ay maigsi lamang, pinahihintulutan nito na masulyapan ng isang tao ang kabilang bahagi ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Upang lubos na maunawaan kung ano ang nilalaman ng bahaging iyon, kailangang balikan natin ang Kasulatan at muling tingnan ang isa sa mga ginawa ng Diyos na isinakatuparan Niya sa proseso ng Kanyang gawain.

Tingnan muna natin ang pasimula ng kasaysayang ito: “Ngayon ang salita ni Jehova ay dumating kay Jonas na anak ni Amittai, na nagsasabi, ‘Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at humiyaw ka roon; sapagkat ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap Ko’” (Jonas 1:1–2). Sa mga siping ito mula sa Kasulatan, alam natin na inutusan ng Diyos na si Jehova si Jonas na magtungo sa lungsod ng Ninive. Bakit Niya inutusan si Jonas na magpunta sa lungsod na ito? Malinaw ang sinabi sa Bibliya tungkol dito: Ang kasamaan ng mga tao sa loob ng lungsod na ito ay umabot na sa harap ng Diyos na si Jehova, kaya isinugo Niya si Jonas upang ipahayag sa kanila ang nais Niyang gawin. Kahit na walang nakatala kung sino si Jonas, ito siyempre ay walang kaugnayan sa pagkakilala sa Diyos. Kaya, hindi ninyo kailangang makilala ang taong ito, si Jonas. Ang tanging kailangan ninyong malaman ay kung ano ang iniutos ng Diyos kay Jonas na gawin at ano ang mga dahilan ng Diyos sa paggawa ng bagay na ito.

Umabot ang Babala ng Diyos na si Jehova sa mga Taga-Ninive

Magpatuloy tayo sa ikalawang sipi, ang ikatlong kabanata ng Aklat ni Jonas: “At pumasok si Jonas sa bayan na may isang araw na gumagala, at siya’y sumigaw, at nagsabi, ‘Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak.’” Ito ang mga salita na direktang ipinasasabi ng Diyos kay Jonas sa mga taga-Ninive, kaya siyempre, ito rin ang mga salita na nais sabihin ni Jehova sa mga taga-Ninive. Sinasabi ng mga salitang ito sa mga tao na nagsimulang kasuklaman at kamuhian ng Diyos ang mga mamamayan ng lungsod dahil ang kanilang kasamaan ay umabot na sa harap ng Diyos, kaya ninais Niyang wasakin ang lungsod na ito. Gayunman, bago wasakin ng Diyos ang lungsod, ipaaalam muna Niya ito sa mga taga-Ninive, at kasabay nito ay bibigyan Niya sila ng pagkakataon na pagsisihan ang kanilang kasamaan at magsimulang muli. Magtatagal lamang ng apatnapung araw ang pagkakataong ito, at hindi na hihigit pa. Sa madaling salita, kapag hindi nagsisi ang mga tao sa loob ng lungsod, inamin ang kanilang mga kasalanan o nagpatirapa sa harap ng Diyos na si Jehova sa loob ng apatnapung araw, wawasakin ng Diyos ang lungsod tulad ng ginawa Niya sa Sodoma. Ito ang ninais sabihin ng Diyos na si Jehova sa mga taga-Ninive. Malinaw na hindi ito simpleng pahayag. Hindi lamang nito ipinarating ang galit ng Diyos na si Jehova, ipinarating din nito ang Kanyang saloobin sa mga taga-Ninive; at gayundin, ang simpleng pahayag na ito ay nagsilbing taimtim na babala sa mga taong naninirahan sa loob ng lungsod. Sinabi ng babalang ito sa kanila na ang kanilang masasamang gawa ay nagdulot ng pagkapoot ng Diyos na si Jehova, at hindi magtatagal ay magdadala sa kanila sa bingit ng kanilang sariling pagkalipol. Ang buhay ng bawat isang naninirahan sa Ninive ay nasa nalalapit na kapahamakan.

Ang Malinaw na Pagkakaiba ng Reaksyon ng Ninive at Sodoma sa Babala ng Diyos na si Jehova

Ano ang ibig sabihin ng mapabagsak? Sa pangkaraniwang termino, ang ibig sabihin nito ay ang hindi na pag-iral. Ngunit sa paanong paraan? Sino ang makapagpapabagsak sa isang buong lungsod? Siyempre, imposibleng magawa ng tao ang gayong gawain. Hindi mga hangal ang mga taga-Ninive; sa sandaling narinig nila ang pahayag na ito, nakuha na nila ang ideya. Alam nila na mula ito sa Diyos; alam nila na isasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain; alam nila na ang kanilang kasamaan ang nagpasiklab sa poot ng Diyos na si Jehova at nagdala ng Kanyang galit sa kanila, nang sila ay mapuksa kasama ng kanilang lungsod sa madaling panahon. Paano kumilos ang mga mamamayan ng lungsod matapos nilang marinig ang babala ng Diyos na si Jehova? Inilalarawan ng Bibliya sa tiyak na detalye ang naging reaksyon ng mga tao, mula sa kanilang hari hanggang sa mga pangkaraniwang tao. Nakatala ang mga sumusunod na mga salita sa Kasulatan: “At ang bayan ng Ninive ay naniwala sa Diyos; at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadaki-dakilaan sa kanila hanggang sa kaliit-liitan sa kanila. At ang salita ay dumating sa hari ng Ninive, at siya’y tumindig sa kanyang luklukan, at hinubad niya ang kanyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo. At kanyang inihayag at iniatas sa buong Ninive sa pasya ng hari at ng kanyang mga maharlika, na sinasabi, ‘Huwag tumikim maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anumang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; kundi mangagbalot ng kayong magaspang ang tao at gayon din ang hayop, at manangis sila nang malakas sa Diyos: oo, talikdan ng bawat isa ang kanyang masamang gawi, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay.’”

Matapos marinig ang pahayag ng Diyos na si Jehova, ang mga mamamayan ng Ninive ay nagpakita ng pag-uugali na lubos na kabaligtaran ng sa mga taga-Sodoma—habang ang mga mamamayan ng Sodoma ay hayagang kinalaban ang Diyos at nagpapatuloy sa paggawa ng kasamaan, ang mga taga-Ninive naman, matapos marinig ang mga salitang ito, ay hindi binalewala ang bagay na ito, ni tinanggihan man. Sa halip, naniwala sila sa Diyos at nagdeklara ng pag-aayuno. Ano ang kahulugan ng “naniwala” rito? Ang mismong salita ay nagpapahiwatig ng pananampalataya at pagpapasakop. Kung gagamitin natin ang mismong ginawa ng mga taga-Ninive upang ipaliwanag ang salitang ito, nangangahulugan ito na naniwala sila na gagawin at kayang gawin ng Diyos ang Kanyang sinabi, at nakahanda silang magsisi. Ang mga taga-Ninive ba ay nakadama ng takot sa harap ng nalalapit na kapahamakan? Ang kanilang paniniwala ang nagdulot ng takot sa kanilang mga puso. Kaya naman, ano ang magagamit natin upang patunayan ang paniniwala at takot ng mga taga-Ninive? Tulad ng sinasabi sa Bibliya: “… sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadaki-dakilaan sa kanila hanggang sa kaliit-liitan sa kanila.” Sinasabi nito na ang mga taga-Ninive ay tunay na naniwala, at nagdulot ng takot ang paniniwalang ito, na humantong sa pag-aayuno at pagsusuot ng magaspang na damit. Ganito nila ipinakita na nagsisimula na silang magsisi. Ibang-iba sa mga taga-Sodoma, hindi lamang sa hindi nilabanan ng mga taga-Ninive ang Diyos, malinaw rin nilang ipinakita ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng kanilang asal at mga kilos. Siyempre, ito ay isang bagay na ginawa ng lahat ng mamamayan ng Ninive, hindi lamang ng karaniwang mamamayan–kabilang din ang hari.

Ang Pagsisisi ng Hari ng Ninive ang Pumukaw sa Papuri ng Diyos na si Jehova

Nang marinig ng hari ng Ninive ang balitang ito, tumayo siya mula sa kanyang trono, hinubad ang kanyang balabal, nagsuot ng magaspang na damit at umupo sa mga abo. Pagkatapos ay kanyang ipinahayag na walang sinuman sa lungsod ang papayagang tumikim ng anuman, at walang mga tupa, baka, o ano pa mang mga hayop, ang papayagang kumain o uminom ng tubig. Kapwa tao at hayop ay magdadamit ng kayong magaspang; lahat ng mamamayan ay magmamakaawa sa Diyos. Ipinahayag din ng hari na ang bawat isa sa kanila ay tatalikuran na ang kanilang masasamang gawi at ang karahasan sa kanilang mga kamay. Batay sa magkakasunod na mga gawaing ito, tunay ang naging pagsisisi ng hari ng Ninive sa kanyang puso. Ang sunod-sunod na mga pagkilos na kanyang ginawa—pagtayo mula sa kanyang trono, paghuhubad ng kanyang balabal ng pagkahari, pagdadamit ng kayong magaspang at pag-upo sa mga abo—ay nagsasabi sa mga tao na isinasantabi ng hari ng Ninive ang kanyang katayuan bilang hari at nagdadamit ng kayong magaspang kasama ang mga karaniwang mamamayan. Sinasabi nito na ang hari ng Ninive ay hindi nanatili sa kanyang pagiging hari para ipagpatuloy ang kanyang masamang gawa o ang karahasan sa kanyang mga kamay matapos marinig ang babala mula sa Diyos na si Jehova; sa halip, isinantabi niya ang awtoridad na kanyang hawak at nagsisi sa harap ng Diyos na si Jehova. Sa pagkakataong ito, hindi nagsisisi ang hari ng Ninive bilang hari; humarap siya sa Diyos upang magkumpisal at magsisi sa kanyang mga kasalanan bilang isang pangkaraniwang nasasakupan ng Diyos. Bukod pa rito, sinabihan din niya ang buong lungsod na magkumpisal at magsisi sa kanilang mga kasalanan sa harap ng Diyos na si Jehova tulad ng ginawa niya; dagdag pa rito, may tiyak siyang plano kung paano ito isasagawa, tulad ng makikita sa mga kasulatan: “Huwag tumikim maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anumang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig: … at manangis sila nang malakas sa Diyos: oo, talikdan ng bawat isa ang kanyang masamang gawi, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay.” Bilang pinuno ng lungsod, ang hari ng Ninive ay nagtataglay ng pinakamataas na katayuan at kapangyarihan at makakaya niyang gawin ang anumang bagay na kanyang naisin. Nang matanggap ang babala ng Diyos na si Jehova, maaari naman niyang balewalain na lang ito o mangumpisal na lamang at magsisi sa kanyang mga kasalanan nang mag-isa; kung pipiliin ng mga tao sa lungsod na magsisi o hindi, maaari naman niyang pabayaan na lamang lahat ang bagay na ito. Ngunit hindi ito kailanman ginawa ng hari ng Ninive. Hindi lamang siya tumayo mula sa kanyang trono, nagdamit ng kayong magaspang at naupo sa mga abo at nangumpisal at nagsisi sa kanyang mga kasalanan sa harap ng Diyos na si Jehova, inutusan din niya ang lahat ng tao at mga hayop sa buong lungsod na gawin din iyon. Inutusan pa niya ang mga tao na “manangis sila nang malakas sa Diyos.” Sa pamamagitan ng mga magkakasunod na gawaing ito, tunay na nagampanan ng hari ng Ninive iyong dapat gawin ng isang pinuno. Ang kanyang mga ginawa ay isang bagay na mahirap gawin para sa sinumang hari sa kasaysayan ng tao, at wala ngang ibang hari ang nakagawa ng mga bagay na ito. Ang mga gawaing ito ay maaaring tawagin na wala pang nakagagawa sa kasaysayan ng sangkatauhan; karapat-dapat ang mga ito na kapwa gunitain at tularan ng sangkatauhan. Buhat noong pagsisimula ng tao, pinangunahan ng bawat hari ang kanyang mga nasasakupan sa pagtanggi at paglaban sa Diyos. Walang sinuman ang nanguna sa kanyang mga nasasakupan sa pagsusumamo sa Diyos upang tubusin sila sa kanilang kasamaan, tanggapin ang pagpapatawad ng Diyos na si Jehova at maiwasan ang nalalapit na kaparusahan. Subalit ang hari ng Ninive ay nakayang pangunahan ang kanyang mga nasasakupan na manumbalik sa Diyos, iwan na ang kanilang masamang mga gawi at iwan na ang karahasan na nasa kanilang mga kamay. Bukod pa rito, nagawa rin niyang isantabi ang kanyang trono, at bilang ganti, nagbago ang isip at nakadama ng pagsisisi ang Diyos na si Jehova at binawi ang Kanyang poot, at hinayaan ang mga mamamayan ng lungsod na maligtas at malayo mula sa pagkawasak. Ang mga ginawa ng hari ay maaari lamang matawag na isang pambihirang himala sa kasaysayan ng tao, at huwarang halimbawa pa nga ng tiwaling sangkatauhan na nangumpisal at nagsisi sa kanilang mga kasalanan sa harap ng Diyos.

Nakikita ng Diyos ang Tapat na Pagsisisi sa Kaibuturan ng mga Puso ng mga Taga-Ninive

Pagkatapos mapakinggan ang pagpapahayag ng Diyos, ang hari ng Ninive at ang kanyang mga nasasakupan ay nagsagawa ng serye ng mga pagkilos. Ano ang kalikasan ng kanilang asal at mga gawa? Sa madaling salita, ano ang diwa ng kabuuan ng kanilang pag-uugali? Bakit nila ginawa ang kanilang ginawa? Sa mga mata ng Diyos, tapat silang nagsisisi, hindi lamang dahil nagsumamo sila sa Diyos at ikinumpisal ang kanilang mga kasalanan sa harap Niya, kundi dahil na rin sa iniwan na nila ang kanilang masamang pag-uugali. Kumilos sila sa ganitong paraan dahil matapos nilang marinig ang mga salita ng Diyos, labis silang natakot at naniwala na gagawin Niya ang Kanyang sinabi. Sa pamamagitan ng pag-aayuno, pagdadamit ng magaspang at pag-upo sa mga abo, ninais nilang ipahayag ang kanilang kahandaang baguhin ang kanilang mga pamamaraan at tumigil na sa kasamaan, at nanalangin sila sa Diyos na si Jehova na pigilin ang Kanyang galit, nagsusumamo sa Kanya na bawiin ang Kanyang pasya, gayundin ang malaking kapahamakan na malapit nang dumating sa kanila. Kung susuriin natin ang lahat ng kanilang inasal, makikita natin na naunawaan na nila na ang kanilang nakaraang masasamang gawa ay kasuklam-suklam sa Diyos na si Jehova at makikita rin natin na naunawaan nila ang dahilan kung bakit malapit na Niya silang puksain. Ito ang dahilan kung bakit ninais nilang lahat na lubusang magsisi, talikuran ang kanilang masasamang gawa, at iwan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling salita, nang maunawaan na nila ang pahayag ng Diyos na si Jehova, ang bawat isa sa kanila ay nakadama ng takot sa kanilang mga puso; hindi na nila ipinagpatuloy ang kanilang masamang pag-uugali at hindi na nagpatuloy na gawin ang mga gawaing labis na kinamumuhian ng Diyos na si Jehova. Dagdag pa rito, nagsumamo sila sa Diyos na si Jehova na patawarin ang kanilang mga nakaraang kasalanan at huwag silang pakitunguhan batay sa kanilang mga nakaraang ginawa. Nakahanda silang hindi na kailanman muling makisangkot sa kasamaan at kikilos na sila ayon sa mga tagubilin ng Diyos na si Jehova, kung maaari lamang ba na hindi na nila kailanman muling mapasiklab ang galit ng Diyos na si Jehova. Tapat at ganap ang kanilang pagsisisi. Galing ito sa kaibuturan ng kanilang mga puso at hindi nagkukunwari, ni hindi ito pansamantala.

Sa sandaling nalaman ng mga taga-Ninive, mula sa hari hanggang sa mga karaniwang tao, na nagagalit sa kanila ang Diyos na si Jehova, malinaw at lantad na nakita ng Diyos ang bawat isa sa kanilang mga sumunod na pagkilos at ang kanilang buong asal, maging ang bawat pagpapasya at pagpili nila. Nagbago ang puso ng Diyos ayon sa kanilang pag-uugali. Ano ang kundisyon ng pag-iisip ng Diyos noong mga sandaling iyon? Masasagot ng Bibliya ang tanong na iyan para sa iyo. Nakatala ang mga sumusunod na salita sa mga kasulatan: “At nakita ng Diyos ang kanilang mga gawa, na sila’y tumalikod sa kanilang masamang gawi; at binawi ng Diyos ang masama, na Kanyang sinabing Kanyang gagawin sa kanila; at hindi Niya ginawa.” Bagaman nagbago ang isip ng Diyos, walang anumang magulo sa kundisyon ng Kanyang kaisipan. Mula sa pagpapahayag ng Kanyang galit ay pinakalma lamang Niya ang Kanyang galit, at pagkatapos ay nagpasya na huwag nang dalhin ang malaking kapahamakan sa lungsod ng Ninive. Ang dahilan kung bakit napagpasyahan ito—ang iligtas ang mga taga-Ninive mula sa malaking kapahamakan—ng Diyos nang napakabilis ay napagmasdan ng Diyos ang puso ng bawat tao sa Ninive. Nakita Niya kung ano ang pinanghahawakan nila mula sa kalaliman ng kanilang mga puso: ang kanilang tapat na pangungumpisal at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, ang kanilang tapat na paniniwala sa Kanya, ang kanilang malalim na kabatiran kung paanong ang kanilang masasamang gawa ay lubos na nagpagalit sa Kanyang disposisyon, at ang naidulot na takot sa nalalapit na kaparusahan ng Diyos na si Jehova. At gayundin naman, narinig din ng Diyos na si Jehova ang kanilang mga panalangin mula sa kaibuturan ng kanilang mga puso na nagsusumamo sa Kanya na huwag nang magalit sa kanila upang makaiwas sila sa paparating na malaking kapahamakan. Nang mapansin ng Diyos ang lahat ng pangyayaring ito, unti-unting naglaho ang Kanyang galit. Kahit gaano kalaki ang Kanyang galit noon, nang makita Niya ang tapat na pagsisisi sa kaibuturan ng mga puso ng mga taong ito, nabagbag nito ang Kanyang puso, kaya’t hindi Niya makayang dalhin ang malaking kapahamakan sa kanila, at humupa na ang Kanyang galit sa kanila. Sa halip, patuloy Niyang pinalawig ang Kanyang awa at pagpapaubaya sa kanila at patuloy silang ginabayan at tinustusan.

Kung ang Paniniwala Mo sa Diyos ay Totoo, Madalas Mong Matatanggap ang Kanyang Pagkalinga

Ang pagbabago ng Diyos ng Kanyang mga intensyon sa mga mamamayan ng Ninive ay walang kasamang pag-aalinlangan o anumang hindi tiyak o malabo. Sa halip, isa itong pagbabago mula sa ganap na pagkagalit tungo sa ganap na pagpaparaya. Ito ay isang tunay na paghahayag ng diwa ng Diyos. Ang Diyos ay hindi kailanman nag-aalangan o nag-aatubili sa Kanyang mga kilos; ang mga prinsipyo at mga layunin sa likod ng Kanyang mga pagkilos ay malinaw at nakikita ng lahat, dalisay at walang kapintasan, lubos na walang mga daya o mga balakin na nakahalo sa loob. Sa madaling salita, walang nakahalong kadiliman o kasamaan sa diwa ng Diyos. Nagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive dahil ang kanilang masasamang gawa ay nakaabot na sa Kanyang paningin; noong panahong iyon, ang Kanyang galit ay nagmula sa Kanyang diwa. Ngunit, nang mawala na ang galit ng Diyos at minsan pa ay Kanyang ipinagkaloob ang pagpaparaya sa mga taga-Ninive, lahat ng Kanyang ipinahayag ay ang Kanya pa ring sariling diwa. Ang kabuuan ng pagbabagong ito ay dahil sa pagbabago sa saloobin ng tao tungo sa Diyos. Sa loob ng buong panahong ito, ang hindi nalalabag na disposisyon ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagparayang diwa ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagmahal at maawaing diwa ng Diyos ay hindi nagbago. Kapag nakagawa ng masasamang gawa ang mga tao at nagkasala sa Diyos, ipadadala Niya ang Kanyang galit sa kanila. Kapag tunay na nagsisi ang mga tao, magbabago ang puso ng Diyos, at huhupa ang Kanyang galit. Kapag nagpatuloy ang mga tao sa pagmamatigas na paglaban sa Diyos, ang Kanyang matinding galit ay hindi mapipigil; ang Kanyang poot ay unti-unting ididiin sa kanila hanggang sa sila ay mawasak. Ito ang diwa ng disposisyon ng Diyos. Nagpapahayag man ang Diyos ng poot o awa at mapagmahal na kabaitan, ang asal, pag-uugali at saloobin ng tao para sa Diyos na nagmumula sa kalaliman ng kanyang puso ang magdidikta ng kung ano ang ipinahahayag sa pamamagitan ng paghahayag ng disposisyon ng Diyos. Kung patuloy na isasailalim ng Diyos ang isang tao sa Kanyang galit, walang dudang kinakalaban ng puso ng taong ito ang Diyos. Dahil ang taong ito ay hindi kailanman tunay na nagsisi, hindi nagpakumbaba sa harap ng Diyos o nagtaglay ng tunay na paniniwala sa Diyos, hindi niya kailanman nakamit ang awa at pagpaparaya ng Diyos. Kapag ang isang tao ay madalas makatanggap ng pagkalinga ng Diyos, ng Kanyang awa, ng Kanyang pagpaparaya, walang dudang ang taong ito ay may tunay na paniniwala sa Diyos sa kanyang puso, at hindi kinakalaban ng kanyang puso ang Diyos. Madalas nagsisisi ang taong ito sa harap ng Diyos; samakatuwid, kahit na madalas bumababa sa taong ito ang pagdidisiplina ng Diyos, ang Kanyang poot ay hindi bababa.

Ang maikling kwentong ito ay nagpapahintulot sa mga tao na makita ang puso ng Diyos, makita ang pagiging totoo ng Kanyang diwa, makita na ang Kanyang galit at ang mga pagbabago sa Kanyang puso ay may dahilan. Sa kabila ng malinaw na pagkakaiba na ipinakita ng Diyos nang Siya ay puno ng poot at nang baguhin Niya ang Kanyang puso, bagay na nagpaniwala sa mga tao na parang may malaking puwang o pagkakaiba sa pagitan ng dalawang aspetong ito ng diwa ng Diyos—ang Kanyang galit at ang Kanyang pagpaparaya—ang saloobin ng Diyos tungo sa pagsisisi ng mga taga-Ninive ay muling nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na makita ang isa pang bahagi ng tunay na disposisyon ng Diyos. Ang pagbabago ng puso ng Diyos ay tunay na nagbibigay ng pagkakataon sa sangkatauhan na makitang muli ang pagiging totoo ng awa at mapagmahal na kabaitan ng Diyos at upang makita ang tunay na paghahayag ng diwa ng Diyos. Ngunit kailangan ng sangkatauhan na kilalanin na ang awa at mapagmahal na kabaitan ng Diyos ay hindi mga kathang-isip, ni mga gawa-gawa lamang. Ito ay dahil totoo ang nararamdaman ng Diyos sa pagkakataon na iyon, at ang pagbabago ng puso ng Diyos ay totoo—tunay nga na minsan pang ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan.

Ang Tunay na Pagsisisi sa Puso ng mga Taga-Ninive ang Nagdulot sa Kanila ng Awa ng Diyos at Nagpabago sa Kanilang Sariling Katapusan

Mayroon bang anumang salungatan sa pagitan ng pagbabago ng puso ng Diyos at Kanyang poot? Siyempre wala! Ito ay sapagkat may dahilan ang pagpaparaya ng Diyos noong pagkakataong iyon. Ano kaya ang dahilan na ito? Ito ay ang ibinigay sa Bibliya: “Bawat tao ay lumayo sa kanyang masamang gawi” at “iniwan ang karahasan sa kanyang mga kamay.”

Ang “masamang gawi” ay hindi tumutukoy sa isang dakot na masasamang gawa, kundi sa masamang bukal kung saan nagmumula ang pag-uugali ng mga tao. Ang “Ang paglayo sa masamang gawi ng isang tao” ay nangangahulugan na hindi na nila kailanman muling gagawin ang mga gawaing ito. Sa madaling salita, hindi na sila kailanman muling kikilos sa masamang paraang ito; ang paraan, pinagmulan, layunin, intensyon at prinsipyo ng kanilang mga pagkilos ay nagbagong lahat; hindi na nila kailanman muling gagamitin ang mga pamamaraan at mga prinsipyong ito upang magdulot ng kasiyahan at kaligayahan sa kanilang mga puso. Ang “iniwan” sa “iniwan ang karahasan sa mga kamay ng isang tao” ay nangangahulugan na binitawan o isinantabi, upang ganap na makawala sa nakaraan at hindi na kailanman muling balikan. Nang iwanan ng mga taga-Ninive ang karahasan sa kanilang mga kamay, pinatunayan at kinatawan nito ang tunay nilang pagsisisi. Pinagmamasdan ng Diyos ang panlabas na anyo ng mga tao, gayundin ang kanilang mga puso. Nang mapansin ng Diyos ang tunay na pagsisisi sa puso ng mga taga-Ninive nang walang pag-aalinlangan, at napansin din na tinalikdan na nila ang kanilang masasamang gawi at iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay, binago Niya ang Kanyang puso. Ibig sabihin, ang asal at pag-uugali ng mga taong ito at ang iba’t ibang pamamaraan ng kanilang paggawa ng mga bagay, gayundin ang kanilang tapat na pangungumpisal at pagsisisi sa mga kasalanan sa kanilang puso, ang dahilan kaya nagbago ang puso ng Diyos, nagbago ang Kanyang mga layunin, binawi ang Kanyang pasya at hindi na sila pinarusahan o nilipol man. Kaya nagkaroon ang mga taga-Ninive ng ibang katapusan. Nailigtas nila ang kanilang sariling mga buhay at natamo rin nila ang awa at pagpaparaya ng Diyos, kung saang punto binawi din ng Diyos ang Kanyang poot.

Ang Awa at Pagpaparaya ng Diyos ay Hindi Bihira—Ang Totoong Pagsisisi ng Tao ang Ganoon

Kahit gaano man kagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive, sa sandaling nagpahayag sila ng pag-aayuno at nagsuot ng magaspang na damit at naupo sa mga abo, unti-unting lumambot ang Kanyang puso, at nagsimulang magbago ang Kanyang isip. Nang sabihin Niyang wawasakin Niya ang kanilang lungsod—ang panahon bago ang kanilang pangungumpisal at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan—galit pa rin sa kanila ang Diyos. Sa sandaling nagsagawa sila ng serye ng mga gawain ng pagsisisi, unti-unting nagbago at napalitan ng awa at pagpaparaya ang galit ng Diyos sa mga taga-Ninive. Walang anumang magkasalungat sa magkaparehong paghahayag ng dalawang aspeto ng disposisyon ng Diyos sa magkaparehong pangyayari. Paano mauunawaan at malalaman ng isang tao ang ganitong kawalan ng pagkakasalungatan kung gayon? Magkasunod na ipinahayag ng Diyos ang magkabaligtad na bahaging ito ng mga diwa nang magsisi ang mga taga-Ninive, nagtutulot sa mga tao na makita ang pagiging totoo at hindi nalalabag na diwa ng Diyos. Ginamit ng Diyos ang Kanyang saloobin upang sabihin sa mga tao ang mga sumusunod: Hindi sa hindi nagpaparaya ang Diyos sa mga tao, o hindi Niya nais na maawa sa kanila; sa halip, ito ay dahil sa bihira silang magsisi nang tapat sa Diyos, at bihirang tunay na talikdan ang kanilang masasamang gawi at iwanan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling sabi, kapag nagagalit ang Diyos sa tao, umaasa Siya na makakaya ng tao na magsisi nang tapat, at umaasa Siya na makikita ang tunay na pagsisisi ng tao, kung saan ay, maluwag Niyang ipagpapatuloy na ipagkaloob ang Kanyang awa at pagpaparaya sa tao. Ibig sabihin nito na ang masamang pag-uugali ng tao ang nagdudulot ng poot ng Diyos, samantalang ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay ipagkakaloob sa mga nakikinig sa Diyos at tunay na nagsisisi sa harap Niya, sa mga makatatalikod sa kanilang masasamang gawi at maiiwan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Ang saloobin ng Diyos ay napakalinaw na ipinahayag sa Kanyang pakikitungo sa mga taga-Ninive: Ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay hindi lubhang mahirap na makamit at ang hinihingi Niya sa isang tao ay tunay na pagsisisi nito. Hangga’t ang mga tao ay tatalikod sa kanilang masasamang gawi at iiwan ang karahasan sa kanilang mga kamay, babaguhin ng Diyos ang Kanyang puso at ang Kanyang saloobin tungo sa kanila.

Ang Matuwid na Disposisyon ng Lumikha ay Tunay at Malinaw

Nang binago ng Diyos ang Kanyang puso para sa mga taga-Ninive, isang pagkukunwari lamang ba ang Kanyang awa at pagpaparaya? Siyempre hindi! Kung gayon, ano ang naipakita ng pagbabago sa pagitan ng dalawang aspetong ito ng disposisyon ng Diyos sa kurso ng pagharap ng Diyos sa isang sitwasyong ito? Ang disposisyon ng Diyos ay isang ganap na buo–hinding-hindi ito nahahati. Naghahayag man Siya ng galit o awa at pagpaparaya tungo sa mga tao, ang lahat naman ng ito ay pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos ay mahalaga at malinaw, at binabago Niya ang Kanyang isip at saloobin batay sa pag-unlad ng mga bagay-bagay. Ang pagbabago ng Kanyang saloobin tungo sa mga taga-Ninive ay nagsasabi sa sangkatauhan na mayroon Siyang sariling mga kaisipan at ideya; hindi Siya isang robot o luwad na rebulto, kundi ang buhay na Diyos Mismo. Maaari Siyang magalit sa mga mamamayan ng Ninive, kung paanong maaari rin Niyang patawarin ang kanilang mga nakaraan dahil sa kanilang mga pag-uugali. Maaari Siyang magpasya na magpadala ng kasawian sa mga taga-Ninive, at maaari rin Niyang baguhin ang Kanyang pagpapasya dahil sa kanilang pagsisisi. Gusto ng mga tao na mahigpit na maglapat ng mga alituntunin at gamitin ang mga ganoong alituntunin upang limitahan at bigyang-kahulugan ang Diyos, tulad ng kanilang pagnanais na gumamit ng mga pormula upang subukang unawain ang disposisyon ng Diyos. Samakatuwid, batay sa kayang abutin ng pag-iisip ng tao, ang Diyos ay hindi nag-iisip, ni wala Siyang anumang makabuluhang mga ideya. Ngunit sa realidad, ang mga kaisipan ng Diyos ay patuloy na nagbabago ayon sa mga pagbabago sa mga bagay-bagay at sa mga kapaligiran. Habang ang mga kaisipang ito ay nagbabago, nabubunyag ang iba’t ibang aspeto ng diwa ng Diyos. Sa prosesong ito ng pagbabago, sa mismong sandaling binabago ng Diyos ang Kanyang puso, ang totoong pag-iral ng Kanyang buhay ang ibinubunyag Niya sa sangkatauhan, at na ibinubunyag din Niya na ang Kanyang matuwid na disposisyon ay puno ng nagbabagong kasiglahan. Kasabay nito, ginagamit ng Diyos ang Kanyang sariling tunay na mga pagbubunyag upang patunayan sa sangkatauhan ang pagiging totoo ng pag-iral ng Kanyang poot, Kanyang awa, Kanyang mapagmahal na kabaitan at Kanyang pagpaparaya. Ang Kanyang diwa ay mabubunyag sa anumang oras at saan mang lugar alinsunod sa pag-unlad ng mga bagay-bagay. May angkin Siyang poot ng isang leon at pagkahabag at pagpaparaya ng isang ina. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay hindi nagpapahintulot ng pagdududa, paglabag, pagbabago, o pamamaluktot ng sinumang tao. Sa lahat ng usapin at mga bagay-bagay, ang matuwid na disposisyon ng Diyos–iyon ay, ang poot ng Diyos at awa ng Diyos–ay mabubunyag sa anumang oras at saan mang lugar. Nagbibigay Siya ng mahalagang pagpapahayag sa mga aspetong ito sa bawat sulok ng sangnilikha, at isinasakatuparan Niya ang mga iyon nang may sigla sa bawat paglipas ng sandali. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nalilimitahan ng panahon o lugar, o sa madaling salita, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi ipinapahayag na parang makina o ibinubunyag ayon sa idinidikta ng mga hangganan ng panahon o lugar, kundi sa halip, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay malayang naihahayag at nabubunyag sa lahat ng panahon at mga lugar. Kapag nakita mong binago ng Diyos ang Kanyang puso at huminto sa paghahayag ng Kanyang poot at tumigil sa pagwasak sa lungsod ng Ninive, masasabi mo ba na mahabagin at mapagmahal lamang ang Diyos? Masasabi mo ba na ang poot ng Diyos ay binubuo ng walang-saysay na mga salita? Kapag ipinadarama ng Diyos ang matinding poot at binabawi ang Kanyang awa, masasabi mo ba na hindi Siya nakadarama ng tunay na pagmamahal sa sangkatauhan? Inihahayag ng Diyos ang matinding poot na ito bilang tugon sa masasamang gawa ng mga tao; ang Kanyang poot ay walang kapintasan. Ang puso ng Diyos ay naaantig ng pagsisisi ng mga tao, at ang pagsisising ito ang siyang nagdudulot ng pagbabago sa Kanyang puso. Kapag naaantig Siya, kapag may pagbabago sa Kanyang puso, at kapag nagpapakita Siya ng awa at pagpaparaya sa tao, ang lahat ng ito ay lubos na walang kapintasan; ang mga iyon ay malinis, dalisay, walang-dungis at walang-halo. Ang pagpaparaya ng Diyos ay talagang: pagpaparaya, gaya ng ang Kanyang awa ay walang-iba kundi awa. Ibinubunyag ng Kanyang disposisyon ang poot o awa at pagpaparaya at ang mga pagkakaiba-iba sa pag-uugali ng tao. Kahit ano man ang Kanyang ibunyag at ipahayag, lahat ng ito ay dalisay at tuwiran; ang diwa nito ay iba mula roon sa anumang nilikha. Kapag ipinahahayag ng Diyos ang mga prinsipyo sa likod ng Kanyang mga pagkilos, malaya ang mga ito sa anumang kapintasan o dungis, at gayundin ang Kanyang kaisipan, mga ideya, at bawat isang pagpapasya Niya at kilos na isinasagawa Niya. Dahil sa nakapagpasya na nang gayon ang Diyos at nakakilos na Siya nang gayon, gayon Niya rin tinatapos ang Kanyang mga sinimulan. Ang resulta ng Kanyang mga ginawa ay tama at tiyak na walang pagkakamali sapagkat ang pinagmulan ng mga iyon ay walang-kapintasan at walang-dungis. Ang poot ng Diyos ay walang-kapintasan. Gayundin, ang awa at pagpaparaya ng Diyos—na hindi taglay ng anumang nilalang—ay banal at walang-kapintasan, at kayang tagalan ang maingat na paglilimi at karanasan.

Sa pamamagitan ng pagkakaunawa ninyo sa kuwento ng Ninive, nakikita na ba ninyo ang kabilang panig ng diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Nakikita ba ninyo ang kabilang panig ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos? Mayroon bang sinuman sa sangkatauhan na nagtataglay ng ganitong uri ng disposisyon? Mayroon bang sinuman na nagtataglay ng ganitong uri ng poot, ang poot ng Diyos? Mayroon bang sinuman na nagtataglay ng awa at pagpaparaya na tulad ng sa Diyos? Sino sa mga sangnilikha ang makatatawag ng gayon katinding poot at makapagpapasya na wasakin o padalhan ng kalamidad ang sangkatauhan? At sino ang karapat-dapat na magkaloob ng awa sa tao, na magparaya at magpatawad, at sa gayon ay baguhin ang naunang pasya na wasakin ang tao? Ipinahahayag ng Lumikha ang Kanyang matuwid na disposisyon sa pamamagitan ng Kanyang sariling natatanging mga pamamaraan at prinsipyo, at hindi Siya nagpapasailalim sa kontrol o mga pagbabawal ng sinumang tao, alinmang mga pangyayari o bagay-bagay. Sa Kanyang walang katulad na disposisyon, walang sinuman ang nakapagpapabago sa Kanyang kaisipan at mga ideya, ni walang sinuman ang nakahihimok sa Kanya at nakapagpapabago ng alinman sa Kanyang mga pagpapasya. Ang kabuuan ng asal at mga kaisipan na umiiral sa lahat ng sangnilikha ay umiiral sa ilalim ng paghatol ng Kanyang matuwid na disposisyon. Walang sinumang makapipigil sa Kanyang pagkapoot o pagkaawa; tanging ang diwa lamang ng Lumikha—o sa madaling salita, ang matuwid na disposisyon ng Lumikha—ang nakapagpapasya rito. Ito ang natatanging kalikasan ng matuwid na disposisyon ng Lumikha!

Sa pamamagitan ng pagsusuri at pag-unawa sa pagbabago ng saloobin ng Diyos sa mga taga-Ninive, nagagamit mo na ba ang salitang “natatangi” upang ilarawan ang awa na matatagpuan sa matuwid na disposisyon ng Diyos? Nauna na nating sinabi na ang poot ng Diyos ay isang aspeto ng diwa ng Kanyang natatanging matuwid na disposisyon. Bibigyang-kahulugan Ko ngayon ang dalawang aspeto—ang poot ng Diyos at ang awa ng Diyos—bilang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay banal; ito ay hindi nagpapalampas ng paglabag o pagdududa; ito ay isang bagay na hindi taglay ng sinuman sa mga nilalang o hindi-nilalang. Ito ay kapwa natatangi at para lamang sa Diyos. Sinasabi nito na ang poot ng Diyos ay banal at hindi nalalabag. Sa ganito ring paraan, ang isa pang aspeto ng matuwid na disposisyon ng Diyos—ang awa ng Diyos—ay banal at hindi nalalabag. Walang sinuman sa mga nilikha o hindi-nilikha ang makapapalit o kayang kumatawan sa Diyos sa Kanyang mga pagkilos, ni makapapalit o kayang kumatawan sa Kanya sa pagwasak sa Sodoma o sa pagliligtas sa Ninive. Ito ang tunay na pagpapahayag ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos.

Ang Tapat na Damdamin ng Lumikha Tungo sa Sangkatauhan

Madalas na sinasabi ng mga tao na hindi madaling bagay ang makilala ang Diyos. Ngunit sinasabi Ko na ang pagkilala sa Diyos ay hindi talaga isang mahirap na bagay, sapagkat madalas na ipinapakita ng Diyos sa tao ang Kanyang mga gawa. Hindi kailanman itinigil ng Diyos ang Kanyang pakikipag-usap sa sangkatauhan, at hindi Niya kailanman ikinubli, ni itinago ang sarili Niya mula sa tao. Ang Kanyang mga kaisipan, ang Kanyang mga ideya, ang Kanyang mga salita at ang Kanyang mga gawa ay ibinubunyag na lahat sa sangkatauhan. Samakatuwid, hangga’t nais ng tao na kilalanin ang Diyos, maaari niyang unawain at kilalanin Siya sa pamamagitan ng lahat ng uri ng mga paraan at pamamaraan. Ang dahilan kung bakit bulag na iniisip ng tao na sinasadyang iwasan siya ng Diyos, na sinasadyang itago ng Diyos ang Kanyang sarili mula sa sangkatauhan, na ang Diyos ay walang intensyon na pahintulutan ang tao na unawain at kilalanin Siya, ay dahil hindi niya alam kung sino ang Diyos at ni hindi niya ninanais na maunawaan ang Diyos. Lalong higit pa riyan, walang pakialam ang tao sa mga kaisipan, mga salita o mga gawa ng Lumikha…. Sa totoo lang, kung ginagamit lamang ng isang tao ang kanyang bakanteng oras upang pagtuunan ng pansin at unawain ang mga salita o gawa ng Lumikha, at kung magbibigay siya ng kaunti man lang na pansin sa mga kaisipan ng Lumikha at sa tinig ng Kanyang puso, hindi magiging mahirap para sa taong iyon na mapagtanto na nakikita at malinaw ang mga kaisipan, mga salita at mga gawa ng Lumikha. Gayundin, kakailanganin ang kaunting pagsisikap upang mapagtanto na ang Lumikha ay kasama ng tao sa lahat ng pagkakataon, na lagi Siyang nakikipag-usap sa tao at sa kabuuan ng sangnilikha, at gumagawa Siya ng mga bagong gawa sa araw-araw. Ang Kanyang diwa at disposisyon ay ipinahahayag sa Kanyang pakikipag-usap sa tao; ang Kanyang mga kaisipan at mga ideya ay ganap na ibinubunyag sa Kanyang mga gawa; Sinasamahan Niya at inoobserbahan ang sangkatauhan sa lahat ng pagkakataon. Tahimik Siyang nakikipag-usap sa sangkatauhan at sa buong sangnilikha sa Kanyang tahimik na mga salita: Ako ay nasa kalangitan, at Ako ay kasama ng Aking sangnilikha. Ako ay patuloy na nagmamasid; Ako ay naghihintay; Ako ay nasa iyong tabi…. Ang Kanyang mga kamay ay mainit-init at malakas; ang Kanyang mga yapak ay magaan; ang Kanyang tinig ay mahina at kaaya-aya; ang Kanyang anyo ay pabalik-balik, niyayakap ang buong sangkatauhan; ang Kanyang mukha ay maganda at magiliw. Hindi Siya kailanman lumisan, ni naglaho man. Araw at gabi, Siya ang palaging kasama ng sangkatauhan, hindi umaalis sa kanilang tabi kailanman. Ang Kanyang matapat na pag-iingat at natatanging pagmamahal sa sangkatauhan, gayon din ang Kanyang tunay na pagmamalasakit at pag-ibig sa tao, ay unti-unting naipakita nang iligtas Niya ang lungsod ng Ninive. Sa partikular, ang palitan sa pagitan ng Diyos na si Jehova at ni Jonas ay inilantad nang ganap ang kabaitan ng Lumikha sa sangkatauhan na Siya Mismo ang lumikha. Sa pamamagitan ng mga salitang iyon, makakamit mo ang malalim na pagkaunawa sa tapat na damdamin ng Diyos para sa sangkatauhan …

Ang sumusunod na talata ay nakatala sa Aklat ni Jonas 4:10–11: “At sinabi ni Jehova, ‘Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga Ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawampung libong katao na hindi marunong makakilala ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?’” Ang mga ito ang aktwal na sinabi ng Diyos na si Jehova, naitala mula sa pag-uusap sa pagitan ng Diyos at ni Jonas. Bagaman ang pag-uusap na ito ay maigsi lamang, ito ay puno ng pagkalinga ng Lumikha sa sangkatauhan at ng Kanyang pag-aatubili na bitiwan ang sangkatauhan. Ang mga salitang ito ay nagpapahayag ng tunay na saloobin at mga nararamdaman ng Diyos sa Kanyang puso para sa Kanyang sangnilikha. Sa pamamagitan ng mga salitang ito na malinaw at tiyak, na ang katulad ay madalang marinig ng tao, ay inilalahad ng Diyos ang Kanyang tunay na mga layunin para sa sangkatauhan. Ang palitan na ito ay kumakatawan sa saloobin na taglay ng Diyos sa mga mamamayan ng Ninive—ngunit anong uri ng saloobin ito? Ito ang saloobin na Kanyang taglay sa mga taga-Ninive bago at pagkatapos ng kanilang pagsisisi at ang saloobin na ipinakitungo Niya sa sangkatauhan. Nasa loob ng mga salitang ito ang Kanyang mga kaisipan at Kanyang disposisyon.

Anong mga kaisipan ng Diyos ang ibinubunyag sa mga salitang ito? Kung magtutuon ka sa mga detalye habang nagbabasa, hindi magiging mahirap para sa iyo na mapansin na ginagamit Niya ang salitang “awa”; ang paggamit ng salitang ito ay nagpapakita ng tunay na saloobin ng Diyos tungo sa sangkatauhan.

Sa lebel ng literal na kahulugan, maaaring bigyang-kahulugan ng mga tao ang salitang “awa” sa iba’t ibang paraan: Una, nangangahulugan itong “mahalin at ingatan, ang makadama ng kabaitan sa isang bagay”; pangalawa, nangangahulugan itong “magmahal nang buong giliw”; at panghuli, nangangahulugan itong “pagiging hindi handang makasakit at kawalan ng kakayahang tiisin na gawin ito.” Sa madaling sabi, nagpapahiwatig ang salitang ito ng magiliw na pagmamahal at pag-ibig, gayundin ang hindi pagiging handa na isuko ang isang tao o isang bagay; nagpapahiwatig ito ng awa at pagpaparaya ng Diyos sa tao. Ginamit ng Diyos ang salitang ito, na isang salitang karaniwang binibigkas ng mga tao, ngunit nagagawa rin nitong ilantad ang tinig ng puso ng Diyos at ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan.

Kahit na ang lungsod ng Ninive ay puno ng mga taong tiwali, masama at marahas katulad ng sa Sodoma, ang kanilang pagsisisi ang nagdulot sa Diyos na baguhin ang Kanyang puso at magpasya na hindi na sila wasakin. Dahil ang kanilang pagtugon sa mga salita at tagubilin ng Diyos ay nagpakita ng saloobing malinaw na kabaligtaran ng sa mga mamamayan ng Sodoma, at dahil sa kanilang tapat na pagpapasakop sa Diyos at tapat na pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, gayon din sa kanilang tunay at matapat na pag-uugali sa lahat ng pagkakataon, minsan pa ay ipinakita ng Diyos ang Kanyang taos-pusong awa at ipinagkaloob ito sa kanila. Ang ipinagkakaloob ng Diyos at ang Kanyang pagkahabag sa sangkatauhan ay imposibleng magaya ninuman, at imposibleng taglayin ng sinumang tao ang awa o pagpaparaya ng Diyos, maging ang Kanyang tapat na damdamin sa sangkatauhan. Mayroon bang sinuman na ipinapalagay mong dakilang lalaki o babae, o maging isang makapangyarihang tao, na mula sa isang mataas na kinalalagyan ay nagsasalita bilang isang dakilang lalaki o babae, o sa pinakamataas na kalagayan ay makapangungusap ng ganitong uri ng pahayag sa sangkatauhan o sa sangnilikha? Sino sa sangkatauhan ang makaaalam ng kalagayan ng buhay ng tao na tulad ng palad ng kanilang mga kamay? Sino ang makapagdadala ng pasanin at pananagutan para sa pag-iral ng sangkatauhan? Sino ang nararapat magproklama ng pagkawasak ng isang lungsod? At sino ang nararapat magpatawad sa isang lungsod? Sino ang makapagsasabi na minamahal nila ang kanilang sariling nilikha? Tanging ang Lumikha! Tanging ang Lumikha ang may paggiliw sa sangkatauhang ito. Tanging ang Lumikha ang nagpapakita ng pagkahabag at pagmamahal sa sangkatauhang ito. Tanging ang Lumikha ang may tunay at hindi napapatid na pagmamahal para sa sangkatauhang ito. Gayundin, tanging ang Lumikha ang makapagkakaloob ng awa sa sangkatauhang ito at nagpapahalaga sa Kanyang buong sangnilikha. Lumulundag at sumasakit ang Kanyang puso sa bawat isa sa mga kilos ng tao: Siya ay nagagalit, nababalisa, at nagdadalamhati sa kasamaan at katiwalian ng tao. Siya ay nalulugod, nagagalak, nagpapatawad at nagsasaya sa pagsisisi at paniniwala ng tao; ang bawat isa sa Kanyang mga kaisipan at mga ideya ay umiiral para at umiikot sa sangkatauhan; kung ano Siya at kung anong mayroon Siya ay lubos na ipinahahayag para sa kapakanan ng sangkatauhan; ang kabuuan ng Kanyang mga damdamin ay nakaugnay sa pag-iral ng sangkatauhan. Para sa kapakanan ng sangkatauhan, naglalakbay Siya at nagmamadali; tahimik Niyang ibinibigay ang bawat himaymay ng Kanyang buhay; iniaalay Niya ang bawat minuto at segundo ng Kanyang buhay…. Hindi Niya kailanman nalaman kung paano kaawaan ang Kanyang sariling buhay, ngunit lagi Niyang pinahahalagahan ang sangkatauhan na Siya Mismo ang lumikha…. Ibinibigay Niya ang lahat ng mayroon Siya para sa sangkatauhang ito…. Iginagawad Niya ang Kanyang awa at pagpaparaya nang walang kondisyon at walang inaasahang kapalit. Ginagawa lamang Niya ito upang patuloy na manatili ang sangkatauhan sa Kanyang harapan, na tinatanggap ang Kanyang bigay na buhay; ginagawa lamang Niya ito upang balang araw ay magpasakop sa Kanya ang sangkatauhan at kilalanin na Siya ang nag-aalaga sa pag-iral ng tao at nagbibigay ng buhay ng buong sangnilikha.

Ipinahahayag ng Lumikha ang Kanyang Tunay na Damdamin Para sa Sangkatauhan

Ang pag-uusap na ito sa pagitan ng Diyos na si Jehova at ni Jonas ay walang duda na isang pagpapahayag ng tunay na damdamin ng Lumikha para sa sangkatauhan. Sa isang banda, ipinaaalam nito sa mga tao ang tungkol sa pag-unawa ng Lumikha sa buong sangnilikha sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan; tulad ng sinabi ng Diyos na si Jehova, “At hindi baga Ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawampung libong katao na hindi marunong makakilala ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?” Sa madaling salita, ang pag-unawa ng Diyos sa Ninive ay hindi madalian lamang. Hindi lamang ang bilang ng mga nabubuhay sa loob ng lungsod (kasama na ang mga tao at mga hayop) ang alam Niya, alam din Niya kung ilan ang hindi matukoy kung alin ang kanilang kanan at kaliwang kamay—iyon ay, kung ilang mga bata at kabataan ang naroroon. Ito ay isang tiyak na patunay ng lubos na pagkaunawa ng Diyos sa sangkatauhan. Sa kabilang banda, ipinaaalam ng pag-uusap na ito sa mga tao ang tungkol sa saloobin ng Lumikha para sa sangkatauhan, ibig sabihin, ang timbang ng sangkatauhan sa puso ng Lumikha. Katulad lamang ito ng sinabi ng Diyos na si Jehova: “Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga Ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon…?” Ito ang mga salita ng pagsaway ng Diyos na si Jehova kay Jonas, ngunit lahat ng iyon ay totoo.

Bagaman ipinagkatiwala kay Jonas ang pagpapahayag ng salita ng Diyos na si Jehova sa mga taga-Ninive, hindi niya naunawaan ang mga layunin ng Diyos na si Jehova, ni naunawaan ang Kanyang mga pag-aalala at mga inaasahan para sa mga mamamayan ng lungsod. Sa pamamagitan ng mahigpit na pangangaral na ito, nais ng Diyos na sabihin sa kanya na ang sangkatauhan ay produkto ng sariling mga kamay ng Diyos, at ang Diyos ay naglaan ng maingat na paggawa sa bawat isang tao, na nasa balikat ng bawat isang tao ang mga inaasahan ng Diyos, at na tinamasa ng bawat isang tao ang panustos ng buhay ng Diyos; para sa bawat isang tao, binayaran ng Diyos ang halaga ng maingat na paggawa. Ang mahigpit na pangangaral na ito ay nagsabi rin kay Jonas na pinahahalagahan ng Diyos ang sangkatauhan, na gawa ng Kanyang sariling mga kamay, tulad din ng pagpapahalaga ni Jonas sa kikayon. Hinding-hindi sila iiwanan ng Diyos nang gayon-gayon lamang, o sa huling posibleng sandali; lalo na’t napakaraming bata at mga inosenteng hayop sa loob ng lungsod. Kapag nakikitungo sa mga bata at inosenteng produktong ito ng paglikha ng Diyos, na hindi man lamang matukoy ang kaibahan ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa, lalong hindi malubos maisip na tatapusin ng Diyos ang kanilang buhay at pagpapasyahan ang kanilang kalalabasan sa gayong madaliang paraan. Umasa ang Diyos na makita silang lumaki; umasa Siya na hindi sila lalakad sa parehong landas na nilakaran ng kanilang mga nakatatanda, na hindi na nila kakailanganin pang muling marinig ang babala ng Diyos na si Jehova, at na magbibigay sila ng patotoo tungkol sa nakaraan ng Ninive. Lalong higit pa rito, umasa ang Diyos na makita ang Ninive pagkatapos nitong magsisi, na makita ang hinaharap ng Ninive kasunod ng pagsisisi nito, at higit na mahalaga, na makita ang Ninive na muling namumuhay sa ilalim ng awa ng Diyos. Samakatuwid, sa mata ng Diyos, ang mga nilikhang ito na hindi matukoy ang kaibahan ng kanilang kanan sa kaliwang kamay ay ang kinabukasan ng Ninive. Sila ang babalikat sa kasuklam-suklam na nakaraan ng Ninive, tulad ng kanilang pagbalikat sa mahalagang tungkulin ng pagpapatotoo sa kapwa nakaraan at hinaharap ng Ninive sa ilalim ng paggabay ng Diyos na si Jehova. Sa pahayag na ito ng Kanyang tunay na damdamin, iniharap ng Diyos na si Jehova ang awa ng Lumikha para sa sangkatauhan sa kabuuan nito. Ipinakita nito sa sangkatauhan na ang “awa ng Lumikha” ay hindi isang walang-laman na parirala, ni isang hungkag na pangako; mayroon itong tiyak na mga prinsipyo, pamamaraan at layon. Ang Diyos ay tunay at totoo, at hindi Siya gumagamit ng mga kasinungalingan o pagpapanggap, at sa parehong paraang ito, ang Kanyang awa ay walang hanggang ipinagkakaloob sa buong sangkatauhan sa bawat oras at kapanahunan. Gayunpaman, hanggang sa mismong araw na ito, ang pakikipagpalitang ito ng Lumikha kay Jonas ay ang nag-iisa at natatanging pahayag Niya kung bakit Siya nagpapakita ng awa sa sangkatauhan, kung paano Siya nagpapakita ng awa sa sangkatauhan, kung gaano Siya nagpaparaya sa sangkatauhan at ang Kanyang tunay na damdamin para sa sangkatauhan. Ang maikli at malinaw na pananalita ng Diyos na si Jehova sa pakikipag-usap na ito ay nagpapahayag ng Kanyang saloobin tungo sa sangkatauhan bilang isang kabuuan; ang mga ito ay isang tunay na pagpapahayag ng saloobin ng Kanyang puso tungo sa sangkatauhan; at ang mga ito rin ay matibay na patunay ng Kanyang pagkakaloob ng masaganang awa sa sangkatauhan. Ang Kanyang awa ay hindi lamang ipinagkakaloob sa nakatatandang mga henerasyon ng sangkatauhan, kundi ay ipinagkakaloob din sa mga nakababatang miyembro ng sangkatauhan, kung paano ito mula pa man noon, mula sa isang henerasyon hanggang sa susunod. Bagaman ang poot ng Diyos ay madalas na bumabagsak sa ilang partikular na lugar at ilang partikular na panahon ng sangkatauhan, ang awa ng Diyos ay hindi kailanman tumigil. Sa Kanyang awa, ginagabayan at pinangungunahan Niya ang magkakasunod na henerasyon ng Kanyang mga nilikha, at tinutustusan at pinangangalagaan ang mga ito, sapagkat ang Kanyang tunay na damdamin tungo sa sangkatauhan ay hindi kailanman magbabago. Tulad ng sinabi ng Diyos na si Jehova: “At hindi baga Ako manghihinayang…?” Lagi Niyang pinahahalagahan ang Kanyang sariling sangnilikha. Ito ang awa ng matuwid na disposisyon ng Lumikha, at ito rin ang ganap na pagiging natatangi ng Lumikha!

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger