Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Ang Matuwid na Disposisyon ng Diyos (Unang Bahagi)

Ngayong narinig na ninyo ang nakaraang pagbabahagi tungkol sa awtoridad ng Diyos, nakatitiyak Ako na nagtataglay na kayo ng sapat na mga salita tungkol sa bagay na ito. Ang lahat ng inyong kayang matanggap, mapanghawakan, at maunawaan ay batay sa pagsisikap na ibubuhos ninyo rito. Umaasa Ako na buong sikap ninyong haharapin ang bagay na ito; hindi ninyo ito dapat tinatalakay nang hindi buo ang inyong puso! Ngayon, ang pagkilala ba sa awtoridad ng Diyos ay katumbas ng pagkilala sa kabuuan ng Diyos? Maaaring sabihin ng isang tao na ang pagkakakilala sa awtoridad ng Diyos ay ang simula ng pagkakakilala sa Diyos Mismo, ang natatangi, at maaari ring sabihin ng isang tao na ang pagkakakilala sa awtoridad ng Diyos ay nangangahulugang nakalagpas na ang isang tao sa pintuan ng pagkakakilala sa diwa ng Diyos Mismo, ang natatangi. Ang pagkaunawang ito ay isang bahagi ng pagkakakilala sa Diyos. Ano ang kabilang bahagi, kung gayon? Ito ang paksa na nais Kong ibahagi ngayon—ang matuwid na disposisyon ng Diyos.

Pumili Ako ng dalawang bahagi mula sa Bibliya para sa pagbabahagi tungkol sa paksa ngayon: Ang una ay tungkol sa pagwasak ng Diyos sa Sodoma, na matatagpuan sa Genesis 19:1–11 at sa Genesis 19:24–25; ang pangalawa ay tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa Ninive, na matatagpuan sa Jonas 1:1–2, bilang karagdagan sa pangatlo at pang-apat na mga kabanata sa aklat ding ito. Ipinalalagay Ko na naghihintay na kayong lahat na marinig ang Aking sasabihin tungkol sa dalawang bahaging ito. Natural lamang na ang Aking sasabihin ay hindi dapat lumabas sa saklaw ng pagkakakilala sa Diyos Mismo at pagkakakilala sa Kanyang diwa, ngunit ano ang pagtutuunan ng pagbabahagi ngayon? May nakakaalam ba sa inyo? Aling mga bahagi ng Aking pagbabahagi tungkol sa awtoridad ng Diyos ang nakapukaw ng inyong pansin? Bakit Ko sinabi na ang Siyang tanging nagtataglay ng ganitong awtoridad at kapangyarihan ay ang Diyos Mismo? Ano ang ninais Kong ipaliwanag sa pagsasabi nito? Ano ang ninais Kong matutunan ninyo mula rito? Ang awtoridad at kapangyarihan ba ng Diyos ay isang bahagi kung paano ipinahahayag ang Kanyang diwa? Bahagi ba ang mga ito ng Kanyang diwa, na nagpapatunay ng Kanyang pagkakakilanlan at katayuan? Mula sa mga katanungang ito, natutukoy ba ninyo ang nais Kong sabihin? Ano ang nais Kong maunawaan ninyo? Pag-isipan ito nang mabuti.

Dahil sa Mapagmatigas na Paglaban sa Diyos, ang Tao ay Winasak ng Poot ng Diyos

Una, tingnan natin ang ilang sipi sa kasulatan na naglalarawan sa pagwasak ng Diyos sa Sodoma.

Genesis 19:1–11 At nagsidating ang dalawang anghel sa Sodoma, nang nagtatakip silim; at si Lot ay nakaupo sa pintuang-bayan ng Sodoma: at sila’y nakita ni Lot, at tumindig siya upang salubungin sila; at iniyukod ang mukha paharap sa lupa; At sinabi niya, “Ngayon nga mga panginoon ko, ipinamamanhik ko sa inyo na kayo’y magsipasok sa bahay ng inyong lingkod, at kayo’y manatili sa buong magdamag, at maghugas ng inyong mga paa, at magsipagbangon kayo nang madaling-araw at magpatuloy sa inyong lakad.” At kanilang sinabi, “Hindi; sa lansangan na lamang kami mananahan sa buong magdamag.” At kanyang pinakapilit sila; at sila’y nagsipayag, at nagsipasok sa kanyang bahay; at sila’y kanyang ipinaghanda ng piging, at ipinagluto ng mga tinapay na walang lebadura, at nagsikain. Datapuwat bago sila nagsihiga, ang bahay ay pinalibutan ng mga tao sa bayan, maging ng mga tao sa Sodoma, kapwa bata at matanda, at lahat ng tao sa buong palibot: At kanilang tinawagan si Lot, at sinabi sa kanya, “Saan naroon ang mga lalaking dumating sa iyo ng gabing ito? Ilabas mo sila sa amin upang kilalanin namin sila.” At nilabas sila ni Lot sa pintuan, at isinara ang pinto sa likuran niya. At sinabi niya, “Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid ko, na huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan. Narito, ngayon, may dalawa akong anak na babae, na hindi nakakilala ng lalake; ipinamamanhik ko sa inyo, na sila’y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang mabuti sa inyong paningin: huwag lamang ninyong gawan ng anuman ang mga lalaking ito; yamang sila’y nasa silong ng aking bubungan.” At sinabi nila, “Umurong ka!” At sinabi pa nila, “Ang taong ito’y naparito upang makipamayan, at ibig niyang maging hukom: ngayon nga’y gagawan ka namin ng lalong masama kaysa kanila.” At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan. Datapuwat iniunat ng mga lalake ang kanilang kamay at binatak si Lot sa loob ng bahay at kanilang sinarhan ang pintuan. At ang mga taong nangasa pintuan ng bahay ay mga pinagbulag nila, ang munti’t malaki: ano pa’t sila’y nangayamot sa paghahanap ng pintuan.

Genesis 19:24–25 Nang magkagayo’y nagpaulan si Jehova sa Sodoma at Gomorra ng asupre at apoy mula kay Jehova na buhat sa langit; at ginunaw Niya ang mga bayang yaon, at ang buong kapatagan at ang lahat ng nananahan sa mga bayang yaon, at ang tumutubo sa lupang yaon.

Mula sa mga siping ito, hindi mahirap makita na ang kasamaan at katiwalian ng Sodoma ay umabot na sa antas na kamuhi-muhi kapwa sa tao at sa Diyos, at na sa mga mata ng Diyos, nararapat lamang na wasakin ang lungsod. Ngunit ano ang nangyari sa loob ng lungsod, bago ito nawasak? Anong inspirasyon ang maaaring makuha ng mga tao mula sa mga pangyayaring ito? Anong tungkol sa disposisyon ng Diyos ang ipinapakita sa mga tao ng Kanyang saloobin sa mga pangyayaring ito? Upang maunawaan ang buong kuwento, basahin nating mabuti ang nakatala sa Kasulatan …

Katiwalian ng Sodoma: Ikinagagalit ng Tao, Ikinapopoot ng Diyos

Nang gabing iyon, tinanggap ni Lot ang dalawang sugo mula sa Diyos at ipinaghanda sila ng maraming makakain. Pagkatapos maghapunan, bago sila mahiga, pinalibutan ng mga tao mula sa buong lungsod ang tirahan ni Lot at tinawag nang pasigaw si Lot. Nakatala sa Kasulatan na sinabi nilang, “Saan naroon ang mga lalaking dumating sa iyo ng gabing ito? Ilabas mo sila sa amin upang kilalanin namin sila.” Sino ang nagsabi ng mga salitang ito? Kanino nila sinabi ang mga ito? Ito ang sinabi ng mga mamamayan ng Sodoma, na isinigaw sa labas ng bahay ni Lot, upang marinig ni Lot. Ano kaya ang pakiramdam kapag naririnig ang ganitong mga salita? Nagagalit ka ba? Nakasusuya ba ang mga salitang ito para sa iyo? Nag-iinit ba ang dugo mo sa poot? Hindi ba umaalingasaw si Satanas sa mga salitang ito? Sa pamamagitan ng mga ito, nararamdaman mo ba ang kasamaan at kadiliman sa lungsod na ito? Sa kanilang mga salita, nararamdaman mo ba ang kalupitan at kabangisan sa pag-uugali ng mga taong ito? Nararamdaman mo ba sa kanilang ikinikilos ang lalim ng kanilang katiwalian? Sa pamamagitan ng nilalaman ng kanilang pananalita, hindi mahirap makita na ang kanilang masamang kalikasan at malupit na disposisyon ay nakaabot na sa antas na wala na sa kanilang kontrol. Maliban kay Lot, lahat ng tao sa lungsod na ito ay walang pinagkaiba kay Satanas; ang makita lamang ang isa pang tao ay nag-uudyok na sa kanila na saktan at lipulin ito…. Hindi lamang ipinararamdam ng mga bagay na ito sa isang tao ang malagim at nakakikilabot na kalikasan ng lungsod, at pati na rin ang anino ng kamatayan sa paligid nito, ipinadarama rin ng mga ito sa isang tao ang kasamaan at kalupitan nito.

Nang matagpuan niya ang kanyang sarili na kaharap ang isang grupo ng mga walang awang masasamang-loob, mga taong punong-puno ng mabangis na pagnanasang lipulin ang mga kaluluwa ng tao, paano tumugon si Lot? Ayon sa Kasulatan: “Ipinamamanhik ko sa inyo, huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan. Narito, ngayon, may dalawa akong anak na babae, na hindi nakakilala ng lalake; ipinamamanhik ko sa inyo, na sila’y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang mabuti sa inyong paningin: huwag lamang ninyong gawan ng anuman ang mga lalaking ito; yamang sila’y nangasa silong ng aking bubungan.” Ito ang ibig sabihin ni Lot sa kanyang mga salitang binitiwan: Handa siyang ibigay ang kanyang dalawang anak na babae sa mga tao upang pangalagaan ang mga sugo. Batay sa anumang makatwirang kalkulasyon, dapat sana’y pumayag na ang mga taong ito sa mga kundisyon ni Lot at nilubayan na ang dalawang sugo, lalo pa nga’t hindi naman nila kilala ang mga ito, mga taong walang kinalaman sa kanila at hindi kailanman nakasira ng kanilang interes. Ngunit dahil sa udyok ng kanilang masamang kalikasan, hindi nila nilubayan ang bagay na ito. Sa halip, mas nagpunyagi pa sila. Dito, ang isa pa sa kanilang mga pagpapalitan ay tiyak na higit na makapagbibigay-linaw sa mga tao tungkol sa tunay at malupit na kalikasan ng mga taong ito, habang tinutulutan din nito ang mga tao na maunawaan at maintindihan ang dahilan kung bakit ninais ng Diyos na wasakin ang lungsod na ito.

Kaya ano ang sumunod nilang sinabi? Ang sabi sa Bibliya: “‘Umurong ka!’ At sinabi pa nila, ‘Ang taong ito’y naparito upang makipamayan, at ibig niyang maging hukom: ngayon nga’y gagawan ka namin ng lalong masama kaysa kanila.’ At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan.” Bakit ninais nilang sirain ang pinto ni Lot? Ang dahilan ay nasasabik na silang saktan ang dalawang sugong iyon. Ano ang nagdala sa mga sugong ito sa Sodoma? Ang layunin nila sa pagpunta roon ay sagipin si Lot at ang kanyang pamilya, ngunit nagkamali ang mga taga-lungsod sa pag-aakalang dumating ang mga ito upang gumanap ng mga opisyal na tungkulin. Nang hindi tinatanong ang pakay ng mga sugo, ibinatay ng mga tao ang kanilang pagnanasang pagmalupitan ang dalawang sugong ito sa haka-haka lamang; ninais nilang saktan ang dalawang tao na wala namang kinalaman sa kanila. Maliwanag na nawala na nang lubusan ng mga mamamayan ng lungsod na ito ang kanilang pagkatao at katwiran. Ang antas ng kanilang kabaliwan at kabangisan ay wala nang ipinagkaiba sa malupit na kalikasan ni Satanas na nananakit at lumilipol sa mga tao.

Nang igiit nila kay Lot na ibigay ang mga taong ito, ano ang ginawa ni Lot? Mula sa mga teksto, alam nating hindi sila ibinigay ni Lot. Kilala ba ni Lot ang dalawang sugong ito ng Diyos? Siyempre hindi! Ngunit bakit niya nagawang iligtas ang dalawang taong ito? Alam ba niya kung ano ang kanilang gagawin sa kanilang pagdating? Bagama’t hindi niya alam ang dahilan ng kanilang pagdating, alam niya na sila ay mga lingkod ng Diyos, kaya tinanggap niya sila sa kanyang tahanan. Ang kanyang pagtawag sa mga lingkod ng Diyos gamit ang titulong “panginoon” ay nagpapakita na si Lot ay isa talagang tagasunod ng Diyos, hindi katulad ng ibang mga mamamayan ng Sodoma. Samakatuwid, nang dumating sa kanya ang mga sugo ng Diyos, inilagay niya sa panganib ang kanyang sariling buhay upang tanggapin ang dalawang lingkod na ito sa kanyang bahay; at bilang karagdagan, inialok din niya ang kanyang dalawang anak na babae bilang kapalit upang pangalagaan ang dalawang lingkod na ito. Ito ang matuwid na gawa ni Lot; isa itong kongkretong pagpapahayag ng kalikasan at diwa ni Lot, at ito rin ang dahilan kung kaya’t isinugo ng Diyos ang Kanyang mga lingkod upang iligtas si Lot. Nang maharap sa panganib, iningatan ni Lot ang dalawang lingkod na ito nang walang pagsasaalang-alang sa anupaman; tinangka pa niyang ipagpalit ang kanyang dalawang anak na babae para sa kaligtasan ng mga lingkod. Bukod kay Lot, mayroon pa kayang ibang tao sa lungsod na gagawa ng ganito? Tulad ng pinatunayan ng mga pangyayari—wala na! Samakatuwid, hindi na kailangang sabihin pa na ang bawat isa sa loob ng Sodoma, maliban kay Lot, ay puntirya ng pagkawasak at tama naman–dapat lang sa kanila iyon.

Lubusang Winasak ang Sodoma Dahil sa Pagkakapuno sa Poot ng Diyos

Nang makita ng mga taga-Sodoma ang dalawang lingkod na ito, hindi nila itinanong kung ano ang kanilang dahilan sa pagdating, ni may isa man lang na nagtanong kung dumating ba sila upang ipalaganap ang kalooban ng Diyos. Bagkus, bumuo sila ng isang malaking pangkat ng mga tao at, dumating sila para dakpin ang dalawang lingkod na ito na gaya ng mga asong gubat o mababangis na mga lobo nang walang anumang paliwanag. Pinagmasdan ba ng Diyos ang mga bagay na ito habang nangyayari? Ano kaya ang iniisip ng Diyos sa Kanyang puso tungkol sa ganitong uri ng pag-uugali ng tao, sa ganitong klase ng pangyayari? Nagpasya ang Diyos na wasakin ang lungsod na ito; hindi na Siya mag-aatubili o maghihintay, ni magpapakita pa ng pasensya. Dumating na ang Kanyang araw, at kaya naman sinimulan na Niya ang gawaing ninais Niyang gawin. Sa gayon, ang sinasabi sa Genesis 19:24–25, “Nang magkagayo’y nagpaulan si Jehova sa Sodoma at Gomorra ng asupre at apoy mula kay Jehova na buhat sa langit; at ginunaw Niya ang mga bayang yaon, at ang buong kapatagan at ang lahat ng nananahan sa mga bayang yaon, at ang tumutubo sa lupang yaon.” Sinasabi ng dalawang bersikulong ito ang paraan kung paano winasak ng Diyos ang lungsod na ito pati na rin kung ano ang winasak ng Diyos. Una, isinasalaysay ng Bibliya na sinunog ng Diyos ang lungsod sa pamamagitan ng apoy, at ang lawak ng apoy na ito ay sapat na upang malipol ang lahat ng tao at lahat ng nabubuhay sa lupa. Ibig sabihin, hindi lamang winasak ng apoy na nagmula sa langit ang lungsod; winasak din nito ang lahat ng tao at lahat ng nabubuhay na bagay sa loob nito, hanggang sa wala nang natira ni isang bakas. Pagkatapos mawasak ang lungsod, naiwan ang lupang walang anumang bagay na nabubuhay. Wala nang buhay, ni anumang palatandaan nito. Ang lungsod ay naging kaparangan, isang lugar na walang laman na napupuno ng nakabibinging katahimikan. Wala nang magagawang anumang masasamang gawa laban sa Diyos sa lugar na ito, wala nang patayan o pagdanak ng dugo.

Bakit ninais ng Diyos na sunugin ang lungsod na ito nang lubusan? Ano ang nakikita ninyo rito? Matitiis bang panoorin ng Diyos ang sangkatauhan at ang kalikasan, na Kanyang mga sariling nilikha, na mawasak nang ganito? Kung maunawaan mo ang galit ng Diyos na si Jehova mula sa apoy na pinaulan mula sa langit, hindi mahirap makita kung gaano katindi ang Kanyang poot, mula sa layon ng Kanyang pagwasak at sa tindi ng pagkawasak ng lungsod na ito. Kapag kinamumuhian ng Diyos ang isang lungsod, ibibigay Niya rito ang Kanyang kaparusahan. Kapag nasusuklam ang Diyos sa isang lungsod, padadalhan Niya ito ng paulit-ulit na babala upang ipabatid sa mga tao ang Kanyang galit. Ngunit kapag nagpasya ang Diyos na wakasan na at wasakin ang isang lungsod—iyon ay kapag napuno na ang Kanyang poot at pagiging maharlika—hindi na Siya magbibigay pa ng anumang mga kaparusahan o mga babala. Sa halip, tuluyan na Niya itong wawasakin. Lubusan na Niya itong paglalahuin. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos.

Matapos ang Paulit-ulit na Pagsalungat at Paglaban ng Sodoma sa Kanya, Nilipol na ito ng Diyos nang Lubusan

Ngayong mayroon na tayong pangkalahatang pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos, maibabalik natin ang ating pansin sa lungsod ng Sodoma—isang lugar na nakita ng Diyos bilang isang lungsod ng kasalanan. Sa pamamagitan ng pag-unawa sa diwa ng lungsod na ito, maiintindihan natin kung bakit ninais ng Diyos na wasakin ito at kung bakit winasak Niya ito nang lubusan. Mula rito, maaari na nating malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos.

Mula sa pantaong pananaw, ang Sodoma ay isang lungsod na pinagbibigyang lubos ang nasa at kasamaan ng tao. Nakatutukso at nakabibighani, na may kasamang tugtugan at sayawan gabi-gabi, ang kasaganaan nito ang nanghalina at nagpahibang sa mga tao. Kinain ng kasamaan nito ang puso ng mga tao at inakit sila sa pagkabulok. Ito ang lungsod kung saan ang marurumi at masasamang espiritu ay naghuhuramentado; punong-puno ito ng kasalanan at pagpatay at umaalingasaw ang amoy ng dugo at pagkabulok dito. Isa itong lungsod na nakapangingilabot, isang lungsod na lalayuan ng isang tao sa takot. Wala ni isa sa lungsod na ito—mapalalaki man o babae, bata man o matanda—ang naghanap ng tunay na daan; walang naghangad sa liwanag o nag-asam na lumayo sa kasalanan. Namuhay sila sa ilalim ng kontrol ni Satanas, sa ilalim ng kanyang katiwalian at panlilinlang. Nawala nila ang kanilang pagiging tao; nawala nila ang kanilang katinuan, at nawala nila ang orihinal na layunin ng tao sa pag-iral. Nakagawa sila ng hindi mabilang na masasamang gawa ng paglaban sa Diyos; tinanggihan nila ang Kanyang paggabay at sinalungat ang Kanyang kalooban. Ang kanilang masasamang gawa ang unti-unting nagtulak sa mga taong ito, sa buong lungsod at sa bawat nabubuhay rito, sa landas ng pagkawasak.

Bagaman hindi nakatala sa dalawang siping ito ang mga detalye tungkol sa lawak ng katiwalian ng mga mamamayan ng Sodoma, at sa halip ay itinala ang kanilang pakikitungo sa dalawang lingkod ng Diyos matapos ng pagdating ng mga ito sa lungsod, may isang simpleng katunayan na nagbubunyag ng lawak ng pagkatiwali, kasamaan at paglaban sa Diyos ng mga taga-Sodoma. Dahil dito, ang tunay na mukha at diwa ng mga mamamayan ng lungsod ay nalantad din. Hindi lamang tumanggi ang mga taong ito na tanggapin ang mga babala ng Diyos, hindi rin sila natakot sa Kanyang kaparusahan. Sa kabaligtaran, hinamak nila ang galit ng Diyos. Walang taros na nilabanan nila ang Diyos. Anuman ang gawin Niya o kung paano man Niya iyon ginawa, lalo lamang lumala ang kanilang masamang kalikasan, at paulit-ulit nilang nilabanan ang Diyos. Ang mga taga-Sodoma ay galit sa pag-iral ng Diyos, sa Kanyang pagdating, sa Kanyang kaparusahan, at lalo na sa Kanyang mga babala. Masyado silang naging mapagmataas. Sinisila at pinipinsala nila ang lahat ng taong maaaring silain at pinsalain, at gayundin ang kanilang naging pagtrato sa mga lingkod ng Diyos. Tungkol naman sa lahat ng masasamang gawa na ginawa ng mga taga-Sodoma, ang pagpinsala sa mga lingkod ng Diyos ay maliit na bahagi lamang, at ang kanilang masamang kalikasan na nabunyag nito ay katumbas lamang ng isang maliit na patak sa malawak na dagat. Samakatuwid, pinili ng Diyos na wasakin sila sa pamamagitan ng apoy. Hindi gumamit ang Diyos ng baha, ni hindi Siya gumamit ng bagyo, lindol, tsunami, o iba pang paraan upang wasakin ang lungsod. Ano ang ipinahihiwatig ng paggamit ng Diyos ng apoy upang wasakin ang lungsod na ito? Ang ibig sabihin nito ay ang ganap na pagkawasak ng lungsod; ang ibig sabihin nito ay ganap na naglaho ang lungsod sa ibabaw ng lupa at mula sa pag-iral nito. Dito, ang “pagkawasak” ay hindi lamang tumutukoy sa paglalaho ng porma at istruktura o panlabas na anyo ng lungsod; nangangahulugan din ito na ang mga kaluluwa ng mga taong nasa loob ng lungsod ay tumigil sa pag-iral, at lubos nang nalipol. Sa madaling sabi, lahat ng tao, mga pangyayari at mga bagay na nakaugnay sa lungsod ay nawasak na. Wala nang kasunod na buhay o reinkarnasyon para sa kanila; nilipol na sila ng Diyos mula sa sangkatauhan ng Kanyang nilikha, magpakailanman. Ang paggamit ng apoy ay nagpapahiwatig ng wakas ng kasalanan sa lugar na ito, at na nasugpo na ang kasalanan doon; titigil na sa pag-iral at pagkalat ang kasalanang ito. Nangangahulugan ito na ang kasamaan ni Satanas ay nawalan na ng mataba nitong lupa gayundin ng libingan na nagkaloob dito ng lugar na mapamamalagian at mapananahanan. Sa digmaan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, ang paggamit ng Diyos ng apoy ay ang tatak ng Kanyang tagumpay kung saan namarkahan si Satanas. Ginawang tiwali at sinila ni Satanas ang mga tao para sa kanyang mithiin na kalabanin ang Diyos. Ang pagkawasak ng Sodoma ay isang malaking balakid sa mithiing ito. Isa rin itong nakahihiyang tanda ng panahon sa pag-unlad ng sangkatauhan nang tanggihan ng tao ang patnubay ng Diyos at pinabayaan ang sarili niya sa bisyo. Bukod pa rito, isa itong talaan ng tunay na pahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos.

Nang tinupok ng apoy na ipinadala ng Diyos mula sa langit ang Sodoma hanggang sa maging abo na lamang ito, nangahulugan ito na ang lungsod na tinatawag na “Sodoma” ay tumigil na sa pag-iral, gayundin ang lahat ng naroon sa loob ng lungsod. Winasak ito ng galit ng Diyos; naglaho ito sa poot at pagiging maharlika ng Diyos. Dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos, tinanggap ng Sodoma ang makatarungang kaparusahan at makatwirang katapusan nito. Ang katapusan ng pag-iral ng Sodoma ay dahil sa kasamaan nito, at dahil din ito sa pagnanais ng Diyos na hindi na kailanman muling makita ang lungsod na ito, maging ang mga taong nabuhay rito o anumang may buhay na nabuhay sa loob ng lungsod. Ang “pagnanais ng Diyos na hindi na kailanman muling makita ang lungsod na ito” ay dahil sa Kanyang poot, gayundin sa Kanyang pagiging maharlika. Sinunog ng Diyos ang lungsod dahil ang kasamaan at kasalanan nito ay nakapagpagalit, nakapagpasuya at nakapagpasuklam sa Kanya rito; dahil din sa mga ito, ninais Niya na hindi na muling makita pa ito o maging ang sinuman sa mga tao o bagay na nabubuhay sa loob nito kahit kailan. Nang matupok ng apoy ang lungsod at mga abo na lamang ang naiwan, tumigil na nga ito sa pag-iral sa mga mata ng Diyos; maging ang alaala Niya nito ay nawala, nabura. Nangangahulugan ito na ang winasak ng ipinadalang apoy mula sa langit ay hindi lamang ang buong lungsod ng Sodoma, o ang mga tao sa loob nito na napupuno ng kasalanan lamang, ni hindi rin ang lahat ng bagay sa loob ng lungsod na nabahiran ng kasalanan; higit pa sa mga bagay na ito, winasak ng apoy na ito ang mga alaala ng kasamaan at paglaban sa Diyos ng sangkatauhan. Ito ang layunin ng Diyos sa pagsunog sa buong lungsod.

Ang sangkatauhan ay naging tiwali nang sukdulan. Hindi nila kilala kung sino ang Diyos o kung saan sila mismo nagmula. Kapag binanggit mo ang Diyos sa kanila, sila ay mang-aatake, maninirang puri, at manlalapastangan. Kahit na dumating ang mga lingkod ng Diyos upang ipalaganap ang Kanyang babala, hindi lamang nagpakita ng kawalan ng mga tanda ng pagsisisi ang mga tiwaling taong ito at hindi iniwan ang kanilang masamang asal, bagkus, walang pakundangan nilang sinaktan ang mga lingkod ng Diyos. Ang kanilang ipinahayag at ibinunyag ay ang kanilang kalikasan at diwa ng masidhing pagkapoot sa Diyos. Makikita natin na ang paglaban ng mga tiwaling taong ito sa Diyos ay higit pa sa isang pagbubunyag ng kanilang tiwaling disposisyon, gaya ng pagiging higit pa nito sa isang pagkakataon ng paninirang-puri o panunuya na umusbong lamang mula sa kakulangan ng pag-unawa sa katotohanan. Hindi ang kahangalan ni kamangmangan ang nagdulot ng kanilang masamang pag-uugali; hindi ito dahil sa sila ay nalinlang, at tiyak na hindi ito dahil sa sila ay napaniwala sa mali. Ang kanilang pag-uugali ay nakaabot na sa antas ng pagkagarapal at walang pakundangang paglaban, pagsalungat at pagtutol sa Diyos. Walang dudang ang ganitong uri ng pag-uugali ng tao ay makapagpapagalit sa Diyos, at makapagpapagalit sa Kanyang disposisyon—isang disposisyon na hindi dapat malabag. Samakatuwid, tuwiran at lantarang pinakawalan ng Diyos ang Kanyang poot at ang Kanyang pagiging maharlika; isa itong tunay na paghahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon. Nahaharap sa isang lungsod na nag-uumapaw sa kasalanan, naghangad ang Diyos na wasakin ito sa pinakamabilis na paraang maaari, upang lipulin ang mga mamamayan sa loob nito at ang lahat ng kanilang mga kasalanan sa pinakaganap na paraan, upang mapatigil sa pag-iral ang mga mamamayan ng lungsod na ito at upang mapigilang lumaganap ang kasalanan sa lugar na ito. Ang pinakamabilis at pinakaganap na paraan ng pagsasagawa nito ay ang tupukin ito ng apoy. Ang ginawa ng Diyos sa mga taga-Sodoma ay hindi pagpapabaya o pagsasawalang-bahala; sa halip, ginamit Niya ang Kanyang poot, pagiging maharlika at awtoridad upang parusahan, pabagsakin at lubos na wasakin ang mga taong ito. Ang Kanyang naging pagtrato sa kanila ay hindi lamang pisikal na pagwasak kundi pagwasak din ng kaluluwa, isang walang hanggang pagkapuksa. Ito ang tunay na ipinahihiwatig ng pakahulugan ng Diyos sa “tumigil sa pag-iral.”

Bagaman Nakatago at Nakalihim ang Poot ng Diyos sa Tao, Hindi Nito Kinukunsinti ang Pagkakasala

Ang pakikitungo ng Diyos sa kabuuan ng sangkatauhan, hangal at mangmang man ito, ay pangunahing nakabatay sa awa at pagpapaubaya. Sa kabilang banda, ang Kanyang poot ay nakatago sa mas nakararaming pagkakataon at sa mas nakararaming pangyayari, at hindi ito nalalaman ng tao. Bilang resulta, mahirap para sa tao na makitang inilalabas ng Diyos ang Kanyang poot, at mahirap ding maunawaan ang Kanyang poot. Dahil dito, minamaliit ng tao ang poot ng Diyos. Kapag humaharap na ang tao sa huling gawain at hakbang ng pagpapaubaya at pagpapatawad sa tao ng Diyos—iyan ay kapag ang huling pagkakataon para sa awa ng Diyos at ang huling babala Niya ay dumapo sa sangkatauhan—kung gagamitin pa rin ng mga tao ang parehong mga paraan upang salungatin ang Diyos at hindi gumawa ng kahit anong pagsisikap upang magsisi, ayusin ang kanilang mga pag-uugali at tanggapin ang Kanyang awa, hindi na ipagkakaloob ng Diyos ang Kanyang pagpapaubaya at pasensya sa kanila. Bagkus, babawiin ng Diyos ang Kanyang awa sa panahong ito. Kasunod nito, ipadadala na lamang Niya ang Kanyang poot. Maaari Niyang ipahayag ang Kanyang poot sa iba’t ibang mga paraan, gaya ng kung paanong nakagagamit Siya ng iba’t ibang mga pamamaraan upang parusahan at wasakin ang mga tao.

Ang paggamit ng Diyos ng apoy upang wasakin ang lungsod ng Sodoma ang pinakamabilis Niyang paraan upang lubos na lipulin ang isang sangkatauhan o ano pa mang bagay. Higit pa sa kanilang pisikal na katawan ang winasak ng pagsunog sa mga mamamayan ng Sodoma; winasak nito ang kabuuan ng kanilang mga espiritu, ang kanilang mga kaluluwa at kanilang mga katawan, tinitiyak na ang mga tao sa loob ng lungsod na ito ay titigil sa pag-iral sa kapwa materyal na mundo at mundong hindi nakikita ng tao. Ito ay isang paraan kung paano ibinubunyag ng Diyos at ipinahahayag ang Kanyang poot. Ang ganitong paraan ng pagbubunyag at pagpapahayag ay isang aspeto ng diwa ng poot ng Diyos, kung paano ring ito ay likas na paghahayag ng diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot, tumitigil Siya sa paghahayag ng anumang awa o mapagmahal na kabaitan, ni hindi na Siya nagpapakita pa ng Kanyang pagpapaubaya o pasensya; walang tao, bagay o dahilan na makahihimok sa Kanya upang patuloy na maging matiyaga, na muling ibigay ang Kanyang awa, at minsan pang ipagkaloob ang Kanyang pagpaparaya. Kapalit ng mga bagay na ito, walang isa mang sandali ng pag-aalinlangan, ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot at pagiging maharlika, ginagawa kung ano ang Kanyang nais. Isasagawa Niya ang mga bagay na ito sa isang mabilis at malinis na paraan ayon sa Kanyang sariling mga kagustuhan. Ito ang paraan kung paano ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot at pagiging maharlika, na hindi dapat labagin ng tao, at ito ay isa ring pagpapahayag ng isang aspeto ng Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag nasasaksihan ng mga tao na nagpapakita ng pag-aalala at pagmamahal ang Diyos sa tao, hindi nila napapansin ang Kanyang poot, nakikita ang Kanyang pagiging maharlika o nadarama ang Kanyang kawalang-paraya sa pagkakasala. Ang mga bagay na ito ang laging nagpapapaniwala sa mga tao na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay yaong awa, pagpapaubaya at pagmamahal lamang. Gayunman, kapag nakita ng isang tao na winasak ng Diyos ang isang lungsod o kinamuhian ang isang sangkatauhan, ang Kanyang matinding galit sa pagkawasak ng tao at ang Kanyang pagiging maharlika ang nagbibigay-daan sa mga tao na masilayan ang kabilang panig ng matuwid Niyang disposisyon. Ito ang hindi pagkunsinti ng Diyos sa pagkakasala. Ang disposisyon ng Diyos na hindi kumukunsinti ng pagkakasala ay lumalampas sa imahinasyon ng anumang nilikhang nilalang, at sa mga di-nilikhang nilalang, walang may kakayahang panghimasukan ito o maapektuhan ito; at lalong hindi ito kayang gayahin o tularan. Sa gayon, ang aspetong ito ng disposisyon ng Diyos ang siyang dapat na talagang mabatid ng sangkatauhan. Tanging ang Diyos Mismo ang may ganitong uri ng disposisyon, at tanging Diyos Mismo ang nagtataglay ng ganitong uri ng disposisyon. Nagtataglay ang Diyos ng ganitong uri ng matuwid na disposisyon dahil nasusuklam Siya sa kasamaan, kadiliman, pagka-mapanghimagsik at mga masasamang gawa ni Satanas—pagtitiwali at paglamon sa sangkatauhan—sapagkat kinasusuklaman Niya ang lahat ng paggawa ng kasalanan bilang paglaban sa Kanya at dahil sa Kanyang banal at walang-dungis na diwa. Ito ang dahilan kaya hindi Niya hahayaan ang sinumang nilikha o di-nilikhang nilalang na hayagang salungatin o labanan Siya. Kahit ang isang indibidwal na pinagpakitaan Niyang minsan ng awa o Kanyang pinili ay kailangan lamang pukawin ang Kanyang disposisyon at labagin ang Kanyang prinsipyo ng pagpapasensya at pagpaparaya, at pakakawalan Niya at ibubunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon na wala kahit katiting mang awa o pag-aalinlangan—isang disposisyon na hindi kinukunsinti ang pagkakasala.

Ang Poot ng Diyos ay Isang Pananggalang Para sa Lahat ng Puwersa ng Katarungan at Lahat ng Positibong Bagay

Sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga halimbawang ito ng pananalita, kaisipan at mga kilos ng Diyos, makakaya mo kayang unawain ang matuwid na disposisyon ng Diyos, isang disposisyon na hindi magpapahintulot na malabag ng tao? Sa maikling sabi, gaano man ang kayang unawain ng tao tungkol dito, ito ay isang aspeto ng disposisyon ng Diyos Mismo, at ito ay natatangi sa Kanya. Ang hindi pagkunsinti ng Diyos sa pagkakasala ang Kanyang natatanging diwa; ang poot ng Diyos ang Kanyang natatanging disposisyon; ang pagiging maharlika ng Diyos ang Kanyang natatanging diwa. Ang prinsipyo sa likod ng galit ng Diyos ay ang pagpapakita ng Kanyang pagkakakilanlan at katayuan na Siya lamang ang nagtataglay. Hindi na kailangang sabihin pa na ang prinsipyong ito ay sagisag din ng diwa ng natatanging Diyos Mismo. Ang disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang sariling likas na diwa, na hindi nababago ng paglipas ng panahon, o ng mga pagbabago man sa heograpikal na lokasyon. Ang Kanyang likas na disposisyon ay ang Kanyang tunay na diwa. Kanino man Niya isinasakatuparan ang Kanyang ginagawa, hindi nagbabago ang Kanyang diwa at maging ang Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag ginagalit ng isang tao ang Diyos, yaong ipinadadala ng Diyos ay ang Kanyang likas na disposisyon; sa pagkakataong ito, ang prinsipyo sa likod ng Kanyang galit ay hindi nagbabago, gayundin ang Kanyang natatanging pagkakakilanlan at katayuan. Hindi Siya unti-unting nagagalit dahil sa isang pagbabago sa Kanyang diwa o dahil ang Kanyang disposisyon ay nagbunga ng iba’t ibang mga elemento, kundi dahil ang paglaban ng tao sa Kanya ay lumalabag sa Kanyang disposisyon. Ang lantarang pagpapagalit ng tao sa Diyos ay isang matinding hamon sa sariling pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Sa pananaw ng Diyos, kapag hinahamon Siya ng tao, kinakalaban Siya ng tao at sinusubok ang Kanyang galit. Kapag sinasalungat ng tao ang Diyos, kapag kinakalaban ng tao ang Diyos, kapag patuloy na sinusubok ng tao ang galit ng Diyos—at sa mga panahong iyon kung kailan laganap ang kasalanan—ang poot ng Diyos ay likas na magpapahayag at magpapakita. Samakatuwid, ang pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang poot ay isang simbolo na ang lahat ng puwersa ng kasamaan ay titigil sa pag-iral; isa itong simbolo na ang lahat ng kalabang puwersa ay wawasakin. Ito ang pagiging natatangi ng matuwid na disposisyon ng Diyos at ng Kanyang poot. Kapag hinahamon ang dangal at kabanalan ng Diyos, kapag ang mga makatarungang puwersa ay hinahadlangan at hindi nakikita ng tao, ipadadala ng Diyos ang Kanyang poot. Dahil sa diwa ng Diyos, lahat ng puwersang iyon sa mundo na kumakalaban sa Diyos, sumasalungat at nakikipagtalo sa Kanya ay masasama, tiwali at hindi makatarungan; ang mga ito ay nagmumula kay Satanas at nabibilang kay Satanas. Dahil makatarungan ang Diyos, at Siya ay liwanag at banal na walang-dungis, lahat ng bagay na masama, tiwali at kay Satanas ay maglalaho kapag pinakawalan na ang poot ng Diyos.

Bagaman ang pagbuhos ng poot ng Diyos ay isang aspeto ng pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon, ang galit ng Diyos ay siguradong hindi padalus-dalos sa pagpili kung sino ang layon nito, ni hindi rin ito walang prinsipyo. Sa kabaligtaran, hindi talaga madaling magalit ang Diyos, at hindi rin Niya ibinubunyag ang Kanyang poot at pagiging maharlika nang gayun-gayon lang. Dagdag pa rito, ang poot ng Diyos ay lubhang kontrolado at sukat; hindi talaga ito maikukumpara sa kung paanong ang tao ay nakasanayang magpuyos sa matinding galit o magbulalas ng kanyang galit. Maraming pag-uusap sa pagitan ng tao at ng Diyos ang nakatala sa Bibliya. Ang mga salita ng ilan sa mga indibiduwal na tao na kabilang sa mga usapan ay mabababaw, ignorante, at parang pambata, ngunit hindi sila pinabagsak ng Diyos, ni kinondena man. Isang halimbawa ay noong panahon ng pagsubok kay Job, paano pinakitunguhan ng Diyos na si Jehova ang tatlong kaibigan ni Job at ang iba pa pagkatapos Niyang marinig ang mga salitang kanilang sinabi kay Job? Kinondena Niya ba sila? Napoot ba Siya sa kanila? Wala Siyang ginawang ganoon! Sa halip sinabihan Niya si Job na magmakaawa sa kanilang ngalan, at na ipanalangin sila; at ang Diyos Mismo ay hindi dinamdam ang kanilang mga pagkakamali. Ang mga pangyayaring ito ay kumakatawan lahat sa pangunahing pinanggagalingan ng paraan ng pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan, tiwali at mangmang man ito. Samakatuwid, ang pagpapakawala ng poot ng Diyos ay hindi isang pagpapahayag o pagpapalabas ng lagay ng Kanyang loob, o isang paraan Niya ng pagbubulalas ng Kanyang galit. Salungat sa maling pagkakaunawa ng tao, ang poot ng Diyos ay hindi isang ganap na pagsabog ng Kanyang matinding galit. Hindi pinakakawalan ng Diyos ang Kanyang poot dahil sa hindi Niya kayang kontrolin ang Kanyang sariling damdamin o dahil ang Kanyang galit ay nakaabot na sa punto ng pagkulo at kailangan nang mailabas. Bagkus, ang Kanyang poot ay pagpapakita at isang tunay na pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon; at isa itong simbolikong pagpapahayag ng Kanyang banal na diwa. Ang Diyos ay poot, at hindi Niya kinukunsinti ang pagkakasala—hindi nito sinasabi na ang galit ng Diyos ay walang prinsipyo o hindi kumikilala sa pagkakaiba-iba ng mga layunin; ang tiwaling sangkatauhan ang tanging nag-aangkin sa walang prinsipyo at walang-pinipiling pagbulalas ng matinding galit. Ang galit na ito ay ang klase ng galit na hindi nakakikilala ng kaibhan sa pagitan ng mga layunin. Sa sandaling magkaroon ng katayuan ang isang tao, madalas ay mahihirapan na siyang kontrolin ang kanyang damdamin, kaya’t masisiyahan siyang samantalahin ang mga pagkakataon upang ipahayag ang kanyang pagkayamot at ilabas ang kanyang mga nadarama; madalas siyang magpupuyos sa matinding galit nang walang malinaw na dahilan, nang sa gayon ay maihayag ang kanyang kakayahan at maipaalam sa ibang tao na ang kanyang katayuan at pagkakakilanlan ay iba roon sa mga ordinaryong tao. Siyempre, ang mga tiwaling tao na walang anumang katayuan ay malimit ding mawalan ng kontrol. Ang kanilang galit ay kadalasang dulot ng pinsala sa kanilang mga pansariling kapakanan. Upang mapangalagaan ang kanilang sariling katayuan at dignidad, madalas nilang nailalabas ang kanilang mga nararamdaman at naibubunyag ang kanilang mapagmataas na kalikasan. Ang tao ay magpupuyos sa galit at ilalabas ang kanyang mga nadarama upang maipagtanggol at mapagtibay ang pag-iral ng kasalanan, at ang mga pagkilos na ito ang mga paraan kung paano ipinahahayag ng tao ang kanyang pagkayamot; puno ang mga ito ng karumihan, ng mga pakana at mga intriga, ng katiwalian at kasamaan ng tao; at higit sa lahat, puno ang mga ito ng mga matayog na mithiin at pagnanasa ng tao. Kapag nakipagsagupaan ang katarungan sa kasamaan, hindi sisiklab ang galit ng tao upang ipagtanggol ang pag-iral ng katarungan o upang pagtibayin ito; bagkus, kapag ang mga puwersa ng katarungan ay nanganganib, inuusig at inaatake, ang ginagawa ng tao ay ang di-pagpansin, pag-iwas o paglayo. Subalit, kapag humaharap naman sa mga puwersa ng kasamaan, ang ginagawa ng tao ay ang pagpapaunlak, at labis na pagyuko. Samakatuwid, ang pagbubulalas ng tao ay isang pagtakas para sa mga puwersa ng kasamaan, isang pagpapahayag ng talamak at hindi mapigilang masamang ugali ng taong makalaman. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot, gayon pa man, lahat ng puwersa ng kasamaan ay mapahihinto, lahat ng kasalanang nakapipinsala sa tao ay mapipigilan, lahat ng mapanlabang puwersa na humahadlang sa gawain ng Diyos ay maipakikita, ihihiwalay at susumpain; at lahat ng kasabwat ni Satanas na lumalaban sa Diyos ay parurusahan at aalisin. Sa kanilang kinalalagyan, ang gawain ng Diyos ay magpapatuloy nang malaya sa anumang mga hadlang; ang plano ng Diyos sa pamamahala ay magpapatuloy sa unti-unting pag-unlad ayon sa nakatakda; magiging malaya sa panggugulo at panlilinlang ni Satanas ang hinirang na mga tao ng Diyos; at yaong mga sumusunod sa Diyos ay masisiyahan sa pangunguna at pagtutustos ng Diyos sa tahimik at mapayapang kapaligiran. Ang poot ng Diyos ay isang pananggalang na pumipigil sa lahat ng masasamang puwersa mula sa pagdami at paglaganap, at isa rin itong pananggalang na nangangalaga sa pag-iral at paglaganap ng lahat ng matuwid at positibong mga bagay, at walang-hanggang nag-aadya sa kanila sa pagkasupil at pagkawasak.

Nakikita ba ninyo ang diwa ng poot ng Diyos sa Kanyang pagwasak sa Sodoma? May iba pa bang nakahalo sa Kanyang matinding galit? Ang sobra bang pagkagalit ng Diyos ay dalisay? Sa pananalita nga ng tao, wala bang halo ang poot ng Diyos? Mayroon bang anumang panlilinlang sa likod ng Kanyang poot? Mayroon bang anumang sabwatan? Mayroon bang mga masasamang lihim? Mariin at taimtim Kong masasabi sa inyo: Walang bahagi sa poot ng Diyos na makapagdudulot sa isang tao na magduda. Ang Kanyang galit ay isang ganap at walang halong galit na hindi nagkikimkim ng ibang layunin o tunguhin. Ang mga dahilan ng Kanyang galit ay dalisay, hindi mapananagot at hindi mapipintasan. Isa itong likas na pahayag at pagpapakita ng Kanyang banal na diwa; isa itong bagay na walang sinuman sa mga nilikha ang nagtataglay. Bahagi ito ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos, at ito ay isa ring kitang-kitang pagkakaiba sa pagitan ng kinauukulang mga diwa ng Lumikha at ng Kanyang nilikha.

Hindi alintana kung magalit man ang isang tao sa harapan ng iba o sa kanilang likuran, ang lahat ay may iba’t ibang intensyon at dahilan sa kanilang galit. Marahil ay pinagaganda nila ang kanilang reputasyon, o maaaring ipinagtatanggol nila ang kanilang pansariling mga kagustuhan, pinananatili ang kanilang imahe o pinangangalagaan ang kanilang dangal. May ilang nagpipigil ng kanilang galit, samantalang ang iba naman ay mas walang hinahon at hinahayaang sumiklab ang kanilang matinding galit sa tuwing nais nila nang walang kahit katiting na pagpipigil. Sa madaling salita, ang galit ng tao ay nagmumula sa kanyang tiwaling disposisyon. Ano man ang layunin nito, nagmumula ito sa laman at sa kalikasan; wala itong kinalaman sa katarungan o kawalang-katarungan sapagkat walang anuman sa kalikasan at diwa ng tao ang tumutugma sa katotohanan. Samakatuwid, ang lagay ng kalooban ng tiwaling sangkatauhan at ang poot ng Diyos ay hindi dapat banggitin sa parehong sukatan. Walang pagtatanging ang asal ng isang tao na ginawang tiwali ni Satanas ay nagsisimula sa pagnanais na pangalagaan ang katiwalian, at ito nga ay batay sa katiwalian; ito ang dahilan kung bakit ang galit ng tao ay hindi maaaring banggitin kasabay ng poot ng Diyos, kahit gaano man katama ang galit ng tao sa teorya. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang matinding galit, napipigil ang mga puwersa ng kasamaan at nawawasak ang mga masasamang bagay, samantalang tinatamasa ng matutuwid at positibong mga bagay ang pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, at sila ay pinahihintulutang magpatuloy. Ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot dahil ang hindi makatarungan, negatibo at masasamang bagay ay humahadlang, nanggugulo o sumisira sa normal na gawain at pagsulong ng makatarungan at positibong mga bagay. Ang mithiin ng galit ng Diyos ay hindi ang protektahan ang Kanyang sariling katayuan at pagkakakilanlan, kundi ingatan ang pag-iral ng makatarungan, positibo, magaganda at mabubuting mga bagay, upang pangalagaan ang mga batas at kaayusan ng normal na kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan. Ito ang pinag-uugatan ng poot ng Diyos. Ang matinding galit ng Diyos ay talagang nararapat, likas at tunay na pahayag ng Kanyang disposisyon. Walang mga lihim na hangarin sa Kanyang matinding galit, ni panlilinlang man o pagbabalak, o lalo na ng mga pagnanasa, katusuhan, malisya, karahasan, kasamaan o alinman sa mga katangiang taglay ng tiwaling sangkatauhan. Bago ipinadadala ng Diyos ang Kanyang matinding galit, naramdaman na Niya ang diwa ng bawat bagay nang lubhang malinaw at ganap, at nakapagbuo na Siya ng tumpak at malinaw na mga pakahulugan at mga kongklusyon. Sa gayon, ang layon ng Diyos sa bawat bagay na Kanyang ginagawa ay sinlinaw ng kristal, tulad din ng Kanyang saloobin. Hindi magulo ang Kanyang pag-iisip; hindi Siya bulag at mapusok; tiyak na may prinsipyo Siya. Ito ang praktikal na aspeto ng poot ng Diyos, at dahil sa praktikal na aspetong ito ng poot ng Diyos kaya naabot ng sangkatauhan ang karaniwang pag-iral nito. Kung wala ang poot ng Diyos, bababa ang sangkatauhan sa mga hindi karaniwang kalagayan ng pamumuhay; at ang lahat ng bagay na matuwid, maganda at mabuti ay mawawasak at hihinto sa pag-iral. Kung wala ang poot ng Diyos, ang mga batas at mga alituntunin ng pag-iral para sa mga nilikhang nilalang ay masisira o maaaring tuluyang mawasak. Mula sa paglikha sa tao, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pangalagaan at panatilihin ang normal na pag-iral ng sangkatauhan. Sapagkat ang Kanyang matuwid na disposisyon ay naglalaman ng poot at pagiging maharlika, ang lahat ng masasamang tao, mga bagay at gamit, at lahat ng bagay na gumagambala at sumisira sa karaniwang pag-iral ng sangkatauhan ay naparurusahan, nakokontrol at nawawasak bilang resulta ng Kanyang poot. Sa mga nakalipas na libu-libong taon, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pabagsakin at wasakin ang lahat ng uri ng marurumi at masasamang mga espiritu na kumakalaban sa Diyos at kumikilos bilang mga kasabwat at alagad ni Satanas sa gawain ng Diyos na pamamahala sa sangkatauhan. Sa gayon, ang gawain ng Diyos na pagliligtas sa tao ay laging sumusulong ayon sa Kanyang plano. Masasabi natin na dahil sa pag-iral ng poot ng Diyos, ang pinakamatuwid na mga layunin ng mga tao ay hindi kailanman nawasak.

Ngayon na may pagkaunawa na kayo sa diwa ng poot ng Diyos, tiyak na kailangan ninyong magkaroon ng mas mabuting pagkaunawa sa kung paano makikilala ang kasamaan ni Satanas!

Bagaman si Satanas ay Mukhang Makatao, Makatarungan at Mabuti, ang Diwa ni Satanas ay Malupit at Masama

Binubuo ni Satanas ang reputasyon nito sa pamamagitan ng panlilinlang sa mga tao, at madalas nitong ipinakikita ang sarili nito bilang isang tagapanguna at huwaran ng pagkamakatuwiran. Sa ilalim ng pagpapanggap na ito ay nagbabantay sa pagkamakatuwiran, pinipinsala nito ang mga tao, nilalamon ang kanilang mga kaluluwa, at ginagamit ang lahat ng uri ng paraan upang pamanhirin, linlangin, at buyuin ang tao. Ang layunin nito ay pasang-ayunin ang tao at pasunurin sa masamang pag-uugali nito, upang sumama rito ang tao sa paglaban sa awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Gayunman, kapag naging malinaw na ang isang tao hinggil sa mga pagbabalak, pakana at kasuklam-suklam na mga palabas nito at ayaw nang magpatuloy na tapak-tapakan at lokohin nito o patuloy na alipinin nito, o maparusahan at mawasak na kasama nito, binabago ni Satanas ang dating malasantong anyo nito at pinupunit ang huwad na maskara nito upang ibunyag ang tunay nitong mukha, na masama, malupit, pangit at mabagsik. Wala itong ibang nais kundi lipulin yaong lahat ng tumatangging sundin ito at yaong mga lumalaban sa masasama nitong mga puwersa. Sa puntong ito, hindi na makakapagpakita si Satanas ng isang mapagkakatiwalaan at maginoong anyo; sa halip, mabubunyag ang tunay na pangit at maladiyablong anyo nito sa likod ng pag-aanyong tupa. Sa sandaling malantad ang mga pakana at tunay na anyo ni Satanas, magpupuyos ito sa labis na pagkapoot at ilalantad ang kalupitan nito. Pagkatapos nito, ang pagnanais nitong pinsalain at lamunin ang mga tao ay lalo lamang titindi. Ito ay dahil sumiklab ito sa galit sa pagkagising ng tao sa katotohanan; at nakabubuo ito ng isang makapangyarihang paghihiganti laban sa tao dahil sa kanilang paghahangad na magkaroon ng kalayaan at kaliwanagan, at makawala mula sa kulungan nito. Ang labis na poot nito ay naglalayong ipagtanggol at pagtibayin ang kasamaan nito at ito rin ay isang tunay na pagbubunyag ng malupit na kalikasan nito.

Sa bawat bagay, inilalantad ng kilos ni Satanas ang masamang kalikasan nito. Mula sa lahat ng masasamang gawa na ginawa ni Satanas sa tao—mula sa naunang mga pagsisikap nito na dayain ang tao upang sundin ito, hanggang sa panggagamit nito sa tao, kung saan ay kinakaladkad nito ang tao tungo sa masasama nitong gawa, hanggang sa paghihiganti ni Satanas sa tao matapos malantad ang tunay nitong anyo; at nakilala at tinalikdan ito ng tao—wala kahit isa sa mga gawang ito ang nabigong ilantad ang masamang diwa ni Satanas; wala kahit isa ang nabigong patunayan ang katunayan na si Satanas ay walang kaugnayan sa mga positibong bagay at na si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng masasamang bagay. Ang bawat isa sa mga kilos nito ay nangangalaga sa kasamaan nito, nagpapanatili sa pagpapatuloy ng masasamang gawa nito, kumakalaban sa matuwid at positibong mga bagay, at sumisira sa mga batas at kaayusan ng normal na pag-iral ng sangkatauhan. Ang mga gawang ito ni Satanas ay laban sa Diyos at ang mga ito ay wawasakin ng poot ng Diyos. Bagaman si Satanas ay may sariling matinding galit, ang matinding galit nito ay isang pamamaraan lamang upang mailabas ang masamang kalikasan nito. Ang dahilan kung bakit si Satanas ay naiinis at galit na galit ay ito: Nalantad ang napakasamang mga pakana nito; ang mga lihim na balak nito ay hindi madaling makalusot; ang marahas na mithiin at pagnanasa nito na palitan ang Diyos at kumilos bilang ang Diyos ay napabagsak at nahadlangan; at ang layunin nitong kontrolin ang buong sangkatauhan ay nauwi sa wala at hindi na kailanman makakamit. Ang paulit-ulit na pagtawag ng Diyos sa Kanyang poot, muli’t muli, ang nagpatigil sa pagbubunga ng mga balak at pumigil sa pagdami at paglaganap ng kasamaan ni Satanas. Sa kadahilanang ito, kapwa kinamumuhian at kinatatakutan ni Satanas ang poot ng Diyos. Sa tuwing bumababa ang poot ng Diyos, hindi lamang nito inilalantad ang tunay na kasuklam-suklam na anyo ni Satanas; inilalantad din nito sa liwanag ang masasamang pagnanasa ni Satanas. Kasabay nito, ang mga dahilan ng matinding galit ni Satanas laban sa sangkatauhan ay ganap nang nailalantad. Ang pagsabog ng matinding galit ni Satanas ay isang tunay na pagbubunyag ng masamang kalikasan nito at isang paglalantad ng mga pakana nito. Siyempre, ipinararating ng bawat pagsiklab ng galit ni Satanas ang pagkawasak ng masasamang bagay at proteksyon at pagpapatuloy ng mga positibong bagay; ipinararating nito ang katunayan na hindi maaaring labagin ang poot ng Diyos!

Hindi Dapat Umasa ang Tao sa Karanasan at Imahinasyon Upang Malaman ang Matuwid na Disposisyon ng Diyos

Kapag nakita mo ang iyong sarili na nakaharap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, sasabihin mo kaya na may halo na ang salita ng Diyos? Sasabihin mo bang may kasinungalingan sa likod ng pagkapoot ng Diyos, at ang Kanyang pagkapoot ay may halo? Sisiraan mo ba ang Diyos, at sasabihing ang Kanyang disposisyon ay hindi naman talaga lubos na matuwid? Kapag hinaharap ang bawat isang gawa ng Diyos, kailangang tiyakin mo muna na malaya mula sa anumang ibang mga elemento ang matuwid na disposisyon ng Diyos, na ito ay banal at walang kapintasan. Kasama sa mga gawang ito ang pagpapabagsak, kaparusahan at pagwasak ng Diyos sa sangkatauhan. Walang pagtatangi, ang bawat isa sa mga gawa ng Diyos ay ginawa sa mahigpit na pagsunod sa Kanyang likas na disposisyon at Kanyang plano—hindi kasama rito ang kaalaman, tradisyon at pilosopiya ng sangkatauhan. Ang bawat isa sa mga gawa ng Diyos ay pagpapahayag ng Kanyang disposisyon at diwa, na walang kaugnayan sa anumang bagay na kabilang sa tiwaling sangkatauhan. Sa kuru-kuro ng mga tao, tanging ang pag-ibig ng Diyos, awa at pagpaparaya sa sangkatauhan ang walang-bahid, walang-halo at banal, at, walang nakaaalam na ang matinding galit ng Diyos at ang Kanyang poot ay wala ring halo; dagdag pa rito, walang nakapag-isip nang mabuti ng mga tanong tulad ng bakit hindi kinukunsinti ng Diyos ang pagkakasala o bakit ang Kanyang poot ay napakatindi. Bagkus, napagkakamalan ng ilan ang poot ng Diyos bilang init ng ulo, gaya ng sa tiwaling sangkatauhan, at nagkakamali ng pagkaunawa sa poot ng Diyos bilang kagaya ng matinding galit ng tiwaling sangkatauhan. Nagkakamali nga rin sila sa pagpapalagay na ang matinding galit ng Diyos ay katulad lamang ng likas na paghahayag ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan at na ang pagpapalabas ng poot ng Diyos ay katulad lamang ng galit ng tiwaling sangkatauhan kapag sila ay nahaharap sa isang hindi masayang sitwasyon, at naniniwala pa sila na ang pagpapalabas ng poot ng Diyos ay isang pagpapahayag ng Kanyang lagay ng loob. Pagkatapos ng pagbabahaging ito, umaasa Ako na ang bawat isa sa inyo ay hindi na magkakaroon ng anumang mga maling pagkakaintindi, mga guni-guni o mga haka-haka tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Umaasa Ako na pagkatapos ninyong marinig ang Aking mga salita, magkakaroon kayo sa inyong mga puso ng tunay na pagkakilala sa poot ng matuwid na disposisyon ng Diyos, na maisasantabi na ninyo ang anumang nakaraang maling pagkaunawa sa poot ng Diyos, na kaya na ninyong baguhin ang inyong mga sariling maling paniniwala at mga pananaw tungkol sa diwa ng poot ng Diyos. Dagdag pa rito, umaasa Ako na magkakaroon na kayo ng tumpak na pakahulugan sa disposisyon ng Diyos sa inyong mga puso, na hindi na kayo magkakaroon pa ng anumang pag-aalinlangan tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos, at na hindi na ninyo ipagpipilitan ang anumang pantaong pangangatwiran o pag-iisip tungo sa tunay na disposisyon ng Diyos. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang sariling tunay na diwa. Hindi ito isang bagay na hinubog o isinulat ng tao. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay ang Kanyang matuwid na disposisyon at wala itong relasyon o mga ugnayan sa alinman sa nilikha. Ang Diyos Mismo ay ang Diyos Mismo. Hindi Siya kailanman magiging bahagi ng nilikha, at kahit na maging kaanib Siya ng mga nilikhang nilalang, ang Kanyang likas na disposisyon at diwa ay hindi magbabago. Samakatuwid, ang pagkakilala sa Diyos ay hindi pagkakilala sa isang bagay; hindi ito pagsusuri sa isang bagay, ni katulad ng pag-unawa sa isang tao. Kung ginagamit ng tao ang kanyang konsepto o pamamaraan ng pagkilala sa isang bagay o pag-unawa sa isang tao upang makilala ang Diyos, hindi ka kailanman magkakamit ng kaalaman tungkol sa Diyos. Ang pagkakilala sa Diyos ay hindi nakasalalay sa karanasan o imahinasyon, at samakatuwid hindi mo dapat ipagpilitan kahit kailan ang iyong karanasan o imahinasyon sa Diyos. Gaano man kayaman ang iyong karanasan at imahinasyon, may hangganan pa rin ang mga iyan. Higit pa riyan, ang iyong imahinasyon ay hindi umaayon sa mga katunayan, at lalong hindi ito umaayon sa katotohanan, at ito ay hindi katugma ng tunay na disposisyon at diwa ng Diyos. Hindi ka kailanman magtatagumpay kung aasa ka lamang sa iyong pag-iisip upang maunawaan ang diwa ng Diyos. Ang tanging landas ay ito: Tanggapin ang lahat ng nagmumula sa Diyos, at pagkatapos, unti-unting danasin at unawain ito. Darating ang araw na liliwanagan ka ng Diyos upang Siya ay lubos mong maunawaan at makilala dahil sa iyong pakikipagtulungan at dahil sa iyong pagkagutom at pagkauhaw para sa katotohanan. At sa pamamagitan nito, tapusin na natin ang bahaging ito ng ating pag-uusap.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.