Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Ang Awtoridad ng Diyos (I) Ikalimang Bahagi

Ang mga salitang nasa ibaba ay lubusang kinakailangan para malaman ang awtoridad ng Diyos, at ang kanilang kahulugan ay ibinigay sa pagbabahagian sa ibaba. Ipagpatuloy natin ang pagbabasa ng Kasulatan.

4. Ang Utos ng Diyos kay Satanas

Job 2:6 At si Jehova ay nagsabi kay Satanas, Narito, siya’y nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kaniyang buhay.

Hindi Kailanman Nangahas si Satanas na Labagin ang Awtoridad ng Lumikha, at Dahil Dito, Nabubuhay sa Kaayusan ang Lahat ng Bagay

Ito ay hango mula sa Aklat ni Job, at ang “siya” sa mga salitang ito ay tumutukoy kay Job. Bagama’t maikli, nililiwanag ng pangungusap na ito ang maraming usapin. Inilalarawan nito ang isang partikular na pag-uusap sa pagitan ng Diyos at ni Satanas sa espirituwal na daigdig, at sinasabi sa atin na ang layon ng mga salita ng Diyos ay si Satanas. Itinatala rin nito ang partikular na sinabi ng Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay isang kautusan at isang atas kay Satanas. Ang mga partikular na detalye ng utos na ito ay kaugnay sa hindi pagkitil sa buhay ni Job at kung saan ay nilimitahan ng Diyos ang pagtrato ni Satanas kay Job—kinailangan ni Satanas na hindi kitilin ang buhay ni Job. Ang unang bagay na natututuhan natin mula sa pangungusap na ito ay na ang mga salitang ito ay sinabi ng Diyos kay Satanas. Ayon sa orihinal na teksto ng Aklat ni Job, sinasabi nito sa atin ang nasa likod ng mga naturang salita: Ninais ni Satanas na akusahan si Job, at kaya kailangan nitong makagawa ng kasunduan sa Diyos bago niya ito matukso. Sa pagpayag sa kahilingan ni Satanas na tuksuhin si Job, inilatag ng Diyos ang sumusunod na kundisyon kay Satanas: “Si Job ay nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kaniyang buhay.” Ano ang kalikasan ng mga salitang ito? Malinaw na kautusan ang mga ito, isang atas. Matapos maunawaan ang kalikasan ng mga salitang ito, kailangan mo, siyempre, na matarok na ang Diyos ang Siyang nagbigay ng utos na ito, at ang tumanggap sa utos na ito, at sumunod dito, ay si Satanas. Hindi na kailangang sabihin na sa utos na ito, ang ugnayan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas ay kitang-kita ng sinumang nagbabasa ng mga salitang ito. Siyempre, ito rin ang ugnayan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas sa espirituwal na daigdig, at ang kaibahan sa pagitan ng pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos at ni Satanas, na nakalagay sa mga tala ng mga pag-uusap sa pagitan ng Diyos at ni Satanas sa mga Kasulatan, at ang partikular na halimbawa at tala ng teksto kung saan ay matututuhan ng tao sa kasalukuyan ang malinaw na kaibahan sa pagitan ng pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos at ni Satanas. Sa puntong ito, masasabi Kong ang tala ng mga salitang ito ay isang mahalagang dokumento sa kaalaman ng sangkatauhan tungkol sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, at nagbibigay ito ng mahalagang impormasyon para sa kaalaman ng sangkatauhan sa Diyos. Sa pamamagitan ng pag-uusap na ito sa pagitan ng Lumikha at ni Satanas sa espirituwal na daigdig, nagagawang maunawaan ng tao ang isa pang partikular na aspeto ng awtoridad ng Lumikha. Ang mga salitang ito ay isa na namang patotoo sa natatanging awtoridad ng Lumikha.

Sa panlabas, ang Diyos na si Jehova ay nakikipag-usap kay Satanas. Kung pag-uusapan ang diwa, ang saloobing taglay ng Diyos na si Jehova sa Kanyang pagsasalita, at ang posisyon kung saan Siya nakatayo ay mas mataas kaysa kay Satanas. Ang ibig sabihin nito ay inuutusan ng Diyos na Jehova si Satanas na may tono ng isang utos, at sinasabi kay Satanas kung ano ang dapat at hindi dapat na gawin, na si Job ay nasa mga kamay na nito, at malaya na nitong tratuhin si Job kung paano man nito naisin—ngunit hindi nito maaaring kunin ang buhay ni Job. Ang pumapangalawang teksto ay, bagama’t ipinaubaya na si Job sa mga kamay ni Satanas, hindi ipinauubaya ang kanyang buhay kay Satanas; walang sinuman ang maaaring kumuha ng buhay ni Job mula sa mga kamay ng Diyos maliban kung pinahintulutan ito ng Diyos. Malinaw na sinasabi ang saloobin ng Diyos sa kautusang ito kay Satanas, at ang kautusan ding ito ay nagpapamalas at nagbubunyag ng posisyon kung saan nakikipag-usap ang Diyos na Jehova kay Satanas. Dito, hindi lamang hawak ng Diyos na Jehova ang katayuan ng Diyos na lumikha ng liwanag, at hangin, at ng lahat ng bagay at mga buhay na nilalang, ng Diyos na humahawak ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at mga buhay na nilalang, kundi ng Diyos din na nag-uutos sa sangkatauhan, at nag-uutos sa Hades, ng Diyos na kumokontrol sa buhay at kamatayan ng lahat ng bagay na nabubuhay. Sa espirituwal na daigdig, sino bukod sa Diyos ang maglalakas-loob na magbigay ng gayong utos kay Satanas? At bakit ang Diyos ay personal na nagbigay ng Kanyang utos kay Satanas? Dahil ang buhay ng tao, kasama na ang kay Job, ay kontrolado ng Diyos. Hindi pinahintulutan ng Diyos si Satanas na saktan o kunin ang buhay ni Job, at kahit pa pinahintulutan ng Diyos si Satanas na tuksuhin si Job, naalala pa rin ng Diyos na espesyal na magbaba ng naturang utos, at muling inutusan si Satanas na huwag kunin ang buhay ni Job. Si Satanas ay hindi kailanman nangahas na suwayin ang awtoridad ng Diyos, at higit pa rito ay laging maingat na nakinig at sumunod sa mga atas at partikular na kautusan ng Diyos, hindi kailanman nangangahas na labagin ang mga ito, at siyempre, hindi nangangahas na malayang baguhin ang anuman sa mga atas ng Diyos. Gayon ang mga hangganan na naitalaga na ng Diyos kay Satanas, at kaya hindi kailanman nangahas si Satanas na lumampas sa mga hangganang ito. Hindi ba ito ang kapangyarihan ng awtoridad ng Diyos? Hindi ba ito patotoo sa awtoridad ng Diyos? May mas malinaw na pagkaunawa si Satanas kaysa sa sangkatauhan kung paano kumilos tungo sa Diyos, at kung paano tingnan ang Diyos, at kaya, sa espirituwal na daigdig, napakalinaw na nakikita ni Satanas ang katayuan at awtoridad ng Diyos, at may malalim na pagpapahalaga sa kapangyarihan ng awtoridad ng Diyos at sa mga prinsipyo sa likod ng pag-uunat ng Kanyang awtoridad. Hindi nito pinangangahasan, ni minsan, na hindi pansinin ang mga ito, ni hindi ito nangangahas na labagin ang mga ito sa anumang paraan, o gawin ang anumang bagay na sumusuway sa awtoridad ng Diyos, at hindi ito nangangahas na hamunin ang poot ng Diyos sa anumang paraan. Bagama’t likas na masama at mapagmataas ito, hindi kailanman nangahas si Satanas na lumampas sa mga hangganan at limitasyon na itinalaga para dito ng Diyos. Sa milyun-milyong taon, ito’y mahigpit na sumunod sa mga hangganang ito, sumunod sa bawat kautusan at atas na ibinigay rito ng Diyos, at hindi kailanman nangahas na lampasan ang limitasyon. Kahit masama ang hangarin nito, di-hamak na mas matalino si Satanas kaysa sa tiwaling sangkatauhan; alam nito ang pagkakakilanlan ng Lumikha, at alam nito ang sarili nitong hangganan. Mula sa mga “mapagpasakop” na kilos ni Satanas, makikita na ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay mga kautusan ng kalangitan na hindi malalabag ni Satanas, at dahil mismo sa pagiging natatangi at awtoridad ng Diyos kaya ang lahat ng bagay ay nagbabago at dumadami sa isang maayos na paraan, kaya nabubuhay ang sangkatauhan at dumarami alinsunod sa landas na itinatag ng Diyos, at walang tao o bagay ang may kakayahang guluhin ang kaayusang ito, at walang tao o bagay ang may kakayahang baguhin ang batas na ito—dahil ang lahat ng iyon ay galing sa mga kamay ng Lumikha, at mula sa atas at awtoridad ng Lumikha.

Tanging ang Diyos, na May Pagkakakilanlan ng Lumikha, ang Nagtataglay ng Natatanging Awtoridad

Ang espesyal na pagkakakilanlan ni Satanas ay nagsanhi na sa maraming tao na magpakita ng matinding interes sa mga pagpapamalas nito sa iba’t ibang aspeto. Marami pa ngang mga hangal na tao ang naniniwala na, tulad ng Diyos, nagtataglay rin si Satanas ng awtoridad, dahil may kakayahan si Satanas na magpakita ng mga himala, at may kakayahang gumawa ng mga bagay na imposible sa sangkatauhan. At kaya, bukod sa pagsamba sa Diyos, naglalaan din ang sangkatauhan ng lugar sa kanyang puso para kay Satanas, at sinasamba pa si Satanas bilang Diyos. Parehong kaawa-awa at kasuklam-suklam ang mga taong ito. Kaawa-awa sila dahil sa kanilang kamangmangan, at kasuklam-suklam dahil sa kanilang maling pananampalataya at likas na masamang kakanyahan. Sa puntong ito, pakiramdam Ko ay kailangang ipaalam sa inyo kung ano ang awtoridad, ano ang isinasagisag nito, at kung ano ang kinakatawan nito. Sa pangkalahatang pananalita, ang Diyos Mismo ay awtoridad, isinasagisag ng Kanyang awtoridad ang kataas-taasang kapangyarihan at diwa ng Diyos, at ang awtoridad ng Diyos Mismo ay kumakatawan sa katayuan at pagkakakilanlan ng Diyos. Yamang ito ang sitwasyon, nangangahas ba si Satanas na sabihin na ito mismo ay Diyos? Nangangahas ba si Satanas na sabihin na ito ang lumikha ng lahat ng bagay, at humahawak ng kataas-taasang kapangyarihang maghari sa lahat ng bagay? Siyempre hindi! Dahil wala itong kakayahan na likhain ang lahat ng bagay; hanggang ngayon, hindi kailanman ito nakagawa ng anumang bagay na nilikha ng Diyos, at hindi kailanman nakalikha ng anumang bagay na may buhay. Dahil wala itong awtoridad ng Diyos, hindi ito kailanman maaaring magtaglay ng katayuan at pagkakakilanlan ng Diyos, at ito ay nalalaman sa pamamagitan ng diwa nito. Mayroon ba itong kaparehong kapangyarihan tulad ng sa Diyos? Siyempre wala! Ano ang tawag natin sa mga kilos ni Satanas, at sa mga himalang ipinakikita ni Satanas? Kapangyarihan ba ito? Maaari ba itong matawag na awtoridad? Siyempre hindi! Pinamamahalaan ni Satanas ang agos ng kasamaan, at sinisira, pinipinsala, at ginagambala ang bawat aspeto ng gawain ng Diyos. Sa nakaraang ilang libong taon, bukod sa pagtiwali at pang-aabuso sa sangkatauhan, at pang-aakit at panlilinlang sa tao sa kasamaan, at sa pagtanggi sa Diyos para maglakad ang tao patungo sa lambak ng anino ng kamatayan, nakagawa na ba ng anumang bagay si Satanas na karapat-dapat sa kahit katiting na pag-alala, papuri, o pagtatangi ng tao? Kung nagtaglay ng awtoridad at kapangyarihan si Satanas, magagawang tiwali kaya nito ang sangkatauhan? Kung nagtaglay ng awtoridad at kapangyarihan si Satanas, mapipinsala kaya nito ang sangkatauhan? Kung nagtaglay ng kapangyarihan at awtoridad si Satanas, matatalikuran kaya ng sangkatauhan ang Diyos at mapapaharap na sa kamatayan? Yamang walang awtoridad at kapangyarihan si Satanas, ano ang maaari nating pagtibayin tungkol sa diwa ng lahat ng ginagawa nito? Mayroong mga nagpapakahulugan sa lahat ng ginagawa ni Satanas bilang panlilinlang lamang, ngunit naniniwala Ako na hindi masyadong naaangkop ang gayong pakahulugan. Ang masasama ba nitong gawa ng katiwalian sa sangkatauhan ay panlilinlang lamang? Ang masamang kapangyarihan na ginamit ni Satanas para abusuhin si Job, at ang mabagsik na pagnanasa nito na abusuhin at lamunin siya, ay hindi makakamit ng panlilinlang lamang. Sa pagbabalik-tanaw, sa isang iglap, ang mga kawan at mga bakahan ni Job, na nakakalat nang malayo at malawak sa buong kaburulan at kabundukan, ay nawala; sa isang iglap, nawala ang malaking kayamanan ni Job. Kaya ba iyong makamit ng panlilinlang lamang? Ang kalikasan ng lahat ng ginagawa ni Satanas ay tumutugon at akma sa mga negatibong termino gaya ng para maminsala, para manggambala, para manira, para manakit, kasamaan, paghahangad ng masama, at kadiliman, at kaya ang pangyayari ng lahat ng hindi matuwid at masama ay mahigpit na nakadikit sa mga gawa ni Satanas, at hindi maihihiwalay sa masamang diwa ni Satanas. Kahit gaano pa “kalakas” si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana niya sa pananakot ng tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman naghari o kumontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang sumailalim sa pamamahala ng Diyos, kundi, higit pa rito ay kailangang sumunod sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa—lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, at gumawa para sa sangkatauhan, at pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kasama ang hangarin ng kalikasan nito, at gaano man kasama ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang tapat na gawin ang tungkulin nito: ang magsilbi sa Diyos, at ang salungatin ang Diyos. Ito ang diwa at kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay hindi kaugnay sa buhay, hindi kaugnay sa kapangyarihan, hindi kaugnay sa awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na nagsisilbi sa Diyos!

Matapos maunawaan ang tunay na mukha ni Satanas, maraming tao ang hindi pa rin nakakaintindi kung ano ang awtoridad, kaya hayaan mong sabihin Ko ito sa iyo! Ang mismong awtoridad ay maipapaliwanag bilang kapangyarihan ng Diyos. Una, masasabi nang may katiyakan na positibong pareho ang awtoridad at kapangyarihan. Walang koneksiyon ang mga ito sa anumang bagay na negatibo, at hindi nauugnay ang mga ito sa anumang nilikha o di-nilikha. Kayang lumikha ng kapangyarihan ng Diyos ng mga bagay sa anumang anyo na may buhay at kasiglahan, at pinagpapasyahan ito ng buhay ng Diyos. Ang Diyos ay buhay, kaya Siya ang pinagmumulan ng lahat ng nabubuhay. Dagdag pa rito, mapapasunod ng awtoridad ng Diyos ang lahat ng nabubuhay na nilalang sa bawat salita ng Diyos, ang ibig sabihin nito ay mabuo nang naaayon sa mga salita mula sa bibig ng Diyos, at mamuhay at magparami sa pamamagitan ng utos ng Diyos, matapos nito ay napaghaharian at nauutusan ng Diyos ang lahat ng bagay na nabubuhay, at hindi kailanman magkakaroon ng paglihis, magpasawalang-hanggan. Walang tao o bagay ang mayroon ng ganitong mga bagay; tanging ang Lumikha lamang ang nagtataglay at mayroon ng gayong kapangyarihan, at kaya ito ay tinatawag na awtoridad. Ito ang pagiging natatangi ng Lumikha. Dahil dito, kung ito man ay ang salitang “awtoridad” mismo o ang diwa ng awtoridad na ito, ang bawat isa ay maiuugnay lamang sa Lumikha, dahil ito ay sagisag ng natatanging pagkakakilanlan at diwa ng Lumikha, at kumakatawan ito sa pagkakakilanlan at katayuan ng Lumikha; bukod sa Lumikha, walang tao o bagay ang maiuugnay sa salitang “awtoridad.” Ito ay isang pagpapakahulugan sa natatanging awtoridad ng Lumikha.

Kahit na tinitingnan ni Satanas si Job nang may inggit sa mga mata, hindi ito nangahas na hipuin ni isang buhok sa katawan ni Job nang walang pahintulot ng Diyos. Kahit pa likas na masama at malupit si Satanas, matapos ibaba ng Diyos ang Kanyang utos dito, wala nang nagawa si Satanas kundi sumunod sa kautusan ng Diyos. Samakatuwid, kahit na si Satanas ay kasing-ulol ng isang lobo sa gitna ng mga tupa, pagdating kay Job, hindi nito tinangkang kalimutan ang mga hangganan na itinakda ng Diyos para dito, hindi ito nangahas na labagin ang mga atas ng Diyos, at sa lahat ng ginawa nito, hindi nangahas na lumihis si Satanas mula sa mga prinsipyo at hangganan ng mga salita ng Diyos—hindi ba ito isang katotohanan? Mula rito ay makikita na hindi nangangahas si Satanas na salungatin ang anumang mga salita ng Diyos na si Jehova. Para kay Satanas, ang bawat salita mula sa bibig ng Diyos ay isang utos at isang batas ng kalangitan, isang pagpapahayag ng awtoridad ng Diyos—dahil sa likod ng bawat salita ng Diyos ay ipinahihiwatig ang kaparusahan ng Diyos para sa mga lumalabag sa mga utos ng Diyos, at sa mga sumusuway at sumasalungat sa mga batas ng kalangitan. Malinaw na alam ni Satanas na kapag nilabag nito ang mga utos ng Diyos, kung gayon ay kailangan nitong tanggapin ang mga bunga ng paglabag sa awtoridad ng Diyos at pagsalungat sa mga kautusan ng kalangitan. Ano ba ang mga kahihinatnang ito? Hindi na kailangang sabihin, ang mga iyon ay ang kaparusahan ng Diyos dito. Ang mga pagkilos ni Satanas tungo kay Job ay isang maliit na paglalarawan lamang ng katiwalian nito sa tao, at nang isinakatuparan ni Satanas ang mga pagkilos na ito, ang mga itinakdang hangganan ng Diyos at ang Kanyang ibinabang mga utos kay Satanas ay isang maliit na paglalarawan lamang ng mga prinsipyo sa likod ng lahat ng ginagawa nito. Dagdag pa rito, ang tungkulin at papel ni Satanas sa bagay na ito ay isang maliit na paglalarawan lamang ng tungkulin at papel nito sa gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang lubos na pagsunod ni Satanas sa Diyos sa panunukso nito kay Job ay isang maliit na paglalarawan lamang kung paanong hindi nangahas si Satanas na kumontra nang kahit kaunti sa Diyos sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Anong babala ang ibinibigay ng maliliit na paglalarawang ito sa inyo? Sa lahat ng bagay, kasama na si Satanas, walang tao o bagay ang makakalabag sa mga batas ng kalangitan at mga utos na itinakda ng Lumikha, at walang tao o bagay ang nangangahas na labagin ang mga batas at utos ng kalangitan na ito, dahil walang tao o bagay ang maaaring bumago o tumakas mula sa kaparusahan na ipinapataw ng Lumikha sa mga sumusuway sa mga ito. Tanging ang Lumikha lamang ang makakapagtatag ng mga batas at mga utos ng kalangitan, tanging ang Lumikha lamang ang may kapangyarihan na ipatupad ang mga ito, at tanging ang kapangyarihan lamang ng Lumikha ang hindi malalabag ng sinumang tao o bagay. Ito ang natatanging awtoridad ng Lumikha, at kataas-taasan ang awtoridad na ito sa lahat ng bagay, at kaya imposibleng sabihin na “ang Diyos ang pinakadakila at pangalawa si Satanas.” Maliban sa Lumikha na nagtataglay ng natatanging awtoridad, wala nang iba pang Diyos!

May bago ba kayong nalaman ngayon tungkol sa awtoridad ng Diyos? Una, may kaibahan ba sa pagitan ng awtoridad ng Diyos na kababanggit lamang, at ng kapangyarihan ng tao? Ano ang kaibahan? May mga taong nagsasabi na walang pagkakahalintulad sa dalawa. Tama iyon! Bagama’t sinasabi ng mga tao na walang pagkakahalintulad sa dalawa, sa mga iniisip at mga haka-haka ng tao, madalas na napagkakamalang awtoridad ang kapangyarihan ng tao, at kadalasang pinaghahambing ang dalawa sa isa’t isa. Ano ang nangyayari dito? Hindi ba nagkakamali ang mga tao dahil di-sinasadyang napagpapalit nila ang dalawa? Hindi magkaugnay ang dalawa, at walang pagkakahalintulad sa pagitan nila, ngunit hindi pa rin ito maiiwasan ng mga tao. Paano ba ito dapat lutasin? Kung talagang gusto mong maghanap ng kalutasan, ang tanging paraan ay ang pag-intindi at pag-alam sa natatanging awtoridad ng Diyos. Pagkatapos maintindihan at malaman ang awtoridad ng Lumikha, hindi mo na babanggitin ang kapangyarihan ng tao at ang awtoridad ng Diyos sa parehong pagkakataon.

Ano ang pinatutungkulan ng kapangyarihan ng tao? Sa madaling salita, isa itong abilidad o kasanayan na nagdudulot na mapalaki o matupad sa pinakamalawak na paraan ang tiwaling disposisyon, mga pagnanasa at mga ambisyon ng tao. Masasabi bang ito ay awtoridad? Kahit gaano pa kalaki o kapaki-pakinabang ang mga ambisyon at pagnanasa ng tao, ang taong iyon ay hindi masasabing nagtataglay ng awtoridad; Kadalasan, ang kalabisan at tagumpay na ito ay pagpapakita lamang ng pagpapatawa ni Satanas sa mga tao; kadalasan ay isa itong katatawanan kung saan ay gumaganap si Satanas bilang sarili nitong ninuno para tuparin ang ambisyon nito na maging Diyos.

Paano mo ba talaga tinitingnan ang awtoridad ng Diyos ngayon? Ngayon na ang mga salitang ito ay napagbahagian na, dapat ay mayroon ka ng bagong kaalaman tungkol sa awtoridad ng Diyos. Kaya tinatanong Ko kayo: Ano ang isinasagisag ng awtoridad ng Diyos? Isinasagisag ba nito ang pagkakakilanlan ng Diyos Mismo? Isinasagisag ba nito ang kapangyarihan ng Diyos Mismo? Isinasagisag ba nito ang natatanging katayuan ng Diyos Mismo? Sa lahat ng bagay, saan mo na nakita ang awtoridad ng Diyos? Paano mo ito nakita? Kung pag-uusapan ang apat na panahon na nararanasan ng tao, mababago ba ng sinuman ang batas ng pagpapalitan sa pagitan ng tagsibol, tag-init, taglagas at taglamig? Sa tagsibol, sumisibol at namumulaklak ang mga puno; sa tag-init sila’y nababalot ng mga dahon; sa taglagas sila’y namumunga, at sa taglamig nalalagas ang mga dahon. Kaya bang baguhin ng sinuman ang batas na ito? Sinasalamin ba nito ang isang aspeto ng awtoridad ng Diyos? Sinabi ng Diyos “Magkaroon ng liwanag,” at nagkaroon ng liwanag. Umiiral pa rin ba ang liwanag na ito? Ano ang dahilan nito para umiral? Umiiral ito dahil sa mga salita ng Diyos, siyempre, at dahil sa awtoridad ng Diyos. Ang hangin ba na nilikha ng Diyos ay umiiral pa rin? Ang hangin ba na hinihinga ng tao ay galing sa Diyos? Maaalis ba ng sinuman ang mga bagay na nanggagaling sa Diyos? Mababago ba ng sinuman ang kanilang diwa at tungkulin? Kaya bang guluhin ng sinuman ang gabi at araw na inilaan ng Diyos, at ang batas ng gabi at araw na iniutos ng Diyos? Magagawa ba ni Satanas ang gayong bagay? Kahit na hindi ka natutulog sa gabi, at ginagawa mong araw ang gabi, ito’y gabi pa rin; maaari mong baguhin ang iyong pang-araw-araw na karaniwang gawain, ngunit wala kang kakayahan na baguhin ang batas ng pagpapalitan ng gabi at araw—ang katotohanang ito ay hindi nababago ng sinumang tao, hindi ba? Kaya ba ng sinuman na pag-araruhin ng lupa ang leon tulad ng baka? Kaya ba ng sinuman na gawing buriko ang elepante? Kaya ba ng sinuman na paliparin nang matayog sa himpapawid ang manok tulad ng agila? Kaya ba ng sinuman na pakainin ng damo ang lobo tulad ng tupa? (Hindi.) Kaya ba ng sinuman na patirahin ang isda sa tuyong lupa? Hindi iyan magagawa ng mga tao. Bakit hindi? Dahil ipinag-utos ng Diyos sa isda na manirahan sa tubig, at kaya naninirahan ang mga ito sa tubig. Ang mga ito ay hindi mananatiling buhay sa lupa, at mamamatay; hindi kayang labagin ng mga ito ang mga hangganan ng kautusan ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay may batas at hangganan sa kanilang pag-iral, at may sariling likas na pag-uugali ang bawat isa sa mga ito. Ang mga ito ay itinalaga ng Lumikha, at di-mababago at di-malalampasan ng sinumang tao. Halimbawa, laging maninirahan ang leon sa gubat, malayo sa mga pamayanan ng tao, at hindi kailanman magiging maamo at matapat tulad ng baka na kasamang namumuhay at nagtatrabaho para sa tao. Bagama’t parehong hayop ang mga elepante at buriko at parehong may apat na paa, at mga nilalang na humihinga ng hangin, magkaibang klase ang mga ito, dahil hinati-hati sila ng Diyos sa magkakaibang uri, may kanya-kanya silang likas na pag-uugali, at kaya hindi sila kailanman mapagpapalit. Bagama’t ang manok ay may dalawang binti at mga pakpak tulad ng isang agila, hindi ito kailanman makalilipad sa himpapawid; makakalipad lamang ito papunta sa isang puno—pinagpapasyahan ito ng likas na ugali nito. Hindi na kailangang sabihin, ang lahat ng ito ay dahil sa mga kautusan ng awtoridad ng Diyos.

Sa pag-unlad ngayon ng sangkatauhan, masasabing yumayabong ang siyensiya ng sangkatauhan at kung ilalarawan ang mga nagawa ng mga siyentipikong pananaliksik ng tao ay kahanga-hanga ang mga ito. Masasabi rin na ang abilidad ng tao ay humuhusay nang humuhusay, ngunit may isang pambihirang siyentipikong pagtuklas na hindi pa kayang gawin ng sangkatauhan: Nakagawa na ang sangkatauhan ng mga eroplano, mga kargahan ng eroplano, at ng bombang atomika, nakarating na sa kalawakan ang sangkatauhan, nakalakad sa buwan, nakaimbento ng Internet, at namuhay nang may “hi-tech” na estilo ng pamumuhay, ngunit walang kakayahan ang sangkatauhan na lumikha ng isang buhay at humihingang bagay. Ang mga likas na pag-uugali ng bawat buhay na nilalang at ang mga batas na ipinamumuhay ng mga ito, at ang siklo ng buhay at kamatayan ng bawat uri ng buhay na bagay—ang lahat ng ito ay lampas sa kayang gawin ng siyensiya ng sangkatauhan at hindi kayang kontrolin nito. Sa puntong ito, masasabi na kahit gaano kataas ang naaabot ng siyensiya ng tao, hindi ito naihahambing sa alinman sa mga iniisip ng Lumikha, at walang kakayahang makilala ang mahimalang paglikha ng Lumikha at ang kapangyarihan ng Kanyang awtoridad. Napakarami ng mga karagatan sa ibabaw ng lupa, ngunit hindi kailanman nilabag ng mga ito ang kanilang mga hangganan at basta-basta na lamang umagos sa lupa, at ito’y dahil itinakda ng Diyos ang hangganan ng bawat isa sa kanila; nanatili sila kung saan man sila inutusang manatili, at hindi malayang makagagalaw ang mga ito nang walang pahintulot ng Diyos. Kapag walang pahintulot ang Diyos, hindi sila maaaring manghimasok sa bawat isa, at makagagalaw lamang kapag sinabi ito ng Diyos, at tinutukoy ng awtoridad ng Diyos kung saan sila pumupunta at nananatili.

Para gawin itong malinaw, “ang awtoridad ng Diyos” ay nangangahulugang bahala ang Diyos. May karapatan ang Diyos na magpasya kung paano gawin ang isang bagay, at ginagawa ito sa kung papaanong paraan Niya naisin. Nakasalalay sa Diyos ang batas ng lahat ng bagay, at hindi nakabatay sa tao; ni hindi ito mababago ng tao. Hindi ito matitinag ng kalooban ng tao, bagkus ay binabago ito ng mga iniisip ng Diyos, ng karunungan ng Diyos, at ng mga utos ng Diyos; ito ay isang katotohanan na hindi kayang itanggi ng sinumang tao. Ang mga kalangitan at lupa at lahat ng bagay, ang sansinukob, ang mabituing kalawakan, ang apat na panahon ng taon, ang nakikita at di-nakikita ng tao—ang lahat ng ito ay umiiral, gumagana, at nagbabago nang wala ni katiting na pagkakamali, sa ilalim ng awtoridad ng Diyos, ayon sa mga atas ng Diyos, ayon sa mga kautusan ng Diyos, at ayon sa mga batas ng simula ng paglikha. Wala kahit isang tao o bagay ang makakapagbago ng kanilang mga batas, o makakapagbago ng likas na landas ng kanilang paggana; sila ay naging kung ano sila dahil sa awtoridad ng Diyos, at nawawala dahil sa awtoridad ng Diyos. Ito ang mismong awtoridad ng Diyos. Ngayon na ganito na karami ang nasabi na, nararamdaman mo ba na ang awtoridad ng Diyos ay sagisag ng pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos? Matataglay ba ng anumang nilikha o di-nilikha ang awtoridad ng Diyos? Maaari ba itong magaya, matularan, o mapalitan ng anumang tao, bagay, o layon?

Natatangi ang Pagkakakilanlan ng Lumikha, at Hindi Mo Dapat Sundin ang Ideya ng Politeismo

Bagama’t ang mga kasanayan at kakayahan ni Satanas ay mas matindi kaysa roon sa tao, bagama’t makakagawa ito ng maraming bagay na hindi kayang maabot ng tao, kung iyo mang kinaiinggitan o hinahangad ang ginagawa ni Satanas, kung iyo mang kinamumuhian o kinasusuklaman ang mga bagay na ito, kung may kakayahan ka man o wala na makita ang mga iyon, at gaano man kalaki ang kayang maisakatuparan ni Satanas, o kung gaano man karaming tao ang malilinlang nito na sambahin ito at ilagay ito sa dambana, at kung paano mo man ito bigyang-kahulugan, hindi mo maaaring sabihin na ito’y mayroong awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Kailangan mong malaman na ang Diyos ay Diyos, may nag-iisang Diyos lamang, at higit pa rito, kailangan mong malaman na Diyos lamang ang may awtoridad, na ang Diyos lamang ang may kapangyarihan na kontrolin at pamunuan ang lahat ng bagay. Dahil lamang sa may kakayahan si Satanas na manlinlang ng mga tao at may kakayahang gayahin ang Diyos, gayahin ang mga tanda at mga himala na ginawa ng Diyos, at nakagawa na ng mga parehong bagay gaya ng Diyos, nagkakamali ka sa paniniwala na hindi natatangi ang Diyos, na maraming Diyos, na ang iba’t ibang Diyos na ito ay mayroon lamang mas matindi o mas maliit na kakayahan, at mayroong mga pagkakaiba sa lawak ng kapangyarihan na kanilang hawak. Pinagsusunud-sunod mo ang kanilang kadakilaan ayon sa kanilang pagdating at ayon sa kanilang edad, at nagkakamali ka sa paniniwala na may iba pang mga diyos bukod sa Diyos, at iniisip na ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay hindi natatangi. Kung mayroon kang gayong mga ideya, kung hindi mo kinikilala ang pagiging natatangi ng Diyos, kung hindi ka naniniwala na tanging ang Diyos ang nagtataglay ng awtoridad, at kung sumusunod ka lamang sa politeismo, kung gayon sinasabi Ko na ikaw ang dumi ng mga nilalang, ikaw ang tunay na pagsasakatawan ni Satanas, at lubos na ikaw ay masamang tao! Naiintindihan ba ninyo kung ano ang sinusubukan Kong ituro sa inyo sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga salitang ito? Kahit ano pa ang panahon, lugar, o iyong pinagmulan, hindi ka dapat malito sa pagitan ng Diyos at ng anumang iba pang tao, bagay, o layon. Kung sa pakiramdam mo man ay hindi kayang makilala at hindi malapitan ang awtoridad ng Diyos at ang diwa ng Diyos Mismo, kahit gaano pa umaayon sa iyong haka-haka at imahinasyon ang mga gawa at salita ni Satanas, kahit gaano pa nagbibigay-kasiyahan ang mga iyon sa iyo, huwag maging hangal, huwag malito sa mga konseptong ito, huwag itanggi ang pag-iral ng Diyos, huwag itanggi ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, huwag itulak ang Diyos sa labas ng pinto at ipasok si Satanas para palitan ang Diyos sa loob ng iyong puso at gawing Diyos mo. Wala Akong alinlangan na kaya ninyong isipin ang mga kalalabasan ng paggawa nito!

Bagama’t ang Sangkatauhan ay Nagawa nang Tiwali, Nabubuhay pa rin Siya sa Ilalim ng Kataas-taasang Kapangyarihan ng Awtoridad ng Lumikha

Libu-libong taon nang ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Nakagawa na ito ng hindi-masabing dami ng kasamaan, nakapanlinlang na ng sunud-sunod na henerasyon, at nakagawa na ng mga karumal-dumal na krimen sa mundo. Naabuso na nito ang tao, nalinlang ang tao, naakit ang tao na salungatin ang Diyos, at nakagawa na ng masasamang pagkilos na nakalito at paulit-ulit na nagpahina sa plano ng pamamahala ng Diyos. Gayunman, sa ilalim ng awtoridad ng Diyos, ang lahat ng bagay at buhay na nilalang ay patuloy na sumusunod sa mga patakaran at batas na itinalaga ng Diyos. Kumpara sa awtoridad ng Diyos, ang masamang kalikasan at kayabangan ni Satanas ay napakapangit, sobrang nakakadiri at kasuklam-suklam, at napakaliit at napakahina. Kahit na naglalakad si Satanas sa gitna ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, hindi nito kayang gumawa ng katiting na pagbabago sa mga tao, bagay, at layon na iniutos ng Diyos. Nakalipas na ang ilang libong taon, at tinatamasa pa rin ng sangkatauhan ang liwanag at hangin na ipinagkaloob ng Diyos, hinihinga pa rin ang hininga na inihinga ng Diyos Mismo, tinatamasa pa rin ang mga bulaklak, ibon, isda at mga insektong nilikha ng Diyos, at tinatamasa ang lahat ng bagay na ibinigay ng Diyos; patuloy pa rin ang araw at gabi sa pagpapalitan sa isa’t isa; ganoon pa rin ang paghahalinhinan ng apat na panahon; ang lumilipad na gansa sa papawirin ay umaalis sa taglamig, at bumabalik pa rin sa susunod na tagsibol; ang mga isda sa tubig ay hindi kailanman umaalis sa mga ilog at lawa—na kanilang tahanan; ang mga sikada sa lupa ay malakas na kumakanta sa mga araw ng tag-init; ang mga kuliglig sa mga damo ay marahang humuhuni nang sabay sa hangin sa panahon ng taglagas; ang mga gansa ay nagsasama-sama sa kawan, habang nananatiling mag-isa ang mga agila; tinutustusan ng mga grupo ng leon ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pangangaso; hindi lumalayo ang usa sa damo at mga bulaklak…. Ang bawat uri ng buhay na nilalang sa gitna ng lahat ng bagay ay umaalis at bumabalik, at muling umaalis pagkatapos, milyun-milyong pagbabago ang nangyayari sa isang kisap-mata—ngunit ang hindi nagbabago ay ang kanilang mga likas na pag-uugali at ang mga batas ng pananatiling buhay. Nabubuhay sila sa ilalim ng panustos at pagpapakain ng Diyos, at walang sinuman ang makakapagbago ng kanilang mga likas na pag-uugali, at walang sinuman ang makakasira sa kanilang mga patakaran ng pananatiling buhay. Bagama’t ang sangkatauhan, na namumuhay sa gitna ng lahat ng bagay, ay nagawa nang tiwali at nalinlang ni Satanas, hindi pa rin maaaring mawala sa tao ang tubig na ginawa ng Diyos, at ang hangin na ginawa ng Diyos, at ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos, at namumuhay pa rin at dumadami ang tao sa espasyong ito na ginawa ng Diyos. Ang likas na pag-uugali ng sangkatauhan ay hindi pa nagbabago. Nakadepende pa rin ang tao sa kanyang mga mata para makakita, sa kanyang mga tainga para makarinig, sa kanyang utak para makapag-isip, sa kanyang puso para makaunawa, sa kanyang mga binti at paa para maglakad, sa kanyang mga kamay para magtrabaho, at iba pa; ang lahat ng likas na pag-uugali na ipinagkaloob ng Diyos sa tao para matanggap niya ang mga panustos ng Diyos ay nananatiling hindi nagbabago, ang mga kakayahan na ginagamit ng tao para makipagtulungan sa Diyos ay hindi nagbago, ang kakayahan ng sangkatauhan para gumanap ng tungkulin bilang isang nilikhang katauhan ay hindi nagbago, ang mga pangangailangang espirituwal ng sangkatauhan ay hindi nagbago, ang pagnanais ng tao para mahanap ang kanyang mga pinagmulan ay hindi nagbago, ang paghahangad ng sangkatauhan na mailigtas ng Lumikha ay hindi nagbago. Ganyan ang kasalukuyang mga kalagayan ng sangkatauhan, na namumuhay sa ilalim ng awtoridad ng Diyos, at nakapagtiis na ng madugong pagkasira na ginawa ni Satanas. Bagaman ang sangkatauhan ay napasailalim na sa pagpapahirap ni Satanas, at hindi na sina Adan at Eba mula sa simula ng paglikha, ngunit sa halip ay puno ng mga bagay-bagay na laban sa Diyos, tulad ng kaalaman, imahinasyon, haka-haka, at iba pa, at puno ng mga tiwali at malademonyong disposisyon, sa mga mata ng Diyos, ang sangkatauhan ay ang parehong sangkatauhan pa rin na Kanyang nilikha. Ang sangkatauhan ay pinaghaharian at isinasaayos pa rin ng Diyos, at namumuhay pa rin sa loob ng landas na itinalaga ng Diyos, at kaya sa mga mata ng Diyos, ang sangkatauhan, na ginawa nang tiwali ni Satanas, ay nababalot lamang ng dumi, may kumakalam na sikmura, may kaunting kabagalan ang reaksiyon, may memorya na hindi na kasing talas ng dati, at medyo may katandaan na—ngunit ang lahat ng paggana at likas na pag-uugali ng tao ay lubos na hindi nasira. Ito ang sangkatauhan na hinahangad ng Diyos na iligtas. Kailangan lamang marinig ng sangkatauhan ang tawag ng Lumikha, at marinig ang tinig ng Lumikha, at tatayo siya at magmamadaling hanapin ang pinagmumulan ng tinig na ito. Kailangan lamang makita ng sangkatauhan ang anyo ng Lumikha at siya’y mawawalan na ng pakialam sa lahat ng iba pa, at tatalikuran ang lahat, para ilaan ang kanyang sarili sa Diyos, at ibubuwis pa nga ang kanyang buhay para sa Kanya. Kapag naintindihan ng puso ng sangkatauhan ang taos-pusong mga salita ng Lumikha, tatanggihan ng sangkatauhan si Satanas at lalapit sa tabi ng Lumikha; kapag lubos nang nahugasan ng sangkatauhan ang dumi mula sa kanyang katawan, at muling natanggap ang panustos at pagpapakain ng Lumikha, kung gayon ay mapanunumbalik ang alaala ng sangkatauhan, at sa pagkakataong ito ang sangkatauhan ay tunay nang magbabalik sa pamamahala ng Lumikha.

Disyembre 14, 2013

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger