Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Unang Bahagi

Noong ating huling pulong ay naibahagi natin ang isang napakahalagang paksa. Naaalala ba ninyo kung ano ito? Hayaan ninyong ulitin Ko ito. Ang paksa ng ating huling pagbabahagi ay: Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo. Mahalaga ba ang paksang ito para sa inyo? Aling mga bahagi nito ang pinakamahalaga para sa inyo? Ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, o ang Diyos Mismo? Saan kayo pinaka-interesado? Aling mga bahagi ang pinakagusto ninyong marinig? Alam Kong mahirap para sa inyo na sagutin ang tanong na iyan, dahil ang disposisyon ng Diyos ay makikita sa bawat aspeto ng Kanyang gawain, at ang Kanyang disposisyon ay palaging ibinubunyag ng Kanyang gawain at sa lahat ng lugar, at, sa katunayan, ay kumakatawan sa Diyos Mismo; sa pangkalahatang plano ng pamamahala ng Diyos, ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo ay hindi mapaghihiwalay sa isa’t isa.

Ang nilalaman ng ating huling pagbabahagi tungkol sa gawain ng Diyos ay kinabibilangan ng mga salaysay mula sa Bibliya tungkol sa mga pangyayaring naganap matagal na panahon na ang nakalilipas. Ang lahat ng ito ay mga kuwento tungkol sa tao at Diyos, at ang mga ito ay tungkol sa mga nangyari sa tao, habang kinasasangkutan din ng pakikilahok at pagpapahayag ng Diyos, kung kaya’t ang mga kuwentong ito ay mayroong partikular na halaga at kabuluhan sa pagkilala sa Diyos. Pagkatapos na pagkatapos Niyang likhain ang sangkatauhan, ang Diyos ay nagsimulang makipag-ugnayan sa tao at makipag-usap sa tao, at ang Kanyang disposisyon ay nagsimulang maipahayag sa tao. Sa ibang salita, magmula nang unang makipag-ugnayan ang Diyos sa sangkatauhan, sinimulan na Niyang ipakita sa tao, nang walang hinto, ang Kanyang diwa, kung ano ang mayroon Siya, at kung ano Siya. Nakikita o nauunawaan man ito o hindi ng mga naunang tao o ng mga tao sa kasalukuyang panahon, ang Diyos ay nagsasalita sa tao at gumagawa sa mga tao, na nagbubunyag ng Kanyang disposisyon at nagpapahayag ng Kanyang diwa—ito ay isang katunayan, at hindi ito maikakaila ng sinumang tao. Nangangahulugan din ito na ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng Diyos, at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya ay patuloy na lumalabas at naibubunyag habang gumagawa at nakikipag-ugnayan Siya sa tao. Hindi Siya kailanman naglihim o nagtago ng anumang bagay mula sa tao, at sa halip ay nagpapakita sa madla at naglalabas ng Kanyang sariling disposisyon nang walang pag-aatubili. Kung kaya’t umaasa ang Diyos na makakaya Siyang makilala ng tao at maunawaan ang Kanyang disposisyon at diwa. Hindi Niya nais na ituring ng tao ang Kanyang disposisyon at diwa bilang walang hanggang mga misteryo, at hindi rin Niya nais na tingnan Siya ng sangkatauhan bilang isang palaisipan na hindi kailanman malulutas. Malalaman lamang ng tao ang daan pasulong at magagawang tanggapin ang gabay ng Diyos kung kilala ng sangkatauhan ang Diyos, at tanging ang sangkatauhang tulad nito ang tunay na makakapamuhay sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, at mabubuhay sa liwanag, sa gitna ng mga pagpapala ng Diyos.

Ang mga salita at disposisyong inilabas at ibinunyag ng Diyos ay kumakatawan sa Kanyang kalooban, at kumakatawan din ang mga ito sa Kanyang diwa. Kapag nakikipag-ugnayan ang Diyos sa tao, anuman ang Kanyang sabihin o gawin, o anuman ang disposisyong Kanyang ibunyag, at anuman ang nakikita ng tao sa diwa ng Diyos, kung ano ang mayroon Siya, at kung ano Siya, kinakatawan ng lahat ng ito ang kalooban ng Diyos para sa tao. Hanggang saan man ang kayang mapagtanto, maunawaan o maintindihan ng tao, kinakatawan ng lahat ng ito ang kalooban ng Diyos—ang kalooban ng Diyos para sa tao. Ito ay walang pag-aalinlangan! Ang kalooban ng Diyos para sa sangkatauhan ay siya ring hinihingi Niya sa mga tao na maging, kung ano ang hinihingi Niyang gawin nila, ang hinihingi Niyang paraan ng pamumuhay, at kung paano Niya hinihingi sa kanila ang pagkakaroon ng kakayahang maisakatuparan ang kaganapan ng Kanyang kalooban. Ang mga bagay na ito ba ay hindi maihihiwalay mula sa diwa ng Diyos? Sa ibang salita, inilalabas ng Diyos ang Kanyang disposisyon at ang lahat ng mayroon Siya at kung ano Siya kasabay ng pagbibigay Niya ng Kanyang mga hinihingi sa tao. Walang kasinungalingan, walang pagkukunwari, walang pagtatago, at walang palamuti. Ngunit bakit walang-kakayahan ang tao na makaalam, at bakit hindi kailanman nagawang makita nang malinaw ng tao ang disposisyon ng Diyos? At bakit hindi kailanman napagtanto ng tao ang kalooban ng Diyos? Ang ibinunyag at inilabas ng Diyos ay kung ano ang mayroon ang Diyos Mismo at kung ano Siya; ito ay ang bawat aspeto at bahagi ng Kanyang tunay na disposisyon—kaya bakit hindi makakita ang tao? Bakit hindi kaya ng tao na magkaroon ng malalim na kaalaman? Mayroong isang mahalagang dahilan para rito. Ano ang dahilang ito? Mula pa noong panahon ng paglikha, hindi kailanman itinuturing ng tao ang Diyos bilang Diyos. Sa mga pinakaunang panahon, anuman ang ginawa ng Diyos na may kinalaman sa tao—ang tao na kalilikha lamang—itinuring ng tao ang Diyos nang hindi hihigit sa isang kasama, bilang isang kasama na maaasahan, at ang tao ay walang kaalaman o pagkaunawa tungkol sa Diyos. Ang ibig sabihin nito ay hindi alam ng tao na ang inilabas ng Katauhang ito—ang Katauhang ito na kanyang inasahan at nakita bilang kanyang kasama—ay ang diwa ng Diyos, at hindi rin niya alam na ang Katauhang ito ang Siyang namamahala sa lahat ng bagay. Sa madaling sabi, hindi man lamang nakilala ng mga tao noong panahong iyon ang Diyos. Hindi nila alam na ang langit at lupa at ang lahat ng bagay ay ginawa Niya, at wala silang kaalam-alam kung saan Siya nagmula, at, higit pa rito, kung ano Siya. Mangyari pa, noong panahong iyon, hindi hiningi ng Diyos sa tao na kilalanin o unawain Siya nito, o intindihin ang lahat ng Kanyang ginawa, o malaman ang Kanyang kalooban, dahil ito ang mga pinakaunang panahon kasunod ng paglikha sa sangkatauhan. Nang simulan ng Diyos ang mga paghahanda para sa gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, may ilang bagay na ginawa ang Diyos sa tao at nagsimula na rin Siyang hingin ang Kanyang mga kagustuhan sa tao at sabihin sa tao kung paano makapagbibigay ng mga handog at makasasamba sa Diyos. Noon lamang nagkaroon ang tao ng ilang simpleng ideya tungkol sa Diyos, saka lamang niya nalaman ang kaibahan sa pagitan ng tao at Diyos, at na ang Diyos ang Siyang lumikha sa sangkatauhan. Nang malaman ng tao na ang Diyos ay Diyos at ang tao ay tao, nagkaroon ng ilang distansya sa pagitan niya at ng Diyos, ngunit hindi pa rin hiningi ng Diyos sa tao ang pagkakaroon ng mahusay na kaalaman o malalim na pagkaunawa sa Kanya. Samakatwid, gumagawa ang Diyos ng iba’t ibang mga kahilingan sa tao batay sa mga yugto at kalagayan ng Kanyang gawain. Ano ang nakikita niyo rito? Anong aspeto ng disposisyon ng Diyos ang nakikita ninyo? Totoo ba ang Diyos? Angkop ba ang mga hinihingi ng Diyos sa tao? Sa mga pinakaunang panahon matapos ang paglikha ng Diyos sa sangkatauhan, noong hindi pa isinasagawa ng Diyos ang gawain ng paglupig at pagperpekto ng tao, at hindi pa marami ang mga binigkas Niyang salita sa kanya, kaunti lamang ang Kanyang hiningi sa tao. Kahit anupaman ang ginawa o ikinilos ng tao—kahit ginawa niya ang ilang bagay na nagdulot ng pagkakasala sa Diyos—pinatawad ng Diyos ang lahat ng iyon, at hindi na pinansin. Ito ay dahil alam ng Diyos kung ano ang ibinigay Niya sa tao at kung ano ang nasa loob ng tao, at dahil dito, alam Niya ang pamantayan ng mga kahilingan na dapat Niyang hingin sa tao. Kahit na ang pamantayan ng Kanyang mga kahilingan ay labis na mababa noong panahong iyon, hindi ito nangangahulugan na ang Kanyang disposisyon ay hindi dakila, o na ang Kanyang karunungan at pagiging makapangyarihan sa lahat ay walang kabuluhan. Para sa tao, isa lamang ang paraan upang malaman ang disposisyon ng Diyos at ang Diyos Mismo: sa pamamagitan ng pagsunod sa mga hakbang ng gawain ng pamamahala at pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, at pagtanggap sa mga salitang sinasabi ng Diyos sa sangkatauhan. Sa oras na malaman ng tao kung ano ang mayroon ang Diyos, at kung ano Siya, at malaman ang disposisyon ng Diyos, hihingin pa rin kaya ng tao sa Diyos na ipakita sa kanya ang tunay Niyang persona? Hindi, hindi na ito hihingin ng tao, at hindi na mangangahas na hingin pa ito, dahil naunawaan na niya ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya, makikita na ng tao ang tunay na Diyos Mismo at ang Kanyang tunay na persona. Ito ang hindi maiiwasang kahihinatnan.

Habang walang humpay sa pagsulong ang gawain at plano ng Diyos, at matapos maisagawa ng Diyos ang kasunduan ng bahaghari sa tao bilang tanda na hindi na Niya kailanman wawasakin muli ang mundo sa pamamagitan ng pagbaha, nagkaroon ang Diyos ng labis na pagnanais na makamit ang mga taong kayang maging kaisa ng Kanyang isipan. Nagkaroon din Siya ng mas madaliang hangarin na mapasakanya ang mga taong nakayang gawin ang Kanyang kalooban sa lupa, at, higit pa rito, na makamit ang isang grupo ng mga tao na magagawang makalaya mula sa mga puwersa ng kadiliman, at hindi magagapos ni Satanas, isang grupo na magagawang magpatotoo tungkol sa Kanya sa lupa. Ang pagkakaroon ng ganitong grupo ng mga tao ay matagal nang ninanais ng Diyos, na hinihintay Niya simula pa noong panahon ng paglikha. Samakatwid, kahit pa gumamit ang Diyos ng baha upang wasakin ang mundo, o ang Kanyang kasunduan sa tao, ang lahat ng kalooban, kaisipan, plano, at pag-asa ng Diyos ay hindi nagbabago. Ang nais Niyang gawin, ang bagay na labis Niyang hinangad bago pa man ang panahon ng paglikha, ay ang makamit ang bahagi ng sangkatauhan na nais Niyang mapasakanya—ang makamit ang grupo ng mga tao na kayang umunawa at umalam ng Kanyang disposisyon, at umintindi ng Kanyang kalooban, isang grupo na kaya Siyang sambahin. Ang ganitong grupo ng mga tao ay tunay na kayang magpatotoo tungkol sa Kanya, at maaaring sabihin na sila ang Kanyang mga pinagkakatiwalaan.

Ngayon, ipagpatuloy natin ang muling paghahanap sa mga yapak ng Diyos at ang pagsunod sa mga hakbang ng Kanyang gawain, upang matuklasan natin ang mga saloobin at kaisipan ng Diyos, at ang lahat ng iba’t ibang detalyeng may kinalaman sa Diyos, na “naitago sa imbakan” nang mahabang panahon. Sa pamamagitan ng mga bagay na ito malalaman natin ang disposisyon ng Diyos, mauunawaan ang diwa ng Diyos, patutuluyin natin ang Diyos sa ating mga puso, at ang bawat isa sa atin ay dahan-dahang mapapalapit sa Diyos, na magpapaikli ng ating distansiya mula sa Kanya.

Bahagi ng ating pinag-usapan noong nakaraan ay may kinalaman sa kung bakit itinatag ng Diyos ang Kanyang kasunduan sa tao. Ngayon, tayo ay magbabahagi tungkol sa mga talata mula sa kasulatan na nasa ibaba. Magsimula tayo sa pamamagitan ng pagbabasa mula sa mga kasulatan.

A. Abraham

1. Ipinangako ng Diyos na Bibigyan Niya ng Anak na Lalaki si Abraham

Genesis 17:15–17 At sinabi ng Diyos kay Abraham, “Tungkol kay Sarai na iyong asawa, ay huwag mo nang tatawagin ang kanyang pangalang Sarai, kundi Sara ang magiging kanyang pangalan. At Akin siyang pagpapalain, at saka sa kanya’y bibigyan kita ng anak: oo, siya’y Aking pagpapalain, at magiging ina ng mga bansa; ang mga hari ng mga bayan ay magmumula sa kanya.” Nang magkagayo’y nagpatirapa si Abraham, at nagtawa, at nasabi sa kanyang sarili, “Magkakaanak kaya siya na may isandaang taon na? At manganak pa kaya si Sara na may siyamnapung taon na?”

Genesis 17:21–22 Ngunit ang Aking tipan ay pagtitibayin Ko kay Isaac na iaanak sa iyo ni Sara, sa nakatakdang araw, sa taong darating. At nang matapos na makipag-usap sa kanya, ay napaitaas ang Diyos mula sa piling ni Abraham.

2. Inialay ni Abraham si Isaac

Genesis 22:2–3 At Kanyang sinabi, “Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumaroon ka sa lupain ng Moria; at ihain mo siya roong handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na Aking sasabihin sa iyo.” At si Abraham ay bumangon nang maaga, at inihanda ang kanyang asno, at isinama ang dalawa sa kanyang mga alila, at si Isaac na kanyang anak: at nagsibak ng kahoy para sa haing susunugin, at bumangon at pumaroon sa dakong sinabi sa kanya ng Diyos.

Genesis 22:9–10 At sila’y dumating sa dakong sa kanya’y sinabi ng Diyos; at nagtayo si Abraham doon ng isang dambana, at inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kanyang anak at inilagay sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy. At iniunat ni Abraham ang kanyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kanyang anak.

Walang Makapipigil sa Gawaing Pinagpapasyahang Gawin ng Diyos

Katatapos lamang ninyong marinig ang kuwento ni Abraham. Siya ay pinili ng Diyos matapos Niyang wasakin ng baha ang mundo, ang kanyang pangalan ay Abraham, at nang siya ay isandaang taong gulang na at ang kanyang asawang si Sara naman ay siyamnapu, ang pangako ng Diyos ay dumating sa kanya. Ano ang ipinangako ng Diyos sa kanya? Ang tinutukoy sa Kasulatan ang ipinangako ng Diyos: “At Akin siyang pagpapalain, at saka sa kanya’y bibigyan kita ng anak.” Ano ang pinagbatayan ng pangako ng Diyos na bigyan siya ng isang anak na lalaki? Ibinibigay ng Kasulatan ang sumusunod na pahayag: “Nang magkagayo’y nagpatirapa si Abraham, at nagtawa, at nasabi sa kanyang sarili, ‘Magkakaanak kaya siya na may isandaang taon na? At manganak pa kaya si Sara na may siyamnapung taon na?’” Sa madaling salita, masyado nang matanda ang mag-asawang ito para magkaanak. At ano ang ginawa ni Abraham matapos ipahayag ng Diyos ang Kanyang pangako sa kanya? Tawang-tawang nagpatirapa si Abraham at sinabi niya sa kanyang sarili, “Magkakaanak kaya siya na may isandaang taon na?” Naniwala si Abraham na ito ay imposible—nangangahulugang naniwala siyang ang pangako ng Diyos sa kanya ay isang biro lamang. Mula sa pananaw ng tao, ito ay hindi magagawa ng tao, at gayundin, hindi ito magagawa ng Diyos at imposible para sa Diyos. Marahil, kay Abraham, ito ay katawa-tawa: Nilikha ng Diyos ang tao, ngunit hindi Niya alam na ang isang taong sobrang tanda na ay wala nang kakayahang magsilang ng mga anak; iniisip ng Diyos na maaari Niya akong pahintulutang magkaanak, sinabi Niya na bibigyan Niya ako ng isang anak na lalaki—siguradong imposible iyon! Dahil dito, nagpatirapa si Abraham at tumawa, habang inisip na: Imposible—Binibiro ako ng Diyos, hindi ito maaaring maging totoo! Hindi niya sineryoso ang mga salita ng Diyos. Dahil dito, sa paningin ng Diyos, anong uri ng tao si Abraham? (Matuwid.) Saan nakasaad na siya ay isang taong matuwid? Iniisip ninyo na ang lahat ng tinatawag ng Diyos ay matuwid, at perpekto, at mga taong lumalakad kasama ang Diyos. Sumusunod kayo sa doktrina! Dapat niyong makita nang malinaw na kapag itinatakda ng Diyos ang isang tao, hindi Niya iyon ginagawa nang walang dahilan. Dito, hindi sinabi ng Diyos na matuwid si Abraham. Sa Kanyang puso, ang Diyos ay may mga pamantayan sa pagsukat ng bawat tao. Bagaman hindi sinabi ng Diyos kung anong uri ng tao si Abraham, pagdating sa kanyang pag-uugali, anong uri ng pananampalataya sa Diyos ang mayroon si Abraham? Medyo mahirap ba itong maunawaan? O malaki ba ang kanyang pananampalataya? Hindi, wala siya nito! Ipinakita ng kanyang pagtawa at pag-iisip kung sino siya, kung kaya’t ang inyong paniniwala na matuwid siya ay isang guniguni lamang ng inyong kaisipan, ito ay ang bulag na paggamit ng doktrina, at ito ay isang iresponsableng pagsusuri. Nakita ba ng Diyos ang pagtawa at mga mumunting pagpapahayag ni Abraham? Alam ba Niya ang mga ito? Alam ng Diyos. Ngunit babaguhin ba ng Diyos ang napagpasyahan na Niyang gawin? Hindi! Noong binalak at pinagpasyahan ng Diyos na piliin ang taong ito, tinapos na Niya ito. Ang pag-iisip ng tao o ang kanyang pag-uugali ay hindi makaiimpluwensiya o makahahadlang sa Diyos nang kahit na katiting man lamang; hindi basta babaguhin ng Diyos ang Kanyang plano, at hindi rin Niya babaguhin o sisirain ang Kanyang plano dahil sa pag-uugali ng tao, kahit pa pag-uugali na dala ng kawalan ng kaalaman. Kung gayon, ano ang nasusulat sa Genesis 17:21–22? “Ngunit ang Aking tipan ay pagtitibayin Ko kay Isaac na iaanak sa iyo ni Sara, sa nakatakdang araw, sa taong darating. At nang matapos na makipag-usap sa kanya, ay napaitaas ang Diyos mula sa piling ni Abraham.” Hindi man lang nagtuon ng kahit na katiting na pansin ang Diyos sa inisip o sinabi ni Abraham. At ano ang dahilan ng Kanyang pagwawalang-bahala? Ito ay dahil sa noong panahong iyon, hindi hiningi ng Diyos na ang tao ay magkaroon ng malaking pananampalataya, o magkaroon ng malaking kaalaman tungkol sa Diyos, o, higit pa rito, na maunawaan niya kung ano ang ginawa at sinabi ng Diyos. Dahil dito, hindi Niya hiningi sa tao na unawain nang lubos kung ano ang napagpasyahan Niyang gawin, o ang mga taong napagpasyahan Niyang piliin, o ang mga prinsipyo ng Kanyang mga kilos, dahil ang tayog ng tao ay sadyang kulang. Sa panahong iyon, ang anumang ginawa ni Abraham at kung paano man siya kumilos ay itinuring ng Diyos na normal lamang. Hindi Niya isinumpa, o pinagalitan, bagkus ay sinabi lang Niya na: “Iaanak ni Sara si Isaac sa iyo, sa takdang panahon sa darating na taon.” Sa Diyos, matapos Niyang ihayag ang mga salitang ito, ang bagay na ito ay sunud-sunod nang naging totoo; sa paningin ng Diyos, ang dapat na magawa ng Kanyang plano ay nakamit na. Matapos ang pagkumpleto sa mga pagsasaayos para sa mga ito, ang Diyos ay umalis. Kung ano ang ginagawa o iniisip ng tao, kung ano ang nauunawaan ng tao, ang mga plano ng tao—wala sa mga ito ang may kinalaman sa Diyos. Ang lahat ay nagpapatuloy ayon sa plano ng Diyos, alinsunod sa mga panahon at yugtong itinalaga Niya. Ito ang prinsipyo ng gawain ng Diyos. Ang Diyos ay hindi humahadlang sa kahit anong iniisip o nalalaman ng tao, ngunit hindi rin Niya tinatalikuran ang Kanyang plano, o iniiwan ang Kanyang gawain, dahil lamang sa hindi naniniwala o nakauunawa ang tao. Sa gayon, ang mga katunayan ay naisasagawa nang ayon sa plano at pag-iisip ng Diyos. Ito mismo ang nakikita natin sa Bibliya: Ang Diyos ang dahilan kung bakit ipinanganak si Isaac sa panahong itinakda Niya. Ang mga katunayan ba ay nagpapatunay na humahadlang sa gawain ng Diyos ang asal at pag-uugali ng tao? Hindi humahadlang ang mga ito sa gawain ng Diyos! Ang maliit na pananampalataya ba ng tao sa Diyos, at ang kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos ay nakaapekto sa gawain ng Diyos? Hindi, walang naging epekto ang mga ito! Wala kahit maliit man lamang! Hindi naaapektuhan ng sinumang tao, o anumang bagay, o kapaligiran ang plano ng pamamahala ng Diyos. Ang lahat ng Kanyang pinagpapasyahang gawin ay makukumpleto at matatapos sa itinakda Niyang oras at nang naaayon sa Kanyang plano, at ang Kanyang gawain ay hindi maaaring hadlangan ng sinumang tao. Binabalewala ng Diyos ang ilang aspeto ng kahangalan at kamangmangan ng tao, at maging ang ilang aspeto ng paglaban at kuru-kuro ng tao tungkol sa Kanya, at ginagawa Niya ang gawaing dapat Niyang gawin anuman ang nangyayari. Ito ang disposisyon ng Diyos, at ito ay nagpapakita ng Kanyang walang hanggang kapangyarihan.

Ang Gawain ng Pamamahala ng Diyos at Pagliligtas sa Sangkatauhan ay Nagsisimula sa Pagsasakripisyo ni Abraham kay Isaac

Dahil nabigyan ng isang anak na lalaki si Abraham, ang mga salitang sinabi ng Diyos kay Abraham ay natupad. Hindi ito nangangahulugan na tumigil dito ang plano ng Diyos; bagkus, ang kahanga-hangang plano ng Diyos para sa pamamahala at kaligtasan ng sangkatauhan ay nagsimula pa lamang, at ang Kanyang pagpapala kay Abraham ng isang anak na lalaki ay isa ngang pagpapakilala sa Kanyang pangkalahatang plano ng pamamahala. Sa sandaling iyon, sino ang nakaalam na ang pakikipaglabanan ng Diyos kay Satanas ay tahimik na nagsimula nang inialay ni Abraham si Isaac?

Walang Pakialam ang Diyos Kung Hangal man ang Tao—Hinihingi Lang Niyang Maging Totoo ang Tao

Susunod, ating tingnan kung ano ang ginawa ng Diyos kay Abraham. Sa Genesis 22:2, ibinigay ng Diyos ang sumusunod na kautusan kay Abraham: “Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumaroon ka sa lupain ng Moria; at ihain mo siya roong handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na Aking sasabihin sa iyo.” Ang pakahulugan ng Diyos ay malinaw: Sinasabi Niya kay Abraham na ialay ang kanyang bugtong na anak na si Isaac, na kanyang minamahal, bilang handog na susunugin. Kung titingnan ito ngayon, magkasalungat pa rin ba ang mga kuru-kuro ng tao sa utos ng Diyos? Oo! Lahat ng ginawa ng Diyos sa panahong iyon ay lubhang salungat sa mga kuru-kuro ng tao at hindi kayang unawain ng tao. Sa kanilang mga kuru-kuro, ang mga tao ay naniniwala sa mga sumusunod: Nang ang isang tao ay hindi naniwala, at inisip na ito ay imposible, binigyan siya ng Diyos ng isang anak na lalaki, at matapos niyang makamit ang isang anak na lalaki, inutusan siya ng Diyos na ialay ang kanyang anak—hindi kapani-paniwala! Ano talaga ang binalak gawin ng Diyos? Ano ang tunay na layunin ng Diyos? Walang pasubali Niyang binigyan ng anak na lalaki si Abraham, ngunit inutusan din Niya si Abraham na mag-alay nang walang pasubali. Ito ba ay kalabisan? Sa punto ng isang ikatlong partido, hindi lamang ito kalabisan ngunit tila isang kaso ng “paggawa ng problema nang walang dahilan.” Ngunit si Abraham mismo ay hindi naniwala na masyadong malaki ang hinihingi ng Diyos. Bagama’t may ilan siyang sariling opinyon tungkol dito, at bahagyang pinaghinalaan ang Diyos, handa pa rin siyang gawin ang pag-alay. Sa puntong ito, ano ang nakikita mong patunay na handa nga si Abraham na ialay ang kanyang anak? Ano ang sinasabi sa mga pangungusap na ito? Ang orihinal na teksto ay nagbibigay ng sumusunod na mga pahayag: “At si Abraham ay bumangon nang maaga, at inihanda ang kanyang asno, at isinama ang dalawa sa kanyang mga alila, at si Isaac na kanyang anak: at nagsibak ng kahoy para sa haing susunugin, at bumangon at pumaroon sa dakong sinabi sa kanya ng Diyos” (Genesis 22:3). “At sila’y dumating sa dakong sa kanya’y sinabi ng Diyos; at nagtayo si Abraham doon ng isang dambana, at inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kanyang anak at inilagay sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy. At iniunat ni Abraham ang kanyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kanyang anak” (Genesis 22:9–10). Nang iniunat ni Abraham ang kanyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kanyang anak, nakita ba ng Diyos ang kanyang mga pagkilos? Oo, nakita Niya. Ang buong proseso—mula sa simula, nang hingin ng Diyos kay Abraham na ialay si Isaac, hanggang sa aktwal na pagtaas ni Abraham ng kanyang sundang upang patayin ang kanyang anak—ay nagpakita sa Diyos ng puso ni Abraham, at anuman ang kanyang dating kahangalan, kamangmangan, at hindi pagkakaunawa sa Diyos, noong sandaling iyon, ang puso ni Abraham para sa Diyos ay totoo, at tapat, at tunay ngang ibabalik niya si Isaac, ang anak na ibinigay sa kanya ng Diyos, pabalik sa Diyos. Sa kanya, nakita ng Diyos ang pagsunod, ang mismong pagsunod na nais Niya.

Sa tao, marami ang ginagawa ng Diyos na hindi kayang unawain at ni hindi kapani-paniwala. Kapag nais ng Diyos na pangasiwaan ang isang tao, ang pangangasiwang ito ay madalas na salungat sa mga kuru-kuro ng tao at hindi niya kayang unawain ito, gayon pa man ang mismong di-pagkakatugma at pagiging hindi maunawaan nito ang mga pagsubok at hamon ng Diyos sa tao. Samantala, si Abraham ay nagpakita ng pagsunod sa Diyos sa sarili niya mismo, na pinaka-pangunahing kondisyon ng kanyang kakayahang tugunan ang hinihingi ng Diyos. Nang nagawang sundin ni Abraham ang hinihingi ng Diyos, nang kanyang ialay si Isaac, saka lamang tunay na naramdaman ng Diyos ang pagkakaroon ng katiyakan at pagsang-ayon sa sangkatauhan—kay Abraham, na Kanyang hinirang. Saka lamang nakasiguro ang Diyos na ang taong ito na Kanyang hinirang ay isang kailangang-kailangang pinuno na maaaring magsagawa ng Kanyang pangako at ng Kanyang susunod na plano ng pamamahala. Kahit na ito ay isang pagsubok at pagsusulit lamang, nasiyahan ang Diyos, naramdaman Niya ang pagmamahal ng tao sa Kanya, at nadama Niya ang kalinga ng tao na hindi Niya dating nadama. Noong sandaling itinaas ni Abraham ang kanyang panaksak upang patayin si Isaac, pinigilan ba siya ng Diyos? Hindi hinayaan ng Diyos na ialay ni Abraham si Isaac, dahil walang intensyon ang Diyos na bawiin ang buhay ni Isaac. Kaya pinigilan ng Diyos si Abraham sa tamang oras. Para sa Diyos, nakapasa na sa pagsubok ang pagkamasunurin ni Abraham, sapat na ang kanyang ginawa, at nakita na ng Diyos ang kinalabasan ng Kanyang binalak gawin. Kasiya-siya ba ang kinalabasang ito para sa Diyos? Maaaring sabihin na ang kinalabasan na ito ay kasiya-siya sa Diyos, na ito ang nais ng Diyos, at ito ang inasam Niyang makita. Ito ba ay totoo? Kahit na ginagamit ng Diyos ang iba’t ibang paraan ng pagsubok sa bawat tao sa iba’t ibang konteksto, nakita ng Diyos kay Abraham ang nais Niya, nakita Niyang totoo ang puso ni Abraham at walang pasubali ang kanyang pagsunod. Ito mismong pagiging “walang pasubali” na ito ang ninais ng Diyos. Madalas sabihin ng mga tao na, “Inialay ko na ito, tinalikuran ko na iyan—bakit hindi pa rin nasisiyahan ang Diyos sa akin? Bakit Niya ako laging isinasailalim sa mga pagsubok? Bakit Niya ako parating sinusubukan?” Ito ay nagpapakita ng isang katunayan: Hindi pa nakikita ng Diyos ang iyong puso, at hindi pa Niya nakakamit ang iyong puso. Ang ipinahihiwatig nito ay hindi pa Niya nakikita ang katapatan na gaya ng ipinamalas ni Abraham nang nagawa niyang itaas ang panaksak upang patayin ang kanyang anak sa pamamagitan ng sarili niyang mga kamay at ialay ito sa Diyos. Hindi pa Niya nakikita ang iyong walang pasubaling pagsunod, at hindi pa Siya nakaramdam ng kalinga sa iyo. Samakatuwid, natural lamang na patuloy kang sinusubok ng Diyos. Hindi ba ito totoo? Dito natin tapusin ang paksang ito. Susunod, babasahin natin ang “Pangako ng Diyos kay Abraham.”

3. Ang Pangako ng Diyos kay Abraham

Genesis 22:16–18 Sa Aking sarili ay sumumpa Ako, sabi ni Jehova, sapagkat ginawa mo ito, at hindi mo itinanggi sa Akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak: Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin Ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway; At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagkat sinunod mo ang Aking tinig.

Ito ay isang walang bawas na pahayag ng pagpapala ng Diyos kay Abraham. Kahit maikli, ang nilalaman nito ay sagana: Kabilang dito ang dahilan, at pinagbabatayan, ng regalo ng Diyos kay Abraham, at kung ano ang ibinigay Niya kay Abraham. Punong-puno din ito ng kagalakan at kasiyahan kung saan binigkas ng Diyos ang mga salitang ito, pati na rin ang apurahang pananabik Niya na makamit ang mga taong magagawang makinig sa Kanyang mga salita. Dito, nakikita natin ang pagpapahalaga ng Diyos, at pagkalinga tungo sa mga sumusunod sa Kanyang mga salita at sumusunod sa Kanyang mga utos. Gayundin naman, nakikita natin ang halaga na Kanyang binabayaran upang makuha ang mga tao, at ang kalinga at pagtuon na Kanyang ibinibigay upang makamit sila. Bukod dito, ang sipi, na naglalaman ng mga salitang “Sa Aking sarili ay sumumpa Ako,” ang nagbibigay sa atin ng matinding pakiramdam ng kapaitan at pasakit na pinasan ng Diyos at tanging ng Diyos lamang, sa likod ng gawain ng Kanyang plano ng pamamahala. Ito ay isang nakakapukaw-isipang sipi, at isang may natatanging kabuluhan, at nagkaroon ng napakalalim na epekto para sa mga taong dumating pagkatapos noon.

Nakakamit ng Tao ang mga Pagpapala ng Diyos Dahil sa Kanyang Sinseridad at Pagkamasunurin

Malaki ba ang pagpapalang ibinigay ng Diyos kay Abraham sa ating nabasa rito? Gaano ito kalaki? Mayroong isang napakahalagang pangungusap dito: “At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa.” Ang pangungusap na ito ay nagpapakita na tinanggap ni Abraham ang mga pagpapala na hindi ibinigay sa sinumang dumating bago o matapos ang pagdating niya. Gaya ng hiningi ng Diyos, nang ibinalik ni Abraham ang kanyang nag-iisang anak na lalaki—ang kanyang pinakamamahal at kaisa-isang anak na lalaki—sa Diyos (paalala: Hindi natin maaaring gamitin dito ang salitang “inalay”; dapat nating sabihing ibinalik niya ang kanyang anak sa Diyos), hindi lamang hindi pinahintulutan ng Diyos na ialay ni Abraham si Isaac, kundi binasbasan din Niya siya. Anong pangako ang Kanyang naging pagpapala kay Abraham? Ito ay ang pangakong pararamihin ang kanyang lahi. At gaano karami sila pararamihin? Ibinibigay ng Kasulatan ang sumusunod na tala: “gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway; At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa.” Ano ang konteksto kung saan binigkas ng Diyos ang mga salitang ito? Ibig sabihin, paano tinanggap ni Abraham ang pagpapala ng Diyos? Tinanggap niya ito tulad ng sinasabi ng Diyos sa Kasulatan: “sapagkat sinunod mo ang Aking tinig.” Iyan nga, dahil sumunod si Abraham sa utos ng Diyos, dahil nagawa niya ang lahat ng sinabi, hiningi at iniutos ng Diyos nang wala ni katiting na pagdaing, kung kaya’t gumawa ng ganitong pangako ang Diyos sa kanya. May isang mahalagang pangungusap sa pangakong ito na tumuon sa kaisipan ng Diyos sa pagkakataong iyon. Nakita ba ninyo ito? Maaaring hindi ninyo gaanong binigyang pansin ang mga salita ng Diyos na “Sa Aking sarili ay sumumpa Ako.” Ibig nilang sabihin, nang bigkasin ng Diyos ang mga salitang ito, ay nanunumpa Siya sa Kanyang sarili. Sa ano nangangako ang mga tao kapag nanunumpa sila? Sumusumpa sila sa Langit, na ang ibig sabihin ay nangangako at sumusumpa sila sa ngalan ng Diyos. Maaaring walang gaanong pagkaunawa ang mga tao sa kababalaghan kung saan nanumpa ang Diyos sa Kanyang sarili, ngunit mauunawaan ninyo ito kapag naibigay Ko sa inyo ang tamang paliwanag. Kapag kaharap ang isang tao na maririnig lamang ang Kanyang mga salita ngunit hindi naman nauunawaan ang Kanyang puso, nadarama muli ng Diyos ang kalungkutan at kawalan. Sa kawalan ng pag-asa—at, maaaring sabihin, na hindi namamalayan—ginawa ng Diyos ang isang napakalikas na bagay: Inilagay ng Diyos ang Kanyang kamay sa Kanyang puso at kinausap ang Kanyang sarili nang ibinigay Niya ang pangakong ito kay Abraham, at mula rito narinig ng tao ang sinabi ng Diyos “Sa Aking sarili ay sumumpa Ako.” Sa pamamagitan ng mga pagkilos ng Diyos, maaari mong isipin ang iyong sarili. Kapag inilagay mo ang iyong kamay sa iyong puso at nakipag-usap ka sa iyong sarili, malinaw ba sa iyo ang iyong sinasabi? Taos-puso ba ang iyong saloobin? Ikaw ba ay nagsasalita nang matapat, nang buong puso? Kaya, nakikita natin dito na nang nagsalita ang Diyos kay Abraham, Siya ay maalab at taos-puso. Kasabay ng pagsasalita at pagpapala kay Abraham, nangungusap din ang Diyos sa Kanyang sarili. Sinasabi Niya sa Kanyang sarili: Pagpapalain Ko si Abraham, at gagawing kasing dami ng mga bituin sa langit ang kanyang mga supling, at kasing sagana ng buhangin sa baybayin ng dagat, sapagkat dininig niya ang Aking mga salita at siya ang Aking hinirang. Nang sabihin ng Diyos “Sa Aking sarili ay sumumpa Ako,” pinagpasyahan ng Diyos na magmumula kay Abraham ang Kanyang lahing hinirang na Israel, pagkatapos ay pangungunahan Niya ang mga taong ito ayon sa bilis ng Kanyang gawain. Iyan nga, gagawin ng Diyos ang lipi ni Abraham na taga-dala ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang gawain ng Diyos at ang ipinahayag ng Diyos ay magsisimula kay Abraham, at magpapatuloy sa lipi ni Abraham, kaya’t maisasakatuparan ang hangarin ng Diyos na iligtas ang tao. Anong masasabi ninyo, hindi ba ito isang pagpapala? Para sa tao, wala nang hihigit pang pagpapala kaysa rito. Maaaring sabihin na ito ay ang pinaka-pinagpalang bagay. Ang pagpapalang nakamit ni Abraham ay hindi ang pagpaparami ng kanyang supling, kundi ang tagumpay ng Diyos sa Kanyang pamamahala, ang Kanyang atas, at ang Kanyang gawain sa lipi ni Abraham. Ibig ipakahulugan ng mga ito na ang mga pagpapalang nakamit ni Abraham ay hindi pansamantala, ngunit patuloy na sumulong ayon sa plano ng pamamahala ng Diyos. Nang magsalita ang Diyos, nang mangako ang Diyos sa Kanyang sarili, nakapagpasya na Siya. Totoo ba ang proseso ng pagpapasyang ito? Tunay ba ito? Napagpasyahan ng Diyos, na mula sa panahong iyon, ang Kanyang mga pagsisikap, ang halaga na Kanyang ibinayad, kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya, ang lahat sa Kanya, at maging ang Kanyang buhay, ay ibibigay kay Abraham at sa lipi ni Abraham. Maging iyon ay napagpasyahan ng Diyos, na magmula sa grupong ito ng mga tao, ipapamalas Niya ang Kanyang mga gawa at papayagan ang taong makita ang Kanyang karunungan, awtoridad, at kapangyarihan.

Ang Pagkamit sa mga Nakakikilala sa Diyos at mga may Kakayahang Magpatotoo sa Kanya ay ang Di-magbabagong Hangarin ng Diyos

Kasabay ng pakikipag-usap sa Kanyang sarili, nakipag-usap din ang Diyos kay Abraham, ngunit maliban sa pagkarinig sa mga pagpapala na ibinigay ng Diyos sa kanya, naunawaan ba ni Abraham ang tunay na mga hangarin ng Diyos sa lahat ng Kanyang mga salita sa sandaling iyon? Hindi! Kung kaya’t sa sandaling iyon, nang nangako ang Diyos sa Kanyang sarili, malungkot at nagdadalamhati pa rin ang Kanyang puso. Wala pa rin kahit isang tao na nakaunawa o nakaintindi ng Kanyang balak at plano. Sa sandaling iyon, walang sinuman—kabilang si Abraham—ang buo ang loob na makipag-usap sa Kanya, at lalong walang sinuman ang kayang makipagtulungan sa Kanya sa paggawa ng mga dapat Niyang gawin. Sa panlabas, nakamit ng Diyos si Abraham, isang tao na kayang sundin ang Kanyang mga salita. Ngunit sa katunayan, ang kaalaman ng taong ito sa Diyos ay halos salat na salat. Kahit na pinagpala ng Diyos si Abraham, ang puso ng Diyos ay hindi pa rin nasiyahan. Ano ang ibig sabihin ng ang Diyos ay hindi nasiyahan? Ito ay nangangahulugan na ang Kanyang pamamahala ay kasisimula pa lamang, ito ay nangangahulugan na ang mga taong nais Niyang makamit, ang mga taong inasam Niyang makita, ang mga taong minahal Niya, ay malayo pa rin sa Kanya; kailangan Niya ng oras, kailangan Niyang maghintay, at kailangan Niyang maging matiyaga. Dahil sa panahong iyon, bukod sa Diyos Mismo, wala ni isa ang nakakaalam ng mga pangangailangan Niya, o ng mga nais Niyang makamit, o ng Kanyang pinananabikan. Kaya kasabay ng naramdaman na matinding kasiyahan, nakaramdam din ng kabigatan ng puso ang Diyos. Ngunit hindi Niya pinigilan ang Kanyang mga hakbang, at nagpatuloy na magplano ng susunod na hakbang na dapat Niyang gawin.

Ano ang nakikita ninyo sa pangako ng Diyos kay Abraham? Nagbigay ng maraming biyaya ang Diyos kay Abraham dahil lamang nakinig si Abraham sa mga salita ng Diyos. Bagama’t sa tingin, tila normal ito at tunay na inaasahan, dito ay nakikita natin ang puso ng Diyos: Lubos na pinahahalagahan ng Diyos ang pagkamasunurin ng tao sa Kanya, at itinatangi ang pag-unawa ng tao sa Kanya at ang sinseridad nito sa Kanya. Gaano itinatangi ng Diyos ang sinseridad na ito? Maaaring hindi ninyo maunawaan kung gaano Niya ito itinatangi, at maaaring wala ni isa ang nakakaunawa nito. Ibinigay ng Diyos ang isang anak na lalaki kay Abraham, at nang lumaki ang batang ito, hiningi ng Diyos kay Abraham na ialay ang kanyang anak sa Diyos. Tumpak na sinunod ni Abraham ang utos ng Diyos, sinunod niya ang salita ng Diyos, at ang kanyang sinseridad ay nakaantig sa damdamin ng Diyos at pinahalagahan ng Diyos. Gaano ito pinahalagahan ng Diyos? At bakit Niya ito pinahalagahan? Sa panahong walang nakaunawa sa mga salita ng Diyos o nakaintindi sa Kanyang puso, may ginawa si Abraham na nagpayanig sa kalangitan at nagpanginig sa kalupaan, at nagbigay ito ng hindi matatawarang kasiyahan sa Diyos, at nagbigay sa Diyos ng kagalakan sa pagkamit ng isang tao na kayang sundin ang Kanyang mga salita. Ang kasiyahan at kagalakan na ito ay nagmula sa isang nilalang na gawa ng sariling kamay ng Diyos, at ang unang “sakripisyo” na inialay ng tao sa Diyos at pinaka-pinahalagahan ng Diyos, magmula nang likhain ang tao. Nahirapan ang Diyos na hintayin ang sakripisyong ito, at trinato Niya ito bilang unang pinakamahalagang regalo na mula sa tao, na Kanyang nilikha. Ipinakita nito sa Diyos ang unang bunga ng Kanyang mga pagsusumikap at ang halaga na Kanyang binayaran, at dahil dito ay nagkaroon Siya ng pag-asa sa sangkatauhan. Pagkatapos, nagkaroon ang Diyos ng higit pang pananabik para sa isang grupo ng ganitong uri ng tao upang samahan Siya, tratuhin Siya nang may sinseridad, at bigyan Siya ng kalinga nang may sinseridad. Umasa pa ang Diyos na patuloy na mabubuhay si Abraham, dahil ninais Niyang samahan Siya ng pusong tulad ng kay Abraham sa pagpapatuloy Niya sa Kanyang pamamahala. Anuman ang nais ng Diyos, isa lamang itong hangarin, isa lamang ideya—dahil si Abraham ay tao lamang na nagawa Siyang sundin, at wala ni kakaunting pagkaunawa o kaalaman tungkol sa Diyos. Si Abraham ay isang taong masyadong malayo ang agwat sa mga sumusunod na pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos sa tao: pagkilala sa Diyos, kakayahang magpatotoo tungkol sa Diyos, at pakikiisa sa isipan ng Diyos. Dahil dito, hindi maaaring lumakad si Abraham kasama ng Diyos. Sa paghahandog ni Abraham kay Isaac, nakita ng Diyos ang sinseridad at pagkamasunurin ni Abraham, at nakita Niyang napagtagumpayan ni Abraham ang pagsubok ng Diyos sa kanya. Kahit pa tinanggap ng Diyos ang kanyang sinseridad at pagkamasunurin, hindi pa rin siya karapat-dapat na pagkatiwalaan ng Diyos, at maging isang taong nakakikilala at nakauunawa sa Diyos, at mayroong kaalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos; malayo siya sa pagiging kaisa sa isipan ng Diyos at sa paggawa ng Kanyang kalooban. Dahil dito, sa Kanyang puso, ang Diyos ay malungkot at nababahala pa rin. Nang maging mas malungkot at nababahala ang Diyos, mas kinailangan Niyang ipagpatuloy ang Kanyang pamamahala sa lalong madaling panahon, at makapili at magkamit ng isang grupo ng mga tao na magsasakatuparan ng Kanyang plano ng pamamahala at tutupad sa Kanyang kalooban sa lalong madaling panahon. Ito ang maalab na pagnanais ng Diyos, at nanatili itong hindi nagbabago mula sa pinakasimula hanggang ngayon. Magmula pa nang likhain Niya ang tao sa simula, nananabik na ang Diyos sa isang grupo ng mga mananagumpay, isang grupo na lalakad na kasabay Niya, at nauunawaan, nalalaman, at naiintindihan ang Kanyang disposisyon. Ang pagnanais na ito ng Diyos ay hindi kailanman nagbago. Gaano man katagal ang kailangan Niyang hintayin, gaano man kahirap ang daan sa hinaharap, at gaano man kalayo ang mga layon na Kanyang kinasasabikan, hindi kailanman binago o isinuko ng Diyos ang Kanyang mga inaasahan sa tao. Ngayong nasabi Ko na ito, may naunawaan ba kayo tungkol sa hangarin ng Diyos? Marahil ay hindi masyadong malalim ang inyong naunawaan—ngunit unti-unti itong darating!

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger