Mga Salita sa Pagkilala sa Sarili (Sipi 47)

Nakikita na ba ninyo nang malinaw ngayon kung paano susundan ang Diyos at tatahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan? Tungkol ba talaga saan ang pananalig sa Diyos at pagsunod sa Diyos? Tungkol ba ito sa pagtalikod sa ilang bagay, paggugol ng sarili para sa Diyos at pagtitiis ng kaunting hirap, at pagsunod sa Diyos hanggang sa dulo ng landas, at iyon na iyon? Makakamtan ba ng isang tao ang katotohanan sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos sa ganitong paraan? Makakamtan ba ng isang tao ang kaligtasan? Malinaw ba sa inyong mga puso ang mga bagay na ito? Iniisip ng ilang tao na sa sandaling maranasan ng isang tao ang mahatulan, makastigo, at mapungusan, o pagkatapos mabunyag ang kanyang tunay na kulay, ang kanyang kahihinatnan ay nakatakda na, at siya ay nakatadhana nang hindi magkaroon ng pag-asang maligtas. Karamihan sa mga tao ay hindi nakikita nang malinaw ang bagay na ito, nag-aalinlangan sila sa sangang-daan, hindi alam kung paano maglalakad sa hinaharap na landas. Hindi ba’t ibig sabihin nito ay wala pa rin silang tunay na kaalaman sa gawain ng Diyos? Iyon bang mga laging may pagdududa tungkol sa gawain ng Diyos at pagliligtas ng Diyos sa tao ay mayroong anumang tunay na pananampalataya man lang? Karaniwan, kapag ang ilang tao ay kailangan pa lamang pungusan at hindi pa nakakaranas ng mga problema, pakiramdam nila ay dapat nilang sikaping matamo ang katotohanan at tugunan ang mga layunin ng Diyos sa kanilang pananampalataya. Gayunpaman, sa sandaling magkaroon sila ng kaunting problema o anumang paghihirap, lumalabas ang kanilang likas na kataksilan, na nakasusuklam makita. Pagkatapos, sila man ay nasusuklam din, at sa huli ay hinahatulan nila ang kanilang sariling kalalabasan, sinasabing, “Tapos na ang lahat sa akin! Kung kaya kong gawin ang gayong mga bagay, hindi ba ibig sabihin niyan ay malalagot na ako? Hindi ako ililigtas ng Diyos kailanman.” Maraming tao ang nasa ganitong kalagayan. Masasabi pa nga na ganito ang lahat ng tao. Bakit hinahatulan ng mga tao ang kanilang sarili nang ganito? Pinatutunayan nito na hindi pa rin nila nauunawaan ang layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Ang minsanan lang na pagpupungos ay maaaring humantong na maging negatibo ka sa matagal na panahon, hindi makaahon, hanggang sa puntong baka isuko mo na ang iyong tungkulin; kahit sa maliit na sitwasyon lang ay maaari ka nang matakot kung kaya’t hindi mo na ipagpapatuloy ang paghahangad sa katotohanan, at hindi ka na makakaalis. Na para bang ang mga tao ay masigasig lamang sa kanilang paghahangad kapag pakiramdam nila ay wala silang kapintasan at walang dungis, gayunman kapag natuklasan nilang sila ay labis na tiwali ay hindi na nila kayang ipagpatuloy pa ang paghahangad sa katotohanan. Maraming tao ang nagsabi na ng mga salita ng pagkabigo at pagkanegatibo tulad ng, “Tiyak na katapusan na ito para sa akin; hindi ako ililigtas ng Diyos. Kahit na patawarin pa ako ng Diyos, hindi ko kayang patawarin ang aking sarili; hindi ko kayang magbago kailanman.” Hindi nauunawaan ng mga tao ang layunin ng Diyos, na nagpapakita na hindi pa rin nila alam ang Kanyang gawain. Sa katunayan, natural para sa mga tao na minsan ay magpakita ng ilang tiwaling disposisyon sa kabuuan ng kanilang mga karanasan, o na umakto sa paraang hindi dalisay, o na iresponsable, o na pabasta-basta at walang katapatan. Ito ay dahil sa ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon; ito ay hindi maiiwasang batas. Kung hindi dahil sa mga pagbubunyag na ito, bakit sila matatawag na mga tiwaling tao? Kung hindi tiwali ang mga tao, walang magiging kabuluhan ang gawain ng Diyos na magligtas. Ang problema ngayon, dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan o tunay na nauunawaan ang kanilang mga sarili, at dahil hindi nila malinaw na nakikita ang kanilang sariling mga kalagayan, kinakailangan nilang ipahayag ng Diyos ang Kanyang mga salita ng paglalantad at paghatol para makita nila ang liwanag. Kung hindi, mananatili silang manhid at mahina ang ulo. Kung hindi gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan, hindi magbabago ang mga tao kailanman. Kahit ano pa man ang kahirapang dumating sa inyo sa bawat yugto, magbabahagi Ako sa inyo tungkol sa katotohanan, na magbibigay ng kaliwanagan at gabay, at hangga’t kaya ninyong tumahak sa tamang daan, iyon ay sapat na. Kung hindi, ang mga tao ay laging lilihis patungo sa sukdulan. Lagi silang tatahak sa mga landas na walang labasan, nang walang daan pasulong, at nang hinahatulan ang kanilang mga sarili habang sila ay naglalakad. Kapag nagsisimula pa lamang na maranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, hindi pa nila nauunawaan ang kanilang mga sarili. At pagkatapos na mabigo at mabunyag nang ilang beses, sa huli, hinahatulan pa rin nila ang kanilang mga sarili. Ang sabi nila: “Ako ay isang diyablo; ako ay isang Satanas! Tapos na ang lahat para sa akin. Wala nang pag-asa na ako ay maliligtas pa. Hindi na ako maililigtas.” Talaga ngang napakarupok ng tao at may kahirapan na pakitunguhan, at lilihis sila patungo sa sukdulan habang patuloy na naglalakad. Kapag hindi nakikita ng mga tao na napakalalim ng kanilang katiwalian, na sila ay mga diyablo, sila ay nagiging mayabang at mapagmagaling; naniniwala silang napakarami na nilang tiniis na mga paghihirap, na sila ay mga taong nagmamahal sa Diyos at sila ay kwalipikadong pumasok sa kaharian ng langit. Gayunpaman, kapag napagtatanto ng mga tao ang lalim ng kanilang katiwalian, na hindi nila isinasabuhay ang wangis ng tao, kundi sila ay mga diyablo at Satanas, nasasadlak sila sa kawalan ng pag-asa at pakiramdam nila ay tila wala na silang maaasahan pa; na sila ay kinondena na siguro ng Diyos, at nalantad at itiniwalag. Ang mga tao ay mayabang at mapagmagaling kapag hindi nila nauunawaan ang kanilang mga sarili, at nasasadlak naman sila sa kawalan ng pag-asa kapag nauunawaan nila ito. Ganoon kagulo at kahirap pakitunguhan ang mga tao. Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan, kung isang araw ay tunay nilang mauunawaan ang layunin ng Diyos, sasabihin nila: “Ang katiwalian ko ay ganito na kalalim sa simula pa lamang at sa wakas ay napagtanto ko na ito. Sa kabutihang palad, iniligtas ako ng Diyos, at ngayon ay nakakakita na ako ng maningning na buhay at makakalakad na ako sa tamang landas ng buhay. Hindi ko alam kung paano pasasalamatan ang Diyos.” Ito ay tulad ng paggising mula sa panaginip at pagkakita ng liwanag. Hindi ba’t nakatanggap sila ng dakilang kaligtasan? Hindi ba’t dapat nilang papurihan ang Diyos? Hindi nauunawaan ng ibang mga tao ang kanilang mga sarili kahit na nalalapit na ang kamatayan; mayabang pa rin sila at hindi nila kayang tanggapin ang pagbubunyag ng katunayan. Pakiramdam nila ay napakabuti nila: “Mabuti akong tao, paano ko magagawa iyon?” Para bang inakusahan sila nang mali. Ang ibang tao ay sumasailalim sa ilang taon ng gawain ng Diyos, at sa huli, hindi pa rin nila nauunawaan ang kanilang kalikasan. Lagi nilang iniisip na sila ay mabubuting tao at na nakagawa sila ng mali sa mga sandali ng pagkalito, at hanggang sa araw na ito, kapag sila ay itinitiwalag, hindi sila nagpapasakop. Ang ganitong uri ng tao ay mayabang at ignorante, at sadyang hindi tumatanggap ng katotohanan. Kahit kailan ay hindi nila magagawang magbago at maging tao. Mula rito, matutuklasan ninyo na kahit na ang kalikasan ng tao ay lumalaban at nagtataksil sa Diyos, may pagkakaiba sa kanilang mga kalikasan. Ito ay nangangailangan ng mas malalim na pag-unawa sa kalikasan ng mga tao.

May ilang karaniwang katangian sa kalikasan ng mga tao na kailangang maunawaan. Ang lahat ng tao ay may kakayahang pagtaksilan ang Diyos—ito ay karaniwang katangian—gayunpaman, ang bawat isa ay mayroong kanilang sariling nakapagpapabagsak na kahinaan. May mga taong gusto ang kapangyarihan, ang iba naman ay ang katayuan; ang ilan ay sumasamba sa pera, habang ang iba naman ay sumasamba sa mga materyal na kasiyahan. Ang mga ito ay pagkakaiba sa kalikasan ng mga tao. May mga taong kayang manindigan sa kabila ng maraming tiniis na paghihirap matapos nilang manalig sa Diyos, habang ang iba naman ay nagiging negatibo, nagrereklamo, at nabibigong manindigan kapag nahaharap sa kaunting paghihirap. Kung gayon, bakit kaya na sa kabila ng pananalig nilang pareho sa Diyos, at pagkain at pag-inom nilang pareho sa salita ng Diyos, ay magkaiba ang kanilang mga reaksyon kapag may nangyayari sa kanila? Ipinakikita nito na, kahit na ang lahat ng taong lubhang tiwali ay mayroong kalikasan ni Satanas, ang kalidad ng kanilang pagkatao ay iba-iba. May mga taong tutol at napopoot sa katotohanan, habang ang iba ay kayang mahalin at tanggapin ito. Mas malala ang ipinapakitang tiwaling disposisyon ng ilang tao, habang ang iba naman ay hindi gaano kalala. Mas mabait nang kaunti ang ilang tao, habang ang iba naman ay napakasama. Bagamat maaaring magkakaiba ang kanilang mga pananalita, ikinikilos at ipinapamalas, ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay iisa; lahat sila ay mga tiwaling tao ni Satanas. Ito ay karaniwang katangian nila. Ang kalikasan ng isang tao ay tumutukoy kung sino siya. Mayroon mang pagkakapare-pareho ang bawat tao pagdating sa kanilang kalikasan, ang bawat isa ay dapat na tratuhin nang magkakaiba ayon sa kanilang diwa. Halimbawa, karaniwang katangian na mayroon ang lahat ng tao ang masasamang pagnanasa. Taglay ito ng lahat ng tao at hindi nila ito madaling mapagtagumpayan. Gayunpaman, may ilang taong may napakatinding inklinasyon dito. Sa tuwing nakakatagpo ang mga ganitong tao ng mga tuksong may kinalaman sa kabilang kasarian, sila ay sumusuko sa mga ito. Napangingibabawan ang kanilang puso at bumibigay sila sa tukso; handa silang sumama sa ibang tao anumang oras at pagtaksilan ang Diyos. Kaya, masasabing ang mga taong ito ay may masasamang kalikasan. Kapag nahaharap ang ilang tao sa ganitong bagay, kahit pa nagpapakita sila ng kaunting kahinaan o naghahayag ng ilang masasamang pagnanasa, hindi sila gagawa ng anumang hindi naaangkop. Kaya nilang magpigil at umiwas sa ganitong uri ng sitwasyon; kaya nilang maghimagsik laban sa laman at iwasan ang tukso. Kaya, hindi masasabing ang kanilang kalikasan ay masama. Nabubuhay ang mga tao sa laman, kaya mayroon silang masasamang pagnanasa; ngunit may mga taong ang kagustuhan nila ang sinusunod at mapupusok, pinagbibigyan nila ang kanilang pagnanasa, at gumagawa pa nga ng mga bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng iglesia. Gayunpaman, hindi ganito ang ibang tao. Kaya nilang hangarin ang katotohanan at kumilos nang naaayon dito, at kaya nilang maghimagsik laban sa laman. Bagamat ang lahat ng tao ay mayroong pagnanasa ng laman, hindi pare-pareho ang kanilang inaasal. Dito nagkakaiba ang kalikasang diwa ng mga tao. May mga taong gahaman sa pera. Sa tuwing nakakakita sila ng pera o magagandang bagay, gusto nila itong angkinin. Mayroon silang napakatinding pagnanasa na makuha ang mga bagay na ito. Likas na gahaman ang mga taong ito. Pinag-iimbutan nila ang anumang materyal na pag-aaring nakikita nila, at nangangahas pa nga silang nakawin o gamitin nang mali ang mga handog sa Diyos—nangangahas pa nga silang gumalaw ng libu-libong piso. Mas maraming pera, mas nagiging matapang sila. Ganap na walang takot ang kanilang puso sa Diyos. Ito ay gahamang kalikasan. May mga taong hindi mapalagay ang konsensiya pagkatapos gumastos ng ilang piso, o ilang daang piso mula sa pera ng iglesia. Agad silang lumuluhod sa harap ng Diyos para magdasal habang lumuluha dahil sa labis na pagsisisi, nagmamakaawang patawarin ng Diyos. Hindi natin masasabing ang mga taong ganito ay gahaman sa pera, dahil ang lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon at kahinaan, at ang kakayahan ng mga taong ito na tunay na magsisi ay nagpapatunay na ang kanilang mga kilos ay paghahayag lamang ng kanilang mga tiwaling disposisyon. May mga taong mapanghusga sa iba. Sasabihin nila, “Dahil gumastos ang taong ito ng ilang piso mula sa pera ng iglesia ngayon, maaaring maging daan-daang piso na iyon sa susunod. Tiyak na sila ay mga taong nagnanakaw ng mga handog at dapat na sila ay paalisin.” Ang pagsasalita nang ganito ay medyo likas na mapanghusga. May mga tiwaling disposisyon ang mga tao, kaya tiyak na ihahayag nila ang kanilang katiwalian at gagawa sila ng maraming masasamang bagay. Ito ay normal, ngunit ang paghahayag ng isang tao ng kanyang katiwalian ay hindi kapareho ng pagkakaroon ng kalikasan ng isang masamang tao. Bagaman ang dalawang uring ito ng mga tao ay maaaring gumawa ng magkakaparehong bagay, magkaiba ang kanilang kalikasan. Halimbawa, habang ang isang tao ay tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan at paghahangad na maging isang tapat na tao, hindi maiiwasan na magbunyag siya ng mga kasinungalingan, panlilinlang, o pandaraya paminsan-minsan, samantalang ang pagsisinungaling at panlilinlang ay bahagi ng kalikasan ng diyablo, at magsisinungaling ito palagi tungkol sa lahat ng bagay. Bagaman pareho silang maaaring magpakita ng asal na mapagsinungaling, ang diwa ng diyablo at ang diwa ng isang taong naghahangad sa katotohanan ay talagang magkaiba. Kung gayon, angkop ba na tawaging mga diyablo at Satanas ang mga taong naghahangad na maging tapat, dahil lang sa panandaliang paghahayag ng pagiging tiwali? Hindi dahil nagawa nila ang pagsalangsang na pagsisinungaling o pandaraya sa iba ay nangangahulugan nang sila ay mga diyablo na laging nagsisinungaling at nandaraya ng iba. Dahil hindi magkakapareho ang kalikasang diwa ng mga tao, hindi natin puwedeng pagsama-samahin ang mga ito. Ang ikumpara ang isang taong nakagawa ng panandaliang pagkakasala sa isang diyablo ay isang paraan ng di-makatwirang panghuhusga at pagkondena. Ito ang bagay na pinakanakakapinsala sa mga tao. Kung wala kang pagkilatis at hindi mo makita nang malinaw ang mga bagay-bagay, hindi ka dapat basta-bastang magsalita o maglapat ng mga patakaran, kung hindi ay makakapinsala ka ng iba. Ang mga taong walang espirituwal na pagkaunawa at mahilig sumunod sa mga patakaran ang pinakamalamang na manghusga at kumondena sa iba. Ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan ay nagsasalita at kumikilos nang walang mga prinsipyo, at ang mga taong nagsasalita nang walang ingat at di-makatwirang humuhusga at kumokondena sa iba ay walang naidudulot na pakinabang sa kanila mang mga sarili o sa iba.

Hindi ninyo alam sa inyong puso kung ano ang layon na dapat makamit ng isang tao sa kanyang pananalig sa Diyos upang makasunod siya sa mga layunin ng Diyos. Iilan-ilang tao lang ang kayang manalig sa Diyos nang ganap na alinsunod sa Kanyang mga hinihingi. Napakaraming problema sa loob ninyo, at marahil ay hindi pa ninyo napagtatanto ang mga ito at hindi pa malinaw ang mga ito sa inyo. Ipinapakita nito na hindi ninyo pa rin nauunawaan ang katotohanan, na hindi ninyo kayang magnilay-nilay sa inyong mga sarili, at na hindi ninyo pa rin natutuklasan, at hindi pa rin nasusuri, ang iba’t ibang kaisipan at aspekto ng inyong kalikasan na nananahan sa inyong kalooban. Balang araw, kapag marami na kayong narinig na mga sermon, at may karanasan na kayo, ay mauunawaan ninyo ang katotohanan. Saka lamang ninyo magagawang tunay na makilala ang inyong sarili. Bagamat tunay kayong nananalig sa Diyos, hindi pa rin ninyo naiwawaksi ang inyong mga tiwaling disposisyon, at marami pa ring mabababaw na bagay sa inyong kalikasan, gusto ninyo pa ring magsuot ng magagandang damit at magpakasaya sa magagandang bagay. Kapag nagsusuot ang ibang tao ng magagandang damit o nagkakaroon sila ng magandang cell phone, ang tono ng kanilang pananalita ay nagbabago; kapag nagsusuot ang ibang babae ng mga sapatos na may matataas na takong, nagbabago ang kanilang paraan ng paglalakad, at hindi na nila nakikilala kung sino sila. Pagdating sa kung ano ang kinikimkim ng mga tao sa kanilang puso, at kung anong kalikasan ang nagsasanhi na ihayag nila ang buktot, pangit at mabababaw na mga bagay na ito, kailangan ng mga taong malaman ang kanilang mga sariling tiwaling disposisyon at ang mga bagay na nasa kanilang sariling kalikasan. Bagamat nararamdaman ng mga tao ang mga tiwaling disposisyon na ito, hindi nila kayang lutasin ang mga ito, kaya lamang nilang umasa sa kanilang sariling determinasyon para pigilan ang mga ito at hindi ito maihayag sa iba. Habang lumalalim ang kanilang mga karanasan, habang lumalalim ang kanilang kaalaman sa kanilang kalikasan at sa lahat ng aspekto ng katotohanan, at habang unti-unti silang nakauunawa at nakapapasok sa mga hinihingi ng Diyos, dahan-dahang nagsisimulang magbago ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang mga aspekto ng kanilang kalikasan. Sa simula, napakababaw ng kanilang pagkakakilala sa sarili. Kaya nilang kilalanin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ngunit hindi nila kayang hangarin ang katotohanan at alamin ang diwa ng kanilang pagiging tiwali. Kapag nagkaroon na sila ng kaunting kaalaman, gusto na nilang pigilan ang kanilang mga sarili at maghimagsik laban sa laman sa pamamagitan ng pagsisikap at magkamit ng mga resulta, ngunit ang kanilang mga pagsusumikap ay nauuwi sa wala, at hindi pa rin nila makita ang ugat ng problema. Kapag tunay na nilang nauunawaan ang katotohanan kalaunan, at lubos na nilang nakikilala ang kanilang mga tiwaling disposisyon, nagsisimula silang magkaroon ng poot sa kanilang mga sarili. Sa panahong iyon, hindi na nila kailangan na matinding magsikap na maghimagsik laban sa laman, kaya nilang maagap na isagawa ang katotohanan, at kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo. Bagamat minsan ay hindi nila ganap na nauunawaan ang katotohanan, makakakilos naman sila batay sa kanilang konsensiya at katwiran. Kapag una pa lang na nararanasan ng mga tao ang mga salita ng Diyos, nahaharap silang lahat sa mga paghihirap; dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at hindi nila alam kung paano gagawing batayan ang mga prinsipyo, lagi nilang itinatanong kung paano gagawin ang ganito o ganyan, at kaya lamang nilang sumunod sa mga patakaran. Bukod pa roon, laging nagugulo ng mga negatibong kalagayan ang mga tao, at kung minsan ay wala silang daan pasulong. Pagdating naman sa mga negatibong kalagayan, dapat na lutasin ng mga tao sa pamamagitan ng pagbabahaginan ang mga puwedeng lutasin sa pagbabahaginan. Para naman sa mga hindi kayang lutasin ng pagbabahaginan, puwede mong hindi pansinin ang mga ito. Sa halip, dapat kang tumutok sa pagsasagawa at pagpasok nang normal, at makipagbahaginan ka pa tungkol sa katotohanan. Isang araw, kapag malinaw mo nang nauunawaan ang katotohanan, at nakikilatis mo na ang maraming bagay, ang iyong mga negatibong kalagayan ay natural nang mawawala. Hindi pa ba nawawala sa ngayon ang mga dati ninyong negatibong kalagayan? Kahit papaano man lang, mas kaunti na ang nararanasan ninyong ganito kaysa dati. Tumutok lamang kayo sa pagsusumikap at paghahangad sa katotohanan, at malulutas ninyo ang lahat ng inyong problema. Kapag kaya na ninyong lutasin ang inyong mga sariling problema, bumuti na at umunlad na kayo. Kapag nakakaranas ang mga tao hanggang sa araw na ang kanilang pananaw sa buhay, at ang kahulugan at batayan ng kanilang pag-iral, ay lubusang nabago na, kapag nabago na sila hanggang sa kanilang pinaka-buto at naging ibang tao na, hindi ba ito magiging hindi kapani-paniwala? Ito ay malaking pagbabago, isang kamangha-manghang pagbabago. Kapag lamang ikaw ay naging hindi na interesado sa katanyagan, pakinabang, katayuan, salapi, kasiyahan, kapangyarihan at karangalan ng mundo, at madaling natatalikdan ang mga ito, magkakaroon ka ng wangis ng isang tao. Ang mga tao na sa huli ay gagawing ganap ng Diyos ay isang grupong katulad nito; nabubuhay sila para sa katotohanan, nabubuhay para sa Diyos, at nabubuhay para sa kung ano ang makatarungan. Ito ang wangis ng isang tunay na tao.

Magtatanong ang ilang tao, “Ano ba talaga ang isang tao?” Wala sa mga tao ngayon ay tao. Kung hindi sila mga tao, ano sila? Masasabi mong sila ay mga hayop, halimaw, Satanas, o diyablo; sa anumang kaso, sila ay nakakubli lamang sa balat ng tao, ngunit hindi sila matatawag na mga tao, dahil hindi nila taglay ang normal na pagkatao. Ang tawagin silang mga hayop ay medyo malapit-lapit, ngunit nagtataglay ang mga tao ng wika, isip at mga kaisipan, at kayang lumahok ng mga tao sa agham at paggawa, kaya maaari lamang silang maituring na matataas na antas ng mga hayop. Gayunpaman, masyado nang malalim ang pagkakatiwali ni Satanas sa mga tao, matagal na silang nawalan ng konsensiya at katwiran, at hindi man lamang sila nagpapasakop o natatakot sa Diyos. Sadyang ganap na naaangkop na tawagin silang mga diyablo at Satanas. Dahil ang kanilang kalikasan ay kay Satanas, at naghahayag sila ng mga satanikong disposisyon, at nagpapahayag sila ng mga satanikong pananaw, mas nababagay na tawagin silang mga diyablo at Satanas. Masyado nang malalim ang pagkatiwali ng mga tao at wala na silang gaanong wangis ng tao. Tulad sila ng mga halimaw at hayop, sila ay mga diyablo. Sa ngayon, hindi isang bagay o iba pa ang mga tao, hindi sila kamukha ng mga tao o demonyo, at wala silang tunay na wangis ng tao. Pagkatapos ng maraming taon ng karanasan, ang ibang matatagal nang nananalig ay napapalapit nang kaunti sa Diyos, at humigit-kumulang ay nauunawaan nang kaunti ang Diyos, at humigit-kumulang ay inaalala ang mga bagay na inaalala ng Diyos, at humigit-kumulang ay iniisip ang mga bagay na iniisip ng Diyos—ibig sabihin nito ay mayroon silang kaunting anyo ng tao, at sila ay bahagyang nabuo. Hindi pa nararanasan ng mga bagong nananalig ang makastigo at mahatulan, o ang mapungos nang husto, hindi pa rin nila naririnig ang karamihan sa katotohanan, nakabasa pa lamang sila ng mga salita ng Diyos, ngunit wala pa silang tunay na karanasan. Dahil dito, malaki pa rin ang kanilang pagkukulang. Ang lalim ng karanasan ng isang tao ang tutukoy kung gaano kalaki ang kanyang pagbabago. Habang mas kaunti ang karanasan mo sa mga salita ng Diyos, mas hindi mo mauunawaan ang katotohanan. Kung wala ka man lamang karanasan, ikaw ay isang buo at buhay na Satanas, at ikaw ay isang diyablo, ganoon kasimple. Naniniwala ka ba rito? Isang araw ay mauunawaan mo ang mga salitang iyon. Mayroon bang sinumang mabubuting tao sa ngayon? Kung walang anyo ng tao ang mga tao, paano natin sila matatawag na mga tao? Lalong hindi sila matatawag na mabubuting tao. Mayroon lamang silang balat ng tao, ngunit wala silang diwa ng tao, hindi pagmamalabis kung tatawagin silang mga halimaw na nakadamit ng tao. Kung may gustong maging taong may wangis ng tao sa pamamagitan ng pagdanas sa gawain ng Diyos, dapat nilang pagdaanan ang paglalantad, pagkastigo at paghatol ng mga salita ng Diyos, saka lamang sila makapagkakamit ng pagbabago sa huli. Ito ang landas; kung hindi ito ginawa ng Diyos, hindi magagawang magbago ng mga tao. Kailangang kumilos nang ganito ang Diyos, unti-unti. Kailangang maranasan ng mga tao ang paghatol at pagkastigo at palagiang pagpupungos, at ang mga paraan kung saan nila inihahayag ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay dapat na mailantad. Maaari lamang pumasok sa tamang landas ang mga tao kapag nakakapagnilay-nilay sila sa kanilang mga sarili at nauunawaan nila ang katotohanan. Pagkatapos lamang ng panahon ng pagdanas at pagkaunawa sa ilang katotohanan na nagkakaroon ang mga tao ng kaunting katiyakan na manindigan. Nakikita Ko na kayong lahat ay napakababa pa rin ang tayog, masyadong kakaunti ang nauunawaan ninyo sa katotohanan, at hindi ninyo kayang maayos na gampanan ang inyong mga tungkulin. Bagamat tila napakaaktibo ninyong nagpapakaabala sa inyong mga tungkulin, ang totoo, kayong lahat ay nasa bingit ng panganib. Hindi Ko nakikitang tinataglay ninyo ang alinman sa mga katotohanang realidad, at mahirap sabihin kung kayo ay mga taong naghahangad sa katotohanan. Inilalagay kayo nito sa panganib. Nagsalita na Ako ng mga ganitong salita nang maraming beses, ngunit maraming taong hindi nakakaunawa kung ano ang ibig sabihin ng mga ito. Sinasabi ng ilang tao: “Napakasigasig ko sa aking pananalig sa Diyos ngayon, hindi ako madadapa o maliligaw. Tinatrato ako ng Diyos nang may mabuting kalooban, wala ako sa anumang panganib.” Tinatrato ng Diyos ang bawat tao nang may mabuting kalooban, at pinangangalagaan sila, ngunit hindi ka pa nakakapasok sa mga katotohanang realidad, kaya natural na nasa panganib ka. Kapag nahaharap sa mga pagsubok, magagarantiya mo ba na makakaya mong manindigan? Walang taong mangangahas na magbigay ng ganitong garantiya. Maraming tao ang kaya lang magsalita tungkol sa ilang salita at doktrina. Hindi ibig sabihin nito na nauunawaan nila ang katotohanan, at lalong hindi ibig sabihin nito na mayroon silang tunay na tayog, gayunman, iniisip nilang halos naabot na nila ito. Kung masasabi ng isang tao ang ganitong bagay, ipinapakita nitong siya ay labis na nagkukulang. Ang bawat taong hindi tinataglay ang mga katotohanang realidad ay nabubuhay sa bingit ng panganib. Ito ay ganap na totoo.