Mga Salita sa Pagkilala sa Sarili (Sipi 43)

Bagaman sa mga pagtitipon ay madalas na nagbabahaginan ng katotohanan, naghihimay-himay ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, pinag-uusapan ang tungkol sa pagkilala sa sarili, at nagtatalakayan tungkol sa iba’t ibang kalagayan at pag-uugali ng mga tao, marami pa ring tao sa kasalukuyan ang hindi nakaaalam sa kanilang sariling tiwaling disposisyon. May ilang tao na inaamin lang na mayroon silang tiwaling disposisyon, subalit hindi nila alam kapag naibubunyag nila ito. May ilang tao na may kakayahang makaarok, at kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos, tinatanggap nila na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at na praktikal ang Kanyang sinasabi. Gayunpaman, kapag may nangyayari na sa kanila, nagiging mababaw ang kanilang pang-unawa. Palagi silang naniniwala na maayos pa rin ang kalagayan nila, na mabuti pa rin silang tao, at bagaman naniniwala silang may kaunti silang tiwaling disposisyon, pinapangkat pa rin nila ang sarili nila sa mabubuting tao. Hindi nila alam ang kalikasan ng kanilang tiwaling disposisyon o kung ano ang mga kahihinatnang idudulot nito. Pagkilala ba talaga ito sa sarili? Pagkatapos manalig ng mga tao sa Diyos sa loob ng ilang taon, sa pamamagitan ng pagbabasa ng Kanyang mga salita, pakikinig sa mga sermon at pakikipagbahaginan, gayundin ang mapungusan, sa wakas ay nakikita na ng karamihan sa kanila nang malinaw na hindi mabuti ang kanilang pagkatao, at na mayroon talaga silang tiwaling disposisyon at makagagawa ng mga bagay-bagay na lumalabag sa katotohanan at kumokontra sa Diyos. Gayunpaman, maraming tao ang hindi talaga nakakikilala rito; inaamin lang nila nang pasalita na sila ay mga diyablo, na sila ay mga Satanas, at na dapat silang isumpa. Praktikal ba o hindi ang ganitong uri ng pang-unawa? Isa ba itong bagay na nanggagaling sa puso? Isa ba itong bagay na binibigkas mula sa tunay na pagkamuhi sa sarili? Halimbawa, may isang lider o manggagawa na tinanggal dahil sa hindi paggawa ng tunay na trabaho, at para ipakita sa lahat ang kanyang “pagsisisi,” sumulat siya ng isang liham ng pagsisisi: “Binigo ko ang Diyos at may pagkakautang ako sa Kanya. Hindi ako karapat-dapat para sa Kanyang pagliligtas o sa masigasig Niyang pangangalaga at pagsisikap. Isa akong demonyo, isa akong Satanas, masama ang pagkatao ko. Dapat akong isumpa, at dapat akong mapunta sa impiyerno at mamatay!” Sa liham na ito ng pagsisisi, sa bawat pangungusap ay itinatanggi at kinokondena niya ang kanyang sarili, binibigkas ang mga salitang hindi kailanman sasabihin ng isang walang pananampalataya. Bagaman kinikilala niya na siya ay isang demonyo at Satanas, may alinman ba sa mga salitang ito ang nagsasabi ng katotohanan? (Wala. Hindi binabanggit ng mga ito kung aling mga katiwalian ang inilantad niya, kung anong masasamang bagay ang ginawa niya, o kung anong pinsala ang naidulot niya sa gawain ng iglesia.) Wala ni isang pangungusap na nagpapaliwanag sa aktuwal na sitwasyon o kung ano ang nasa kanyang puso; walang saysay ang lahat ng mga salitang ito. Totoong pagkaunawa ba ito? (Hindi.) Kung hindi ito totoong pagkaunawa, kinikilala ba niya na tiwali siya? (Hindi.) Ipaliwanag natin ito para sa kanya: Hindi kinikilala ng taong ito ang kanyang sariling katiwalian. Sumulat siya ng isang liham ng pagsisisi, at sa panlabas, tila nakikilala niya ang kanyang sarili at inaamin ang kanyang katiwalian. Mula sa puntong iyon, dapat mong tingnan kung paano siya umaasal sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay at kung nagbago ba ang kanyang tunay na pag-uugali sa likod ng mata ng publiko; saka ka lang makapagbibigay ng tumpak na kongklusyon. Mula sa anong mga pag-uugali natin makikita na tunay niyang inaamin ang sarili niyang katiwalian, at na talagang nakikilala niya ang kanyang sarili? (Pagkatapos magkaroon ang isang tao ng tunay na pagkaunawa sa kanyang sarili, magkakaroon ng mga tunay na pagbabago.) Tama ito. Tinitingnan ng Diyos kung may tunay na pagbabago sa isang tao. Kung may isang tao na nagsusulat ng isang liham ng pagsisisi, at tila taos-puso naman ang mga sinasabi niya at tila may tunay siyang pagkaunawa, ibig sabihin ba nito ay totoong nagsisisi siya? Mapatutunayan ba nito na totoong nagsisisi siya? Hindi, kailangan nating tingnan kung may tunay bang pagbabago sa kanya—ito ang pinakamahalagang aspekto. Subalit pagkatapos siyang tanggalin, madalas niyang pinangangatwiranan at ipinagtatanggol ang kanyang sarili sa harap ng mga kapatid, na katumbas ng hindi niya pagkilala sa sarili niyang katiwalian at hindi pagkakaroon ng tunay na pagkaunawa sa kanyang sarili. Ang kanyang paglaban, pagtatanggol sa sarili, at pangangatwiran sa likod ng mata ng publiko ang nagkukumpirma sa puntong ito. Bukod dito, kapag hinihimay ng Itaas ang kanyang mga kilos at sinabing siya ay isang anticristo, isang huwad na lider, at isang tao na hindi gumagawa ng tunay na trabaho, ano ang kanyang reaksiyon sa pagsisiwalat ng Itaas? Nagdadahilan, ipinagtatanggol at pinangangatwiranan niya ang sarili, ipinaliliwanag ang mga bagay-bagay na ito kung saan-saan, hindi inaamin na hindi siya gumagawa ng tunay na gawain, na kulang siya sa kakayahan, na hindi niya nauunawaan ang katotohanan, at na isa siyang huwad na lider. Anong uri ng disposisyon ang nasa likod nitong hindi pag-amin at pagtatanggol sa sarili? Isa itong uri ng mapagmatigas at mayabang na disposisyon, isang disposisyong tutol sa katotohanan. Nang isinulat niya ang kanyang liham ng pagsisisi, sinabi niya na isa siyang diyablo at Satanas, na hindi siya karapat-dapat sa Diyos at na may pagkakautang siya sa Diyos, at na hindi mabuti ang kanyang pagkatao, subalit kaagad pagkatapos itong aminin, bumalik siya sa dati niyang gawi. Ano ang nangyayari rito? (Hindi totoo ang kanyang pag-amin.) Alin ang totoo niyang pagkatao? Ano ang totoo niyang tayog? (Ang pagtatanggol at pangangatwiran niya sa sarili.) Ang mga pangangatwiran at pagtatanggol sa sarili na ginagawa niya sa likod ng mata ng publiko, ang pagpapaliwanag niya sa kanyang sarili kung saan-saan—ito ang totoo niyang pagkatao. Hindi ba nito pinatutunayan na hindi niya inaaming hindi niya kayang gumawa ng tunay na trabaho at hindi niya taglay ang katotohanang realidad? Hindi talaga niya ito inaamin. Kung hindi man lang niya inaamin ito, kilala ba talaga niya ang kanyang sarili? Kung hindi niya kilala ang kanyang sarili, hindi ba’t ang pagturing niya sa sarili bilang isang diyablo at Satanas ay panlilihis sa mga tao? Kung gayon, kasinungalingan lahat ang sinasabi niya tungkol sa pagkilala niya sa kanyang sarili; ang lahat ng ito ay mapanlinlang. Hindi niya inaaming hindi niya kayang gawin ang trabaho, at na hindi mabuti ang kanyang pagkatao, kaya bakit sinasabi pa rin niya ang mga salitang iyon ng pagkokondena sa sarili? Ito ay di-maarok. Kung hindi niya kilala ang kanyang sarili, bakit nagkukunwari pa rin siyang kilala niya ito? Ito ay para dayain ang mga tao. Pinatotohanan na ng mga katunayang nasa harap natin na siya ay isang mapagpaimbabaw na tao. Kung gayon ay inaamin ba niya na may tiwali siyang disposisyon? (Hindi niya ito inaamin.) Tumatanggi siyang aminin ito, at nagsusumikap pa ngang humanap ng iba’t ibang palusot at dahilan para patunayan na hindi mali ang mga bagay na ginawa niya. Naniniwala siyang anuman ang gawin niya, ito ay tama, at hindi ito dapat kondenahin o himay-himayin ng Itaas. Matatanggap niya ang tanggalin, subalit hindi ang tratuhin nang hindi makatarungan dahil sa mga bagay na ito. Anuman ang dahilan ng pagtanggal sa kanya, kaya niyang magpasakop dito at tanggapin ito; dahil lang ito sa tinanggal siya para sa mga partikular na bagay na ito na ginawa niya na hindi niya kayang tanggapin ito o magpasakop dito. Hindi ba’t ito ang ugat ng kanyang pangangatwiran at pagtatanggol sa sarili? Ang tao na tulad nito ay nagsasalita tungkol sa pagiging isang diyablo at Satanas, sinasabing dapat siyang isumpa at ipadala sa impiyerno, at paulit-ulit na isinisigaw ang mga islogan na ito habang patuloy na nakikipagtalo at nangangatwiran—kilala ba talaga niya ang kanyang sarili? (Hindi.) Paulit-ulit niyang isinisigaw na siya ay isang diyablo at Satanas, subalit hindi niya inaamin ang anuman sa mga pagkakamali niya. Inaamin ba niya na mayroon siyang tiwaling disposisyon? (Hindi.) Bakit sinasabing hindi niya inaamin ito? Inaamin niyang siya ay isang diyablo at Satanas, kung gayon ay bakit hindi niya inaamin na mayroon siyang mga tiwaling disposisyon? Anong kahihinatnan ang mas malala—ang aminin na ang isang tao ay may tiwaling disposisyon, o ang aminin na ang isang tao ay isang diyablo at Satanas? Ang totoo, nauunawaan niya sa kanyang puso na ang pag-amin na siya ay isang Satanas at diyablo ay makapanlilihis sa mga tao at magkakamit ng magandang resulta, at na walang anumang gagawin ang mga tao sa kanya. Gayunpaman, kung aaminin niya ang kanyang mga pagkakamali, o na wala siyang pagkatao, iiwasan at kamumuhian siya ng mga tao. Samakatuwid, pinipili niya ang isang kapaskil-paskil na islogan para ilihis ang lahat at ipaliwanag ang mga bagay-bagay. Bakit niya sinisigaw ang gayong mga linya at islogan? Ano ang layunin nito? (Ito ay para makita ng mga tao kung gaano niya kakilala ang kanyang sarili.) Sa isang banda, ipinangangalandakan niya ang kanyang espirituwalidad. Sa kabilang banda, iniisip niya na: “Sinasabi ng lahat na sila ay mga diyablo at Satanas. Kung sasabihin ko na ako ay isang diyablo at Satanas, hindi ko kakailanganing pasanin ang anumang kahihinatnan at magagawa ko pang makamit ang pagsang-ayon ng lahat. Bakit hindi ko na lang gawin ito?” Hindi ba’t iyon ang ideya? Hindi ba’t masyadong tuso ang ganitong pagkilala sa sarili? (Oo, mapanlihis ito.) Likas itong mapanlihis at mapandaya, at nagtataglay ito ng mga katangian ng isang relihiyosong manloloko! Ano ang sinasabi ng mga relihiyosong manloloko? “Lahat tayo ay makasalanan; nagkasala tayong lahat!” Hindi nila sinasabi kung paano sila naging masama o dinedetalye ang masasamang bagay na ginawa nila. Sinasabi rin nila na: “Makasalanan tayong lahat, at dapat tayong magsisi. Tingnan ninyo kung gaano karaming pinakamamahal na dugo ang ibinuhos ng panginoong Jesus para sa atin!” Anong layunin ang gusto nilang makamit gamit ang mga salitang ito? Ito ay para magmukha silang espirituwal. Nagpapasikat sila at sinisikap na pataasin ang pagtingin sa kanila ng iba para makamit ang layunin nilang makuha ang puso’t isipan ng ibang tao. Gusto rin bang makamit ng mga taong nagsasabi na sila ay mga diyablo at Satanas ang ganitong resulta? Hindi ba’t ito rin ang layunin nila? Sa unang tingin, tila kilala nila ang kanilang sarili, at mukhang mga tao sila na tunay na nagsisisi, ipinapahayag ang sarili nila bilang mga diyablo at Satanas, mga anak ng impiyerno, at karapat-dapat sa kamatayan. Napakataimtim ng kanilang mga salita! Subalit habang taimtim silang nagsasalita, kasing taimtim din ba ang ginagawa nila sa likod ng mga mata ng publiko? Hinding-hindi. Doble-kara ang ginagamit nilang pamamaraan: Sa isang banda, inaamin nila sa publiko na sila ay mga diyablo at Satanas, subalit sa kabilang banda, nag-iikot-ikot sila para ipagtanggol at bigyang-katwiran ang kanilang sarili, ipinaliliwanag na wala silang maling ginawa. Sinasabi nilang hindi naging makatarungan ang pagtrato sa kanila ng Itaas, na hindi alam ng Itaas ang aktuwal na sitwasyon, at na sa pagsasagawa ng mga bagay na ito ay tiniis nila ang labis na paghihirap at hinanakit at malaki ang isinakripisyo nila, at hindi sila dapat tratuhin nang ganito. Sinasabi nila ang mga bagay na ito para makakuha ng mas maraming simpatya, para mas maraming tao ang magkamaling maniwala na inaamin nilang sila ay mga diyablo at Satanas at na tunay nilang kilala ang kanilang sarili, at na hindi naging patas ang Itaas sa kanila, at na tinanggal sila dahil sa isang maliit na bagay. Pinagmumukha nilang kilala nila ang kanilang sarili at karapat-dapat silang maging mga lider. Talagang puspusan nilang ipinagtatanggol at pinangangatwiranan ang kanilang sarili. Kaya ba ng mga taong ito na magaling magbalatkayo at pangatwiranan ang sarili at isigaw ang mga espirituwal na mga islogan na tunay na makilala ang kanilang sarili? (Hindi nila kaya.) Ang tinatawag nilang kaalaman sa sarili ay isa lang paggawa nang pabasta-basta, pandaraya sa iba, at pagpapanggap para lang mag-iwan ng magandang impresyon sa ibang tao. Hindi sila tunay na lumalapit sa Diyos para magsisi at aminin ang kanilang kasalanan, at hindi nila tinatanggap ang pagpupungos sa kanila ng Diyos, paglalantad sa kanila, at pagdidisiplina, o maging ang pagtatanggal sa kanila. Talagang wala silang ganitong kalooban.

Sa panahon ngayon, masyadong mababaw ang karanasan ng karamihan sa mga tao, at masyadong limitado ang kanilang kaalaman sa sarili. Kinikilala lang ng marami ang kamalian sa kanilang mga pamamaraan at ang sarili nilang mga pagkakamali, samantalang may iilang kinikilala ang mababa nilang kakayahan, baluktot na pagkaarok, kakulangan sa espirituwal na pang-unawa, at kakulangan sa pagkatao. Mas kaunti pa ang kumikilala na ang mga salita ng pagsisiwalat ng Diyos ay mga ganap na katunayan, na ang mga salitang ito ay nagsisiwalat ng katotohanan ng kanilang sariling katiwalian, o na ang Kanyang mga salita ay ganap na totoo at walang anumang kamalian. Patunay ito na hindi pa rin talaga nakikilala ng mga tao ang kanilang sarili. Ang hindi nila pag-amin na namumuhay sila nang naaayon sa kanilang mga satanikong disposisyon at satanikong kalikasan ay nangangahulugang hindi nila tunay na nakikilala ang kanilang sarili. Anuman ang tiwaling disposisyong inilantad nila, hindi nila inaamin ang mga ito. Tinatakpan at binabalutan nila ang mga ito, hindi pinahihintulutan ang iba na makita ang kanilang katiwalian. Ang mga ganitong tao ay magaling sa pagbabalatkayo at mga mapagkunwari. Sa panahon ngayon, karamihan sa mga tao ay bumabaling sa katotohanan, at medyo bumubuti ang kanilang kalagayan, subalit hindi pa rin talaga nila kilala ang kanilang sarili. Maraming tao ang patuloy na tumutugon sa paggawa ng pagkakamali sa pamamagitan ng pag-amin lang na nagkamali sila sa isang pagkakataong iyon. Kung tatanungin mo sila na, “Saan ka eksaktong nagkamali sa bagay na ito? Ano ang mga katotohanang prinsipyong nilabag mo? Ano ang mga tiwaling disposisyon na inilantad mo?” Sasabihin nila na, “Wala itong kinalaman sa mga tiwaling disposisyon. Ito ay isang pansamantalang pagkakamali lang; hindi ko ito pinag-isipan at kumilos ako nang pabigla-bigla. Hindi ito ang layunin ko.” Ang mga hindi nila sinasadyang pagkilos at pagkakamali ay naging mga pananggalang at palusot para sa mga tiwaling disposisyong nailantad nila. Tunay na pag-amin ba ito ng kanilang sariling katiwalian? Hindi. Kung palagi kang magpapalusot o maghahanap ng mga kadahilanan para sa mga tiwaling disposisyong inilalantad mo, hindi mo tunay na mahaharap ang sarili mong katiwalian, ni hindi mo maaamin o mauunawaan ang mga ito. Halimbawa, ginagampanan nang maayos ng isang tao ang kanyang tungkulin sa loob ng ilang panahon; matatag ang kanyang kalagayan, anuman ang kanyang ginagawa ay naisasakatuparan nang maayos at nang walang aberya, at nagkakaroon siya ng mga positibong resulta at nakatatanggap ng papuri mula sa iba. Pakiramdam niya ay nakagawa siya ng malalaking kontribusyon at na dapat siyang pagkalooban ng Diyos ng mga gantimpala. Bilang resulta, nakapaglalantad siya ng isang mayabang at mapagmagaling na tiwaling disposisyon—naniniwala siyang mas magaling siya kaysa sa iba, at tumatanggi siyang makinig sa kahit na sino at hindi magawang makipagtulungan nang maayos sa kahit na sino. Hindi nagtatagal, nagkakamali siya sa pagganap ng kanyang mga tungkulin, at pinupungos at inilalantad siya ng mga kapatid, sinasabing masyado siyang mayabang. Nahihirapan siyang tanggapin ang katunayang ito at walang tigil itong pinag-iisipan: “Mayabang ako? Sa tingin ko ay hindi. Hindi ako nagyabang tungkol sa kahit ano, kaya’t paano ako naging mayabang?” Napako na siya sa salitang “mayabang” at hindi makalagpas dito. Ang kawalan niya ng kakayahang tanggapin ang salitang ito ay nagpapakita na wala siyang katwiran, hindi talaga niya kilala ang kanyang sarili, at hindi niya inaamin ang sarili niyang tiwaling disposisyon. Kapag may nangyayari sa iyo at naglalantad ka ng tiwaling disposisyon, kapag may namumuna sa iyo o nagpupungos sa iyo, at nagsasabing nilalabag ng mga ginawa mo ang mga katotohanang prinsipyo, subalit inaamin mo lang ang pagkakamali mo sa partikular na bagay na iyon, hindi mo ginugustong aminin na ito ay kahihinatnan na bunga ng nailantad na tiwaling disposisyon, at handa ka lang na itama ang pagkakamali nang hindi kailanman tinatanggap ang katunayan na naglantad ka ng isang tiwaling disposisyon, ibig sabihin ay hindi mo talaga kilala ang iyong sarili. Kaya ba mismong katawanin ng pag-amin sa pagkakamali ang kaalaman sa sarili? Ang kaalaman sa sarili ay tumutukoy sa pagkilala sa ugat na dahilan ng pagkakamali ng isang tao at pag-alam sa sarili niyang tiwaling disposisyon. Kung inaamin mo na may mali kang ginawa, at pagkatapos ay nagbabago ang iyong pag-uugali kaya parang hindi mo na ginagawa ang katulad na pagkakamali, subalit hindi mo iwinaksi ang iyong tiwaling disposisyon at ang ugat na dahilan ng kamalian ay hindi nalutas, ano ang magiging kahihinatnan? Hindi mo pa rin maiiwasang maglantad ng tiwaling disposisyon at maghimagsik at lumaban sa Diyos. Huwag mong isipin na ang ilang pagbabago sa pag-uugali ay katumbas ng pagbabago sa iyong disposisyon. Ang pagkilala sa sarili ay isang walang katapusang bagay; kung hindi kayang alamin ng isang tao ang mga ugat na dahilan ng kanyang tiwaling disposisyon o kung nasaan ang ugat ng kanyang paghihimagsik at paglaban sa Diyos, hindi niya makakamit ang pagbabago sa kanyang disposisyon. Ito ang mahirap tungkol sa pagbabago ng sariling disposisyon. Bakit maraming tao na nananalig sa Diyos ang binabago lang ang kanilang pag-uugali at hindi ang kanilang buhay disposisyon? Narito ang problema. Kung aaminin mo na ang ipinapakita mo ay isang tiwaling disposisyon na nagdulot sa iyo para kumilos nang naaayon sa iyong kagustuhan, gumawa ng mga arbitraryong desisyon, hindi makipagtulungan nang maayos sa iba, at magmataas sa iba, at pagkatapos mo aminin ang mga bagay na ito, aaminin mo pa dulot ang mga ito ng isang mayabang na disposisyon, ano ang magiging pakinabang nito sa iyo? Saka mo lang tunay na mapagninilayan ang mga bagay na ito, at makikilala na ang isang tiwaling disposisyon ay ang ugat na dahilan ng paglaban sa Diyos, at isang malinaw na patunay ng katiwalian ni Satanas sa sangkatauhan. Mababatid mo na kung hindi iwawaksi ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon, hindi siya magiging karapat-dapat na tawaging tao at hindi karapat-dapat na mamuhay sa harap ng Diyos. Gayunpaman, kung aaminin mo lang na may mali kang ginawa, ano ang magiging kahihinatnan? Tututukan mo lang at pagsisikapan ang paraan mo ng paggawa ng mga bagay-bagay at pagwawasto sa mga ito, kung paano gagawin ang mga bagay-bagay para magmukhang maayos ang mga ito sa panlabas, at kung paano maitatago ang paglalantad ng iyong mayabang na disposisyon. Mas lalo kang magiging mapanlinlang at magiging mas sopistikado ang pamamaraang ginagamit mo sa pandaraya ng iba. Iisipin mo na: “Nagkamali ako sa pagkakataong ito, at nakita ito ng lahat dahil hindi ako naging maingat. Hindi ako magiging ganito sa susunod.” Ang resulta ay bagaman nagbago sa panlabas ang paggawa mo ng mga bagay-bagay, at hindi nakikita ng mga tao kung ano ang mga problema, itinago mo ang iyong tiwaling disposisyon. Naging ano ka na? Mas lalo kang naging mapanlinlang at mapagkunwari. Kung pagtutuunan at pagsisikapan ng isang tao kung paano siya magsasalita at kikilos para sa panlabas ay walang makapansin ng anumang problema o makakita ng pagkakamali sa kanya, at magmukhang walang kapintasan ang kanyang mga kilos, subalit hindi niya binabago ang kanyang tiwaling disposisyon kahit kaunti, hindi ba siya nagiging isang Pariseo? Bagaman maaaring linlangin ng mapagkunwaring pagkilos ang mga tao, malilinlang ba nito ang Diyos? Ano ba talaga ang ibig sabihin ng paghahangad sa katotohanan? Una sa lahat, tumutukoy ito sa paghahangad ng pagbabago sa disposisyon ng isang tao. Kung hindi kailanman nalalaman ng isang tao ang kanyang sariling tiwaling disposisyon, imposibleng magkaroon ng pagbabago sa kanyang disposisyon. Kasabay sa pag-amin na mayroon siyang tiwaling disposisyon, dapat din niyang tanggapin ang katotohanan, pagnilayan kung saan talaga siya nagkamali at kung saan siya nabigo, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para lutasin ang kanyang mga problema. Sa ganitong paraan lang unti-unting maiwawaksi ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon, maisasagawa ang katotohanan sa pagganap niya ng kanyang mga tungkulin, at makakikilos nang may mga prinsipyo. Sa pagsasagawa nito, makapapasok siya sa katotohanang realidad. Tanging iyong mga kayang hanapin at isagawa ang katotohanan ang mga taong naghahangad ng katotohanan. Sila ang mga taong patuloy na nakapagsisikap sa pagsasagawa ng katotohanan at sa pagkilos nang may mga prinsipyo, at makapagbubuod ng kanilang mga karanasan at makakukuha ng mga aral. Sa oras na naisasagawa nila ang katotohanan at nakapapasok sa realidad, nagtataglay ng mga prinsipyo sa kanilang mga kilos, at nakagagawa ng mas kaunting mga pagkakamali, unti-unti silang magiging angkop para magamit ng Diyos. Kung ang isang tao ay hindi naghahangad ng katotohanan, gaano man siya nagpapakasasa sa walang saysay na usapan tungkol sa pagkilala niya sa kanyang sarili, o kung paano niya inilalarawan ang kanyang sarili bilang isang diyablo at Satanas, sa huli ay hindi pa rin niya isasagawa ang katotohanan. Kung gayon, ano ang kaibahan sa pagitan ng dalawang ito? Ang isa ay kumikilala sa sarili niyang tiwaling disposisyon, humahanap ng katotohanang prinsipyo, at nagsasagawa nang naaayon sa katotohanan—ito ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Ang iba ay hindi umaamin na mayroon siyang tiwaling disposisyon at hindi tinatanggap ang katunayan ng kanyang sariling tiwaling disposisyon, sa halip ay nagsisikap sa paraan niya ng paggawa ng mga bagay-bagay. Gayunpaman, binabago lang nito ang panlabas niyang pag-uugali, at walang pagbabago sa kanyang buhay disposisyon, na mas ginagawang pandaraya ang kanyang pag-uugali. Alinsunod ba sa mga katotohanang prinsipyo ang isinasagawa ng mga ganitong uri ng mga tao? Ganap na nagkukulang ito rito at hindi man lang nalalapit. Ang ginagawa nila ay pagbabalatkayo, pagkukunwari, at pandaraya, at ang layunin nila ay dayain ang mga taong hinirang ng Diyos. Hindi nila isinasagawa ang katotohanan, subalit gusto pa rin nilang purihin sila ng lahat, sang-ayunan sila, at i-endorso sila para magkaroon sila ng katayuan sa iglesia. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagbabalatkayo at pandaraya? Nagbabalatkayo sila at ikinukubli ang kanilang sarili at tumutuon lang sa kung paano magkakamit ng pabor mula sa ibang tao. May anumang katotohanang prinsipyo ba sa ganitong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay? Walang-wala—ito ay ganap na batay sa mga imahinasyon ng isipan ng tao, mga pamamaraan ng tao, mga pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo, at pamumuhay pa rin ito na naaayon sa isang satanikong disposisyon. Ang ganitong pagsasagawa na pagpapaimbabaw ay nabibilang sa huwad na espirituwalidad; pandaraya ito sa mga tao at walang kahit katiting na katotohanang realidad.

Bakit may ilang tao, na mukha ring nagsasagawa ng kanilang mga tungkulin tulad nang iba, ang bigla na lang sumusulpot mula sa kung saan at ginugulat ang mga tao sa paggawa nila ng napakalaking kasamaan sa huli? Maaari bang maganap ang gayong pangyayari sa loob lang nang isa o dalawang araw? Talagang hindi. Hindi mabubuo ang tatlong talampakang yelo sa loob lamang ng isang araw. Sa panlabas, tila sila ay may mabuting pag-uugali at simple, at walang makakita ng kamalian sa kanila, subalit sa huli, ang masasamang bagay na ginagawa nila ay mas matindi at nakabibigla kaysa doon sa mga ginawa ng iba pa. Ang mga bagay na ito ay ginagawa nitong mga tinaguriang tao na “may mabubuting pag-uugali.” Alam ba ninyo kung ano ang karaniwang katangian na tinataglay ng ganitong mga uri ng tao? (Mukha silang may mabuting pag-uugali at madalas na tila may magandang asal.) Ang isinasabuhay nila at ang kanilang kalikasang diwa ay may dalawang naiibang katangian—kaya ba ninyong maarok ang mga pangunahing puntong ito? (Hindi nila minamahal ang katotohanan o inaamin ang kanilang tiwaling disposisyon. Kapag nagsasalita sila tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili, nagbabalatkayo sila at nagkukunwari.) Ang pagkukunwari ay isang aspekto nito, kaya’t paano mo matutuklasan at makukumpirma na ang mga taong ito ay mapagkunwari? Paano mo makukumpirma na ang magagandang pag-uugaling isinasabuhay nila ay isang pagkukunwari lang? (Sa panlabas, maayos silang magsalita, subalit sa tunay nilang mga pagkilos, iniingatan nila ang mga sarili nilang interes nang hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.) Ito ay isang partikular na pagpapamalas ng pagkukunwari. Bagaman maaayos magsalita ang mga mapagkunwaring taong ito, sa katunayan ay nandaraya at nanlilihis sila ng mga tao. Bukod pa rito, inilalantad nila ang kanilang pagkamakasarili at pagkamababang-uri, iniingatan lang ang kanilang mga interes at hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—gusto nilang mamuhay na parang kalapating mababa ang lipad habang inaasahan ang isang monumento para sa kanilang kalinisang-puri. Kinakatawan ng lahat ng ito ang kanilang kalikasang diwa, walang anumang pagkatao. Kababanggit Ko lang na may dalawang naiibang katangian ang kanilang kalikasang diwa. Ang unang katangian ay na kadalasang sumisigaw ng mga islogan at bumibigkas ng mga doktrina ang mga ganitong uri ng tao na para bang malalim ang kanilang espirituwalidad, subalit ang totoo ay wala silang ni katiting na pagmamahal sa katotohanan, imposible para sa kanila na isagawa ito. Batay sa puntong ito, hindi ba’t isa sa mga pagpapamalas na ito ang nauna na ninyong binanggit tungkol sa pagsasaalang-alang nila ng sarili lang nilang interes? Bakit nila isinasaalang-alang ang mga sarili nilang interes? Minamahal ba nila ang katotohanan? (Hindi nila minamahal ang katotohanan; gusto lang nila ang mga interes.) Iniingatan lang nila ang mga sarili nilang interes at hindi isinasaalang-alang kahit kaunti ang interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga kapatid. Hindi ba ito ang pag-uugali na walang ni katiting na pagmamahal sa katotohanan? Sinasabi ng ilang tao na, “Kung hindi nila minamahal ang katotohanan, bakit lagi silang nagbabahagi tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa katotohanan?” Paano ninyo ipapaliwanag ito? (Ginagawa nila ito para mapabilib ang iba, nagbabalatkayo sila, at nag-aayos ng kanilang sarili.) Ito ay isang aspekto nito, subalit bukod pa rito, totoo bang nagbabahagi sila tungkol sa katotohanan? Hindi talaga ito ang katotohanan; mga salita at mga doktrina lang ang mga ito. Kung malinaw na mga salita at doktrina lang ang mga ito, paano ito matatawag na katotohanan? Mga hangal lang ang magtutumbas ng mga salita at doktrina sa katotohanan. Napakahuhusay ng mga diyablo sa pagbibigkas ng mga salita at doktrina para ilihis ang mga tao, at gusto rin nilang magpanggap na mga taong taglay ang katotohanan para dayain ang iba at ang Diyos. Gaano man katayog ang mga salita at doktrinang binibigkas ng mga tao, hindi katotohanan ang mga ito; tanging ang mga salitang binibigkas ng Diyos ang katotohanan. Paanong nababanggit ang mga salita at doktrinang binibigkas ng mga tao nang sabay sa katotohanan? Magkaibang bagay ang dalawang ito. Ito ang unang aspekto, na ang mga taong ito ay talagang walang pagmamahal sa katotohanan. Ang aspekto bang ito ang kanilang kalikasang diwa? (Oo.) Bakit sinasabi nating ito ang kanilang kalikasang diwa at hindi lang basta pansamantalang pagbubunyag o pag-uugali? Ito ay dahil kung titingnan natin ang lahat ng kanilang pagbubunyag at pag-uugali, mahihinuha na ang kanilang pagkataong diwa ay na hindi talaga nila minamahal ang katotohanan. Dahil sa iba’t ibang pag-uugaling ito, matitiyak na sila ay mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Ito ang unang katangian. Ngayon, ano ang ikalawang katangian? Ito ay na hindi talaga inaamin ng mga tao ang mga sarili nilang tiwaling disposisyon. Ano ang ibig sabihin ng hindi talaga nila inaamin ito? Kung sinasabing hindi nila inaamin ang kanilang tiwaling disposisyon, bakit lagi nilang pinag-uusapan ang tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili? Hindi lang nila pinag-uusapan ang tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili, walang kahihiyan rin nilang tinutulungan ang ibang tao na kilalanin ang mga sarili nito. Madalas din nilang sabihin na hindi sapat ang ginagawa nila, na may pagkakautang sila sa Diyos, na sila ay mga diyablo at Satanas at karapat-dapat silang isumpa. Paano ito maipaliliwanag? (Kapag nagsasalita sila tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili, walang totoong nilalaman o detalye. Halimbawa, walang praktikal na nilalaman tungkol sa kung aling mga katiwalian ang ibinubunyag nila, aling mga maling layunin ang kinikimkim nila, aling mga tiwaling disposisyon ang kumukontrol sa kanila, anong mga partikular na pagpapamalas ang mayroon sila, sa anong mga kalikasang diwa sila nabibilang, at iba pa. Sinasabi lang nila nang may kalabuan na sila ay mga diyablo at Satanas nang hindi ipinapahayag ang tunay na nararamdaman at nauunawaan.) (Ang isang resulta ng tunay na pagkilala sa sarili ay ang kakayahang tunay na kamuhian ang sarili. Pasalitang inaamin ng mga ganitong uri ng mga tao ang kanilang katiwalian subalit hindi kinamumuhian ang sarili nila sa kanilang puso, at naghahanap din sila ng lahat ng uri ng dahilan para ipagtanggol at pangatwiranan ang kanilang sarili. Minsan, hindi nila ipinaliliwanag ang kanilang sarili sa panlabas, subalit hindi nila tinatanggap at inaamin ang kanilang katiwalian sa kanilang kalooban. Talagang ganap silang walang kakayahang tanggapin ang katotohanan at hinding-hindi sila nagbabago.) Hindi nila inaamin ang sarili nilang katiwalian—paano ito maipaliliwanag? (Kapag may nangyayari sa kanila at ibinubunyag sila, pakiramdam nila ay wala silang kakayanang gawin ang gayong bagay, kung kaya’t hindi nila inaamin na may ganito silang uri ng tiwaling disposisyon.) Ang ganitong mga tao ay palaging nagsasalita tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili, subalit ano ba talaga ang alam nila? Alam ba nila ang kanilang mga pag-uugali at pagpapamalas, o alam ba nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon? O alam lang ba nila ang mga mali nilang ginawa? May malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga ganitong uri ng karunungan. Ang ilang uri ng karunungan ay tunay na karunungan, samantalang ang iba ay mabababaw at walang diwa. Ang karunungan ng ilang tao ay mas mababaw pa, at alam lang nila kung ano ang mga mali nilang nagawa o inaamin ang mga bagay na ginawa nila na lumabag sa moralidad o sa batas. Hindi ito naiiba sa mga relihiyosong tao na umaamin ng kanilang pagkakasala sa Panginoon; hindi ito humahantong sa tunay na pagsisisi. May ilang tao rin na bumibigkas lang ng ilang doktrina kapag nagsasalita sila tungkol sa pagkilala sa sarili, o gumagaya sa sinasabi ng iba tungkol sa kaalaman sa sarili. Mas malaking anyo pa ito ng pagbabalatkayo at pandaraya. Bakit hindi talaga nakilala ng mga taong ito ang kanilang sarili? Ang pinakamahalagang dahilan ay na hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan, kaya’t ang lahat ng kanilang kilos at pag-uugali ay ganap na nababatay sa sarili nilang mga kagustuhan, sarili nilang satanikong pilosopiya, at kanilang mga interes, ambisyon, at pagnanais. Sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi nila itinuturing na tiwali ang kanilang mga ambisyon at pagnanais; ang anumang kinakailangan nila ay hindi tiwali, kaya ginagawa nila ang anumang gustuhin nila, kung anuman ang mapusuan nila. Kung huhusgahan ito mula sa simula ng kanilang mga kilos, inaamin ba nila ang mga sarili nilang katiwalian? (Hindi nila inaamin ang mga ito.) Paano kumikilos ang mga taong umaamin sa kanilang mga katiwalian? Kumikilos ba sila sa pamamagitan ng paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo, o nagdarasal, nag-iisip, at gumagawa lang ba sila ng mga bagay ayon sa mga naiisip nila? Ano sa mga ito ang sinusunod nila? (Hinahanap nila ang mga katotohanang prinsipyo.) Kaya, kung titingnan ang mga kilos ng iyong mga naunang binanggit na mga uri ng tao, malinaw na palagi nilang ginagawa anuman ang gustuhin nila. Pinaniniwalaan nila na ang mga salita ng Diyos ay para sa ibang tao at ibinabahagi nila ang mga naunawaan nilang doktrina sa iba, na nangangahulugang pinakikilos nila ang iba alinsunod sa mga salita ng Diyos, ipinahihiwatig na “nagbubunyag kayong lahat ng mga katiwalian, subalit hinahanap ko ang katotohanan sa lahat ng aking ginagawa at wala halos akong ibinubunyag na katiwalian.” Ito ba ang mga taong tunay na nakakikilala sa kanilang sarili? Hindi sila nangangahas na aminin ang sarili nilang mga katiwalian; ito ang katotohanan sa bagay na ito. Naniniwala sila na ang pagsasakripisyo, gayundin ang pagsasalita nang mas madalas, pagtitiis ng mas maraming paghihirap, at maging ang pagtalikod sa mga bagay-bagay at paggugol ng kanilang sarili para matugunan ang kanilang mga ambisyon at pagnanais ay naaayon lahat sa katotohanan at tama. Kung tatanungin mo sila, “Dahil lahat ng tao ay may mga katiwalian, hindi ka ba natatakot na magkamali kung ganyan ka mag-isip?” Sasabihin nila: “Hindi, ayos lang ito; hindi ako natatakot. Tama ako sa aking mga layunin.” Tingnan kung paano nila itinuturing na isang positibong bagay ang kanilang mga ambisyon, pagnanais at layunin. Inaamin ba ng mga ganitong uri ng tao ang mga sarili nilang katiwalian? (Hindi, hindi nila inaamin ang mga ito.) Mula sa isang obhetibong pananaw, hindi lang talaga nila inaamin ang mga sarili nilang katiwalian. Kaya bang tunay na magsisi ng isang taong hindi umaamin sa kanyang sariling katiwalian? (Hindi, hindi niya kaya.) Tiyak na hindi siya magsisisi; hindi niya ito gagawin kailanman. Taglay ba niya ang tunay na pagpapasakop? (Hindi.) Mas lalong hindi. Ni hindi nga niya alam kung ano ang katotohanan, kaya paano siya makapagpapasakop? Nagpapasakop lang siya sa kanyang sariling mga ambisyon at pagnanais. Ganap siyang nabubuhay sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng bagay nang naaayon sa kanyang mga sariling pagnanais, at nagsasalita, kumikilos at pumipili siya ng tatahaking landas batay lang sa kanyang sariling kalooban, nang hindi kailanman hinahanap ang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao na: “Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, kaya bakit pa sila nakikinig sa mga sermon?” Ang pakikinig sa mga sermon ay hindi naman nangangahulugang nagagawa nilang hanapin ang katotohanan; isa lang itong aspekto ng pananalig sa Diyos. Kung hindi sila nakinig sa mga sermon at dumalo sa mga pagtitipon, hindi ba sila mabubunyag? Kaya, kinakailangan nilang pagdaanan ang prosesong ito, subalit ang pakikinig sa mga sermon ay hindi nangangahulugan na isa silang tao na tumatanggap sa katotohanan o umaamin sa sarili nilang katiwalian; hindi dapat maghinuha nang ganito ang isang tao. Hindi madali para sa isang tao na aminin na siya ay may katiwalian, at mahirap itong gawin para sa mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan.

Kababanggit lang natin na ang mga taong hindi nakakikilala sa kanilang sarili ay may dalawang naiibang katangian: Ang isa ay wala talaga silang pundamental na pagmamahal sa katotohanan, at ang isa pa ay hindi nila kailanman inaamin na sila ay may mga tiwaling disposisyon. Kung gayon, gaano pa kayo kalayo sa pagkilala sa inyong sarili? (Sa ngayon, hindi pa rin namin nakikilala ang aming sarili at hindi pa rin kami nakaaabot sa punto na kinamumuhian namin ang aming sarili.) Napakalayo pa ninyo. Una sa lahat, ang pagkilala sa sarili ay nangangahulugan ng pagkilala sa sariling tiwaling disposisyon, mga kagustuhan, at mga maling pananaw at pag-uugali ng isang tao. Ito ang susi, at pumapangalawa lang ang ibang aspekto ng kaalaman sa sarili. Matatanggap mo lang talaga ang katotohanan at magkakaroon ng tunay na pagsisisi kapag inaamin mo na mayroon kang tiwaling disposisyon, at na taglay mo ang lahat ng kalikasang diwa at pagbubunyag ng mga katiwalian na ipinaalam ng Diyos sa mga tao, at kung kaya mong ilista isa-isa ang mga ito at aminin na ang lahat ng mga partikular na katunayan, pag-uugali, at pagbubunyag na ito ay hindi sumasang-ayon sa katotohanan, lahat ay laban sa Diyos, at lahat ay kinasusuklaman Niya. Sa panahon ngayon, kapag sinasabi ng mga tao na tinatanggap nila ang katotohanan, inaamin lang nila ito sa doktrina at medyo binabago ang kanilang mga pag-uugali. Subalit pagkatapos nito, isinasabuhay pa rin nila ang kanilang mga satanikong tiwaling disposisyon at nabubuhay alinsunod sa pilosopiya ni Satanas; hindi talaga sila nagbabago. Ang pagbabago sa pag-uugali ay hindi kumakatawan sa mga pagbabago sa disposisyon. Para baguhin ang disposisyon ng isang tao, dapat niyang malaman ang kanyang sariling kalikasang diwa at ang kanyang sariling tiwaling disposisyon—ito ang unang hakbang. Ang isang tao na nakakikilala lang na problematiko ang sarili niyang mga pagkilos, na hindi siya isang mabuting tao, o na siya ay isang diyablo at Satanas ay malayo pa rin sa pagkilala sa kanyang kalikasang diwa at sa pagbabago ng kanyang disposisyon.