Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito (Unang Bahagi)

Labis na ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan na lahat sila ay may satanikong kalikasan at mapagmataas na disposisyon; maging ang mga hangal at mangmang ay mapagmataas, at iniisip nilang sila ay mas mahusay kaysa sa ibang tao at tumatanggi silang sumunod sa mga ito. Kitang-kita na napakalalim ng katiwalian ng sangkatauhan at napakahirap para sa kanilang magpasakop sa Diyos. Dahil sa kanilang pagmamataas at pagmamatuwid sa sarili, ang mga tao ay ganap na walang katwiran; wala silang sinumang susundin—kahit pa ang sinasabi ng iba ay tama at umaayon sa katotohanan, hindi nila ito susundin. Dahil sa pagmamataas kaya nangangahas ang mga tao na husgahan ang Diyos, kondenahin ang Diyos, at labanan ang Diyos. Kaya, paano malulutas ang isang mapagmataas na disposisyon? Maaari ba itong malutas sa pamamagitan ng pag-asa sa pagpipigil ng tao? Maaari ba itong malutas sa pamamagitan lamang ng pagkilala at pagtanggap dito? Hinding-hindi. May isang paraan lamang upang malutas ang isang mapagmataas na disposisyon, at iyon ay ang pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Tanging ang mga may kakayahan lamang tumanggap sa katotohanan ang unti-unting makakatanggal ng kanilang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman malulutas ng mga hindi tumatanggap sa katotohanan ang kanilang mga mapagmataas na disposisyon. Maraming tao ang nakikita Kong lumalaki ang ulo kapag nagpapakita sila ng talento sa kanilang tungkulin. Kapag ipinapakita nilang mayroon silang ilang kakayahan, iniisip nilang sila ay talagang kahanga-hanga, at pagkatapos ay mabubuhay sila sa mga kakayahang ito at hindi na pagbubutihin pa ang sarili. Hindi sila nakikinig sa iba anuman ang sabihin ng mga ito, iniisip na ang maliliit na bagay na ito na taglay nila ay ang katotohanan, at sila ang pinakamataas. Anong disposisyon ito? Ito ay isang mapagmataas na disposisyon. Kulang na kulang sila sa katwiran. Magagawa ba ng isang tao nang maayos ang kanyang tungkulin kapag siya ay may mapagmataas na disposisyon? Magagawa ba niyang maging masunurin sa Diyos at sundin ang Diyos hanggang sa wakas? Mas mahirap pa ito. Upang ayusin ang isang mapagmataas na disposisyon, kailangan niyang matutunang danasin ang gawain, paghatol at pagkastigo ng Diyos habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin. Sa ganitong paraan lamang niya tunay na makikilala ang kanyang sarili. Kapag malinaw mong nakita ang iyong tiwaling diwa, malinaw na nakita ang ugat ng iyong pagmamataas, at pagkatapos ay naunawaan at nasuri ito, saka mo lamang tunay na malalaman ang iyong kalikasang diwa. Kailangan mong hukayin ang lahat ng tiwaling bagay sa loob mo, at ikumpara ito sa katotohanan at alamin ang mga ito batay sa katotohanan, pagkatapos ay malalaman mo kung ano ka: Hindi ka lamang puno ng isang mapagmataas na disposisyon, at hindi ka lamang walang katwiran at pagsunod, kundi makikita mo na kulang ka sa napakaraming bagay, na wala kang katotohanang realidad, at kung gaano ka kaawa-awa. Pagkatapos, hindi mo na magagawang maging mapagmataas. Kung hindi mo sinusuri at kinikilala ang iyong sarili sa ganitong paraan, kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, hindi mo malalaman ang iyong lugar sa sansinukob. Iisipin mong magaling ka sa lahat ng paraan, na ang lahat ng bagay tungkol sa iba ay masama, at tanging ikaw ang pinakamahusay. Pagkatapos, lagi kang magpapakitang-gilas sa lahat, para tingalain at sambahin ka ng iba. Ito ay ganap na kawalan ng kamalayan sa sarili. May mga taong laging nagpapakitang-gilas. Kapag nakikita ng iba na hindi ito kaaya-aya, pinupuna nilang mayabang ang mga ito. Ngunit hindi nila ito tinatanggap; iniisip pa rin nilang sila ay may talento at may kakayahan. Anong disposisyon ito? Masyado silang mapagmataas at mapagmagaling. Ang mga tao bang ganito kayabang at kamapagmagaling ay may kakayahang mauhaw sa katotohanan? Kaya ba nilang hangarin ang katotohanan? Kung hindi nila kailanman makikilala ang kanilang sarili, at hindi nila matatanggal ang kanilang tiwaling disposisyon, magagampanan ba nila nang maayos ang kanilang tungkulin? Tiyak na hindi.

Maraming tao ang gumaganap sa kanilang tungkulin paano man nila gustuhin at hindi kailanman nakikinig sa mga mungkahi ng iba. Kung may magbibigay sa kanila ng plano, isusulat nila ito sa oras na iyon at papayag na gawin ito, ngunit pagkatapos ay kalilimutan nila ito at patuloy na gagawin ang anumang gusto nila. Anong klaseng disposisyon ito? (Isang mapagmagaling at mapagmataas na disposisyon.) Mayroon bang anumang pagiging mapagmatigas dito? (Oo.) Ang pagiging mapagmatigas at mapagmataas ay makikita sa bawat tao. Kapag naririnig ng mga tao ang iba na may sinasabing tama at makatwiran, kung haharapin nila ang bagay na ito gamit ang konsiyensiya at katinuan, iisipin nila na dapat itong tanggapin, ngunit maisasagawa ba nila ito? (Hindi naman.) Anong uri ng saloobin ang kailangan para maisagawa nila ito? Una sa lahat, dapat silang magkaroon ng tamang saloobin: Dapat nilang bitiwan ang kanilang mga sariling imahinasyon, paghusga, o maling pagkaunawa, at pagkatapos ay pag-isipan ang magandang mungkahi ng taong iyon at hanapin ang katotohanan, at kung matukoy nila na ang mungkahi niya ay tama at umaayon sa mga katotohanang prinsipyo, dapat nila itong tanggapin at sundin. Hindi ba’t ito ang saloobin na dapat mayroon sila? May pagmamataas ba sa saloobing ito? Walang anumang pagmamataas dito; ito ay isang seryoso at responsableng saloobin, isang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan, at isang saloobin ng pagmamahal sa mga positibong bagay. Kung, kapag may narinig kang nagbigay ng magandang mungkahi, isang mungkahi na sa tingin mo ay umaayon sa mga katotohanang prinsipyo, sasabihin mong tinatanggap mo ito upang hindi mapahiya o dahil sa panandaliang pag-unawa, ngunit kapag oras nang gawin ang isang bagay, kumikilos ka lang batay sa sarili mong kagustuhan, ginagawa ang anumang gusto mo, at isinasantabi ang mungkahing iyon na kinikilala ng puso mo na tama, anong klaseng tao ka? Saloobin ba ito ng pagtanggap sa katotohanan? Anong klaseng disposisyon ito? Ito ay pagmamataas at paghihimagsik, hindi ito pagtanggap sa katotohanan, ito ay pag-una sa sariling kagustuhan, at pagpapahintulot na mangibabaw ang mga sariling opinyon at ideya, at paglimot sa mga katotohanang prinsipyo, positibong bagay, at sa salita ng Diyos. May ibang tao na personal na nagbibigay ng magagandang pangako, ngunit kapag may nangyayari, ayaw nilang tuparin ang mga ito, at gumagawa sila ng sarili nilang mga kalkulasyon: “Kung gagawin ko ito nang naaayon sa mga prinsipyo, kailangan kong magbahagi tungkol sa katotohanan nang malinaw, at kailangan kong baligtarin ang mga kuru-kuro ng mga tao, at iyon ay magiging napakahirap. Kakailanganin kong magsalita nang husto at nag-aalala ako na baka hindi ako makapagsalita nang malinaw, na magiging pag-aaksaya ng oras at lakas at masyadong abala! Upang hindi maabala, kailangan ko itong gawin sa ganitong paraan, at dapat makinig sa akin ang lahat kahit na hindi sila sumasang-ayon, ako ang may huling salita tungkol dito.” Anong klaseng saloobin ito? Ito ay isang taksil na saloobin. Noong nagbigay sila ng kanilang mga pangako, mukha silang taos-puso, tapat, masunurin, at banal, at may kakayahang tanggapin ang mga opinyon ng iba at ang katotohanan, ngunit kapag oras na para kumilos, ibang-iba na sila at nagbago na ang kanilang saloobin. Bakit ito nagbago? Bakit ganap na nagbago ang kanilang saloobin? Ano ang nag-udyok nito? Pakiramdam nila ay masyadong pisikal na nakapapagod at masyadong abala ang pagkilos sa ganitong paraan, kaya’t nag-aalangan sila at ayaw nilang danasin ang paghihirap na iyon. Ang mga panata o pangako na ginawa nila noon ay hindi na mahalaga sa kanila, gayundin ang pangangasiwa sa mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang pinakamahalagang bagay sa kanila ay ang pagbibigay-kasiyahan sa kanilang laman, iyon ang nauuna, at ipinagpapaliban nila ang atas ng Diyos at hindi nila ito sineseryoso. Ito ba ang isang responsableng tao? Ito ba ang isang taong may dangal? Ito ba ay isang taong nagmamahal sa katotohanan? Hindi. May mga tao ring nangangako sa iba na pangangasiwaan nila nang maayos ang isang bagay kapag kaharap nila ang mga ito, at lubos nilang napapanatag ang mga taong iyon, ngunit kapag may nakaharap na silang mga problema sa proseso ng pangangasiwa rito, isinasantabi na lang nila ito at sumusuko na lang sila. Ito ba ay isang mapagkakatiwalaang tao? Ito ba ay isang maprinsipyong paraan ng paggawa ng mga bagay? Lalo na kapag ginagampanan ang tungkulin at gumagawa ng mga bagay para sa sambahayan ng Diyos, lalo silang dapat sumunod sa mga katotohanang prinsipyo, at ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kahit na kung minsan ay nangangahulugan ito ng pagdanas ng kawalan at kahihiyan, at hindi nila kailanman dapat hayaang magdusa ang gawain ng iglesia. Ang mga taong gumagawa nito ay matatapat, nakikinig sila sa kalooban ng Diyos, at iniisip nila ang sambahayan ng Diyos sa bawat pagkakataon. Yaong mga mapanlinlang ay palaging iniisip ang kanilang mga sariling interes habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, at hindi sila kailanman handang magdusa nang kahit kaunting kawalan sa anumang ginagawa nila; mas gugustuhin nilang magdusa ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kaysa sila mismo ang mawalan. Alam ng Diyos kung ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo o hindi—sinusuri ng Diyos ang mga iniisip at ideya ng mga tao. Kapag nakita ng Diyos na ang puso ng isang tao ay mapanlinlang at masama, na siya ay kumikilos dahil sa kasakiman para sa mga interes ng kanyang laman, na hindi niya mahal ang katotohanan at nayayamot siya sa katotohanan, susukuan Niya ang taong iyon sa sandaling makita Niya ang mga bagay na iyon. Mararamdaman kaya ng taong iyon ang lahat ng ito? (Hindi.) Bakit hindi niya ito mararamdaman? (Dahil kapag ang kalikasan ng isang tao ang kumokontrol sa kanyang mga kilos, hangga’t ang mga interes ng kanyang laman ay nasusunod, hindi niya susuriin ang kanyang sarili. Dahil dito, hindi niya mamamalayan na ang paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan ay hindi naaayon sa katotohanan.) Kung gayon, saan nabubuhay ang tao, sa loob-loob niya? Ito ay sa tiwaling disposisyon ni Satanas. Ang diwa ng tao ay ang diwa ni Satanas, at ang tao ay nabubuhay ayon sa kanyang satanikong disposisyon, na ang ipinagtatanggol lamang niya ay ang kanyang sariling banidad, pagpapahalaga sa sarili, at mga interes ng laman. Ang ganitong uri ng makasarili at kasuklam-suklam na pag-iisip ay naging kalikasan na ng mga tao, kaya pakiramdam nila ay napakahirap at matrabaho ang isagawa ang katotohanan, ang sumunod sa Diyos, ang ganap na makinig sa mga salita ng Diyos, at ang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo at mga pamantayan ng Diyos. Ano ang problema rito? Ang problema ay gapos at kontrolado ang tao ng satanikong disposisyon, at napakaraming negatibong bagay sa kanyang puso, kaya ang pagsasagawa sa katotohanan ay napakahirap at sadyang hindi madali. Kung ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao ay malilinis, at magagawa nilang unawain ang katotohanan at makinig sa kalooban ng Diyos, wala silang kakaharaping mga hadlang o problema sa pagsasagawa sa katotohanan, at hindi nila mararamdamang matrabaho ito.

Kung ang isang tao ay talagang hindi naghahangad ng katotohanan, at ayaw niya itong tanggapin, wala kung gayon na anumang karapat-dapat sa kanyang kalooban, at sa tuwing may mangyayari sa kanya, mamumuhay lamang siya ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, at magmumukhang napakaaba, kaawa-awa, at bulag. Sa madaling salita, sila ay naghihikahos at walang anumang nasa kalooban nila; wala silang kakayahang madaig ang kasalanan, walang kakayahang talikuran ang kanilang sariling laman, walang pag-uudyok na isagawa ang katotohanan, walang pagpapasyang baguhin ang kanilang sariling mga pananaw, at walang kapasiyahang ganap na sundin ang Diyos. Sila ay sadyang aba, nakakaawa, at bulag, at wala silang maipagmamalaki. Pagdating sa kusang pag-aamok, marami silang enerhiya, ngunit hindi nila kayang kumilos ayon sa mga kinakailangan ng Diyos at mga prinsipyo ng katotohanan. Kung titingnan mo ang hitsura nila, ang ilan sa mga taong ito ay matatas magsalita, sila ay may pinag-aralan at may ilang likas na kakayahan at kalakasan, at sila ay mga taong may kakayahan, kaya bakit Ko sinasabing sila ay aba at nakakaawa? Paano ito nasusukat? Ang isang taong walang taglay na katotohanan ay aba at nakakaawa. Ang edukasyon at kaalaman, o mga likas na kakayahan at talento ba ay maaaring humalili sa katotohanan? Makakatulong ba ang mga ito sa isang tao na maunawaan ang katotohanan at malampasan ang mahihirap na panahon? Magagawa ba ng mga ito na panatilihing naninindigan ang isang tao sa kanyang patotoo at makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos? Hindi talaga. Gusto ng mga taong kumilos batay sa kanilang sariling mga kagustuhan, pagnanais, kuru-kuro, at imahinasyon, anumang gawin nila, at masayang-masaya sila, natutuwa, at kalmado tungkol dito. Gayunpaman, kung isasagawa nila ang katotohanan at susundin ang Diyos, madarama nila ang kawalang kapangyarihan at ganap na kawalang interes sa paggawa nito, o maging ang pakiramdam na parang sila ay paralisado. Ano ang nangyayari sa ganoon? Nasaan ang kanilang mga puso? Kanino sila naglilingkod? Bakit kapag ang mga tao ay gumagawa ng mga bagay gamit ang kaloob sa kanila at kaalaman, at ayon sa mabuti nilang hangarin at kagustuhan, kayang-kaya nila, marami silang mga pakana, at sadyang nagtataglay sila ng walang katapusang lakas, ngunit kapag hinihiling sa kanila na isagawa ang katotohanan, pumasok sa katotohanang realidad, at gumawa ng mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, gaano man sila kakilala, sila ay nawawalan ng kakayahan at kapangyarihan? Ano ang ugat nito? Bakit sa pagsasagawa ng katotohanan at paghahanap ng mga katotohanang prinsipyo, ang mga tao ay parang mga hangal, napakaaba at kahabag-habag, gayunpaman, sila ay nagyayabang at nagmamalaki, at iniisip nilang sila ay mas mahusay kaysa sa lahat, at tumatangging sumunod kaninuman? Bakit ganito? (Hindi kilala ng mga tao ang kanilang sarili.) Ang hindi pagkakilala sa kanilang sarili ay isang aspeto nito—ang pangunahing dahilan ay may mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Bago nila maunawaan ang katotohanan, ito ang pangit nilang kalagayan, ang kanilang karakter, at ang kanilang kaawa-awang anyo—wala silang maipagmamalaki. Ang lahat ng hindi nagtataglay ng katotohanan ay ganito; gaano man kataas ang kanilang kaalaman o katayuan, ang lahat ng kanilang ipinapakita ay isang pangit na katayuan at naghihikahos na anyo. Sa harap ng Diyos at ng katotohanan, ganito kaaba at kaawa-awa ang tao, walang pag-aari at walang tinataglay. Nakipag-ugnayan Ako sa ilang tao, at kapag nakakausap at nakakatrabaho Ko sila, nakikita Ko ang kanilang walang pakialam, mapurol, aba, at kaawa-awang hitsura. Nakakapagsalita sila nang kaunti tungkol sa mga panlabas na bagay, ngunit kapag may bagay nang may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, ang mga pananaw nila ay lumilihis pakaliwa o pakanan, o sadyang wala silang pananaw rito. Kapag may isang taong matagal nang naniniwala sa Diyos, marami nang nabasang salita ng Diyos, nakinig na sa napakaraming sermon, at namumuhay ng espirituwal na buhay araw-araw, paano siya magiging walang-pakialam, mapurol, aba, at nakakaawa? Kapag may nangyari, bakit wala silang tamang pananaw? Bakit hindi nagbabago ang kanilang pananaw sa mga bagay-bagay? (Hindi pa nila tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan.) Iyon ay tama. Marami na silang narinig na mga sermon, ngunit ang narinig lamang nila ay mga doktrina; marami-rami na silang nabasang salita ng Diyos, ngunit mga doktrina lamang mula rito ang naunawaan nila; marami-rami na silang napuntahang pagtitipon, ngunit ang nakuha lamang nila ay ilang literal na bagay at tuntunin. Saan ito nauugnay? Bakit ang mga bagay na ito ang nakukuha nila? Ang ibinibigay ng Diyos sa tao ay ang katotohanan, ang buhay, at ang katotohanang realidad, kaya bakit ang mga iyon ang bungang nadadala sa mga taong ito? Napag-isipan na ba ninyo ang tanong na ito? Isa itong seryosong problema, isang malaking problema. Kaya, paano malulutas ang problemang ito? Dapat kang kumain at uminom ng salita ng Diyos at isapuso mo ito at hayaan itong maging realidad mo; dapat mong baguhin ang iyong panloob na kalagayan at katayuan, at magkaroon ng tamang pananaw at tamang saloobin sa lahat ng iyong nakakaharap. Hindi ba’t ito ang landas na dapat mong isagawa? Hindi ba’t ito ang direksyon na dapat mong hanapin? Isipin mo, paano kayo magsisimula sa landas na ito? Ano ang naiisip ninyong lahat? (Diyos, nararamdaman ko na kapag may mga bagay na nangyayari sa akin, kailangan kong pagnilayan ang sarili kong mga layunin, motibo, at ang pagbuhos ng tiwali kong disposisyon, at pagkatapos ay sadya kong talikuran ang mga mali kong layunin at tiwaling pagbuhos, at kumilos ayon sa katotohanan sa salita ng Diyos.) Ito ang tamang landas, ngunit sa proseso ng pagsasakatuparan nito, natutuklasan mo ba ang sarili mong mga problema? (Kung minsan ay natutuklasan ko ang mga ito, ngunit kung minsan ay hindi.) Dahil dito, kakailanganin mong manalangin sa Diyos, magnilay sa iyong sarili, at suriin nang madalas ang sarili mong mga kilos. Bibigyang-kaliwanagan ng Banal na Espiritu ang mga tao tungkol sa mga bagay na hindi nila naiintindihan, at kapag nabigyan ka ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, hindi ba’t malulutas ang iyong mga problema? Kapag ang isang tao ay umaasa sa Diyos, walang mga problema ang hindi malulutas.

Magbibigay Ako ng isang halimbawa upang mapag-aralan at makita ninyong lahat kung marunong kayong magnilay sa inyong sarili, at kung makikilala ninyo ang sarili ninyong mga isyu sa pamamagitan ng mga problema ng iba. Minsan Akong gumugol ng oras kasama ang isang tao, at sa una, maingat siya at mapagmatyag, nagtatanong kung ano ang Aking mga layunin kapag gumagawa ng anumang bagay, at anuman ang Aking sabihin, tatango, yuyuko, at makikinig siyang mabuti. May panloob siyang hangganan: “Ikaw ang Diyos, hindi Kita puwedeng saktan, hindi ako puwedeng lumampas sa hangganang ito, makikinig ako sa sasabihin Mo, gagawin ko kung anuman ang ipapagawa Mo sa akin.” Sa madaling sabi, walang mga problemang makikita sa kanya. Ngunit pagkatapos ng ilang oras naming pagsasama, at matapos ang ilang pag-uusap, nasanay na siya sa Aking paraan ng pananalita at tono ng boses—naging pamilyar na sa kanya ang mga bagay na ito, at naisip niya, “Kahit tayong dalawa ay hindi magkapantay, at hindi pareho ang ating pagkakakilanlan at katayuan, komportable akong makipag-usap sa Iyo, hindi ko kailangang itago ang kahit na ano, nasasabi ko kung anumang nais ko.” Sa paglipas ng panahon, ang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos ay nasira, at naisip niya, “Alam ko kung anong uri ng katangian ang mayroon Ka, alam ko kung anong uri Ka ng tao. Alam ko kung anong mga bagay ang hindi Mo ikagagalit at magiging dahilan para iwasto Mo ako, at iiwasan kong gawin ang mga bagay na magiging dahilan para iwasto Mo ako. Gawin ko man ang mga ito, hindi ko hahayaang makita Mo o malaman. Para maiwasang malaman Mo, hindi ko sasabihin kahit sa mga taong malapit sa Iyo kung ano ang ginagawa ko sa likod Mo. Sa ganoong paraan, hindi mo malalaman ang tungkol dito, tama ba? Kung hindi Mo malalaman ang tungkol dito, hindi Mo ako iwawasto, hindi ba? Hindi ko kailangang maharap sa kahihiyan at magdusa para dito, hindi ba? Mahusay iyan! Gagawin ko kung ano pa ang Iyong sabihin sa akin, at susunod ako, ngunit kailangan kong magkaroon ng kaukulang kalayaan.” Hindi ba’t may problemang lumabas dito? (Oo.) Anong problema ang lumabas? Wala ba ritong pagiging mapanlinlang ng puso ng tao? (Meron.) Sa harap man ito ng ibang tao o sa harap ng Diyos, sinusubukan lagi ng mga tao na itago ang mga bagay sa kaibuturan ng kanilang mga puso na ayaw nilang sabihin sa iba, at ang kalagayang ito ng pag-iisip at disposisyon ay yaong sa pagiging mapanlinlang, na taglay ng bawat tao. May isa pang disposisyon dito—ang pagmamataas. Saan makikita ang pagmamataas dito? Naisip ng taong ito sa kanyang sarili, “Ikaw pala ay nakikipag-usap at nagsasalita nang gaya nito. Walang gaanong kahanga-hanga sa kung paano Ka magsalita, nasasabi Mo lang ang mga bagay na ito, at kung mas makikilala pa Kita, mas masasabi ko pa ang mga ito nang higit sa Iyo. Ganyan Ka manamit? Mas magaling akong manamit kaysa sa Iyo, mas kaakit-akit ako kaysa sa Iyo, nagtataglay Ka lang ng mas maraming katotohanan kaysa sa akin. Kaya, sa paglipas ng panahon, kapag mas nakilala na Kita, mangangahas akong sabihin ang anumang nais kong sabihin, at hindi ako magkakamali sa pagsasalita.” Hindi ba’t ito ay pagmamataas? (Oo.) Ang mga ito ay dalawang disposisyon. May isa pang nakatagong disposisyon, natuklasan na ba ninyo ito? Kapag ang isang tao ay naghayag ng kayabangan, panlilinlang, at pagkukunwari sa harap ng Diyos, mayroon ba silang anumang kamalayan sa mga ito sa kaibuturan ng kanilang puso? (Oo.) Kapag mayroon silang ganitong kamalayan, ano ang ginagawa nila rito? Pinipigilan ba nila ang kanilang mga sarili? Umiiwas ba sila? Nagninilay ba sila sa kanilang mga sarili? (Hindi.) Anong uri ng disposisyon mayroon ang isang tao kapag alam na niyang nagpakita siya ng isang mapagmataas na disposisyon ngunit hindi pa rin siya nagninilay o sumusubok na kilalanin ang kanyang sarili, at kung may magturo sa kanya nito, hindi pa rin niya ito tatanggapin at sa halip ay susubukan niyang ipagtanggol ang sarili niya? (Pagiging mapagmatigas.) Tama, ito ay pagiging mapagmatigas. Paano man naipapakita sa harap ng ibang tao ang ganitong uri ng pagiging mapagmatigas, at anuman ang mga konteksto kung saan ang gayong pag-uugali ay nahahayag, ang taong ito may mapagmatigas na disposisyon. Gaano man katuso at mapagbalat-kayo ang mga tao, ang mapagmatigas na disposisyong ito ay madaling malantad. Dahil ang mga tao ay hindi nabubuhay sa gitna ng kawalan, at kahit na sila ay nasa harap ng ibang tao o hindi, lahat ng tao ay nabubuhay sa harap ng Diyos, at ang bawat tao ay nasa ilalim ng pagsisiyasat ng Diyos. Kung ang isang tao ay karaniwang matigas ang ulo, imoral, walang pagpipigil, at may ganitong mga hilig, at may mga ganitong pagbuhos ng katiwalian, at kung, kahit na nararamdaman nila ito, hindi sila tumalikod, at kapag nakilala nila ito, hindi sila nagsisi, binuksan ang sarili sa pagbabahagi, o hinanap ang katotohanan upang malutas ang problemang ito, ito ay pagiging mapagmatigas. Sa usapin ng mga pagpapamalas ng pagiging mapagmatigas, may dalawang magkaibang uri: “kasuwailan” at “katigasan.”[a] Ang ibig sabihin ng “kasuwailan” ay pagiging napakatigas ng ulo, hindi nagbabago ng isip, at hindi lumalambot. Nangangahulugan ang “katigasan” na ang ibang mga tao ay hindi nangangahas na labanan ito, at nasasaktan sila kapag ginawa nila ito. Kadalasan, ayaw makipag-ugnayan ng mga tao sa mga taong may mapagmatigas na disposisyon, tulad din ng pagkaayaw ng mga tao na makabangga ng matitigas na bagay at hindi komportable kapag ginawa nila ito; gusto ng mga tao ang malalambot na bagay, ang yari sa malalambot na bagay ay nagpapaginhawa sa pakiramdam ng mga tao, at nagdudulot ito ng kasiyahan sa kanila, habang ang pagmamatigas ay ang eksaktong kabaligtaran. Ang pagmamatigas ay ginagawa ang mga taong magpamalas ng isang pag-uugali, at ang pag-uugaling ito ay kasuwailan at katigasan ng ulo. Anong disposisyon ang umiiral dito? Ito ay ang mapagmatigas na disposisyon. Nangangahulugan ito na, kapag ang isang tao ay naharap sa isang bagay, bagama’t alam niyang ang kanyang ugaling ito ay hindi maganda at hindi tama, nauudyukan siya ng kanyang mapagmatigas na disposisyon na isiping, “Ano ngayon kung may makaalam? Ganito ako!” Anong klaseng pag-uugali ito? Itinatanggi nila ang isyu, hindi nila iniisip na ang pag-uugaling ito ay masama, o mapaghimagsik laban sa Diyos, na ito ay nagmumula kay Satanas, o na ito ay isang pagbuhos ng disposisyon ni Satanas; hindi nila nadarama o natatanto kung paano ito nakikita ng Diyos at kung paano ito kinasusuklaman ng Diyos—ganiyan katindi ang problemang ito. Ang disposisyon ba ng pagiging mapagmatigas ay mabuti o masama? (Ito ay masama.) Ito ay isang satanikong disposisyon. Ginagawa nitong mahirap para sa mga tao na tanggapin ang katotohanan, at lalo pang pinahihirap nito na sila ay magsisi. Ang lahat ng satanikong disposisyon ay negatibong bagay, lahat ng mga ito ay kinasusuklaman ng Diyos, at wala sa mga ito ang positibong bagay.

Ang tatlong uri ng disposisyon na kababanggit Ko lang, ang pagiging mapanlinlang, pagmamataas, at pagiging mapagmatigas, ay mga nakamamatay na bagay lahat. Kung ikaw ay naghahayag ng pagmamataas, pagiging mapanlinlang, o pagiging mapagmatigas sa ibang tao, ikaw ay may masamang disposisyon o abang pagkatao lang; kung ikaw ay naghahayag ng pagmamataas, pagiging mapanlinlang, o pagiging mapagmatigas sa Diyos, pagpapamalas ito ng paglaban sa Diyos, at malamang na malabag nito ang Kanyang disposisyon—kung hindi ka magsisisi, magiging labis itong mapanganib. Kung ihahayag mo ang mga disposisyong ito sa harap ng ibang tao, hindi nila ito seseryosohin; kung ihahayag mo rin nang ganito ang mga tiwaling disposisyong ito sa harap ng Diyos, lalabanan mo ang Diyos at lalabagin mo ang Kanyang disposisyon. Bagamat hindi mo ito sasadyain o pagpaplanuhan, gagawin mo ito nang hindi kusa sa ilalim ng pangingibabaw ng iyong satanikong kalikasan. Kaya, kapag ang iyong tiwaling disposisyon ay lumabas, kung hindi mo magagawang magnilay-nilay sa iyong sarili at lutasin ito gamit ang katotohanan, hindi magtatagal at ito ay magiging isang karamdaman, at sa oras na ang dati nang karamdamang ito ay umulit, magiging malaki itong gulo. Kung paulit-ulit mong lalabagin ang disposisyon ng Diyos, tiyak na ikaw ay palalayasin.

Sa halimbawang kabibigay Ko lang, anong iba pang disposisyon ang ipinakikita ng taong iyon? (Ang pagkayamot sa katotohanan.) Anong bahagi ang nagpapakita na nayayamot siya sa katotohanan? Sa panlabas, minamahal niya ang katotohanan, nararamdaman niya na tungkulin niyang gawin anuman ang hinihingi ng Diyos, anuman ang kanyang tungkulin, at anuman ang nasa saklaw ng gawain ng iglesia, kaya paano masasabi na siya ay nayayamot sa katotohanan? (Hindi niya kailanman hinanap ang katotohanan.) Hindi niya kailanman hinanap ang katotohanan; iyan ay malinaw na katibayan. Kaya, pagdating sa mga detalye, anong mga pagpapamalas ang nagpapakita na siya ay nayayamot sa katotohanan? (Nang ang hiningi ng Diyos ay sumalungat sa kanyang sariling kalooban, pinili niyang sundin ang sarili niyang kalooban sa halip na hanapin ang sa Diyos.) Iyon ang mga detalye. Paano pangunahing naipamamalas ng mga tao ang disposisyon ng pagkayamot sa katotohanan? Kapag nakakakita sila ng isang positibong bagay, hindi nila ito sinusukat sa pamamagitan ng katotohanan—ano ang ginagamit nila upang sukatin ito? Ginagamit nila ang lohika ni Satanas upang sukatin ito at upang tingnan kung ang bagay na ito ay ginawa nang may estilo, kung ano ang porma nito, at gaano ito kahanga-hanga. Sinusukat nila ang lahat sa pamamagitan ng mga pamamaraan na ginagamit ni Satanas upang suriin ang mga tao, ibig sabihin, ang mga prinsipyo at pamamaraan na ginagamit ng mga hindi mananampalataya upang suriin ang mga tao. Hindi nila hinahanap ang katotohanan kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay, at ang panimulang punto para sa lahat ng kanilang mga pagkilos ay ang sukatin ang mga iyon gamit ang mga sarili nilang imahinasyon at pananaw, at ang mga pilosopiya sa pamumuhay at kaalaman na kanila nang naunawaan, isinasantabi ang katotohanan—ganyan nila ginagawa ang lahat ng bagay. Gumagamit sila ng mga pananaw ng tao at lohika ni Satanas bilang kanilang panukat, at pagkatapos nilang magsukat nang magsukat, nakikita nila na, sa kanilang paningin, wala nang iba pang kasingbuti nila kailanman—sila ang pinakamabuti. Nasa puso ba nila ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan? Mayroon bang anumang prinsipyo ng katotohanan doon? Wala, walang kahit anuman. Hindi nila nakikita ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, hindi nila nakikita na ang katotohanan ang realidad ng lahat ng positibong bagay, hindi nila nakikita na ang katotohanan ay higit sa lahat ng bagay, kaya, gaya ng inaasahan, hinahamak nila ang Diyos na nagkatawang-tao, at palagi silang may mga kuru-kuro tungkol sa paraan ng pananamit, at sa pananalita at pagkilos ng pagkakatawang-tao ng Diyos. At kaya, pagkatapos ng malawig na ugnayan, iniisip nila, “Hindi Ka kasingkapita-pitagan, kasingmaharlika, at kasinglalim gaya ng inakala ko, at ni hindi Ka man lang umabot sa aking uri. Sa aking pagtayo rito, hindi ba’t tinataglay ko ang uri ng isang dakilang tao? Bagamat ang sinasabi Mo ay ang katotohanan, wala akong nakikitang anuman tungkol sa Iyo na parang sa Diyos. Palagi Kang nagsasalita tungkol sa katotohanan, palagi Kang nagsasalita tungkol sa pagpasok sa realidad, bakit hindi Ka maglantad ng ilang hiwaga? Bakit hindi Ka magsalita nang kaunti sa wika ng ikatlong langit?” Anong uri ito ng lohika at pananaw sa mga bagay-bagay? (Ito ang pananaw ni Satanas sa mga bagay-bagay.) Ito ay nagmumula kay Satanas. Sa tingin ninyo, paano Ko hinaharap ang mga bagay na ito? (Nasusuklam Ka sa ganitong uri ng tao at ayaw Mong makipag-ugnayan sa kanya.) Mali kayo. Bagkus, kapag nakatagpo Ako ng gayong tao, lalapit ako sa kanya at normal na magbabahagi sa kanya, at ipagkakaloob Ko kung ano ang makakaya Ko at tutulong Ako sa paraang kaya Ko. Kung siya ay suwail at matigas ang ulo, hindi Ko lamang magagawang makasundo siya nang normal, kundi tatalakayin Ko pa sa kanya ang mga bagay-bagay hangga’t maaari. Sasabihin Ko, “Sa palagay mo ba ay umuubra na gawin ang mga bagay sa ganitong paraan? Gamitin mo kung alinman sa mga pamamaraang ito ang sa pakiramdam mo ay angkop, at kung sa pakiramdam mo ay wala sa mga ito ang angkop, mag-isip ka ng sarili mong paraan upang lutasin ang problemang ito.” Habang lalong iniisip ng ganitong uri ng tao na siya ay napakadakila, lalo Ko lang siyang nakakasundo sa ganitong paraan; hindi Ako magiging mahangin sa harap ng sinuman. Kung mayroong dalawang upuan, isang mataas at isang mababa, hahayaan Ko siyang umupo sa mas mataas, at uupo Ako sa mas mababa. Makikipag-usap Ako sa kanya nang nakatingala, at sa huli ay gagawa Ako ng paraan upang makaramdam siya ng hiya at upang unti-unti niyang mapagtanto na wala siyang taglay na mga katotohanan, na siya ay naghihikahos at kaawa-awa, manhid at mabagal umunawa. Ano ang tingin mo sa pamamaraang ito? (Ito ay mabuti.) Kaya, kung hindi Ko siya papansinin, magiging mabuti ba ito para sa kanya? Ang totoo, walang masama sa ganito, ngunit hindi ito makabubuti sa kanya. Kung siya ay nananampalataya sa Diyos nang may kaunting sinseridad, nagtataglay ng kaunting pagkatao, at maaari pang iligtas, ayos lang para sa Akin na makipag-ugnayan sa kanya. Sa huli, balang araw, kung nauunawaan niya ang katotohanan, siya mismo ang pipili na umupo sa mas mababang upuan, at hindi na siya magiging hambog. Kung hindi Ko siya papansinin, mananatili siyang ganito kamangmang at kahangal magpakailanman, na nagsasalita at gumagawa ng mga bagay na kahangalan, at palagi siyang magiging isang hangal na tao, naghihikahos at kaawa-awa—iyan ang pangit na kalagayan ng mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan. Minamaliit at hinahamak ng mga tao ang mga positibong bagay, at kapag nakakakita sila ng isang tao na tapat, mapagmahal, at palaging nagsasagawa ng katotohanan ngunit minsan ay nagkukulang sa karunungan, hinahamak nila siya mula sa kanilang puso. Iniisip nila na ang gayong tao ay walang silbi at walang kabuluhan, habang sila mismo ay tuso, magaling magkalkula, bihasa sa pagpaplano at pagpapakana, may mga pamamaraan at kaloob, may kakayahan at mahusay sa pananalita. Iniisip nila na ginagawa sila nitong pakay ng pagliligtas ng Diyos, ngunit ang kabaligtaran nito ang totoo—ito ang uri ng tao na kinayayamutan ng Diyos. Ito ang disposisyon ng pag-ayaw at pagkayamot sa katotohanan.

Talababa:

a. Hindi nilalaman ng orihinal na teksto ang pariralang “may dalawang magkaibang uri: ang ‘pagmamatigas’ at ‘katigasan.’”

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.