Mga Salita sa Pagkilala sa Gawain at Disposisyon ng Diyos (Sipi 24)
Mahal ng Diyos ang sangkatauhan—totoo ito at kinikilala ng lahat ang katunayang ito—kaya, paano nga ba minamahal ng Diyos ang tao? (Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan, tinutustusan ang tao ng katotohanan, ibinubunyag, hinuhusgahan, dinidisiplina, sinusubok, at pinipino siya, na nagtutulot sa kanyang maunawaan at makamit ang katotohanan.) Ganito ang naranasan at nakita ninyong lahat. Ang pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan ay nag-iiba depende sa kapanahunan—sa ilang pagkakataon, umaayon ang pagmamahal ng Diyos sa mga kuru-kuro ng mga tao at nagagawa nila itong maunawaan at makilala agad, pero minsan ay tumataliwas ang pagmamahal ng Diyos sa mga kuru-kuro ng mga tao at ayaw nila itong tanggapin. Aling mga aspeto ng pagmamahal ng Diyos ang taliwas sa mga kuru-kuro ng mga tao? Ang paghatol, pagkastigo, pagkondena, pagpaparusa, galit, mga pagsumpa, at iba pa ng Diyos. Walang sinuman ang handang harapin ang mga bagay na ito, ni hindi rin nila kayang tanggapin ang mga ito, ni hindi rin nila kailanman naisip na magpapamalas ang pagmamahal ng Diyos sa ganitong paraan. Kung gayon, paano nilimitahan ng tao ang pagmamahal ng Diyos noong una? Sa umpisa ay nilimitahan nila ang pagmamahal ng Diyos sa pagpapagaling ng Panginoong Jesus sa mga may sakit, sa pagpapalayas ng mga demonyo, sa pagpapakain sa limang libong tao ng limang pirasong tinapay at dalawang pirasong isda, sa pagkakaloob ng masaganang biyaya, at sa paghahanap sa mga naligaw—sa kanilang deskripsyon, itinuturing ng Diyos ang sangkatauhan na parang maliliit na tupa, na hinahaplos sila nang sobrang marahan. Para sa kanila, ito ang bumubuo sa pagmamahal ng Diyos. Kaya, kapag napupuna nilang mahigpit magsalita ang Diyos at nagsasagawa Siya ng paghatol, pagkastigo, pag-usig at pagdidisiplina, sumasalungat ito sa iniisip nilang bersyon ng Diyos kaya nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro, nagrerebelde at itinatanggi pa nga ang Diyos. Kung kayo ay isusumpa ng Diyos, sasabihin na wala kayong pagkatao, na hindi ninyo mahal ang katotohanan, at wala kayong ipinagkaiba sa hayop at na hindi Niya kayo ililigtas, ano ang iisipin ninyo? Iisipin ba ninyong hindi totoo ang pagmamahal ng Diyos, na hindi mapagmahal ang Diyos? Mawawala ba ang pananalig ninyo sa Kanya? Sinasabi ng ilan: “Hinahatulan at kinakastigo ako ng Diyos para iligtas ako, pero kung isusumpa Niya ako, hindi ko na Siya tatanggapin bilang aking Diyos. Kung isusumpa ng Diyos ang isang tao, hindi ba’t katapusan na iyon para sa kanya? Hindi ba’t nangangahulugan iyon na maparurusahan siya at mapupunta sa impiyerno? Nang walang nakikitang kahihinatnan, ano pa ang silbi ng pananalig sa Diyos?” Hindi ba’t baluktot ito na kuru-kuro? Kung isusumpa ka ng Diyos balang araw sa hinaharap, susundin mo pa rin ba Siya katulad ng ginagawa mo ngayon? Gagawin mo pa rin ba ang iyong tungkulin? Mahirap itong sabihin. Nagagawa ng ilang tao na magsumikap sa kanilang tungkulin; pinahahalagahan nila ang paghahangad sa katotohanan at handa sila. Gayunpaman, ang iba ay hindi hinahangad ang katotohanan at hindi pinahahalagahan ang pag-unlad ng buhay—binabalewala nila ang mga bagay na ito. Ang iniisip lamang nila ay ang tungkol sa pagtanggap ng mga gantimpala at pakinabang at pagiging kapaki-pakinabang na tao sa sambahayan ng Diyos. Sa tuwing may oras, palagi nilang ibinubuod kung anong gawain ang nagawa nila kamakailan, kung anong mabubuting gawa ang kanilang ginawa para sa iglesia, kung anong malaking halaga ang kanilang ibinayad, at kung anong mga gantimpala at korona ang dapat ibigay sa kanila. Ito ang mga uri ng mga bagay na ibinubuod nila sa kanilang bakanteng oras. Kapag isinusumpa ng Diyos ang mga ganitong tao, hindi ba’t nakagugulat at hindi inaasahan ito para sa kanila? Malamang bang agad silang hihintong manalig sa Diyos? Isa ba itong posibilidad? (Oo.) Ang tanging saloobing dapat taglayin ng isang nilalang sa Lumikha ay yaong pagpapasakop, walang kondisyong pagpapasakop. Ito ay isang bagay na maaaring hindi matanggap ng ilang tao ngayon. Ito ay dahil napakababa ng tayog ng tao at wala silang katotohanang realidad. Kung malamang na magkamali ka ng pagkaunawa sa Diyos kapag may ginagawa ang Diyos na mga bagay na taliwas sa iyong mga kuru-kuro—at malamang na maghimagsik pa nga laban sa Diyos, at ipagkanulo Siya—kung gayon ay malayong magawa mo na magpasakop sa Diyos. Habang ang tao ay tinutustusan at dinidiligan ng salita ng Diyos, nagsisikap talaga siya para sa iisang mithiin, na magawang makamtan ang walang kondisyon, lubos na pagpapasakop sa Diyos sa dakong huli—kung kailan, ikaw, ang nilikhang ito, ay nakaabot na sa kinakailangang pamantayan. May mga panahon na sinasadya ng Diyos na gumawa ng mga bagay na taliwas sa mga kuru-kuro mo, at sinasadya Niyang gumawa ng mga bagay na salungat sa mga ninanais mo, at maaari pa ngang tila taliwas sa katotohanan, walang pagsasaalang-alang sa iyo, at hindi umaayon sa iyong mga sariling kagustuhan. Ang mga bagay na ito ay maaaring mahirap para sa iyo na tanggapin, maaaring hindi mo maunawaan ang mga bagay na ito, at gaano mo man suriin ang mga ito, maaaring mali ang mga ito sa iyo at hindi mo magawang tanggapin ang mga ito, maaaring madama mo na wala sa katwiran ang Diyos para gawin ito—ngunit ang totoo, sinadya ng Diyos na gawin ito. Ano ang pakay ng Diyos sa paggawa ng mga bagay na ito? Ito ay para subukin at ibunyag ka, para makita kung magagawa mo bang hanapin ang katotohanan o hindi, kung may tunay ka bang pagpapasakop sa Diyos o wala. Huwag maghanap ng batayan para sa lahat ng ginagawa at hinihingi ng Diyos, at huwag magtanong kung bakit. Walang silbi ang subukang mangatwiran sa Diyos. Kailangan mo lang kilalanin na ang Diyos ang katotohanan at magkaroon ng kakayahan na lubos na magpasakop. Kailangan mo lang kilalanin na ang Diyos ang iyong Lumikha at ang iyong Diyos. Mas mataas ito kaysa anumang pangangatwiran, mas mataas kaysa anumang makamundong karunungan, mas matayog kaysa anumang moralidad, etika, kaalaman, pilosopiya, o tradisyonal na kultura ng tao—mas mataas maging sa mga damdamin ng tao, sa pagiging matuwid ng tao, at sa tinaguriang pag-ibig ng tao. Mas mataas ito kaysa anupaman. Kung hindi ito malinaw sa iyo, darating ang isang araw sa malao’t madali na may mangyayari sa iyo at babagsak ka. Pinakamababa nang magrerebelde ka sa Diyos at tatahak sa lihis na landas; kung sa huli ay magagawa mong magsisi, at makilala ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at makilala ang kahalagahan ng gawain ng Diyos sa iyo, magkakaroon ka pa rin ng pag-asang maligtas—ngunit kung ikaw ay mahulog dahil sa bagay na ito at hindi mo nagawang bumangon, wala ka nang pag-asa. Hinahatulan man, kinakastigo, o isinusumpa ng Diyos ang mga tao, ang lahat ng ito ay para mailigtas sila, at hindi sila dapat matakot. Ano ang dapat mong ikatakot? Dapat mong katakutan ang pagsasabi ng Diyos ng, “Itinataboy kita.” Kapag sinabi ito ng Diyos, nasa panganib ka: Ibig sabihin nito ay hindi ka ililigtas ng Diyos, na wala ka nang pag-asang maligtas. Kaya, sa pagtanggap sa gawain ng Diyos, dapat na maunawaan ng mga tao ang kalooban ng Diyos. Anuman ang iyong ginagawa, huwag mong hanapan ng mali ang mga salita ng Diyos, at sabihing, “Ayos lang ang paghatol at pagkastigo, pero ang pagkondena, pagsumpa, pagwasak—hindi ba’t ibig sabihin noon ay katapusan na ng lahat sa akin? Ano pa ang silbi ng pagiging isang nilikha? Kaya hindi na ako magiging isang nilikha, at hindi Ka na magiging Diyos ko.” Kung tinatanggihan mo ang Diyos at hindi ka naninindigan sa iyong patotoo, maaaring itakwil ka talaga ng Diyos. Alam ba ninyo ito? Gaano man katagal nang nananalig ang mga tao sa Diyos, gaano man karaming daan ang nalakbay na nila, gaano man karami ang gawain na nagawa na nila, o gaano man karaming tungkulin ang nagampanan na nila, ang lahat ng ginawa nila sa panahong ito ay para mapaghandaan ang isang bagay. Ano iyon? Naghahanda sila para magkaroon sa huli ng lubusang pagpapasakop sa Diyos, ng walang kondisyong pagpapasakop. Ano ang ibig sabihin ng “walang kondisyon”? Ang ibig sabihin nito ay hindi ka mangangatwiran, at wala kang sasabihin tungkol sa mga sarili mong obhektibong dahilan, ibig sabihin nito ay wala kang magiging walang-saysay na pagtutol; hindi ka karapat-dapat para dito, dahil isa kang nilikha. Kapag gumagawa ka ng walang-saysay na pagtutol sa Diyos, mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan, at kapag sinusubukan mong mangatwiran sa Diyos—muli, mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan. Huwag kang makipagtalo sa Diyos, huwag mo palaging subukang isipin ang dahilan, huwag kang magpumilit na makaunawa bago magpasakop, at huwag magpasakop kapag hindi mo nauunawaan. Kapag ginawa mo ito, mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan, kung gayon ay hindi lubos ang iyong pagpapasakop sa Diyos; ito ay pagpapasakop na depende sa sitwasyon at may kondisyon. Ang mga gumagawa ba ng kondisyon para sa kanilang pagpapasakop sa Diyos ay mga tao na tunay na nagpapasakop sa Diyos? Tinatrato mo ba ang Diyos bilang Diyos? Sinasamba mo ba ang Diyos bilang ang Lumikha? Kung hindi, hindi ka kinikilala ng Diyos. Ano ang dapat mong maranasan para matamo ang walang pasubali at walang kondisyong pagpapasakop sa Diyos? At paano ka dapat dumanas? Una, dapat tanggapin ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at dapat nilang tanggapin ang pagpupungos. Bukod pa rito, dapat nilang tanggapin ang atas ng Diyos, dapat nilang hangarin ang katotohanan habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, dapat nilang maunawaan ang iba’t ibang aspeto ng katotohanan na may kaugnayan sa buhay pagpasok, at matamo ang pagkaunawa sa kalooban ng Diyos. Kung minsan, ito ay lampas sa kakayahan ng mga tao, at wala silang mga kapasidad na makabatid para matamo ang pagkaunawa sa katotohanan, at kaya lamang makaunawa nang kaunti kapag nagbabahagi ang iba sa kanila o sa pamamagitan ng pagkatuto ng mga aral mula sa iba’t ibang sitwasyong nilikha ng Diyos. Ngunit kailangan mong malaman na dapat kang magkaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos, hindi mo dapat subukang mangatwiran sa Diyos o gumawa ng mga kondisyon; ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kung ano ang nararapat na gawin, sapagkat Siya ang Lumikha at ikaw ay isang nilikha. Dapat kang magkaroon ng saloobin ng pagpapasakop, at hindi ka dapat palaging humihingi ng dahilan o nagsasalita tungkol sa mga kondisyon. Kung wala ka ng kahit na pinakapayak na saloobin ng pagpapasakop, at malamang pa na magduda o mag-ingat sa Diyos, o mag-isip, sa iyong puso, “Kailangan kong makita kung ililigtas talaga ako ng Diyos, at kung talagang matuwid ang Diyos. Sinasabi ng lahat na ang Diyos ay pag-ibig—kung gayon, kailangan kong makita kung may pag-ibig nga talaga sa ginagawa sa akin ng Diyos, kung pag-ibig talaga ito,” kung palagi mong sinusuri kung ang ginagawa ng Diyos ay naaayon sa mga kuru-kuro at panlasa mo, o maging sa pinaniniwalaan mo na katotohanan, kung gayon ay mali ang pagkaunawa mo sa dapat mong kalagyan, at nasa panganib ka: Malamang na malalabag mo ang disposisyon ng Diyos. Ang mga katotohanang may kinalaman sa pagpapasakop ay mahalaga, at walang katotohanan ang maaaring lubos at malinaw na maipaliliwanag sa pamamagitan lamang ng dalawang pangungusap; ang lahat ng ito ay nauugnay sa iba’t ibang kalagayan at katiwalian ng mga tao. Ang pagpasok sa katotohanang realidad ay hindi matatamo sa isa o dalawang taon—o sa tatlo o lima. Nangangailangan ito ng pagdanas ng maraming bagay, pagdanas ng maraming paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, pagdanas ng maraming pagpupungos. Kapag natamo mo na ang kakayahang magsagawa ng katotohanan, saka lamang magiging epektibo ang paghahangad mo sa katotohanan, at saka ka lamang magtataglay ng katotohanang realidad. Tanging ang mga nagtataglay ng katotohanang realidad ang mga may tunay na karanasan.