Mga Salita sa Pagkilala sa Gawain at Disposisyon ng Diyos (Sipi 23)

Sabihin mo sa Akin, katotohanan ba na minamahal at kinahahabagan ng Diyos ang tao? (Katotohanan ito.) Katotohanan ba na hindi minamahal ng Diyos ang tao, at sinusumpa at kinokondena pa nga sila? (Katotohanan din ito.) Sa katunayan, ang mga pangungusap na ito ay parehong katotohanan at ganap na wasto. Ngunit hindi simpleng bagay ang sabihin ito, “Katotohanan din na hindi minamahal ng Diyos ang tao,” at mahirap para sa mga tao na sabihin ang mga gayong salita; maaari lang bigkasin ang mga ito kapag may kaalaman na ang isang tao sa disposisyon ng Diyos. Kapag nakita mong may ginawa ang Diyos na isang bagay na mapagmahal, sinasabi mo, “Tunay na minamahal ng Diyos ang tao. Iyan ang katotohanan; Diyos ang may gawa nito,” subalit kapag nakita mong may ginawa ang Diyos na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao—gaya ng pag-kagalit sa mga mapagpaimbabaw na Pariseo o sa mga anticristo, at pagsumpa sa kanila—iniisip mo, “Hindi minamahal ng Diyos ang tao; kinamumuhian Niya ang tao.” Kung gayon mayroon kang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at ikinakaila Siya. Kaya alin sa dalawang sitwasyong ito ang katotohanan? May mga taong hindi ito maipaliwanag nang malinaw. Sa puso ng mga tao, mas mabuti bang minamahal ng Diyos ang tao, o na hindi Niya minamahal ang tao? Walang dudang gusto ng lahat ng mga tao na minamahal ng Diyos ang tao, at sinasabi nilang ang pagmamahal ng Diyos sa tao ay ang katotohanan. Ngunit hindi nila gustong hindi minamahal ng Diyos ang tao, kaya sinasabi nilang ang hindi pagmamahal ng Diyos sa tao ay hindi ang katotohanan, at itinatanggi nila ang kasabihang, “Katotohanan din na hindi minamahal ng Diyos ang tao.” Ano ang batayan para sa pagpapasya ng tao kung ang ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan o hindi? Ganap itong nakabatay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Dapat gawin ng Diyos ang mga bagay-bagay kung paano man gustuhin ng tao na gawin Niya ang mga bagay-bagay, at hindi ito ang katotohanan maliban kung ang ginagawa ng Diyos ay tumutugon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao; kung hindi gusto ng tao ang ginagawa ng Diyos, ang ginagawa ng Diyos ay hindi ang katotohanan. Ang mga tao bang nagpapasya ng katotohanan sa ganoong paraan ay may kaalaman sa katotohanan? (Wala.) Ano ang mga kahihinatnan ng palaging pagbibigay-kahulugan sa Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao? Hahantong ba ito sa pagpapasakop sa Diyos, o sa paglaban sa Diyos? Tiyak na hindi sa pagpapasakop sa Diyos—tanging sa paglaban. Iyon bang mga palaging tinatrato ang Diyos batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon ay mga taong nagpapasakop sa Diyos? O sila ba ay mga taong lumalaban sa Diyos? (Sila ay mga taong lumalaban sa Diyos.) Maaaring matiyak ang puntong ito, at tama na kilalanin ito sa ganitong paraan. Iniisip ng mga tao na ang pagmamahal ng Diyos sa tao ay dapat gaya ng sa isang pastol na humihimas ng tupa, binibigyan sila ng init at kasiyahan, at na dapat nitong matugunan ang kanilang mga emosyonal at pisikal na pangangailangan, kaya pakiramdam ng mga tao ay ganito ang pag-ibig ng Diyos, hindi ba? (Tama, ngunit sa realidad, ang paghatol, pagkastigo, pagpupungos ng Diyos ay mas kapaki-pakinabang sa buhay ng mga tao.) Pagmamahal pa rin ito ng Diyos para sa tao! Matapos ang lahat ng pag-uusap, pakiramdam pa rin ninyo na ang pagmamahal ng Diyos sa tao ay ang katotohanan, at na ang hindi Niya pagmamahal sa tao ay hindi ang katotohanan, hindi ba? (Katotohanan din na hindi minamahal ng Diyos ang tao.) Paanong hindi minamahal ng Diyos ang tao? Ano bang mayroon sa hindi pagmamahal? Alam nating lahat na minamahal ng Diyos ang tao: Ang Kanyang matuwid na disposisyon, ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at ang Kanyang pagtutuwid at pagdidisiplina—ang lahat ng ito ay nasa saklaw ng pagmamahal. Kaya, kung hindi minamahal ng Diyos ang tao, bakit ganoon? (Dahil sa Kanyang matuwid na disposisyon.) Ang paghatol at pagkastigo ba ay buhat sa matuwid na disposisyong iyon? (Oo.) Kung ang paghatol at pagkastigo ay buhat sa matuwid na disposisyong iyon, ang matuwid na disposisyon ba ng Diyos sa tao ay mapagmahal, o hindi mapagmahal? (Ito ay mapagmahal.) Naunawaan na ninyo na ang pagmamahal ng Diyos sa tao ay ang Kanyang matuwid na disposisyon, ngunit buhat ba sa disposisyong iyon ang hindi pagmamahal sa tao? (Oo.) Paanong may matuwid na disposisyon pa rin ang Diyos kahit hindi Niya mahal ang tao? Hayaan ninyong bigyan Ko kayo ng isa pang tanong: Sa palagay ba ninyo ay posible para sa Diyos na hindi mahalin ang tao? Maaari bang magkaroon ng ganoong pagkakataon? (Kapag gumagawa ang tao ng lahat ng uri ng masasamang gawa at sinasaktan ang damdamin ng Diyos, hindi minamahal ng Diyos ang tao.) Ang sinasabi mo ay kondisyonal at batay sa mga paunang kailangan, samantalang ang tinatanong Ko ay hindi pagpapalagay. Ang pagmamahal ng Diyos sa tao ay tiyak na ang katotohanan, at nauunawaan ito ng lahat. Ngunit may mga pagdududa ang mga tao sa kung ang hindi pagmamahal ng Diyos sa tao ay katotohanan. Kung malalampasan mo ang usaping ito, malalampasan mo ang karamihan ng mga bagay na ginagawa ng Diyos, at hindi ka makabubuo ng mga kuru-kuro. Kaugnay sa Diyos, ano ang ilan sa pagpapamalas ng hindi Niya pagmamahal sa tao? (Hindi pa kami mulat sa aspektong ito.) Hindi pa ninyo ito nararamdaman, at hindi pa ninyo ito nararanasan. Anong mga salitang nalalaman natin sa ngayon ang makapagpapaliwanag sa hindi pagmamahal ng Diyos sa tao? Pagkapoot, pagtutol, pagkamuhi, at pagkasuklam; at pati na rin, pag-abandona at pagtataboy. Ito talaga ang mga salita. Nauunawaan ng lahat ang mga salitang ito, kaya maaari bang itumbas ang mga ito sa hindi pagmamahal? (Maaari.) Likas ang mga ito sa pagpapamalas ng hindi pagmamahal ng Diyos sa tao, kaya sa palagay ba ninyo ay katotohanan ang mga ito? (Oo, katotohanan ang mga ito.) Sa inyong pananaw, ang hindi pagmamahal ng Diyos sa tao ay nangangailangan ng saligan: Gumagawa ang Diyos ng mga bagay na hindi mapagmahal sa tao sa konteksto ng pagmamahal sa tao—iyan ang katotohanan. Ipagpalagay nating ang saligang ito ay walang sangkap o batayan para sa pagmamahal, at pagkatapos ay gumagawa ang Diyos ng mga bagay na hindi mapagmahal sa tao, na may pagpapamalas ng hindi pagmamahal sa tao. Hindi ninyo matitiyak kung ang hindi pagmamahal ng Diyos sa tao ay ang katotohanan, ni hindi ninyo magagawang ganap na maunawaan ang mga bagay na iyon. Dito nakasalalay ang pinakamahalagang punto ng usapin, at dahil diyan, dapat tayong magbahaginan tungkol dito.

Sa palagay ba ninyo, ang Diyos, bilang Panginoon ng lahat ng nilikha, ay nilikha ang sangkatauhang ito, at nang magawa ito, kailangan Niyang pangalagaan ang mga tao, na pinamamahalaan ang kinakain at iniinom nila at pinatatakbo ang buong buhay at tadhana nila? (Hindi.) Ibig sabihin, nasa kapangyarihan ba ng Diyos na pangalagaan ka kung gusto Niya, at itapon ka sa karamihan o sa isang partikular na kapaligiran kung ayaw ka Niyang pangalagaan, iniiwan ka para lumubog o lumangoy? (Oo.) Yamang nasa kapangyarihan ito ng Diyos, hindi ba’t ito ang katotohanan na walang pakialam ang Diyos sa tao? (Oo.) Naaayon ito sa katotohanan. Paanong masasabing ito ang katotohanan? (Ang Diyos ang Panginoon ng lahat ng nilikha.) Sa mga tuntunin ng pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, at sa mga tuntunin ng pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan, pangangalagaan ka ng Diyos kung gusto Niya, at kung hindi Niya gustong pangalagaan ka, hindi Niya ito gagawin. Ibig sabihin, naaangkop para sa Diyos na pangalagaan ka kung gusto Niya, at makatwiran kung hindi. Saan ito nakasalalay? Nakasalalay ito sa kung kalooban ba ito ng Diyos o hindi, at ito ang katotohanan. Mayroong mga nagsasabing, “Hindi, yamang nilikha Mo ako, dapat Mong pangalagaan ang aking kakainin at iinumin—dapat Mo akong pangalagaan sa buong buhay ko.” Naaayon ba iyon sa katotohanan? Ito ay di-makatwiran at di naaayon sa katotohanan. Kung sinabi ng Diyos, “Matapos kitang likhain, palalayasin kita at hindi na kita pangangalagaan,” ito ang kapangyarihan ng Lumikha. Dahil maaari kang likhain ng Diyos, may kapangyarihan Siyang palayasin ka, sa maganda man o sa masamang lugar. Iyan ang kapangyarihan ng Diyos. Ano ang batayan para sa kapangyarihan ng Diyos? Ito ay ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, kaya maaari ka Niyang pangalagaan o hindi, at sa alinmang kaso, ito ang katotohanan. Bakit Ko sinasabing ito ang katotohanan? Narito ang dapat maunawaan ng mga tao. Kapag naunawaan mo na ito, malalaman mo kung sino ka, kung sino ang Diyos na sinasampalatayanan mo, at kung ano ang mga pagkakaiba, sa pagitan mo at ng Diyos. Bumalik tayo sa aspekto tungkol sa hindi pagmamahal ng Diyos sa tao. Kailangan bang mahalin ng Diyos ang tao? (Hindi.) Yamang hindi Niya ito kailangang gawin, katotohanan bang hindi minamahal ng Diyos ang tao? (Katotohanan ito.) Hindi ba’t mas pinalilinaw niyan ang mga bagay? Ngayon, pag-usapan natin ito: Dahil ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan at mayroon silang sataniko at tiwaling disposisyon, kung hindi ililigtas ng Diyos ang sangkatauhan at dadalhin ang sangkatauhan sa Kanya, ano ang relasyon sa pagitan ng tao at ng Diyos? (Walang relasyon.) Hindi iyan totoo; mayroon talagang relasyon. Anong uri ng relasyon ito? Isa itong mapanlabang relasyon. Mapanlaban ka sa Diyos, at mapanlaban sa diwa ng Diyos ang iyong kalikasang diwa. Samakatuwid, makatwiran bang hindi ka mahalin ng Diyos? Makatwiran bang kapootan, kamuhian, at kasuklaman ka ng Diyos? (Makatwiran ito.) Bakit ito makatwiran? (Dahil walang anumang bagay sa atin ang karapat-dapat sa pagmamahal ng Diyos, at masyadong labis na ginawang tiwali ang ating mga disposisyon.) Ang Diyos ang Lumikha, at isa kang nilikha, ngunit bilang isang nilikha, hindi mo sinunod ang Diyos o pinakinggan ang Kanyang mga salita; sa halip, sinunod mo si Satanas at naging kabaligtaran at kaaway ng Diyos. Minamahal ka ng Diyos dahil mayroon Siyang diwa ng habag: May awa Siya sa iyo, at inililigtas ka Niya. May ganitong diwa ang Diyos. May habag at malasakit ang Diyos para sa sangkatauhang nilikha Niya. Ang Kanyang pagmamahal sa iyo ay isang pagbubunyag ng Kanyang diwa, na isang aspekto ng katotohanan. Sa kabilang banda, ang sangkatauhan ay hindi karapat-dapat sa pagmamahal ng Diyos. Ang sangkatauhan ay mapagmataas, napopoot sa mga positibong bagay, buktot, marahas, at parehong namumuhi at lumalaban sa Diyos. Kaya, dahil sa diwa ng Diyos—ang Kanyang kabanalan, katuwiran, katapatan, at awtoridad dagdag pa riyan—paano Niya mamahalin ang ganitong sangkatauhan? Maaari bang maging kaayon ng Diyos ang ganitong sangkatauhan? Maaari ba Niya itong mahalin? (Hindi.) Dahil hindi Niya ito maaaring gawin, kapag nakikipag-ugnayan ang Diyos sa mga tao at gusto Niya silang iligtas, ano ang ipakikita ng Diyos? Sa sandaling makipag-ugnayan ang Diyos sa mga tao, ipinapakita Niya ang pagkapoot, at pagkamuhi, at itinataboy Niya ang mga gumagawa ng malubhang kasamaan; hindi ito pagmamahal. Kaya katotohanan ba na hindi minamahal ng Diyos ang tao? (Oo.) Na hindi minamahal ng Diyos ang tao ay ang katotohanan. Tama ba na hindi minamahal ng Diyos ang mga lumalaban sa Kanya? (Oo.) Ito ay patas at makatwiran at itinakda ng matuwid na disposisyon ng Diyos, kaya dito rin, katotohanan na hindi minamahal ng Diyos ang tao. Ano ang nagtatakda na ito ang katotohanan? Itinakda ito ng diwa ng Diyos.

Kaya, matapos isaalang-alang ang lahat: Minamahal ba ng Diyos ang tao? (Oo.) Sa katunayan, ayon sa diwa at pagpapamalas ng tao, hindi karapat-dapat ang tao sa pag-ibig ng Diyos, ngunit maaari pa ring lubos na ibigin ng Diyos ang tao. Sa inyong pananaw, ang Diyos ba ang katotohanan? Ang Kanyang diwa ba ay banal? (Oo.) Sa kabilang banda, dahil labis na kasuklam-suklam ang tao at napakalalim ng kanyang katiwalian, maaari bang mahalin ng Diyos ang tao nang walang kahit kaunting pagkamuhi? Kung walang kaunting pagkamuhi, kaunting pagtutol o pagkasuklam, hindi ito naaayon sa diwa ng Diyos. Ang Diyos ay namumuhi, napopoot at nasusuklam sa sangkatauhang ito, ngunit nagagawa pa rin Niyang iligtas ang mga tao, at ito ang tunay na pagmamahal ng Diyos—ang diwa ng Diyos! Ang hindi pagmamahal ng Diyos sa tao ay dahil sa Kanyang diwa, at na kaya pa rin Niyang mahalin ang tao ay dahil din sa Kanyang diwa. Kaya, ngayong malinaw na ito, alin ang katotohanan: Na minamahal ng Diyos ang tao? O na hindi Niya minamahal ang tao? (Parehong katotohanan ang mga ito.) Ngayon ay nalinaw na ito. Magagawa ba ito ng tao? Walang taong makagagawa nito; wala ni isang tao ang may kaya—ni hindi ng mga tao maging sa kanilang mga sariling anak. Kung palagi kang ginagalit ng anak mo at dinudurog ang iyong puso, magagalit ka sa umpisa, ngunit sa kalaunan ay masusuklam ang iyong puso; kapag napakatagal mo nang nasusuklam dahil sa kanya, tuluyan kang susuko, at sa huli, puputulin mo ang relasyon sa kanya. Ano ang pagmamahal ng tao? Nagmumula ito sa mga pagkagiliw at magkadugong relasyon ng laman, kaya wala itong kinalaman sa katotohanan; ito ang pagmamahal na umuusbong mula sa mga pangangailangan ng laman ng tao at mga pagkagiliw. Ano ang batayan para sa pagmamahal na ito? Batay ito sa mga pagkagiliw, magkadugong relasyon, at interes, at wala ni katiting na katotohanan dito. Ano ang dahilan sa hindi pagmamahal ng tao? Dahil sa pagkamuhi, pagkapoot, at pagkasuklam dulot ng taong nanakit sa kanyang damdamin, hindi na siya nagmamahal; hindi na niya kayang magmahal. Hanggang saan sa tingin ninyo dinurog ng sangkatauhang ito ang puso ng Diyos? (Hindi ito mailalarawan.) Oo, hindi ito mailalarawan. Minamahal pa rin ba ng Diyos ang tao? Hindi mo alam kung minamahal ng Diyos ang tao, ngunit kahit ngayon ay inililigtas ka ng Diyos, palaging gumagawa, nangungusap upang umakay at magkaloob para sa iyo. Hindi ka Niya susukuan hanggang sa pinakahuling sandali, kapag natapos na ang gawain. Hindi ba’t pagmamahal ito? (Oo.) May ganito bang pagmamahal ang sangkatauhan? (Wala.) Kapag wala na ang mga emosyonal na pangangailangan ng mga tao, kapag naputol ang kanilang magkadugong relasyon, at wala nang anumang koneksyon ng interes sa pagitan nila, hindi na sila nagmamahal, wala na ang kanilang pagmamahal, at pinipili na nilang sumuko—na hindi na “magpundar.” Tuluyan na silang sumuko. Ano ang mahalagang pagpapahayag ng pagmamahal? Ito ay ang gumawa ng mga praktikal na bagay at magkamit ng mga resulta, at kung hindi gagawin ang mga bagay na ito na nauugnay sa pagmamahal, walang pagmamahal. May ilang taong nagsasabing kinamumuhian ng Diyos ang tao, ngunit hindi ito ganap na wasto. Kinamumuhian ka ng Diyos, ngunit nangusap ba Siya sa iyo nang mas kaunti? Pinagkalooban ka ba Niya ng mas kaunting katotohanan? Kumilos ba Siya sa iyo nang mas kaunti? (Hindi.) Samakatuwid, sa pagsasabing kinamumuhian ka ng Diyos, wala kang konsensiya; hindi makatwiran ang iyong mga salita. Hindi mali na kinamumuhian ka ng Diyos, ngunit minamahal ka pa rin Niya, at napakalaki na ng nagawa Niya sa buhay mo. Isang katunayan ang kinamumuhian ka ng Diyos, ngunit bakit? Kung nagpasakop ka sa Diyos nang ganap at naging katulad ni Job, kamumuhian ka pa rin ba ng Diyos? Hindi ka na Niya kamumuhian; tanging pagmamahal ang magkakaroon Siya sa iyo. Paano naipapamalas ang pagmamahal ng Diyos? Hindi ito gaya ng pagmamahal ng tao, na tulad ng pagbalot sa isang tao sa bulak. Hindi minamahal ng Diyos ang tao sa gayong paraan: Hinahayaan ka Niyang magkaroon ng normal na buhay ng nilikhang sangkatauhan; hinahayaan ka Niyang maging mulat kung paano mabuhay, paano makaligtas, at paano Siya sambahin; paano maging pinuno sa kalipunan ng lahat ng bagay at magkaroon ng makabuluhang buhay; at hindi gumawa ng mga bagay na walang kabuluhan ni sumunod kay Satanas. Ang kahulugan ba ng pagmamahal ng Diyos ay hindi matatag at malawak? Masyado itong malawak, at ang mga epekto ng paggawa ng Diyos ng ganitong mga bagay ay may napakalaking kahalagahan at ang may pinakamalawak na kabuluhan para sa buong sangkatauhan. Ito ay isang bagay na hindi magagawa ng sinumang tao: Hindi masusukat ang halaga nito, at hindi ito maipagpapalit ng tao sa pera o sa anumang materyal na bagay. Nakikita mo, ang mga tao sa panahon ngayon ay nakauunawa ng ilang katotohanan, at alam nila kung paano sambahin ang Diyos, ngunit alam ba nila ang alinman sa mga ito 20 o 30 taon ang nakalilipas? (Hindi.) Hindi nila alam kung paano nabuo ang Bibliya; hindi nila alam kung ano ang plano ng pamamahala ng Diyos; hindi nila alam kung paano sambahin ang Diyos at mamuhay upang maging isang kwalipikadong nilalang: Hindi nila alam ang alinman sa mga ito. Kaya kung tatalon ka nang dalawampung taon mula ngayon, hindi ba’t magiging mas mahusay ang sangkatauhan sa panahong iyon kaysa sa inyo ngayon? (Magiging mas mahusay sila.) Paano ito mangyayari? Dahil ito sa pagliligtas ng Diyos at sa Kanyang walang hanggang pagmamahal sa tao. Ito ay dahil mayroon Siyang gayong pagpapasensiya, pagpaparaya, at habag para sa tao, kaya napakaraming bagay ang nakamit ng tao. Kung hindi dahil sa dakilang pagmamahal ng Diyos, walang makakamit ang tao.

Sa palagay ba ninyo ay minamahal ng Diyos ang tao? (Oo.) Kinamumuhian ba ng Diyos ang tao? (Oo.) Sa paanong paraan? Sa Kanyang puso, ang Diyos ay tunay na nasusuklam sa tao at napopoot sa kalikasang diwa ng tao. Nasusuklam Siya sa bawat tao, kaya paanong nakakagawa pa rin Siya sa tao? Dahil Siya ay may pagmamahal, at nais Niyang iligtas ang mga taong ito. Hindi ba Niya kinamumuhian ang mga tao kapag inililigtas Niya ang mga ito? Kinamumuhian Niya; sabay na umiiral ang pagkamuhi at pagmamahal. Namumuhi Siya, napopoot Siya, at nasusuklam Siya—ngunit kasabay nito, gumagawa Siya para sa kaligtasan ng tao. Sino sa palagay ninyo ang makagagawa niyan? Walang taong makagagawa niyan. Kapag nakita ng mga tao ang isang taong kinasusuklaman at kinapopootan nila, ayaw na nila itong tingnan, maging ang kausapin ito ay isang kalabisan, o gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Kung walang pinagkakasunduan, ang isang salita ay walang kabuluhan.” Gaano karaming salita ang sinabi ng Diyos sa tao? Napakarami. Masasabi mo bang hindi minamahal ng Diyos ang tao? O na hindi Niya kinamumuhian ang tao? (Hindi.) Ang pagkamuhi ay isang katunayan, gayundin ang pagmamahal. Ipagpalagay nating sinasabi mo, “Kinamumuhian tayo ng Diyos; huwag tayong lumapit sa Kanya. Huwag nating hayaang iligtas tayo ng Diyos, upang hindi Siya mainis sa atin sa lahat ng oras.” Tama ba ito? (Hindi.) Hindi mo iniisip ang damdamin ng Diyos, at hindi mo Siya nauunawaan, ni hindi mo Siya kilala. Sa halip, sa pagsasabi nito, naghihimagsik ka laban sa Diyos at dinudurog mo ang Kanyang puso. Dapat mong maunawaan kung bakit kinamumuhian ng Diyos ang tao at kung paano Niya minamahal ang tao. May mga dahilan sa pagmamahal at pagkamuhi ng Diyos; ang bawat isa ay may kanya-kanyang pinagmulan at mga prinsipyo. Kung sinasabi mo, “Dahil iniligtas ako ng Diyos, dapat mahalin Niya ako; hindi Niya ako pwedeng kamuhian,” isa ba itong hindi makatwirang hinihingi? (Oo.) Kahit na kinamumuhian ka ng Diyos, hindi Siya nagpapaliban sa pagliligtas sa iyo at binibigyan ka pa rin Niya ng pagkakataong magsisi. Wala itong epekto sa pagkain at pag-inom mo ng mga salita ng Diyos o sa pagganap mo sa iyong tungkulin, at patuloy mong natatamasa ang biyaya ng Diyos, kaya bakit nakikipagtalo ka pa rin? Ang pagkamuhi sa iyo ng Diyos ay gaya lang nang nararapat; itinatakda ito ng diwa ng Diyos, at hindi Siya nagpaliban sa pagliligtas sa iyo. Hindi ba’t dapat ay may kaunting kaalaman ang mga tao sa usaping ito? (Dapat.) Ano ang dapat nilang malaman? Dapat nilang malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang Kanyang kabanalan. Paano dapat inaalam ng isang tao ang mga ito? Ano ang tawag dito, kapag labis na kinamumuhian ng Diyos ang sangkatauhang ito ngunit nagagawa Niya pa ring iligtas ito? Masaganang awa. Ito ang nakapaloob sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Tanging ang Diyos ang makagagawa nito; hindi ito gagawin ni Satanas. Bagama’t hindi ka nito kinamumuhian, niyuyurakan ka nito. Kung kinamuhian ka nito, pahihirapan ka nito buong araw, permanenteng ipagkakait pa nga sa iyo ang reengkarnasyon at iiwan ka upang bumulusok sa ikalabingwalong gulong ng impiyerno. Hindi ba’t iyan ang ginagawa ni Satanas? (Iyan nga.) Ngunit tinatrato ba ng Diyos ang mga tao sa ganitong paraan? Talagang hindi. Binibigyan ng Diyos ang mga tao ng sapat na pagkakataon upang magsisi. Samakatuwid, huwag kang matakot na kinamumuhian ka ng Diyos; ang Kanyang pagkamuhi sa iyo ay itinatakda ng Kanyang diwa. Huwag kang tumalikod sa Diyos dahil kinamumuhian ka Niya, na iniisip, “Hindi ako karapat-dapat na iligtas ng Diyos, kaya hindi ako kailangang iligtas ng Diyos; hayaan Siyang malayo sa anumang pag-aalala,” at pagkatapos ay itatakwil mo ang Diyos. Mas lalo kang kamumuhian ng Diyos dahil diyan, dahil pinagtaksilan at hiniya mo Siya at hinayaang pagtawanan ka ni Satanas. Sa tingin ba ninyo ay ganito ito? (Minsan kapag nararanasan kong binabalewala o nakakaranas ako ng ilang balakid at kabiguan, pakiramdam ko ay nadurog ko ang puso ng Diyos, at na hindi na Niya ako ililigtas; ang puso ko ay nasa kalagayan ng pag-iwas sa Diyos.) Ang pagdurog mo sa puso ng Diyos ay hindi pansamantalang bagay; matagal na panahon mo nang dinurog ang puso ng Diyos—at higit pa sa isang beses! Ngunit ang talagang pagsuko sa iyong sarili ay katumbas ng pagbibigay-daan sa Diyos na tuluyang sumuko sa iyo at hindi ka iligtas, at pagkatapos ay talagang madudurog ang puso ng Diyos. Hindi sesentensiyahan ng Diyos ang mga tao ng kamatayan o gagawa ng mga konklusyon tungkol sa kanila dahil sa kanilang pag-uugali, sa panandalian o sa loob ng ilang panahon; hindi Niya gagawin iyan. Paano mo malalaman ang disposisyon ng Diyos? Paano maaayos ang mga kuru-kuro at maling paniniwala ng tao? Hindi mo alam kung ano ang iniisip ng Diyos sa maraming bagay o kung paano itumbas ang mga ito sa Kanyang matuwid na disposisyon at sa Kanyang banal na diwa. Hindi mo nauunawaan, ngunit may isang bagay na dapat mong tandaan: Anuman ang gawin ng Diyos, dapat magpasakop ang tao; ang tao ay isang nilikha, gawa sa alabok, at dapat siyang magpasakop sa Diyos. Ito ang tungkulin, obligasyon, at responsabilidad ng tao. Ito ang saloobin na dapat mayroon ang mga tao. Kapag may ganitong saloobin ang mga tao, paano nila dapat tratuhin ang Diyos at ang mga bagay na ginagawa ng Diyos? Huwag kondenahin kailanman, baka masalungat mo ang disposisyon ng Diyos. Kung mayroon kang mga kuru-kuro, ayusin mo ang mga ito, ngunit huwag mong kondenahin ang Diyos o ang mga bagay na ginagawa Niya. Sa sandaling kondenahin mo ang mga ito, tapos ka na: Katumbas ito ng pagtindig sa panig na salungat sa Diyos, na walang pagkakataong makatanggap ng kaligtasan. Maaari mong sabihin, “Hindi ako tumatayo na salungat sa Diyos ngayon, ngunit mayroon akong maling pagkaunawa sa Diyos,” o “Mayroon akong kaunting pagdududa sa aking puso tungkol sa Diyos; maliit ang aking pananampalataya, at mayroon akong mga kahinaan at pagkanegatibo.” Mapamamahalaan ang lahat ng ito; maaayos ang mga ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan—ngunit huwag mong kondenahin ang Diyos. Kung sasabihin mo, “Hindi tama ang ginawa ng diyos. Hindi ito naaayon sa katotohanan, kaya may dahilan ako upang magduda, magkuwestiyon, at magparatang. Ipagkakalat ko ito sa lahat ng dako at pagbubuklurin ko ang mga tao sa pagkuwestiyon sa kanya,” magiging magulo ito. Magbabago ang saloobin ng Diyos sa iyo, at kung kokondenahin mo ang Diyos, tuluyan kang matatapos; napakaraming paraan kung saan maaaring gumanti ang Diyos sa iyo. Samakatuwid, hindi dapat sadyain ng mga tao na salungatin ang Diyos. Hindi malaking problema kung hindi mo sinasadyang gumawa ng isang bagay upang labanan Siya, dahil hindi ito sinadyang gawin o binalak, at binibigyan ka ng Diyos ng pagkakataon upang magsisi. Kung sinasadya mo itong kondenahin kahit na alam mong ang isang bagay ay gawa ng Diyos, at hinihimok mo ang lahat na sama-samang maghimagsik, ito ay magulo. At ano ang magiging resulta? Matutulad ka sa dalawang daan at limampung pinuno na lumaban kay Moises. Kahit na alam mong ang Diyos iyon, nangangahas ka pa ring maghinanaing sa Kanya. Hindi nakikipagdebate ang Diyos sa iyo: Sa Kanya ang awtoridad; binubuka Niya ang lupa at lalamunin ka nang direkta, at iyon na iyon. Hindi ka na Niya kailanman makikita o hindi na Siya makikinig sa iyong pangangatwiran. Ito ang disposisyon ng Diyos. Ano ang ipinapamalas ng disposisyon ng Diyos sa ngayon? Ito ay poot! Samakatuwid, hindi dapat sa anumang paraan maghinanaing ang mga tao laban sa Diyos o pukawin ang Kanyang poot; kapag may sinumang sumalungat sa Diyos, ang magiging resulta ay perdisyon.