"Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain" | Sipi 11

Paano Itinatatag ng Diyos ang Kalalabasan ng Tao at ang Pamantayan ng Pagtatatag Niya sa Kalalabasan ng Tao

Bago ka magkaroon ng anumang sariling mga pananaw o mga konklusyon, dapat mo munang maunawaan ang saloobin ng Diyos sa iyo, kung ano ang iniisip ng Diyos, bago ka magpasya kung tama o hindi ang sarili mong pag-iisip. Hindi kailanman ginamit ng Diyos ang pamantayan ng oras upang itakda ang kalalabasan ng isang tao, at hindi Niya kailanman ginamit ang sukat ng paghihirap na tiniis ng isang tao upang itakda ang kanilang kalalabasan. Kung gayon ano ang ginagamit ng Diyos na pamantayan sa pagtakda ng kalalabasan ng tao? Ang paggamit sa mga pamantayan ng panahon upang itakda ang kalalabasan ng isang tao—ito ang madalas na tumatalima sa mga pagkaintindi ng mga tao. At mayroon ding mga indibidwal na madalas ninyong makita, ang mga tao na sa isang punto ay nakatuon nang husto, gumugol ng marami, nagbayad ng malaki, nagdusa nang matindi. Ang mga ito ay ang mga, sa pananaw ninyo ay, maaring iligtas ng Diyos. Ang lahat ng mga ipinakikita ng mga taong ito, ang tanging isinabubuhay nila, ay tiyak na pagkaintindi ng sangkatauhan tungkol sa pamantayang gagamitin ng Diyos sa pagtatakda ng kalalabasan ng tao. Hindi alintana kung ano ang pinaniniwalaan ninyo, hindi Ko iisa-isahing ililista ang mga halimbawang ito. Sa makatuwid, hangga’t hindi ito ang pamantayan ng sariling pag-iisip ng Diyos, tiyak na nagmula ito sa imahinasyon ng tao, at ito ay ganap na mga pagkaintindi ng tao. Ano ang kahihinatnan ng pikit-matang paggiit mo sa sarili mong pagkaintindi at imahinasyon? Walang alinlangan, ang tanging kahihinatnan ay ang pagkamuhi ng Diyos sa iyo. Ito ay dahil lagi mong ipinangangalandakan ang mga kwalipikasyon mo sa harapan ng Diyos, nakikipagkumpitensya at nakikipagtalo ka sa Diyos, at hindi mo sinubukang tunay na unawain ang kaisipan ng Diyos, at hindi mo rin sinubukang unawain ang mga layunin at saloobin ng Diyos na para sa sangkatauhan. Ang pagpapatuloy na tulad nito ay pagpuri sa iyong sarili higit sa lahat, hindi pagpuri sa Diyos. Naniniwala ka sa iyong sarili; hindi ka naniniwala sa Diyos. Ayaw ng Diyos ang ganitong uri ng tao, at hindi ililigtas ng Diyos ang ganitong uri ng tao. Kung mapakakawalan mo ang ganitong uri ng pananaw, at maitatama mo ang mga maling pananaw ng nakaraan; kung makapagpapatuloy ka na ayon sa mga hinihingi ng Diyos; mula sa puntong ito simulan mo nang isabuhay ang landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan; parangalan mo ang Diyos bilang dakila sa lahat ng bagay; huwag mong gamitin ang sarili mong mga kinahuhumalingan, mga pananaw, o mga paniniwala upang pakahulugan ang iyong sarili, pakahulugan ang Diyos. At sa halip, hanapin mo ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay, kamtin mo ang isang pagtanto at pag-unawa sa mga saloobin ng Diyos sa sangkatauhan, at gamitin mo ang pamantayan ng Diyos upang masiyahan Siya—kahanga-hanga ang bagay na iyan! Ito ay nangangahulugang paumpisa ka na sa landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.

Yamang hindi ginagamit ng Diyos ang paraan ng pag-iisip ng mga tao sa ganito o sa ganoong paraan, ang kanilang mga ideya at pananaw, bilang batayan upang itakda ang kalalabasan ng tao, kung gayon anong uri ng pamantayan ang ginagamit Niya? Ginagamit ng Diyos ang mga pagsubok upang itakda ang kalalabasan ng tao. Mayroong dalawang mga pamantayan sa paggamit ng mga pagsubok upang itakda ang kalalabasan ng tao: Ang una ay ang bilang ng mga pagsubok na pinagdaanan ng mga tao, at ang pangalawa ay ang resulta ng mga pagsubok na ito. Ito ang dalawang tagapagpahiwatig na magtatakda sa kalalabasan ng tao. Ngayon ipapaliwanag natin ang dalawang mga pamantayang ito.

Una sa lahat, kapag ikaw ay nahaharap sa isang pagsubok mula sa Diyos (tandaan: Posibleng maliit lamang ang pagsubok na ito sa iyong mga mata at walang saysay para banggitin), titiyakin ng Diyos na may kamalayan kang kamay ng Diyos ito sa iyo, at ang Diyos ang naglaan sa pangyayaring ito para sa iyo. Kapag musmos pa ang iyong tayog, maglalaan ang Diyos ng mga pagsubok upang subukin ka. Tutugma ang mga pagsubok na ito sa iyong tayog, kung saan ito ay iyong mauunawaan at mapaglalabanan. Anong bahagi sa iyo ang susubukin? Susubukin ang saloobin mo sa Diyos. Malaki ba ang kahalagahan ng saloobin na ito? Siyempre ito ay mahalaga! Karagdagan pa, bukod-tangi itong mahalaga! Dahil itong saloobin ng tao ang resulta na gusto ng Diyos, ito ang pinakamahalagang bagay para sa Diyos. Kung hindi gayon, ang Diyos ay hindi sana gugugol ng Kanyang pagsisikap sa mga tao sa ganitong uri ng mga gawain. Nais ng Diyos na makita ang saloobin mo sa Kanya sa pamamagitan ng mga pagsubok na ito; gusto Niyang makita kung ikaw ay nasa tamang landas o hindi; at nais Niyang makita kung may takot ka sa Diyos at umiiwas sa kasamaan o hindi. Samakatuwid, hindi alintana sa pagkakataon na yan kung marami o kaunti ang nauunawaan mong katotohanan, haharap ka pa rin sa pagsubok ng Diyos, at kasunod sa anumang pag-unlad sa dami ng katotohanang nauunawaan mo, magpapatuloy ang Diyos sa paglalaan ng mga pagsubok na para sa iyo. Kapag muli kang nahaharap sa isang pagsubok, nais ng Diyos na makita kung ang mga pananaw, mga ideya, at ang saloobin mo sa Diyos ay may anumang paglago sa sandaling iyan. Sabi ng ilang mga tao: “Bakit nais ng Diyos na laging makita ang mga saloobin ng mga tao? Hindi ba nakita ng Diyos ang paraan ng pagsasagawa nila sa katotohanan? Bakit nais pa rin Niyang makita ang mga saloobin ng tao?” Isa itong kalokohang walang kabuluhan! Yamang ganito gumawa ang Diyos, tiyak na nakapaloob ang Kanyang mga layunin dito. Laging inoobserbahan ng Diyos ang mga tao, minamasdan ang bawat salita at gawa nila, ang bawat kilos at galaw nila, kahit ang bawat pag-iisip at mga ideya nila. Ang lahat ng mga mangyayari sa mga tao: ang mga mabubuting gawa, ang mga pagkakamali, ang mga kasalanan, at kahit ang mga pagrerebelde at pagkakanulo nila, itatala lahat ng Diyos ang mga ito bilang ebidensiya sa pagtataguyod ng kanilang mga kalalabasan. Habang lumalaki nang paunti-unti ang gawain ng Diyos, makaririnig ka ng higit pang mga katotohanan, tatanggapin mo ang higit pang mga positibong bagay, mga positibong impormasyon, at ang reyalidad ng katotohanan. Sa pag-usad ng prosesong ito, madadagdagan din ang mga kahilingan ng Diyos sa iyo. Kasabay nito, maglalaan din ang Diyos ng mas mabibigat na mga pagsubok para sa iyo. Ang Kanyang layunin ay upang suriin kung umunlad ba ang saloobin mo sa Diyos sa pagkakataon na yan. Siyempre, sa panahon na ito, ang pananaw na hihilingin ng Diyos sa iyo ay naaayon sa pagkaunawa mo sa reyalidad ng katotohanan.

Habang dahan-dahan na umuunlad ang iyong tayog, ang pamantayan na hihilingin ng Diyos sa iyo ay dahan-dahan din na madadagdagan. Kapag musmos ka pa, magbibigay ang Diyos sa iyo ng isang napakababang pamantayan; kapag mas mataas na ang iyong tayog, magbibigay ang Diyos sa iyo ng mas mataas na pamantayan. Ngunit ano ang gagawin ng Diyos kapag naunawaan mo na ang buong katotohanan? Ihaharap ka ng Diyos sa mas malalaki pang mga pagsubok. Sa gitna ng mga pagsubok na ito, ang nais ng Diyos na matamo, ang nais ng Diyos na makita, ay ang mas malalim na kaalaman mo tungkol sa Diyos at ang tunay na takot mo sa Kanya. Sa pagkakataon na ito, ang mga hihilingin ng Diyos sa iyo ay mas mataas at “mas malupit” kaysa sa hiniling Niya noong mas musmos pa ang iyong tayog (tandaan: Tinitingnan ito ng mga tao bilang malupit, ngunit para sa Diyos ito ay makatwiran). Kapag nagbibigay ang Diyos ng mga pagsubok sa mga tao, anong uri ng reyalidad ang nais Niyang gawin? Patuloy na hinihiling ng Diyos na ibigay ng mga tao ang kanilang puso sa Kanya. Sasabihin ng ilang tao: “Paano ang pagbigay ng isang tao nito? Ginagawa ko ang aking tungkulin, iniwan ko ang tahanan at kabuhayan ko, gumugol ako para sa Diyos. Hindi ba ito halimbawa ng pagbibigay ng aking puso sa Diyos? Sa paanong paraan ko pa maaaring ibigay ang aking puso sa Diyos? Maaari kaya na ang mga ito ay hindi halimbawa ng pagbibigay ng aking puso sa Diyos? Ano ang partikular na hinihiling ng Diyos?” Napakasimple ang kahilingan na ito. Sa katunayan, may ilang taong nagbigay na ng kanilang puso sa Diyos sa iba’t ibang antas at sa iba’t ibang yugto ng kanilang mga pagsubok. Ngunit hindi kailanman ibinigay ng karamihan sa mga tao ang kanilang puso sa Diyos. Kapag nagbibigay ng isang pagsubok ang Diyos sa iyo, nakikita ng Diyos kung ang puso mo ay sa Kanya, sa laman, o kay Satanas. Kapag nagbibigay ng isang pagsubok ang Diyos sa iyo, nakikita ng Diyos kung sumasalungat ka o kaayon ka sa Kanya, at nakikita Niya kung nasa panig Niya ang iyong puso. Kapag wala ka pa sa gulang at nahaharap ka sa mga pagsubok, ang iyong tiwala ay napakababa, at hindi mo alam kung ano ang kailangan mong gawin upang bigyang-kasiyahan ang mga layunin ng Diyos dahil limitado ang pagkaunawa mo sa katotohanan. Sa kabila ng lahat na ito, maaari mo pa ring gawin ang tunay at taimtim na pananalangin sa Diyos, maging handang ibigay ang iyong puso sa Diyos, gawin ang Diyos bilang pinakanamumuno sa buhay mo, at maging handa upang ialay sa Diyos ang mga bagay na pinakamahalaga sa pananaw mo. Ganito kapag naibigay mo na ang iyong puso sa Diyos. Habang nakikinig ka sa mas maraming mga sermon, at mas dumarami ang nauunawaan mong katotohanan, lalago rin nang dahan-dahan ang iyong tayog. Ang pamantayan na hinihiling ng Diyos sa iyo sa panahon na ito ay magkaiba sa hiniling sa iyo nang wala ka pa sa gulang; Hihiling Siya ng mas mataas na pamantayan kaysa sa ibinigay Niya noon. Kapag unti-unting ibinibigay sa Diyos ang puso ng tao, ito ay palapit nang palapit sa Diyos; kapag tunay nang malapit ang tao sa Diyos, unti-unti silang nagkakaroon ng isang puso na may takot sa Kanya. Nais ng Diyos ang ganitong uri ng puso.

Kapag nais ng Diyos na makuha ang puso ng isang tao, bibigyan Niya sila ng maraming mga pagsubok. Sa panahon ng mga pagsubok na ito, kung hindi makukuha ng Diyos ang puso ng taong ito, o kung hindi Niya makikita na may anumang saloobin ang taong ito—ang ibig sabihin ay hindi Niya nakikita na nag-uumpisa ang taong ito sa paggawa ng mga bagay o kumikilos sa isang paraan na may takot sa Diyos, at hindi Niya nakikita mula sa taong ito ang isang saloobin at kapasyahan na umiwas sa kasamaan. Kung ganito pa rin ito, pagkatapos ng maraming mga pagsubok, iuurong ng Diyos ang pagtitiis Niya sa indibidwal na ito, at hindi na Siya magpaparaya para sa taong ito. Hindi na Siya magbibigay ng mga pagsubok sa kanila, at hindi na Siya gagawa pa sa buhay ng mga ito. Kung gayon, ano ang kinalaman nito sa kalalabasan ng taong ito? Ito ay nangangahulugan na wala silang kalalabasan. Posible na walang nagawang masama ang taong ito. Posible rin na wala silang ginawang nakagagambala o nakaaabala. Posible rin na hindi sila lantarang lumalaban sa Diyos. Gayunman, ang puso ng taong ito ay nakatago mula sa Diyos. Hindi sila kailanman nagkaroon ng malinaw na saloobin at pananaw sa Diyos, at hindi malinaw para sa Diyos kung ibinigay ba nila sa Kanya ang kanilang mga puso, at hindi malinaw para sa Kanya kung nagsisikap ba ang taong ito na hangarin na matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan. Naubos na ang pagtitiis ng Diyos para sa mga taong ito, hindi na Siya magdurusa, hindi na Siya magbibigay ng awa, at hindi na Siya gagawa sa buhay ng mga ito. Tapos na ang paniniwala ng taong ito sa Diyos. Ito ay dahil sa lahat ng maraming pagsubok na ibinigay ng Diyos sa taong ito, hindi natamo ng Diyos ang resulta na gusto Niya. Kaya, napakaraming mga tao ang hindi Ko nakitaan ng pagliliwanag at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu. Paano nakikita ang bagay na ito? Ang ganitong uri ng tao ay maaaring nanampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon, at napaka-aktibo nila sa panlabas. Maraming libro ang binasa nila, maraming gawain ang pinangasiwaan nila, pinuno ang halos 10 kuwaderno ng mga tala, at naging dalubhasa sila sa maraming mga liham at mga doktrina. Subalit, kailanman walang anumang nakikita na paglago, at nakikitang pananaw patungkol sa Diyos mula sa taong ito, at wala ring anumang malinaw na saloobin sa kanya. Iyon ang ibig sabihin na hindi mo nakikita ang puso ng taong ito. Laging balot ang kanilang puso, selyado ang kanilang mga puso—selyado ito para sa Diyos, kaya hindi nakita ng Diyos ang tunay na puso ng taong ito, hindi Niya nakita ang tunay na takot ng taong ito sa Diyos at mas lalo na, hindi Niya nakita kung paano lumakad ang taong ito sa landas ng Diyos. Kung hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakamit ng Diyos ang ganitong uri ng tao, makakamit kaya Niya sila sa hinaharap? Hindi Niya magagawa! Ipagpipilitan ba ng Diyos ang mga bagay na hindi natatamo? Hindi! Kung gayon, ano ang kasalukuyang saloobin ng Diyos sa mga taong ito? (Kinasusuklaman Niya sila, hindi Niya sila pakikinggan.) Hindi Niya sila pakikinggan! Hindi pakikinggan ng Diyos ang ganitong uri ng tao; Kinasusuklaman Niya sila. Nakabisado ninyo agad ang mga salitang ito, napakatumpak. Tila naintindihan ninyo kung ano ang inyong narinig!

May ilang mga tao na, sa simula ng pagsunod nila sa Diyos, sila ay musmos at mangmang; hindi nila nauunawan ang mga layunin ng Diyos; hindi rin nila alam kung paano ang maniwala sa Diyos, niyakap nila ang gawa ng tao at maling paraan ng paniniwala sa Diyos, pagsunod sa Diyos. Kapag nahaharap sa isang pagsubok ang ganitong uri ng tao, hindi nila alam ito, at manhid sila sa gabay at pagliliwanag ng Diyos. Hindi nila alam ang ibig sabihin ng pagbibigay ng kanilang puso sa Diyos, at ang ibig sabihin ng matatag na manindigan sa panahon ng isang pagsubok. Magbibigay ang Diyos ng limitadong oras sa taong ito, at sa panahon na ito, ipauunawa Niya sa kanila kung ano ang pagsubok ng Diyos, kung ano mga layunin ng Diyos. Pagkatapos nito, kailangang ipakita ng taong ito ang kanyang pananaw. Tungkol sa mga tao na nasa baitang na ito, naghihintay pa rin ang Diyos. Tungkol sa mga tao na may ilang pananaw ngunit nag-aalinlangan pa, na nagnanais ibigay sa Diyos ang kanilang puso pero hindi nila kayang gawin ito, na, bagama't naisagawa na nila ang ilang batayang katotohanan, kapag nahaharap sila sa isang malaking pagsubok, ay umiilag at nais sumuko—ano ang saloobin ng Diyos sa mga taong ito? May maliit pa rin na inaasahan ang Diyos sa mga taong ito. Ang resulta ay nakasalalay sa kanilang mga pag-uugali at mga pagganap. Paano ang tugon ng Diyos kung hindi aktibo ang mga tao sa pagsulong? Sumusuko Siya. Dahil bago pa man sumuko ang Diyos sa iyo, sumuko ka na sa iyong sarili. Kaya, hindi mo maaaring sisihin ang Diyos sa paggawa nito, kaya mo ba? Makatarungan ba ito? (Ito ay makatarungan.)

Mula sa “Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao”

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.
Makipag-ugnayan sa Amin
Kontakin Kami Gamit ang Messenger

Kaugnay na Nilalaman