Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1) (Unang Bahagi)

Sa Kapanahunan ng Biyaya, inihanda ni Juan ang daan para kay Jesus. Hindi kayang gawin ni Juan ang gawain ng Diyos Mismo kundi tinupad lamang ang tungkulin ng tao. Kahit si Juan ang tagapagpauna ng Panginoon, hindi niya kayang katawanin ang Diyos; isa lamang siyang tao na ginamit ng Banal na Espiritu. Kasunod ng bautismo ni Jesus, ang Banal na Espiritu ay bumaba sa Kanya tulad ng isang kalapati. Pagkatapos, sinimulan na Niya ang Kanyang gawain, iyon ay, sinimulan Niyang isagawa ang ministeryo ni Cristo. Iyon ang dahilan kung bakit ginamit Niya ang pagkakakilanlan ng Diyos, sapagkat Siya ay nagmula sa Diyos. Paano man ang Kanyang pananampalataya bago ito—marahil kung minsan ito ay mahina, o kung minsan ito ay malakas—iyon lamang ang Kanyang normal na buhay bilang tao bago Niya ginawa ang Kanyang ministeryo. Pagkatapos Siyang bautismuhan (ibig sabihin, pahiran), agad Siyang nagkaroon ng kapangyarihan at ng kaluwalhatian ng Diyos, at sa gayon ay nagsimulang ganapin ang Kanyang ministeryo. Kaya Niyang gumawa ng mga tanda at mga kababalaghan, gumawa ng mga himala, at mayroon Siyang kapangyarihan at awtoridad, sapagkat Siya ay gumagawa nang direkta sa ngalan ng Diyos Mismo; ginagawa Niya ang gawain ng Espiritu na kahalili Niya at ipinapahayag ang tinig ng Espiritu. Samakatuwid, Siya ang Diyos Mismo. Hindi ito mapag-aalinlanganan. Ginamit si Juan ng Banal na Espiritu. Hindi niya kayang katawanin ang Diyos, at hindi rin posible para sa kanya na kumatawan sa Diyos. Kung naisin niya na gawin ito, hindi ito papayagan ng Banal na Espiritu, sapagkat hindi niya kayang gawin ang gawain na nilayon ng Diyos Mismo na isakatuparan. Marahil marami sa kanya ang kalooban ng tao, o may bagay sa kanyang lihis; hindi niya kailanman maaaring direktang katawanin ang Diyos. Kinakatawan lamang ng kanyang mga pagkakamali at kalisyaan ang sarili niya, ngunit kinakatawan ng kanyang gawain ang Banal na Espiritu. Gayunpaman, hindi mo maaaring sabihing kinakatawan ng lahat sa kanya ang Diyos. Kaya ba ng kanyang paglihis at kalisyaan na katawanin din ang Diyos? Normal sa kumakatawan sa tao na maging mali, ngunit kung nagkaroon siya ng paglihis sa pagkatawan sa Diyos, hindi ba iyan sisira sa puri ng Diyos? Hindi ba iyan kalapastanganan laban sa Banal na Espiritu? Hindi basta pinapahintulutan ng Banal na Espiritu ang tao na tumayo sa lugar ng Diyos, kahit na dinadakila siya ng iba. Kung hindi siya ang Diyos, hindi niya magagawang manatiling nakatayo sa katapusan. Hindi pinapahintulutan ng Banal na Espiritu ang tao na kumatawan sa Diyos ayon sa pagnanais ng tao! Halimbawa, nagpatotoo kay Juan ang Banal na Espiritu, at ibinunyag din na siya ang maghahanda ng daan para kay Jesus, ngunit mahusay na sinukat ng Banal na Espiritu ang gawain na ginawa sa kanya. Ang tanging hiningi kay Juan ay ang maging tagahanda ng daan para kay Jesus, ang ihanda ang daan para sa Kanya. Ibig sabihin, itinaguyod lamang ng Banal na Espiritu ang kanyang gawain sa paghahanda ng daan at pinahintulutan lamang siya na gawin ang ganoong gawain—hindi siya pinahintulutang gumawa ng iba pang gawain. Kinatawan ni Juan si Elias, at kinatawan niya ang isang propeta na naghanda ng daan. Itinaguyod siya rito ng Banal na Espiritu; hangga’t ang kanyang gawain ay ang ihanda ang daan, itinaguyod siya ng Banal na Espiritu. Subalit, kung sinabi niyang siya ang Diyos Mismo at sinabing dumating siya upang tapusin ang gawain ng pagtubos, kinailangan sana siyang disiplinahin ng Banal na Espiritu. Gaano man kahusay ang gawain ni Juan, at itinaguyod man ito ng Banal na Espiritu, mayroong mga hangganan ang kanyang gawain. Ang kanyang gawain ay totoong itinaguyod ng Banal na Espiritu, ngunit limitado sa paghahanda ng daan ang kapangyarihan na ibinigay sa kanya sa oras na iyon. Hindi niya maaaring gawin, sa anumang paraan, ang anumang iba pang gawain, dahil siya lamang ay si Juan na naghanda ng daan, at hindi si Jesus. Samakatuwid, susi ang patotoo ng Banal na Espiritu, ngunit mas mahalaga pa ang gawain na pinapahintulutan ng Banal na Espiritu na gawin ng tao. Hindi ba’t nakatanggap si Juan ng matunog na patotoo noong panahong iyon? Hindi ba’t dakila rin ang kanyang gawain? Ngunit hindi malalampasan ng gawain na kanyang ginawa yaong kay Jesus, sapagkat siya ay isang tao lamang na ginamit ng Banal na Espiritu at hindi maaaring tuwirang kumatawan sa Diyos, at kaya ang gawain na kanyang ginawa ay limitado. Pagkaraan niyang matapos ang paghahanda ng daan, hindi na itinaguyod ng Banal na Espiritu ang kanyang patotoo, walang bagong gawain ang sumunod sa kanya, at siya ay umalis habang ang gawain ng Diyos Mismo ay nagsisimula.

May ilang sinasaniban ng masasamang espiritu at malakas na sumisigaw ng, “Ako ang Diyos!” Ngunit sa katapusan, sila ay nabubunyag dahil sila ay mali sa kanilang kinakatawan. Kinakatawan nila si Satanas, at hindi sila binibigyang-pansin ng Banal na Espiritu. Gaano man kataas ang pagpapahalaga mo sa iyong sarili o gaano ka man kalakas sumigaw, ikaw ay isang nilalang pa rin at isa na nabibilang kay Satanas. Kailanman ay hindi Ako sumisigaw ng, “Ako ang Diyos, Ako ang sinisintang Anak ng Diyos!” Ngunit ang gawaing ginagawa Ko ay gawain ng Diyos. Kailangan Ko bang sumigaw? Hindi kailangan ang pagpaparangal. Ginagawa ng Diyos Mismo ang Kanyang gawain at hindi kailangan ng tao na bigyan Siya ng isang katayuan o kagalang-galang na titulo: kinakatawan na ng Kanyang gawain ang Kanyang pagkakakilanlan at katayuan. Bago ang Kanyang bautismo, hindi ba’t si Jesus ang Diyos Mismo? Hindi ba’t Siya ang nagkatawang-taong Diyos? Tiyak na hindi maaaring sabihin na naging tanging Anak ng Diyos lamang Siya pagkatapos Niyang napatotohanan? Wala bang tao na may pangalang Jesus sa matagal na panahon bago Siya nagsimula ng Kanyang gawain? Hindi mo kayang maghatid ng mga bagong landas o kumatawan sa Espiritu. Hindi mo kayang ipahayag ang gawain ng Espiritu o ang mga salita na sinasabi Niya. Hindi mo kayang gawin ang gawain ng Diyos Mismo o yaong sa Espiritu. Ang karunungan, pagiging kamangha-mangha, at pagiging di-maarok ng Diyos, at ang buong disposisyon sa pagkastigo ng Diyos sa tao—lahat ng ito ay higit sa iyong kakayahang magpahayag. Kaya walang saysay na angkinin mo na ikaw ang Diyos; magkakaroon ka lamang ng pangalan ngunit hindi ng diwa. Dumating na ang Diyos Mismo, ngunit walang nakakakilala sa Kanya, gayunman patuloy Siya sa Kanyang gawain at ginagawa ang gayon sa pagkatawan sa Espiritu. Tawagin mo man Siyang tao o Diyos, ang Panginoon o Cristo, o tawagin Siyang kapatid na babae, hindi ito mahalaga. Ngunit ang gawaing ginagawa Niya ay yaong sa Espiritu at kumakatawan sa gawain ng Diyos Mismo. Wala Siyang pakialam sa pangalan na itinatawag sa Kanya ng tao. Puwede bang matukoy ng pangalang iyon ang Kanyang gawain? Anuman ang itawag mo sa Kanya, sa pananaw ng Diyos, Siya ang nagkatawang-taong laman ng Espiritu ng Diyos; kinakatawan Niya ang Espiritu at sinasang-ayunan ng Espiritu. Kung hindi mo kayang gumawa ng daan para sa isang bagong kapanahunan, o dalhin ang dati sa katapusan, o maghatid ng isang bagong kapanahunan o gumawa ng bagong gawain, hindi ka maaaring tawaging Diyos!

Kahit ang isang tao na ginagamit ng Banal na Espiritu ay hindi maaaring kumatawan sa Diyos Mismo. At hindi lamang hindi maaaring kumatawan ang taong ito sa Diyos, hindi rin maaaring direktang kumatawan ang kanyang gawain sa Diyos. Ibig sabihin niyan, hindi maaaring direktang ilagay sa loob ng pamamahala ng Diyos ang karanasan ng tao, at hindi ito maaaring kumatawan sa pamamahala ng Diyos. Ang lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos Mismo ay ang gawaing ninanais Niya na gawin sa Kanyang sariling plano ng pamamahala at may kaugnayan sa dakilang pamamahala. Ang gawain na ginagawa ng tao ay binubuo ng pagtustos ng kanilang indibiduwal na karanasan. Binubuo ito ng pagkakasumpong ng isang bagong landas ng karanasan na higit sa nilakaran niyaong mga nauna sa kanila, at ng paggabay sa kanilang mga kapatid sa ilalim ng patnubay ng Banal na Espiritu. Ang itinutustos ng mga taong ito ay ang kanilang indibiduwal na karanasan o mga espirituwal na kasulatan ng mga espirituwal na tao. Kahit na sila ay ginagamit ng Banal na Espiritu, ang gawain ng gayong mga tao ay walang kinalaman sa dakilang gawain ng pamamahala na nasa anim-na-libong-taong plano. Ibinangon lamang sila ng Banal na Espiritu sa iba’t ibang panahon upang ihantong ang mga tao sa agos ng Banal na Espiritu hanggang sa magwakas ang mga tungkuling kaya nilang gampanan o dumating sa katapusan ang kanilang buhay. Ang gawaing ginagawa nila ay para lamang ihanda ang naaangkop na daan para sa Diyos Mismo o upang ipagpatuloy ang isang aspeto ng pamamahala ng Diyos Mismo sa lupa. Sa sarili nila, hindi kayang gawin ng mga taong ito ang mas dakilang gawain ng Kanyang pamamahala, at hindi sila makakapagbukas ng mga bagong daan palabas, lalo na ang tapusin ninuman sa kanila ang lahat ng gawain ng Diyos mula sa naunang kapanahunan. Samakatuwid, ang gawaing kanilang ginagawa ay kumakatawan lamang sa isang nilalang na gumaganap ng kanyang tungkulin at hindi maaaring kumatawan sa Diyos Mismo na gumaganap ng Kanyang ministeryo. Ito ay dahil ang gawaing kanilang ginagawa ay hindi tulad niyaong ginagawa ng Diyos Mismo. Hindi maaaring gawin ng tao bilang kahalili ng Diyos ang gawain ng paghahatid ng isang bagong kapanahunan. Hindi ito maaaring gawin ng sino pa man bukod sa Diyos Mismo. Ang lahat ng gawain na ginagawa ng tao ay pagganap ng kanyang tungkulin bilang isang nilalang at ito ay ginagawa kapag naaantig o naliliwanagan siya ng Banal na Espiritu. Ang patnubay na ibinibigay ng mga taong ito ay ganap na binubuo ng pagpapakita sa tao ng landas ng pagsasagawa sa pang-araw-araw na buhay at kung paano dapat kumilos ang tao na katugma sa kalooban ng Diyos. Hindi kinapapalooban ang gawain ng tao ng pamamahala ng Diyos at hindi rin ito kumakatawan sa gawain ng Espiritu. Bilang halimbawa, ang gawain nina Witness Lee at Watchman Nee ay ang manguna sa daan. Maging bago man o luma ang daan, ang gawain ay nakabase sa prinsipyo na nananatiling nakapaloob sa Biblia. Kung ito man ay para buhaying muli ang lokal na iglesia o magtayo ng lokal na iglesia, ang kanilang gawain ay ang magtatag ng mga iglesia. Ipinagpatuloy ng gawaing kanilang ginawa ang gawain na hindi natapos ni Jesus at ng Kanyang mga apostol o hindi pa lalong pinaunlad sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang kanilang ginawa sa kanilang gawain ay ang buhaying muli ang hiniling ni Jesus sa Kanyang gawain sa mga salinlahi pagkatapos Niya, kagaya ng pagpapanatiling nakatalukbong ang kanilang mga ulo, pagbautismo, pagpipira-piraso ng tinapay, o pag-inom ng alak. Maaaring sabihin na ang kanilang gawain ay ang manatili lamang sa Biblia at maghanap ng mga landas na nakapaloob lamang sa Biblia. Wala silang ginawang bagong pagsulong sa anumang paraan. Samakatuwid, makikita sa kanilang gawain ang pagkatuklas lamang ng mga bagong landas na nakapaloob sa Biblia, gayundin ang mas mahusay at mas makatotohanang mga pagsasagawa. Ngunit hindi makikita sa kanilang gawain ang kasalukuyang kalooban ng Diyos, lalong hindi makikita ang bagong gawain na balak gawin ng Diyos sa mga huling araw. Ito ay dahil sa ang landas na kanilang nilakaran ay luma pa rin; walang pagpapanibago at walang pagsulong. Nagpatuloy silang kumapit sa katotohanan ng pagkakapako sa krus ni Jesus, sa pagsasagawa ng paghingi sa mga tao na magsisi at ikumpisal ang kanilang mga kasalanan, sa mga kasabihan na siya na nagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas, at na ang lalaki ang pinuno ng babae, at dapat pasakop ang babae sa kanyang asawa, at lalo na sa tradisyonal na pagkaintindi na hindi puwedeng mangaral ang mga kapatid na babae, kundi sumunod lamang. Kung ang gayong paraan ng pamumuno ay nagpatuloy, hindi sana kailanman nagawa ng Banal na Espiritu na magsakatuparan ng bagong gawain, mapalaya ang mga tao mula sa doktrina, o pangunahan ang mga tao tungo sa isang kinasasaklawan ng kalayaan at kagandahan. Samakatuwid, ang yugtong ito ng gawain, na binabago ang kapanahunan, ay dapat na gawin at bigkasin ng Diyos Mismo, kung hindi, walang sinumang tao ang makakagawa bilang kahalili Niya. Hanggang sa kasalukuyan, ang lahat ng gawain ng Banal na Espiritu sa labas ng daloy na ito ay huminto at yaong mga ginamit ng Banal na Espiritu ay nawalan ng direksyon. Samakatuwid, dahil ang gawain ng mga tao na ginamit ng Banal na Espiritu ay hindi tulad ng gawain na ginagawa ng Diyos Mismo, ang kanilang mga pagkakakilanlan at ang kanilang kinakatawan ay naiiba rin. Ito ay dahil naiiba ang gawain na balak gawin ng Banal na Espiritu, at dahil doon ay binibigyan ng magkakaibang pagkakakilanlan at katayuan ang mga gumagawa. Maaari ding gawin ng mga taong ginagamit ng Banal na Espiritu ang ilang bagong gawain at maaari din nilang alisin ang ilang gawain na ginawa sa naunang kapanahunan, ngunit hindi maaaring ipahayag ng kanilang gawain ang disposisyon at kalooban ng Diyos sa bagong kapanahunan. Gumagawa lamang sila upang alisin ang gawain ng naunang kapanahunan, hindi upang gawin ang bagong gawain para direktang kumatawan sa disposisyon ng Diyos Mismo. Kaya, kahit gaano karaming makalumang pagsasagawa ang kanilang buwagin o bagong pagsasagawa ang kanilang ipakilala, kumakatawan pa rin sila sa tao at mga nilalang. Gayunman, kapag ang Diyos Mismo ang nagsasakatuparan ng gawain, hindi Niya lantarang idinedeklara ang pagbuwag ng mga pagsasagawa ng lumang kapanahunan o direktang idinedeklara ang pagsisimula ng isang bagong kapanahunan. Direkta Siya at walang paliguy-ligoy sa Kanyang gawain. Tahasan Siya sa pagganap ng binabalak Niyang gawin; iyon ay, direkta Siyang nagpapahayag ng gawaing pinasimulan Niya, direktang ginagawa ang Kanyang gawain ayon sa orihinal na layunin, ipinahahayag kung ano Siya at ang Kanyang disposisyon. Sa tingin ng tao, ang Kanyang disposisyon at gayon din ang Kanyang gawain ay hindi tulad niyaong sa mga nakaraang kapanahunan. Subalit, mula sa pananaw ng Diyos Mismo, pagpapatuloy lamang ito at karagdagang pag-unlad ng Kanyang gawain. Kapag gumagawa ang Diyos Mismo, ipinahahayag Niya ang Kanyang salita at direktang naghahatid ng bagong gawain. Sa kabaligtaran, kapag gumagawa ang tao, ito ay sa pamamagitan ng masusing pagtalakay at pag-aaral, o ito ay ang pagpapaunlad ng kaalaman at pagbubuo ng sistema ng pagsasagawa na itinayo sa saligan ng gawain ng iba. Ibig sabihin, ang diwa ng gawaing ginagawa ng tao ay ang sundin ang itinatag na sistema at “lumakad sa mga dating landas gamit ang mga bagong sapatos.” Ito ay nangangahulugan na kahit na ang landas na nilakaran ng mga tao na ginamit ng Banal na Espiritu ay itinayo roon sa binuksan ng Diyos Mismo. Kaya, matapos ang lahat, ang tao ay tao pa rin at ang Diyos ay Diyos.

Si Juan ay isinilang sa pamamagitan ng pangako, katulad ng pagkakasilang ni Isaac kay Abraham. Inihanda niya ang daan para kay Jesus at gumawa ng maraming gawain, ngunit hindi siya Diyos. Sa halip, siya ay isang propeta sapagkat inihanda lamang niya ang daan para kay Jesus. Ang kanyang gawain ay dakila rin, at pagkatapos lamang niyang naihanda ang daan saka opisyal na nagsimula ang gawain ni Jesus. Sa diwa, siya ay nagpagal lamang para kay Jesus, at ang kanyang gawain ay paglilingkod sa gawain ni Jesus. Pagkatapos niyang ihanda ang daan, sinimulan ni Jesus ang Kanyang gawain, gawain na mas bago, mas tiyak, at mas detalyado. Ginawa lamang ni Juan ang panimulang gawain; mas marami sa bagong gawain ay ginawa ni Jesus. Si Juan ay gumawa rin ng bagong gawain, ngunit hindi siya ang naghatid ng isang bagong kapanahunan. Ipinanganak si Juan sa pamamagitan ng pangako, at ibinigay ng anghel ang kanyang pangalan. Sa oras na iyon, nais ng ilan na isunod ang kanyang pangalan sa kanyang ama na si Zacarias, ngunit nagsalita ang kanyang ina, na nagsabi, “Ang batang ito ay hindi maaaring tawagin sa pangalan na iyan. Dapat siyang tawagin na Juan.” Iniutos itong lahat ng Banal na Espiritu. Si Jesus ay pinangalanan din ayon sa utos ng Banal na Espiritu, ipinanganak Siya ng Banal na Espiritu, at sa pamamagitan ng pangako ng Banal na Espiritu. Si Jesus ay ang Diyos, si Cristo, at ang Anak ng tao. Dakila rin ang gawain ni Juan, ngunit bakit hindi siya tinawag na Diyos? Ano mismo ang pagkakaiba ng gawain na ginawa ni Jesus at ng ginawa ni Juan? Ang tanging dahilan lamang ba ay si Juan ang naghanda ng daan para kay Jesus? O dahil itinalaga na ito ng Diyos? Kahit na sinabi rin ni Juan, “Mangagsisi kayo; sapagkat malapit na ang kaharian ng langit,” at nangaral din siya ng ebanghelyo ng kaharian ng langit, ang kanyang gawain ay hindi na pinaunlad pa at bumuo lamang ng simulain. Sa kaibhan, inihatid ni Jesus ang isang bagong kapanahunan at dinala rin ang lumang kapanahunan sa katapusan, ngunit tinupad din Niya ang kautusan ng Lumang Tipan. Mas dakila ang gawain na ginawa Niya kaysa kay Juan, at bukod pa rito, pumarito Siya upang tubusin ang buong sangkatauhan—ginawa Niya ang yugto ng gawain na iyan. Naghanda lamang ng daan si Juan. Kahit na dakila ang kanyang gawain, marami siyang salita, at maraming alagad ang sumunod sa kanya, walang higit na ibinunga ang kanyang gawain kundi dalhin ang isang bagong simula sa tao. Hindi kailanman nakatanggap mula sa kanya ang tao ng buhay, ng daan, o malalalim na katotohanan, at wala rin silang nakamit na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan niya. Si Juan ay isang dakilang propeta (Elias) na nagpasimuno ng bagong batayan para sa gawain ni Jesus at inihanda ang mga hinirang; siya ang tagapagpauna ng Kapanahunan ng Biyaya. Hindi makikilala ang ganitong mga bagay sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa kanilang mga normal na anyong tao. Lalo na dahil gumawa rin ng ilang mahusay na gawain si Juan at, higit pa rito, ipinanganak siya sa pamamagitan ng pangako ng Banal na Espiritu, at itinaguyod ng Banal na Espiritu ang kanyang gawain. Dahil dito, ang pagtukoy sa pagkakaiba ng kanilang mga sariling pagkakakilanlan ay maaari lamang magawa sa pamamagitan ng kanilang gawain, sapagkat hindi masasabi sa panlabas na anyo ng isang tao ang kanyang diwa, at hindi rin kaya ng tao na alamin ang tunay na patotoo ng Banal na Espiritu. Ang gawain na ginawa ni Juan at ang ginawa ni Jesus ay hindi magkatulad at magkaiba ng kalikasan. Dito matutukoy kung Diyos ba si Juan o hindi. Ang gawain ni Jesus ay ang magsimula, magpatuloy, tumapos, at tumupad. Isinagawa ni Jesus ang bawat isa sa mga hakbang na ito, samantalang ang gawain ni Juan ay hindi hihigit sa pagsisimula. Sa simula, ipinalaganap ni Jesus ang ebanghelyo at ipinangaral ang daan ng pagsisisi, pagkatapos ay nagbautismo ng tao, nagpagaling ng mga maysakit, at nagpalayas ng mga demonyo. Sa katapusan, tinubos Niya ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kinumpleto ang Kanyang gawain para sa buong kapanahunan. Nangaral din Siya sa tao at nagpalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng langit sa lahat ng lugar. Ito ay pareho kay Juan, na ang pagkakaiba ay dahil naghatid si Jesus ng isang bagong kapanahunan at nagdala sa tao ng Kapanahunan ng Biyaya. Lumabas mula sa Kanyang bibig ang salita tungkol sa dapat isagawa ng tao at ang daan na dapat sundan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya, at sa katapusan, tinapos Niya ang gawain ng pagtubos. Hindi kailanman maisasagawa ni Juan ang gayong gawain. At sa gayon, si Jesus ang gumawa ng gawain ng Diyos Mismo, at Siya ang Diyos Mismo at direktang kumakatawan sa Diyos. Sinasabi ng mga pagkaintindi ng tao na lahat niyaong isinilang sa pamamagitan ng pangako, isinilang ng Espiritu, pinagtibay ng Banal na Espiritu, at ang nagbukas ng mga bagong daan palabas ay ang Diyos. Alinsunod sa katwirang ito, si Juan ay ang Diyos din, at si Moises, si Abraham, at si David…, lahat sila ay ang Diyos din. Hindi ba ito isang malaking biro?

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger