Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao (Unang Bahagi)

Gaano karami sa gawain ng tao ang gawain ng Banal na Espiritu at gaano karami ang karanasan ng tao? Masasabi na hindi pa rin nauunawaan ng mga tao ang mga tanong na ito, at iyan ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu. Kapag sinabi Kong “gawain ng tao,” ang tinutukoy Ko, mangyari pa, ay ang gawain ng mga nagtataglay ng gawain ng Banal na Espiritu o ng mga kinakasangkapan ng Banal na Espiritu. Hindi Ko tinutukoy ang gawaing nagmumula sa kalooban ng tao, kundi sa gawain ng mga apostol, manggagawa, o karaniwang mga kapatid na nasa saklaw ng gawain ng Banal na Espiritu. Dito, “ang gawain ng tao” ay hindi tumutukoy sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, kundi sa saklaw at mga prinsipyo ng gawaing isinasagawa ng Banal na Espiritu sa mga tao. Habang ang mga prinsipyong ito ay ang mga prinsipyo at saklaw ng gawain ng Banal na Espiritu, hindi ito kapareho ng mga prinsipyo at saklaw ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang gawain ng tao ay may diwa at mga prinsipyo ng tao, at ang gawain ng Diyos ay may diwa at mga prinsipyo ng Diyos.

Ang gawaing nasa daloy ng Banal na Espiritu, sariling gawain man ng Diyos o gawain ng mga taong kinakasangkapan, ay ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang diwa ng Diyos Mismo ay ang Espiritu, na matatawag na Banal na Espiritu o ang Espiritung pinatindi nang pitong ulit. Sa kabuuan, Sila ang Espiritu ng Diyos, bagama’t tinawag na ang Espiritu ng Diyos sa iba-ibang katawagan sa iba’t ibang kapanahunan. Iisa pa rin ang Kanilang diwa. Samakatuwid, ang gawain ng Diyos Mismo ay ang gawain ng Banal na Espiritu, habang ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay walang iba kundi ang Banal na Espiritu na gumagawa. Ang gawain ng mga taong kinakasangkapan ay ang gawain din ng Banal na Espiritu. Subalit ang gawain ng Diyos ang ganap na pagpapahayag ng Banal na Espiritu, na talagang totoo, samantalang ang gawain ng mga taong kinakasangkapan ay may kahalong maraming bagay ng tao, at hindi ito ang tuwirang pagpapahayag ng Banal na Espiritu, lalong hindi ang Kanyang ganap na pagpapahayag. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay iba-iba at hindi limitado ng anumang mga kundisyon. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay nag-iiba-iba sa iba’t ibang tao; nagpapakita ito ng iba’t ibang diwa, at nagkakaiba-iba ayon sa kapanahunan, gayundin ayon sa bansa. Mangyari pa, bagama’t gumagawa ang Banal na Espiritu sa maraming iba’t ibang paraan at ayon sa maraming prinsipyo, paano man ginagawa ang gawain o sa anumang klase ng mga tao, palaging iba ang diwa nito; lahat ng gawaing ginagawa sa iba’t ibang tao ay may mga prinsipyo, at lahat ng iyon ay maaaring kumatawan sa diwa ng mga taong pinag-uukulan nito. Ito ay dahil ang gawain ng Banal na Espiritu ay medyo partikular ang saklaw at medyo sukat. Ang gawaing ginagawa sa nagkatawang-taong laman ay hindi kapareho ng gawaing isinasagawa sa mga tao, at nag-iiba-iba rin ang gawain ayon sa kakayahan ng mga taong ginagawan nito. Ang gawaing ginagawa sa nagkatawang-taong laman ay hindi ginagawa sa mga tao, at hindi ito kapareho ng gawaing ginagawa sa mga tao. Sa madaling salita, paano man ito ginagawa, ang gawaing isinasagawa sa iba’t ibang taong pinag-uukulan nito ay hindi kailanman pare-pareho, at ang mga prinsipyong pinagbabatayan ng Kanyang paggawa ay naiiba alinsunod sa mga kalagayan at likas na pagkatao ng iba’t ibang tao kung kanino Siya gumagawa. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa iba’t ibang tao batay sa kanilang likas na diwa at walang hinihiling na anuman sa kanila na lampas pa sa diwang iyon, ni hindi Siya gumagawa sa kanila na lampas pa sa kanilang likas na kakayahan. Kaya, ang gawain ng Banal na Espiritu sa tao ay tinutulutan ang mga tao na makita ang diwa ng taong pinag-uukulan ng gawaing iyon. Hindi nagbabago ang likas na diwa ng tao; limitado ang kanyang likas na kakayahan. Kinakasangkapan ng Banal na Espiritu ang mga tao o gumagawa sa kanila alinsunod sa mga limitasyon ng kanilang kakayahan, upang makinabang sila mula rito. Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga taong kinakasangkapan, lumalabas, hindi pinipigil, ang mga talento at likas na kakayahan ng mga taong iyon. Ang kanilang likas na kakayahan ay ibinubuhos sa paglilingkod sa gawain. Masasabi na kinakasangkapan Niya ang mga bahagi ng mga taong maaaring kasangkapanin sa Kanyang gawain, upang makamtan ang mga resulta sa gawaing iyon. Sa kabilang dako, ang gawaing isinasagawa sa nagkatawang-taong laman ay direktang ipinapahayag ang gawain ng Espiritu at hindi nahaluan ng isipan at mga saloobin ng tao; hindi ito kayang abutin ng mga kaloob ng tao, ni ng karanasan ng tao, ni ng likas na kundisyon ng tao. Ang layunin ng lahat ng napakaraming gawain ng Banal na Espiritu ay para makinabang at maturuan ang tao. Gayunman, maaaring gawing perpekto ang ilang tao habang ang iba ay walang taglay na mga kundisyon para maperpekto, na ibig sabihin ay hindi sila magagawang perpekto at halos hindi maliligtas, at kahit maaaring nagkaroon na sila ng gawain ng Banal na Espiritu, sa huli ay aalisin sila. Ibig sabihin ay kahit ang gawain ng Banal na Espiritu ay upang maturuan ang mga tao, hindi masasabi ng isang tao na lahat ng nagkaroon na ng gawain ng Banal na Espiritu ay ganap na gagawing perpekto, dahil ang landas na tinatahak ng maraming tao ay hindi ang landas tungo sa pagiging perpekto. Mayroon lamang silang gawain ng Banal na Espiritu, hindi ang pansariling pakikipagtulungan ni ang tamang pagsusumikap ng tao. Sa gayon, ang gawain ng Banal na Espiritu sa mga taong ito ay naglilingkod sa mga ginagawang perpekto. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi direktang makikita ng mga tao, ni hindi direktang mahahawakan ng mga tao mismo. Maipapahayag lamang ito ng mga pinagkalooban ng gawain, na ibig sabihin ay na ang gawain ng Banal na Espiritu ay ipinagkakaloob sa mga tagasunod sa pamamagitan ng mga pagpapahayag na ginagawa ng mga tao.

Ang gawain ng Banal na Espiritu ay isinasakatuparan at tinatapos sa pamamagitan ng maraming uri ng mga tao at maraming iba’t ibang kalagayan. Kahit ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay maaaring kumatawan sa gawain ng isang buong kapanahunan, at maaaring kumatawan sa pagpasok ng mga tao sa isang buong kapanahunan, ang gawain sa mga detalye ng pagpasok ng mga tao ay kailangan pa ring gawin ng mga taong kinakasangkapan ng Banal na Espiritu, hindi ng Diyos na nagkatawang-tao. Kaya, ang gawain ng Diyos, o ang sariling ministeryo ng Diyos, ay ang gawain ng nagkatawang-taong laman ng Diyos, na hindi magagawa ng tao para sa Kanya. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay tinatapos sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng mga tao; walang iisang taong makakagawa nito nang buo, at walang iisang taong makapagpapahayag nito nang lubusan. Yaong mga namumuno sa mga iglesia ay hindi rin maaaring kumatawan nang lubusan sa gawain ng Banal na Espiritu; maaari lamang silang gumawa ng ilang gawain ng pamumuno. Sa gayon ay maaaring hatiin ang gawain ng Banal na Espiritu sa tatlong bahagi: Ang sariling gawain ng Diyos, ang gawain ng mga taong kinakasangkapan, at ang gawain sa lahat ng nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang sariling gawain ng Diyos ay ang mamuno sa buong kapanahunan; ang gawain ng mga kinakasangkapan, na isinugo o tumanggap ng mga tagubilin nang matapos ng Diyos ang Kanyang gawain, ay mamuno sa lahat ng tagasunod ng Diyos, at sila ang mga taong nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos; ang gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu sa mga nasa daloy ay ang panatilihin ang lahat ng Kanyang sariling gawain, ibig sabihin, ang panatilihin ang Kanyang buong pamamahala at Kanyang patotoo, habang ginagawang perpekto kaagad yaong mga magagawang perpekto. Magkakasama, ang tatlong bahaging ito ang buong gawain ng Banal na Espiritu, ngunit kung wala ang gawain ng Diyos Mismo, ang gawaing pamamahala ay hindi makakasulong sa kabuuan nito. Ang gawain ng Diyos Mismo ay kinapapalooban ng gawain ng buong sangkatauhan, at kumakatawan din sa gawain ng buong kapanahunan, na ibig sabihin ay na ang sariling gawain ng Diyos ay kumakatawan sa bawat galaw at kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu, samantalang dumarating ang gawain ng mga apostol matapos ang sariling gawain ng Diyos at kasunod nito, at hindi ito ang namumuno sa kapanahunan, ni kumakatawan sa mga kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu sa isang buong kapanahunan. Ginagawa lamang nila ang gawaing kailangang gawin ng tao, na walang anumang kinalaman sa gawaing pamamahala. Ang gawaing isinakatuparan ng Diyos Mismo ay isang proyektong napapaloob sa gawaing pamamahala. Ang gawain ng tao ay tungkulin lamang na ginagampanan ng mga taong kinakasangkapan, at hindi ito nauugnay sa gawaing pamamahala. Sa kabila ng katotohanan na parehong gawain ng Banal na Espiritu ang mga ito, dahil sa mga pagkakaiba sa mga pagkakakilanlan at pagkakatawan ng gawain, may malinaw at makabuluhang pagkakaiba sa pagitan ng sariling gawain ng Diyos at gawain ng tao. Bukod dito, ang lawak ng gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu ay magkakaiba sa mga taong pinag-uukulan nito na may iba’t ibang pagkakakilanlan. Ito ang mga prinsipyo at saklaw ng gawain ng Banal na Espiritu.

Ang gawain ng tao ay nagpapahiwatig ng kanyang karanasan at kanyang pagkatao. Ang ibinibigay at ang gawain ng tao ay kumakatawan sa kanya. Ang kabatiran, pangangatwiran, lohika, at mayamang imahinasyon ng tao ay kasamang lahat sa kanyang gawain. Ang karanasan ng tao ay mas naipapahiwatig ang kanyang gawain, at ang mga karanasan ng isang tao ay nagiging mga bahagi ng kanyang gawain. Ang gawain ng tao ay maaaring magpahayag ng kanyang karanasan. Kapag negatibo ang karanasan ng ilang tao, karamihan sa pananalita ng kanilang pagbabahagi ay binubuo ng mga negatibong elemento. Kung positibo ang kanilang karanasan sa loob ng ilang panahon at lalo silang may isang landas sa positibong aspeto, lubhang nakakasigla ang kanilang ibinabahagi, at maaaring magtamo ng positibong mga panustos ang mga tao mula sa kanila. Kung ang isang manggagawa ay nagiging negatibo sa loob ng ilang panahon, laging magdadala ng negatibong mga elemento ang kanyang pagbabahagi. Nakakalungkot ang ganitong uri ng pagbabahagi, at hindi sinasadyang nalulumbay ang iba pagkatapos niyang magbahagi. Nagbabago ang kalagayan ng mga tagasunod batay sa kalagayan ng pinuno. Anuman ang nasa kalooban ng manggagawa, iyon ang kanyang ipinapahayag, at kadalasan ay nagbabago ang gawain ng Banal na Espiritu ayon sa kalagayan ng tao. Siya ay gumagawa ayon sa karanasan ng mga tao at hindi Niya sila pinipilit, ngunit humihingi Siya sa mga tao ayon sa normal na takbo ng kanilang karanasan. Ang ibig sabihin nito ay na ang pagbabahagi ng tao ay naiiba sa salita ng Diyos. Ipinararating ng ibinabahagi ng tao ang kanilang indibidwal na mga kabatiran at karanasan, ipinapahayag ang kanilang mga kabatiran at karanasan batay sa gawain ng Diyos. Ang kanilang responsibilidad ay alamin, pagkatapos gumawa o magsalita ang Diyos, kung ano ang kailangan nilang isagawa o pasukin, at pagkatapos ay ihatid ito sa mga tagasunod. Samakatuwid, ang gawain ng tao ay kumakatawan sa kanyang pagpasok at pagsasagawa. Mangyari pa, ang ganitong gawain ay may kahalong mga aral at karanasan ng tao o ilang saloobin ng tao. Paano man gumagawa ang Banal na Espiritu, sa tao man o sa Diyos na nagkatawang-tao, laging ipinapahayag ng mga manggagawa kung ano sila. Kahit ang Banal na Espiritu ang gumagawa, ang gawain ay nakasalig sa kung ano ang likas sa tao, dahil hindi gumagawa ang Banal na Espiritu nang walang pundasyon. Sa madaling salita, ang gawain ay hindi nagmumula sa wala, kundi ginagawa nang naaayon sa aktwal na mga pangyayari at tunay na mga kundisyon. Sa ganitong paraan lamang mababago ang disposisyon ng tao at ang kanyang dating mga kuru-kuro at dating saloobin. Ang ipinapahayag ng tao ay ang kanyang nakikita, nararanasan, at naiisip, at kaya itong abutin ng pag-iisip ng tao, kahit ito ay doktrina o mga kuru-kuro. Hindi malalampasan ng gawain ng tao ang saklaw ng karanasan ng tao, ni ng nakikita ng tao, ni ng kayang isipin o akalain ng tao, gaano man kalaki ang gawaing iyon. Lahat ng ipinapahayag ng Diyos ay kung ano Siya Mismo, at hindi ito kayang abutin ng tao—ibig sabihin, hindi ito kayang abutin ng pag-iisip ng tao. Ipinapahayag Niya ang Kanyang gawaing pamunuan ang buong sangkatauhan, at wala itong kaugnayan sa mga detalye ng karanasan ng tao, kundi sa halip ay may kinalaman ito sa Kanyang sariling pamamahala. Ang ipinapahayag ng tao ay ang kanyang karanasan, samantalang ang ipinapahayag ng Diyos ay ang Kanyang pagiging Diyos, na Kanyang likas na disposisyon, na hindi kayang abutin ng tao. Ang karanasan ng tao ay ang kanyang kabatiran at kaalamang nakamtan batay sa pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang pagiging Diyos. Ang ganitong kabatiran at kaalaman ay tinatawag na pagkatao ng tao, at ang batayan ng pagpapahayag ng mga iyon ay ang likas na disposisyon at kakayahan ng tao—kaya nga tinatawag din ang mga iyon na pagkatao ng tao. Nagagawang ibahagi ng tao ang kanyang nararanasan at nakikita. Walang sinumang maaaring makapagbahagi ng anumang hindi pa nila naranasan, hindi pa nila nakita, o hindi kayang abutin ng kanilang pag-iisip, dahil ang mga bagay na iyon ay wala sa kanilang kalooban. Kung ang ipinapahayag ng tao ay hindi nagmumula sa kanyang karanasan, imahinasyon niya iyon o doktrina. Sa madaling salita, walang realidad sa kanyang mga salita. Kung hindi ka pa kailanman nakipag-ugnayan sa mga bagay ng lipunan, hindi mo magagawang ibahagi nang malinaw ang kumplikadong mga ugnayan ng lipunan. Kung wala kang pamilya, kapag nag-usap-usap ang ibang mga tao tungkol sa mga problema sa pamilya, hindi mo mauunawaan ang karamihan sa sinabi nila. Kaya, ang ibinabahagi ng tao at ang gawaing kanyang ginagawa ay kumakatawan sa kanyang kalooban. Kung ibinahagi ng sinuman ang kanyang pagkaunawa tungkol sa pagkastigo at paghatol, ngunit wala kang karanasan doon, hindi ka mangangahas na tanggihan ang kanyang kaalaman, lalo nang hindi ka mangangahas na siyento-por-siyentong magtiwala roon. Ito ay dahil ang kanilang ibinabahagi ay isang bagay na hindi mo pa naranasan kailanman, isang bagay na hindi mo pa nalaman kailanman, at hindi iyon kayang isipin ng isip mo. Mula sa kanilang kaalaman, lahat ng matututuhan mo ay isang landas tungo sa pagdaan sa pagkastigo at paghatol sa hinaharap. Ngunit ang landas na ito ay maaaring maging isa lamang doktrinal na kaalaman; hindi ito makakapalit sa iyong sariling pagkaunawa, lalo na sa iyong karanasan. Marahil ay iniisip mo na ang sinasabi nila ay medyo tama, ngunit sa sarili mong karanasan, alam mo na hindi iyon praktikal sa maraming paraan. Marahil pakiramdam mo ay lubos na hindi praktikal ang ilan sa naririnig mo; nagkikimkim ka ng mga kuru-kuro tungkol doon sa oras na iyon, at bagama’t tinatanggap mo iyon, nag-aatubili ka pa rin. Ngunit sa sarili mong karanasan, ang kaalamang pinagmulan ng iyong mga kuru-kuro ang nagiging paraan mo ng pagsasagawa, at habang lalo kang nagsasagawa, lalo mong nauunawaan ang tunay na halaga at kahulugan ng mga salitang iyong narinig. Matapos magkaroon ng sarili mong karanasan, maaari mo nang banggitin ang kaalamang dapat mong taglayin tungkol sa naranasan mo. Dagdag pa rito, maaari mo ring tukuyin ang pagkakaiba sa pagitan ng mga taong tunay at praktikal ang kaalaman at ng mga taong ang kaalaman ay batay sa doktrina at walang halaga. Kaya, naaayon man sa katotohanan ang kaalamang sinasabi mo ay lubhang nakasalalay sa kung ikaw ay may praktikal na karanasan doon. Kapag may katotohanan sa iyong karanasan, magiging praktikal at mahalaga ang iyong kaalaman. Sa pamamagitan ng iyong karanasan, magtatamo ka rin ng paghiwatig at kabatiran, mapapalalim mo ang iyong kaalaman, at madaragdagan ang iyong karunungan at sentido kumon tungkol sa kung paano ka dapat kumilos. Ang kaalamang ipinapahayag ng mga taong walang taglay na katotohanan ay doktrina, gaano man iyon katayog. Ang ganitong uri ng tao ay maaaring napakatalino pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa laman ngunit hindi matukoy ang mga kaibhan pagdating sa mga espirituwal na gawain. Iyan ay dahil ang gayong mga tao ay wala ni isang karanasan man lamang sa mga espirituwal na bagay. Sila ang mga taong hindi naliliwanagan sa mga espirituwal na gawain at hindi nauunawaan ang mga espirituwal na bagay. Anumang uri ng kaalaman ang ipahayag mo, basta’t tungkol iyon sa iyong pagkatao, iyon ay iyong personal na karanasan, iyong tunay na kaalaman. Ang tinatalakay ng mga taong nagsasalita lamang ng doktrina—yaong mga taong walang taglay na katotohanan ni realidad—ay maaari ding tawaging kanilang pagkatao, dahil nakarating sila sa kanilang doktrina sa pamamagitan lamang ng malalim na pagninilay-nilay at ito ang bunga ng kanilang malalim na pagbubulay-bulay. Subalit ito ay doktrina lamang, walang iba kundi imahinasyon! Ang mga karanasan ng lahat ng uri ng mga tao ay kumakatawan sa mga bagay na nasa kanilang kalooban. Sinumang walang espirituwal na karanasan ay hindi maaaring magsalita tungkol sa kaalaman ng katotohanan, ni ng tamang kaalaman tungkol sa iba-ibang uri ng mga espirituwal na bagay. Ang ipinapahayag ng tao ay kung ano siya sa kanyang kalooban—iyan ang tiyak. Kung nais ng isang tao na magkaroon ng kaalaman tungkol sa mga espirituwal na bagay at sa kaalaman tungkol sa katotohanan, kailangan siyang magkaroon ng tunay na karanasan. Kung hindi ka makapagsalita nang malinaw tungkol sa sentido kumon sa buhay ng tao, paano ka pa makapagsasalita tungkol sa mga espirituwal na bagay? Yaong mga maaaring mamuno sa mga iglesia, tustusan ng buhay ang mga tao, at maging mga apostol sa mga tao ay kailangang magkaroon ng aktwal na karanasan; kailangang magkaroon sila ng tamang pagkaunawa tungkol sa mga espirituwal na bagay at ng tamang pagpapahalaga at karanasan sa katotohanan. Ang gayong mga tao lamang ang nararapat maging mga manggagawa o apostol na namumuno sa mga iglesia. Kung hindi, maaari lamang silang sumunod bilang pinakamababa at hindi maaaring mamuno, lalong hindi sila maaaring maging mga apostol na nagagawang tustusan ng buhay ang mga tao. Iyan ay dahil ang tungkulin ng mga apostol ay hindi upang magparoo’t parito o makipaglaban; iyan ay upang gawin ang gawain ng pagmiministeryo sa buhay at pamumuno sa iba sa pagbabago ng kanilang mga disposisyon. Yaong mga gumaganap sa tungkuling ito ay binigyan ng tagubiling bumalikat ng mabigat na responsibilidad, na hindi kakayaning gawin ng kahit sino. Ang uring ito ng gawain ay maaari lamang gawin ng mga yaon na may kahulugan ang buhay, ibig sabihin, yaong mga may karanasan sa katotohanan. Hindi ito maaaring gawin ng kahit sino na maaaring magbitiw, magparoo’t parito, o handang gugulin ang kanilang sarili; ang mga taong walang karanasan sa katotohanan, na hindi pa natabasan o nahatulan, ay hindi nagagawa ang ganitong uri ng gawain. Ang mga taong walang karanasan, ang mga taong walang realidad, ay hindi nakikita nang malinaw ang realidad dahil sila mismo ay walang ganitong uri ng pagkatao. Kaya, ang ganitong uri ng tao ay hindi lamang hindi nagagawang gawin ang gawaing mamuno, kundi, kung mananatiling wala sa kanila ang katotohanan sa loob ng mahabang panahon, magiging pakay sila ng pag-aalis. Ang kabatirang ipinapahayag mo ay maaaring magpatunay sa mga paghihirap na naranasan mo sa buhay, sa mga bagay kaya ka nakastigo, at sa mga isyu kaya ka nahatulan. Totoo rin ito sa mga pagsubok: Kung saan pinino ang isang tao, ay kung saan mahina ang isang tao—ito ang mga bagay kung saan may karanasan ang isang tao, kung saan may landas ang isang tao. Halimbawa, kung may isang taong nagdaranas ng mga kabiguan sa pagsasama nilang mag-asawa, madalas nilang ibabahagi, “Salamat sa Diyos, purihin ang Diyos, kailangan kong palugurin ang hangarin ng puso ng Diyos at ialay ang aking buong buhay, at kailangan kong ipaubaya nang lubusan ang pagsasama naming mag-asawa sa mga kamay ng Diyos. Handa akong ialay ang buong buhay ko sa Diyos.” Lahat ng bagay na nasa kalooban ng tao ay maaaring magpamalas kung ano siya sa pamamagitan ng pagbabahagi. Ang bilis ng pananalita ng isang tao, nagsasalita man siya nang malakas o tahimik—ang gayong mga bagay ay hindi mga bagay ng karanasan at hindi maaaring kumatawan sa kung ano ang mayroon sila at ano sila. Masasabi lamang ng mga bagay na ito kung ang katangian ng isang tao ay mabuti o masama, o kung mabuti o masama ang kanilang likas na pagkatao, ngunit hindi nito masasabi kung may karanasan ang isang tao. Ang kakayahang ipahayag ang sarili kapag nagsasalita, o ang kasanayan o bilis ng pananalita, ay nakukuha lamang sa pagsasanay at hindi makakapalit sa karanasan ng isang tao. Kapag bumabanggit ka tungkol sa iyong indibiduwal na mga karanasan, ibinabahagi mo ang para sa iyo ay mahalaga at lahat ng bagay na nasa iyong kalooban. Ang Aking pananalita ay kumakatawan sa Aking pagkatao, ngunit ang Aking sinasabi ay hindi kayang abutin ng tao. Ang Aking sinasabi ay hindi yaong nararanasan ng tao, at hindi iyon isang bagay na makikita ng tao; hindi rin iyon isang bagay na mahahawakan ng tao, kundi kung ano Ako. Kinikilala lamang ng ilang tao na ang Aking ibinabahagi ay ang Aking naranasan, ngunit hindi nila kinikilala na iyon ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu. Mangyari pa, ang Aking sinasabi ay ang Aking naranasan. Ako ang siyang nakagawa ng gawaing pamamahala sa loob ng anim na libong taon. Naranasan Ko ang lahat mula sa simula ng paglikha sa sangkatauhan hanggang ngayon; paanong hindi Ko iyon magagawang talakayin? Pagdating sa likas na pagkatao ng tao, nakita Ko na nang malinaw; matagal Ko na itong napagmasdan. Paanong hindi Ko iyon magagawang banggitin nang malinaw? Dahil nakita Ko na nang malinaw ang pinakadiwa ng tao, kwalipikado Akong kastiguhin ang tao at hatulan siya, dahil lahat ng tao ay nagmula sa Akin ngunit nagawang tiwali ni Satanas. Mangyari pa, kwalipikado rin Akong suriin ang gawaing Aking nagawa. Bagama’t ang gawaing ito ay hindi ginagawa ng Aking katawang-tao, ito ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu, at ito ang kung ano ang mayroon Ako at ano Ako. Samakatuwid, kwalipikado Akong ipahayag ito at gawin ang gawaing kailangan Kong gawin. Ang sinasabi ng mga tao ay ang naranasan nila. Iyon ang nakita nila, ang naaabot ng kanilang isipan, at ang nadarama ng kanilang mga pandama. Iyon ang maaari nilang ibahagi. Ang mga salitang sinambit ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ay ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu at nagpapahayag ng gawaing nagawa ng Espiritu, na hindi pa naranasan o nakita ng katawang-tao, subalit ipinapahayag pa rin Niya ang Kanyang pagkatao, sapagkat ang diwa ng katawang-tao ay ang Espiritu, at ipinapahayag Niya ang gawain ng Espiritu. Gawain iyon na nagawa na ng Espiritu, bagama’t hindi iyon maabot ng katawang-tao. Matapos ang pagkakatawang-tao, sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katawang-tao, binibigyan Niya ng kakayahan ang mga tao na malaman ang pagiging Diyos ng Diyos at tinutulutan ang mga tao na makita ang disposisyon ng Diyos at ang gawaing Kanyang nagawa. Ang gawain ng tao ay nagbibigay sa mga tao ng higit na kalinawan kung ano ang dapat nilang pasukin at kung ano ang dapat nilang maunawaan; kinapapalooban ito ng pag-akay sa mga tao tungo sa pag-unawa at pagdanas ng katotohanan. Ang gawain ng tao ay alalayan ang mga tao; ang gawain ng Diyos ay ang magbukas ng mga bagong landas at mga bagong kapanahunan para sa sangkatauhan, at ibunyag sa mga tao yaong hindi alam ng mga mortal, na nagbibigay-kakayahan sa kanila na malaman ang Kanyang disposisyon. Ang gawain ng Diyos ay pamunuan ang buong sangkatauhan.

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger