Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Sa Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang pasimulan ang bagong kapanahunan, baguhin ang paraan ng Kanyang paggawa, at gawin ang gawain ng buong kapanahunan. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay naging tao para magsalita mula sa iba’t ibang pananaw, upang tunay na makita ng tao ang Diyos, na Siyang Salitang nagpapakita sa katawang-tao, at mamasdan ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha. Ang gayong gawain ay ginagawa upang mas makamit ang mga layunin ng paglupig sa tao, paggawang perpekto sa tao, at pag-aalis sa tao, na siyang tunay na kahulugan ng paggamit ng mga salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang nararapat pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng mga salita, ang kabuuan ng gawaing nais gawin ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay natutupad. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ang mga tao ay inilalantad, inaalis, at sinusubukan. Nakita na ng mga tao ang mga salita ng Diyos, narinig ang mga salitang ito, at kinilala ang pag-iral ng mga salitang ito. Dahil dito, naniwala na sila sa pag-iral ng Diyos, sa walang-hanggang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, gayundin sa pagmamahal ng Diyos sa tao at sa Kanyang hangaring iligtas ang tao. Ang salitang “mga salita” ay maaaring simple at ordinaryo, ngunit ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang sansinukob, binabago ng mga ito ang puso ng mga tao, binabago ang kanilang mga kuru-kuro at dating disposisyon, at binabago ang dating anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng ngayon ang nakagawa sa ganitong paraan, at Siya lamang ang nangungusap nang gayon at pumaparito upang iligtas ang tao nang gayon. Mula sa oras na ito, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, na inaakay at tinutustusan ng Kanyang mga salita. Nabubuhay ang mga tao sa mundo ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng mga sumpa at pagpapala ng mga salita ng Diyos, at mas marami pang taong nagsimulang mabuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Ang mga salita at gawaing ito ay para lahat sa kaligtasan ng tao, para matupad ang kalooban ng Diyos, at para mabago ang orihinal na anyo ng mundo ng dating paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo gamit ang mga salita, ginagabayan Niya ang mga tao sa buong sansinukob gamit ang mga salita, at nilulupig at inililigtas Niya sila gamit ang mga salita. Sa huli, gagamitin Niya ang mga salita upang wakasan ang buong dating mundo, sa gayon ay makumpleto ang kabuuan ng Kanyang plano ng pamamahala. Sa buong Kapanahunan ng Kaharian, gumagamit ng mga salita ang Diyos upang gawin ang Kanyang gawain, at makamtan ang mga resulta ng Kanyang gawain. Hindi Siya gumagawa ng mga kababalaghan o nagsasagawa ng mga himala, kundi ginagawa lamang ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng mga salita. Dahil sa mga salitang ito, napapangalagaan at natutustusan ang tao, at nagtatamo ng kaalaman at tunay na karanasan. Sa Kapanahunan ng Salita, ang tao ay lubhang napagpala. Hindi siya nagdaranas ng pisikal na sakit at nagtatamasa lamang ng saganang panustos ng mga salita ng Diyos; nang hindi na kinakailangang pikit-matang maghanap o maglakbay, sa gitna ng kanyang kaginhawaan, nakikita niya ang pagpapakita ng Diyos, naririnig niya Siyang mangusap sa sarili Niyang bibig, tinatanggap niya yaong Kanyang ibinibigay, at personal Siyang binabantayan sa paggawa ng Kanyang gawain. Ito ang mga bagay na hindi natamasa ng mga tao noong nakaraang mga kapanahunan, at ito ay mga pagpapalang hindi nila matatanggap kailanman.

Matibay na naipasya ng Diyos na gawing ganap ang tao, at anumang pananaw ang pinagbabatayan ng Kanyang sinasabi, lahat ito ay para magawang perpekto ang mga tao. Ang mga salitang sinambit mula sa pananaw ng Espiritu ay mahirap maunawaan ng mga tao; wala silang paraan para makita ang landas para makapagsagawa, sapagkat limitado ang kanilang kakayahang umunawa. Ang gawain ng Diyos ay nagkakamit ng iba’t ibang epekto, at sa pagsunod sa bawat hakbang ng gawain ay mayroon Siyang layunin. Bukod pa riyan, kailangang mangusap Siya mula sa iba’t ibang pananaw, sapagkat sa paggawa lamang nito Niya maaaring gawing perpekto ang tao. Kung nagsasalita lamang Siya mula sa pananaw ng Espiritu, walang paraan para makumpleto ang yugtong ito ng gawain ng Diyos. Mula sa tono ng Kanyang pananalita, makikita mo na determinado Siyang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao. Kaya ano dapat ang unang hakbang para sa bawat isa sa mga naghahangad na magawang perpekto? Higit sa lahat, kailangan mong malaman ang gawain ng Diyos. Ngayon, nagsimula na ang isang bagong paraan sa gawain ng Diyos; nagbago na ang kapanahunan, nagbago na rin ang paraan ng paggawa ng Diyos, at iba na ang pamamaraan ng pagsasalita ng Diyos. Ngayon, hindi lamang nagbago ang paraan ng Kanyang gawain, kundi pati na ang kapanahunan. Ngayon ang Kapanahunan ng Kaharian. Ito rin ang kapanahunan ng pagmamahal sa Diyos. Isang patikim ito ng Kapanahunan ng Milenyong Kaharian—na siya ring Kapanahunan ng Salita, at kung saan gumagamit ang Diyos ng maraming kaparaanan ng pagsasalita upang gawing perpekto ang tao, at nagsasalita mula sa iba’t ibang pananaw upang tustusan ang tao. Sa pagpasok sa Kapanahunan ng Milenyong Kaharian, magsisimulang gumamit ang Diyos ng mga salita upang gawing perpekto ang tao, na tinutulutan ang tao na makapasok sa realidad ng buhay at inaakay siya patungo sa tamang landas. Dahil nakaranas ng napakaraming hakbang ng gawain ng Diyos, nakita na ng tao na ang gawain ng Diyos ay hindi nananatiling hindi nagbabago, kundi yumayabong at lumalalim nang walang tigil. Matapos itong maranasan ng mga tao nang napakatagal, patuloy na umiinog ang gawain, na paulit-ulit na nagbabago. Gayunman, gaano man ito nagbabago, hindi ito lumilihis kailanman mula sa layunin ng Diyos na maghatid ng kaligtasan sa sangkatauhan. Kahit magbago pa nang sampung libong beses, hindi ito lumilihis sa orihinal nitong layunin kailanman. Paano man maaaring magbago ang pamamaraan ng gawain ng Diyos, hindi kailanman lumalayo ang gawaing ito sa katotohanan o sa buhay. Ang kasama lamang sa mga pagbabago sa pamamaraan ng paggawa ng gawain ay isang pagbabago lamang sa ayos ng gawain, at sa pananaw na pinagbabatayan ng pagsasalita ng Diyos; walang pagbabago sa pinakabuod na layunin ng gawain ng Diyos. Ginagawa ang mga pagbabago sa tono ng tinig ng Diyos at sa pamamaraan ng Kanyang gawain upang may makamit na epekto. Ang isang pagbabago sa tono ng tinig ay hindi nangangahulugan ng pagbabago sa layunin o prinsipyo sa likod ng gawain. Ang pangunahing dahilan ng pananalig ng mga tao sa Diyos ay upang hangarin ang buhay; kung nananalig ka sa Diyos subalit hindi ka naghahangad ng buhay o naghahanap ng katotohanan o ng kaalaman tungkol sa Diyos, hindi ito pananalig sa Diyos! At makatotohanan bang hangarin pa ring makapasok sa kaharian upang maging hari? Ang pagkakamit ng tunay na pagmamahal para sa Diyos sa pamamagitan ng paghahangad ng buhay—ito lamang ang realidad; ang hangaring matamo at isagawa ang katotohanan—lahat ng ito ay realidad. Sa pagbasa sa mga salita ng Diyos, at pagdanas ng mga salitang ito, maiintindihan mo ang kaalaman tungkol sa Diyos sa gitna ng tunay na karanasan, at ito ang kahulugan ng tunay na maghangad.

Ngayon ang Kapanahunan ng Kaharian. Nakapasok ka man sa bagong kapanahunang ito ay depende sa kung nakapasok ka sa realidad ng mga salita ng Diyos, kung naging realidad ng buhay mo ang Kanyang mga salita. Ang mga salita ng Diyos ay ipinapaalam sa bawat tao upang, sa huli, lahat ng tao ay mabuhay sa mundo ng mga salita ng Diyos, at liliwanagan at tatanglawan ng Kanyang mga salita ang kalooban ng bawat tao. Kung, sa panahong ito, hindi ka maingat sa pagbasa sa mga salita ng Diyos, at wala kang interes sa Kanyang mga salita, nagpapakita ito na mali ang iyong kalagayan. Kung hindi ka makapasok sa Kapanahunan ng Salita, hindi gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu; kung nakapasok ka sa kapanahunang ito, gagawin Niya ang Kanyang gawain. Ano ang magagawa mo sa pagsisimula ng Kapanahunan ng Salita upang matamo ang gawain ng Banal na Espiritu? Sa kapanahunang ito, at sa gitna ninyo, isasakatuparan ng Diyos ang sumusunod na realidad: na bawat tao ay isasabuhay ang mga salita ng Diyos, maisasagawa ang katotohanan, at taimtim na mamahalin ang Diyos; na gagamitin ng lahat ng tao ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon at bilang kanilang realidad, at magkakaroon ng pusong nagpipitagan sa Diyos; at na, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, gagamit ang tao ng pangharing kapangyarihan kasama ang Diyos. Ito ang gawaing gagawin ng Diyos. Makakaya mo bang magpatuloy nang hindi binabasa ang mga salita ng Diyos? Ngayon, pakiramdam ng marami ay hindi nila kayang magpatuloy nang kahit isa o dalawang araw lamang nang hindi binabasa ang Kanyang mga salita. Kailangan nilang basahin ang Kanyang mga salita araw-araw, at kung hindi tutulutan ng panahon, sasapat nang makinig sila sa mga ito. Ito ang pakiramdam na ibinibigay ng Banal na Espiritu sa mga tao, at ito ang paraan na sinisimulan Niya silang antigin. Ibig sabihin, pinamamahalaan Niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salita, nang sa gayon ay makapasok sila sa realidad ng mga salita ng Diyos. Kung, pagkaraan ng kahit isang araw lamang na hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, makadarama ka ng kadiliman at pagkauhaw, at hindi mo ito matatagalan, ipinakikita nito na naantig ka na ng Banal na Espiritu, at na hindi ka pa Niya tinatalikuran. Ikaw, kung gayon, ay isang tao na nasa daloy na ito. Gayunman, kung pagkaraan ng isa o dalawang araw nang hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, wala kang anumang nadarama, kung hindi ka nauuhaw, at ni hindi ka man lamang naaantig, nagpapakita ito na tinalikuran ka na ng Banal na Espiritu. Nangangahulugan ito, kung gayon, na may hindi tama sa kalagayang nasa iyong kalooban; hindi ka pa nakapasok sa Kapanahunan ng Salita, at isa ka sa mga yaong naiwan. Gumagamit ang Diyos ng mga salita upang pamahalaan ang mga tao; maganda ang iyong pakiramdam kung kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, at kung hindi, wala kang landas na susundan. Ang mga salita ng Diyos ay nagiging pagkain ng mga tao, at ang puwersang nagtutulak sa kanila. Sinasabi sa Biblia na “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.” Ngayon, tatapusin ng Diyos ang gawaing ito, at isasakatuparan Niya ang katotohanang ito sa inyo. Paano nakakatagal ang mga tao nang maraming araw, noong araw, nang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos subalit nakakakain at nakakagawa pa rin tulad ng dati, ngunit hindi ganito ang nangyayari ngayon? Sa kapanahunang ito, mga salita lamang ang ginagamit ng Diyos upang pamahalaan ang lahat. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, hinahatulan at ginagawang perpekto ang tao, pagkatapos ay dinadala sa kaharian sa huli. Mga salita lamang ng Diyos ang makatutustos sa buhay ng tao, at mga salita lamang ng Diyos ang makakapagbigay sa tao ng liwanag at isang landas para magsagawa, lalo na sa Kapanahunan ng Kaharian. Basta’t hindi ka napapalayo mula sa realidad ng mga salita ng Diyos, araw-araw kang kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita, magagawa kang perpekto ng Diyos.

Ang paghahangad na mabuhay ay hindi isang bagay na maaaring madaliin; ang paglago sa buhay ay hindi nangyayari sa loob lamang ng isa o dalawang araw. Ang gawain ng Diyos ay normal at praktikal, at may isang proseso itong kailangang pagdaanan. Kinailangan ni Jesus na nagkatawang-tao ng tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon upang makumpleto ang Kanyang gawaing maipako sa krus—kaya paano naging napakahirap na gawin itong pagdadalisay sa tao at pagbabago ng kanyang buhay? Hindi madaling gumawa ng isang normal na tao na ipinapamalas ang Diyos. Totoo ito lalo na para sa mga taong isinisilang sa bansa ng malaking pulang dragon, na mahina ang kakayahan at nangangailangan ng matagal na panahon ng mga salita at gawain ng Diyos. Kaya huwag kang mainip na makakita ng mga resulta. Kailangan kang maging maagap sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at higit na magsikap sa mga salita ng Diyos. Kapag natapos mong basahin ang Kanyang mga salita, kailangan mong tunay na maisagawa ang mga iyon, lumago sa kaalaman, kabatiran, paghiwatig, at karunungan sa mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan nito, magbabago ka nang hindi mo namamalayan. Kung nagagawa mong tanggapin bilang prinsipyo mo ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pagbasa sa mga ito, pag-alam sa mga ito, maranasan ito, at pagsasagawa ng mga ito, lalago ka nang hindi mo namamalayan. May mga nagsasabi na hindi nila naisasagawa ang mga salita ng Diyos kahit matapos nila itong basahin. Bakit ka nagmamadali? Kapag naabot mo ang isang tiyak na tayog, magagawa mong isagawa ang Kanyang mga salita. Masasabi ba ng isang apat- o limang-taong-gulang na bata na hindi nila magawang suportahan o bigyang-dangal ang kanilang mga magulang? Dapat mong malaman kung gaano kataas ang iyong kasalukuyang tayog. Isagawa kung ano ang kaya mong isagawa, at iwasang maging isang tao na gumagambala sa pamamahala ng Diyos. Kainin at inumin lamang ang mga salita ng Diyos, at tanggapin iyon bilang iyong prinsipyo mula ngayon. Huwag kang mag-alala, sa ngayon, kung magagawa kang ganap ng Diyos. Huwag mo munang tuklasin iyon. Kumain at uminom lamang ng mga salita ng Diyos habang dumarating sa iyo ang mga iyon, at titiyakin ng Diyos na magawa kang ganap. Gayunman, may isang prinsipyong kailangan mong sundin sa pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita. Huwag mo itong gawin nang pikit-mata. Sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, sa isang dako, hanapin ang mga salitang dapat mong malaman—ibig sabihin, yaong may kaugnayan sa mga pangitain—at sa kabilang dako, hangaring malaman yaong dapat mong aktwal na isagawa—ibig sabihin, kung ano ang dapat mong pasukin. Ang isang aspeto ay may kinalaman sa kaalaman, at ang isa pa ay sa pagpasok. Kapag naintindihan mo iyang pareho—kapag naintindihan mo kung ano ang dapat mong malaman at kung ano ang dapat mong isagawa—malalaman mo kung paano kainin at inumin ang mga salita ng Diyos.

Sa pagpapatuloy, ang pag-uusap tungkol sa mga salita ng Diyos ang prinsipyong dapat mong sundin sa iyong pagsasalita. Karaniwan, kapag nagsasama-sama kayo, dapat kayong magbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, na ginagamit ang mga salita ng Diyos bilang nilalaman ng inyong mga pag-uusap, na pinag-uusapan kung ano ang alam ninyo tungkol sa mga salitang ito, kung paano ninyo isinasagawa ang mga ito, at kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu. Basta’t nagbabahagi ka ng mga salita ng Diyos, paliliwanagin ka ng Banal na Espiritu. Ang pagkakamit ng mundo ng mga salita ng Diyos ay nangangailangan ng pakikipagtulungan ng tao. Kung hindi mo ito papasukin, walang paraan ang Diyos upang gumawa; kung ititikom mo ang iyong bibig at hindi ka magbabahagi tungkol sa Kanyang mga salita, wala Siyang paraan para paliwanagin ka. Tuwing hindi ka naman abala, magbahagi ka tungkol sa mga salita ng Diyos, at huwag basta mag-abala sa walang-kabuluhang pagdadaldalan! Hayaan mong mapuspos ng mga salita ng Diyos ang buhay mo—saka ka lamang magiging isang tapat na mananampalataya. Hindi mahalaga kung mababaw ang iyong pagbabahagi. Kung walang kababawan, hindi magkakaroon ng kalaliman. Kailangan ay may isang proseso. Sa pamamagitan ng iyong pagsasanay, maiintindihan mo ang pagpapalinaw ng Banal na Espiritu sa iyo, at kung paano mas epektibong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos. Pagkaraan ng isang agwat ng pagsisiyasat, papasok ka sa realidad ng mga salita ng Diyos. Kung matibay kang nagpasyang makipagtulungan, saka mo lamang matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu.

Sa mga prinsipyo ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, ang isa ay may kaugnayan sa kaalaman, at ang isa pa ay sa pagpasok. Aling mga salita ang dapat mong malaman? Dapat mong malaman ang mga salitang may kaugnayan sa mga pangitain (tulad ng, yaong mga may kaugnayan sa kung aling kapanahunan ang napasok na ngayon ng gawain ng Diyos, ano ang nais makamit ng Diyos ngayon, ano ang pagkakatawang-tao, at iba pa; lahat ng ito ay may kaugnayan sa mga pangitain). Ano ang ibig sabihin ng landas na dapat pasukin ng tao? Tumutukoy ito sa mga salita ng Diyos na dapat isagawa at pasukin ng tao. Nasa itaas ang dalawang aspeto ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Mula ngayon, kainin at inumin ang mga salita ng Diyos sa ganitong paraan. Kung mayroon kang malinaw na pagkaunawa sa Kanyang mga salita tungkol sa mga pangitain, hindi na kailangang patuloy na magbasa sa lahat ng oras. Napakahalagang kumain at uminom ng iba pang mga salita tungkol sa pagpasok, tulad ng paano ibaling ang puso mo sa Diyos, paano patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos, at paano talikdan ang laman. Ito ang mga bagay na dapat mong isagawa. Kung hindi mo alam kung paano kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, imposible ang tunay na pagbabahagi. Kapag alam mo na kung paano kumain at uminom ng Kanyang mga salita, kapag naintindihan mo na kung ano ang mahalaga, magiging malaya ang pagbabahagi, at anumang isyu ang dumating, magagawa mong ibahagi at maintindihan ang realidad. Kung, kapag nagbabahagi ng mga salita ng Diyos, wala kang realidad, hindi mo pa naiintindihan kung ano ang mahalaga, na nagpapakita na hindi mo alam kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Maaaring nakakapagod para sa ilan ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos, na hindi isang normal na kalagayan. Ang normal ay hindi mapagod kailanman sa pagbasa sa mga salita ng Diyos, palaging mauhaw para sa mga ito, at palaging iniisip na mabuti ang mga salita ng Diyos. Ganito kumain at uminom ng mga salita ng Diyos ang isang taong tunay na nakapasok. Kapag nadarama mo na ang mga salita ng Diyos ay masyadong praktikal at siya mismong dapat pasukin ng tao; kapag nadarama mo na napakalaking tulong at kapaki-pakinabang sa tao ang Kanyang mga salita, at na ang mga ito ang panustos sa buhay ng tao—ang Banal na Espiritu ang nagbibigay sa iyo ng damdaming ito, at ang Banal na Espiritu ang umaantig sa iyo. Pinatutunayan nito na ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa iyo at na hindi ka pa tinalikuran ng Diyos. Ang ilang tao, na nakikita na ang Diyos ay laging nagsasalita, ay nagsasawa sa Kanyang mga salita, at iniisip na walang kahihinatnan kung basahin man nila ang mga ito o hindi—na hindi isang normal na kalagayan. Wala silang pusong nauuhaw na makapasok sa realidad, at ang gayong mga tao ay hindi nauuhaw ni nagpapahalaga na magawa silang perpekto. Tuwing nasusumpungan mo na hindi ka uhaw sa mga salita ng Diyos, nagpapakita ito na hindi normal ang iyong kalagayan. Noong araw, malalaman kung tumalikod na ang Diyos sa iyo kung payapa ang iyong kalooban at nakaranas ka ng kasiyahan o hindi. Ngayon ang mahalaga ay kung uhaw ka sa mga salita ng Diyos, kung ang Kanyang mga salita ay iyong realidad, kung ikaw ay tapat, at kung nagagawa mo ang lahat ng makakaya mo para sa Diyos. Sa madaling salita, hinahatulan ang tao sa pamamagitan ng realidad ng mga salita ng Diyos. Itinutuon ng Diyos ang Kanyang mga salita sa buong sangkatauhan. Kung handa kang basahin ang mga ito, liliwanagan ka Niya, ngunit kung hindi, hindi Niya gagawin iyon. Nililiwanagan ng Diyos ang mga nagugutom at uhaw sa katuwiran, at nililiwanagan Niya ang mga naghahanap sa Kanya. Sinasabi ng ilan na hindi sila niliwanagan ng Diyos kahit matapos nilang basahin ang Kanyang mga salita. Ngunit sa paanong paraan mo binasa ang mga salitang ito? Kung binasa mo ang Kanyang mga salita sa paraang tinitingnan ng isang taong nakakabayo ang mga bulaklak, at hindi pinahalagahan ang realidad, paano ka maliliwanagan ng Diyos? Paano Niya magagawang perpekto ang isang taong hindi nagpapahalaga sa mga salita ng Diyos? Kung hindi mo pinahahalagahan ang mga salita ng Diyos, hindi mapapasaiyo ang katotohanan ni ang realidad. Kung pinahahalagahan mo ang Kanyang mga salita, maisasagawa mo ang katotohanan, at saka lamang mapapasaiyo ang realidad. Kaya nga kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos sa lahat ng oras, abala ka man o hindi, masama man ang iyong sitwasyon o hindi, at sinusubukan ka man o hindi. Sa kabuuan, ang mga salita ng Diyos ang pundasyon ng pag-iral ng tao. Walang sinumang maaaring tumalikod sa Kanyang mga salita, kundi kailangang kumain ng Kanyang mga salita tulad ng pagkain nang tatlong beses sa isang araw. Ganoon ba kadaling magawang perpekto at maangkin ng Diyos? Nauunawaan mo man o hindi sa ngayon, at mayroon ka mang kabatiran sa gawain ng Diyos o wala, kailangan mong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos hangga’t maaari. Ito ang pagpasok sa isang maagap na paraan. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, magmadaling isagawa kung ano ang kaya mong pasukin, at pansamantalang isantabi kung ano ang hindi mo kayang pasukin. Maaaring marami sa mga salita ng Diyos ang hindi mo maunawaan sa simula, ngunit pagkaraan ng dalawa o tatlong buwan, marahil ay kahit isang taon, mauunawaan mo ito. Paano mangyayari ito? Ito ay dahil hindi magagawang perpekto ng Diyos ang mga tao sa loob ng isa o dalawang araw. Madalas, kapag binasa mo ang Kanyang mga salita, maaaring hindi mo ito maunawaan kaagad. Sa sandaling iyon, maaaring tila mga salita lamang ang mga iyon; kailangan mong maranasan ang mga iyon nang ilang panahon bago mo maunawaan ang mga iyon. Dahil napakarami nang nasabi ng Diyos, dapat mong gawin ang lahat upang kainin at inumin ang Kanyang mga salita, at pagkatapos, hindi mo namamalayan, mauunawaan mo ang mga ito, at hindi mo namamalayan, liliwanagan ka ng Banal na Espiritu. Kapag nililiwanagan ng Banal na Espiritu ang tao, madalas ay lingid ito sa kaalaman ng tao. Nililiwanagan at ginagabayan ka Niya kapag ikaw ay nauuhaw at naghahanap. Ang prinsipyo kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu ay nakasentro sa mga salita ng Diyos na iyong kinakain at iniinom. Lahat ng hindi nagpapahalaga sa mga salita ng Diyos at palaging iba ang saloobin tungkol sa Kanyang mga salita—na naniniwala, sa kanilang magulong pag-iisip, na walang halaga kung binabasa nila ang Kanyang mga salita o hindi—ay yaong mga walang realidad. Hindi makikita ang gawain ng Banal na Espiritu ni ang kaliwanagang hatid Niya sa gayong tao. Ang mga taong katulad nito ay nagpapadala lamang sa agos, mga mapagpanggap na walang totoong mga kakayahan, tulad ni Mr. Nanguo sa talinghaga.[a]

Kung wala ang mga salita ng Diyos bilang iyong realidad, wala kang tunay na tayog. Pagdating ng panahon ng pagsubok, tiyak na babagsak ka, at pagkatapos ay mabubunyag ang iyong tunay na tayog. Ngunit yaong mga regular na naghahangad na pumasok sa realidad, kapag puno ng mga pagsubok, ay nauunawaan ang layunin ng gawain ng Diyos. Ang isang taong may konsiyensya, at nauuhaw sa Diyos, ay dapat gumawa ng praktikal na pagkilos upang masuklian ang Diyos sa Kanyang pagmamahal. Yaong mga walang realidad ay hindi makakatayo nang matatag kahit sa harap ng walang-kuwentang mga bagay. Gayon ang pagkakaiba sa pagitan ng mga may tunay na tayog at ng mga wala. Bakit kaya ang ilan, bagama’t sila ay kapwa kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ay nagagawang tumayo nang matatag sa gitna ng mga pagsubok, samantalang ang iba ay tumatakas? Ang malinaw na pagkakaiba ay na walang tunay na tayog ang ilan; wala sa kanila ang mga salita ng Diyos upang magsilbing kanilang realidad, at ang Kanyang mga salita ay hindi nag-ugat sa kanilang kalooban. Kapag sinubukan na sila, narating na nila ang dulo ng kanilang landas. Kung gayon, bakit nagagawang manindigan ng ilan sa gitna ng mga pagsubok? Dahil ito sa nauunawaan nila ang katotohanan at mayroon silang isang pangitain, at nauunawaan nila ang kalooban ng Diyos at ang Kanyang mga hinihingi, at sa gayon ay nagagawa nilang manindigan sa oras ng mga pagsubok. Ito ay tunay na tayog, at ito rin ay buhay. Maaari ding basahin ng ilan ang mga salita ng Diyos, ngunit hindi ito isinasagawa, hindi sineseryoso ang mga ito; yaong mga hindi sineseryoso ang mga ito ay hindi pinahahalagahan ang pagsasagawa. Yaong mga walang mga salita ng Diyos para magsilbing kanilang realidad ay yaong mga walang tunay na tayog, at ang gayong mga tao ay hindi makapanindigan nang matatag sa oras ng mga pagsubok.

Kapag lumalabas ang mga salita ng Diyos, dapat mong tanggapin kaagad ang mga ito, at kainin at inumin ang mga ito. Gaano man karami ang nauunawaan mo, ang isang pananaw na kailangan mong paniwalaan nang husto ay ang pagkain at pag-inom, pag-alam, at pagsasagawa ng Kanyang mga salita. Ito ay isang bagay na dapat mong magawa. Huwag mo nang isipin kung gaano kataas ang iyong magiging tayog; magtuon ka lamang sa pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita. Dito dapat makipagtulungan ang tao. Ang iyong espirituwal na buhay higit sa lahat ay sikaping pumasok sa realidad ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pagsasagawa ng mga iyon. Huwag mong pagtuunan ang anupamang ibang bagay. Dapat magabayan ng mga lider ng iglesia ang lahat ng kanilang kapatid para alam nila kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Ito ang responsibilidad ng bawat isang lider ng iglesia. Bata man sila o matanda, lahat ay dapat ituring ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos na napakahalaga at dapat isapuso ang Kanyang mga salita. Ang pagpasok tungo sa realidad na ito ay nangangahulugan ng pagpasok sa Kapanahunan ng Kaharian. Ngayon, pakiramdam ng karamihan ng mga tao ay hindi sila mabubuhay nang hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, at pakiramdam nila ay sariwa ang Kanyang mga salita anumang oras. Ang ibig sabihin nito ay na nagsisimula silang tumahak sa tamang landas. Gumagamit ang Diyos ng mga salita upang gawin ang Kanyang gawain at tustusan ang tao. Kapag nasasabik at nauuhaw ang lahat para sa mga salita ng Diyos, papasok ang sangkatauhan sa mundo ng Kanyang mga salita.

Napakarami nang nasabi ng Diyos. Gaano karami ang nalaman mo? Gaano karami ang napasok mo? Kung hindi nagabayan ng isang lider ng iglesia ang kanilang mga kapatid tungo sa realidad ng mga salita ng Diyos, nagpabaya sila sa kanilang tungkulin, at nabigong tuparin ang kanilang mga responsibilidad! Malalim man o mababaw ang iyong pang-unawa, anuman ang antas ng iyong pang-unawa, kailangan mong malaman kung paano kumain at uminom ng Kanyang mga salita, kailangan mong pakinggan nang husto ang Kanyang mga salita, at unawain ang kahalagahan at pangangailangan ng pagkain at pag-inom ng mga iyon. Dahil napakarami nang nasabi ng Diyos, kung hindi mo kinakain at iniinom ang Kanyang mga salita, o sinisikap na matamo, o isagawa ang Kanyang mga salita, hindi ito matatawag na paniniwala sa Diyos. Dahil naniniwala ka sa Diyos, kailangan mong kainin at inumin ang Kanyang mga salita, danasin ang Kanyang mga salita, at isabuhay ang Kanyang mga salita. Ito lamang ang matatawag na paniniwala sa Diyos! Kung naniniwala ka sa Diyos sa salita subalit hindi mo naisasagawa ang anuman sa Kanyang mga salita o nakakagawa ng anumang realidad, hindi ito tinatawag na paniniwala sa Diyos. Sa halip, ito ay “paghahanap ng tinapay upang pawiin ang gutom.” Ang pagsasalita lamang ng mga walang-kuwentang patotoo, walang-silbing mga bagay, at mababaw na mga bagay, nang wala ni katiting na realidad: hindi bumubuo ang mga ito ng paniniwala sa Diyos, at talagang hindi mo naintindihan ang tamang paraan ng paniniwala sa Diyos. Bakit mo kailangang kainin at inumin ang mga salita ng Diyos hangga’t maaari? Kung hindi ka kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita kundi naghahangad ka lamang na makaakyat sa langit, paniniwala ba iyon sa Diyos? Ano ang unang hakbang na dapat gawin ng isang naniniwala sa Diyos? Sa anong landas ginagawang perpekto ng Diyos ang tao? Maaari ka bang magawang perpekto nang hindi ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos? Maituturing ka bang isang tao ng kaharian kung hindi nagsisilbing iyong realidad ang mga salita ng Diyos? Ano ba talaga ang ibig sabihin ng paniniwala sa Diyos? Ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat man lamang kumilos nang maayos sa labas; ang pinakamahalaga sa lahat ay ang mag-angkin ng mga salita ng Diyos. Anuman ang mangyari, hindi ka maaaring tumalikod kailanman mula sa Kanyang mga salita. Ang pagkilala sa Diyos at pagtupad sa Kanyang mga layunin ay nakakamit na lahat sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Sa hinaharap, bawat bansa, denominasyon, relihiyon, at sektor ay malulupig sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Magsasalita nang tuwiran ang Diyos, at lahat ng tao ay hahawakan ang mga salita ng Diyos sa kanilang mga kamay, at sa pamamagitan nito, magagawang perpekto ang sangkatauhan. Sa loob at sa labas, ang mga salita ng Diyos ay lumalaganap saanman: Sasambitin ng bibig ng sangkatauhan ang mga salita ng Diyos, magsasagawa alinsunod sa mga salita ng Diyos, at iingatan sa kalooban ang mga salita ng Diyos, na nananatiling babad sa mga salita ng Diyos kapwa sa kilos at kalooban. Sa ganito magagawang perpekto ang sangkatauhan. Yaong mga tumutupad sa mga layunin ng Diyos at nagagawang magpatotoo sa Kanya, ito ang mga taong nagtataglay ng mga salita ng Diyos bilang kanilang realidad.

Ang pagpasok sa Kapanahunan ng Salita—ang Kapanahunan ng Milenyong Kaharian—ang gawaing isinasakatuparan ngayon. Mula ngayon, magsanay ng pagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos. Tanging sa pagkain at pag-inom gayundin sa pagdanas ng mga salita ng Diyos mo maaaring isabuhay ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong magkaroon ng ilang praktikal na karanasan upang makumbinsi ang iba. Kung hindi mo maisasabuhay ang realidad ng mga salita ng Diyos, walang mahihimok! Lahat ng kinakasangkapan ng Diyos ay maaaring isabuhay ang realidad ng mga salita ng Diyos. Kung hindi ka makalilikha ng realidad na ito at makakapagpatotoo sa Diyos, nagpapakita ito na hindi nakagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at na hindi ka pa nagawang perpekto. Ito ang kahalagahan ng mga salita ng Diyos. Mayroon ka bang pusong uhaw sa mga salita ng Diyos? Yaong mga uhaw sa mga salita ng Diyos ay uhaw sa katotohanan, at ang gayong mga tao lamang ang pinagpapala ng Diyos. Sa hinaharap, marami pang salitang sasabihin ang Diyos sa lahat ng relihiyon at lahat ng denominasyon. Nagsasalita muna Siya at bumibigkas ng Kanyang tinig sa inyo upang gawin kayong ganap bago magpatuloy sa pagsasalita at pagbigkas ng Kanyang tinig sa mga Gentil upang lupigin sila. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, lahat ay taos-puso at lubos na makukumbinsi. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos at sa Kanyang mga paghahayag, nababawasan ang tiwaling disposisyon ng tao, nagtatamo siya ng anyo ng isang tao, at nababawasan ang kanyang masuwaying disposisyon. Ang mga salita ay gumagawa sa taong may awtoridad at nilulupig ang tao sa loob ng liwanag ng Diyos. Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa kasalukuyang kapanahunan, gayundin ang mga oras ng pagpapasya tungkol sa Kanyang gawain, ay matatagpuang lahat sa loob ng Kanyang mga salita. Kung hindi mo babasahin ang Kanyang mga salita, wala kang mauunawaan. Sa pamamagitan ng iyong sariling pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita, at pakikibahagi sa iyong mga kapatid at sa iyong aktwal na mga karanasan, matatamo mo ang buong kaalaman ng mga salita ng Diyos. Saka mo lamang magagawang tunay na maisabuhay ang realidad ng mga ito.

Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “sa talinghaga.”

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.