Tatlong Paalaala

Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dapat sa Kanya ka lamang maging tapat sa lahat ng mga bagay, at maki-ayon sa kalooban Niya sa lahat ng mga bagay. Gayunman, kahit naiintindihan ng lahat ang mensaheng ito, dahil sa sari-saring kahirapan ng tao—dahil sa kanyang kamangmangan, pagiging kakatuwa, at katiwalian, halimbawa na—ang mga katotohanang ito, na pinakamalinaw at pinakabatayan ng lahat, ay hindi ganap na nakikita sa kanya, kaya naman, bago maitaga sa bato ang katapusan ninyo, nararapat Kong sabihin sa inyo ang ilang mga bagay na may pinakamalaking kahalagahan sa inyo. Bago Ako magpatuloy, dapat muna ninyong maintindihan ito: Ang mga salitang sinasabi Ko ay mga katotohanang nakatuon sa buong sangkatauhan; hindi lamang sila tumutukoy sa isang tiyak na tao o uri ng tao. Samakatuwid, dapat ninyong tutukan ang pag-intindi sa mga salita Ko mula sa pananaw ng katotohanan, at dapat magkaroon ng saloobin ng ganap na pagkakatuon at katapatan; huwag ninyong balewalain ang isa mang salita o katotohanang sinasabi Ko, at huwag tratuhin nang basta-basta ang lahat ng mga salitang sinasabi Ko. Sa mga buhay ninyo, nakikita Kong marami kayong ginawang walang kinalaman sa katotohanan, kaya naman malinaw Kong hinihiling na maging mga lingkod kayo ng katotohanan, na hindi kayo magpaalipin sa kabuktutan at kapangitan, at huwag ninyong yurakan ang katotohanan o dungisan ang alinmang sulok ng tahanan ng Diyos. Ito ang paalaala Ko sa inyo. Magsasalita Ako ngayon tungkol sa paksang malapit sa atin.

Una, para sa kapakanan ng kapalaran ninyo, dapat ninyong hanapin ang pag-ayon ng Diyos. Ibig sabihin, yamang kinikilala ninyong kasapi kayo sa tahanan ng Diyos, dapat magdala kayo kung gayon ng kapayapaan ng isip sa Diyos at magbigay-kasiyahan sa Kanya sa lahat ng mga bagay. Sa madaling salita, dapat maprinsipyo kayo sa mga kilos ninyo at umaayon sa katotohanang nasa kanila. Kung mahigit ito sa iyo, kamumuhian at tatanggihan ka ng Diyos at itatakwil ng bawat tao. Kapag nahulog ka sa gayong kalagayan, hindi ka na kung gayon mabibilang sa tahanan ng Diyos, na siya mismong kahulugan ng hindi pag-ayon ng Diyos.

Pangalawa, dapat ninyong malamang gusto ng Diyos yaong mga tapat. Sa diwa, matapat ang Diyos, at kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos yaong mga lubos na tapat sa Kanya. Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso mo sa Diyos, pagiging wagas sa Diyos sa lahat ng mga bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng mga bagay, hindi pagtatago kailanman ng katotohanan, hindi pagsusubok na malinlang yaong mga nasa itaas at nasa ibaba mo, at hindi paggawa ng mga bagay upang manuyo lamang sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa mga kilos at mga salita mo, at hindi paglilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit dobleng hirap ito para sa inyo. Maraming mga tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa sa magsalita at kumilos nang tapat. Hindi kataka-takang may iba pa Akong lunas na nakalaan para sa mga hindi tapat. Mangyari pa, ganap Kong alam kung gaano kahirap sa inyo ang maging tapat. Sapagkat matatalino kayong lahat, napakahusay sa pagtimbang sa mga tao gamit ang sarili ninyong makitid na panukat, ginagawa nitong mas payak ang gawain Ko. At yamang niyayakap sa dibdib ng bawat isa sa inyo ang mga lihim ninyo, kung sa gayon, isa-isa Ko kayong ilalagay sa kapahamakan upang “turuan” sa pamamagitan ng apoy, at nang matapos nito ay maaaring maging pirmi kayo sa paniniwala sa mga salita Ko. Sa huli, aagawin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay matapat na Diyos,” kung saan hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy, “Mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Ipinagpapalagay Kong hindi kayo magiging kasing tagumpay nang tulad ninyo ngayon. At lalong hindi kayo magiging kasing “lalim at mahirap unawain” nang tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maaayos at wastong kumilos ang ilang mga tao, pinaghihirapan nilang magkaroon ng “maayos na pag-uugali,” subalit inilalantad nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganitong mga tao sa hanay ng mga tapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong isa kang tiyak na sumusubok biru-biruin ang Diyos. Kung tadtad ng mga palusot at walang halagang mga pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong kinasusuklamang isagawa ang katotohanan. Kung marami kang mga nakatagong kaalamang atubili kang ibahagi, kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isang kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman. Kung nakalulugod sa iyong mabuti ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubhang nagagalak kang maging isang tagapaglingkod sa tahanan ng Diyos, na gumagawa nang masigasig at matapat sa di-katanyagan, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at nagsisikap lamang na maging tapat na tao. Kung handa kang maging matapat, kung handa kang gugulin ang lahat ng nasa iyo, kung kaya mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at tumayong matatag sa patotoo mo, kung tapat ka hanggang sa puntong pagbibigay-kasiyahan lamang sa Diyos ang alam mo at hindi pagsaalang-alang ng sarili mo o pagkuha para sa sarili mo, sinasabi Kong ang ganitong mga tao ay yaong mga pinalulusog sa liwanag at siyang mabubuhay kailanman sa kaharian. Dapat mong malaman kung mayroong totoong pananampalataya at totoong katapatan sa loob mo, kung may tala ka ng pagdurusa para sa Diyos, at kung ganap kang nagpasakop sa Diyos. Kung kulang ka sa mga ito, nananatili sa loob mo ang pagsuway, panlilinlang, kasakiman, at pagdaing. Dahil malayo ang puso mo sa pagiging tapat, hindi ka kailanman nakatanggap ng positibong pagkilala mula sa Diyos at hindi kailanman namuhay sa liwanag. Kung paano masasaayos ang kapalaran ng isang tao sa huli ay nakasalalay sa kung mayroon siyang pusong tapat at kasimpula ng dugo, at kung may dalisay siyang kaluluwa. Kung isa kang taong lubhang hindi tapat, isang taong may pusong masama ang hangarin, isang taong marumi ang kaluluwa, tiyak na hahantong ka sa lugar kung saan pinarurusahan ang tao, tulad ng nakasulat sa talaan ng tadhana mo. Kung inaangkin mong lubha kang tapat, gayunpaman hindi kailanman nagawang kumilos alinsunod sa katotohanan o magpahayag ni isang totoong salita, naghihintay ka pa rin bang gantimpalaan ka ng Diyos? Umaasa ka pa rin bang ituturing ka ng Diyos na lubos Niyang minamahal? Hindi ba kakatwa ang ganitong pag-iisip? Nililinlang mo ang Diyos sa lahat ng mga bagay; paanong tatanggapin sa tahanan ng Diyos ang isang tulad mo, na marumi ang mga kamay?

Ito ang pangatlong bagay na nais Kong sabihin sa inyo: Ang bawat tao, sa pamumuhay niya sa buhay ng pananampalataya sa Diyos, ay nakagawa ng mga bagay na lumalaban at nanlilinlang sa Diyos. Hindi kailangang itala bilang pagkakasala ang ilang mga maling gawa, ngunit walang kapatawaran ang ilan; sapagkat maraming gawa ang lumalabag sa mga atas administratibo, na nagkakasala sa disposisyon ng Diyos. Marami sa mga nababahala sa kanilang sariling mga kapalaran ang maaaring magtanong kung anu-ano ang mga gawang ito. Dapat ninyong malamang likas kayong mga mapagmataas at mayayabang, at ayaw magpasakop sa mga katotohanan. Sa dahilang ito, sasabihin Ko sa inyo nang paunti-unti matapos kayong magmuni-muni sa mga sarili ninyo. Hinihimok Ko kayong magkaroon ng mas mahusay na pag-unawa sa nilalaman ng mga atas administratibo, at magsikap alamin ang disposisyon ng Diyos. Kung hindi, mahihirapan kayong panatilihing tikom ang mga labi ninyo, malayang mamamagaypay ng magarbong pananalita ang mga dila ninyo, at hindi sinasadyang magkakasala kayo sa disposisyon ng Diyos at mahuhulog sa kadiliman, na mawawalan ng presensiya ng Banal na Espiritu at ng liwanag. Sapagkat wala kayong prinsipyo sa mga kilos ninyo, sapagkat ginagawa at sinasabi mo ang hindi dapat, tatanggap ka ng naaangkop na ganti. Dapat mong malamang kahit wala kang prinsipyo sa salita at gawa, lubhang maprinsipyo ang Diyos sa dalawang bagay na ito. Pagkakasala sa Diyos, hindi sa isang tao, ang dahilan ng pagkakatanggap mo ng ganti. Kung sa buhay mo marami kang mga pagkakasala sa disposisyon ng Diyos, papunta ka sa pagiging anak ng impiyerno. Para sa tao, maaaring lumitaw na gumawa ka lamang ng iilang mga gawang salungat sa katotohanan, at wala nang iba. Alam mo ba, gayunpaman, na sa mga mata ng Diyos ay isa ka nang taong wala nang nauukol na handog para sa kasalanan? Sapagkat nilabag mo ang mga atas administratibo ng Diyos nang higit sa isang beses at, bukod dito, walang ipinakitang tanda ng pagsisisi, wala nang ibang paraan kundi malublob ka sa impiyerno, kung saan pinarurusahan ng Diyos ang tao. Gumawa ang isang maliit na bilang ng mga tao ng mga gawang lumabag sa mga prinsipyo, habang sumusunod sa Diyos, ngunit matapos silang mapakitunguhan at mabigyan ng gabay, unti-unti nilang natuklasan ang sarili nilang katiwalian, at matapos nito pumasok sa tamang landas ng realidad, at nananatili silang may matatag na saligan hanggang ngayon. Ang ganitong mga tao yaong mga mananatili hanggang sa huli. Gayunpaman, ang mga tapat ang hinahanap Ko; kung isa kang tapat na tao at isang taong kumikilos ayon sa prinsipyo, maaari kang maging pinagkakatiwalaan ng Diyos. Kung sa mga ikinikilos mo ay hindi ka nagkakasala sa disposisyon ng Diyos, at hinahanap mo ang kalooban ng Diyos, at may pusong gumagalang sa Diyos, kung gayo’y abot sa pamantayan ang pananampalataya mo. Sinumang hindi gumagalang sa Diyos at walang pusong nanginginig sa takot ay malamang lalabag sa mga atas administratibo ng Diyos. Maraming naglilingkod sa Diyos sa lakas ng silakbo ng damdamin nila ngunit walang pagkaunawa sa mga atas administratibo ng Diyos, at lalong walang sapantaha tungkol sa mga kahihinatnan ng mga salita Niya. Kaya naman, sa kanilang mabubuting mga layon, madalas silang nakakagawa ng mga bagay na gumagambala sa pamamahala ng Diyos. Sa mga malalang kalagayan, itinatapon sila, pinagkakaitan ng anumang karagdagang pagkakataong sumunod sa Kanya, at itataboy sa impiyerno, at tapos na ang lahat ng pakikisama sa tahanan ng Diyos. Gumagawa ang mga taong ito sa tahanan ng Diyos sa lakas ng mangmang na mabubuting layon nila, at nagtatapos sa pagpapagalit sa disposisyon ng Diyos. Dinadala ng mga tao sa tahanan ng Diyos ang mga paraan nila ng paglilingkod sa mga opisyal at mga panginoon at sinusubukang gamitin ang mga ito, iniisip nang may kahambugan na madaling magagamit ang mga ito dito. Hindi nila kailanman naipagpalagay na walang disposisyon ng tupa ang Diyos, kundi ng isang leon. Samakatuwid, yaong mga nakikisama sa Diyos sa unang pagkakataon ay walang kakayahang makipagtalastasan sa Kanya, sapagkat hindi tulad ng sa tao ang puso ng Diyos. Pagkatapos mo lamang maunawaan ang maraming mga katotohanan atsaka mo patuloy na makikilala ang Diyos. Hindi binubuo ng mga salita at mga doktrina ang kaalamang ito ngunit magagamit bilang kayamanan na sa pamamagitan nito makapapasok ka sa malapit na pagtitiwala ng Diyos, at bilang katibayang nalulugod Siya sa iyo. Kung kulang ka sa realidad ng kaalaman at hindi naaarmasan ng katotohanan, ang maalab mong paglilingkod ay magdadala lamang sa iyo ng pagkamuhi at pagkapoot ng Diyos. Sa ngayon dapat alam mo na hindi tulad ng pag-aaral ng teolohiya ang paniniwala sa Diyos!

Bagama’t maikli ang mga salitang ginagamit Ko upang pangaralan kayo, ang lahat ng inilarawan Ko ang siyang pinakakulang sa inyo. Dapat ninyong malamang para sa kapakanan ng huling gawain Ko sa tao ang sinasabi Ko ngayon, alang-alang sa pagtukoy ng pagtatapos ng tao. Hindi Ko ninanais na gumawa pa ng mas maraming gawaing wala namang layunin, ni hindi Ko ninanais ipagpatuloy ang paggabay sa mga taong walang pag-asa gaya ng bulok na kahoy, lalong hindi na ipagpatuloy ang pag-akay sa mga palihim na nagkikimkim ng masasamang mga balak. Marahil mauunawaan ninyo isang araw ang taimtim na mga layon sa likod ng mga salita Ko at ang mga naiaambag Ko para sa sangkatauhan. Marahil mauunawaan ninyo isang araw ang mensaheng magbibigay-daan sa inyo upang magpasya kayo sa sarili ninyong katapusan.

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger