Mga Salita sa Kung Paano Harapin ang Katotohanan at ang Diyos (Sipi 8)
Ano ang kalikasan ng problema ng pakikialam sa mga salita ng Diyos? Kung binabago mo ang mga salita ng Diyos at pinakikialaman ang Kanyang pananalita, katumbas ito ng pinakamalubhang pagsalungat at paglapastangan sa Diyos. Ang mga kauri lang ni Satanas ang may kakayahang gumawa ng ganitong masamang gawa, at katulad sila ng arkanghel. Sinabi ng arkanghel: “Diyos ko, kaya mong likhain ang langit at lupa at lahat ng bagay, at gumawa ng mga tanda at hiwaga—kaya ko rin itong gawin. Umupo ka sa trono, at gayon din ang gagawin ko. Pinaghaharian mo ang lahat ng bansa, at gayon din ako. Nilikha mo ang mga tao, at pinamamahalaan ko sila!” Ganito kamapagmataas ang arkanghel; wala itong taglay na anumang katwiran. Ang kalikasan ng pakikialam sa mga salita ng Diyos ay katulad ng sa arkanghel, ibig sabihin, ito ay isang pagpapamalas ng tuwirang pagsalungat sa Diyos at ng paglapastangan sa Diyos. Ang mga taong nakikialam sa mga salita ng Diyos ay ang mga pinakasumasalungat sa Kanya, at tuwiran nilang nilalabag ang Kanyang disposisyon. Pinakakinapopootan ng Diyos ang mga nakikialam sa Kanyang mga salita. Maaaring sabihin na ang pakikialam sa mga salita ng Diyos ay paglapastangan sa Diyos at sa Banal na Espiritu, at isang kasalanang walang kapatawaran. Maliban sa pakikialam ng mga tao sa mga salita ng Diyos, mayroon pang isang bagay na lumalabag sa disposisyon ng Diyos, ito ay kapag ang mga tao ay nangangahas na kaswal na baguhin ang mga pagsasaayos ng gawain, at pagkatapos ay ipinapasa ang mga ito sa iglesia upang ilihis ang mga hinirang ng Diyos, ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia. Ito rin ay isang pagpapamalas ng tuwirang pagsalungat sa Diyos, at isang bagay na lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Ang ilang tao ay talagang walang takot sa Diyos na puso. Naniniwala sila na ang mga gawain ng pagsasaayos ay isinulat ng tao, na ang mga ito ay nagmumula sa tao, at kung ang mga ito ay hindi umaayon sa mga haka-haka ng mga taong ito, binabago nila ang mga ito ayon sa kanilang kagustuhan. Alam ba ninyo kung alin sa mga atas administratibo ng Diyos ang nilalabag nito? (7. “Sa gawain at mga usapin ng iglesia, bukod pa sa pagpapasakop sa Diyos, dapat mong sundin ang mga tagubilin ng tao na ginagamit ng Banal na Espiritu sa lahat ng bagay. Kahit ang pinakamaliit na pagsuway ay hindi katanggap-tanggap. Kailangan mong maging ganap sa iyong pagsunod, at huwag mong suriin ang tama o mali; anuman ang tama o mali ay walang kinalaman sa iyo. Ganap na pagpapasakop lamang ang iyong dapat alalahanin” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian).) Ang mga bagay na lumalabag sa mga atas administratibo ay mga bagay na lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Hindi ba ninyo malinaw na nakikita iyan? Napakahambog ng saloobin ng ilang tao sa mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas. Naniniwala sila, “Ang itaas ang gumagawa ng mga pagsasaayos ng gawain, at tayo ang gumagawa ng mga gawain sa iglesia. Ang ilang salita at gawain ay maaaring ipatupad nang pleksible. Nasa sa atin na kung paano partikular na gagawin ang mga ito. Ang itaas ay nagsasalita lamang at gumagawa ng mga pagsasaayos ng gawain; tayo ang mga gumagawa ng praktikal na aksyon. Kaya, pagkatapos na maibigay sa atin ng itaas ang gawain, magagawa na natin ito ayon sa ating kagustuhan. Ayos lang kahit paano man ito gawin. Walang sinuman ang may karapatang makialam.” Ang mga prinsipyong sinusunod nila ay ang mga sumusunod: Pinakikinggan nila ang pinaniniwalaan nilang tama at binabalewala ang pinaniniwalaan nilang mali, itinuturing nila ang kanilang mga paniniwala bilang ang katotohanan at ang mga prinsipyo, nilalabanan nila ang anumang hindi naaayon sa kanilang kalooban, at labis silang kumokontra sa iyo ukol sa mga bagay na iyon. Kapag ang mga salita ng Itaas ay hindi naaayon sa kanilang kalooban, binabago nila ang mga ito, at ipinapasa lamang nila ang mga ito sa iba kapag naaayon na ang mga ito sa kanilang kagustuhan. Hindi nila pinahihintulutang maipasa ang mga ito nang wala ang kanilang pagsang-ayon. Bagamat sa ibang lugar ay ipinapasa nang walang pagbabago ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas, ang mga taong ito ay ipinapasa ang kanilang mga binagong bersyon ng mga pagsasaayos ng gawain sa mga iglesia na nasa ilalim ng kanilang pamamahala. Ninanais palagi ng mga gayong tao na isantabi ang Diyos; nananabik sila na ang lahat ay maniwala sa kanila, sumunod sa kanila, at magpasakop sa kanila. Sa kanilang isipan, may ilang larangan kung saan ang Diyos ay hindi nakakapantay sa kanila—kailangang maging Diyos din sila mismo, at kailangang maniwala sa kanila ang iba. Iyon ang kalikasan nito. Kung naunawaan ninyo ito, tatangis pa rin ba kayo kapag sila ay tinanggal? Maaawa pa rin ba kayo sa kanila? Iisipin pa rin ba ninyo, “Ang itaas ay kumilos nang hindi nararapat. Tinatrato nila nang hindi patas ang mga tao. Paano nila nagawang tanggalin ang gayong kasipag na tao?” Ang mga nagsasabi nito ay walang pagkilatis. Para kaninong kapakanan ba na sila ay nagsisipag? Para ba sa kapakanan ng Diyos? Para ba sa kapakanan ng gawain ng iglesia? Nagsisipag sila upang patibayin ang kanilang katayuan; nagsisipag sila upang makapagtayo ng mga nagsasariling kaharian. Naglilingkod ba sila sa Diyos? Ginagampanan ba nila ang kanilang mga tungkulin? Sila ba ay tapat at mapagpasakop sa Diyos? Sila ay pawang mga alipores ni Satanas, at kapag sila ay gumagawa, ang diyablo ang naghahari. Sinisira nila ang plano ng pamamahala ng Diyos at ginugulo ang gawain ng Diyos. Sila ay mga tunay na anticristo! Sinasabi ng ilang tao: “Tingnan ninyo kung gaano sila kasipag na nagtatrabaho—kinakailangan ng pagsisikap ang pagsulat ng lahat ng bagay na iyon, at ang pagpasa ng mga iyon sa mga iglesia.” Kung gayon ay hayaan ninyong tanungin Ko kayo, ang mga bagay bang isinusulat nila ay nakakapagpatibay sa mga tao? Ano ba mismo ang layuning nais nilang makamit? Mayroon ka bang pagkilatis sa mga usaping ito? Ano ang mga magiging kahihinatnan kung ikaw ay malihis nila? Naisip mo na ba iyon? Naaawa ang ilan sa ganitong mga tao, sinasabi: “Nagtatrabaho sila nang husto at hindi madaling isulat ang lahat ng bagay na iyon, kaya dapat silang patawarin ng sambahayan ng Diyos kung mayroong ilang paglihis o mga baluktot na bagay sa naisulat nila.” Ano ang problema sa pagsasabi nila nito? Makakamit ba talaga ng isang tao ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan lang ng pagtatrabaho nang husto? Para kaninong kapakanan ba ang pagtatrabaho nang husto ng mga taong ito? Kung hindi sila nagtatrabaho nang husto upang palugurin at bigyan ng kaluwalhatian ang Diyos, ngunit sa halip ay upang magkamit sila ng katayuan, kung gayon, kahit gaano pa sila magtrabaho nang husto, mayroon ba itong anumang katuturan o kahalagahan? Ang ganitong uri ng pagtatrabaho nang husto ay makasarili at mababa, masama at walang kahihiyan! Ano ang mga magiging kahihinatnan kung ang ganitong uri ng anticristo ay hindi tatanggalin? Guguluhin ng mga tao ang gawain ng iglesia ayon sa kanilang kagustuhan at sila ay magiging mga sumasalungat sa Diyos nang hindi nila namamalayan. Hindi ba’t ito ay nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos? Kung sila ay nagtatrabaho nang husto upang makamit ang mga sarili nilang mithiin, nagbibigay ba iyon sa kanila ng karapatang salungatin ang Diyos? Kung gayon ba ay dapat na silang sumalungat sa Kanya at maghimagsik sa Kanya? Dapat ba silang maging walang pakundangan at walang ingat, at tumangging magpasakop sa Kanya? Basta na lang ba nila magagawa ang anumang gusto nila? Ang mga hindi nagtataglay ng katotohanan, ang mga hindi nagpapasakop sa Diyos, at ang mga gustong kumilos lang nang walang pagkilatis, na nag-aakalang ang lahat ng ginagawa nila ay makatwiran at tama, ay pawang mga diyablo at alipores ni Satanas na naparito upang gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia! Kung bukod sa hindi mo makilatis ang ganitong mga tao, ay nakikisimpatiya ka pa sa kanila, lumuluha para sa kanila, at ipinagtatanggol sila, kung gayon ay wala ka ring kuwenta, ikaw ay isang taong nagugulumihanan at walang alam. Maaari mo pa ring isipin: “Hindi nagiging maunawain ang itaas sa damdamin ng mga taong ito. Nagtrabaho nang husto ang taong iyon at basta na lang siyang tinanggal ng itaas.” Kung sinasabi mo ito, ikaw rin ay isang alipores ni Satanas at ikaw ay sa diyablo. Maraming tao ang namumuhay alinsunod sa mga satanikong pilosopiya, hindi kailanman ibinubunyag o iniuulat ang mga huwad na lider at mga anticristo, hanggang isang araw ay may ginawang isang mapaminsalang bagay ang anticristo at napagtanto nila sa wakas na ito talaga ay isang kaso ng isang anticristo na nanlilihis ng mga tao. May mga haka-haka pa rin ang ilang tao tungkol dito at iniisip: “Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, kaya dapat alam ng Diyos na nagkatawang-taong kung gaano karaming anticristo ang mayroon sa iglesia. Kailangan pa ba naming iulat ang mga ito?” Hindi ba kakatwa ang mga taong nagsasabi nito? Sa ngayon, ang Diyos ay kumikilos sa loob ng pagkatao, at ang taong ginagamit ng Diyos ay isang normal na tao, kaya kung hindi siya nagkaroon ng direktang ugnayan sa mga usapin ng iglesia, paano niya malalaman ang tungkol sa mga bagay na ito? Maraming beses, kapag mayroong mga insidente ng mga anticristo, na nalulutas lamang ang mga problema pagkatapos silang iulat at ibunyag ng ilang tao, at ipinag-utos ng Itaas ang isang imbestigasyon. Habang gumagawa at inaakay ang mga tao sa normal na pagkatao, ang Diyos ay hindi naman talaga supernatural at Siya ay napakapraktikal, ngunit dinadaig, nilulupig, at ipinahihiya Niya si Satanas. Tanging sa ganitong paraan naihahayag ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat at ang Kanyang karunungan. Ganito kapraktikal ang gawain ng Diyos; isinasaayos Niya ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay na ito upang ang Kanyang mga hinirang ay matuto ng mga aral, magkamit ng pagkakilala, at mapalawak ang kanilang kaalaman. Sa sandaling ang Kanyang mga hinirang ay magkamit ng pagkakilala, hindi magagawang takasan ng mga huwad na lider, mga anticristo, at masasamang tao ang paghatol ng Diyos. Gagamitin ng Diyos ang mga katunayan upang ibunyag sila at upang bigyan ng kakayahan ang lahat ng Kanyang mga hinirang na makakita nang malinaw at makaunawa. Hindi ba’t maraming masasamang tao at mga anticristo ang nabunyag at natiwalag noon? Wala bang malinaw na nakakikita sa usaping ito? Kung gayon, ikaw ay masyadong nagugulumihanan!
Bagama’t hindi nauunawaan ng ilang tao ang ilang bahagi ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, nagagawa pa rin nilang magpasakop, sinasabing: “Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama at may kahulugan. Kung hindi natin ganap na nauunawaan ang mga pagsasaayos ng gawain, dapat ay magpasakop muna tayo sa mga ito. Hindi natin maaaring husgahan ang Diyos! Dapat makinig pa rin tayo sa mga pagsasaayos ng gawain, kahit na ang mga ito ay hindi naaayon sa mga haka-haka natin, dahil tayo ay mga tao, at ano ang nakikita ng isip ng tao? Dapat ay magpasakop na lang tayo sa mga pagsasaayos ng Diyos; darating ang araw na mauunawaan natin ang mga ito. Kapag umabot tayo sa araw na iyon at hindi pa rin natin ganap na maunawaan ang mga ito, dapat pa rin tayong taos-pusong magpasakop. Tayo ay mga tao, at dapat tayong magpasakop sa Diyos. Ito ang dapat nating gawin.” Ngunit naiiba ang ilang tao, at kapag nakikita nila ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, pag-aaralan muna nila ang mga ito, sinasabing: “Ito ang sinasabi ng diyos, at ang mga ito ang kanyang mga hinihingi. Ang unang aytem ay mukhang ayos naman, ngunit ang ikalawa ay hindi masyadong akma kaya babaguhin ko ito.” Mayroon bang takot sa Diyos na puso ang ganitong mga tao? Kung binabago mo ang mga pagsasaayos ng gawain ayon sa kagustuhan mo, ano ang kalikasan ng problemang ito? Hindi ba’t ito ay nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Ang mga bagay ba na tinataglay mo ang katotohanan? Kung nasa iyo talaga ang katotohanan, bakit hindi mo ito ipahayag? Bakit binabago mo ang mga salita ng Diyos? Anong disposisyon ang inihahayag mo sa paggawa nito? Ito ay isang mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon, isang disposisyong hindi sumusunod kaninuman. Kung nangangahas kang pumili at magpasya pagdating sa mga pagsasaayos ng Diyos, mayroong malubhang problema sa iyong pananaw at disposisyon. Dapat mayroong pagkakilala sa ganitong mga tao ang mga hinirang ng Diyos. Una, ang mga ganitong tao ay hindi makakapagbahagi tungkol sa katotohanan upang lutasin ang mga problema, ngunit naniniwala silang nauunawaan nila ang katotohanan at hindi sila susunod kaninuman. Pangalawa, kapag mayroon silang mga haka-haka tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain, hindi nila binabanggit ang mga ito sa sambahayan ng Diyos, sa halip ay ipinagkakalat lamang nila ang mga ito. Pangatlo, kapag mayroon silang mga haka-haka tungkol sa Diyos at sa mga gawain ng sambahayan ng Diyos, bukod sa hindi nila nilulutas ang mga ito, inuudyukan pa nila ang mga hinirang ng Diyos na magkaroon ng mga haka-haka tungkol sa Kanya, at na tumindig at lumaban sa Kanya, upang puwersahin Siyang kumilos alinsunod sa kanilang mga kagustuhan at upang sa huli ay magpasakop Siya. Batay sa tatlong pag-uugaling ito, makatitiyak ang isang tao kung anong uri ang mga taong ito. Sila ba ay mga taong naghahanap sa katotohanan at nagpapasakop sa Diyos? Siguradong hindi. Hindi nila hinahanap ang katotohanan kahit kaunti at hindi rin sila nasisiyahan sa Diyos. Mayroon silang mga haka-haka tungkol sa Diyos, at ipinagkakalat nila ang mga haka-hakang ito, na nagdudulot na ang lahat ay magkaroon ng mga haka-haka tungkol sa Kanya at tumindig upang labanan at salungatin Siya. Batay rito, mailalarawan sila bilang mga tunay, ganap na anticristo. Paano dapat pangasiwaan ang ganitong mga tao? Dapat ba silang tulungan nang may pagmamahal? Walang silbi ang tulungan sila, dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Paano kung pungusan sila? Ito rin ay walang halaga, dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Kung hindi matanggap ng mga nananalig sa Diyos ang katotohanan, ito ay isang seryosong problema at isang kakila-kilabot na bagay! Kung tinitingnan mo ang usaping ito nang napakasimple at naniniwala kang hindi ito isang malaking isyu, darating ang araw na magkakasala ka sa Diyos. Nakakita na Ako ng ilang taong ganito, at kahit na hindi pa sila napapaalis, ang kanilang kalalabasan ay naitakda na: Sila ay ititiwalag.
Kahit paano, dapat na mayroong pusong may takot sa Diyos ang mga nananalig sa Diyos. At ano ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos? Dapat ay takot sa Diyos ang mga tao, dapat ay ginagawa nila ang lahat ng bagay nang may pag-iingat at pangangalaga, nagbibigay ng oportunidad sa kanilang sarili upang makaangkop, at hindi lamang basta ginagawa ang anumang gusto nila. Halimbawa, kapag tinatanggal ng sambahayan ng Diyos ang ilang huwad na lider, sinasabi ng ilang tao: “Hindi ako sigurado tungkol sa bagay na ito. Hindi natin alam kung ano mismo ang ginawa nila, at kahit na alam natin, hindi natin lubos na nauunawaan ang kalikasan ng mga bagay na ginawa nila. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama, at darating palagi ang isang araw na gagawin Niyang malinaw ang mga bagay at tutulutang maunawaan natin ang Kanyang layunin.” Kung hindi mo nauunawaan kung bakit ginagawa ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, ngunit kaya mo pa ring magpasakop, kung gayon, ikaw ay isang medyo debotong tao na masasabing medyo may takot sa Diyos na puso. Kung hindi mo nauunawaan, ngunit sinasalungat mo pa rin ang Diyos at ginugulo ang gawain ng iglesia, iyan ay nangangahulugan ng gulo. Sa tuwing tinatanggal ng iglesia ang ilang huwad na lider at itinitiwalag ang ilang anticristo, ang ilan sa kanilang matitibay na tagasuporta ay palaging naninindigan at ipinagtatanggol sila, hinuhusgahan ang Diyos sa publiko nang dahil dito, sinasabing hindi Siya matuwid, at hinihiling sa Banal na Espiritu na ihayag ang bagay na ito. Para sa ganitong mga tao, kahit na katangi-tangi ang kanilang paglilingkod kapag pinapalaganap ang ebanghelyo at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, wala sa mga ito ang mahalaga. Itatakda ng isang pagtataksil ang iyong kapalaran magpakailanman. Dapat mong makita nang malinaw ang diwa ng pagtataksil; huwag mong isiping hindi ito isang malaking usapin. Masasabing lahat kayo ay sumalungat sa Diyos, na lahat kayo ay nagkasala. Gayunpaman, ang kalikasan ng inyong pagsalungat at mga pagkakasala ay magkakaiba. Ang kalikasan ng usaping kababanggit Ko pa lang ay napakalubha at bumubuo sa pampublikong paghusga at pagsalungat sa Diyos. Palaging mahilig magsulat ng ilang bagay ang ilang tao, ilang sulat na kaswal nilang pinaiikot sa iglesia. Ito ba ay naaayon sa mga prinsipyo? Ang mga isinusulat ba nila ay tunay na patotoo? Ang mga ito ba ay buhay karanasan? Ang mga ito ba ay nagpapatibay sa mga hinirang ng Diyos? Kung hindi naman pala, ngunit ang mga ito ay kaswal pa ring pinaiikot ng mga taong ito sa iglesia, kung gayon ay nililihis nila ang mga tao, nagpapakalat ng mga maling pananampalataya at paniniwala, binabaluktot ang mga katunayan, ginugulo ang tama at mali, at nagsasalita ng pawang walang katuturan. Gusto pa ngang magsulat ng ilang tao ng sarili nilang aklat, pagkatapos ay ipadadala ito sa iglesia para sila ay maging sikat. Hindi pa ba natuto ang mga tao ng isang malalim na leksyon mula sa halimbawa ni Pablo? Gusto mo pa ring magsulat ng isang aklat, magsulat ng iyong “talambuhay ng isang kilalang tao” at sumulat ng isang “Buod ng Katotohanan.” Wala kang anumang katwiran! Kung may kakayahan ka, sumulat ka ng ilang piraso ng patotoong batay sa karanasan. Hindi ka pa ba nahusgahan at nagdusa nang sapat nitong ilang taon na ikaw ay nanalig sa Diyos? Hindi mo pa rin ba nakikita nang malinaw ang bagay na ito? Ano ang nauunawaan ng mga tao? Ang mga salita at doktrinang sinasambit mo ay hindi makalulutas kahit pa sa mga sarili mong problema, at nais mo pang ibahagi ang mga ito sa iba. Wala ka talagang kaalaman sa sarili mo! Bakit naglilimbag at nagpapadala ng mga aklat ang sambahayan ng Diyos sa pare-parehong paraan? Dahil ang karamihan sa mga aklat na ito ay naglalaman ng mga salita ng Diyos, at ang iba pa ay pawang binubuo ng mga tunay na patotoong batay sa karanasan ng mga hinirang ng Diyos. Ang lahat ng ito ay mga positibong bagay na kailangan ng mga hinirang ng Diyos, at kaya, ang mga aklat na ipinapadala ng sambahayan ng Diyos sa pare-parehong paraan ay kailangang lahat para sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos. Ang paraang ito ng paggawa ng mga bagay-bagay ay nagmumula rin sa patnubay ng Banal na Espiritu. Nauunawaan ninyong lahat na ang mga aklat na ipinapadala ng sambahayan ng Diyos sa pare-parehong paraan ay labis na mahalaga at kinakailangan. Alam na alam ninyo ang mga benepisyong makakamit ninyo mula sa pakikinig sa mga sermon, kaya kung mayroon kayong pagkakilala sa mga bagay na pinapakalat ng mga huwad na lider at anticristo, magagawa ninyong tunay na makilatis ang mga huwad na lider at anticristo. Ngunit sa inyong kasalukuyang tayog, nauunawaan lamang ninyo ang maraming doktrina tungkol sa pananalig sa Diyos, at hindi pa rin malinaw sa iyo ang katotohanan. Mayroong ilang mahalagang usaping hindi pa rin ninyo lubos na nauunawaan, na tila malabo at hindi malinaw sa inyo, at kaya wala pa rin kayong taglay na anumang katotohanang realidad at hindi pa rin kayo masyadong mapagkilatis. Paano man kumikilos o nagsasalita ang sinuman sa iglesia, wala kayong malinaw na pagkilatis dito. Naniniwala ang ilang tao na basta’t mahusay magsalita ang isang tao, makapagpapatotoo siya tungkol sa Diyos, at na ang mga hindi mahusay magsalita ay hindi makakapagsalita tungkol sa patotoong batay sa karanasan kahit na mayroon sila nito. Tama ba sila tungkol dito? Sila ay lubhang nagkakamali; ang patotoong batay sa karanasan ay praktikal kahit paano pa ito ipinapahayag, at kung ang isang tao ay walang patotoong batay sa karanasan, ang sinasabi niya ay hindi praktikal, kahit gaano pa siya kahusay magsalita tungkol sa mga doktrina. Bakit ganito? Ang pagsasalita tungkol sa mga salita at doktrina ay hindi kumakatawan na ang isang tao ay nagtataglay ng katotohanang realidad, at kahit na nauunawaan niya ang kaunting katotohanan, ang pagkaunawang ito ay masyado pa ring mababaw at limitado, at hindi talaga siya makapagsusulat ng tungkol sa patotoong batay sa karanasan. Kung ang isang tao ay walang patotoong batay sa karanasan, ngunit walang pakundangan pa rin siyang nagsasalita ng mga salita at doktrina at nagleleksyon sa mga tao, siya ay naging isa nang mapagpaimbabaw na Pariseo. Nakagagawa lang siya ng huwad na patotoo upang ilihis ang mga tao. Ang mga gumagawa nito ay susumpain ng Diyos. Hindi nakasalalay sa kahusayan sa pagsasalita kung ang isang tao ay makapagpapatotoo nang tunay o hindi. Tingnan mo kung gaano karami ang patotoong batay sa karanasan ni Pedro—gaano karaming liham ang isinulat niya? Gaano karaming artikulo ng patotoo ang isinulat niya? Maaaring kakaunti lang ito, ngunit sinang-ayunan ng Diyos si Pedro bilang ang taong labis na nakakikilala sa Kanya, at bilang ang isang taong tunay na nagmamahal sa Kanya. Kung tunay na mayroon kang patotoong batay sa karanasan, kung gayon ay tiyak na nagbago ka na at lalo pang naging maganda ang pag-uugali mo. Hindi mo na gagawin ang mga masigasig na bagay na iyon, ang mga bagay na inakala mong mabuti. Kapag napagtanto mo kung gaano kawalang-halaga, kahikahos, at kahabag-habag ang tao, hindi ka mangangahas na kumilos nang walang pakundangan, o na magsulat ng isang aklat o ng sariling talambuhay. Ang lahat ng nagnanais na magsulat ng mga aklat o ng mga sariling talambuhay, o patatagin ang kanilang mga reputasyon sa pamamagitan ng diumano’y pagbibigay ng ilang kontribusyon, ay pawang mapagmataas, may labis na pagtingin sa sarili, at mga taong ambisyoso na masyadong mataas ang tingin sa kanilang mga sariling kakayahan, na walang takot sa Diyos na puso, at na mahilig sundin ang sarili nilang kalooban sa kanilang mga pagkilos. Lahat ng mga taong tunay na naghahangad sa katotohanan ay itinutuon ang kanilang pansin sa pagganap nang maayos sa kanilang mga tungkulin, sa pag-unawa sa katotohanan, at sa pagkilos alinsunod sa mga prinsipyo. Iniisip nilang ang pagganap nang maayos sa tungkulin ng isang tao, pagbabago ng disposisyon, pagpasok sa katotohanang realidad, at pagkakaroon ng tunay na patotoong batay sa karanasan ay mas mabuti kaysa sa anumang bagay. Ang mga kayang maghangad sa ganitong paraan ay ang pinakamatatalinong tao, at sila ang pinakanagtataglay ng katwiran.